You are on page 1of 1

Dagok ng Kalayaan

Lubhang nakababahala para sa mga mamamahayag na naniniwala sa press freedom, ang


padalos dalos na pagdedesisyon ng pamahalaan sa pangunguna ng National Bureau of Investigation sa
pag aresto nito sa Chief Executive Officer (CEO) ng Rappler na si Maria Ressa kaugnay sa kaso nitong
cyber libel noon pang 2017.

Inaresto si Ressa kaugnay ng kasong cyber libel laban sa kanya na inireklamo ni Wilfredo Keng,
isang negosyante, noong 2017 sa isang artikulong inilathala sa nasabing website noong 2012 matapos
isangkot ang pangalan ni Keng sa ilegal na droga at human trafficking. Nauna nang ibinasura ng NBI ang
kaso noong 2017 ngunit muling binuhay ngayon ng Department of Justice (DOJ). Sa isang pahayag ni
Ressa, iginiit niya na walang bisa ang kasong cyber libel sa kanya dahil apat na buwan matapos
mailathala ang artikulo kay Keng ay tsaka lang naipasa ang cyber libel law.

Malinaw na indikasyon ito ng panggigipit ng gobyerno sa mga taong may lakas ng loob na
magsalita laban sa mga polisiya nito. Matatandaang noong taong 2016 lamang nagumpisang atakehin ng
Pangulo ang online newsite dahil sa mga artikulong inilabas nito na kumokondena sa extra judicial
killings (EJK) na naging laganap sa bansa matapos ikasa ng administrasyon ang oplan tokhang laban sa
iligal na droga at mga ‘pro-Duterte online troll army’, na naglalabas ng maling impormasyon tungkol sa
pagkapresidente ni Digong. Sinagot ni Duterte ang mga istoryang ito sa kanyang State of the Nations
Address (SONA) 2017 at sinabing walang basehan ang balita ng Rappler, dagdag pa nito, pag-aari ng mga
Amerikano ang newsite na lumalabag sa konstitusyon.

Isang malaking hadlang ito sa kalayaan ng mga mamamahayag na maglathala ng mga istorya na
sa tingin nila ay makakatulong sa paghatid ng impormasyon sa mga mata’t tainga ng mga mamamayan.
Nang umupo sa pwesto ang Pangulo, inuna niyang bigyang pansin ang Freedom of Information (FOI) bill
na naglalayong palawakin pa ang mga impormasyong nasasagap ng mga mamamayan ukol sa gobyerno
sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga dokumento nito ngunit walang saysay ang batas kung paiiralin
ni Duterte ang init ng ulo sa media na tanging pinagkukunan ng balita ng mga tao tungkol sa kalagayan
ng pamahalaan.

Bilang ‘mata ng bayan’, ang news media ay nagsisilbing tagapangalaga ng ilan sa mga karapatan
nito. Sa daangtaong paglalakbay ng Pilipinas mula demokrasya tungo sa diktaturya at bumalik sa
demokrasya, pinagtibay na ito ng media. Ito ang dahilan kung bakit kailangang busisiin at imbestigahan
nito ang mga opisyal ng pamahalaan, bagay na hindi magagawa ng news media dahil sa pagbabawal sa
kanila ng gobyerno na maglathala ng istorya na hindi sumasang ayon sa ideyolohiya ng administrasyon.

Magsisilbing babala ito sa sinumang magtatangkang tutulan ang administrasyong Duterte ngunit
hindi nito mapapatigil ang mga tao na patuloy na ipaglalaban ang kanilang karapatan na malaman ang
totoong kalagayan ng bansa. Pinatunayan lamang nito na dapat lang na tutukan ng mga local news
media outlets ang bawat pahayag at aksyon ng Pangulo, sa kabila ng pagkairita nito sa mga
mamamahayag, dahil tanging sila lang ang makapagbibigay ng karapat dapat at may pinagbasehang
artikulo. Nawa’y maging inspirasyon ang katapangan ni Ressa sa iba pang mga mamamahayag upang
mawakasan na ang dagok sa kalayaan.

You might also like