You are on page 1of 6

La Consolacion University Philippines

Catmon, City of Malolos


GRADUATE SCHOOL
A.Y. 2016-2017

Czarina E. de Guzman Mayo 20, 2017


MAED- Filipino FIL 210
MODYUL

I. Pamagat: Dagli (o mga kwento sa isang iglap)

II. Ang mga mag-aaral na gagamit:

Ang pagtuturo-pagkatutong ito ay inihanda para sa mga mag-aaral


mula sa ikapito hanggang ikasampung baitang na nais magkaroon ng
kaalaman sa pagsulat ng dagli.

III. Lagom-Pananaw:

Ito ay makatutulong sa mga mag-aaral upang mahasa ang kanilang


kasanayan sa pagsulat at mapaunlad pa ang kanilang pagiging malikhain sa
pamamagitan ng pagbuo ng sarili nilang dagli.

IV. Layunin:

Pagkatapos mabasa at mapag-aralan ang modyul, ikaw ay dapat


nang:

1. Makatukoy sa kahulugan at kung paano binubuo ang dagli;


2. Maunawaan ang ilang halimbawa ng dagli; at
3. Makabuo ng sariling dagli.

V. Panuto o Instruksyon sa mga Mag-aaral:

Basahing mabuti ang kahulugan at kung paano binubuo ang dagli


upang lubos itong maunawaan. Sa pamamagitan din nito ay magkakaroon ka
ng ideya tungkol sa dagli at kung paano ito nahahawig sa maikling kwento.
Pagkatapos basahin ito, mayroong mga katanungang kinakailangan mong
sagutin.
Matapos sagutin ay tingnan ang “Mga sagot sa tanong” para makita
mo kung tama ang iyong mga sagot. Maging matapat sa pagsasagot. Maaari
mong maloko ang iba ngunit hindi ang sarili mo.
VI. Mga Kakailanganing Kahandaang Asal:

Bago pag-aralan ang modyul na ito, kailangang may alam muna ang
mga mag-aaral kung ano ang maikling kwento. Dahil madali nang mauunawaan
ng mga mag-aaral ang pagbuo ng isang dagli kung alam nila kung paano
tumatakbo ang isang maikling kwwento. Makatutulong din na mabasa nila ang
kahulugan at kung paano binubuo ang dagli para sa mabilis na pagkatuto.

VII. Paunang Pagsubok:

Narito ang ilang halimbawa ng dagli na makatutulong upang


mabigyan ka ng ideya kung paano ito binubuo. Matapos basahin ang mga
halimbawa ay kailangang sagutin ang mga sumusunod na pahayag kung ito
ba ay TAMA o MALI.

Ilang halimbawa ng dagli:

Putahe
Sa wakas, ito na ang mga huling piraso na kailangan para sa putaheng iluluto ko
ngayon. Nailuto ko na ang pinakamasarap na liver steak, adobong lamang-loob, at ang
pinakamalutong na crispy pata. Matagal ko rin itong hinintay, ang mailuto ang paborito
kong ulam—sisig.
Maluwang ang ngiti ni Desh habang hinihiwa sa maliliit na piraso ang utak at puso
ng dating kasintahan.
#GalawangManunulat
©Enigma

Antigo
"Masakit magbakbak ng papahilom pa lang na sugat. Parang ikaw na matagal
nang pilit binabakbak sa sistema ko pero pilit pa ring sumisiksik sa mga kasuluk-sulukan
ng inaalikabok at inaagiw nang gunita...
Ikaw ang istoryang hindi ko madalas ikuwento. Pero ang dalas ng hindi pagkibo
ay s'ya ring dalas ng pagdalaw mo sa isip ko. Madalas kong ikumpara ang babaw at lalim
ng iyong alaala sa baul ng aking gunita...
Kumbaga sa libro, ikaw ang tinuping pahina nito. Kumbaga sa diary, ikaw ang
pinilas na bahagi... pinilas pero itinago. Kumbaga sa gamit, antigo. Mahal."
Habang nakaupo sa lumang tumba-tumba ay paanas itong wika ni lolo, habang
nakatitig sa lumang larawan ng isang magandang babaeng sigurado akong hindi si lola.
#GalawangManunulat
©Enigma
Tagpuan
Halos kalat na ang dilim nang dumating si James sa tagpuan nila ng babaeng
itinuring na n'yang mundo.
"Muli akong magtatangkang manghuli ng mga salita na pwedeng itumbas sa mga
ganitong pagkakataong ang tanging kaulayaw ko ay katahimikan. Madalas, masarap
pang kapiling ang dilim, ang kape, ang pait ng mga inamin, itinago, at itinapong
damdamin. Lalo pa ngayong malamig ang paligid. Ramdam na ramdam ko pa rin ang
simoy ng nagdaang Pasko.
Napakalamig. Nakamamanhid.
At hindi ko na kailangang ikuwento ang sakit. Inilalarawan na ito ng dilim, ng kape,
ng pait. Mananatili itong ganito. Paulit-ulit. Paulit-ulit. Hanggang sa masanay sa sakit.
Hanggang isipin mong namanhid. Hanggang ang pamamanhid ay mauwi sa ordinaryong
senaryo na lang. Hanggang maging nakagawian na lang. Kapag ganoon, parang
nababawasan na ang pagiging espesyal ng tagpo. Kaya hindi ako masasanay sa sakit,
sa dilim, sa pait. Ayokong masanay. Gusto kong manatiling espesyal ang sakit, ang dilim,
ang pait. Palaging gugustuhin ko itong ramdamin. Lalo na't iisang tao lang ang
pinaglalaanan ng lahat ng daing, ng kirot, ng hapdi. Ikaw."
Basag ang boses na sambit ni James habang nakatalungko sa puntod ng dating
nobya, katabi ang dalawang tasa ng kape.
#GalawangManunulat
©Enigma
Narito ang mga pahayag. Isulat lamang kung TAMA o MALI.

1. Sadyang maiikli lamang ang dagli at bagama’t limitado ang salita ay


nakapaloob na ang buong kuwento rito.
2. Hindi mahalaga ang paggamit ng mga angkop na salita sa dagli at hindi ito
nakadaragdag ng emosyon sa kuwento.
3. Mahalaga ang tauhan sa dagli dahil ito ang nagbibigay-buhay sa kuwento
kaya walang kuwento na walang tauhan.
4. Karaniwang may twist ang wakas ng dagli upang magkaroon ng impact sa
mga mambabasa.
5. Hindi dapat pinag-iisipang mabuti ang pamagat ng dagli dahil wala itong
epekto sa interes ng mga mambabasa at puwede rin na walang kaugnayan
sa mismong kuwento.

VIII. Mga Sagot sa Paunang Pagsubok:

1. TAMA 2. MALI 3. TAMA 4. TAMA 5. MALI

IX. Mga Gawain sa Pagkatuto:

Basahin muna ang kahulugan at kung paano binubuo ang dagli


upang maging gabay sa pagsulat ng sariling dagli.
Ang dagli ay isang anyong pampanitikan na maituturing na maikling
maikling kwento. Binubuo lamang ito ng ilang daang salita. Basta hindi aabot
sa haba ng isang maikling kuwento. May porma at estilo rin ang dagli.
Saad ni Tolentino:
“Kailangang linawin ang porma at estilo—ang porma ay ang genre
(tradisyonal na pagkakahati-hati at pagkatuto ng panitikan bilang prosa, tula, at
dula), samantalang ang estilo ay ang suma-total ng lahat ng kumbensyong
ginagamit sa isang porma ng panitikan para magkaroon ng kakaibang dating
(effect) sa mambabasa. Tulad ng maraming estilo, ang dagli ay kwento pero
ibang uri ng kwento.”
Syempre, tulad ng maikling kwento, ang dagli ay may tauhan,
tagpuan, diyalogo, tunggalian at banghay. Pwedeng gumamit ng mga
karaniwang salita o kaya nama’y malikhain o matalinhagang mga salita
depende sa paksa ng kwento. Mas challenging nga lang dahil mas maikli ang
dagli kung kaya’t limitado sa mga salitang gagamitin. Maikli ngunit hindi bitin
(minsan lang). Kaya pwedeng pakialaman ng mambabasa, kung open-ended
ang wakas, edi tapusin mo o kaya wasakin mo. Depende sa ‘yo. Basta ba kaya
mong panindigan ang pangwawasak sa kwento.

Paano binubuo ang dagli?


Wala namang isang pormula lang sa pagbuo ng dagli. Ngunit ang
mga sumusunod ay makatutulong kung nagsisimula ka pa lang sumulat nito.
Gawin mo lang itong batayan. Kumbaga sa naglalakbay, gawin mo ‘tong gabay.
Pero kapag alam mo nang puntahan nang mag-isa ang lugar, pwede ka nang
umiba ng daan. Sabi nga, Master the rule, then break the rule.

Una, magpokus ka muna sa tauhan at tagpuan ng kwento. Tauhan


ang magbibigay-buhay sa kwento mo at tagpuan naman ang gagalawan nito.
Isipan mo ng problema ang tauhan mo dahil boring ang buhay ‘pag walang
conflict. Madali na ang diyalogo at daloy ng kwento kapag alam mo na kung ano
ba ang gusto mong ikwento.
Ikalawa, kapag meron ka na ng mga nauna, pwede nating simulan
ang dagli sa isang salita lang o keyword at maaari ding tapusin sa isang salita
na kadalasang may sipa sa mga mambabasa. Pwede ring isang pangungusap.
Ikatlo, mahalaga ang tamang pagpili ng salita dahil ito ang
magbibigay ng emosyon o damdamin sa kwento.
Ikaapat, simulan sa aksyon ang dagli dahil nga maikli lamang ito,
kailangang maikwento ang pinakamahahalagang tagpo sa isang iglap.
Ikalima, iwasan na ang masyadong mahabang paglalarawan dahil
nakapagpapabagal ito sa daloy ng kwento.
Ikaanim, Ipakita mo ang kwento. Huwag mong ikwento lahat. Parang
isang tula rin ang dagli. May lalim. Hayaan mong mag-isip ang mga
mambabasa.
Ikapito, lagyan ng twist sa dulo. Walang mambabasa ang gustong
magbasa ng kwentong halos alam na nya kung paano matatapos. Predictable
kumbaga. Maganda minsan ‘yong ginugulat sila.
Ikawalo, isipan mo ng malupit na pamagat. ‘Yong catchy o kaya
naman ‘yong tipong double-edged. Malakas din ang hatak ng mga pamagat na
binubuo lamang ng isang salita. Pwede rin namang mahaba ang pamagat,
basta nakagaganyak. ‘Yong parang sinasabi sa ‘yong, “Basahin mo ko!” sa
nang-aakit na tinig. Gano’n!

X. Mga Tanong na Sasagutin:

Tukuyin ang hinihingi ng bawat pahayag o katanungan. Bilugan ang titik


ng tamang sagot.

1. Ito ay isang anyong pampanitikan na maituturing na maikling maikling kwento.


a. dula b. maikling kuwento c. dagli d. tula

2. Ang dagli ay karaniwang binubuo ng ilang ________ salita.


a. daan b. libo c. milyon d. bilyon

3. Ito ang nagbibigay-buhay sa kuwento.


a. tauhan b. tagpuan c. tunggalian d. balangkas

4. Dapat ang tauhan sa kuwento ay may problema o tinatawag na ________.


a. daloy b. tunggalian o conflict c. balangkas d. aksyon

5. Dito gumagalaw ang tauhan sa kuwento.


a. tauhan b. tagpuan c. tunggalian d. balangkas

6. Dahil may lalim o talinghaga ang dagli, inihambing ito sa isang ________.
a. dula b. maikling kuwento c. dagli d. tula

7. Ang dagli ay karaniwang nagsisimula sa ________.


a. paglalarawan b. usapan c. aksyon d. wakas

8. Ito ang pinakapangalan ng isang akda o kuwento na dapat ay nakapupukaw ng


interes ng mambabasa upang basahin ito.
a. twist b. pamagat c. pabalat d. conflict

9. Ang wakas ng dagli ay dapat may ________.


a. conflict b. pabalat c. pamagat d. twist

10. Ito ang nahahasa o napauunlad sa iyo kapag nagsusulat ka ng dagli.


a. pagtitipid b. pagkamalikhain c. pakikinig d. pagbasa

XI. Mga Sagot sa Tanong:

1. c 2. a 3. a 4. b 5. b 6. d 7. c 8. b 9. d 10. b
XII. Panukatang Sangguniang Pagsusulit:

Susulat ng sariling dagli ang mga mag-aaral upang masukat ang


kanilang natutunan sa pagbuo ng dagli. Isusulat ito sa isang short bond paper.
Sundin ang pamantayan sa pagmamarka na nasa ibaba.

XIII. Pamantayan sa Pagmamarka:

Pamantayan 3 2 1
May pamagat na Nakapupukaw Di-gaanong Hindi nakapupukaw
nakapupukaw ng ng interes ang nakapupukaw ng ng interes ang
interes ng mambabasa pamagat interes ang pamagat pamagat
May tauhan at Kumpleto ang May isang kulang sa Maraming kulang
tagpuan, at maayos hinihingi hinihingi sa hinihingi
ang daloy ng kuwento
Gumamit ng mga Mahusay ang Di-gaanong mahusay Hindi mahusay ang
salitang angkop sa gamit ng mga ang gamit ng mga gamit ng mga salita
emosyon ng kuwento salita at salita at di-gaanong at hindi lumutang
lumutang ang lumutang ang ang emosyon
emosyon emosyon
May dating at may Malakas ang Di-gaanong malakas Hindi malakas ang
kakaibang twist sa dating at may ang dating at di- dating at walang
dulo o wakas kakaibang twist gaanong kakaiba ang twist sa dulo o
sa dulo o wakas twist sa dulo o wakas wakas
Malinis at maayos ang Napakalinis at May kaunting dumi at Maraming dumi at
sulat napakaayos ng di-gaanong maayos hindi maayos ang
sulat ang sulat sulat

XIV. Pagpapahalaga:

1. Malinaw ba sa iyo ang mga hakbang sa pagbuo ng dagli?


2. Nakatulong ba ang modyul na ito upang madagdagan ang iyong
kaalaman tungkol sa pagsulat ng dagli?
3. Magagawa mo rin bang sumubok na magpasa ng iyong mga likha
sa mga online o social media sites upang mabasa rin ng ibang
manunulat ang iyong mga likha at makakuha ng suhestyon mula sa
kanila na makatutulong sa lalo pang paglago ng iyong kasanayan sa
pagsulat?

Sanggunian:

Kahulugan at Pagbuo ng Dagli, Binuksan noong Mayo 06, 2017 mula sa


http://fil.wikipilipinas.org/index.php/Dagli

Mga Halimbawa ng Dagli, Binuksan noong Mayo 06, 2017 mula sa


https://web.facebook.com/GalawangManunulatOfficial/?_rdc=1&_rdr

You might also like