You are on page 1of 5

Dagli

Nung mga nakaraang araw ay madalas akong


makatanggap ng mga mensahe sa aking Facebook Page
tungkol sa Dagli. Mayroong mga nagtatanong kung paano
ba, at mayroon ding mga nakikiusap kung maaari ba
silang humingi mula sa akin. Hindi ko alam kung bakit,
maaaring para sa kanilang pag-aaral o personal na
interes sa pagsusulat. Kaya minabuti ko na lang na
magsulat ng isang sanaysay tungkol sa pagsusulat ng
isang Dagli.
Ang “Dagli” ay isang uri o paraan ng pagsusulat ng isang
akda na mas maikli sa isang maikling kuwento. Kaya
naman ito ay kilala rin sa tawag na “maikling maikling
kuwento”. Matagal nang nakikita at nababasa ang
ganitong anyo sa ating lokal na panitikan, at sa
kasalukuyan, ilan lamang sa mga kilalang kuwentista ng
ating panahon sina Eros Atalia (Wag Lang Di Makaraos:
100 Dagli) at Jack Alvarez (Ang Autobiografiya ng Ibang
Lady Gaga).
Bakit ba mayroong pang ‘Dagli’ kung may Maikling
Kuwento na?
Bakit nga ba? Ganito yun, sa bawat araw ng ating buhay,
ay mayroong tayong iba’t ibang sitwasyon o eksena na
nadidinig, nakikita, nararanasan o nararamdaman. At ang
bawat eksena ay isang ‘Kuwento’. Ano ba ang nakita mo
habang papauwi ka galing eskuwela o trabaho?
Halimbawa, isang batang nagpupunas ng sapatos ng mga
pasahero sa loob ng sinakyan mong dyip. Magnobyong
nag-aaway sa gitna ng daan. Isang matanda na
nagpapahangin sa ilalim ng puno at marami pang iba.
Ang bawat eksenang ‘yon ay pasok na pasok para sa isang
Dagli.
Kadalasan, ang isang Dagli ay binubuo lamang ng
isandaan hanggang tatlongdaang salita. Upang maging
epektibo ang isang Dagli, ito ay ilan lamang sa mga
kinakailangang isaalang-alang:
1.) Mensahe – maaari kang magparating ng isang
mensahe sa pamamagitan ng pagsulat ng isang Dagli.
Kahit na kathang-isip lang ang isang Dagli ay maaari mo
itong gamitin bilang salamin ng reyalismo.
2.) Tagpo at Diyalogo – importante ang pagbuo ng isang
makabuluhang tagpo sa umpisa ng iyong Dagli, upang
maiksi man ang iyong akda ay mayroon pa ring mabuong
imahen ang mambabasa.
Halimbawa:
“Walang Hugutan” ni Juan Bautista
Isang gabi, naglalakad ako sa isang napakadilim na
eskinita. Sisipul-sipol pa ko habang bitbit ang pancit na
pasalubong para sa mag-iina ko, nang bigla na lang
akong undayan ng saksak ni Berto. Kilalang adik at tulak
sa lugar namin. Tangka na niyang huhugutin ang ‘ice
pick’ mula sa pagkakabaon nito sa bandang ilalim ng
aking tiyan nang hablutin ko ang kanyang kamay.
– “Pare. Parang awa mo na huwag mong huhugutin.”
Sabi ko.
– At bakit hindi?
– Kapag hinugot mo ‘tong ice pick, maiuuwi ko pa itong
pancit sa bahay, pero hindi na ‘ko aabot ng ospital.
– At kapag hindi ko hinugot?
– Aabot pa ko sa ospital. At ‘pag dinalaw ako ng mag-iina
ko, may pagsasaluhan pa silang pancit.
– Sinasabi mo ba sakin na kapag namatay ka hindi na
makakakain ng pancit kahit kailan ang pamilya mo?
– Oo pare.
Agad akong itinakbo ni Berto sa ospital. At magmula nuon
hanggang ngayon, magkaibigan pa rin kami…
Wakas
Inumpisahan ko ang maikling maikling kuwentong ito sa
pamamagitan ng paglalarawan (Isang gabi, naglalakad
ako sa isang napakadilim na eskinita. Sisipul-sipol pa ko
habang bitbit ang pancit na pasalubong para sa mag-iina
ko,). Ang aking primerong intensyon sa unang
pangungusap ng kuwento ay upang makabuo agad ng
isang eksena o imahen ang aking mambabasa. Senaryo.
Isang eksena lang ang “Walang Hugutan”. Isang
pangungusap na sinundan ng palitan ng mga diyalogo ng
dalawang tauhan. At hindi man detalyado ang kuwento,
tinapos ito ng isang pangungusap lamang (At magmula
nuon hanggang ngayon, magkaibigan pa rin kami.)
3.) Damdamin – lahat ng uri ng pagsusulat, awit, kuwento,
nobela o tula ay nangangailangan ng damdamin. Syempre
‘di ba? Ganoon din ang Dagli. Kung tutuusin nga ay hindi
ganoon kadaling maiparamdam ang “sinseridad” ng
isang manunulat sa kanyang mga mambabasa, kung ang
piyesa ay maikli lang. Kaya naman kinakailangang
epektibo ang “pagtatahi” ng mga salita sa pagbubuo ng
isang Dagli. Nang sa gayo’y sumibat pa rin sa damdamin
ng ating mga mambabasa ang bawat Dagli na iyong
isusulat sa hinaharap.
Paalala lang, ang mga nakasaad sa sanaysay na ito ay
base lamang sa aking personal na “istilo” ng
pagsusulat/pagkukuwento. Marami pa kayong maaaring
matutunan sa pagsusulat ng magaganda at epektibong
Dagli. At alam nating lahat na ang primerong
kinakailangan nating gawin upang tayo’y unti-unting
maging epektibong manunulat, ay ang magbasa.
Gusto ko ring pasalamatan ang mga patuloy na
nagbabasa at sumusubaybay sa website na ito. At para sa
iba pang mga Dagli sa aking koleksyon, maaari ninyong
bisitahin ang pahinang ito:
https://juanbautistastories.com/reads/mga-dagli/
Maraming salamat at patuloy nating suportahan ang lokal
na panitikan.
– JB

You might also like