You are on page 1of 4

BIBAL, Rex D.J. Prof. Alvin S.

Tugbo
III-HC BSE English Marso 19, 2013

Tahimik na Kalakasan
(Feministang Pagsusuri sa Pelikulang Ploning ni Dante Nico Garcia)

Ang perspektiba ng lipunan sa kung paano maituturing na mahina ang isang babae ay
subhetibo. Ito ay nakadepende sa pananaw ng mga taong sumisipat mula sa iba’t ibang anggulo.
Subalit kung bibigyang tuon ang stereotipikong dikta ng lipunan sa kung ano ang pamantayan sa
pagsasabing mahina ang isang babae, mababanaag na ang kahinaan ay sinasalamin ng
pananahimik at paghihiwalay ng sarili sa kanyang lipunan samantalang ang isang babaeng sa
tuwinang ipinagtatanggol ang sarili sa mga nanakit at nanghuhusga at nakikipagsabayan sa agos
ng kapaligiran ay itinuturing na malakas. Taliwas sa nasabing pamantayan, ang Ploning, obrang
pelikula ni Dante Nico Garcia, ay naghain ng panibagong pamantayan ng kalakasan ng babae at
nagpakita na hindi lamang lalaki ang pinagbubuhatan ng lakas ng kababaihan, mahahanap ng
isang babae ang kanyang sarili at mapagtatanto ang kanyang kabuluhan sa pamamagitan ng
kapwa babae.

Sa unang sipat, masasabing ang pangunahing tauhan na si Ploning ay isang perpektong


imahe ng isang mahinang babae. Ikinubli niya ang kanyang saloobin hindi lamang sa lipunan
pati na rin sa kanya mismong pamilya na tila isang taong takot mahusgahan at hindi nagtitiwala
sa iba, laging nalulungkot at nag-iisa. Panulat at papel ang tanging nakaaalam ng kanyang
nararamdaman. Masasabi rin na siya nag-aaksaya ng panahon sa isang bagay na walang
kasiguraduhan, nilalaan ang bawat araw na lumilipas at dumarating sa paghihintay sa lalaking
minamahal. Siya rin lagi ang paksa ng mga usapan sa paligid na pumupuna sa kanyang pagiging
malayo sa pamilya lalo na sa kanyang ama. Subalit, ang lahat ng mga nabanggit ay hindi
manipestasyon ng kahinaan ni Ploning bagkus ang mga ito ay nagpakita ng kanyang katatagan
bilang isang babae na sa murang edad pa lamang ay sinubok na ng hagupit ng pagsubok sa
buhay. Ito ay mapapatunayan sa pahayag ni Seling (Celeste) sa kanyang pagsasalaysay kay Digo.
“Nang una ko syang makita sa sementeryo, ang akala ko ay naroon ang isang babaeng
malungkot at nag-iisa, yun pala ay isang babaeng taimtim na nagdarasal sabay sa
pagpapasalamat sa masasaya at malulungkot na nangyari sa buhay niya.”

Masasabing si Ploning ay bukas na tinatanggap ang magaganda at mapapait na


pangyayari sa kanyang buhay. Nagpapasalamat siya sa mga biyaya at buong tapang na hinaharap
ang mga pagsubok kaya ito ay nagpapakita ng kanyang kalakasan sa kabila ng kanyang pag-iisa.

Ang pagdalumat sa karakter ni Ploning ay magsisiwalat na siya ay mayaman sa mga


ideolohiya na humuhubog sa kanyang pagkatao at magpapaliwanag kung bakit ganoon na
lamang ang kanyang pagiging misteryosa o mahiwaga. Ang mga paniniwala niyang ito ay
pabubulaanan ang haka na siya ay representasyon ng mahinang kababaihan. Isa sa mga ito ay
ang kanyang paniniwala na ang pag-ibig ay may kakambal na pait at sakit. Makikita ito sa
usapan nila nina Celeste, Nieves at Alma tungkol sa pag-ibig na kung saan nabanggit ni Celeste
na, “Basta ako, hindi ko na papayagang masaktan pang muli.” Sinalo naman ito ni Ploning sa
kanyang wika na “e di parang sinabi mo na rin na ayaw mo ng magmahal muli?” Masasabi rito
na si Ploning ay may positibong persepsyon sa pag-ibig sa kabila ng malaking posibilidad na
masaktan. Kahit na hindi magandang maituturing ang naging kapalaran ni Ploning dito, bukas pa
rin siya na magmahal. Sinusuportahan din ito ng linya ni Ploning na, “Maselan ang pagluluto ng
kasoy” na dinagdagan ni Nieves, “Pag sobra ang apoy, pumapait.” Nangangahulugan lamang na
normal sa isang relasyon ang sigalot kaya kinakailangang maging maingat at huwag ibigay ang
lahat. Sa kabilang banda, sa unang silip sa pahayag naman ni Celeste, maitatayang tinig ito ng
isang malakas na babae na pinoprotektahan ang sarili sa posibilidad na masaktang muli datapwat
sa mas malalim na pagsusuri, mapagtatantong ideolohiya ito ng isang babaeng takot at pipigilan
ang sarili na umibig para lamang hindi na muling masaktan pa.

Ang kakaibang katahimikan ni Ploning na ipinapalagay ng marami lalo na ni Celeste na


katangian ng isang babaeng mahina. Ayon kay Celeste, buong buhay niyang isinumpa ang mga
babaeng tahimik tulad ni Ploning dahil ayaw niyang magmukang mahina. Ngunit, bilang tugon
dito, dalawang beses umalingawngaw sa pelikula ang tinig ni Ploning na “Ayaw kong maging
kalungkutan ng ibang tao ang kaligayahan ko.” Ang kanyang katahimikan ay may
pinaghuhugutang dahilan. Minabuti na lamang ni Ploning na manahimik upang hindi patuloy na
mahusgahan at masaktan. Naipabatid din niya na hindi siya naniniwala sa pagkakataon, hindi na
siya gumawa ng kahit anong hakbang upang maipagtanggol o maipaliwanag ang sarili sapagkat
pinanghahawakan niya na mas magaling na tagapagtanggol ng nahusgahang puso ang panahon.
Hinahayaan niya na panahon o tamang oras ang maghilom ng lahat sugat ng nakaraan at
magbigay linaw sa lahat mga pangyayaring naging malabo at magulo. Hindi na niya
kinakailangang magsalita sapagkat sa huli ang oras ang magsasalita para sa kanya.

Napalutang din ni Dante Nico Garcia na sa pamamagitan din ng kapwa babae,


mahahanap ng isang babae ang kanyang sarili, mapagtatanto na hindi lamang sa lalaki
nakasalalay at umiikot ang buhay niya. Kaugnay nito, si Ploning ang nagsilbing ilaw nina
Celeste, Alma at Nieves. Si Celeste ang babaeng gagawin ang lahat huwag lamang
magmistulang mahina at masaktan sa pag-ibig . Nasabi niya na “kahit magpabuntis ako ng
walang karelasyon mapatunayan ko lamang na kaya ko…” Isa itong balighong pananaw sa
kalakasan ng isang babae bagkus ang aksyong ito ay nagpapakita ng kababaan at kahinaan. At sa
paglaon, nabatid niya na nagkamali siya, mali ang lahat ng kanyang mga ‘akala’. Sa
pamamagitan ni Ploning, natutunan niya ang pagiging isang malakas na babae at pagiging isang
mabuting ina sa ipinagbubuntis niya. Ang kanyang pagbabago ng paradigma ay sinimbolo ng
pagkakaroon niya ng palayaw na “Seling” na ibinansag ni Ploning na matagal na niyang inasam
upang mas tumatak sa isip ng ibang tao. Si Alma naman ang babaeng nagpaalipin sa pag-ibig,
nabuhay sa ilalim ng kanyang asawa na ni presensya ay hindi maipagkaloob sa kanya. Nabanggit
niya sa isang tagpo ang linyang “Pagsinabihan niya ako na dili lang ako e di dili lang ako” na
nagpakita ng kanyang pagiging mapagpahinuhod na asawa. Isang tahimik na babae na tanging
radyo lang ang kausap at walang makasundo sa Cuyo. Si Ploning ang nagsilbing tulay ng
kanyang mga nararamdaman at ninanais patungo sa kanyang asawang lumisan sa kanila. “Klerto,
paano mo malalaman ang mga nararamdaman ko kung wala si Ploning?” Sa pamamagitan ng
tulong ni Ploning, unti-unti niyang natutunang mahalin ang sarili at pagtuunan ng pansin ang
kanyang anak na si Jing-jing sa halip na umasa sa wala. Samantalang si Nieves lang sa apat na
babae ang may kinakasamang asawa, si Tuting. Gumalaw naman sa buhay nila si Ploning sa
pamamagitan ng tulong pangpinansyal. Kasambahay ng pamilya ni Ploning si Nieves at
tumutulong din si Ploning sa pagpapaaral ng kanilang anak na si Siloy. Nakita sa buhay ng
tatlong kababaihan kung paano naging esensyal na bahagi si Ploning na isa ring babae. Bagamat
wala silang inaasahang lalaki maliban kay Nieves na may asawa, si Tuting , natutunan nilang
mabuhay ng normal kasama ang iba pang mahalagang tao sa buhay nila at hindi tumigil ang
mundo nila kahit walang lalaki sa piling nila.

Sinaluduhan din ang kababaihan sa pamamagitan ng paggamit sa karakter nina Juaning,


Alma at Celeste. Ang mga nabanggit na tauhan ay nagpapakita na hindi ang presensya ng lalaki
o ng kanilang asawa ang pinakamahalaga sa mundo sapagkat may mga anak silang mas nararapat
pag-ukulan ng pagmamahal at atensyon. Sinabi na Juaning sa kanyang mga anak habang
nakaupo sa dalampasigan, “Ayos lang na walang asawa basta may dalawa akong mabubuting
anak.” Nasabi naman ni Alma kay Ploning ang linyang, “Si Jing-jing, lumalaking tahimik…
hindi ko ginustong maranasan niya ang mga naranasan ko.” Samantalang si Celeste naman
bagaman hindi naipakita sa pelikula ang kanyang pagiging isang ina, masasabing itinaguyod nya
ang kanyang anak ng nag-iisa lang. Nakita sa bandang huli ng pelikula na malaki na at maganda
ang kanyang anak na si Divina.

Bukod sa mga patunay na nabanggit na si Ploning ay isang matatag at malakas na babae


sa kabila ng kanyang katahimikan at mga karanasan sa buhay, malinaw na nabigyang diin ng
pelikula ang kahalagahan niya sa lipunan lalo na sa buhay nina Digo, Alma, Seling, Siloy,
Nieves, Tuting, Juaning at Tatay Susing. Inihalintulad ang kahalagahan niya sa ulan; sa kanyang
presensya ay hindi nararamdaman ng mga tao ang kawalan ng ulan.

Hindi man lubusang tangkilikin ng mga feminista na ang pelikulang ito ay nagpapa-angat
sa kababahihan sa kadahilanang ito ay nagbubuhat sa perspektiba ng isang lalaki. Masasabing ito
pa rin ay maituturing na akda para sa mga babae na nagtagumpay na ipakita ang kabuluhan at
kahalagahan ng babae sa lipunang kanyang ginagalawan.

Sa kabuuan ng Feministang pagdalumat, ipinakita ng obra ni Dante Nico Garcia na ang


kalakasan ng isang babae ay hindi nasusukat sa maingay na pagtatanggol at pagpoprotekta sa
sarili. Ang katahimikan na may isinasaalang-alang na kapakanan o kabutihan ng iba ay higit na
mabisang paraan upang i-angat ang sarili. Bilang karagdagan, ang kwento ni Ploning ay
nagbigay daan upang pabulaanan na ang mga lalaki ang tanging sandigan at pinaghuhugutan ng
lakas ng mga kababaihan. Makakukuha ng lakas at inspirasyon ang isang babae sa kapwa n’ya
babae. At ang huli, kinilala rin ng obrang ito ang mga babae bilang mga dakila at ulirang nanay
at bilang isang mahalagang elemento ng lipunan.

You might also like