You are on page 1of 5

ANG ALAMAT NG KALAMANSI

Narrator: May isang pamilyang naninirahan ng matiwasay sa isang bayan sa rehiyong Katagalugan. Ang mag-
asawang si Aling Mansi at Mang Juan ay biniyayaan ng dalawang supling—si Luningning at Mariposa. Si Mang
Juan ay may matatag na trabaho habang si Aling Mansi ay siyang naiiwan sa bahay upang gampanan ang lahat
ng gawaing bahay. Tunay na mapalad ang dalawang dalagita.

Aling Mansi: Mariposa, Luningning! Mga anak gumising na kayo dahil alas-diyes na. Tanghali na. Tiyak gutom
na kayo. Halina at kumain na tayo.

Mariposa: (Mumukat-mukat. Mag-iinat.) Inay naman. Ang aga pa po. Inaantok pa ako.

Luningning: (Natutulog pa rin, umuungol lamang).

Aling Mansi: Mariposa, anak. Gisingin mo na ang kapatid mo at kumain na tayo. Natapos na akong maglaba ng
lahat ng labahan natin. Ngayon naman, pagkatapos nating kumain ay uutusan ko kayong magdala ng pagkain
para sa itay ninyong nasa bukid.

(Makikitang nakasimangot na tatalima ang dalawa ngunit pahabol pang sisigaw si Mariposa.)

Mariposa: Ayoko ‘Nay. Kayo na lamang po.

Narrator: Dahil mahal na mahal ni Aling Mansi ang dalawa nilang supling, hindi na niya nagawang magalit. Siya
na din lamang ang naghatid ng pagkain para sa kanyang asawa sa bukid. Mag-aalauna na ng hapon nang
makarating si Aling Mansi sa kamalig dahil sa sungit ng panahon. Nadatnan niyang sinusumpong ng malalang
ubo ang kanyang asawa.

Mang Juan: (Umuubo ng malakas)

Aling Mansi: Diyos ko! Bakit basing basa ka Juan. Palala na nang palala iyang ubo mo.

Mang Juan: ‘Wag mo kong intindihin (Ubo) Mansi. Ayos lamang ako.

Aling Mansi: Ganyan ba ang ayos? Halika. Magpalit ka na ng damit. Ako’y lubhang nag-aalala na sa iyo.

Mang Juan: Akoy hwag mong alalahanin. Kumusta na ang dalawa kong dalagita. (Umuubo pa nang
pagkalakas)

Narrator: At ilang araw pa’y tuluyan nang iginupo ng sakit si Mang Juan.

Mang Juan : (Nakaratay. Dinadahikdik ng ubo.)

Aling Mansi: (Balisa.) Mariposa, anak. Kumuha ka nga ng batya ng tubig at pupunasan ko ang iyong ama.
Mariposa…Anak. Luningning…Dagli..

Mang Juan: (Umuubo hawak ang panyo na nakatakip sa bibig. Nahihirapan ng huminga.) Mm..mmansi?
Aalaga..(Ubo) aalagaan mo ang mga bata… (Ubo)

Aling Mansi: Dyos ko po! Juan, ano bang sinasabi mo. (Maluha-luhang sasambitin. At lalo pang mananangis
nang makita ang panyong hawak ng asawa na may noo’y puro dugo. Humahagulgol) JJuan!!! Asawa ko.

Mang Juan: (Lalong mahihirapang humagilap ng hangin at napakahinang sasambitin) Iikaw na ang..k..kaw
n..ang bahala….sa mga b..bata..(Sa pagkakataong ito’y tuluyan nang malalagutan ng hininga.)

Aling Mansi: (Pasigaw) JJuan…Asawa ko! H’wag mo kaming iwanan.


(At makikitang patakbong lalapit ang dalawang dalagita na noon lamang tumalima sa tawag ng ina.)

Luningning at Mariposa: (Iiyak) Itay…

Narrator: Pumanaw na si Mang Juan, kaya’t si Aling Mansi na lamang ang naiwang magtataguyod sa dalawang
anak. Hindi lamang ang malaking pasaning ito ang pinoproblema ng ina, kundi ang isipin kung paano gagaan
ang araw-araw niyang gawain.

Aling Mansi: (Makikitang naglalaba. Bakas sa katawan ang matinding pagod at hirap. Sisigaw para tawagin
ang mga anak.) Luningning..Mariposa.. Mga anak, bangon na diyan. Kayo na muna ang magpatuloy nitong
labahin ng nanay. Ako’y gagapas pa sa bukid at magtitinda ng kakanin mamaya. Luningning..Mariposa..Anak..

Mariposa: (Nakasimangot na lalapit ang dalawa at iirapan ang ina.) Bakit ba simula na lang nang mamatay si
Itay, ginagawa nyo na kaming bataan at katulong. Buti pa noong nandidito pa si Tatay. Hindi nya kami
pinapahirapan.

Aling Mansi: Anak naman. Hindi ko kayo pinapahirapan. Kailangan lamang na matuto na kayo ng mga gawaing
bahay para mabawas-bawasan ang ginagawa ng nanay. Gagapas pa ako mamaya anak. Alam kong ayaw ding
makita ng Itay ninyong nahihirapan tayo. Kaya tulungan lamang anak.

Mariposa: (Magdadabog) Ah. Basta! ‘Pag kami’y naasar, lalayasan na lamang namin kayo. (Sabay talikod sa
ina.)

Aling Mansi: (Umiling-iling at binalewala ang tinuran ng anak. Bumaling kay Luningning na kasalukuyang
nakamatyag lamang sa ginagawa ng ina.) Luningning, anak. Ikaw na lamang ang magpatuloy ng labahin ng
nanay. Sige na anak para maihanda ko pa ang mga kakanin na ibebenta ko habang naggagapas. (Mahinusay na
samo niya).

Luningning: Hindi ko din kaya iyan Nay. Masusugatan lamang ang kamay ko. Dun na lang kami sa kwarto ni
ate. (Sabay talikod na din sa ina.)

Aling Mansi: (Bubuntong hininga) Hay. Mahal na mahal ko kayo mga anak.

Narrator: Walang nagawa si Aling Mansi kundi ang bumuntong hininga na lamang sa inasal ng mga anak.
Umaasa siyang darating din ang panahon na maiintindihan siya ng kanyang mga anak. Pagkatapos maglaba ay
dali-daling iginayak ang mga kakanin, kinuha ang pang-gapas at pumaroon na si Aling Mansi sa bukid. Umuwi
siya sa bahay na pagud na pagod at walang atubiling naghanda ng pagkain.

Aling Mansi: Luningning… Mariposa… Anak, baba na kayo riyan at kakain na. Nandito na ang nanay. Alam ko
gutom na kayo. Halina, tayo nang kumain.

Luningning at Mariposa: (Nagdumaling bumaba at sinaluhan ang ina sa pagkain.)

Aling Mansi: Pasensya na mga anak kung tinapa lamang ang hapunan natin. Hindi pa kase ako nakakabayad ng
utang sa tindahan ni Aling Delia. Alam ko hindi kayo sanay kumain nyan. Pero, tikman nyo. Masarap yan.
Isawsaw nyo dito sa toyo na may kamatis.

Luningning at Mariposa: (Magkakatinginan)

Aling Mansi: Bakit anak?

Luningning at Mariposa: Wala po Inay.


Narrator: Matapos ang hapunan ay pumanhik na sa kwarto ang dalawang dalagita at hindi man lamang
tinulungan ang inang magligpit ng pinagkainan. Kinabukasan, maagang gumising si Aling Mansi. Naghanda ng
pagkain at tinawag ang dalawang anak.

Aling Mansi: Mariposa. Luningning. Anak. Gising na. Nakahain na ang almusal. Luningning. Mariposa.

Narrator: Paos na sa kakasigaw si Aling Mansi pero wala pa ring tumatalima sa utos niya. Kaya minarapat
niyang puntahan ang mga ito sa kwarto at gisingin.

Aling Mansi: Luning… (Biglang matitigilan tatakbo sa kabilang kwarto) Mari… O Diyos ko. Iniwan ako ng mga
anak ko. (Bubulong sa sarili at iiyak.) Ginagawa ko naman ang lahat para sa kanila. Mga anak ko. Ang mga anak
kong wala pang muwang sa hirap ng buhay. Wala sa hinagap kong tututuhanin iyon ni Mariposa. Huhuhu.
(Saglit na titigil at magbubusa.) Ah. Bahala sila. Matuto sila sa hirap ng buhay.

Narrator: Nagpalipatlipat ang magkapatid sa mga tiyahin, tiyuhin at mga kamag-anak. Noong una’y ayos
lamang para sa mga ito na makituloy sila. Subalit nang lumaon ay bawat puntahan nila’y pinagtatabuyan sila.

Luningning: (Umiiyak.) Tyang, patuluyin na po ninyo ulit kami.

Mariposa: Sige na po Tyang. Ayaw na po naming bumalik kay Inay.

Tiya Rosa: Aba! Sinuswerte naman kayong magkapatid. Hindi na ako magtataka kung bakit walang
tumatanggap sa inyong dalawa. Ang bibigat kase ng likod. Napakatatamad. Kaawa-awa lamang ang kapatid
kong si Mansi. Mag-isang naghahanapbuhay, gumagawa ng lahat ng gawaing bahay at pinapagsilbihan pa
kayo. Aba mga Iha. Hindi katulong ang nanay ninyo. Bumalik na kayo sa inyo hanggat hindi pa gumagabi. Tiyak
nag-aalala na iyon sa inyo.

Narrator: Walang nagawa ang magkapatid kundi ang sundin ang utos ng tiyahin. Pagod na din silang
magpalipat-lipat sa knilang mga kamag-anak. Sa daan patungo sa bahay nila, nakasalubong nila si Aling Delia,
isang kapitbahay na may-ari ng tindahang inuutangan ng nanay nila.

Aling Delia: Aba! Mga Ineng. Nandito lamang pala kayo. Matagal na kayong hinahanap ng mga taga rito sa
atin.

Mariposa: Bakit po?

Aling Delia: Diyos ko po! Hindi ninyo alam?

Luningning: Ang ano po?

Aling Delia: Noong isang lingo pa nailibing ang ina ninyo. Matapos kayong maglayas noon ay naging
malungkutin si Mansi. Ni hindi nga siya lumalabas ng bahay at nagkakakain. Hanggang nang isang araw ay may
makakita sa kanyang tanod na nakahandusay siya sa bakuran ninyo.

Luningning at Mariposa: (Humahagulgol)

Narrator: Hindi na napigilan pa ng magkapatid ang kanilang mga luha dahil sa balitang natanggap.
Nagmamadali silang nagtungo sa likod ng kanilang bahay kung saan nakalibing ang kanilang ina. Ang ayon sa
mga kapitbahay, wala daw kamag-anak na nag-asikaso kung kaya’t sa likod-bahay na lamang ipinasya ng mga
ito na ilibing ang kanilang ina. Pagdating sa puntod ay buong pait na pinagmasdan ng magkapatid ang sinapit
ng kanilang magulang.

Mariposa: Inay, patawarin nyo po kami. Hindi sana naming kayo iniwan. mahal na mahal po naming kayo.
Inay. (Humahagulgol)
Luningning: Inay, sana mapatawad nyo kami ni Ate. Ngayon po, alam na naming ang lahat ng pagsasakripisyo
ninyo para buhayin lamang kami. At ang lahat ng iyon ay ginagawa nyo para sa amin. Para matuto kami.
Patawad po, Inay.

Narrator: Maghapong umiyak nang umiyak ang magkapatid sa puntod ng kanilang ina. Iyon ay tanda ng taos
puso nilang paghingi ng tawad at pangungulila sa ina. Araw-araw na dinidilig ng magkapatid ng luha ang lupa
sa paligid ng puntod. Makalipas ang isang buwan, nagsimula na ang tagtuyot. Ang kanilang dating palayan ay
hindi na mapapakinabangan. Wala din silang alam kung papaano kikita ng pera. Lumaganap ang tagtuyot at
taggutom sa iba pang karatig-bayan. Isang araw, habang naglilinis ng bakuran si Mariposa, may napansin
siyang isang halaman natumutubo sa puntod ng ina. Ang dahon nito’y luntian at hindi agad nalalanta sa kabila
ng matingkad na sikat ng araw. Lumipas ang mga buwan at ang halama’y lumaki at namunga. Namamangha
ang bawat isang mapadaan sa puno, dahil noon lamang nila iyon nakita.

Aling Delia: Mariposa, nakakapagtaka iyang puno na iyan. Wala naming nagtanim doon sa likuran nyo hindi
ba?

Mariposa: Oo nga po. Kami rin po ay nagtataka. Tumubo po iyan, isang buwan matapos ilibing si Inay.

Luningning: At wala po yatang may kilala sa punong iyan. Ang bunga ay bilog bilog na luntian.

Aling Delia: Oo nga Iha. (Sabay pitas ng bunga, binalatan at tinikman. Makikitang mapapapikit si Aling Delia).
Ay pagkaasim! Tikman mo Ineng.

(Pumitas na din ang dalawang dalagita).

Mariposa: Oo ang asim nga.

Luningning: Ano kaya kung gawin nating pang-asim ito sa sinigang.

Aling Delia: mainam na ideya. Tamang tama ang asim nito sa sinigang na isda.

Mariposa: Anong gagawin natin napakarami na bunga? Hindi naman pwedeng araw araw tayong magsisigang
nyan.

Luningning: Edi pitasin natin at gawing inumin. Tingnan lamang natin kung magiging masarap ang lasa.

Aling Delia: O sige Luningning. Sumunod ka sa akin Ineng at kumuha tayo ng yelo sa bahay.

Narrator: Matapos makapaghanda ng pananghalian si Mariposa, samantalang si Luningning ay natapos na


ding magtimpla ng katas ng bunga. Inaya na nila si Aling Delia upang pagsaluhan ang pananghalian at tikman
ang inumin.

Aling Delia: (Humigop ng sabaw ng sinigang.) Aba! Pagkaasim. Napakasarap. (Sumubo ito ng sumubo ng
pagkain at maya-maya’y nabilaukan).

Mariposa: Ayos lamang kayo Aling Delia? Ito po inumin po ninyo itong katas/juice na tinimpla ni Luningning.

Aling Delia: (Iniinom nga ang juice) Oh Mansi. Ito’y biyaya ng Diyos sa inyo. Pagkasarap ng lasa. Marahil ito’y
halaman na tumubo nang dahil kay Mansi. Gusto nya kayong gabayan. Kayong kanyang dalawang anak.

Mariposa at Luningning: (Magkakatinginan ang dalawa. Parehas hihigop ng sabaw ng sinigang at titikim ng
katas na tinimpla.) Ang sarap nga. (Sabay nilang turan.)
Narrator: Pinagyaman pa nga ng magkapatid ang pag-aalaga sa puno hanggang maparami nila ito sa knilang
bakuran. Anupa’t kumalat na rin ang balita tungkol sa punong ito sa lahat ng tao sa nayon. Bawat isa ay
nagnanais makabili ng bungang pang-asim at ng juice na tinitimpla nila lalo na kung tag-araw. Hindi lamang ito
ang benipisyong naidudulot ng bunga, natuklasan din nilang mayaman ito sa bitamina at mainam na panlunas
sa ubo, sipon at iba pang karamdaman. Ang bunga ay itinuring ng mga taga-nayon na pantawid sa kalam ng
sikmura hindi lamang sa dalawang magkapatid kundi sa buong nayon na nakakaranas ng tag-gutom at tag-
tuyot.

Mariposa: (Makikitang abalang-abala sa pagsalok ng juice mula sa kanyang Jag. Ang daming taong nakapila
sa knilang munting tindahan upang makatikim ng katas na pampalipas ng uhaw. At nakangiti niyang
sasabihin.) Ito po’y mula sa bunga na nagtawid sa amin mula sa kumakalam na sikmura. Salamat Inay.

Narrator: At tiyak nga namang kakalam ang sikmura mo kapag nakaamoy ka ng sinigang na may piga ng
bungang ito. Ang asim ng bunga ay nagpapaalala ng masaklap na kapalaran na inabot ni Aling Mansi subalit
mas nananaig ang tanda ng pagmamahal ng isang ina para sa kanyang mga anak. At mula noon ay tumatak na
sa isip ng mga tao na iyon ay bunga na nakakapagpaalis ng kalam ng sikmura, isang bungang nagmula sa
puntod ni Aling Mansi at nang maglaon ay tinawag itong Kalamansi.

-THE END-

You might also like