Professional Documents
Culture Documents
(Kolum)
Bukod-tangi tuloy, at waring isang kabalintunaan, na may Buwan ng Wika sa bansang ito na para bang
ang sariling wika’y ginugunita lamang at ipinagbubunyi tuwing malapit na ang kapanganakan (Agosto 19)
ni dating Presidente Manuel L. Quezon, kinikilalang Ama ng Pambansang Wika. Natural, nang itadhana
niyang ibatay sa diyalektong Tagalog ang pagbubuo, pagpapaunlad at pagpapalaganap sa wikang
pambansa, tumutol at nanggalaiti ang mga kinatawan ng rehiyong di-Tagalog. Bakit hindi Sebuwano,
Hiligaynon, Ilokano o Bikolano? Maliwanag, hindi nakita ng mga tumututol ang katotohanan at aral ng
kasaysayan; sa halos lahat ng bansa, kung saan ang sentro ng gobyerno at komersiyo, ng edukasyon at
sibilisasyon, ang wika sa sentrong iyon ang nagiging dominanteng lengguwahe ng sambayanan. Sapagkat
ang Kamaynilaan na sakop ng Katagalugan ang sentro ng bansa mula pa sa panahon ng kolonyalismong
Kastila, natural na manaig ang Tagalog kaysa ibang umiiral na mga diyalekto at maging batayan nga ng
pambansang wika.
Kahit naging lengguwahe pa ng Rebolusyong 1896 ang Tagalog o itinampok na noong una ni Francisco
Baltazar o Balagtas sa makabuluhan niyang obrang pampanitikan na “Florante at Laura,” gaya rin ng
dating diyalektong Italyano na naging pambansang wika ng Italya (Latin dati) matapos sulatin ni Dante sa
Italyano ang “Divine Comedy” at gayundin ang diyalektong Ingles na naging pambansang wika ng
Inglatera (Latin din dati) matapos namang sulatin ni Chaucer sa Ingles ang “Canterbury Tales,”
ipinaparatang pa hanggang ngayon ng mga kalaban ng sariling wika na puro ang Tagalog at maiintindihan
lamang diumano sa Katagalugan.
Wala namang purong wika sa mundo, maliban marahil sa halos patay nang wikang Latin Katunayan,
hanggang umuunlad ang sibilisasyon, naghihiraman ng mga salita ang mga wika — ang Arabe at Turkiya,
ang Ingles at Pranses, ang Pranses at Aleman, at iba pa. Katunayan, mga 5,000 salita sa Tagalog ang mula
sa Kastila, mga 1,500 ang mula sa Intsik, Sanskrit, Arabe, Malay, at iba pa. Marami na ring salitang
hiniram sa Ingles, ngunit isinunod lamang ang baybay o ispeling sa sarili nating ortograpiya tulad ng dyip,
bus, taksi, kendi, ketsap, radyo, at marami pang ibang ginagamit na’t naiintindihan hindi lamang sa
Tagalog kundi maging sa Hiligaynon, Sebuwano, Ilokano, Waray, Pangasinan at Pampango.
Lalo pang gumulo ang baybay at niwawasak ang silabiko o pantig-pantig na katangian ng sariling wika
nang magpakahenyo ang mga opisyal ng Komisyon ng Wika. Kahit itinuro na sa elementarya sa mga bata
ang Abakada at pantig-pantig na pagbasa (ba-be-bi-bo-bu, ka-ke-ki-ko-ku o ta-te-ti-to-tu), ginawa pang
pwersa ang puwersa, ekonomya ang ekonomiya, eleksyon ang eleksiyon, lenggwahe ang lengguwahe,
kwento ang kuwento, at marami pang ibang nagwasak sa tinatanggap nang alituntunin sa balarila
tungkol sa paghahanay ng katinig (consonant) at patinig (vowel) kaya, sa mga babasahin, hindi
maiwasang himurin ang mga itinuro ng makawikang mga henyo diumano sa pagpapalaganap ng
pambansang wika. Kung tutuusin, nagmumula sa lalamunan (glottal) at hindi mula sa ilong gaya ng
wikang Pranses (nasal) ang likas na katangian ng ating wika. Bakit ngayon inaalis ang ilang patinig sa mga
salitang nabanggit kaya kapag binigkas, parang nagmumula na nga sa ilong? Sabagay, sa isang banda, ang
sambayanan lamang ang makahahatol sa katumpakan o hindi ng mga bagay na ito at, natural, ang
wikang malapit sa puso, at nauunawaan ng bayan, ang siyang wikang mananatili at gagamitin ng bayan.
Bagaman maganda ang layunin, lalo kaming naguluhan at nagdudang nasa ibang planeta nang mag-
imbento ng mga salitang pansiyensiya at panteknolohiya mga ilang dekada na ang nakararaan ang
Lupon sa Agham sa pamamagitan ni Engr. Gonzalo del Rosario o Ka Along, dekano noon ng Inhinyeriya ng
Araneta University. Isang dokumento ng MAN (Movement for the Advancement of Nationalism) ang
isinalin niya mula sa Ingles at ginamit niya ang inimbentong mga salita. “Sa pagsusuri ng MAN, ang
batayang sakit ng Pilipinong ulnong (society) ay may uring pang-ulnong at pangkabuhayan, at likha ng
pananakop ng Kastila noong panahong wala pang kalalang (industry) at nitong ika-20 dantaon ay likha ng
imperyalismong Amerikano na naghatid sa Asya ng mapagsamantalang sarilakal (monopoly) na
itinaguyod ng napakamaunlad na sakalalang (industrialization)…”
Kung hindi isiningit ang mga salitang Ingles, sino nga ba ang makakaintindi niyon? Nasabi tuloy ng isang
magsasakang taga-Nueva Ecija: “Di bale nang sa Ingles, huwag lang ang Tagalog ni Ka Along!” Tanggap
na nga naman ang mga salitang lipunan, industriya, monopolyo, at industriyalisasyon — bakit kailangan
pang palitan ng ulnong, kalalang, sarilakal at sakalalang?
Higit na makapalipit-dila at utak ang ilan pang inimbentong terminolohiya tulad ng mga sumusunod:
sugadagitbing tambisa (photo-electric effect), kahanginaning diin (atmospheric pressure), timbuluging
sukgisan (geometric interpretation), haykapnayanon (biochemist), mga salitang walang malinaw na
salitang-ugat (root word) at pinagkabit-kabit mula sa mga pinagkunan. Halimbawa, ang haykapnayanon
ay mula sa sangkap (element) ang kap, mula sa hanayan (system of arrangement) ang nayan, at
dinugtungan ng hulaping (suffix) na on mula sa Bisaya. Nakakatorete pang ginawang hatidwad ang
telegrama, hatinig ang telepono, salipawpaw ang eroplano, ulnokalnagin ang sosyo-kultural at
ulnoagimatim ang sosyo-ekonomiko.
Ayon nga kay Direktor Ponciano Pineda ng dating Surian ng Wikang Pambansa, makabubuti pang
manghiram na lamang mula sa dayuhang mga wika at iangkop sa ponolohiya at ortograpiyang Pilipino
ang mga hiniram. “Maaaring hiraming buung-buo ang tunog (sa sistema ng normalisasyon), halimbawa:
mathematician–matematiko o matematisyan; psychologist–sikologo o saykolodyist; original score–
orihinal na eskor; decimal fraction–praksiyong desimal, at marami pang iba.”
(Kolum)