You are on page 1of 6

PAGBASA AT PAGSUSURI REVIEWER

ANG PANANALIKSIK
 Ang pananaliksik ay isang sistematikong pag-iimbestiga at pag-aaral upang makapagpaliwanag at
makapaglatag ng katotohanan gamit ang iba’t ibang batis ng kaalaman. Isinasagawa ang
pananaliksik bilang isang lohikal at organisadong batayan ng mga karagdagang kaalaman tungkol
sa tao, kultura, at lipunan.
 Ang paghahanap, pangangalap, patatasa o pagtataya, at pagiging kritikal ay mga kasanayang
nalilinang sa pagsasagawa ng pananaliksik.

Ang kantidad o dami ay isang katangian na umiiral ayon sa kalakihan o karamihan nito.
Ang kalidad ay tumutukoy sa kayarian ng isang bagay o gawain.

Mga Gamit o Layunin ng Pananaliksik


1. Isinasagawa ang pananaliksik upang tumuklas ng mga bagong kaalaman at impormasyon na
magiging kapaki-pakinabang sa mga tao.
2. Maaaring gamitin ang pananaliksik upang bigyan ng bagong interpretasyon ang lumang
impormasyon. Maaaring sa paglipas ng panahon ay magkaroon ng panibagong imbensyon na may
kaugnayan sa dating pananaliksik.
3. Nagagamit ang pananaliksik upang linawin ang isang pinagtatalunang isyu.
4. Nagsasagawa ng karagdagang pananaliksik upang patunayan ang bisa at katotohanan ng isang
datos o ideya. Maaaring kompirmahin ng bagong pag-aaral ang isang umiiral na katotohanan.

Mga Katangiang Dapat Taglayin ng Isang Mabuting Pananaliksik


1. Kailangan itong gumamit ng mga ebidensyang hango sa isinagawang eksperimentasyon. Dapat
itong nakabatay sa mga datos mula sa obserbasyon at mga aktuwal na karanasan sa halip na
teorya lamang o kaisipan.
2. Kailangan itong maging sistematiko at may proseso o pamamaraan. Hindi maaaring
makapagsimula sa pananaliksik nang walang pamamaraang gagamitin sa pangangalap at pag-
oorganisa ng mga datos at impormasyon, gayundin sa pagbubuo ng interpretasyon at
kongklusyon. Lahat ng aspekto ng pananaliksik ay kailangang may sinusundang proseso upang
maiwasan ang misrepresentasyon, pagkiling, at pagdududa sa kinalabasan ng pananaliksik.
3. Kailangang kontrolado ang pananaliksik. Lahat ng pananaliksik ay may mga elementong maaaring
mabago at maiba (variable). Sa mga elementong ito nakabatay ang lahat ng sanhi at kalalabasan
ng pananaliksik. Samakatuwid, mahalagang matukoy ang mga pagbabatayan lamang ng pag-aaral
upang makontrol at maipokus ang direksiyon ng isinasagawang pag-aaral.
4. Kailangan itong gumamit ng matalinong kuro-koro (hypothesis) na siyang magiging gabay sa
buong proseso ng pananaliksik. Ang matalinong kuro-koro o tentatibong pahayag tungkol sa
isasagawang pananaliksik ay hindi simpleng hula lamang, bagaman ang mga hinuha sa kalalabasan
ng pag-aaral at batay sa isang lantad na katotohanan.
5. Obhetibo, walang kinikilingan at lohikal – Ang anumang resulta sa pag-aaral ay may sapat na
batayan at hindi salig sa sariling opinyon ng mananaliksik.
6. Kailangang ang pananaliksik ay masusing nagsusuri at gumagamit ng angkop na proseso upang
maiwasan ang anumang kamalian.
7. Kailangang ang pananaliksik ay makatwiran at walang kinikilingan.
8. Kailangang ang pananaliksik ay gumagamit ng mga dulog estatistika.
9. Kailangang ang pananaliksik ay orihinal.
10. Kailangang ang pananaliksik ay maingat na gumagamit ng mga pamamaraan sa pangangalap ng
mapagtitiwalaang datos.
11. Kailangang ang pananaliksik ay hindi minadali.
1
MGA BAHAGI NG PANANALIKSIK
1. Fly Leaf – ang pinakaunang pahina ng pamahanong-papel. Walang nakasulat sa pahinang ito, sa
madaling salita ito ay isang blangkong papel.
2. Pamagating Pahina – ang tawag sa pahinang nagpakilala sa pamagat ng pamanahong-papel.
Nakasaad din dito kung kanino iniharap o ipinasa ang papel, kung saang asignatura ito
pangangailangan, kung sino ang gumawa at komplesyon.
3. Dahon ng Pagpapatibay – ang tawag sa pahinang kumukumpira sa pagkapasa ng mananaliksik at
pagkatanggap ng guro ng pamanahong-papel.
4. Dahon ng Pasasalamat o Pagkilala – tinutukoy dito ang mananaliksik ang mga indibidwal,
pangkat,tanggapan o institusyong maaring nakatulong sa pagsulat ng pamanahong-papel at kung
gayo’s nararapat pasalamatan o kilalanin.
5. Talaan ng Nilalaman – nakaayos ang pag babalangkas ng mga bahagi at nilalaman ng
pamanahong-papel at nakatala ang kaukulang bilang ng pahina kung saan matagpuan ang bawat
isa.
6. Talayaan ng mga Talahayanan at Graf – nakatala ang pamagat ng bawat talahayanan at/o graf na
nasa loob ng pamanahong-papel at nakatala ang kaukulang bilang ng pahina kung saan
matatagpuan ang bawat isa.
7. Ikalawang Fly Leaf – ay isang blangkong papel o pahina bago ang katawan ng pamanahong-papel.

KABANATA 1 – Ang Suliranin o Kaligiran nito


1. Panimula o Introduksyon – ito ay isang maikling talataang kinapapalooban ng
pangkalahatang pagtakay ng paksa ng pananaliksik. Ang Bakgrawnd ng pag-aaral naman ay
tumutukoy sa kaligiran ng paksang pinag-aaralan.
2. Layunin ng Pag-aaral (Paglalahad ng Suliranin) – Inilalahad ang pangkalahatang layunin o
dahilan kung bakit isinasagawa ang pag-aaral.
3. Kahalagahan ng Pag-aaral – Inilalahad ang signifikans ng pagsasagawa ng pananalikisik ng
paksa ng pag-aaral. Inilalahad din ditto kung sino ang makikinabang sa nasabing pag-aaral.
4. Saklaw at Limitasyon (Delimitasyon ng Pag-aaral) – Inilalahad at tinutukoy ang simula at
hangganan ng pananaliksik.
5. Depinisyong ng mga Salitang Ginamit o Terminolohiya – inililista rito ang mga salitang
ginamit sap ag-aaral.
a. Teoritikal na basehan – dito inilalahad ang mga teoryang maaaring maiugnay sa
ginagawang pag-aaral.
b. Koseptwal na basehan – ito ay tumutukoy sa pagbuo ng konsepto ayon sa sariling gawa
ng manunulat base sa kanyang konsepto sa ginagawang pag-aaral.
Paglilimita ng Paksa
Ang paksang espisipiko o nalimitahan ay higit na may lalim ang pagtalakay sapagkat tiyak ang
bahaging pagtutuunan ng pansin at tatalakayin.
Ang paggamit ng mga salitang naniniyak o nagpapatibay ay makatutulong sa paglilimita ng paksa.
Mga Elementong makapaglilimita ng paksa:
1. Panahon
2. Uri o kategorya
3. Edad
4. Kasarian
5. Lugar o espasyo
6. Pangkat o sector na kinasasangkutan
7. Perspektiba o pananaw

2
Halimbawa:
1. Paksa: Ang teknolohiya sa pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang mga anak.
 Nilimitahang paksa gamit ang perspektiba at uri
Epekto ng media sa pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang mga anak
 Nilimitahang paksa gamit ang perspektiba, uri at lugar
Epekto ng telebisyon sa pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang mga anak sa Barangay
Bagumbayan
 Nilimitahang paksa gamit ang perspektiba, uri, kasarian, edad, at lugar
Epekto ng telebisyon sa pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang mga anak na lalaki na
may edad 8 hanggang 12 sa Barangay Bagumbayan

Desinyo at Metodo sa Pananaliksik

1. Desinyo ng Paglalahad – tinatalakay nito ang uri ng pananaliksik na ginamit (deskriptiv, analitik,
ekspirimental at iba pa).
2. Populasyon – tinatalakay nito ang lawak o sakop ng bilang ng populasyon, ang sample size.
3. Respondente – tinatalakay nito kung sino ang respondent- ang kanilang deskripsyon o profayl,
ilan, bakit at paano sila napili.
4. Instrumento ng Pananaliksik – inilalahad dito ang mga bahaging nakapaloob sa instrument
(kwestyuner) maging ang interbyu / pakikipanayam na isinagawa.
5. Prosidyur sa Pangangalap ng Datos – inilalahad dito ang mga hakbang na isinagawa- kung paano
at bakit ginawa ang bawat hakbang.
6. Istatistikal Tritment ng Datos – inilalahad ang mga istatistikal na paraan na ginamit sa
paglalarawan ng mga numero o “figures” ay ginagawa rito upang ang numerical na datos ay
mailarawan. Kumukunsulta sa mga istatistasyan sa bagay na ito upang matanto ang uri ng
istatistiks na dapat gamitin sap ag-aaral.

Lagom, Konklusyon at Rekomendasyon

 Lagom – ito ang tawag sa pagbubuod sa isang kwento o akda gamit ang sariling salita. Dito
komprehensibong tinatalakay at binubuod ang mga datos at impormasyong nakalap sa
pananaliksik.
 Rekomendasyon – ito ay ang pagmumungkahi ng isang ideya o solusyon na may layunin
na makatulong sa ibang tao o sitwasyon.
 Konklusyon – tumutukoy sa pinakaideya ng isang paksa. Ito ang kinalabasan ng isang pag-aaral at
pangkaraniwang nakikita sa huling talata ng isang akda.

Kard Katalog (Card Catalog) – ito ay isang listahan nh lahat ng nilalaman ng isang aklata na nakaayos gamit
ang isang tarheta o kard para sa bawat isang bagay na makikita sa aklatan.

Mga Uri ng Katalogo

1. Katalogo ng mga Awtor (Author Catalog) - nakalista nang paalpabeto ang pangalan ng lahat ng
may-akda ng iba-ibang sanggunian. Ito ang dapat gamitin sa paghahanap ng mga sanggunian kung
ang gagamitin sa paghahanap ang pangalan ng may akda.
o Kard ng Awtor (Author Card) – ito ang tawag sa kard na naglalaman ng impormasyon tungkol
sa aklat o sa sanggunian na ginawa ng may-akda.
2. Katalogo ng mga Pamagat (Title Catalog) - nakalista nang paalpabeto ang pamagat ng lahat ng
sanggunian. Ito ang dapat gamitin sa paghahanap ng mga sanggunian kung ang gagamitin sa
paghahanap ay ang pamagat ng sanggunian.
3
o Kard ng Pamagat (Title Card) – ito naman ang tawag sa mga kard na naglalaman ng
impormasyon tungkol sa aklat o sanggunian na may gayong pamagat. Sa pinakataas na bahagi
ng kard makikita ang pamagat ng hinahanap na sanggunian.
3. Katalogo ng mga Paksa (Subject Catalog) – nakalista nang paalpabeto ang lahat ng paksang
pinatutungkulan ng lahat ng sangguniang nasa silid-aklatan. Ito ang pinakamalawak na talaan ng
mga sanggunian na maaaring gamitin sa paghahanap gamit ang paksang sasaliksikin.
o Kard ng Paksa (Subject Card) – ito naman ang tawag sa mga kard na naglalaman ng
impormasyon tungkol sa aklat o sanggunian na tumatalakay sa paksang iyon.

OPAC (Online Public Access Catalog) – ito ang pinakamodernong paraan ng paghahanap ng mga
sanggunian sa silid-aklatan.

Pagbuo ng Tesis na Pahayag


Ang tesis na pahayag ang ngbubuod sa kabuuang nilalaman ng isang sulatin at nagbibigay ng ideya
sa mambabasa tungkol sa lawak ng pagtalakay sa paksa.

Paano Binubuo ang Tesis na Pahayag?


 Tukuyin ang paksa
 Mula sa paksa bumuo ng pangunahing argumento na binubuo ng pananaw at sinusuportahan ng
mga patunay
 Bumuo ng pansamantalang tesis na pahayag
 Maaaring rebisahin ang pansamantalang tesis na pahayag sa proseso ng pangangalap ng datos
Halimbawa:
Paksa: Pagpapatupad ng Bangsamoro Basic Law (BBL)
Tesis na Pahayag (maaari)
 Hindi matutugunan ng BBL ang mga suliranin sa Mindanao bagkus ay magiging dahilan pa
ito ng pananamantala at pangungurakot ng mga mamumuno rito.
 Ang pagpapatupad ng BBL ang sagot sa pagkakamit ng kapayapaan sa ARMM dahil
matutugunan nito ang pagpupunyagi ng mga mamamayang Bangsamoro para sa kanilang
karapatan sa sariling pagpapasya (self-determination).

Internet – ito ang pinakapraktikal na paraan ng pagkalap ng datos lalo na sa makabagong panahon ng
teknolohiya.

Panayam – ito ay tinatawag ding pangunahing sanggunian. Isinasagawa ang panayam upang kumalap ng
impormasyon mula sa isang tao o pangkat na itinuturing na awtoridad o nakaaalam tungkol sa paksang
nais talakayin.

Mga Uri ng Panayam


1. Impormal na Panayam – walang nakahandang katanungan para sa kakapanayamin; ang daloy ng
pag-uusap ay Malaya at tila nagkukuwentuhan lang.
2. Panayam na may Gabay – gumagamit ng mga gabay na tanong upang masiguro na makalap ang
lahat ng impormasyong kailangan.
3. Bukas o Malayang Panayam – Malaya ang daloy ng panayam; malayang nasasagot ang mga
inilatag na tanong at hindi nakakulong sa sagot na oo at hindi ang kakapanayamin.
4. Panayam batay sa mga inihandang tanong at sagot na pagpipilian – pare-pareho ang mga tanong
at hinahayaang pumili ng sago tang kinakapanayam mula sa mga nakalatag na sagot.

Obserbasyon o Pagmamasid – ito ang pangunahing paraan sa siyentipikong pananaliksik. Maaari itong
gamitin sa iba’t ibang uri at layunin ng pananaliksik.
4
Mga Uri ng Obserbasyon
1. Natural na Obserbasyon – kalakip dito nag pagmamasid sa mga natural nap ag-uugali ng paksa
ng obserbasyon sa isang normal na sitwasyon.
2. Personal at Obhektibong Obserbasyon – ang personal na pagmamasid ay may kinalaman sa
damdamin at opinion ng tagamasid batay sa kaniyang sariling danas kaugnay ng isinasagawang
pananaliksik. Ang obhektibong pagmamasid ay hango sa mga material at lantad na ebidensyang
nakita.
3. Direktang Partisipasyon at Walang Partisipasyon – kung may direktang partisipasyon sa buong
proseso ang mananaliksik, nakikita siya ng taong inoobserbahan bilang isang tagamasid.
Samantala, kung walang partisipasyon ay nakadistansiya ang mananaliksik o kaya naman ay hindi
alam ng taong inoobserbahan na siya ay inoobserbahan.
4. May Estruktura at Walang Estruktura – may sistematikong patnubay ang obserbasyong may
estruktura. Ang walang estrukturang obserbasyon naman ay isang eksploratoryong pag-aaral at
walang tiyak na pangyayaring inoobserbahan.

Pagsulat ng Tentatibong Balangkas


Ang isang balangkas ay nagsisilbing larawan ng mga pangunahing ideya at mahalagang detalye
tungkol sa paksa. Nahahanay sa balangkas ang mahahalagang bahagi ng sulatin at kung paano
nagkakaugnay-ugnay ang mga bahaging ito.

Mga Uri ng Balangkas


 Balangkas na Papaksa – ang mga ideya ay nakahanay sa pamamagitan lamang ng susing salita o
paksa.
 Balangkas na Pangungusap – ang pagkakasunod-sunod ng mga ideya ay nasusulat sa
pangungusap.
 Balangkas na Talata – balangkas na ipinahahayag sa pamamagitan ng talataan.

Pagsulat ng Burador
Ang burador ang unang hakbang sa pagsulat ng kabuuang nilalaman ng isang pananaliksik.
Tinatawag itong burador dahil ito ay tentatibo pa lamang. Maaari pa itong mabago habang nagsusulat at
patuloy na kinakalap ang mga datos sa pananaliksik.

Paggamit ng Dokumentasyon
Ang dokumentasyon ay pangangalap at pagsasaayos ng mga sanggunian tulad ng mga teksto,
video, aklat, peryodiko, at iba pa na ginamit sa isang sulatin upang mapatunayan na opisyal at balido ang
pagsasagawa nito.

Sistemang Talababa
Ang talababa (footnote) ay matatagpuan sa ibabang bahagi ng pahina at literal na
nangangahulugang mga “tala sa ibaba”. Nakasulat dito ang mga sanggunian, komento, at iba pang
impormasyong binabanggit sa loob ng teksto.

Iba’t ibang paraan ng pagsulat ng Talababa


1. Ibib – pinaikli ito na salitang Latin na Ibidem na nangangahulugang “sa kaparehong sanggunian
o pinagkunan”. Ginagamit ang ibid kapag magkasunod na babanggitin ang sanggunian sa talababa.
2. Idem – ito ay salitang Latin na nangangahulugang “kapareho”. Bihira na itong gamitin ngayon.
3. Op.cit. – ito ay mula sa salitang Latin na opera citato na nangngahulugang “sa binanggit na
sanggunian”. Ginagamit ito kapag inuulit ang nabanggit na naunang sanggunian ngunit

5
matatagpuan ang impormasyon sa ibang pahina, at napagitnaan ng ibang sanggunian sa listahan
ng mga talababa.
4. Loc.cit. – ito ay mula sa pinaikling salitang Latin na loco citato o “sa binanggit na lugar”. Katulad
ng Op.cit., may pumapagitnang ibang sanggunian sa dalawang talababa na galling sa
magkaparehong sanggunian at pahina.

Sistemang Parentetikal-Sanggunian
Ang pinakasimpleng paraan sa pagbanggit ng mga sanggunian ay ang paggamit ng parentetikal na
sanggunian o parentetikal na dokumentasyon. Ginagamit ang ganitong pagkilala kung binabanggit sa loob
ng teksto ang pinaghanguan ng ideya.

Dalawang estilo ng pagbanggit ng sanggunian sa loob ng teksto


1. APA (American Psychological Association) – ang APA ay isang porma sa pagsulat ng ginagamit sa
larangan ng sikolohiya at iba pang disiplinang pag-agham panlipunan. Higit na madali ang
pagbabasa ng teksto at pag-alam sa pinaghanguang material dahil direktang binabanggit sa teksto
ang may-akda at petsa na nakapaloob sa panaklong.
2. MLA (Modern Language Association) – ang MLA ay isa pang porma sa pagsulat na madalas
ginagamit sa larangan ng humanidades upang mapadali ang paghahanap ng mga sanggunian. Sa
estilong ito, nakapaloob sa panaklong ang may-akda at pahina sa loob ng teksto.

Ang Bibliograpiya

Ang Bibliograpi o Talasanggunian ay ang organisadong listahan ng mga ginamit na sanggunian sa


pagbuo ng isang sulatin.

Pagsulat ng Pinal na Burador


Ang pagsulat ng pinal na burador ang pinakamahalang bahagi sa proseso ng pagsasagawa ng
pananaliksik. Sa bahaging ito sinusuri at kinikilitis kung kompleto na ang mga ideyang inilakip at kung
nasunod ang mga pamantayang inilatag.

You might also like