You are on page 1of 3

Katatapos lang ng periodical exam ng karamihan ng mga paaralan sa buong Pilipinas.

Para sa mga magaaral ng isang paaralan na may special curriculum, tulad ng Science curriculum, tapos na ang paghihirap. Paano naman kasi, sa aming paaralan, 10 subjects na pagkahirap-hirap at nakaka-nosebleed sa loob ng apat na araw ang kailangang ipasa! Talagang nakakawala ng ulirat. (Huwag kang mag-alala; hindi ako nawalan ng malay.) At kasabay ng mga ganitong pagpapahirap ay ang paglaganap ng mga bespren system at mga nagkandaiba-ibang seating arrangement na sa mga eksamen lamang naaayos. At ang mga pagtingin sa gilid at sa tabi. At pagsulyap sa sagot ng katabi. In short, pangongopya.

Hindi mapagkakaila ng mga taong naging estudyante sa isang bahagi ng kanilang buhay na may mga ganitong pangyayari sa bawat klasrum, sa bawat paaralan. Walang batch sa bawat paaralan na hindi nagkokopyahan. Sa bawat paaralan ng Pilipinas, may mangilan-ngilan na sumusulyap-sulyap sa kapitbahay niyang kaklase na animoy tumitingin lang ng masama. Tila ba hindi na mai-aalis ang kanser na ito sa sistema ng pag-aaral sa ating bansa. May mangongopya at mangongopya pa rin sa kasa eksam. Kaya rin siguro nagkakanda-cheche-bureche ang Pilipinas. Ang ating pangangailangan, a, eh, gawaing pangongopya sa paaralan ay nagagawa na natin maging sa atin mismong mga buhay. Dahil sa pangongopya, masyado tayong sumasandal sa ating kapitbahay. Kumbaga, yung katabi mo kapag may test ay ang iyong lifesaver, ang iyong Ask the Audience sa Who Wants To Be A Millionaire (gawin natin kayang Who Wants To Be A Kopyanaire?). Nagkakaroon ng dependencesa kaklase. Sa kanya mo iaasa ang iyong mga sagot sa eksam, at pati sa mga takdang-aralin (Kapag nakalimutan kong gawin, nangongopya ako ng assignment!). Hindi tayo mabubuhay kapag wala ang ating katabi sa eskuwela. Dito natin natututunan ang dependence on others.(Values Education ba to?) At dahil sa pagdepende sa iba kapag may pagsusulit, hindi tayo nakatatayo sa ating mga sariling paa. Tignan mo ang mga mag-asawang parehong walang trabaho at walang magawa sa buhay na nakikitira sa magulang. Hindi ko naman sinasabing masama ang pakikitira sa magulang, lalo na kung wala pang naipapatayong bahay ang mag-asawa, ngunit ito ay isang malinaw na pagpapakita ng pagdepende sa iba. Mahilig tayong mga Pilipino na mangopya. Huwag i-deny. Mahilig tayong manggaya ng boses ng iba, ng pananamit ng iba, ng pamumuhay ng iba. Tulad nang tulad, katulad ng pagtulad sa sagot sa katabi. Eksakto. In toto. In its entirety. Matiyaga! Matiyagang mangopya. Dahil sacolonial at crab mentalities ng tao, gaya ng gaya ang tao. Narito ang isang klasik na halimbawa ng pangongopya ng Pilipino.

Pilipinas Kay Ganda: Kinopya mula sa Poland. Siguro kulang pa ang aking mga dahilan kung bakit maaaring may dulot sa lipunan ang simpleng pangongopya sa eskuwela, ngunit alam kong nakuha niyo naman ang mga punto ko: [1] ang simpleng

pangongopya sa paaralan ay maaaring magbigay ng mindset na pag-asa sa ibang mga tao para sa pansariling kapakanan at interes; [2] we will live up our copying life. Hindi ako nagmamalinis; nangongopya rin naman ako kapag nakalimutan kong gawin ang aking mga takda. Ngunit bihirang-bihirang-bihira akong mangopya kapag eksam. Ngunit, hanggat magpapatuloy ang problemang ito ng mga guro at kasiyahan ng mga estudyante, may mgabasic na problema pa ring mananatili, at may mga estudyante pa ring ma-su-suspend. ~//~//~//~//~//~ RANDOM SIDE NOTES: Ang Kultura ng Pangongopya Isa sa mga karaniwang nararanasan ng isang estudyantematalino man o mahina, bibo man o hindi, masipag man o tamad, palapasok o palaliban, sipsip o kinaiinisan ng guro, tahimik o magulo sa klase, magaling man o naggagaling-galinganang kultura ng pangongopya. Isa itong praktis na parang hindi kayang iwasan ninoman. Isa itong normal na gawain ng isang estudyante na sadya namang kinaiinisan ng mga guro. Isa itong natatanging talento na pinagyayaman ng matinding pangangailangan. Marahil ikaw ay magmamalinis, pwedeng hindi ka nangongopya pero sa katotohanan ay ikaw din ay sangkot sa pagpapalaganap ng kultura ng pandaraya. Maraming pagkakataon na tinutulungan mo ang iyong katabi upang mabawasan ang kanyang mabigat na pasanin sa gitna ng pagsusulit sa pamamagitan ng iyong mabuting hangarin na siya ay bahaginan ng iyong kaunting kaalaman sa panahon na ipinagbabawal ang pamamahagi ng karunungan. Dahil tayo ay likas na matulungin, maraming pagkakataon na isinasantabi at sadyang kinakalimutan natin ang tunay na kahalagahan ng mga pagsusulit, ang sukatin ang natutunan ng bawat isa sa isang suheto. Marami ring pagkakataon na ayaw naman talaga nating magpakopya dahil sa takot na tayo ay mahuli at maparusahan pero sa kadahilanan na ayaw natin mabansagan na madamot, mayabang o sipsip, binabalewala natin ang ating takot. Minsan dahil sa pakikisama sa ating mga kaklase at matalik na kaibigan. Ayaw nga naman natin makita ang ating masisipag na kaibigan na bumagsak sa isang pagsusulit na hindi naman nila pinaghandaan. Tayo ay laging handang tumulong at magbigay ng mga kasagutan sa mga tanong na nakapagpapadugo sa kanilang utak. Tila ay marangal at maprinsipyo ang ating ginagawa. Masarap nga namang pakinggan mula sa iyong kaklase ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa pag-akay sa kanya upang malampasan ang isang napakabigat na pagsubok na binigyan naman siya ng mahabang panahon para paghandaan. Marahil sasabihin ng mga guro na wala namang magandang maidudulot ang pangongopya ngunit sa katotohanan ay marami itong naitutulong sa paghubog sa isang tao. Bukod sa pagkakaroon ng pagkakataon na makakuha ka ng mataas na marka kung makakapili ka ng magandang pwesto na malapit sa matalino at masipag mong kamag-aral, itinataguyod din nito ang kooperasyon at pagkakaisa na parang mala EDSA Revolution. Sabi nga ng matatanda, mas mapapadali ang ating trabaho kung tayo ay magtutulung-tulong at magsasama-sama. Dahil sa kultura ng pangongopya ay nagkakaroon din tayo ng mga kaibigang tila sa pangarap lang natin maaring makasama. Mayroon kasi tayong personal na hangaring mapabilang sa grupo. Kung mayroon kang kakayahan magpakopya, siguradong pwede kang mapasama sa kanila bilang pagtanaw ng utang na loob sa iyong mala-Gawad Geny Lopez na pagtulong. Asahan mo na hindi ka nila makalilimutan tuwing kayo ay may pagsusulit. Ang pangongopya ay nakatutulong din upang ang tao ay maging isang matapang na nilalang. Hindi biro ang takot at kaba

na pagdadaanan ng isang estudyante habang siya ay nangongopya. Para kang isang matapang na rebolusyonaryong handang suungin ang anumang hadlang makakopya lang. Ito rin ay nakatutulong sa pisikal na aspeto ng tao. Habang ikaw ay nangongopya ay kaya mong pahabain ang iyong leeg at palinawin ang iyong mata. Tila isa kang miyembro ng X-Men na mayroong kakayahang makita ang hindi kayang sipatin ng isang normal na nilalang. Makatutulong din ang pangongopya kung ninanais mong maging espiya. Nagsisilbi itong paghubog ng iyong kakayahan na marinig at maintindihan ang mga mensahe na hindi mo masyadong marinig. Kung ikaw ay sinuswerte, madedebelop mo rin ang kakayahan na ihatid ang mensahe na walang ibang nakapapansin sa pamamagitan ng pagbulong at pagpasa ng papel. Ang pinakamagandang naidudulot ng pangongopya ay ang paghubog nito sa kabataang Pilipino para maging isang politiko. Dahil sa pangongopya ay natutunan natin ang kultura ng pandaraya. Hindi naman sa nilalahat ko ang mga politiko pero tahasan naman nating mapapansin na talagang pwede kang makaupo sa pwesto kahit wala kang kakayanan at kredibilidad basta ikaw ay may makinarya ng pandaraya. Kung ikaw ay nakumbinse at gustong maranasan ang mga magandang epekto ng pangongopya, naghanda ako ng mga hakbang upang mapagyabong ang nasabing kakayahan. Unang-una, huwag ka makinig at mag-aral, paano ka nga naman mangongopya kung alam mo na ang mga sagot. Pangalawa, siguraduhing nakapagpahinga ng mabuti isang araw bago ang pagsusulit upang makondisyon ang iyong mata at leeg para sa napakahirap na gawain kinabukasan. Siguraduhin na komportable ang tutulugan at baka ikaw ay magka stiff-neck, sadyang mahirap mangopya kung may iniindang karamdaman. Pangatlo, huwag kang pumasok ng maaga, magpahuli ng mga kinse minutos sa gayon ay makapipili ka ng magandang pwesto malapit sa matalino mong kaklase. Huwag maupo sa likod dahil baka magkakutob ang iyong guro na ikaw ay mangongopya. Mas maganda sa harapan, sa tabi mismo ng mesa ng guro para sa gayon ay malinlang mo siya na nakapag-aral ka at hindi mo kailangang mangopya. Pang-apat, umastang may alam. Yung tipong parang daling-dali ka sa pagsusulit. Habang ginagawa ito ay isagawa na ang mala-James Bond na pagsulyap sa papel ng katabi mong kaklase. Siguraduhing hindi ka napapansin ng iyong guro. Magandang gawin ito sa bandang huling yugto ng pagsusulit dahil sawa at pagod nang magmasid ang guro. Siguraduhin na tama ang iyong nakopya sa pamamagitan na pagdouble-check nito. Tingnan ang papel ng ibang kaklase upang malaman kung parehas sila ng sagot ng iyong nakopyahan. Kung parehas sila ng sagot, malaki ang tsansa na tama ang iyong sagot. At huling-huli ay magpasalamat para ikaw ay makakopya ulit sa susunod na pagsusulit. Napakasarap talaga ang mangopya, hindi lang dahil napakasarap talaga ng bawal kundi dahil din sa may pagkakataon ka na matapos ang iyong kurso kahit wala kang alam. Sa bagay, mayroon ka namang napala sa pag-eenrol sa isang magandang unibersidad, hindi naman nasayang ang hirap, pagod at pera ng iyong mga mahal na magulang, natutunan mo ang kultura ng pangongopya. Nagkaroon ka rin ng pagkakataon na utuin at gaguhin, hindi lamang ang mga taong nakapaligid sa iyo, kundi pati ang iyong sarili. Ano mangongopya ka ba?

You might also like