You are on page 1of 2

ISANG SURING BASA

(SA MGA KUKO NG LIWANAG)

KEVIN JOHN S. VENTURA

Ang nobelang Sa Mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo M. Reyes ay unang lumabas


bilang isang serye sa mga pahina ng Liwayway Magazine. Isinasalaysay nito ang
kuwento nina Julio at Ligaya, kapwa galing sa probinsiya. Hindi na binabanggit dito
kung aling probinsiya, sapagkat kinakatawan nila ang libong kapuspalad na
nakikipagsapalaran sa lungsod, maynila araw-araw.

Si Ligaya ang naunang nagbaka-sakali, kasama ng isang matronang babae, Mrs.


Cruz, na nangako sa kanya ng isang simpleng trabaho, na may posibilidad pang
makapag-aral at makapagpadala ng kaunting tulong sa iiwanan niyang mga magulang
at kapatid. Pagkatapos ng ilang panahon na hindi na nakakapagpadala ng sulat si
Ligaya sa kanyang mga magulang at pati na rin kay Julio, na isip ni Julio na sundan ito
sa Maynila upang hanapin ito.

Sa paghahanap ni Julio ay naharap siya sa realidad ng buhay sa lungsod. Katulad


nga ng ipinahihiwatig ng pamagat ng nobela, maaakit siya ng mga kuko ng liwanag ng
mga neon lights ng Kamaynilaan.

Maynilalaman ang pagkakasulat ng Kuko. Ang mga simbolong: Gusali, unti-


unting nagagawa mula sa mga sangkap o materyales nito, bakal, graba at semento, na
sa bandang huli ay magiging mistulang panginoon pa ng mga kamay at katawang
humugis dito. Ang alamat ng esterong walang nagmalasakit na tandaan, na sa kanyang
kaitiman ay maaaring nagsisimbolo na rin mismo sa kaibuturan ng lungsod.

Huling-huli ng nobela ang ingay, at kalaswaan ng Maynila. Akmang-akma ang


pagsasalarawan nito sa mga lugar, pangyayari, at tauhang mapupuntahan,
mararanasan, at makikilala nina Julio at Ligaya. Ibinibigay nito sa mambabasa ang
isang napakamakatotohanang buhay sa Lungsod ng mga Pangarap at Kasawian.

Kung babasahin mo ngayon ang nobela, maiisip mong maaari pa ring mangyari
ang kuwento ito sa kasalukuyang panahon. Baguhin lang ang mga pangalan ng kalye sa
mga kasalukuyang pangalan nito, bigyan mo lang ng cellphone sina Mister Balajadia at
Misis Cruz, gawin mo lang mas moderno ang tindahan ni Ah Tek, pasakayin mo lang
kahit minsan si Julio sa LRT, atbp. Sa tingin ko pa nga, kung may makakaisip mang
gawin muling pelikula ang librong ito, uubra pa rin ito kahit ilagay sa kasalukuyang taon
ang pruduksyon nito.

Ngunit lubog man sa man sa dumi at alikabok ang Maynilang isinalalarawan sa


nobela, mayroon pa ring liwanag o pag-asang nagpupumilit na umilaw dito. Ang mga
nakilala ni Julio ay mabubuting tao, kapos man sila mismo sa materyal na mga bagay at
kahit hindi nila halos maitawid ang kanilang mga sarili sa pang-araw-araw nilang
pangangailangan ay nagagawa pa rin nilang magbigay ng tulong at kabaitan kay Julio.
Sino pa ba naman ang magtutulungan, Ika nga.

Isang mabisa, walang-kupas, at makatotohanang salamin ng lipunan ang nobela.


Mabisa, sapagkat hindi nito itinatago ang katotohanan, bagkus ay ipinapakita ito sa
mambabasa sa paraang hindi ito maaaring isa-isantabi. Sa makatotohanan nitong
pagkakasulat, wala kang magagawa kundi harapin at tanggapin ito.
Malungkot mang isipin, ang kuwento nga ay kuwento ng libo-libong Julio at
Ligayang ipinapadpad ng kapalaran mula sa kanilang tahimik ngunit napakahirap na
buhay sa probinsiya patungo sa buhay na hindi nila akalain na mas magiging mas
mahirap pa.

Makatotohanan ito, sapagkat hindi nito inihihiwalay ang sarili nito sa realidad ng
lipunang sinasalamin nito. Tinatalakay dito ang di-makatarungang sitwasyon ng mga
manggagawa, ang kaawa-awang kalagayan ng mga maralitang tagalungsod, ang
diskriminasyon ng ilang tao, at ang bulok na systema na nag papatakbo dito.

Ngunit higit sa lahat, ipinapakita ang pagkamakatotohanang ito sa katauhan ni


Julio at sa kung paano siya kumilos at tumugon sa mga nangyayari sa kanya. Hindi siya
walang-kibong biktimang nagpapadala lamang sa kanyang kapalaran. Hindi siya ang
taong tama at wasto lamang ang gagawin ano pa man ang mangyari sa kanya. Si Julio
ay hindi si Ibarra na iniinda lamang ang mga kasamaang idinudulot sa kanya ng
kanyang mga kaaway. Ngunit hindi rin naman siya si Simoun na naniniwalang na
kasamaan din ang dapat idulot sa mga kanyang kaaway.

Sa huli, sabi nga ng may-akda, paano mo mamahalin ang isang katulad ni Julio?
Ano ang karapat-dapat na redemption niya sa bandang huli? At ano ang kabuluhan at
kahulugan ng kanyang kinasapitan?

Maaaring hindi intensyon ng nobela na sagutin ang mga huling tanong na iyan.
Maaaring inakala ng may-akda na sapat nang maging salamin ng realidad ang kanyang
nobela. Ipinapaubaya niya marahil sa atin ang paghahanap ng mga sagot, ang
pagbibigay ng kabuluhan at kahulugan sa nasabing realidad. Hindi man nito tuwirang
sinasabi, maaaring inaanyayahan nitong palawakin ng mambabasa ang kanyang
kamalayan sa realidad na ito, at, harinawa, kumilos.

You might also like