You are on page 1of 9

BUHAY-RITWAL: ANG RITWAL SA KAMALAYAN AT KULTURANG PILIPINO

57

-Ritwal: Ang Ritwal sa Kamalayan


Buhay
Buhay-Ritwal:
ulturang Pilipino
at K
Kulturang
Elyrah Loyola Salanga
Unibersidad ng Pilipinas

Layunin ng panimulang pag-aaral na ito na alamin kung ano ang konsepto ng ritwal sa Pilipinas,
at kung paano ito tinatanggap o ginagamit ng mga Pilipino sa kanilang kamalayan at kultura.
Dahil panimulang pag-aaral pa lamang, babalikan ang mga naunang pananaliksik tungkol sa
ritwal at ilalatag ang mga eksena o yugto ng paggamit ng pagriritwal sa bansa. Gayunpaman,
hindi ito pag-uulit lamang ng mga pananaw. Layunin ring ipakilala ang isa pang anggulo ng
pagsipat. Kadalasan, ang mga naunang pag-aaral sa ritwal ay nakatuon lamang sa aspektong
pagtatanghal. Subalit kung babalikan ang mga elemento ng pagriritwal, makikita na nakapaloob
ito sa isang konteksto. Mayroon itong sinusundang daloy o salaysay. Samakatuwid, mayroon
ding aspektong naratibo. Ang aspektong ito ang tatangkaing iugnay sa muling pagtalakay sa
mga ideya ng mga naunang pag-aaral. Sa pangkalahatan, imumungkahi ng pag-aaral na ang
ritwal ay pumapaloob sa isang naratibong siyang nagiging daluyan ng talastasan ng kapangyarihan
at diwa.

Mayaman at mayabong ang kasaysayan ng


pagriritwal sa Pilipinas. Sa kultura at kamalayang
Pilipino, pumapailanlang sa ibat ibang antas at
pagpapakahulugan ang ritwal at pagriritwal. Ang
pagriritwal ay nakabaong diwa at binhi sa kaakuhan
ng mga Pilipino. Sa kasaysayan, marami sa mga
ninuno ang gumagawa ng kani-kanilang mga ritwal.
Sa Pasyon and Revolution (1989), nabanggit ni
Reynaldo Ileto na maging ang mga kasapi ng
Katipunan ay sumailalim sa mga proseso ng ritwal
sa pamamagitan ng mga dasal at pag-akyat sa
Bundok Banahaw. Sa ganito, ang ritwal bilang
paksa at diskursong nagpapakilos sa kultura at
lipunan ay isang paglulugar at pagpapatotoo sa
halagahan nito sa Araling Pilipino. Kung gayon, sa
kabila ng nag-uumpugang bato ng nasyunalismo at

globalisasyon, may pangangailangan sa


pagpapatuloy sa pag-aaral at pag-aanalisa sa mga
ritwal sa Pilipinas.
Layunin kung gayon ng pag-aaral na ito ang
alamin kung ano ang konsepto ng pagriritwal sa
Pilipinas, at kung paano ito tinatanggap o ginagamit
ng tao sa kamalayan at kultura. Gayunpaman,
kailangang ipagpauna na ang papel na ito na bahagi
ng mas malawak na pag-aaral at ang mga ilalahad
na impormasyon at pagsusuri ay panimula pa
lamang. Bilang panimula, mahalagang balikan at
tukuyin ang mga mahahalagang ideya ng mga
naunang pananaliksik. Sapagkat marami nang mga
pag-aaral ang nakatuon sa ibat ibang ritwal sa
Pilipinas, ang mga halimbawang gagamitin sa papel
ay isang paglalatag lamang ng mga eksena o yugto
MALAY

58

E.L. SALANGA

ng paggamit ng pagriritwal sa bansa. Bagaman


mayroong panganib sa ganitong asersyon,
mayroong pagsasaalang-alang ang papel na hindi
kinakatawan ng mga pag-aaral sa ritwal ang
kabuuang sakop ng pagriritwal sa bansa.
Bukod dito, may layunin ding ipakilala ng
mananaliksik ang isang pang-anggulo ng pagsusuri.
Kadalasan, ang mga pag-aaral sa ritwal ay
nakatuon lamang sa aspektong pagtatanghal.
Subalit kung babalikan ang bawat kilos, pag-awit,
kagamitan, ginagampanang papel ng mga kalahok,
makikita na ito ay nakapaloob sa isang konteksto.
Mayroon itong sinusundang daloy o salaysay.
Samakatuwid, mayroon ding aspektong naratibo.
Ang aspektong ito ang tatangkaing iugnay sa muling
pagtalakay sa mga ideya ng mga naunang pag-aaral.
Pagpapakahulugan sa Naratibo

Ang isang tao na maraming ginagawa sa katawan


o may kaartehan sa pangangatawan ay kalimitang
nasasabihan na marami ka namang ritwal! Sa mga
pelikulang katatakutan, ipinapakita ang ritwal sa
pagtawag, o di kayay isang panlaban, sa
masasamang elemento sa pamamagitan ng pagaalay ng isang babaeng birhen o dugo ng puting
manok. Ritwal ding maituturing ang pagsisimba,
orasyon, at pagrorosaryo, gayundin ang kapistahan
ayon sa pag-aaral ni J. Mario Francisco (1991).
Malinaw kung gayon na malay ang tao sa gamit at
kahulugan ng pagriritwal. Ito marahil ang dahilan
kung bakit madali lamang tanggapin o hindi kayay
nakasanayan na ng tao ang pagriritwal. Dahil sa mass
media at teknolohiya, naiaangkop ang prekolonyal
na tradisyon sa kulturang popular. Sa kabilang
banda, makikita rin sa panulaan ang impluwensya
ng pagtatanghal sa pagriritwal. Habang inihahanda
at nangangalap ako ng kaukulang datos, halimbawa,
nakita ko na mayroong mga tulang ginawa sina
Camilo Villanueva Jr., Kerima Tariman, at Cirilo
Bautista ukol sa ritwal.
Sa Panitikang Oral ng mga katutubo, makikitaan
ng mga ritwal, halimbawa ay ang paganito o
pagdarasal sa mga espiritu o anito, sa ating mga
kuwentong-bayan, mitolohiya, alamat at epiko. Ang
mga epikong bayani halimbawa, ay madalas
TOMO XIX BLG. 3 ABRIL 2007

sumasangguni at nagtatanghal ng mga ritwal bilang


paghahanda sa kanilang paglalakabay at
pakikidigma. Ang mga pagpapatotoo sa mga
mitolohiya ay makikita at naililipat sa mga ritwal
(Salazar 1999, 14).
Sa paimbabaw, ang naratibo ay pagsasalaysay
ng mga pangyayari at instrumento ng paglilibang.
Gayunpaman, ang ganitong pagsasalaysay at
paglilibang ay nakapaloob sa isang konteksto at may
ginagampanang panlipunang papel. Ayon kay
Aristotle, ginagamit ang naratibo sa pagsasalin ng
kaalaman, pagbibigay-kahulugan, at pagpapaliwanag
ng mga pangyayari (Lentricchia at Mclaughlin 69).
Sa madaling salita, pinapagtibay nito ang isang
kaayusan. Mahalaga kung gayon, ang pag-apuhap
sa estruktura, katangian, at kartograpiya ng ritwal
sapagkat nagsisilbing balangkas ito upang higit na
maunawaan ang proseso ng pagkilala at pagtanggap
sa konsepto ng ritwal sa kultura at kamalayang
Pilipino. Ibig sabihin, ang pagriritwal sa Pilipinas
ay maituturing na pulitikal dahil sa pagsasalikop
ng kultural, pangkasaysayan, relihiyoso, at
pangkabuhayang katangian nito. Sa madaling
salita, upang maidalumat ang naratibo ng pagriritwal
at ang naratibo ng kulturang lumikha nito,
mahalagang pansinin at kilatisin ang ritwal bilang
gahum. Bilang gahum, ito ay maaaring magmanipula,
lumikha, o bumuwag ng mga konsepto at ugnayang
pangkapangyarihan sa loob at labas ng konteksto
nito. Bilang isang panlipunang proseso, ang ritwal
ay maaari ring lumikha ng identidad ng grupo tulad
ng mga bayani at mga naratibo sa mga epiko. Kung
gayon, ang ritwal ay isang naratibo ng
kapangyarihan.
May panlipunan at sikolohikal na papel at
katangian na ginagampanan ng naratibo. Binibigyan
ng tao ng kaayusan ang kanilang mga karanasan
sa pamamagitan ng mga naratibo. Ang mga
naratibo ang nagsisilbing kritiko at tagapamagitan
ng kultura. Buhat dito, nauunawaan ng tao ang mga
karanasan nang sa gayoy makalikha siya ng mga
kahulugan upang maunawaan ang mundo. Sa
ganito, ang taoy laging naghahanap ng mga
naratibo upang maipaliwanag ang ating pagkatao.
Ayon nga kay J. Hillis Miller, It implies that we
want stories for something they can do for us,

BUHAY-RITWAL: ANG RITWAL SA KAMALAYAN AT KULTURANG PILIPINO

something we inexhaustibly need (sa Lentrrichia


at Mclaughlin 71).
Sapagkat ang ritwal ay isang interepretive event
ayon kay Norman Denzin, bahagi ng naratibo ang
pagbuo, pagtanggap at pagbasa ng mga manonood
sa ritwal. Sa pag-aaral ni Gerd Baumann inilista
niya ang limang uri ng mga kalahok o manonood
sa ritwal: They are the bystanders, interested
onlookers, guests who one hopes will enhance
(the rituals) recogniton and status, witnesses who
have the power to confer validity on the ritual, and
outside beneficiaries (sa De Coppet 8). Natatahi
ng manonood ang ritwal sa pamamagitan ng mute
dialogue (Denzin 101). Ibig sabihin, nakukumpleto
ang ritwal dahil sa pagninilay-nilay ng mga tao sa
kanilang nabasa at sa pag-unawa nila sa ritwal.
Samakatuwid, ang naratibo ay hindi lamang isang
instrumento sa pag-unawa ng ritwal, ito rin ay isang
daluyan ng pagsasalin at pagbabahaginang-diwa sa
pamamagitan ng mga salaysay. Ang ritwal ay hindi
lamang isang anyo ng salaysayan kundi talastasan
din ng mga diwadiwa ng nagsasalaysay at diwa
ng nakikinig.
Ang Kalikhaan ng Ritwal

Lumaki ako sa isang tahanan na naniniwala sa mga


lamang-lupa, orasyon, at ritwal. Ang bawat hiling,
pag-uusisa, at mahalagang yugto o pangyayari sa
buhay naming mag-anak ay pinakikilos ng mga ritwal.
Kung ang ibang nanay ay empleyado at maybahay,
ang aking nanay ay maybahay na nagriritwal. Kaya,
maging sa ilang ulit naming paglilipat-bahay, hindi
maaaring hindi kami magagabayan ng aming mga
ritwal. Tulad nang kamiy lumipat ng bahay noong
nasa grade school pa lamang ako.
Ang paglipat ay hindi lang simpleng paglipat. May
mga hakbang na dapat gawin. May mga ritwal na
dapat sundin. Mauuna dapat, ayon kay Nanay, ang
pagpasok ng prusisyon ng aming mga gamit na
binubuhat ng mga kargador. Kaya kahit gusto kong
subukin ang tibay ng sahig at kuwarto sa
pamamagitan ng pagtakbo, pagpadyak, at pagtalon
naming magkakapatid ay nagpigil ako. Sa
pamamagitan nito, una pang masisilayan ng aming mga
gamit ang loob ng bahay.

59

Pagkatapos maipasok ang lahat ng gamit sa


bahay, kami naman ang pinapipila ni Nanay para
sa mga ritwal ng pag-adya ng mga negatibong
enerhiya at pagsalubong sa bagong bahay. Bago
ito sinimulan, iniipon namin ang mga kasangkapang
aming gagamitin: ang bigas, para laging may
pagkain sa aming mesa; ang asin, bilang simbolo
ng buhay namin; ang asukal, para sa isang matamis
na pamumuhay; ang tubig, para manatiling kalmado
at malamig ang aming mga ulo; ang mga sariwang
bulaklak na walang tinik, para sa bahay at sa mga
elementong naninirahan dito; at, ang panghuli, ang
Bibliya, para sa ispiritwal na pangangailangan
namin. At saka namin sisimulan ang aming
prusisyon.
Si Nanay, bilang ulo ng pamilya, ang mauuna sa
pila tangan ang Bibliya at ang mga bulaklak. Ako,
bilang panganay, ang inatasang magdala ng bigas at
asin habang ang dalawa kong kapatid ang magdadala
ng asukal at tubig. Nakita ko sa mga mata ng aking
mga kapatid ang pagtataka at pagkamangha sa
pinagagawa sa amin. Pinagpapawisan ang kapatid
kong lalaki habang bahagyang nanginginig ang kamay
ng kapatid kong babae. Sa aming pagpasok, unang
ilalapag ang bulaklak at Bibliya sa altar at isusunod
na aayusin ang mga kasangkapan sa kusina. Sa
ganitong paraan, nagpapakilala kami sa aming bahay.
Pagkatapos ng ritwal, tinanong ko si Nanay kung
saan niya natutunan ang magsagawa ng ritwal. Noong
una, ayaw niya itong sabihin sa akin. Marahil dahil sa
pangungulit ko, bumigay na rin siya. Natutunan niya
ito sa kanyang lola sa Zamboanga. Ang kaniyang lola
ay isang Muslim na makikitang nagriritwal tuwing
kabilugan ng buwan at habang tumataas o bumababa
ang mga alon sa dagat. At naisip ko, ang pagriritwal
sa aming angkan ay ang aming buhay. Isinasalaysay
naming mag-anak ang naratibo ng aming buhay.
Nagsisilbing tagapagsalaysay ng aming pangunahing
diwa ang aming nanay.
Makikita sa salaysay ang dalawang mahalagang
elemento ng pagriritwal. Una, ang batayang
ispiritwal ng ritwal. Sa salaysay, makikita ang mga
bagay at gawaing may kinalaman sa relihiyon tulad
ng Bibliya; pagpuprusisyon; pagtuturing sa bigas,
asin, asukal, at bulaklak bilang mga sagradong
bagay; paggalang sa kalikasan tulad ng buwan at
MALAY

60

E.L. SALANGA

dagat; at, pati na rin ng pagiging Muslim ng lola na


nagturo sa nanay ng ritwal. Pangalawa, ang halaga
ng tagapagpadaloy ng ritwal. Makikita sa salaysay
na ang nanay ang nagtatakda ng tamang asal. Siya
ang nagbibigay-pahiwatig kung kailan dapat
magtimpi sa bawat hakbang, kung gaano dapat
kabilis ang kilos, at kung anong mga bagay ang
dapat unahin.
Ang dalawang elementong ito ay malalim na
nakabaon sa kamalayang Filipino tulad ng inilahad
sa mga pag-aaral nina Prospero Covar (1998),
Resil Mojares (1985), at Zeus Salazar (1999).
A . Mga Antas ng Naratibo:
Materyal at Ispiritwal

Ang ating pananampalataya at ispiritwalidad,


ayon kay Covar (1998) ay nakabatay sa ating
retablo ng paniniwala. Ang mundo ng mga Pilipino
ay gumagalaw dahil sa dalawang aspekto nito: ang
ispiritwal at ang materyal. Mayroong dalawang
bahagi ang materyal na mundo natin: ang kalikasan
at kultura. Bahagi ng kalikasan ang pisikal at
biyolohikal na mga aspekto habang ang kultura ay
binubuo ng ating sining at panlipunang kalinangan.
Ang relasyon sa pagitan ng materyal na daigdig at
ng ispirituwalidad ng mga Pilipino ay may tatlong
antas: ang kalangitan, kalagitnaan at kailaliman.
Dahil dito, may ibat ibang karunungang
mabubuo mula sa mga mundong ito. Sa pagitan ng
bawat mundo at ng tatlong antas ay may nabubuong
ugnayan. Sa ganito, ayon kay Prospero Covar, may
tinatawag na lihim na karunungan. Ayon nga sa
kanya, Ang lihim na karunungan ay nagmumula
sa kalangitan. Pinagmumulan din ng lihim na
karunungan ang kailaliman. Samakatuwid, ang lihim
na karunungan ay may kinalaman sa ispirituwalidad.
May lihim na karunungan ang kalikasan. (45)
Makikita ito sa paniniwala ng ating mga ninuno sa
anitismo.
Nakapaloob sa paniniwalang ito ang pananalig
ng mga katutubo na may mga anito na nakatira sa
kalikasan. Ang mga bato, puno, at talon,
halimbawa, ay himlayan o dili kayay tahanan ng
mga anito. Ayon sa paniniwala, may tungkuling
inaako ang mga anito. Sila ang nagsisilbing
tagapangalaga ng ating kalikasan. Dahil dito, may
TOMO XIX BLG. 3 ABRIL 2007

pagpapahalaga ang mga katutubo noon na alagaan


at magbigay-galang sa bawat sulok, kurba, at anyo
na bumubuo sa kanilang paligid. Isa sa mga
pangunahing sandigan ng prekolonyal na
komunidad ay ang pagsasaalang-alang sa palitan
ng produkto at serbisyo. Ayon sa pag-aaral ni Resil
Mojares (1985), nabibigyan ng lohika ang
pagbabahaginan ng komunidad ng mga materyal
na bagay at asal/pag-uugali. Isa sa mga
pagpapalitang ito ay ang mga idinaraos na
seremonya tulad ng panglihi o paganito.
Makikita sa mga pag-aaral na tinalakay na ang
pagriritwal ay umaayon sa mga naratibong
ispiritwal. Ang mga kilos, kagamitan, o dasal na
sinasambit ay nakapailalim sa mga katutubong
salaysay na nilikha, tulad ng mga epiko o alamat,
upang ipaliwanag at magbigay-kahulugan sa
anumang pangyayari. Ang anumang gawain,
pampulitika man o pang-ekonomiya, ay iniuugnay
sa pananampalataya at relihiyon sa paniniwalang
maganda ang magiging resulta nito kung susunod
sa isang mataas na ugnayan o may gabay ng mga
makapangyarihang nilalang. Sa kabilang banda, ang
mga katutubong ritwal ay umaangkop din sa
panahon. Ito ay makikita sa paggamit ng mga
kasalukuyang kagamitan sa halip ng mga
tradisyunal o katutubong bagay. O kayay may
pagbabago sa nilalaman ng mga dasal sa
pamamagitan ng paggamit ng mga kontemporaryong
salita at paniniwala. Gayunpaman, nagkaroon man
ng pagbabago sa anyo at nilalaman, makikita pa rin
na dalawang mundo ang nagtatalaban: ang materyal
at ang ispiritwal.
B . Pangunahing Tauhan sa Naratibo:
Babaylan sa Ritwal

Kinikilala ni Salazar ang ritwal bilang binhi para


sa teatro o drama natin sa ngayon. Sa kabilang
banda, ang ritwal para kay Covar ay isang anyo
ng panalangin na nilikha ng tao upang makipagugnayan sa mga kakaibang nilalang (supernaturals),
espiritu, at anito. Dagdag pa niya, marami itong
pagbabansag tulad ng pagsusuplina, pag-aayuno,
panggagamot, pag-aalay, panalanging walang
patid, pagmimisa, paglangkap, pagrorosaryo,
pagpapasan ng krus, at pagpapako sa krus (89).

BUHAY-RITWAL: ANG RITWAL SA KAMALAYAN AT KULTURANG PILIPINO

Sa madaling sabi, ang ritwal ay isang


manipestasyon ng pananampalataya. Gayunpaman,
ang manipestasyong ito ay nagaganap o natutupad
lamang kung may isang karapatdapat na tauhang
magsasagawa o mamumuno.
Hindi lahat ng tao ay maaaring mamuno sa isang
ritwal. Noong unang panahon, may mga
ispesyalistang namamahala sa mga ritwal. Sa
Tagalog, sila ang catalonan; sa mga Bisaya, sila
ang mga babaylan. Kabilang ang mga katalona/
babaylan sa bahagi ng isang istrukturang
panlipunan at pang-ekonomiya na umiikot sa
gawain ng tatlong sentral na personaheang datu,
ang panday, at ang babaylan o katalonan mismo
(Salazar 4). Ang datu, sa istrukturang panlipunan
noon, ang siyang namamahala sa pulitikal at
pangkabuhayang aspekto ng lipunan; habang ang
panday ang itinuturing ni Zeus Salazar na
pangalawang haligi ng barangay, dahil sa
kakayahan at tungkulin nitong magpanday ng mga
instrumento na yari sa bakal at mga kakailanganing
armas ng komunidad. Naiiba sa dalawang ito ang
babaylan.
Ang babaylan ang may pinakasentral na
personahe sa Lipunang Pilipino. Ito ay dahil sa
tungkulin niya sa larangan ng kalinangan, relihiyon
at medisina at lahat ng uri ng teoretikal at praktikal
na kaalaman hinggil sa mga penomeno ng
kalikasan (Salazar 6). Samakatuwid, ang babaylan
ang siyang namamahala o tagagabay ng datu sa
mga ritwal.
Sa konteksto ng katutubong paniniwala, ang
Dios ay may tatlong persona. Ang bawat persona
ay may kaluluwa. Ang kaluluwa ng isang taong
yumao ay maaaring lumisan at sumapi sa iba. Ito
ang itinuturing na paglalangkap o sapi. Karaniwan,
ang sumasaping espirituo hindi kayay ang
kaluluwa ng Dios Ama, Anak, o Inaay
lumalangkap sa sinumang kanilang mapiling
sapian. Ayon kay Covar, maaaring langkapan ang
mga babaylan/catalona, talaytayan, o ang
kinikilalang midyum (48). Walang kasarian ang
espiritung sasapi sa tao kaya may mga naituturing
na babaylan na lalaki. Ang mga babaylan, kung
gayon, ang nagsisilbing tagapamagitan ng tao sa
mga espiritu.

61

Kapangyarihan at Bisa ng Ritwal

Ang salitang ritwal ay isang pag-angkop sa


salitang Latin na ritualis. Ayon sa diksiyunaryo, ito
ay isang seremonya o rite. Sa Diccionario HispanoTagalog ni Pedro Serrano Laktaw (1889), walang
naitalang pagpapakahulugan sa ritwal. Ang
makikita lamang ay ang entri ukol sa rito, na sa
wikang Kastila ay singkahulugan rin ng ritualis sa
Latin.
Kung gayon, ang pagtutuli ng mga bata tuwing
tag-init ay isang anyo ng ritwal. Sa pag-aaral ni
Raymond Jamous (sa De Coppet 1992) inilatag
niya ang konsepto ng ritwal bilang isang rite of
passage na kaakibat ng konsepto ng sakripisyo.
Ayon sa kanya, ang rite of passage ay nakatuon sa
pangunahing aktor at sa mga pagbabagong
nagaganap at naganap sa kaniya habang ginagawa
ang ritwal. Samantala, ang sakripisyo ay nakatuon
naman sa mga pagbabago na nangyayari sa mga
kalahok sa ritwal at sa mga relasyong nabubuo rito.
Sa kaso ng pagtuli, halimbawa, nagkakaroon ng
kaganapan ang transisyon mula sa isang walang
muwang na bata o pagiging inosente nito tungo sa
isang ganap na binata. Gayundin, makikita rin
ito sa ritwal ng baljanji, hakika, paggunting, at
pagtimbang ng mga Tausug.
Sa baljanji, binibigkas ng Imam mula sa Koran
ang duwaa salamat. Ang duwaa salamat ay isang
ritwal ng dedikasyon kung saan ang sanggol ay
iniaalay sa propetang si Muhammad. Sa
pamamagitan ng ritwal na ito, ang sanggol ay maaari
nang sumunod sa yapak ni Muhammad. Sa ritwal
ng hakika, kinakatay ang isang baka o kambing
dahil sa paniniwalang ang hayop na kinatay ang
siyang magpapatotoo sa kabilang buhay na ang
sanggol ang tunay na anak ng kaniyang magulang.
Kung wala ang ritwal na ito, hindi makikilala ng
bata ang kanyang mga magulang sa kabilang buhay.
Samantala, ang ritwal ng paggunting ay isang
seremonya na ginugupit ng pari ang buhok ng bata
bago ito mag-isang taon. Sa kabilang banda, ang
pagtimbang bilang ritwal ay isinasagawa sa
pamamagitan ng paghiga sa sanggol sa tela na
tila idinuduyan sa dalawang haligi. Nakabitin sa
isang haligi ang isang sako ng bigas habang mga
MALAY

62

E.L. SALANGA

regalo naman ang nasa kabilang haligi.


Mayroong nakadapong manok sa isang haligi
habang iniaawit ng Imam ang mga relihiyosong
kataga sa Arabic.
Nagsasagawa rin ng mga ritwal tulad nito ang
mga Katoliko sa anyo ng pagbinbinyag. Sa
Romano Katoliko, hinango ang sagradong ritwal
mula sa Bibliya na nagpapakita ng pagbibinyag sa
lawa ni Juan Bautista kay Hesus. Sa kabilang
dako, sa mga Iglesia ni Cristo, ang isinisilang na
bata ay inaalay sa Simbahan o sa Pastor na
kinatawan ng Simbahan. Paghantong ng bata sa
hustong gulang, pagkaraan ng indoktrina, ay maaari
na siyang binyagan.
Ang ritwal ay isang tekstong itinatanghal o
performance text. Ayon kay Denzin, may mga
elementong nakapaloob sa isang tekstong
itinatanghal. (91) Ang tekstong itinatanghal ay
may tagapagsalaysay, banghay, drama, at
nagbabagong punto-de-bista. Dahil dito, bukas
sa interpretasyon ang isang tekstong itinatanghal
tulad sa kaso ng ritwal. Ang mga tekstong tulad
nito, ay bunga ng historikal, panlipunan,
pulitikal, biyograpikal, at mga estetikang salik
na umaagapay sa pag-unawa ng tao sa teksto
(o sa ritwal) at sa mga karanasan ng mga kalahok
at manonood. (Denzin 17, 19) Sa ganito, may
tinataglay na kapangyarihan ang ritwal.
Isa sa mga katangian ng ritwal ang
kapangyarihan nitong makapagpabago at
makalikha ng mga ugnayang pangkapangyarihan sa
konteksto nito. Dagdag pa ni Raul Pertierra, isang
simbolikong gawain ang ritwal na may layuning
pagbigkisin at lumikha ng kaayusan sa komunidad
sa pamamagitan ng mga kilos/pagtatanghal. (1995,
121-122) Sa dahilang ang ritwal ay isang
simbolikong gawain, may pagpapahalaga sa mga
imahen na makikita o nalilikha mula rito. Sa
Rethinking Philippine Popular Symbols: Moments
of Domination and Resistance in the Province of
Leyte ni Jaime Biron-Polo (1988), aniya:
Taken as a conceptualized event that is
shared, communicated and performed, ritual
builds on sequences of acts specifically
significant to the participants, usually
TOMO XIX BLG. 3 ABRIL 2007

recognized and demarcated as an event


absolutely different and disconnected from
daily life, and addressing problems usually
affecting the greatest uncertainty and
disruption. (5)
Ang katangian ng ritwal bilang isang pagtatanghal
at ang kapangyarihan nitong makapagpabago ng
mga ugnayang pangkapangyarihan sa konteksto
nito ay makikita natin sa ating nakaraan at
kasalukuyan. Sa pag-aaral ni Edilberto Alegre na
Inumang Pinoy (1992), binanggit niya ang
obserbasyon ni Pigafetta sa unang engkwentro ni
Magellan at ng Hari ng Limasawa. Ayon nga sa kanya,
They raise their hands to heaven first, then take the
drinking vessel in their right hand and extend the fist
of their left hand toward the company. (12)
Ang inuman ay may pulitikal na pagbasa sa
dahilang iniangkop ni Magellan ang ritwal ng inuman
upang makapalagayang-loob ang Hari ng Limasawa
para sa kanilang interes. Sa kasalukuyan, nananatili
pa rin ang inuman. Subalit, hindi tulad ng kina
Magellan at sa Hari ng Limasawa na kapwa may
mataas na panunungkulan, ang ritwal sa inumang
Pinoy sa kasalukuyan ay isang paraan ng paglulusaw
sa ugnayang pangkapangyarihan. Binubuwag ng
inuman ang antas panlipunan sa pagitan ng mayaman
at mahirap. Sa inuman, pantay-pantay ang estado
ng mga umiinom. Walang mayaman, walang
mahirap.
Samakatuwid, ang ritwal ay maaaring magsilbi
rin bilang isang anyo ng kasunduan. Sa kultura
natin, madalas nating marinig ang maBOTEng
usapan at dinaan sa inuman. Ibig sabihin, ang
mahahalagang usapin, maselan man o hindi, legal
man o ilegal, ay inilalatag at tinutuldukan sa inuman.
Sa kasaysayan, bagamat hindi sa anyo ng inuman,
makikita natin ang ibat ibang ritwal bilang
kasunduan tulad ng sandugo, at pagpuputol ng
buhok. Ang mga Pangutaran Sama ay mayroon
ritwal para sa pagbabati sa magkaaway na
tinatawag nilang kipalat.
Kung pagbabatayan ang depinisyon ni Pertierra
ukol sa simbolikong katangian ng ritwal, mahihinuha
na ang pakikipagkamay o shaking of hands ay isang
manipestasyon ng isang ritwal ng pagkakasundo.

BUHAY-RITWAL: ANG RITWAL SA KAMALAYAN AT KULTURANG PILIPINO

Ang serye ng aksyon sa ritwal ay isang


apropriyasyon sa konstruksyon ng mga
pangungusap. Dagdag pa ni Jaime Biron-Polo,
ritual sequences are built on a regularity of
repetition and rhythm which standardizes a level of
cognition, affect, and response among all the
participants. (1988) Kadalasan, ang
pagpapahalaga ay nakatuon sa transpormasyon
ng isang pang-araw-araw na gawain o karanasan
tungo sa isang pagtatanghal gamit ang pantasya
(Biron-Polo 5). Sa kabilang dako, ang ritwal ay
isang seremonya (English 1977) na may pulitikal at
relihiyosong tema tulad ng pista ng Moriones
(Pertierra 1994), pandangganyo ng Obando
(Tolentino 2003), at ritwal ng Buhay ng Ama at Inang
Santisima na Trinidad o AIST (Ortiz 2002) at
pamumuwesto (Covar 1998) sa Banahaw.
Katumbas ng dami o bahagdan ng mga
katawagan sa ritwal ang dami ng nakukuhang
benepisyo buhat sa ritwal. Isinuma ni Biron-Polo
sa apat na kategorya: bilang katarsis; bilang
midyum na nakapagbubuklod at nagdudulot ng
katiwasayan sa komunidad; bilang panlipunang
dokumentasyon; at bilang pedagohiya. (17-21). Sa
dahilang may silbi ang mga ritwal sa tao, kultura,
at lipunan, may mga pananaliksik at mga librong
nagtatanghal sa pagriritwal sa bansa.
Tuwing Biyernes, dumadagsa ang maraming tao
sa Quiapo dahil sa dalawang dahilan. Una, para
sa mga debotong nais magsimba sa loob ng
Simbahan ng Quiapo, at pangalawa, para sa mga
deboto naman na nagpapahula sa labas ng
simbahan. Ayon sa aking Nanay, na nanghuhula rin,
malakas ang enerhiya at kapangyarihan ng mga
manghuhula tuwing Biyernes. Tulad ng mga
babaylan at mga katutubo noong araw, may mga
sinusunod silang ritwal at tamang pagtatakda at
pagtupad sa oras at bilang ng araw (Salazar 14).
Kung noong una batayan ang dakilang Araw upang
matiyak ng isang babaylan kung kailan ang tamang
pag-aani, sa kasalukuyan ay batayan pa rin ng mga
tao ang mga senyales mula sa kalangitan at
kalikasan. Ang pinaniniwalaang buwan at bituin
noong araw ng mga katutubo ay nagpapatuloy sa
pamamagitan ng mga imaheng makikita sa mga
baraha ng Tarot. Makikita sa hula ang ritwal ng

63

pagbalasa sa mga baraha, ang pagsindi ng kandila


at insenso, ang mataimtim na pag-usal ng dasal ng
manghuhula, at ang pagpili at paghati sa mga
baraha. Sa akto ng panghuhula, nagsisilbing katarsis
ito para sa mga taong may mga agam-agam sa
buhay o tila naghahanap lamang ng kasagutan sa
maraming katanungan.
Ang Ritwal Bilang Midyum sa Pagbubuklod
ng Komunidad

Marami sa mga grupong etnolinggwistiko ang


nagsasagawa ng kani-kanilang mga ritwal. Sa
dahilang ang Pilipinas ay nakasandig sa agrikultural
na pamumuhay, marami sa mga ritwal sa bansa ay
nakatuon sa ibat ibang antas ng pagtatanim. Sa
ganitong paraan, nabubuklod ng ritwal ang
komunidad.
Ang pananaliksik ni Myrna Cureg (2004) ay
pumapaksa sa mga ritwal at kultura ng mga Ibanag
habang ang pag-aaral ni Saavedra Mantikayan
(1999) ay isang pagsisiyasat sa mga ritwal ukol sa
pagtatanim ng mga Magindanaon. Ang The Farming
Rituals among Magindanaon Rice Farmers ni
Mantikayan ay isang pagpapatunay sa paniniwala
ng mga katutubo na ang mga ritwal sa pagsasaka
ay umaagapay at nakatutulong sa isang masaganang
ani. Dagdag pa, ayon kay Mantikayan,
naiimpluwensiyahan ng ganitong mga ritwal ang
kabuhayan ng mga magsasaka. Naisasakatuparan
lamang ito sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan
ng mga magsasaka sa espiritu ng uyag-uyag
(sustenance) gamit ang mga ritwal. Sa dahilang may
pagpapahalaga ang mga magsasaka dito, ang bawat
yugto ng pagsasaka/pagtatanim ay may kaukulang
ritwal.
Sa kabilang dako, may isang uri ng paganito ang
mga Sebuano. Ayon kay Mojares, tinatawag nila
itong pagtiguman o ang pagtitipon ng nakararami.
Sa pamumuno ng isang babaylan, may mga pagkaing
inaalay sa mga espiritu at anito para sa isang
masagana at mabungang pag-aani. Dagdag ni
Mojares:
The villagers gather at a place designated
by the datu after a crier calls out from the
MALAY

64

E.L. SALANGA

highest tree for the community to gather


(tigum). Villagers contribute to the offering
and the feast by going out to fish, to gather
rice, or to hunt for pigs. A communal feast,
called ca-angai (harmony), marks the
celebration, together with drinking, dancing,
and singing. (10)
Samantala, kahawig ng ritwal ng mga Sebuano
ang ritwal ng pag-ani ng buklog ng mga Subanon.
Isinasagawa ang buklog bilang pasasalamat sa
magandang ani. Gamit ang isang palapag o
platform, pinatatamaan ang isang malaking kahoy
upang makalikha ng ingay habang sumasayaw ang
mga saksi.
Ang Ritwal Bilang Panlipunang
Dokumentasyon at Pedagohiya

Ayon kay Biron-Polo, ang ritwal ay maaaring


basahin bilang panlipunang dokumentasyon at
pedagohiya. Ibig sabihin, ang ritwal ay maaaring
magbahagi ng paniniwala, saloobin, at ideolohiya
ng grupo. Makikita ito sa pag-aaral ni Dinah
Piluden-Omengan (2004). Pinagtuunan niya ang
mga ritwal ukol sa paglibing at kamatayan ng
mga Igorot sa Sagada, Mountain Province. Ang
kanyang librong Death and Beyond: Death and
Burial Rituals and Other Practices and Beliefs
of the Igorots of Sagada, Mountain Province,
Philippines ay isang pagsasalaysay at paglalarawan
sa mga paniniwala na nakapaloob sa bawat ritwal.
Pinag-aralan ni Piluden-Omengan ang mga ritwal
sa bawat sulok ng Sagada. Bukod sa dokumentasyon
ng mga ritwal ng mga Igorot, naitala rin niya na ang
bawat ritwal ukol sa kamatayan at paglibing ay
maaaring mapaghanguan ng mga aral at karunungan
na makatutulong sa tao upang mabuhay. Ayon sa
kanya, mahalaga ang pananamit sa isang ritwal. Ang
pananamit ay naaayon sa estado sa buhay, edad,
at paniniwala ng pamilya ng namatay. Dahil din dito,
may pang-ekonomiyang katangian ang mga ritwal
sa Sagada. Ayon kay Piluden-Omengan, upang
maisagawa ang isang ritwal, may mga
pagkakataong nalulubog sa utang ang pamilya ng
namatayan para lamang matuloy ito. Malaking
TOMO XIX BLG. 3 ABRIL 2007

halaga ang hinihingi upang maipagpatuloy ang isang


tradisyon.
Batay sa kabuuang paglalatag ng mga asersyon,
lumilitaw ang ilang kabatiran tungkol sa pagriritwal
o ritwal sa Pilipinas. Una, ito ay katutubong dula ng
panggagagad kung kaya ang mga ritwal ay nagsisilbing
tagapamagitan at tagapagbigkis sa kultura at
komunidad. Pangalawa, pulitikal ang pagriritwal
sapagkat hindi maitatatwa ang mga relasyong nabubuo
at kinakatawanan ng mga ritwal bilang instrumento
sa pagpapahayag at paghihiwatig ng mga paniniwala
at pananampalataya ng komunidad. Pangatlo, ang
ritwal ay isang tekstong nilikha ng mga tao para
matugunan ang kanilang interes at pangangailangan.
Sa ganito, ang mga kabatirang ito ay isang
pagpapatunay sa dinamikong katangian ng ritwal.
Ang ritwal o ang pagriritwal ay hindi lamang isang
palabas, ito rin ay maaaring tingnan bilang isang
daluyan ng diwa at salaysay kapwa ng kultura at
ng komunidad na nagbibigay ng kahulugan at lohika
sa mga ito. At ang prosesong ito ay nakapaloob sa
isang konteksto o salaysay na siyang tumatayong
batayan.
Mahalaga ang pag-apuhap sa estruktura at
katangian ng ritwal sapagkat nagsisilbing balangkas
ito upang higit na maunawaan ang proseso ng
pagkilala at pagtanggap sa konsepto ng ritwal sa
kultura at kamalayang Pilipino. Sa ganito, ang
pagriritwal sa Pilipinas ay pulitikal dahil sa
pagsasalikop dito ng kultura, kasaysayan,
relihiyon, at ekonomiya. Samakatwid, ang ritwal
ay maituturing na gahum. Bilang gahum, ito ay
maaaring magmanipula, lumikha, o bumuwag ng
mga konsepto at ugnayang pangkapangyarihan sa
loob at labas ng konteksto nito. Kung gayon,
bukod sa pag-oorganisa ng ugnayan, ang ritwal
ay naratibo rin ng kapangyarihan.
MGA SANGGUNIAN
Alegre, Edilberto. Inumang Pinoy. QC: Anvil,
1992.
BironPolo, Jaime. Rethinking Philippine Popular
Symbols: Moments of Domination and
Resistance in the Province of Leyte. QC: 1988.

BUHAY-RITWAL: ANG RITWAL SA KAMALAYAN AT KULTURANG PILIPINO

Covar, Prospero. Larangan: Seminal Essays on


Philippine Culture. Manila: National Commission
on Culture and the Arts, 1998.
Cureg, Myrna. Pannonono: Ibanag Cultural
Narratives and Discourses in a Changing
Environment. M.A. thesis, University of the
Philippines-Diliman, 2004.
De Coppet, Daniel. Understanding Rituals. USA:
Routledge, 1992.
Denzin, Norman K. Interpretative Ethnography:
Ethnographic Practices for the 21st Century.
London: Sage Publications, 1997.
English, Leo James. English-Tagalog Dictionary.
USA: Congregation of the Most Holy
Redeemer and National Bookstore, Inc., 1977.
Francisco, J. Mario C. Integrative or Divisive?:
Christian Symbols and Rituals in Philippine
Society. QC: Institute on Church and Social
Issues, AdMU, 1991.
Ileto, Reynaldo. Pasyon and Revolution (Popular
Movements in the Philippines, 18401910.
QC: AdMU P, 1979.
Laktaw, Pedro Serrano. Diccionario Hispano
Tagalog.1889.
Lentricchia, Frank at Thomas Mclaughlin, mga
patnugot. Critical Terms for Literary Study.
Chicago: U of Chicago P,1995.

65

Mantikayan, Saavedra M. The Farming Rituals


Among Magindanaon Rice Farmers. M.A. thesis,
University of the Philippines-Diliman, 1990.
Mojares, Resil. Theater in Society, Society in
Theater: Social History of a Cebuano Village,
18401940. QC: AdMU P, 1985.
Ortiz, Will P. Sa Sinapupunan ng Banahaw: Ang
Ritwal ng Buhay ng Ama at Inang Santisima
Trinidad M.A. thesis, University of the
Philippines-Diliman, 2002.
Pertierra, Raul. Philippine Localities and Global
Perspectives: Essays on Society and Culture.
QC: AdMU P, 1995.
PiludenOmengan, Dinah. Death and Beyond
(Deatje and Burial Rituals and Other
Practices and Beliefs of the Igorots of
Sagada, Mountain Province, Philippines.
QC: Giraffe Books, 2004.
Salazar, Zeus. BAKAS: Babaylan sa Kasaysayan.
Diliman QC: BAKAS, 1999.
Tolentino, Arnulfo Abelardo. Pandangganyo ng
Obando: Ritwal at Pagtatanghal. M.A. thesis,
University of the Philippines-Diliman, Set. 2003.

MALAY

You might also like