You are on page 1of 1

Pangkalahatang Buod

ng “Ibong Adarna”
Ang Ibong Adarna ay umiinog sa magkakapatid na sina Don Juan, Don Diego at
Don Pedro na pawang nagsikap makuha ang mahiwagang Ibong Adarna na dumarapo sa
puno ng Piedras Platas sa Bundok Tabor. Kailangang makuha ang ibon upang
mapagaling ang kanilang amang si Haring Fernando na noon ay dinapuan ng sakit na
hindi kayang gamutin ng karaniwang manggagamot. Ang mahiwagang huni ng nasabing
ibon ang makapagpapagaling lamang umano sa sakit ng hari. Sumapit na sila sa takdang
gulang at dumaan sa mga pagsasanay sa pananandata, gaya ng inaasahan sa sinumang
prinsipe. Ngunit ito'y hindi sapat sa haharapin nilang mga pagsubok.
Kapuwa nabigo sina Don Diego at Don Pedro na mahuli ang ibon, at naghunos
bato sila nang mapahimbing sa maamong awit ng Adarna at maiputan sila nito. Ngunit
naiiba si Don Juan, na nabatid ang lihim ng Ibong Adarna sa isang matandang
ermitanyong nasalubong sa daan. Binigyan din ng mahihiwagang gamit ng matanda ang
prinsipe, upang mabihag ang ibon at mapanumbalik ang buhay ng kaniyang dalawang
kapatid. Ngunit nagtaksil sina Don Pedro at Don Diego kay Don Juan. Inagaw nila
ang Adarna na hawak ng bunsong kapatid. Muntik na nilang mapatay si Don Juan, nang
iwan sa isang malalim na balon.
Ngunit muling nakaligtas si Don Juan sa tulong ni Donya Maria, at ipinagpatuloy
ang pakikipagsapalaran sa lupain ng Reino de los Cristal. Napaibig si Don Juan sa dalawa
pang kapatid ni Maria, na sina Donya Leonora at Donya Juana. Kahit ibig pakasalan ng
binata ang sinuman sa mga dalaga'y kailangang muling dumaan siya sa mga pagsubok na
mula kay Haring Salermo. Nagtagumpay muli si Don Juan, nagpakasal kay Donya Maria,
at namuhay nang maligaya sa kahariang nakamit niya. Samantala, ang Ibong Adarna ay
mistulang tagapagbunyag ng lihim na naganap sa pagtataksil kay Don Juan. Waring
ginamit lamang itong instrumento upang itampok ang mga kagila-gilalas na
pakikipagsapalaran ng mga prinsipe sa iba't ibang pook.

Ipinasa ni: Lenard O. Samante

You might also like