You are on page 1of 5

KALIGIRANG KASAYSAYAN NG IBONG ADARNA

Ang Ibong Adarna ay isa na ngayon sa mga kinikilalang kanon ng Panitikang Filipino. Ito ay
may buong pamagat na Corrido at Buhay na Pinagdaanan nang Tatlong Principeng Magcacapatid na
Anac nang Haring Fernando at nang Reina Valeriana sa Cahariang Berbania. Ayon sa mga historyador ng
panitikan ng Pilipinas, ang akdang ito ay hindi itinuturing na “orihinal” na nagmula sa Pilipinas tulad
din ng Bernardo Carpio na nagmula sa Europa. Ang kasaysayan ng Ibong Adarna ay maaaring hango
sa mga kwentong bayan ng iba’t ibang bansa tulad ng Germany, Denmark, Romania, Austria, Finland,
at Indonesia. Mayroong motif at cycle ang Ibong Adarna na matatagpuan sa mga kwentong bayan:
may sakit ang inang reyna o amang hari, kailangan ang isang mahiwagang bagay upang gumaling
tulad ng ibong umaawit, tubig ng buhay, halaman at iba pa.
Paano kung gayon naging Ibong Adarna ang pamagat ng akdang ito? Ang sagot ay dahil
napakahaba ng pamagat at hindi nakakabisado ng mambabasa ang buong pamagat. Angkop naman
ba ito? Sa isang pagsususring isinagawa ng mga kritiko ng panitikan, masasabing angkop ito dahil una
sa lahat, ito ang gamot sa sakit ng hari ng Berbanya. Pangalawa, ito din ang pilit na pinagpunyagihan
ng magkakapatid na hanapin upang hulihin. Ito din ang naging suri upang mahayag ang kataksilan
nina Don Pedro at Don Diego, ito din ang nagpatunay na si Don Juan ang tunay na nakabihag sa
kanya. Samakatuwid, ang ibong Adarna ang naging susi upang malaman ang tunay na karapat-dapat
sa trono ng hari.

Ang Ibong Adarna sa Iba’t Ibang Bahagi ng Mundo

Walang bansang matutukoy na pinagmulan ng tulang romansang ito. Lumitaw ang anyong
ito ng panitikan sa mga bansa ng Europa, Gitnang Silangan, at
maging sa Asya partikular sa Timog-Silangang Asya. May pagkakahawig ang Ibong Adarna sa
kasaysayan ng iba pang panitikang pandaigdig. Halimbawa:
 Scala Celi – Kinalap ng isang paring Dominiko at sinasabing kinatha noon pang 1300. May
isang haring may sakit na nangangailangan ng tubig ng buhay upang gumaling. Naglakbay-
dagat ang kanyang tatlong anak ngunit ang bunso na mabait at magalang ang nakakuha ng
lunas sa loob ng isang palasyo sapagkat tinulungan ito ng isang matanda.
 Kwentong-bayan mula sa Denmark - Nagkasakit si Haring Eduardo ng England at ang lunas
ay ang ibong Phoenix na pag-aari ng reyna ng Arabia. Sa huli, napangasawa ng bunsong
prinsipe ang reynang ito.
 Mula sa Malayo-Polinesia, sinulat ni Renward Branstetter - May mga bahagi ito na kahawig
ng Ibong Adarna, tulad ng tungkol sa “halaman ng buhay” na pinaghahanap ng marami. Ang
pangunahing tauhan, si Djajalankara ay may dalawang kapatid na naglilo upang siraan siya sa
amang maysakit.
 Espanya: El Cuento del Pajaro Adarna
 Armenya: Ang Makababalaghang Ruisenyor
 Eskosya at Irlanda: Ang Haring Ingles at Tatlong Anak
 Rusya, Litbiya, Estonya: Ang Ibong may Ginintuang Tinig
 Portugal, Gresya at Bulgarya: Salaming Mahiko o Ibong Marilag

Ang pagkakatulad naman nito sa mga pinagmulang bansa ay ang mga


sumusunod:
1. Pare-parehong may sakit ang hari (o reyan) at kailangan nito ng lunas o gamot (Denmark at
Alemanya)
2. Ang lunas ay maaaring tubig, halaman ng buhay, o awit ng isang ibon (Alemanya at
Gitnang Silangan)
3. Karaniwang ang naghahanap ng lunas ay magkakapatid na prinsipe at ang bunso ang
laging sinuswerte (Alemanya at Indonesia)
4. Laging nakapag-aasawa ng prinsesa ang nagtatagumpay sa paghanap ng lunas
(Denmark at Alemanya)

Ang Tulang Romansa at Kaugnayan nito sa Ibong Adarna

Ang tulang romansa, o sa Ingles ay metrical romance, ay isang tulang pasalaysay tungkol sa
pakikipagsapalaran at kabayanihan na karaniwang ang mga tauhan ay pawang napapabilang sa
kaharian tulad ng prinsipe, prinsesa, hari, reyna at ilang dugong bughaw. Naging palasak ang
ganitong uri ng panitikan sa Europa. Ang halimbawa ng tulang romansa ay ang Koridong Ibong
Adarna at Awit na Florante at Laura ni Francisco Baltazar.
Ang salitang korido ay galing sa binalbal na salitang Mehikanong “corridor” na
nangangahulugang “kasalukuyang pangyayari”, ang Mehikanong salitang “corridor” ay mula naman
sa Kastilang “occurido”. Isang anyo ng tulang romansa ang korido. Naglalarawan ito ng
pakikipagsapalaran sa buhay ng mga kababalaghan at pantasya, nagpapamalas ng kagitingan,
kabayanihan at pagkamaginoo. Lumaganap sa Europa ang korido bilang isang mataas na uri ng
libangan at panitikan. Sinasabing ang korido ay batay sa mga alamat at kuwentong bayan sa Europa
gaya ng Espanya, Gresya, Italya, Germany, Denmark, Pransiya, Austria at maging sa Tsina at Malay o
Polenesia.
Sa pananakop ng mga Kastila, ang tulang romansa (korido) ay nakarating sa Mehiko at di
naglaon ay nakaabot sa Pilipinas noong 1610.
Ang Usapin ng Pagkakalathala at Paglaganap

Sa paglipas ng panahon, kinagawiang basahin ng mga katutubo ang korido. Marahil dala na
rin ito ng kawalan ng ibang anyo ng panitikang mababasa noong panahong iyon sanhi ng kahigpitan
ng mga paring Kastila sa pagpapahintulot ng pagkalat ng iba’t ibang uri ng akdang maaaring basahin
ng mga tao. Hindi kailanman pinahihintulutan ang pagkalat ng mga babasahing hindi naglalaman ng
magandang pagtingin sa relihiyong kanilang pinalaganap.
Kung titingnan, ang Ibong Adarna ay maituturing na kwentong bayan sapagkat hindi tiyak
kung sino talaga ang totoong umakda nito. Samantala, ayon naman sa isang unang pag-aaral, ang
koridong Ibong Adarna ay binubuo ng 1,056 saknong at tinatayang umabot ito sa 48 pahina (hindi ito
opisyal). Nang isalin sa Wikang Tagalog ang naturang korido, ipinagpapalagay na ganito ang mga
nangyari:
 Ang pangalan ng orihinal na may-akda, na nagmula sa kung saan-saang bansa sa Europa ay
hindi na isinulat ng mga sumunod na nagpalimbag,
 ginamit ng mga tagapagsalin ang kanilang pangalan, ngunit ito'y di isinama sa
pagpapalathala,
 ang mga kauna-unahang salin ng akdang ito ay pawang sulat-kamay at nang maglaon ay hindi
na kinopya ng mga sumunod pang nagsalin ang mga pangalan ng nauna sa kanila at,
 sapagkat hindi nga tiyak kung sino talaga ang totoong may-akda ng korido, pinili na lamang
ng nakararaming tagapagsalin na huwag ng isama ang kanilang pangalan sa pagpapalimbag.

Nagsimulang maging popular ang Ibong Adarna sa Pilipinas nang ito'y isalin sa katutubong
wika. Ang bawat kopya ng akdang ito ay ipinagbibili sa mga perya na karaniwang nagpapalipat-lipat
sa mga bayang nagdiriwang ng pista. Ngunit marami noon ang di marunong bumasa kaya't iilan
lamang ang mga kopyang napalimbag. Sa kabutihang-palad, di nagtagal ay itinanghal na ito sa mga
entablado tulad ng komedya o moro-moro. Ang karaniwang kaanyuan ng nasabing korido na siya
ngayong pinag-aaralan sa mga paaralan ay ang isinaayos na salin ni Marcelo P. Garcia noong 1949. At
dahil nga sa kawalang-katiyakan kung sino ang orihinal na may-akda at dahil na rin sa kasikatan nito
sa Panitikang Filipino, maraming nag-aakala na ang Ibong Adarna ay katutubo mismo sa Pilipinas.
Bagama’t ang Ibong Adarna ay itinuturing na hindi katutubo, nagtataglay naman ito ng mga
halagang pangkatauhan at kaugaliang taglay rin ng mga Pilipino gaya ng pananampalataya sa
Panginoon, pagmamahalan sa pamilya, pagpapahalaga sa edukasyon, pagpapatawad sa kapwa,
pagtulong sa nangangailangan, pagdiriwang, pagtanaw ng utang na loob at marami pang iba.
Kaya naman hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na pinag-aaralan ito bilang bahagi ng
kurikulum sa unang taon upang mapalaganap hanggang sa susunod pang henerasyon ang
kalinangan ng Kulturang Pilipino na taglay ng koridong Ibong Adarna.
Ang Korido at Awit
Nakarating ang korido sa Pilipinas nang dalhin ito ng mga Kastila mula sa Europa na ang
layunin ay mapalaganap ang relihiyong Kristiyanismo sa bansa. Mula sa banyagang padron ang
korido ngunit pagdating sa Pilipinas ay sinangkapan ito ng mga katutubong kaugalian upang
maitanghal ang natatangi at naiibang kaligiran nito.
Samantala, sa tradisyon ng panitikang Filipino, lahat ng mahahabang tulang pasalaysay
ay itinatanghal o binibigkas nang pakanta. Dahil ang ugat naman ng tulang romansa ay
balada na nilikha para kantahin, nawala na ang pagkakaiba ng dalawang anyo ng tulang
romansa. Ang awit ay itinuturing na korido at ang korido ay tinatawag na awit. Totoo ito
sa mga awit at korido ng Pangasinan, Ilocos at Iloilo. Sa Katagalugan lamang pinag-iiba
ang awit at ang korido.
Nagkakatulad ang awit at ang korido sa dalawang bagay. Parehong pakanta ang bigkas
o basa ng mga ito; parehong aapating linya (quatrain) ang berso sa bawat saknong.
Gayunman, ang mga historyador ng panitikan ng Pilipinas ay gumawa ng mga
batayan ng pagkakaiba ng dalawang anyong ito ng tulang romansa.

Narito ang katangian ng isang korido:


1. Ang sukat ng bawat linya sa isang saknong ay wawaluhing pantig
2. Mabilis ang pag-awit o pagbigkas nito tulad sa mabilis na pagsasalaysay
3. Ang paksa ay alamat at pantasya, may kapangyarihang supernatural ang tauhan kung minsan
4. May malalim na damdaming relihiyoso

Ang awit naman ay may ganitong katangian:


1. Ang sukat ng bawat saknong ay lalabindalawahing pantig
2. Mabagal ang pagbigkas o pag-awit nito kaya madamdamin
3. Higit itong makatotohanan dahil ang paksa ay malapit sa kasaysayan
4. Higit na buhay at masigla ang damdamin nito

Pagsipat sa Umiiral na Kasaysayan ng Ibong Adarna

Ayon kay Dr. Roberto T. Añonuevo ng Pamantasang Ateneo de Manila (AdMU), ang dalumat
ng Ibong Adarna ay hindi nalalayo sa mga epikong bayan sa Pilipinas. Maraming ibon sa Pilipinas, at
gaya sa mga epikong Kudaman at Manobo ay marunong ding magsalita at may kapangyarihang
manggamot, lumipad nang mataas, at tumulong sa sinumang makapagpapaamo rito. Ipinaliwanag
ito nang malalim ni Añonuevo sa kaniyang akdang "Dalumat ng Ibon: Panimulang Tala sa Hulagway
at Anino ng Ibon sa Panulaang Filipinas." Kaya naman para sa ilang iskolar ng panitikan, naniniwala
silang bagamat ang konsepto at kontekstong nakapaloob sa Ibong Adarna ay maka-kanluran, ay
isinulat ito ng isang mahusay na makatang Pilipino – Jose Dela Cruz.

Mga Sanggunian:

1. Corrido at Buhay na Pinagdaanan nang Tatlong Principeng Magcacapatid na Anac nang


Haring Fernando at nang Reina Valeriana sa Cahariang Berbania. Walang awtor. Maynila:
Imprenta at Papeleria ni Juliana Martinez, walang petsa.
2. Muling inilathala sa elektronikong paraan ng The Project Gutenberg, at ginawa nina Tamiko I.
Camacho, Jerome Espinosa Baladad, Pilar Somoza, at PG Distributed Proofreaders mula sa
pagkopyang inilaan ng University of Michigan. Mababasa ang elektronikong sipi sa Project
Gutenburg "Ibong Adarna" by Anonymous
3. Almario, Virgilio S. Katutubong Sangkap sa Tulang Tagalog. Lungsod Pasig: Anvil Publishing
House, 1984.
4. Añonuevo, Roberto T. "Dalumat ng Ibon: Panimulang Tala sa Hulagway at Anino ng Ibon sa
Panulaang Filipinas," nalathala sa Hulagway. Lungsod Quezon: Oragon Poets Circle, 2004.
5. https://filipinotek.wordpress.com/2013/03/29/ibong-adarna-bilang-tulang-romansa/
6. http://www.wika.club/ibong-adarna/aralin-1-ang-kaligirang-kasaysayan-ng-koridong-ibong-
adarna
7. https://filipinotek.wordpress.com/2013/03/29/kaligirang-pangkasaysayan-ng-koridong-ibong-
adarna-tulang-romansa/
8. https://www.scribd.com/doc/121605648/PAGSUSURI-SA-KORIDONG-IBONG-
ADARNA#download

You might also like