You are on page 1of 4

Mahahalagang Detalye sa Pagtalakay ng Kabanata 6&7

Kabanata 6: Si Basilio
Sa kabanatang ito nakatuon ang tema ng pagtalakay sa pagtukoy sa katotohanan at kasinungalingan sa mga sumusunod na pahayag na
ba. Nakapaloob din sa ibaba ang paliwanag sa sagot.

1. Maghahatinggabi na nang nanaog si Basilio sa malapalasyong bahay ni Kapitan Basilio. Pumaroon siya sa kinatatakutang gubat na
dating pagmamay-ari ni Senyor Crisostomo Ibarra.
Kasinungalingan, sapagkat si Basilio ay tumungo sa bahay ni Kapitan Tiyago matapos ang pangyayari sa kabanata 5.

2. Mailalarawan ang kagubatan na napakadilim at walang anumang liwanag na maaaninag kaya siya ay tumatakbong nangangapa sa
dinaraanan.
Katotohanan, ito ay kongkretong maglalarawan sa kagubatang tinahak ni Basilio.

3. Pumaroon si Basilio sa kagubatang tanging si Sisa lamang ang nalibing bilang paggalang sa namayapang ina.
Katotohanan, sapagkat bilin ni Elias bago ito mamatay na sunugin ang kanyang katawan samantalang tanging si Sisa lamang
ang ibinaon sa lupa dahil ito ang kagustuhan ni Basilio.

4. Ginunita ni Basilio ang nangyari labintatlong taon na ang nakararaan na kung saan may dalawang lalaking dumating na sugatan at
nakiusap na kung mamatay ay sunugin ang katawan.
Kasinungalingan, sapagkat isang lalaki lamang ang dumating na sugatan batay sa huling pangyayari sa Noli at iyon ay walang
iba kundi si Elias.

5. Mailalarawan ang lalakeng binurol bilang mestisuhin dahil matangkad, may matangos na ilong, matatalim, at nanlalalim na mga mata na
walang iba kundi si Elias.
Kasinungalingan, dahil ang ibinurol ay si Elias at karaniwang Pilipino lamang ang kanyang itsura. Si Ibarra ang inilalarawan
bilang matangkad, mestisuhin, matatalim, at nanlalalim na mga mata

6. Isang litanya ng pakikipagsapalaran ang buhay ni Basilio mula pagkabata hanggang siya ay makapagtapos ng pag-aaral. Ang ibig
sabihin ng salitang litanya ay karanasan.
Kasinungalingan, sapagkat ang litanya ay nangangahulugang serye o pagkakasunod-sunod na kung susuriin ang akda, si Basilio
ay humarap sa napakaraming pagsubok sa buhay simula pagkabata hanggang siya ay makapagtapos ng pag-aaral.

7. Si Kapitan Tiyago ay tumulong na mapag-aral si Basilio at si Tandang Selo ay minsang nagbigay rin ng pag-aruga sa kanyang
pagkabata.
Katotohanan, sapagkat kung muling babalikan ang Noli mayroong sakit noon si Basilio sa loob ng dalawang buwan bago siya
nagdesisyong hanapin ang kanyang inang si Sisa. Sa mga panahong siya ay may karamdaman, si Tandang Selo ang nag-aruga sa kanya
ngunit dahil sa katandaan ay pinaghanap siya ng taong maaring mag-alaga sa kanya hanggang siya ay mapunta kay Kapitan Tiyago.
Pssst chika lang to ah, marahil ang pangyayaring iyon ang naglapit kay Basilio at Juli dahil apo ito ni Tandang Selo . . .

8. Bagamat may angking talino si Basilio, isa sa kanyang dahilan kung bakit di niya magampanan ang trabaho ay dahil sa murang edad.
Kasinungalingan, sapagkat ang pangunahing dahilan kung bakit walang tumatanggap kay Basilio sa trabaho ay ang
pagiging sakitin.
9. Mababakas kay Basilio ang kahirapan dahil madalas siyang nakabakya at mukhang basahan ng kasuotan na pumapapsok sa eskwela.
Ang bakya ay tsinelas na gawa sa abaka.
Kasinungalingan, sapagkat ang bakya ay tsinelas na yari sa kahoy.

10.Madalas balewalin at pandirihan si Basilio ng kanyang mga gurong paring Pransiskano sa loob ng paaralan.
Kasinungalingan, sapagkat ang kanyang guro ay mga paring Dominiko. Noon ay mayroong apat na orden ng mga pari ng
itinalaga sa Pilipinas para magpalaganap ng turo ng Katolisismo at sila ring nagbukas ng edukasyon sa ating mga Pilipino, Ang
apat na orden ng pari ay ang mga sumusunod: Dominiko, Pransikano, Agustino, Heswita, at nadagdag pa ang mga tinatawag na
Rekoletos. Sa Maynila, ang kabilang sa orden na natalaga ay ang mga Dominiko na silang nagmamay-ari ng Unibersidad ng
Sto.Tomas hanggang sa kasalukuyan.

11. Ang galing ni Basilio sa pangangabisote at pagkakaroon ng potograpikong memorya ang tangi niyang naging sandata sa mga
katunggaling kaklaseng Espanyol.
Katotohanan, sapagkat ang pangangabisote ay nangangahulugang pagmememorya partiklular na ang kakayahang
potograpikong memorya. Isa rin ito sa mga isyu na nais talakayin ni Rizal sa kanyang akda kaugnay sa suliraning pang-edukasyon
na kung saan ipinakikita na napakababaw ng antas ng pagkatuto na nakatuon lamang sa pagsasaulo ng mga Latin o anumang
impormasyon sa akda na maaaring sabihin kulang sa pagpapalalim at pag-unawa.

12. Noong nasa ikalawang taon, nakabili si Basilio ng bagong sombrero at sapatos matapos manalo ang kanyang panabong na manok.
Kasinungalingan, sapagkat hindi naman sabungero si Basilio. Ang sabungero ay si Kapitan Tiyago. Ang salaping natanggap ni
Basilio ay ibinigay na balato sa kanya ni Kap. Tiyago.

13. Nang binato si Basilio ng sunod-sunod na tanong ay binato rin niya ng sunod-sunod at maihahalintulad siya sa isang rapido.
Kasinungalingan, sapagkat inihahalintulad si Basilio sa ibong loro. Ang rapido ay paglalarawang nangangahulugang
mabilis.

14. Si Basilio mahusay sa palakasan partikular na sa paggamit ng eskrima o kilala ring “arnis” na pambansang laro ng Pilipinas.
Katotohanan, sapagkat ito ay nagsasabi ng totoo kaugnay sa kalakasan ni Basilio. Ang ekrima at arnis ay pareho lamang. Ito ang
pambansang laro ng Pilipinas sa kasalukuyan batay sa Batas Republika 9850 na nilagdaan sa panahon noong 2009.

15. Ang Ateneo ay paaaralang nagbibigay ng mataas kalidad na edukasyon dahil ito ay pinamumunuan ng mga paring Heswita.
Katotohanan, sapagkat dahil nabanggit sa kabanata na may nakapagsabi kay Kapitan Tiyago na kung kalidad ng edukasyon ang
pag-uusapan, ang paaralan ng mga Heswita ang nangunguna. Ang Ateneo ay pagmamay-ari ng mga paring Heswita (Jesuit)
hanggang sa kasalukuyan. At bakit hindi ang paaralan ng mga Dominiko? Sapagkat makikita at mababasa ito sa isang kabanata
sa nobela at tinalakay ni Rizal ang problema sa kanilang paaralan. Basahin ang kabanatang pinamagatang ang klase sa Pisika.

16. Kung medisina man ang piliin ni Basilio, gusto ni Kapitan Tiyago na mag-imbento siya ng mabisang gamot para manalo ang kanyang
panabong na manok.
Kasinungalingan, sapagkat lason ang tinutukoy at hindi gamot. Ang gamot ay pambuhay samantalang ang lason ay pamatay.
Nais ni Kapitan Tiyago na makaimbento si Basilio ng mabisang lason na ipapahid sa tari ng manok upang mapatay ang kalabang
manok.

17. Sa Pamantasang Normal ng Santo Tomas nag-aral ng pagdodoktor si Basilio at siya ang naatasang bumigkas ng pasasalamat sa
pagtatapos.
Kasinungalingan, sapagkat Pamantasan ng Santo Tomas lamang at walang nakakabit na “Normal” sapagkat ibang paaralan
naman ang tinutukoy nito, ang PNU.

Kabanata 7: Si Simoun
Basahin na lamang ang kabanata 7 upang lubusang maunawaan ang mga tanong at sagot sa ibaba. Ang ma datos sa inilahad sa ibaba ay
batay sa pagsusuri ng isang kilala at batikang manunulat na si Efren Abueg

1. Sa orihinal na akda ay nabanggit na may 2 lihim si Simoun na maaaring ikapahamak ni Basilio. Tukuyin.
Sagot: (1) Na si Simoun ay buhay pa. (2) Na si Ibarra at si Simoun ay iisa. Ito y magpapahamak sa kanya at sa balak
niyang paghihiganti

2. Mayroong 4 na pangunahing dahilan kung bakit hindi niya pinatay si Basilio. Ano-ano ito?
(1) Si Basilio ay katulad niya ring sawimpalad sa pamahalaan at simbahan. Alalahanin ang naging buhay niya simula sa Noli.
(2) May utang na loob si Basilio kay Simoun. Kung babalikan ang Noli, si Ibarra ang gumamot sa sugat ni Sisa at siya rin ang
tumulong sa paghukay ng paglilibingan ng kanyang ina.
(3) Hindi paniniwalaan ng pamahalaan si Basilio kahit magsumbong ito dahil malakas ang impluwensiya ni Simoun
(4) Magagamit ni Simoun ang kabataang tulad ni Basilio sa kanyang hangaring paghihimagsik.

3. Bakit hindi hinukay ni Basilio ang kayamanan sa puno ng balite gayong lagi siyang bumibisita sa libingan ng ina?
Maaalala na inihabilin ni Elias kay Basilio bago ito malagutan ng hininga na hukayin ang ibinaon nitong kayamanan sa puno ng
balite kung walang darating na iba. May dumating noon– Si Ibarra – na tumulong kay Basilio sa paghuhukay ng paglilibingan ni
Sisa at pagsunog sa bangkay ni Elias. Sa mahabang panahon ay nakalimutan na ni Basilio ang tungkol sa kayamanan hanggang
sa dumating sa tagpo na naabutan niyang naghuhukay si Simoun.

4. Paano nakapang-aalipin ang isang wika?


Inihalintulad ni Simoun ang kalagayan ng bansa noon sa Poland na upang maalipin ng Rusya sa wika ay ipinilit na ipagamit at
ipasalita ang Ruso. Gayundin ay pareho ang kalagayan ng Pilipinas at Espanya. Dahil pilit at patuloy na naghahangad ang mga
kabataan na matutong magsalita ng wikang Espanyol, ito ay katumbas ng pang-aalipin ng dayuhang wika sa ating bansa. Ang
kanilang wika ay nagiging sagisag ng kapangyarihan na mas tatangkilikin ng maraming Pilipino at magbubunga ng kaisipang
kolonyal. Mamaliitin ang sariling wika at magiging dayuhan sa sariling bayan.

5. Iugnay sa kasalukuyan, tuluyan na nga bang nagiba ang sariling pagkakakilanlan nating mga Pilipino? Patunayan.
Depende na lamang ito sa iyo. Mahilig ka ba sa imported? Ikinahihiya mo ba ang sarili mong wika? Kdrama ba?

6. Bukod sa pagsusulong ng Wikang Kastila, Ano pa ang isang pananaw ni Basilio na nais baguhin ni Simoun?Bakit?
Si Basilio ay kuntento na sa anumang buhay na kanyang narating sa kabila ng kanyang mga pagsubok na pinagdaanan. Nais ni
Simoun na buhayin ang diwa at damdamin ng paghihimagsik upang umayon ito sa kanyang layuning politikal.

7. Napakataas ng pananaw at pangarap ni Basilio kaugnay sa siyensya at sa sarili, ngunit bago ito marating, Ano ang nararapat unang
isaalang-alang ayon kay Simoun?
Ayon kay Basilio, ang siyensiya ay layunin ng tao sapagkat patungo rito ang mga bansang mayayaman sa kultura. At kaugnay
naman sa kanyang sariling pananaw wala siyang anumang intensiyong tumaliwas sa pamahalaan sapagkat siya’y naniniwalang
karaniwang mamamayan lamang. Ngunit ayon nga kay Simoun,”Kung anong kapaitan ang nangyari sa iyo, ito rin ang
mararanasan ng anak mo.” Sa nabanggit na siping pahayag. Hangarin ni Simoun na mapaniwala si Basilio na balewala ang mga
matatayog na sariling pangarap nito kung hindi niya uunahin ang pangangailangan ng lipunan. Samakatwid, ang kapaitan at
kasawiang palad niya ay mamamana at mararanasan din ng kainyang magiging mga anak kung hindi niya babaguhin ang ugat at
problema sa lipunan.

8. Ipaliwanag ang kahulugan ng mga sumusunod na pahayag:

“Ang pagpapaumanhin ay di laging kabaitan; ito ay isang kasalanan kung nagpapaunlad ng paniniil” -Simoun
Tulad ni Basilio na sa mga kaapihang dinanas nito’t kanyang kapatid na si Crispin – ayaw ng maghiganti. Dahil dito aakalain ng
mga maysalang sila ay di na inuusig sa kanilang kasalanan. Maaari nilang ipagpapalagay na walang sinumang makadadaig sa
kanilang kasamaan at maipagpapatuloy nila ang masamang gawi.

“Magiging maligaya lamang ang tao kung ang buong sangkatauhan ay ituturing ng mamamayan ng daigdig. . .” -Basilio
Mababatid dito ang diwa ng Nagkakaisang Daigdig o United Nations. Masasabi nating isa si Rizal sa sa mga unang Pilipinong may
diwang “pandaigdig” o “internationalist” na maitututuring na malaki ang pagiging una niya sa panahon (advanced)

“Ang kadakilaan ng tao ay wala sa pagpapauna sa kanyang panahon kundi nasa pagtugon sa kanyang hangarin at pangangailangan.”
-Simoun
(Ang nabanggit sa itaas ay itinuturing na formula of greatness ni Rizal) Sina Pilospo Tasyo at Basilio ay mga halimbawa na
nagpapauna sa kanilang panahon. Kapwa magagaling ang kanilang layunin sa buhay ngunit hindi akma sa kalakaran ng panahon
kaya’t ang una’y tinawag na baliw at ang ikalawa’y hinulaan ni Simoun na dudurugin ng kalaban. Naranasan din ni Simoun ang
ganoong kapalaran noong siya’y idealistikong si Ibarra. Para kay Simoun kailangan munang tiyakin ang layunin ng bansa at
tugunin ang pangangailangan nito. Kung tutugunin ito ni Basilio ay tiyak na hindi niya maiilagang limutin ang kanyang sariling
pangarap.

9. Kanino iniaalay ni Simoun ang kanyang paghihiganti?


Iniaalay ni Simoun ang kanyang paghihiganti kina Don Rafael, Elias, at Maria Clara

Dagdag-kaalaman
Sino ang tinutukoy sa huling bahagi ng kabanata na, “nagbigay sa kanya ng pangalan at tahanan.” Si Don Rafael Ibarra,
Sino naman ang “dakilang kaluluwa”? Si Elias

10. Paano nagkakaiba si Elias at Simoun sa pamamaraan?


Si Elias ay mapayapa o pagpapalaya sa bayan sa marangal na paraan; samantalang si Simoun ay kasalungat Para kay Simoun,
the end justifies the means.” o ang ibig sabihin, “ mali o masama man ang pamamaraan, pero mabuti ang hangarin, ito ay nagiging
tama.”

Inihanda ni G. Lumbria bilang gabay sa pag-unawa ng kabanata

Maraming salamat sa pag-unawa

You might also like