ChrisshaBelle Salcedo October 11, 2014 May alam ka bang aklat o akdang pampanitikan sa kasalukuyang panahon na nagpapatungkol sa pang- uuyam o sarcastic ang tema? Maaaring meron! At di rin natin maikakaila na laganap na rin ang mga ganitong tema kahit sa telebisyon at sa iba pang media ngayon. Subalit, di lang sa kasalukuyang panahon nauso ang ganitong tema. Kahit sa panahon pa ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas ay usong-uso na ito, at ang mga prayle ang madalas na pinupuntirya ng mga akdang nalilikha noon. Isang halimbawa na lamang nito ay ang isinulat ni Marcelo H. Del Pilar noong 1888 na “Dasalan at Tocsohan.”
Ito’y isang akdang nakakatawa dahil
ipinapakita dito kung paano sobrang kaiba o kabaliktaran ang ginagawi ng mga prayle noon sa kanilang mga sinasabi sa mga Pilipino. Kitang-kita dito ang matinding kabalintunaan ng pagiging “banal” ng mga prayle noon sa Pilipinas. Subalit sa isang banda, nakakalungkot din ang akda at kung mababasa mo ito’t ilalagay mo ang sarili mo sa kalagayang panlipunan noon sa Pilipinas, masasabi mong nakakapukaw ito ng isipan at damdaming mapanghimagsik dahil binigyang diin sa akdang ito ang mga panlilinlang at pagsasamantalang ginagawa noon ng mga prayle sa mga Pilipino. Narito ang ilang halimbawa ng mga parody ng mga dasal sa akdang ito ni Marcelo H. Del Pilar: Ang Tanda ng Cara-i-Cruz (Parody ng “Sign of the Cross“) Ang tanda nang cara-i-cruz ang ipangadya mo sa amin Panginoon naming Fraile sa manga bangkay naming, sa ngalan nang Salapi at nang Maputing binte, at nang Espiritung Bugaw. Siya naua. Panginoon Kong Fraile (Parody ng “The Act of Contrition”) Panginoon kong Fraile, Dios na hindi totoo at labis nang pagkatuo gumaga at sumalacay sa akin: pinagsisihan kong masakit sa tanang loobang dilang pag-asa ko sa iyo, ikaw nga ang berdugo ko. Panginoon ko at kaauay ko na inihihibic kong lalo sa lahat, nagtitica akong matibay na matibay na dina muli- muling mabubuyo sa iyo: at lalayuan ko na at pangingilagan ang balanang makababacla nang loob ko sa pag-asa sa iyo, macalilibat nang dating sakit nang manga bulsa ko, at nagtitica naman acong maglalathala nang dilang pagcadaya ko umaasa akong babambuhin ka rin, alang-alang sa mahal na panyion at pangangalakal mo nang Cruz, sa pagulol sa akin. Siya naua. Amain Namin (Parody ng “Our Father“) Amain naming sumasaconvento ka, sumpain ang ngalan mo, malayo sa amin ang kasakiman mo, quitlin ang liig mo ditto sa lupa para nang sa langit. Saulan mo cami ngayon nang aming kaning iyonh inaraoarao at patauanin mo kami sa iyong pagungal para nang pag papataua mo kung kami nacucualtahan; at huag mo kaming ipahintulot sa iyong manunukso at iadya mo kami sa masama mong dila. Aba Guinoong Barya (Parody ng “Hail Mary“) Aba guinoong Baria nakapupuno ka nang alcancia ang Fraile’I sumasainyo bukod ka niyang pinagpala’t pina higuit sa lahat, pinagpala naman ang kaban mong mapasok. Santa Baria Ina nand Deretsos, ipanalangin mo kaming huag anitan ngayon at cami ipapatay. Siya naua.
At narito naman ang isang halimbawa ng parody ng isang banal na
kasulatan: Ang Mga Utos ng Fraile (Parody ng “The Ten Commandments“)
Ang manga utos nang Fraile ay sampo:
Ang nauna: Sambahin mo ang Fraile na lalo sa lahat. Ang ikalaua: Huag kang mag papahamak manuba nang ngalang deretsos. Ang ikatlo: Mangilin ka sa Fraile lingo man at fiesta. Ang ikapat: Isangla mo ang catauan mo sa pagpapalibing sa ama’t ina Ang ikalima: Huag kang mamamatay kung uala pang salaping pang libing Ang ikanim: Huag kang makiapid sa kanyang asaua. Ang ikapito: Huag kang makinakaw. Ang ikaualo: Huag mo silang pagbibintangan, kahit ka masinungalingan. Ang ikasiyam: Huag mong ipagkait ang iyong asaua. Ang ikapulo: Huag mong itangui ang iyong ari. Itong sampong utos nang Fraile’I dalaua ang kinaoouian. Ang isa: Sambahin mo ang Fraile lalo sa lahat. Ang ikalaua: Ihayin mo naman sa kaniya ang puri mo’t kayamanan.Siya naua. Sa pagkakabasa ng mga parody na ito, masasabi natin na matindi talaga ang pagbibigay diin ni Del Pilar sa mga pagsasamantalang ginagawa ng mga prayle noon sa mga Pilipino. At ayon nga sa aklat na “CCP Encyclopedia of Philippine Art,” sinabi dito na ang mga akdang katulad nito ay nakatulong sa pagpapabagsak ng “friarcracy” o ng mas sukdulang pagpapasinaya ng mga Kastilang prayle ng mga kumbentong patakaran imbes ng panggobyerno—na di kalaunan nga ay nagbunsod sa rebolusyon noong 1896. Subalit kahit wala na si Del Pilar sa kasalukuyang panahon, maraming Pilipino pa rin ang mala-Del Pilar ang istilo ng pagsusulat at nakakagulat din na buhay na buhay pa rin magpahanggang ngayon ang parody niya na “Aba Guinoong Barya” subalit hindi na ito patungkol sa mga Kastilang prayle. Kung dati ay naisulat ni Del pilar ang mga parody na ito dahil sa mga di kanais- nais na karanasan niya sa mga prayle noon, sa kasalukuyang panahon, nagkaroon ito ng mga bagong bersyon na nagpapatungkol naman sa katiwalian at pagkadismaya ng mga mamamayan sa mga pangulong nanunungkulan sa Pilipinas.