You are on page 1of 21

FILIPINO SA SIYENSIYA AT TEKNOLOHIYA,

INHENYERIYA, AT MATEMATIKA

nina:

SHIENA MARIE P. BAUTISTA


KRISTINE DANIELL R. BINUYA
JUSTINE P. BUENAVENTURA
CHERY LYN E. CORPUZ

Isang Pasulat na Ulat na Ipinasa kay

G. JACKSON A. PARCHAMENTO
Instructor I

Departamento ng Filipino, Kolehiyo ng mga Sining at Agham, Central Luzon State


University, Bilang Bahagi ng mga Pangangailangan sa Asignaturang
FilDis 1105-Filipino sa Iba’t Ibang Disiplina

Hunyo 20, 2019


FILIPINO SA SIYENSIYA AT TEKNOLOHIYA

A. PAGTATAMPOK SA ARALIN

Sa Agham (o Siyensiya) tayo namulat sa mga kaparaanan ng pisikal at buhay na


mundo. Ito ang nagturo sa atin kung paano pahalagahan ang mga bagay-bagay na
bumabalot sa ating kapaligiran. Ito rin ang ating gamit upang maghanap ng mga solusyon
sa mga problemang hinaharap ng ating bayan sa mithiin na umunlad ang estado ng
buhay ng bawat mamamayan. Ngunit hindi lahat sa atin ay naiintindihan ang mga
konsepto nito.

Ang pagtuturo sa wikang Ingles ay nagsimula noong naging kolonya ng Estados


Unidos ang Pilipinas. Nagsimula itong magbago noong inilunsad ang “Bilingual Education
Policy” taong 1974. Hinihingkayat nito na gawing wika sa pagtuturo ang Filipino at bigyan
ng mainam na kakayahan ang mga estudyante sa parehong Ingles at Filipino. Ninanais
rin nito na maging isang wika para sa matalisik na diskurso.

Ngunit nakasaad rin sa polisiyang ito na ang Ingles ay ang “non-exclusive


language of science and technology”. Dala nito, ang wikang Filipino ay naisasantabi
bilang isang lengguwahe para sa agham. Ito ay parte na rin ng layunin para sa
internasyonalisasyon. Ang patuloy na paggamit nito ay bunga na rin ng pangunguna ng
Estados Unidos sa siyentipikong pananaliksik. Sa unang tingin, nagmumukhang mainam
ito upang makipagsabayan sa mga pag-unlad at nang hindi mahiwalay ang mga batang
siyentista mula sa mga dyornal at mga babasahin.

B. PAGPAPALALIM SA ARALIN

I. SULIRANIN

Aminado rin ang mga nakatataas na sa ngayon, nahihirapan ang mga


siyentipikong talakayin sa Filipino ang mga paksang pang-agham dahil sa limitadong
bokabularyo ng Filipino sa mga konseptong teknikal. Aniya, hindi sapat ang wikang
Filipino sa mga katawagang pang-agham dahil sa walang pangangailangan para sa mga
salitang teknikal noon.

Gayunpaman, naninindigan siyang kung palalawakin ang pagtanaw sa wikang


Filipino, isang kumpletong diksyunaryong pang-agham na lamang ang kakailanganin.
Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino, ang dalawang pangunahing suliranin sa
pagpapairal ng isang patakarang pangwikang Filipino sa pagtuturo ay ang
pangangailangan ng mga babasahin at gamit na panturo sa Filipino, lalo na sa agham,
matematika, at teknolohiya; at ang kawalan ng pagkakasundo sa uri ng Filipinong
gagawing modelo sa pagtuturo at pag-aaral.

Ayon pa kay Sevilla, bihirang-bihira ang mga siyentipikong nagbibigay ng lecture


na teknikal sa Filipino kaya hinihikayat niya ang mga mananaliksik sa UST Research
Center for Natural Sciences na magbigay ng panayam na teknikal sa Filipino.

Mga terminolohiya:

Haba ng alon - wavelength

bilis - speed

tulin – velocity

dalas – frequency

pagtunaw – melting

paglusaw - dissolving.

II. REAKSYON/OPINYON NG MGA MAG-AARAL

 Nagiging “weirdo” ito dahil hindi sila sanay sa mga terminolohiyang gamit
 Mas inpormal at masaya ang nagiging klase
 Hindi sila natatakot magtanong
 Mas naiintindihan nila ng maayos ang konsepto ng bawat paksa
Nakalahad sa itaas na marami sa mga propesor at mga mag-aaral ang sang-ayon
sa Pilipinasyon o paggamit ng wikang Filipino sa larangan ng agham at teknolohiya. Ito
ay sa kadahilanang kailangan nating mapaunlad at gamitin ang ating sariling wika upang
umangat tayo tulad nalamang ng mga bansang Japan, at Korea. Bagaman aminado sila
na hindi pa talaga sapat ang mga terminolohiya na kakailanganin sa pagtuturo nito sa
wikang Filipino, nagsasaliksik naman sila ukol rito. Mas makatutulong rin ito sa maraming
estudyante na nahihirapan gumamit ng wikang Ingles.

C. PAGPAPAYAMAN SA KAALAM

WIKANG FILIPINO SA IKASUSULONG NG AGHAM AT TEKNOLOHIYA

Ang pagtuturo sa wikang Ingles ay nagsimula noong naging kolonya ng Estados


Unidos ang Pilipinas. Nagsimula itong magbago noong inilunsad ang “Bilingual Education
Policy” taong 1974. Hinihingkayat nito na gawing wika sa pagtuturo ang Filipino sa mga
klasrum at bigyan ng mainam na kakayahan ang mga estudyante sa parehong Ingles at
Filipino. Ninanais rin nito na maging isang wika para sa matalisik na diskurso ang Filipino.
Ngunit nakasaad rin sa polisiyang ito na ang Ingles ay ang “non- exclusive
language of science and technology.” Dala nito, ang wikang Filipino ay naisasantabi
bilang isang lengguwahe para sa agham. Ito ay parte na rin ng layunin para sa
internasyonalisasyon. Ang patuloy na paggamit nito ay bunga na rin ng pangunguna ng
Estados Unidos sa siyentipikong pananaliksik. Sa unang tingin, nagmumukhang mainam
ito upang makipagsabayan sa mga bagong development sa S&T, at nang hindi
mahiwalay ang mga batang siyentista mula sa mga journal at textbook.
Bagama’t may natutulungan, ang nahihirapan sa kasalukuyang sistema ay ang
mga batang estudyante. Ang siyensya at ang matematika ay itinuturo sa kanila gamit ang
wikang hindi nila ginagamit sa pangkaraniwan na sitwasyon. Karamihan ng mga libro ay
nasa wikang Ingles, kasama na rin ang mga impormasyon na galing sa internet at
telebisyon. Pinag-aaralan nila ang mga bagong konsepto sa wika na kanila’y kasabay na
inaaral pa lamang. Napupuna lamang ito ng mga guro na nagbibigay ng paliwanag sa
natural nilang wika. Pero dahil sa na-develop na “language barrier,” mahirap makahanap
ng mga tamang salita o ehemplo para mapaliwanag ng maayos ang mga konsepto. Ang
resulta, ang agham sa isip ng mga bata ay mistulang hiwalay mula sa araw-araw na
katotohanan. Ang asignatura na nagmimistulang gabay natin sa mga pangyayari sa ating
paligid ay naiiwan sa mga pahina ng textbook.
May mga bagong hakbang na ginagawa upang mabago ito. May mga
pagsasaliksik na nagpapakita ng bisa ng pagtuturo ng siyensya sa pang araw-araw na
lengguwahe. Isa na rito ay ang pagsasaliksik nina Brown at Ryoo ng Stanford University
noong 2008. Ipinakita nila ito sa pamamagitan ng tinatawag nila na “content first”
approach. Sa ganitong paraan, inuunang ituro ang mga konsepto gamit ang natural na
wika bago ito dagdagan ng mga panibago at mas komplikado na termino. Ipinakita sa
pag-aaral na mas mataas ang mga nakuhang grado ng mga estudyanteng tinuruan sa
natural na wika sa parehong “multiple choice” at “open-ended” na mga tanong. Senyas
ito ng mas malalim na pagkakaintindi ng mga bata sa bagong impormasyon nilang
natatanggap (Sullivan, 2008).
Isinusulong rin ngayon ang pagsalin at paggawa ng mga libro sa wikang Filipino.
Naikuwento sa akin ni G. Rommel Rodriguez, direktor ng Sentro sa Wikang Filipino, ang
paghahanap ng ilang siyentipiko ng mga salita at konseptong Filipino na maihahambing
sa mga kanilang pinagdalubhasaan. “Maraming mga local indigenous knowledge na
maaring ma-discover ng mga mag-aaral natin at kung paano ito maisasakonteksto sa
siyensya at teknolohiya”. Isa na rito ang konsepto ng “balatik” — isang grupo ng mga bituin
na ginagamit ng mga katutubo sa kanilang pagtatanim. Ipinapakita ng mga ganitong
ehemplo na may malawak na kaalaman ang mga katutubo tungkol sa mga bagay na
inaaral natin sa agham. “Marami pa tayong hindi natutuklasan sa kasaysayan, sa kultura
natin, sa mga local indigenous knowledge natin, na kailangan tuklasin ng mga mag-aaral
sa siyensya at teknolohiya.”
Sa mga hakbangin na ito, may pag-aalala na hindi makasabay ang mga
estudyante sa internasyonal na entablado. Isa sa goal ng mga unibersidad ngayon ay
maging tanyag sa iba’t ibang larangan at mapataas ang ranggo sa mga listahan ng mga
“best universities.” Ngunit nilinaw ni Dr. Rodriguez na ang pangunahing tungkulin ng
isang unibersidad ay hindi manalo sa kompetisyon kundi ay makagawa ng mga bagong
kaalaman para sa ikabubuti ng mamamayan. Idinagdag ni Dr. Rodriguez na hindi naman
kailangan na isalin lahat ng salita sa wikang Pilipino. Ang ibang terminong teknikal ay
maaaring iwanan sa pinanggalingang lenguwahe. Hindi rin daw kailangan na maging
“purista” sa pagsasalin ng mga termino; ang mahalaga ay nagkakaintindihan ang guro at
ang estudyante sa pagpapaliwanang ng mga konsepto. Ang mga ganitong pagsasalin,
tulad ng nakikita natin sa ibang post sa social media, ay nagpapakita ng pagkamalikhain
ng mga tao ngunit dahil ang ibang salita ay hindi rin naman nagagamit, wala itong
naitutulong.
Sa huli, idiniin ni Dr. Rodriguez ang tungkulin ng mga estudyante’t propesor ng
mga unibersidad sa pagpapalawak ng wikang Filipino. Sa usapin ng pagsasalin,
mahalaga na isakonteksto ang mga ideya sa karansan ng mga Pilipino. Importante rin na
alisin ang makitid na pagtingin sa ating wika at magsama-sama upang itaguyod ang
Filipino bilang pambansang wika.
Ang Pilipinas ay nakikisabay din sa mga makabagong teknolohiya. Gumagamit
tayong mga Pilipino ng iba't ibang Gadgets tulad ng IPhone, Laptop, Android Phone, atbp.
Nagpapatunay ito na umuunlad ang ating bansa sa pamamagitan nito subalit hindi nga
lang nagagamit ang wikang Filipino sa larangang ito. Wikang Ingles ang kadalasang
ginagamit lalo na sa pagtuturo nito. Minsan hindi ito maintindihan ng mga mag - aaral ang
ibang mga termino na ginagamit dito.
Ayon sa Third International Mathematics and Science Study, ang Pilipinas ay
nahuhuli na sa larangang ito. Ang mga mauunlad na bansa tulad America, Japan, at iba
pang bansa ay gumagamit ng kanilang sariling wika para ituro ang agham at teknolohiya.
Napili namin ang topic na ito upang maipakita sa mga Pilipino na pwede nating gamitin
ang wikang Filipino sa pagtuturo nito at maiparating sa lahat na pwede tayong
mkipagsabayan sa ibang mauunlad na bansa. Kailangan natin mabigyang halaga ang
wikang Filipino dahil ang wika natin ay magiging daan sa pag-unlad at pagsulong ng
agham, teknolohiya, at ekonomiya ng ating bansa.
FILIPINO SA INHINYERIYA

A. PAGTATAMPOK SA ARALIN

Sinasabing ang wika ay salamin ng ating kultura. Sapagkat sa sariling wika lamang
natin lubos na maipapahayag ang ating mga sarili at sa wikang ito natin lubos na
mauunawaan ang iba. Sa katunayan, kahit pa sabihing tayong mga Pilipino ang
pangatlong bansa sa buong mundo na may pinakamaraming mamamayan na
nakakaintindi at nakapagsasalita sa Ingles, ngunit mahirap pa ring mag-isip at magsalita
sa wikang hindi naman natin kinagisnan. Kailangan pang basahin nang ilang beses ang
libro para lamang lubusang maintindiham at matandaan ang mga leksyon na nasa Ingles.

Ayon kay Carlito M. Salazar, isang propesor sa kolehiyo ng Inhinyeriya sa


Pamantasang De La Salle, masasabi na wala pang dokumentadong karanasan ang
kolehiyo hingil sa paggamit ng Filipino sa mga asignaturang patungkol sa Inhinyeriya.
Bukas sa ating kaisipan na ang Inhinyeriya ay ang paglalapit ng agham upang matugunan
ang pangangailagan ng sangkatauhan. Nagagawa ito sa pamamagitan ng kaalaman,
matematika at praktikal na karanasan na nilalapat sa pagdibuho ng mga may gamit na
bagay o proseso. Tinatawag na inhinyero o inhenyero (inhinyera o inhenyera kung babae)
ang mga propesyonal na nagsasanay sa inhinyeriya. Sa pagpapalawig ng araling ito,
makikita ang mga suliranin at perspektibo ng mga estudyante ukol sa paggamit ng wikang
Filipino sa kursong Inhineriya.

B. PAGPAPALALIM SA ARALIN

I. SULIRANIN

Sa pagtuturo ng Inhinyeriya gamit ang wikang Filipino, napapansin na ang mga


mag-aaral ay mas nalilito at nahihirapan kung babaybayin pa sa Filipino ang mga
sumusunod na mga terminolohiya:

adiabatic - adiabatic o adyabatik


chemical reaction - reaksyong kemikal

combustion – kombustyon

engine - makina o engine

enthalpy - enthalpy o entalpi

entropy - entropy o entropi

equilibrium - equilibrium o eqwilibryum

fluid - fluid o fluwid

free energy - free energy

liquefaction - liquefaction

pipeline - pipeline o payplayn

pressure - pressure, presyur o presyon

pump - pump o pamp

refrigeration- refrigeration o refrigeresyon

reversible process - reversible process o reversibol na proseso

turbine - turbine, turbayn o turbine

Base sa opinyon ng ilang mga guro, bakit pahihirapan pa ang mga mag-aaral kung
mas maiintindihan at matatandaan naman ang mga terminolohiya sa orihinal na baybay
ng mga ito. Ayon naman sa pananaw ng mga propesor na panig sa paggamit ng Filipino
sa inihinyeriya ay mas makakabuti kung salitang Ingles na lamang ang gamitin sa mga
terminolohiyang nabanggit.
II. SARBEY

Nagsagawa ng isang sarbey para malaman kung pabor o hindi pabor ang mga
mag-aaral sa paggamit ng Filipino sa mga asignaturang pang-Inhinyeriya. Ang resulta ay
ang mga sumusunod:

PABOR NA
FILIPINO ANG
HINDI LEKTYUR AT
ASIGNATURA PABOR BILINGGWAL INGLES ANG
PABOR
MGA LIBRO

PROCDES (4TH year,


Industrial Engineering,
minor in Chemical
Engineering) 31 (70%) 5 (11%) 8 10

PROCDES (4th year,


Chemical Engineering) 12 (67%) 5 (28%) 1 5

HEATTRA (3rd year,


Industrial Engineering) 12 (43%) 8 (29%) 8 3

CHECOMP (3rd year,


Chemical Engineering) 22 (63%) 5 (13%) 8 22

III. REAKSYON/OPINYON MULA SA MGA MAG-AARAL

Ang mga sumusunod ay mga dahilan kung bakit pabor ang mga mag-aaral na gamitin
ang Filipino sa diskusyon at sa wikang Ingles ang mga libro at iba pang basahin:

1. Nahihirapan sila sa pagbabasa ng Filipino at sa pagbabaybay nito.

Halimbawa:
Kors - course
Sabject - subject
Payp - pipe
Flanj - flange
2. Hindi "standardized" ang pagbabaybay ng mga terminolohiyang Ingles sa wikang
Filipino.

3. Sanay na sila sa pagbabasa ng Ingles at ang mga librong nakalimbag ay nakasulat


pa rin sa Ingles.

Narito naman ang mga puna ng mga mag-aaral na pabor sa paggamit ng wikang Filipino
sa lektyur o diskusyon:

1. Mas madaling maintindihan ang mga teorya at konsepto

2. Mas madaling matanim sa isipan ang mga leksyon

3. Kung ang diskusyon at mga babasahin ay Ingles, karaniwang mini-memorya


lamang ng mga estudyante ang mga teorya at konsepto nang halos hindi naman
nauunawaan.

4. Napapadali ang proseso ng pag-aaral.

5. Mas madali at maginhawa sa mga estudyante.

6. Mas buhay at impormal ang diskusyon.

7. Mas komportableng gamitin ang Filipino at mas madaling maihayag ang sarili.

8. Mas nakikilahok ang mga estudyante.

9. Nawawala ang limitasyon sa pagpapahayag ng mga ideya.

10. Nawawala ang "barrier" sa komunikasyon sa pagitan ng guro at mag-aaral.

11. Hindi naiilang ang estudyante.

12. Nawawala ang tensyon sa loob ng klase.

13. "Friendly" ang "atmosphere".

14. Mas madaling gamitin ang mga pinag-aaralang teorya sa pang araw-araw na
buhay.
15. Nagpapatibay ng damdaming nasyonalismo.

16. Hindi na doble ang dapat intindihin ng estudyante.

17. Pinapasigla ang pag-iisip ng estudyante.

Ito naman ang mga puna ng mga mag-aaral na hindi pabor sa paggamit ng wikang
Filipino:

1. Ingles na ang kinalakihan at Ingles ang "medium of instruction" sa halos lahat ng


kurso.

2. Sa susunod na henerayon na lang magsimula sa Filipino, at dapat simulan ito sa


elementarya at hayskul.

3. Ang mga libro ay sa Ingles nakalathala.

4. Mas nakakalito ang Filipino.

5. Bentahe ang Ingles, dahil ito ay internasyonal.

6. Hindi pa panahon at mawawala ang pagiging "competitive" natin sa mundo.

7. Hihina lalo ang guro at estudyante sa Ingles.

8. Hindi tayo aasenso sa negosyo, lalong-lalo na sa internasyonal.

Ang mga estudyanteng hindi pabor sa paggamit ng wikang Filipino sa mga


asignaturang teknikal ay nagmumungkahi na gamitin na lamang ang wikang Filipino sa
mga asignatura tulad ng JPRIZAL, FILIPINO, RELSFOR, HISTORY, at LITERATURE.
Mula sa sarbey ay napansin din na mas rekomendado ng mga estudyanteng may dugong
Intsik ang paggamit ng wikang Filipino.
C. PAGPAPAYAMAN SA KAALAM

Pahayag ng Departamento ng Filipino ng De La Salle University-


Manila sa Paggunita sa Buwan ng Wikang Pambansa
PAGTATANGGOL SA WIKANG FILIPINO, TUNGKULIN NG BAWAT LASALYANO

Ang buwan ng Agosto ay Buwan ng Wikang Pambansa. Dahil sa pagbura sa


asignaturang Filipino sa kolehiyo bunsod ng Commission on Higher Education/CHED
Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013, nagpasya ang Departamento ng
Filipino na gawing higit na katangi-tangi ang paggunita sa Buwan ng Wika sa taong ito
sa pamamagitan ng pagtatampok ng mga adbokasiyang pangwika. Magsasagawa ang
Departamento ng mga gawaing naglalayong imulat ang ating komunidad sa kahalagahan
ng pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo.

Malaki ang pangangailangan sa paglilinaw at pagsusulong ng adbokasiyang


pangwika sapagkat mula pa noong Enero 2013 ay nakikipagdiyalogo na ang
Departamento sa administrasyon ng pamantasan upang hilingin na panatilihin sa
kurikulum ng DLSU ang asignaturang Filipino, ngunit hanggang sa kasalukuyan, sa kabila
ng lahat ng ating pagsisikap na ipaliwanag ang kahalagahan ng pagkakaroon ng
asignaturang Filipino sa kolehiyo, hindi pa rin isinama ng Komite sa New Lasallian Core
Curriculum (NLCC) ang asignaturang Filipino. Gayunman, sinusuportahan ng Komite sa
NLCC ang opsyonal na paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo sa alinmang
asignatura sa bagong kurikulum. Dapat bigyang-diin na hindi sapat na maging opsyonal
na wikang panturo lamang ang wikang Filipino sapagkat alam naman nating mas
nakakiling sa Ingles ang sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas dahil na rin sa ating
pinagdaanang malalim at matagal na kolonisasyon ng mga Amerikano. Hindi rin
magiging mabisang wikang panturo ang Filipino sa Agham, Matematika, Inhenyeriya,
Komersyo, Agham Panlipunan, Humanidades, at iba pa, kung walang asignatura sa
kolehiyo na magtitiyak sa pagkakaroon ng mataas na antas ng kasanayan ng mga mag-
aaral sa paggamit nito sa intelektwal na diskurso, komunikasyon, at pananaliksik.
Samakatuwid, ang intelektwalisasyon ng wikang Filipino sa iba’t ibang larangan ay
matitiyak lamang kung may asignaturang Filipino na may inter/multidisiplinaring disenyo
sa kolehiyo.
Sa ganitong diwa, hinihiling namin sa komunidad ng ating pamantasan na
suportahan ang adbokasiya ng Departamento na adbokasiya rin ng libo-libong
mamamayan sa buong bansa at maging sa ibayong-dagat.

Una, naniniwala kami na ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino ay nakapag-


aambag sa pagiging mabisa ng community engagement ng ating pamantasan sapagkat
ang wikang Filipino ang wika ng mga ordinaryong mamamayan sa mga komunidad na
ating pinaglilingkuran. Ang pagpapalakas sa ugnayan ng ating pamantasan at ng mga
ordinaryong mamamayan ay alinsunod sa bokasyon ni San Juan Bautista De La Salle na
nagsikhay sa paggamit ng wika ng mga ordinaryong mamamayan sa edukasyon. Dapat
bigyang-diin na ang Filipinisasyon ng mga pananaliksik ng iba’t ibang departamento at
kolehiyo sa pamantasan ay makatutulong din nang malaki sa pagtitiyak na ang ating mga
pananaliksik ay higit na magiging kapaki-pakinabang sa ating mga kababayan.

Ikalawa, sa konteksto ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)


Integration, ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino na may inter/multidisiplinaring
disenyo ay isa sa ating mga potensyal na ambag sa proyekto ng globalisasyong
pedagohikal at sosyo-kultural. Ano nga ba ang iaambag natin sa daigdig kung hindi natin
pag-aaralan ang sarili nating wika at kultura? Paano haharapin ang mundo kung hindi
kilala ang sarili?

Ikatlo, ang wikang Filipino ay wikang global na itinuturo bilang asignatura o kaya’y
komponent ng Philippine Studies sa mahigit 45 unibersidad at mahigit 100 hayskul sa
buong mundo. Ang pagbura sa espasyo ng wikang Filipino sa mga kolehiyo sa Pilipinas
ay tiyak na may negatibong epekto sa espasyo nito sa ibang bansa.

Ikaapat, kinikilala ang kahusayan ng DLSU-Manila sa larangan ng pagtuturo at


pananaliksik sa Filipino gaya ng pinatutunayan ng dalawang ulit na paggawad ng
rekognisyon ng CHED sa Departamento ng Filipino bilang Center of Excellence (COE),
ang kaisa-isang Departamento ng Filipino sa buong bansa na may ganitong karangalan.
Mahalagang komponent ng pagiging COE ng Departamento ang pagkakaroon ng
asignaturang Filipino na may mataas na antas. Kaugnay nito, ang Departamento rin ang
nagpapatakbo sa operasyon ng Malay, isa sa iilang multidisiplinaring journal sa Filipino
na may rekognisyong internasyonal. Dagdag pa, kinikilala sa larangan ng malikhaing
pagsulat at pananaliksik ang Departamento, gaya na rin ng pinatutunayan ng mga de-
kalidad na publikasyong inilalathala ng mga guro nito.

Ikalima, sa mga nakaraang dekada ng pag-iral nito, malaki na ang naiambag ng


Departamento sa pamamagitan ng mga regular na proyektong gaya ng Seryeng
Panayam, Pambansang Seminar, Community Engagement, at International Conference,
na nakapagdulot ng positibong impact di lamang sa ating pamantasan, kundi lalo’t higit
sa libo-libong mga mamamayang lumahok at lumalahok sa mga ito. Hinggil sa usaping
pangwika, ang Departamento ang isa sa pinakamasigasig sa mga grupong nagbuo sa
Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (TANGGOL WIKA) na ngayo’y
nangunguna sa pakikipaglaban para sa wikang Filipino sa antas tersyarya sa buong
bansa. Matatandaang sa inisyatiba ng Departamento at sa pagsuporta ng Kolehiyo ng
Malalayang Sining ay isinagawa sa DLSUManila ang asembliya ng pagtatatag ng
TANGGOL WIKA noong ika-21 ng Hunyo. Mananatiling matatag ang Departamento sa
pag-aambag sa mga nabanggit na inisyatiba kung magkakaroon ng asignaturang Filipino
sa kolehiyo, na magtitiyak sa patuloy na pag-iral at pag-unlad nito.

Ikaanim, ginagarantiyahan ng pagkakaroon ng Filipino sa DLSU ang aktibong


pakikisangkot ng mga guro ng Departamento at bawat mag-aaral na Lasalyano sa mga
kolaboratibong pananaliksik na isinusulong ng ibang mga departamento gaya ng Natural
Language Processing Department (CCS) kaugnay ng paglinang ng Machine Translation
Software sa Filipino, pagsasalin ng iba’t ibang materyal tulad ng survey instruments mula
sa iba’t ibang disiplina at larangan gaya ng Inhenyeriya, Sikolohiya, Batas, Komersyo, at
Ekonomiks, at iba pang gawaing pananaliksik.

Ikapito, sa pamamagitan ng asignaturang Filipino sa DLSU, inaasahang may sapat


na katatasan sa wikang pambansa ang sinumang gradweyt ng Pamantasang ito sa
pakikipagtalastasan sa iba’t ibang pangangailangan o kontekstong pangkomunikasyon
pang-akademiko man o pangkultura, tulad ng nililinang sa ibang pamantasan.

Ang pagbura sa asignaturang Filipino sa kolehiyo ay nangangahulugan ding


pagbura at paglusaw sa mga Departamento ng Filipino sa buong bansa. Sa kabutihang-
palad, tuloy ang pagsusulong ng adbokasiyang makabayan sa wika at edukasyon ng iba’t
ibang grupo sa loob at labas ng bansa. Maging ang administrasyon ng ilang unibersidad
gaya ng University of the Philippines, University of Asia and the Pacific, Philippine Normal
University, Polytechnic University of the Philippines, National Teachers’ College,
Assumption College, Mapua Institute of Technology, Pamantasan ng Lungsod ng
Marikina, Xavier University, De La Salle-College of St. Benilde, De La Salle University-
Dasmariñas, Technological University of the Philippines, at iba pa, ay nagpahayag ng
suporta sa pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo sa pamamagitan ng
paglagda sa mga posisyong papel na inihanda ng kani-kanilang mga Departamento ng
Filipino, o kaya’y paglalahad ng komitment na magdaragdag ng required na asignaturang
Filipino.

Malinaw na hindi simpleng usapin ng pagsasalba sa trabaho ng mga guro ang


adbokasiyang ito. Ang adbokasiyang ito’y pagsasalba sa kolektibong identidad, sa
salamin ng ating kultura, sa daluyan ng diskursong pambansa, at pagtataguyod ng
nasyonalistang edukasyon na huhubog ng mga estudyanteng magiging mga kapaki-
pakinabang na mamamayan ng ating bansa. Umaasa kami na sa pamamagitan ng ating
sama-samang pagkilos, ang makabayang adbokasiya sa wika at edukasyon ng ating
unibersidad na nagluwal na ng mga makabayang lingkod-bayan gaya ni Senador Lorenzo
M. Tañada at mga makabayang edukador gaya ni Br. Andrew Gonzalez, FSC, ay patuloy
na mananatiling buhay ngayon at magpakailanman. Hanggang sa mangyari iyon ay
ipagluluksa natin ang pagkamatay ng asignaturang Filipino sa ating pamantasan.
Ipagluluksa natin ang katotohanan na sa kasaysayan ng ating pamantasan, sa ating
henerasyon ay namatay ang ating wikang pambansa.

Sa ganitong diwa, inaanyayahan namin ang buong komunidad na makiisa sa mga


panawagan ng Departamento ng Filipino sa pamamagitan ng pagsusuot ng itim na damit
o itim na ribbon araw-araw ngayong buwan ng Agosto. Ang gawaing ito ay simula pa
lamang ng ating tuluy-tuloy na pakikibaka para sa kapakanan ng wikang Filipino at
nasyonalistang edukasyon.
FILIPINO SA MATEMATIKA

A. PAGTATAMPOK SA ARALIN

Isa sa mahalagang bahagi ng kulturang Pilipino ang paggamit ng sariling wika sa


iba’t ibang gawaing pang araw-araw. Masasabing nagkakaroon ng mas malalim na pag-
unawa sa mga aralin at iba pang mga gawain kung gagamitin ang sariling wika. Mas
madali ring ipahayag ang iniisip ng bawat isa gamit ang wikang kinagisnan at
napakikingggan mula pagkabata.

Bagamat mas madaling unawain para sa nakararami kung gagamitin ang sariling
wika, may mga asignaturang nakasanayan nang pag-aralan gamit ang wikang Ingles
tulad ng matematika. Subalit lumabas ang mga pag-aaral na nagpapatunay na karamihan
ng mga nahihirapan at bumabagsak sa asignaturang ito ay mahina rin ang pundasyon sa
nasabing wika. Bukod dito, datapuwat Ingles ang napiling midyum sa pagtuturo ng
matematika, wala pa ring patunay na mas mabisa at epektibo itong gamitin kumpara sa
paggamit ng sariling wika sa pagtuturo nito. Dahil dito, isa ngayon sa mga bagay na
pinagtutuunan ng pansin ng mga mananaliksik at mga guro ay ang paggamit ng sariling
wika sa pagtuturo ng matematika (Acelajado, 1995-1996).

Kung ang pagbabasihan ay ang pagkatuto sa asignaturang matematiks, isa mga


mga katanungan ay kung ano ang magiging mas epektibong midyum sa pagtuturo nito,
wikang Ingles o wikang Filipino?

B. PAGPAPALALIM SA ARALIN

Nakasanayan na ang paggamit ng wikang Ingles sa pagtuturo ng matematiks


subalit hindi ito naging sapat upang mapatunayang epektibo nga ito upang mas matuto
ang mga mag-aaral sa nasabing asignatura. Dahil dito, ilan sa mga mananaliksik at guro
ang nagbigay ng pokus sa pag-aaral patungkol dito.
Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga baybay sa Filipino ng mga salitang
teknikal sa Matematika:

Algebra……………………Aljebra o Aldyebra

Counting numbers………pamilang

Even numbers…………...pamilang na pares

Odd………………………..pamilang na gansal

Integers…………………...buumbilang

Equation…………………..tumbasan o equasyon

Inequality………………….di tumbasan o inequality

Prime………………………praym

Variable……………………varyabol

Graph……………………..grap

Relation…………………..relasyon

Addition…………………..adisyon o pagsuma

Multiplication…………….multiplikasyon

Division…………………..dibisyon

Subtraction……………….subtraksyon o pagbawas

Sa panayam ni Dr. Maxima J. Acelajado, isang propesor ng matematika sa


Pamantasan ng De La Salle, sa kaniyang mga mag-aaral, ilan sa mga ito ang nagsabi na
hindi nararapat gamitin ang wikang Filipino sa pagtuturo ng matematiks sapagkat Ingles
ang gamit na wikang pagkalakalan at pantalastasan sa buong mundo. Sa kabilang banda,
ilang mga mag-aaral ang nagsabi na may mga mauunlad na bansa ang gumagamit ng
sariling wika sa pakikipagkalakalan kung kaya’t sa palagay nila ay ayos lamang na
gamitin ang wikang Filipino bilang midyum ng pagtuturo sa anumang aralin.

Upang bigyang kasagutan ang tanong sa kung ano ang epekto ng paggamit ng
wikang Filipino at Ingles bilang midya sa pagtuturo ng matematiks, isang pag-aaral ang
isinagawa sa Kolehiyo ng Malayang Sining ng Pamantasan ng De La Salle. Layunin
nitong maikumpara ang mga epekto ng paggamit ng mga nasabing wika sa pagtuturo ng
Pangkolehiyong Algebra.

Sa pag-aaral na ito, natuklasan na mas mataas pa rin ang antas ng pagkatuto ng


mga mag-aaral sa Pangkolehiyong Algebra gamit ang wikang Ingles at mas pinaboran
din ito ng mga mag-aaral.

Ilan pa sa mga dahilan ng mga mag-aaral sa pagpili ng wikang Ingles bilang


midyum sa pag-aaral ng matematika ay ang pagiging praktikal sapagkat bihasa na sila
sa wikang ito, mahirap isalin sa Filipino ang bawat salitang Ingles at ang ilan ay
naninibago pa sa pagsasalin kahit na babay lamang ang kaibahan.

Dahil dito, masasabing hindi pa gaanong tanggap at niyayakap ng mga pilipinong


mag-aaral lalo na sa kolehiyo ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo ng
Matematika. Sa ngayon, kakaunti pa rin ang mga aat at materyal na maaaring magamit
sa pag-aaral nito subalit ayon nga kay Dr. Acelajado, kung walang magtataguyod at
magsisikap na palitan ang nakasanayang midyum sa pag-aaral at pagtuturo, wala tayong
mararating at hindi natin mababago ang takbo ng ating pamumuhay.

C. PAGPAPAYAMAN SA KAALAM

FILIPINO BILANG PANDILIG SA TIGANG NA PAGTUTURO NG AGHAM AT


MATEMATIKA SA ATING MGA PAARALAN
Bagaman ang ating pambansang wika ay Filipino, ang wikang Ingles ay
kadalasang ginagamit sa pagtuturo ng agham at matematika. Sa 1987 Policy on Bilingual
Education, nakasaad ang hiwalay na paggamit ng Filipino at Ingles sa pagtuturo sa
partikular na mga asignatura o subject area. Ipinapagamit ang Filipino sa pagtuturo ng
araling panlipunan, musika, sining, edukasyon sa pagpapalakas, edukasyong
pantahanan at pangkabuhayan (home economics), praktikal na sining at edukasyon sa
pagpapakatao (character education). Samantala, ang wikang Ingles naman ang
gagamitin sa pagtuturo ng agham, matematika at teknolohiya.

Isa sa mga argumento sa pagtuturo ng agham, teknolohiya at matematika sa


wikang Ingles ay ang kawalan daw ng mga angkop na salin ng mga terminong pang-
agham at matematika kagaya ng square root, conjugate, enthalpy, at nucleus. Gayon din,
ang mga aklat sa nasabing mga disiplina ay nakasulat sa wikang Ingles. Sa kabila nito,
maraming mga pag-aaral ang nagpatunay na mas mabilis na naiintindihan ng mga
estudyante ang mga aralin sa agham at matematika kung ituturo ito sa ating sariling wika.

Isa ang pag-aaral na isinagawa ni Marina E. Balce, isang mananaliksik ng National


Institute for Science and Mathematics Education Development (NISMED) ng UP Diliman,
na nagpatunay na ang paggamit ng katutubong wika sa pagtuturo ng agham ay mas
mabisa sa pagkatuto ng mga bata. Labing-apat (14) na mag-aaral sa ika-limang baitang
ng isang pampublikong paaralan ang tinuruan tungkol sa respiratory system ng limang
magkakasunod na araw gamit ang wikang Filipino. May iba-ibang antas ng kakayanang
umintindi at matuto ang mga naging test subject ng kanyang pag-aaral. Apat ay nasa
above average (AA) group, limang average (A) at limang below average (BA). Pagkaraan
ng limang araw na leksyon, ang “A” group ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa
post-tests, samantalang ang BA group ay nakakuha ng antas na hindi naman nalalayo
sa AA group, at iyon ay sa kabila ng pagiging mas mababa ng mga batang mula sa
grupong iyon ng kanilang kakayanang matuto kumpara sa karaniwan.

Sa isang pag-aaral naman ng dalubhasang si Judith Aldaba noong 1990,


napatunayan niya ang mas mabilis na pagkatuto ng mga estudyante sa algebra sa
pamamagitan ng pagtuturo nito sa isang repeater’s class sa Kolehiyo ng Malalayang
Sining (College of Liberal Arts) ng De La Salle University. Sa pagtuturo niya, kaniyang
ipinaliwanag ang mga konsepto sa Filipino at pinanatiling Ingles ang mga termino at
konsepto. Napansin niya sa kanyang pagtuturo na kahit nakasulat sa wikang Ingles ang
mga aklat ay nagkakaunawaan sila at higit na nagkakainitindihan. Naging maganda ang
resulta sapagkat maraming mga estudyante ang nakapasa sa pagtatapos ng trimester.
Marami ang tutol sa paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo ng agham sapagkat
ito raw ay hindi makatutulong upang gawing “globally competitive” ang mga estudyante.
Wikang Ingles daw ang pandaigdigang wika, at ito ang wika ng globalisasyon ngunit
dapat maunawaan na ang bawat wika ay may kani-kanyang kaangkupan. Marahil ang
Ingles ay ginagamit bilang wika sa panlabas na kalakalan at komunikasyon ngunit sa
ating bansa ang wikang Filipino ang ginagamit sa araw-araw ng karaniwang masa kung
kaya’t mas mabilis na mauunawan ito kaysa sa ibang wika. Dapat din nating maintindihan
na hindi susi ang paggamit ng Ingles sa pagpapaunlad ng isang bansa. Ang mauunlad
na bansa tulad ng Hapones, Pranses, Ruso at Tsino ay gumagamit ng kanilang sariling
wika sa edukasyon kasama na sa pagtuturo ng agham, teknolohiya at matematika.

Kung kakayahan sa pagsasalin ng mga terminong agham sa wikang Filipino ang


pag-uusapan, marami na ang mga nagsagawa ng pagsasalin ng mga salitang agham at
matematika sa Filipino. Mayroong nabuong diksyunaryo ang mga siyentipiko noong
dekada sisenta at dekada otsenta. Ang mga ito ay ang “Ang Talahuluganang Pang-
Agham: Ingles Pilipino” na isinulat ni Dr. Jose Sytangco, isang manggagamot mula sa
UST, at ang English-Pilipino Vocabulary for Chemistry na nilikha ng mag-asawang
Bienvenido Miranda at Salome Miranda, mga propesor ng kemistri sa Unibersidad ng
Pilipinas. Ang mga halimbawa ng salin sa chemistry ay ang salitang “tigam” para sa
salitang “anhydrous,” “migat atomika” para sa “atomic mass,” “pampabilis” para sa
“catalyst,” at “kemiing simbilisan” para sa “chemical equilibrium.” Kung kaya’t hindi
maaaring iganap na hindi maituturo ang agham sa ating wika sapagkat kaya itong
maisalin. Lamang, kailangan pang mas pag-ibayuhin ang pagpapagamit, pagpapauso, at
paglinang dito.

Hindi rin lamang simpleng usapin ang ukol sa paggamit ng wikang Filipino sa
pagtuturo ng agham at teknolohiya. Sapagkat kung uugatin, ang kaisipan ng paggamit
ng banyagang wika sa pagkatuto sa ating bansa ay ibinubunsod ng isang sistema na
nagpapanatiling atrasado at maka-dayuhan sa estado, oryentasyon at nilalaman ng ating
edukasyon. Ang ganitong uri ng edukasyon na mayroon tayo sa kasalukuyan ay
naglalayong bumuo ng murang paggawa upang mapakinaban.
MGA PINAGHANGUAN

Acelajado, M. J. (1994). Ang Pagtuturo ng Matematika sa Wikang Filipino. Retrieved


June 14, 2019, from https://ejournals.ph/article.php?id=7801

Acelajado, M. J. (1994). Epekto Ng Mga Wikang Filipino at Ingles Bilang Midya Sa


Pagtuturo Ng Aljebra Sa Antas Ng Pagkatuto At Atityud Ng Mgamag-Aaral Sa
Kolehiyo. Retrieved June 14, 2019 from https://ejournals.ph/article.php?id=7823

Castrillo, L. (2015, Setyembre 24). Pagkilala sa Wikang Filipino sa Larangan ng


Makabagong Teknolohiya . Retrieved June 17, 2019 from Lance Castrillo Blog
Spot: http://lancecastrillo.blogspot.com/2015/09/ang-pilipinas-ay-nakikisabay-din-
sa-mga.html?m=1
Federico, S. A. (2017). Filipino bilang pandilig sa tigang na pagtuturo ng agham at
matematika sa ating mga paaralan. Retrieved June 15, 2019 from
https://medium.com/up-scientia/tigam-is-anhydrous-823d6e0c7360

Pagtatanggol sa Wikang Filipino, Tungkulin ng Bawat Lasalyano (n.d.). Retrieved June


17, 2019, from
https://www.google.com/url?sa=t&source=web&rct=j&url=https://www.dlsu.edu.p
h/wp-content/uploads/pdf/announcements/departamento-ng-
filipino.pdf&ved=2ahUKEwix6uCh9OjiAhWPwosBHTpYAUUQFjAGegQIARAB&u
sg=AOvVaw22Mf7Luj87ZaW8BOBUp4NG

Salazar, C. M. (n.d.). Ang Filipino sa Inhinyeriya. Retrieved June 15, 2019, from
https://www.google.com/amp/s/dokumen.tips/amp/documents/ang-filipino-sa-
inhinyeriya-carlito-m-salazar.html

Santos, B. U. (2009, April 12). Wikang Filipino sa ikasusulong ng Agham at


Teknolohiya. Retrieved June 17, 2019 from The Varsitarian:
https://varsitarian.net/news/20090412/wikang_filipino_sa_ikasusulong_ng_agha
m_at teknolohiya
Tolentino, L. (2017, April 6). Wikang Filipino sa Agham?. Retrieved June 17, 2019 from
Scientia: http://medium.com/up-scientia/wikang-filipino-sa-agham-455e54a3fc52

You might also like