You are on page 1of 3

Buhangin (Maikling kwento)

Tahimik ang tribo namin noon nang misteryosong nagkasugat-sugat ang aming
makikinis na pangarap. Mga manika kaming tinusok-tusok ng isang panginoong
nasa malayong tore; Nilinlang kami ng mangkukulam na mga Tagalog. Kapalit ng
tatlong baldeng hipon, tatlong manok at isang bala, napilitang isuko ng aming
pinuno ang aming lupain—ang lupain na aming minana sa aming mga ninuno. Isa sa
mga ama ko ang tumutol, isa rin siya sa nagdilig ng sarili niyang dugo.
"Kinuha na nila ang ating mga lupain.” Wika ng aking ina sa aming lenggwahe,
limang dekada na ang nakakaraan. Nagkasakit din siya at sumunod sa aking ama.
Ako na lamang ang mag-isa.

“Hindi, may natira pa sa atin.” At dinukot ko mula sa aking bulsa ang isang malilit na
bote na may lamang lupa. Isang hapon, nang nabalitang magpupunta dito “Ang mga
Tagalog na may mahahabang baril”, pumunta ako sa gilid ng aming taniman ay
kumurot ng lupa, saka inilagay sa loob ng isang bote. Utos ‘to ni gob…binili na ito ni
gob!....sabi ng mga Tagalog.

"We are giving our indigenous people the opportunity to learn self-development,”
panimula ng isang nakakurbatang lalake sa entablado, “through the efforts of our
tourism department; they could live with the global trends and share the beauty of
their traditions and ancestral essence.” Nagpalakpakan ang lahat. Ano daw? ‘di ko
alam, pumalakpak na lamang tayo—iyon ay matapos kaming mapaalis sa aming
lugar.

Walong taong gulang pa lamang ako kaya’t ‘di ko nauunawaang parte kami ng
negosyo sa resort na iyon at hindi mga nilalang na may puso’t isipan. Kami ay
nagtitinda ng mga hinabing basket, pamaymay, tsinelas, mga palamuti sa bahay, at
mga souvenir.

“Are you studying?” Napansin kong kasingkulay ng kanyang balat ang malaperlas ng
buhangin, ang dagat ang kanyang mga mata. Nakatulala lamang ako sa kanya no’ng
una ko siyang makilala. Kano,may kano, ayan na…naririnig ko ang aking mga
kasamahan.
“You have a pair of wonderful eyes, so dark and pensive they could have belonged to
the sockets of a philosopher.” At ngumiti siya. Sumama ako sa kanya sa Amerika. Isa
siyang cultural psychologist sa Harvard.

Ako ay isang Ata-manobo. Pango, maitim, maalon ang buhok. Pangit ako kung ang
titingnan ako sa salamin ng superpisyal na kultura nagdodomina sa isip ng mga tao.
Ang mga malilit na bato, mga molekula ng mineral, hibla ng mga patay na damo,
ang kapiranggot ng lupa ng aming mga ninuno, ay kumakatawan sa isang Ata-
manobo. Hindi ako makalilimot.

“What’s that?” tanong ni Ms. Winters.

“This is what is left of my people.” Hawak ko ang bote isang hapon, sa tabi ng
bintana,tinititigan.

Si Ms. Winters ay isang naiibang katauhan. Inalagaan niya ako at pinag-aral;pareho


kaming nag-iisa. Malaking porsyento ng aking maka-rebeldeng pagtingin sa mga
ortodoksiya ay ibinahagi niya sa akin. Tinuruan niya akong magkaroon ng sariling
kultura. Isang bote lamang ng lupa ang dala-dala ko ngunit ngayon ay nakapagtapos
ng pilosopiya sa unibersidad kung saan siya naglilingkod. May mga pagkakataon na
kami’y nagkwekwentuhan na parang “mag-ina” siya daw ay ‘di ligawin ng mga
lalake noong Junior High. Ang mga gusto nito ay mga “cheerleader type”. “They
stuff crumpled tissue paper inside their bras to make them seemingly bigger.” At
kami’y tumawa. Umalog ang bote na nasa aking bulsa. Bukas, bibisita kami sa
Pilipinas sapagkat ako’y inanyayahan upang pangaralan. Ako'y matanda na, ngunit,
hindi ako nakalilimot aa aking kinagisnan.

Isang ata-manobong iskolar, nagtapos sa prestihiyosong unibersidad, waring isang


istoryang katumbas ng pagkakakita sa isang sasakyang pangkalawakan ng mga
nilalang galing ibang planeta.

“Ang bote na aking hawak ngayon ay naglalaman ng ispiritu natin, ng mga Ata-
manobo. Ito lamang ang aking nakuha mula sa kayamanang ninakaw mula sa atin.
Oo, ako’y katutubong uminom ng katas ng karunungan sa dayuhang lupain ngunit
ako’y ‘di nakalimot, ‘di makalilimot. Ang pagpaparangal na ito ay isang insulto.”
Nanginginig ang aking mga laman habang nakatayo sa gitna ng mga tao. at bigla
ang lahat ay naging blangko.

Ang mga pulitiko, media, mga prominenteng tao, at mga kapwa kong Ata-manobo
sa aking kaharapan ay waring walang buhay ng mga oras na iyon. Tahimik.
Nagtataka. Ano ang nagyayari? Ano ang kanyang sinasabi? Ha? Ako lamang pala
ang nakakabatid.

Kinabukasan, bago pumunta sa paliparan ay nagpaalam muna ako kay Ms.Winters


na pupunta ng dalampasigan. Isinaboy ko sa tubig ang lupa mula sa bote na parang
abo ng isang mahal sa buhay.

Paalam.

You might also like