You are on page 1of 4

1

DELGADO, Ingrid Alexandrea FIL 40 | THR


LAMPANO, Alyka Mari S. Prof. Wilfreda Legaspi
BA Broadcast Media Studies Summary Written Report

Selfie-selfie ‘Pag May Time: Ang Kultura ng Selfie, ang Selfie sa Kulturang Filipino
Nina Jose Javier Reyes at Noel Ferrer

Matunog, hindi na lamang sa mga kabataan, ngunit maging sa modernong sangkalipunan


ang salitang ‘selfie.’ Masasabing hinubog na ng salitang ito ang normatibong pag-uugali ng isang
buong henerasyon kaya’t siniyasat nina Jose Javier Reyes at Noel Ferrer, dalawa sa mga
maituturing eksperto sa kulturang popular, ang implikasyon nito sa ating modernong lipunan sa
pamamagitan ng kanilang artikulo ukol sa kulturang selfie. Si Reyes at Ferrer ay parehong may
sapat na karanasan at kasanayan sa paglikha, paghubog, at paglinang ng kinokonsumong midya
ng madlang Pilipino. Pinatunayan nila sa kanilang isinulat na artikulo na “bagaman ang selfie ay
nagpapahiwatig ng mga di-kanais-nais sa kultura ng ating henerasyon—pagiging
indibidwalistiko, narsisismo, konsumerismo—lalong higit na kailangang unawain at angkinin ang
salita upang magkaroon ng kritikal na pagkamalay ang mga Filipino sa hatid na panganib at
pangako, pinsala at posibilidad ng salitang ito.”

Ang Selfie Bilang Pagpapahiwatig ng mga Hindi Kanais-nais sa Ating Kultura Ngayon
Binigyang diin nina Reyes at Ferrer ang balikong epekto ng selfie sa pag-uugali ng mga
gumagamit at gumagawa nito tulad ng indibidwalimo, narsisismo, at konsumerismo. Malinaw
nang nakita nina Javier at Ferrer ang “matingkad na pagpapahalaga sa sarili” mula pa lamang sa
mismong etimolohiya ng salitang selfie. Ayon kay Lukes (1973), isang sangay ng indibidwalismo
ang pagkakaroon ng makasariling motibo kung saan inuuna ng indibidwal ang kapakanan ng
kanyang sarili bago ang ibang tao. Katulad nito, inilarawan nina Javier at Ferrer ang pagkuha ng
selfie bilang pagbuo ng sariling mundo kung saan “wala nang pakialam ang kumukuha ng sariling
larawan sa mga taong kasama niya o sa mga nangyayari sa kaniyang paligid,” at kung saan
naliligaw ang atensiyon ng isang tao sa mga bagay na hindi mahalaga. Gayundin, dahil sa “dali”
at “bilis” ng pagkuha ng selfie, hindi maiiwasang maabuso ang kontrol na hatid nito sa sinomang
kumukuha ng sarili niyang larawan. Sa pag-aaral ni Bučková (2018), napag-alamang dahil isang
birtuwal na katotohanan lamang ang social media, nauudyok rin ang mga gumagamit nito na
2

gumawa ng sarili nilang katotohanan upang gawing kapuri-puri ang kanilang sarili. Ang
conseptong ito ay tinawag niyang “cyberculture of narcissism.” Ito rin ang tinutukoy nina Javier
at Ferrer na problema sa kultura ng selfie ‘pagkat itinataas nito ang pamantayan ng lipunan sa hindi
makatotohanang antas. Maikukumpara rin umano ito sa pangangalaga ng sariling imahen sa
pamamagitan ng mga “ebidensya” o tahas na legasiya katulad ng portraiture at ang “sining ng
nagsisikip na dingding” ni Nofuente na laman ang mga itinuturing mahalaga ng lipunan
(edukasyon, pagkilala, atbp.). Ang ganitong kompetisyon ang nakapagdadala ng destruktibong
epekto sa tunay na buhay, noon man o ngayon.
Tungo naman sa aspeto ng konsumerismo, makikita ang malalim na ugnayan ng pagkuha
ng selfie at ng industriya ng entertainment. Ayon kina Reyes at Ferrer, instrumento ang pagkuha
ng selfie sa pag-promote ng mga palabas bilang marketing campaign ng kanilang mga produkto at
serbisyo. Ang ubiquity of selfies na ito ang bumubuo sa altar ng mga celebrity (Savage, 2014).
Itinatatag nito ang halaga ng artista sa pamamagitan ng pag-endorso ng konsepto ng kasikatan
bilang sariling gawa. Maiuugnay sa konsumerismong ito ang kultura ng idolatriya sa midya, kung
saan nabubuo ang relasyong parasocial, isang relasyong sikolohikal sa pagitan ng madla at sa
kanilang mga iniidolo, sa kagustuhang maging katulad ng kanilang mga idolo (Hyman, 2009).
Dala rin ng kulturang ito ang pagpapaigting ng pagnanasang makilala ng iba sa tulong ng
selfie. Dito, hinahangad ng karamihan na maitatag ang kanilang identidad, na karaniwang
hinuhulma ng mga panlabas na salik kaakibat ang pagpapahalaga sa panlabas na identidad na
nabibigyang-kahulugan ng mga materyal na bagay, o ng nakukuhang atensyon. Bagkus, maaaring
plataporma ang new media ng kultura ng kapitalismo, kung saan pinararangalan ang currency ng
mga ‘like’ na nakukuha ng madla sa mga social media sites (Savage, 2014).

Ang Pag-unawa at Pag-angkin sa Selfie Tungo sa Kritikal na Pagkamalay


Bagama’t maraming negatibong aspeto ang iniuugnay sa pagkuha ng selfie, hindi
maikakaila ang epekto ng pag-unawa at pag-angkin nito tungo sa pagkakaroon ng kritikal na
pagkamalay ukol sa hatid nitong (1) panganib, (2) pangako, (3) pinsala, at (4) posibilidad.
Sa pag-aaral ng selfie bilang tunggalian ng kasarian makikita ang madilim na bahagi ng
kultura nito: ang pornograpiya. Sa usaping kasarian, delikado ang pagkuha ng mga retratong hubad
(nudes) sapagkat maraming matatagpuang panganib sa Internet, tulad ng mga sexual predator at
pagkakalat ng revenge porn. Mahalaga ring pag-usapan ang pinsalang maaaring idulot nito. Sa
3

usapin ng selfie bilang pagbuo ng sariling mundo, madaling makaligtaan ang paligid, at ang mga
taong kasama rito. Dito nabubuo ang diskonekta sa pakikipag-ugnayan sa mga relasyon. Buhat ng
iniulat na pagkamatay ng isang 14 na taong babaeng estudyante mula sa Rizal High School noong
Hulyo 2014, nabigyang-diin ang mapinsalang epekto ng selfie culture.
Ngunit sa kabila ng mga panganib na ito, may hatid ding pangako ang selfie. Inilarawan
ito ni Jenna Wortham bilang isang timeless delight: ang kakayahan nating maitala ang ating buhay,
at mag-iwan ng marka sa mundo (Parham, 2017). Bukod pa rito, ang pagkamalikhain ng mga
Pilipino ang nagbago sa halaga ng selfie culture at sa gampanin nito sa pang-araw-araw na buhay
ng tao. Kabilang dito ang gampaning magkapag-ulat sa bayan: selfie bilang isang uri ng citizen
journalism sa mga plataporma ng social media. Bilang mga mamayan, mahalagang matugunan
ang responsibilidad na magpakalat ng impormasyong mapagtitiwalaan at makatotohanan. Ang
selfie bilang citizen journalism ay nakatali sa pagsasabisa ng paggamit ng makabagong
teknolohiya at new media upang maaksyunan ito, at ito ang magbubukas pa ng maraming
oportunidad upang makibahagi at makilahok ang sambayanang Pilipino sa mga kasalukuyang
kaganapan sa bansa.

Reaksyon at Opinyon
Hindi na nakakagulat na naiangkop ang selfie sa mga negatibong katangian pagkat batay
na rin sa depenisyon ng Oxford Dictionary, ay laging nasa sarili ang pokus nito. Ngunit ang mga
naunang literatura ay nagpapatunay na hindi selfie ang salarin sa problemang indibidwalismo,
narsisismo, at komersyalismong talamak sa kasalukuyang henerasyon, bagkus likas sa tao ang
maghangad ng tahas at kapuripuring legasiya sa anumang paraang nakaayon sa panahon. Marahil
ang pananaw ng mga may-akda ay naimpluwensiyahan lamang ng pag-iisip ng kanilang
henerasyon, ang selfie ay binigyan ng negatibong paglalarawan. Ngunit sa hatid nitong posibilidad
sa kabila ng panganib, makikitang ang kahalagahan ng selfie sa pagbangon muli ng bayan;
datapwa’t pinalilinaw lamang ng selfie ang sistematikong penomenang matagal nang umiiral sa
lipunan, noon at ngayon.
4

Mga Sanggunian

Bučková, Z. (2018). The Culture of Narcissism in the Postmodern Society. Marketing


Identity, (Part 2), 37–49. Retrieved from
http://search.ebscohost.com/login.aspx?direct=true&db=bsu&AN=136206941&si
te=ehost-live

Hyman, M. R., & Sierra, J. J. (2009). Sport Celebrity Idolatry: A Problem? B>Quest, 1–
7. Retrieved from
http://search.ebscohost.com/login.aspx?direct=true&db=bsu&AN=52551417&sit
e=ehost-live

Lukes, S. (1973). Individualism. Oxford: Blackwell.

Parham, J. (2017, July 20). When the selfie turns sacrilegious. Wired. Retrieved from
https://www.wired.com/story/when-the-selfie-turns-sacreligious/

Savage, E. (2014). Looking for depth in the selfie. Eureka Street, 24(21), 20–21.
Retrieved from
http://search.ebscohost.com/login.aspx?direct=true&db=a9h&AN=100155666&si
te=ehost-live

You might also like