You are on page 1of 3

ATIENZA, Denise A.

Marso 16, 2017


ZFI 113 BS4C Prof. Arnel Gonzales

M A L I
Mali.
Iyan ang laging sinasabi nila kapag nakikita tayong magkasama
O kahit naririnig lang na sinasabi nating mahal natin ang isat isa
Mali. Kasi hindi nila naiintindihan.
Na hindi mo naman pwede o kailangan turuan ang puso
Kung ano ang tamang maramdaman
Mali.. Kasi hindi nila tayo katulad.
Mali. Lagi naman, eh.

Naaalala ko pa noong umpisa pa lang,


Noong nagsisimula pa lang akong maguluhan
Kung bakit ang bawat ngiti mo ang tila bumubuo ng bawat araw ko
Kung bakit kapag nagbebeso tayo parang ayaw ko nang hugasan ang pisngi ko
Kung bakit paulit- ulit kong nakikita sa isip ko ang mga ngiti mo
At sa bawat paghawi mo sa buhok mo, iyon ang pinakamagandang nakita ng mga mata ko
Ikaw ang pinakamaganda

Mahal, sana tanda mo pa.


Kung paanong nag-ngingitian na lang tayo tuwing napupuna na
Parang para sa akin, mas espesyal ka sa iba
At kung paanong parang para sayo, ako ang pinakamahalaga
Ang sarap balikan ng simula, diba?
Yung mga panahon na hindi pa natin maamin sa isat isa
Kung anong meron talaga at noong hindi pa nila
Sinasabi sa atin na mali na mahal natin ang isat isa
Hanggang sa ayun na nga,
Sa isang inuman kasama ng tropa nalasing ka
Tandang- tanda ko pa kung paanong nakukuryente ako
Sa bawat dampi ng balat ko sa balat mo
Noong hinihimas ko ang likod mo habang sumusuka ka
At habang pabalik tayo sa mesa, nakaakbay sa akin at tumatawa
Inawat kita noon, tapos sinabi mo sakin na may ibubulong ka
Hindi mabubura sa alaala ko kung paanong bawat hangin ng bulong mo
Ay kumikiliti sa mga laman ko
Mahal kita at mahal din kita. Kahit hindi na ako lasing.

Pinilit ko nang limutin lahat ng mga alaala ng magandang simula,


Yung mga panahon na sigurado ka pang kaya mo akong ipaglaban, at ako itong takot
Nandoon ka, mahal, noong tinatakpan ko ang tenga ko sa bawat panghuhusga
At hindi ka nagsasawang sabihin sa akin na
Kaya nating maging matapang nang magkasama
Salamat mahal, kasi tinuruan mo kong magbingi-bingihan
Sa mga bagay na makakasakit lang
Salamat kasi sinamahan mo akong maging matapang saglit
Salamat kasi hindi mo ako iniwan.
Mali salamat kasi hindi mo ako agad iniwan.
Alam nating dalawa na magiging mahirap, na kailangan itago
Pero kahit na, diba, sabay tayong nangako
Na sa laban na to ang kakampi natin ay ang isat isa?
Na tayo lang dalawa kahit ang kalaban natin lahat sila?
Mahal, pinatunayan mo sa akin na pwede ang bawal sa kanila
Na hindi natin kailangan laging sumunod para maging masaya
Na hindi lahat ng hindi karaniwan ay hindi tama
Pero ganoon ba talaga?
Kung sino pang nagturo sa aking maging matatag,
Siya pang unang manghihina?
Ikaw tong kinakapitan ko,
Pero ikaw rin yung unang bumitaw.

Ngayon, paikot- ikot na lang ako sa kama ko pag gabi


Yakap- yakap ang unan na ni hindi mo bigay
Pero iniisip kong ikaw.
Minsan, nakatitig na lang ako sa kisame
Habang paulit-ulit kong pinipigilan ang
Paulit- ulit na pagpatak ng luha ko
Sa bawat ulit sa isip ko ng paulit- ulit mong paalam

Siguro nga, kinailangan lang natin ang isat isa.


Kinailangan mo ako para patunayang kaya mo magmahal
At kinailangan kita para patunayang kaya ko mag-isa.
Dahil sa loob ng isang magandang simula,
Nagpadala ka rin sa kanila
At iniwan mo ako sa laban na laban dapat nating dalawa.

You might also like