You are on page 1of 92

SOSYEDAD AT LITERATURA

Mga Maikling Kwentong Filipino

PANGALAN MGA MYEMBRO NG PANGKAT

UNANG SEMESTRE
TAONG PANURUAN 2019-2020
Sa Bagong Paraiso
Ni: Efren Abueg

Ang kwentong ito'y tungkol sa pagkakaroon ng lamat ng kawalang-malay ng mga


batang si Ariel at Cleofe. Kapwa sila walong taong gulang at magkababata. Ang
kanilang daigdig ay umikot sa isang paraiso'y langit ang kawangis, madalas silang
maglaro sa bakuran ng kanilang bahay na malapit sa isang dalampasigan. Tahimik ang
kanilang mundo at mistulang walang suliranin. Ang kanilang mga magulang ay hindi
nag-aaway at relihiyoso. Pareho silang nag-aaral kasama pa ng ibang bata sa isang
maliit na gusali sa may dakong timog ng kanilang nayon at marami silang pangarap.
Wala silang pasok kung araw ng Sabado at Linggo o mga araw na pista opisyal. Silang
dalawa'y madalas magpalipas ng oras sa loob ng kanilang bakuran, mula sa umaga
hanggang sa hapon. Umaakyat sila sa mga puno kahit na marurupok, maaligasgas at
malulutong na ang mga sanga nito. Nagagasgas ang kanilang mga tuhod, nababakbak
ang balat sa kanilang siko, nagagalusan ang kanilang mukha at kung minsan ay
nababalian pa ng buto dahil nahuhulog ngunit ang lahat ng iyon ay hindi nila iniinda,
patuloy pa rin sila sa paglalaro. Sa may lilim ng punong mangga kung saan ay makapal
ang damo kung umaga ay nandun silang dalawa naghahabulan, nagsisirko,
nagpapatiran, at kung sila'y hinihingal na sa pagod ay hihiga sila sa damuhang iyon,
titingalain nila ang langit at magkukunwaring aanawin sa langit ang kanilang mukha.
Magtataka ang batang babae at tatanungin ang batang lalaki kung makikita nga ba ang
mukha sa langit at sasagutin ito ng batang lalaki ng bakit hindi sapagkat ang langit daw
ayon sa kanyang itay ay isang malaking salamin. Pagkaraan tumingin ng matagal sa
langit sila'y parehong makakatulog at magigising na lamang sa tawag mula sa kanilang
bahay. Kung minsan, ang batang lalaki ang unang magigising; kung minsan naman ay
ang batang babae. Ngunit sinuman sa kanila ang unang magising, ay kukuha ito ng
kaputol na damo at kikilitiin ang tainga ng natutulog. At ang natutulog naman ay
magigimbala sa kanyang pagkakahimbing at pagkarinig na siya'y pinagtatawanan ay
magtitindig at ang nangiliti ay mapapaurong at anyong tatakbo at sila'y maghahabulan
sa damuhang iyon hanggang sa mapagod at sila'y muling babagsak na naman sa
damuhan sa kapaguran, magkatabi at hindi nila pinapansin ang pagkakadantay ng
kanilang mga binti o ang pagkakatabi ng nag-iinit nilang mga katawan. At kapag sila
naman ay nagsasawa na sa looban ay sa dalampasigan naman sila pupunta kung
malamig na ang araw sa hapon. Namumulot sila ng kabibi, naghuhukay ng hilamis sa
talpukan, o kaya'y gagawa ng kastilyong buhangin, o kaya'y nanunugis ng mga lamang-
dagat na nagtatago sa ilalim ng buhangin. Ngunit hindi lang yon ang kanilang ginagawa:
naghahabulan din sila dito at kapag napagod na ay mahihiga rin sila sa buhanginan,
tulad ng ginagawa nila sa damuhan sa looban, at sa kanilang pagkakatabi ay
nagkakatinginan sila. Minsan ay naitanong ng batang lalaki sa batang babae ang
tungkol sa tumutunog sa kanyang dibdib at kung ito'y kanya bang naririnig. Nagtaka ang
batang babae at bumangon ito at tumingin sa nakatihayang kalaro. Inilapit nito ang
kanyang tainga sa dibdib ng batang lalaki, dumadait ang katawan niya sa katawan ng
kalaro at nalalanghap naman ng nakahiga ang halimuyak ng kanyang buhok.
Nakangiting sinabi ng batang lalaki sa batang babae na mabango pala ito. Sinabi ng
batang babae na hindi naman daw siya nagpapabango at lumupasay ito sa tabi ng
nakahigang kalaro. Sinabi niya pa na paglaki pa raw niya ay saka lamang siya
magpapabango dahil yon ang sinabi ng kanyang nanay. Tinanong ng batang lalaki kung
narinig ba ng kalaro ang tunog na nagmumula sa dibdib nito at sinagot siya ng batang
babae ng oo at tinanong kung ano ang ibig sabihin niyon. Nagkatinginan ang dalawa at
ang lalaki ang unang nagbawi ng tingin. Sinagot na lamang ng batang lalaki ang kalaro
ng malay daw niya at niyaya na nitong umalis na sila. Bumangon ang batang lalaki at
inayos ang sarili at nagsimula nang lumakad. Sinabayan ito ng batang babae at habang
isinasalisod nila ang kanilang mga paa sa buhanginan habang lumalakad, nakatanaw
sila sa papalubog na araw. "Ang ganda, ano?" naibulalas ng batang lalaki. "Parang may
pintang dugo ang langit." "Oo nga, ano? Bakit kaya kulay dugo ang araw kapag palubog
na?" tanong naman ng batang babae. Hindi sumagot ang batang lalaki.Ipinagmamalaki
ang dalawang bata ng kanilang mga magulang at ng kanilang mga kanayon. At
kinaiingitan naman sila ng ibang mga batang hindi nagkaroon ng pagkakataong
makahalubilo sa kanila. "Siguro, paglaki ng mga batang 'yan, silang dalawa ang
magkakapangasawahan."Naririnig ng dalawang bata ang salitang iyon at sila'y
nagtataka. Hindi nila madalumat ang kaugnayan ng kanilang pagiging magkalaro sa
isang hula sa hinaharap. Higit pang nakaabala sa kanilang isip ang sinasabi ng kanilang
mga kaklase na silang dalawa'y parang tuko - magkakapit. At minsan nga ay napalaban
ng suntukan ang batang lalaki. Isang batang lalaking malaki sa kanya ang isang araw
na pauwi na sila, ay humarang sa kanilang dinadaanan at sila'y tinudyo nang tinudyo.
"Kapit-tuko!Kapit-tuko!"Umiyak ang batang babae.Napoot ang batang lalaki. Ibinalibag
sa paanan ng nanunudyong batang lalaki ang bitbit na mga aklat. Sinugod nito ang
kalaban. Nagpagulung-gulong sila sa matigas na lupa, nagkadugo-dugo ang kanilang
ilong, nagkalapak-lapak ang kanilang damit, hanggang sa dumating ang guro at sila'y
inawat at sila'y pinabalik sa silid-aralan at pinadapa sa magkatabing desk at tumanggap
sila ng tigatlong matinding palo sa puwit. Pagkaraan ng pangyayaring iyon, napag-
usapan ng dalawang bata ang bansag sa kanila. At sila'y nag-isip, na lalo lamang nilang
ikinalunod sa kanilang kawalang-malay. Namulaklak ang mga manga, namunga,
nalaglag ang mga bugnoy, dumating ang mamamakyaw at sa loob ng ilang araw,
nasaid sa bunga ang mga sanga. Namulaklak din ang mga santol at iyon ay tinanaw ng
dalawang bata sa pagkakahiga nila sa damuhan at sila ang unang sumungkit sa mga
unang hinog. Nangalaglag ang mga dahon ng sinigwelas, namulaklak at dumaan ang
mahabang tag-araw, at ang damuhan ay natuyo at ang kanilang naging tagpuan ay ang
dalampasigan at madalas man sila roon ay hindi nila masagut-sagot ang bugtong kung
bakit kulay-dugo ang silahis ng araw kung dapithapon. At sa wakas ay namunga ang
sinigwelas, mga luntiang bubot na pinitas nila ang ilan at pagkaraang isawsaw sa asin
ay kanilang tinikman at sila'y naasiman at idinalangin nila ang maagang pag-ulan ---
sapagkat sabi ng kanilang mga lola'y madaling bibintog at mahihinog ang bunga ng
sinigwelas kapag naulanan. Sila'y naniwala at hinintay nila ang ulan, at nang pumatak
iyon nang kalagitnaan ng Mayo silang dalawa'y naghubad, naligo sa ulan, naghabulan
sa looban at nayapakan nila ang mga tuyong damo, na waring bangkay ng isang
panahong hinahalinhan ngayon. Pagkaraan pa ng ilang araw, nadungawan nilang hinog
na nga ang sinigwelas. Nagmamadali silang nanaog at ang batang lalaki'y umakyat sa
puno at ang batang babae naman ay naghanap ng sungkit. At ang pamumulaklak at
pamumunga ng manga, santol, at sinigwelas at ng iba pang punungkahoy o halaman sa
loobang iyon ay nagpatuloy. Ang damuhan ay natuyo at muling sinibulan ng bagong
supling; ang araw ay lumubog at sumikat at hindi pa rin nagbabago ang kulay ng silahis
niyon kung dapithapon. Ang paaralan sa nayon ay malapit nang magpinid; ang guro ay
naghanda na ng isang palatuntunan; ang mga magulang ay walang pinag-usapan kundi
ang katalinuhan ng kanilang mga anak. Mabilis na lumipas ang oras at dumating na ang
araw ng pasukan, ang batang lalaki at batang babae ay sakay ng kalesa patungo sa
bayan. Doon sila mag-aaral ng hayskul. Ngunit iba na ang kanilang ayos. Ang batang
lalaki'y nakalargo na at pantay na ang hati ng kanyang buhok na nangingintab sa pahid
na pomade. Samantala, ang batang babae ay may laso sa buhok, na nakatirintas at
ang kanyang suot na damit ay lampas tuhod at hindi nakikita ng batang lalaki ang alak-
alakan nito. Dito dumaan sa kanilang buhay ang isang pagbabago, na hindi nila napigil
at siyang nagbukas sa kanila upang masaklaw ng tingin ang paraisong kanilang
kinaroroonan. Sa paglawak ng kanilang daigdig, ang batang lalaki'y hindi na sa batang
babae lamang nakikipaglaro. Isang araw, sa likod ng paaralan, isang pangkat ng batang
lalaki ang nakapabilog at isang batang lalaki ang nasa loob niyon at may ipinakikita sa
mga kasamahan. Nakisiksik sa mga batang lalaki at nakita niya ang isang bagay na
natuklasan niyang kailangang mangyari sa kanya. Umuwi siyang parang tulala nang
hapong iyon at kinagabihan ay hindi siya nag-aral. Naupo siya sa baitang ng kanilang
hagdan at nag-isip hanggang sa makita siya roon ng kanyang ama. Inusisa niya sa ama
ang kanyang natuklasan sa paaralan at itinanong niya rito kung bakit kailangang gawin
pa iyon. Napatawa ang kanyang ama. Tinapik siya nito sa balikat. At sinabi sa anak na
kailangan daw 'yon para siya'y maging ganap na lalaki. Natingala lamang niya ito at ang
pamimilog ng kanyang mga mata'y naghiwatig ng pagkakaroon ng lamat sa kanyang
kawalang-malay. Sinabi pa ng ama sa anak na isang araw ay isasama daw siya nito
kay Ba Aryo. Maging matapang lamang daw siya sana. Ibig niyang ipagtapat iyon sa
batang babae, ngunit aywan niya kung bakit nahihiya siya. Ngayon lamang iyon. Kaya't
kahit patuloy pa rin silang naglalaro sa damuhan o kaya'y nagtutungo sa dalampasigan
tuwing wala silang pasok, ang alalahanin ukol doon ay nakabawas sa sigla ng batang
lalaki. At isang araw, Sabado ng umaga, isinama siya ng kanyang ama sa bahay ni Ba
Aryo sa tabi ng ilog. Ngumata siya ng dahon ng bayabas, pumikit siya at pagkaraan ng
iba pang ginawa, siya'y itinaboy ni Ba Aryo upang maligo sa ilog. "Ang
damuho…pagkalaki-laki'y parang hindi lalaki." Ang narinig niyang iyon kay Ba Aryo,
kabuntot ng malutong na halakhak ng kanyang ama ay natanim sa kanyang isip at
patuloy na nagpalaki sa lamat sa kanyang kawalang-malay. Kasunod ng pangyayaring
iyon, aywan niya kung bakit iba na ang kanyang pakiramdam. Gayong magaling na ang
sugat na nilikha isang umaga sa harapan ng bahay ni Ba Aryo, hindi pa rin nagbabalik
ang kanyang sigla. Natitigilan siya kung nakikipaglaro sa batang babae. Nangingimi
siyang tumabi rito kung ito'y nakahiga sa damuhan o sa dalampasigan. Hanggang isang
araw ay napansin niyang mapupula ang mga mata ng batang babae nang dumating ito
isang dapithapon sa tabing-dagat. "Bakit?" usisa niya. "Wa-wala..wala!" Nag-isip ang
batang lalaki. Naisaloob niyang baka ang kawalang-sigla niya sa pakikipaglaro rito ang
dahilan. Tinudyo niya ang batang babae, kiniliti, napahabol dito..hanggang sa mahawa
ito at sila'y naghabulan na sa buhanginan. Humahagikgik pa sila nang mapatong ang
kamay ng batang lalaki sa kanyang dibdib at madama niyang lalong Malakas ang pintig
doon. "Tignan mo…pakinggan mo ang tunog sa dibdib ko," anyaya ng batang lalaki.
Ngunit hindi kumikilos sa pagkakahiga ang batang babae. Nakatitig lamang ito sa
maaliwalas nang mukha ng langit. Nagtaka ang batang lalaki.Bumangon ito at
tinunghan ang nakahigang kalaro. Nangingilid ang luha sa mga mata nito. "Bakit?" Saka
lamang tumingin ang batang babae sa batang lalaki. At ito'y umiyak at ang luhang
tumulo sa pisngi'y pinahid ng palad at ang palad na iyong ipinatong sa buhanginan ay
pinaniktan ng buhangin. At sa isang basag na tinig ay sinabi ng batang babae sa kalaro
na hindi na daw sila maaring maglaro gaya ng dati. "Hindi na?" sagot ng batang lalaki
na parang sasabog sa kawalang-malay ang katauhan ng batang lalaki. "Malalaki na raw
tayo…malalaki nang tao.Hindi raw maglalaon, tayo'y magiging dalaga…at
binata.""Sinabi 'yon ng Nanay mo?""Oo, sinabi niya…na hindi na tayo maaring
maghabulan, o kaya'y umakyat sa punongkahoy o kaya'y pagabi rito sa tabing-dagat,"
sabi pa ng batang babae."Kangina sinabi sa'yo ng Nanay mo?"Tumango ang batang
babae."Ngayon daw…hindi na tayo bata. Ako raw ay dalagita na…at ikaw raw ay
binatilyo na!" At waring ang batang lalaki'y nagising, napagmasdan niya ang kanyang
mga bisig, ang kanyang katawan at sa harap ng kanyang kalaro ay nauunawaan niyang
totoo ang sinabi nito. "Ayaw ka na palang papuntahin dito'y…bakit narito ka pa… gabi
na!" Nagbangon ang kanyang kalaro. Humarap sa kanya. Palubog na noon ang araw at
mapula ang silahis niyon sa langit. Ang mukha ng dalawa ay animo mula sa malayo at
ang pakakahawak nila sa bisig ng isa't isa ay parang isang pagpapatunay ng tibay ng
tanikalang bumibidbid sa kanilang katauhan. Hindi na nga sila mga bata. Siya'y dalagita
na. Siya naman ay binatilyo na. Ang pagbabagong iyon ang nagpaunawa sa kanilang
may tumataas nang dingding sa pagitan nila. Nagkikita pa rin sila sa looban, ngunit
hindi lamang tulad nang dating nagtatagal ang kanilang pag-uusap. Ngayon, parang
lagging may nakatingin sa kanilang mga matang nagbabawal. Sa looban, ang kanilang
mga magulang; sa paaralan, ang kanilang guro. At ang kanilang tawa tuloy ay hindi na
matunog; ang hiyaw ng dalagita ay hindi na matinis, Malayo sa hiyaw nito noong araw;
ang kanilang pag-uusap ay hindi na Malaya at pumipili na sila ng mga salitang kanilang
gagamitin. At buwan-buwan, ang dalagita ay may kapirasong damit na itinatago sa
ilalim ng kanyang katre at kapag tapos na sa paglalaba ang kanyang ina ay palihim
niyang lalabhan sa silong at ikukula sa kubling bahagi ng kanilang likod-bahay. Minsan
ay natutop siya ng kanyang ina sa paglalaba sa silong at sinabi nito sa kanya: "Hindi mo
na kailangang dito pa labhan 'yan…" Nagtapos sila ng hayskul.Nagkamay sila
pagkaraang maabot ang kani-kanilang diploma.At nang magsasayawan nang gabing
iyon, magkatambal sila. Gayong hindi naman sila nahapo, ang tibok sa kanilang dibdib
ay mabilis at malakas at ngayon ay hindi maungkat iyon ng binatilyo. Nagsayaw sila,
nag-uusap ang kanilang mga mata ngunit ang kanilang labi'y tikom at kung gumalaw
man ay upang pawiin ang panunuyo o paglalamat niyon. At hindi nila alam na ang tibok
ng pusong iyon ay isa pang pangyayaring nagpapalaki sa lamat sa kanilang kawalang-
malay. Maliwanag ang narinig na salita ng dalagita: Kung gusto mong makatapos ng
karera, huwag muna kayong magkita ni Ariel. Naunawaan niya ang ibig sabihin niyon,
ngunit ang pagtutol ay hindi niya maluom sa kanyang kalooban. "Pero, Inay…kaibigan
ko si Ariel." May himagsik sa kanyang tinig. "Kahit na…kayo'y dalaga at binata na. Alam
mo na siguro ang ibig kong sabihin." May langkap na tigas ang sagot na iyon. Alam niya
ang kahulugan niyon: Masama: Parang pait iyong umuukit ng kung anong bagay sa
kanyang isip. At saglit iyong inagaw ng tinig ng kanyang ama. "Ibig kong magdoktora
ka, kaya kalimutan mo muna ang mga lalaki!" At ang pait na may iniukit sa kanyang isip
ay parang pandalas na pinukpok at ang kanyang katauhan ay nayanig at ang tunog ng
pagpukpok ay nag-aalingawgaw ng: Lalaki! Lalaki! Hindi siya nakatagal sa harap ng
kanyang mga magulang. Nakatiim ang mga labing pumasok siya sa kanyang silid.
"Ayaw nila…ng Inay…ng Itay…masama raw," at ang mga labi niya'y nangatal, kasabay
ng luhang umahon sa kanyang mga mata. Nang minsang dalawin ng binata ang dalaga
sa dormitoryo ay pinakiusapan siya ng dalaga na huwag na muna silang magkita.
Napatitig lamang ang binata sa dalaga. Minsan, ang binata ay umuwi sa lalawigan.
Mapanglaw ang kanyang mukha at napuna iyon ng kanyang ama. Nalulungkot ang
binata sapagkat ayaw ng makipagkita sa kanya ni Cleofe. Nagtawa ang kanyang ama,
tulad ng nakaugalian nito tuwing may ilalapit siyang suliranin. Sinabi ng ama sa anak na
magkakalapit din namang sila muli pag nakapagtapos na ang dalaga. At gusto ng mga
magulang nito na maging doktora ang anak. Pasigaw ang alingawgaw ng kanyang tinig
sa kanyang isip. "At habang nagdodoktora siya ay masama kaming magkita?" "Tama
ka!" maagap na pakli ng ama. "Hindi mo ba alam na kapag malapit ka sa babae ay
malapit ka rin sa tukso!" At ang dalawa'y hindi na nga nagkita, gayong nasa lungsod na
maliit at maglakad ka lamang sa mga lansangan ay hindi ka mawawalan ng
makakasalubong na kakilala. Mangyari'y iniwasan nila ang magkita, at hindi sila nagkita
sapagkat inihasik sa kanilang isip na ang pagkikita nila ay masama, tukso. Nabubuhay
sila ngayon sa isang bagong daigdig, daigdig ng aklat, ng matataas na gusali ng
malalayong kabataan sa kapaligiran. Hindi sila nagkita sa loob ng mahabang panahon.
Hindi sila nakatiis. Isang araw na hindi sinasadya'y nagkasalubong sila sa pamimili ng
kagamitan. Kapwa sila napahinto sa paglalakad at nabangga na sila ng mga tao sa
bangketa ay hindi pa rin sila makakilos. Ang binata ang naglakas-loob at binati niya ang
dalaga.Hindi nakasagot ang dalaga. Nakatitig lamang siya sa mukha ng binata at nang
anyayahan siya nitong magpalamig sila sa isang kanugnog na restawran ay napasunod
lamang siya, napatangay sa agos kanyang damdamin. At sa harap ng kanilang
hininging pagkain, sila'y nagkatitigan at sila'y nakalimot at akala nila'y nasa luntiang
damuhan sila sa looban sa lalawigan, nakahiga at nakabaling sa isa't isa. At sila'y
nagkita sa Luneta, hindi lang minsan kundi maraming pagkikita, maraming-marami at
ang kanilang sikil ng damdamin ay lumaya at sa unang pagkakataon, pagkaraan ng
ilang buwan, sila'y lumigaya. Ngunit ang inihasik na binhi ng pagkakilala sa masama at
sa mabuti sa kanilang isipo ay sumibol na at nagpaunawa sa kanilang ang ginagawang
iyon ay masama. Ngunit sila'y naghihimagsik. Nakatanggap ng sulat ang dalaga mula
sa kanyang mga magulang. May nakakita sa kanilang dalawa ni Ariel na magkahawak-
kamay sa Luneta, sa pook na dapat pakaiwasan. Hindi man lang daw sila nahiya. Hindi
na ipinagpatuloy ng dalaga ang pagbasa sa liham. Nagbabanta ang mga sumusunod
pang talata: luluwas ang ama mo kapag hindi mo itinigil ang kabaliwang yan.
Pinagsabihan din ang binata ng mga magulang nito sapagkat nakaabot na pala sa mga
ito ang nangyari. Muli na namang ipinaalala sa binata na ang babae ay isang tukso. Ibig
niyang umalis sa silid na iyon at upang hindi na marinig ang alingawngaw ng katagang
iyon: tukso --- tukso ---- tukso! Sinabi ng dalaga: hindi na ngayon tayo maaaring
magkita. Sinasabi ng binata: magkikita tayo… magtatago tayo…ililihim natin sa kanila
ang lahat. At sila nga ay nagkita, sa mga pook na hindi sana nila dapat pagkitaan,
ngunit doon sila itinaboy ng kanilang paghihimagsik ng takot na matutop at ng
pangangailangan. Ang daigdig nila ngayon ay makitid, suluk-sulok, malamig din, ngunit
hinahamig ng init ng kanilang lumayang mga katawan. Maligaya sila sa kanilang
daigdig. Maligaya sa kanilang bagong paraiso. Hanggang isang araw ay kumulog,
dumagundong ang kalawakan, at nangagulat ang mga tao sa lansangan; pamaya-
maya, pumatak ang ulan, na ang pasimulang madalang ay naging masinsin. Ang
dalaga ay dumungaw sa bintana - masama ang kanyang pakiramdam. May kung anong
nakatatakot na bagay sa kanyang katawan na ibig niyang ilabas, na ibig niyang itapon.
At iyon ay umaakyat sa kanyang lalamunan. Humawak siya sa palababahan ng bintana.
Tumingala siya upang pawiin ang pagsama ng kanyang pakiramdam.Natanaw niyang
maitim ang langit at naisip niyang magtatagal ang ulan. Tumungo siya at nakita niyang
nilinis ng tubig ang bangketa at kasabay ng kanyang pagtungo, parang may isinikad na
pataas sa lalamunan ang kanyang bituka at siya'y napanganga at siya'y napapikit at
siya'y napaluha at paghigpit ng kanyang hawak sa palababahan ng bintana ay
napaduwal siya…at ang lumabas sa kanyang bibig ay tumulo sa bangketa at sandaling
kumalat doon at pagkaraa'y nilinis ng patak ng ulan, inianod ng nilikhang mumunting
agos sa gilid ng daan. At ang dalaga'y napabulalas ng iyak.

--WAKAS--
ANG KWENTO NI MABUTI

Ni Genoveva Edroza-Matute
Hindi ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa
walang pintang paaralang una kong kinakitaan sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag,
sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang
maitim na tubig ng isang estero. Naroon pa siya’t nagtuturo ng mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay
ng isang uri ng karunungan sa kanya ko lamang natutuhan.
Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa isang
isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa
kanyang anyo… at sa kanyang buhay…
Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanyang ng pansin.
Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga panunugutan sa paaralan,
walang masasabing anumang pangkaraniwan sa kanya.
Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula
ng halos lahat ng kanyang pagsasalita. Iyon ang pumalit sa mga salitang hindi niya maalaala kung minsan,
at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin. Sa isang paraang malirip, iyon ay naging salamin
ng uri ng paniniwala sa buhay.
“Mabuti,” ang sasabihin niya, “… ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t umabot
tayo sa bahaging ito… Mabuti… Mabuti!”
Hindi ako kailanman magtatapat sa kanyang ng anuman kung di lamang nahuli niya akong minsang
lumuluha; nang hapong iyo’y iniluha ng bata kong puso ang pambata ring suliranin.
Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa
pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng
silid-aklatan, pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan.
“Mabuti’t may tao pala rito,” wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa narinig. “Tila may
suliranin .. mabuti sana kung makakatulong ako.”
Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong isipan ay ibinilang
kong kahihiyan ay kababaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita
ng hapong iyon. Ngunit, hindi ako makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong bigla
sa katapat na luklukan.
“Hindi ko alam na may tao rito”….. naparito ako upang umiyak din.”
Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang kanyang
paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa’y nakita ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi.
Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na klamang ang tinig sa pagtatapat sa
suliraning sa palagay ko noo’y siya nang pinakamabigat.Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko
sa pangyayaring iyo’y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos
na bagay. Ngunit, siya’y nakinig nang buong pagkaunawa, at alam ko na ang pagmamalasakit niya’y tunay
na matapat.
Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang naghihiwalay sa amin ay natatanaw
na nang bigla akong makaalala.
“Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo ng pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyo na …
iniiyakan ko?”
Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon; “ang sulok na iyon na … iniiyakan natin…
nating dalawa.” Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig: “sana’y masabi ko sa iyo, ngunit… ang
suliranin.. kailanman. Ang ibig kong sabihin ay … maging higit na mabuti sana sa iyo ang … buhay.”
Si Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa pagsasalita niya mula
sa hapag, pagtatanong, sumagot, sa pagngiti niyang mabagal at mahiyain niyang mga ngiti sa amin, sa
paglalim ng kunot sa noo niya sa kanyang pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa
sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon,.. “Iniiyakan natin,” ang sinabi niya nang hapong iyon. At
habang tumataginting sa silid naming ang kanyang tinig sa pagtuturo’y hinuhulaan ko ang dahilan o mga
dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon,
sa aming sulok na iyong… aming dalawa…
At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid,
maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang sinasabi. Ngunit, sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-
asa ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno siya ng maririkit na guni-guni ang aming isipan at ng mga
tunog ang aming pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin naming
sa panitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan at ako’y humanga.
Wala iyon doon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin
ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi
pagkatapos na lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan.
Ang pananalig niya sa kalooban ng maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, isa sa mga
pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang pananalig niyang iyon ang
nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na karaniwan na lamang sa amin ay walang kabuluhan.
Hindi siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng pag-aaral
naming sa kanya. Ngunit bumanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak. .. nang
paulit-ulit. Hindi rin siya bumabanggit sa amin kailanman tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit, dalawa
sa mga kamag-aral naming ang nakababatid na siya’y hindi balo.
Walang pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang maririkit ay nakapaligid sa batang
iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan niyon. Ang paglaki nang mga pangarap niyon, ang nabubuong
layunin niyon sa buhay. Minsan, tila hindi namamalayang nakapagpapahayag ang aming guro ng isang
pangamba ang pagkatakot niyang baka siya hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak.
Maliban sa iilan sa aming pangkat, paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang anak ay iisa lamang ang mga
bagay na “pinagtitiisang” pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat
pagbanggit na iyon ay nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon pa ma’y nabubuo na sa aking isipan ang
isang hinala.
Sa kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang
bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin,
ang kanilang mga handog. Ang anak niya’y anim na taong gulang na. Sa susunod na taon siya’y
magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggagamot ang kanyang anak- at isang
mabuting manggagamot.
Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang isang bata sa aking likuran ang
bumulong: “Gaya ng kanyang ama!”
Narinig ng aming guro ang ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya’y nagsalita.
“Oo, gaya ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha habang
sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi.
Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase ang tungkol sa ama ng batang may kaarawan.
Matitiyak ko noong may isang bagay ngang malisya sa buhay niya. Malisya nang ganoon na
lamang. At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot
ang puso ko sa pagnanasang lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng gingawa niya
nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan
sa kanyang damdamin kung may mapagtatapatan siyang isang taong man lamang. Ngunit, ito ang sumupil
sa pagnanasa kong yaon; ang mga kamag-aral kong nakikinig ng walang anumang malasakit sa kanyang
sinasabing, “Oo, gaya ng kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha.
Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko makakalimutan kailanman. Tinignan niya ako ng buong
tapang na pinipigil ang panginginig ng mga labi at sinabi ang ganito : “Mabuti…mabuti gaya ng sasabihin
nitong Fe-lyon lamang nakararanas ng mga lihim na kalungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim
na kaligayahan. Mabuti, at ngayon, magsimula sa ating aralin…”
Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon na hindi akin ang pangungusap na iyon, ni sa
aking mga pagsasalita, ni sa aking mga pagsusulat. Ngunit samantalang nakatitig siya sa akin ng umagang
iyon, habang sinasabi niya ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi
ng mga nilalang na sapagkat nakaranas ng mga lihim na kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na
kaligayahan.
At minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay ng kanyang
mukha, muli niyang ipinamalas ang mga nagtatagong kagandahan sa aralin naming sa Panitikan. Ang
karikatn ng katapangan; ang kariktan ng pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay.
At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa
pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging isang manggagamot
din balang araw, ay namatay at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang bahay na hindi siyang
tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa
buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang lahat.
Tata Selo
Ni Rogelio Sikat

Ang panitikan ay salamin ng buhay. Ito’y isang representasyon


ng mga karanasan sa buhay ng tao sa tulong ng mga salita. Sa
kuwentong ito, alamin kung anong mga pangyayari sa mga tao
sa lipunan ang malinaw na pinapaksa ng may akda.
Matagumpay ba itong nailahad ng may akda? Anong paraan ang
ginamit niya?

Maliit lamang sa simula ang kalumpon ng taong nasa bakuran


ng munisipyo, ngunit ng tumaas ang araw, at kumalat na ang
balitang tinaga at napatay si Kabesang Tano, ay napuno na ang
bakuran ng bahay-pamahalaan.
Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa’y
naghahangan makalapit sa istaked.

“Totoo ba, Tata Selo?”

“Binawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya.”

Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa


rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa
malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris
niyang suot, may mga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod
niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid ng
natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang
magbubukid ang kanyang kahangga, na isa sa nakalusot sa mga
pulis na sumasawata sa nagkakagulong tao.
“Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo,” umiiling na wika ng
kanyang kahangga, “talagang hindi ko ho mapaniwalaan.”

Hinaplus-haplos ni tata Selo ang ga-daliri at natuyuan na ng


dugong putok sa noo. Sa kanyang harapan, di kalayuan sa
istaked, ipinagtitilakan ng mga pulis ang mga taong ibig
makakita sa kanya. Mainit ang Sikat ng araw na tumatama sa
mga ito, walang humihihip na hangin at sa kanilang ulunan ay
nakalutang ang nagsasalisod na alikabok.

“Bakit niya babawiin ang saka?” tanong ng Tata Selo. “Dinaya


ko na ba siya sa partihan? Tinuso ko na ba siya? Siya ang may-
ari ng lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba’t kaya maraming
nagagalit sa akin ay dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit
isang pinangko kung anihan?”
Hndi pa rin umalis sa harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak
pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya sa labas ngunit wala siyang
sino mang tinitingnan.

Hindi mo na sana tinaga ang Kabesa,” anang binatang anak ng


pinakamayamang propitaryo sa San Roque, na tila isang magilas
na pinunong bayan nakalalahad sa pagitan ng maraming tao sa
istaked. Mataas ito, maputi, nakasalaming may kulay, at
nakapamaywang habang naninigarilyo.

“Binabawi po niya ang aking saka,” sumbong ni Tata Selo.


“Saan pa po ako pupunta kung wala na akong saka?”

Kumumpas ang binatang mayaman. “Hindi katwiran iyan para


tagain mo ang Kabesa. Ari niya ang lupang sinasaka mo. Kung
gusto ka niyang paalisin, mapapaalis ka niya anumang oras.”
Halos lumabas ang mukha ni Tata Selo sa rehas.
“Ako po’y hindi ninyo nauunawaan,” nakatingala at nagpipilit
ngumiting wika niya sa binatang nagtapon ng sigarilyo at
mariing tinapakan pagkatapos. “alam po ba ninyong dating amin
ang lupang iyon? Naisangla lamang po nang magkasakit ang
aking asawa, naembargo lamang po ng Kabesa. Pangarap ko
pong bawiin ang lupang iyon kaya nga po ako hindi nagbibigay
ng kahit isang pinangko kung anihan. Kung hindi ko na naman
po mababawi, masasaka man lamang po.nakikiusap po ako sa
Kabesa kangina. ‘kung maaari po sana, ‘Besa’’, wika ko po,
‘kung maaari po sana, huwag naman po ninyo akong paalisin.
Kaya ko pa pong magsaka, ‘Besa. Totoo pong ako’y matanda
na, ngunit ako pa nama’y malakas pa.’ Ngunit…Ay! Tinungkod
po niya ako nang tinungkod, Tingnan po n’yong putok sa aking
noo, tingnan po ‘nyo.”

Dumukot ng sigarilyo ang binata. Nagsindi ito at pagkaraa’y


tinalikuran si Tata Selo at lumapit sa isang pulis.

“Pa’no po ba’ng nangyari, Tata Selo?”

Sa pagkakahawak sa rehas, napabaling si Tata Selo. Nakita niya


ang isang batang magbubukid na nakalapit sa istaked. Nangiti si
Tata Selo. Narito ang isang magbubukid, anak-magbubukid na
naniniwala sa kanya. Nakataas ang malapad na sumbrerong
balanggot ng bata.

Nangungulintab ito, ang mga bisig at binti ay may halas. May


sukbit itong lilik.

“Pinuntahan niya ako sa aking saka, amang,” paliwanag ni Tata


Selo. “Doon ba sa may sangka. Pinaalis ako sa aking saka, ang
wika’y iba na raw ang magsasaka. Nang makiusap ako’y
tinungkod ako. Ay! Tinungkod ako, amang, nakikiusap ako
sapagkat kung mawawalan ako ng saka ay saan pa ako
pupunta?”

“Wala na nga kayong mapupuntahan, Tata Selo.”

Gumapang ang luha sa pisngi ni Tata Selo. Tahimik na


nakatingin sa kanya ang bata.

“Patay po ba?”

Namuti ang mga kamao ni Tata Selo sa pagkakahawak sa rehas.


Napadukmo siya sa balikat.

“Pa’no po niyan si Saling?” muling tanong ng bata. Tinutukoy


nito ang maglalabimpitong anak ni Tata Selo na ulila na sa ina.

Katulong ito kina Kabesang Tano at kamakalawa lamang umuwi


kay Tata Selo. “Pa’no po niyan si Saling?”

Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Tata Selo sa rehas. Hindi


pa nakakausap ng alkalde si Tata Selo. Mag-aalas-onse na nang
dumating ito, kasama ang hepe ng pulis. Galing sila sa bahay ng
kabesa. Abut-abot ang busina ng dyip na kinasaksakyan ng
dalawang upang mahawi ang hanggang noo’y di pa nag-aalisang
tao.

Tumigil ang dyip sa di-kalayuan sa istaked.


“Patay po ba? Saan po ang taga?”

Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpawisang tao. Itinaas


ng may-katabaang alkalde ang dalawang kamay upang payapain
ang pagkakaingay. Nanulak ang malaking lalaking hepe.

“Saan po tinamaan?”

“Sa bibig.” Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig,


hinugot iyon at mariing ihinagod hanggang sa kanang punog
tainga. “Lagas ang ngipin.”

Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan,


nagtulakan. Nanghataw ng batuta ang mga pulis. Ipinasya ng
alkalde na ipalabas ng istaked si Tata Selo at dalhin sa kanyang
tanggapan. Dalawang pulis ang kumuha kay Tata Selo sa
istaked.

“Mabibilanggo ka niyan, Tata Selo,” anang alkalde pagkapasok


ni Tata Selo. Umupo si Tata Selo sa silyang nasa harap ng mesa.
Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang ipatong niya iyon sa
nasasalaminang mesa.

“Pa’no nga ba’ng nangyari?” kunot at galit na tanong ng alkalde.


Matagal bago nakasagot si Tata Selo.

“Binawi po niya ang aking saka, Presidente,” wika ni Tata Selo.


“Ayaw ko pong umalis doon. Dati pong amin ang lupang iyon,
amin, po, Naisangla lamang po at naembargo—“
“Alam ko na iyan,” kumukupas at umiiling na putol ng
nabubugnot na alkalde.
Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa
presidente, may nakasungaw nang luha sa kanyang malalabo at
tila lagi nang may inaaninaw na mata.

“Ako po naman, Presidente, ay malakas pa,” wika ni Tata Selo.


“Kaya ko pa pong magsaka. Makatuwiran po bang paalisin ako?
Malakas pa po naman ako, Presidente, malakas pa po.”

“Saan mo tinaga ang Kabesa?”

Matagal bago nakasagot si Tata Selo.

“Nasa may sangka po ako nang dumating ang Kabesa.


Nagtatapal po ako ng pitas na pilapil. Alam ko pong pinanonood
ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko ang paggawa,
para malaman niyang ako po’y talagang malakas pa, kaya ko pa
pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at nang
ako po’y lumapit, sinabi niyang makakaalis na ako sa aking saka
sapagkat iba na ang magsasaka.

‘Bakit po naman, ‘Besa?’ tanong ko po. Ang wika’y umalis na


lang daw po ako. ‘Bakit po naman, ‘Besa?’ Tanong ko po uli,
‘malakas pa po naman ako, a’ Nilapitan po niya ako. Nakiusap
pa po ako sa kanya, ngunit ako po’y… Ay! Tinungkod po niya
ako ng tinungkod nang tinungkod.”

“Tinaga mo na no’n,” anag nakamatyag na hepe.

Tahimik sa tanggapan ng alkalde. Lahat ng tingin—may mga


eskribante pang nakapasok doon—ay nakatuon kay Tata Selo.
Nakayuko si Tata Selo at gagalaw-galaw ang tila mamad na
daliri sa ibabaw ng maruming kutod. Sa pagkakatapak sa
makintab na sahig, hindi mapalagay ang kanyang may putik,
maalikabok at luyang paa.

“Ang iyong anak, na kina Kabesa raw?” usisa ng alkalde.

Hindi sumagot si Tata Selo.

“Tinatanong ka anang hepe.”

Lumunok si Tata Selo.

“Umuwi na po si Saling, Presidente.”

“Kailan?”

“Kamakalawa po ng umaga.”

“Di ba’t kinakatulong siya ro’n?”

“Tatlong buwan na po.”

“Bakit siya umuwi?”

Dahan-dahang umangat ang mukha ni Tata Selo. Naiiyak na


napayuko siya.

“May sakit po siya.”

Nang sumapit ang alas-dose—inihudyat iyon ng sunod-sunod na


pagtugtog ng kampana sa simbahan na katapat lamang ng
munisipyo—ay umalis ang alkalde upang mananghalian.
Naiwan si Tata Selo, kasama ang hepe at dalawang pulis.

“Napatay mo pala ang kabesa,” anang malaking lalaking hepe.


Lumapit ito kay Tata Selo na

Nakayuko at di pa natitinag sa upuan.

“Binabawi po niya ang aking saka.” Katwiran ni Tata Selo.


Sinapo ng hepe si Tata Selo. Sa lapag halos mangudngod si Tata
Selo.

“Tinungkod po niya ako ng tinungkod,” nakatingala, umiiyak at


kumikinig ang labing katwiran ni Tata Selo.

Itinayo ng hepe si Tata Selo. Kinadyot ng hepe si Tata Selo sa


sikmura. Sa sahig napaluhod si

Tata Selo, nakakapit sa uniporment kaki ng hepe.

“Tinungkod po niya ako ng tinungkod… Ay! Tinungkod po niya


ako ng tinungkod ng tinungkod…”

Sa may pinto ng tanggapan, naaawang nakatingin ang dalawang


pulis.

“Si Kabesa kasi ang nagrekomenda kay Tsip, e,” sinabi ng isa
nang si Tata Selo ay tila damit na nalaglag sa pagkakasabit nang
muling pagmalupitan ng hepe.
Mapula ang sumikat na araw kinabukasan. Sa bakuran ng
munisipyo nagkalat ang papel na naiwan nang nagdaang araw.
Hindi pa namamatay ang alikabok, gayong sa pagdating ng
buwang iyo’y dapat nang nag-uuulan. Kung may humihihip na
hangin, may mumunting ipu-ipong nagkakalat ng mga papel sa
itaas.

“Dadalhin ka siguro sa kabesera, Selo,” anang bagong paligo at


bagong bihis na alkalde sa matandang nasa loob ng istaked.
“Don ka suguro ikukulong.”

Wala ni papag sa loob ng istaked at sa maruming sementadong


lapag nakasalampak si Tata Selo. Sa paligid niya’y natutuyong
tamak-tamak na tubig. Naka-unat ang kanyang maiitim at
hinahalas na paa at nakatukod ang kanyang tila walang butong
mga kamay. Nakakiling, naka-sandal siya sa steel matting na
siyang panlikurang dingding ng istaked. Sa malapit sa kanyang
kamay, hindi na gagalaw ang sartin ng maiitim na kape at isang
losang kanin. Nilalangaw iyon.

“Habang-buhay siguro ang ibibigay sa iyo,” patuloy ng alkalde.


Nagsindi ito ng tabako at lumapit sa istaked. Makintab ang
sapatos ng alkalde.

“Patayin na rin ninyo ako, Presidente.” Paos at bahagya nang


narinig si Tata Selo. Napatay ko po ang Kabesa. Patayin na rin
ninyo po ako.”

Takot humipo sa maalikabok na rehas ang alkalde. Hindi niya


nahipo ang rehas ngunit pinagkiskis niya ng mga palad at
tiningnan niya kung may alikabok iyon. Nang tingnan niya si
Tata Selo, nakita niyang lalo nang nakiling ito.

May mga tao namang dumarating sa munisipyo. Kakaunti lang


iyon kaysa kahapon. Nakapasok ang mga iyon sa bakuran ng
munisipyo, ngunit may kasunod na pulis. Kakaunti ang
magbubukid sa bagong langkay na dumating at titingin kay Tata
Selo. Karamihan ay taga-Poblacion. Hanggang noon, bawat
isa’y nagtataka, hindi makapaniwala, gayong kalat na ang
balitang ililibing kinahapunan ang Kabesa. Nagtataka at hindi
makapaniwalang nakatingin sila kay Tata Selo na tila isang di
pangkaraniwang hayop na itatanghal.

Ang araw, katulad kahapon, ay mainit na naman. Nang


magdadakong alas-dos, dumating ang anak ni Tata Selo.
Pagkakita sa lugmok na ama, mahigpit itong napahawak sa rehas
at malakas na humagulgol.

Nalaman ng alkalde na dumating si Saling at ito’y ipinatawag sa


kanyang tanggapan.

Di-nagtagal at si Tata Selo naman ang ipinakaon. Dalawang


pulis ang umalalay kay Tata Selo. Halos buhatan siyang
dalawang pulis.

Pagdating sa bungad ng tanggapan ay tila saglit na nagkaroon ng


lakad si Tata Selo. Nakita niya ang babaing nakaupo sa harap ng
mesa ng presidente.
Nagyakap ang mag-ama pagkakita.

“Hindi ka na sana naparito Saling,” wika ni Tata Selo na


napaluhod. “May sakit ka, Saling, may sakit ka!”
Tila tulala ang anak ni Tata Selo habang kalong ang ama.
Nakalugay ang walang kintab niyang buhok, ang damit na suot
ay tila yaong suot pa nang nagdaang araw. Matigas ang kanyang
namumulang mukha. Pinalipat-lipat niya ang tingin mula sa
nakaupong alkalde hanggang sa mga nakatinging pulis.

“Umuwi ka na, Saling” hiling ni Tata Selo. “Bayaan mo


na…bayaan mo na. Umuwi ka na, anak. Huwag, huwag ka nang
magsasabi…”

Tuluyan nang nalungayngay si Tata Selo. Ipinabalik siya ng


alkalde sa istaked. Pagkabalik niya sa istaked, pinanood na
naman siya ng mga tao.

“Kinabog kagabi,” wika ng isang magbubukid. “Binalutan ng


basang sako, hindi ng halata.”

“Ang anak, dumating daw?”

“Naki-mayor.”

Sa isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo.


Napasubsob si Tata Selo pagkaraang siya’y maiupo. Ngunit
nang marinig niyang muling ipinanakaw ang pintong bakal ng
istaked, humihilahod na ginapang niya ang rehas. Mahigpit na
humawak doon at habang nakadapa’y ilang sandali ring iyo’y
tila huhutukin. Tinawag siya ng mga pulis ngunit paos siya at
malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa
rehas, bumagsak ang kanyang mukha sa sementadong lapag.
Matagal siyang nakadapa bago niya narinig na may tila
gumigising sa kanya.

“Tata Selo…Tata Selo…”

Umangat ang mukha ni Tata Selo. Inaninaw ng mga luha niyang


mata ang tumatawag sa kanya.
Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon.

Hinawakan ng bata ang kamay ni Tata Selo na umabot sa kanya.

“Nando’n amang si Saling sa Presidente,” wika ni Tata Selo.


“Yayain mo nang umuwi, umuwi na kayo.” Muling bumagsak
ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata’y saglit na nag-paulik-
ulik, pagkaraa’y takot at bantulot nang sumunod…

Mag-iikaapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw,


ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang lihin sa istaked, sa
may dingding na steel matting, ngunit si Tata Selo’y wala roon.
Nasa init siya, nakakapit sa rehas sa dakong harapan ng istaked.
Nakatingin siya sa labas, sa kanyang malalabo at tila lagi nang
nag-aaninaw na mata’y tumatama ang mapulang sikat ng araw.
Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang Inutusan
niya kanina. Sinabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa
tanggapan ng alkalde ngunit hindi siya pinakinggan ni Tata Selo,
na ngayo’y hindi pagbawi ng saka ang sinasabi.

Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi


niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! Ang lahat ay
kinuha na sa kanila…
Walang Panginoon ni Deogracias A. Rosario
Nang makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay malapit nang
sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya malaman
kung saan magtutungo. Isinisiksik ang kanyang ulo kahit saan, saka ang dalawa niyang
hintuturo ay ipapasak sa mga butas ng kanyang tainga.

Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal
sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayunman,
kahit na saan siyang magsiksik, kahit na saan siya magtutungo, kahit na anong gawin niyang
pagpapasak sa kaniyang tainga ay lalong nanunuot sa kaniyang pandinig ang malungkot na
tinig ng batingaw.

“Tapos na ba? Tapos…” ang sunud-sunod niyang tanong na animo’y dinadaya ang sarili kung
wala na siyang nauulinigang ano mang taginting ng kampana.

“Tapos na. Tapos…” ang sunud-sunod namang itinugon ng kanyang ina paniwalang-paniwala
hindi nga naririnig ang malungkot na animas.

“Ngunit Marcos..” ang baling uli na matandang babae sa anak. “Bakit ayaw mong marinig ang
oras na ukol sa kaluluwa?” iya’y pagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng dalangin sa
ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Lalo ka na Marcos, marami kang dapat
ipagdasal. Una-una’y ang iyong ama,ikalawa’y ang kapatid mong panganay, ikatlo’y ang kapatid
mong bunso, saka… saka si Anita.” Ang hul;ing pangalan ay binigkas na marahan ng
matandang babae.

Si marcos ay di kumibo. Samantalang pinararangalan siya ng kaniyang ina, ang mga mata
niyang galing sa pagkapikit kaya’t nanlalabo pa’t walang ilaw ay dahan-dahan siniputan ng
ningas, saka manlilisik at mag-aapoy.

Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya magsasalita. Subalit sas kanyang sarili, sa kanyang
dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may nangungusap may nagsasalita.

“Dahil din sas kanila, lalung-lalo na kay Anit, ayaw kong marinig ang malungkot na tunog ng
batingaw,” ang sinasabi ni Marcos sa sarili. Kinagat niya ang labi hanggang sa dumugo upang
ipahalata sa ina ang pagkukuyom ng kanyang damdamin.

Akala nang ina’y nahulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matandaay
nabasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng puso nito. Naisip niyang kaya nalulungkot si
Marcos ay sapagkat hindi pa natatagalang namatay si Anita, ang magandang anak ni Don
Teong, mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Nalalaman ng ina ni Marcos na lahat ng
pagsisikap nito sa bukid, lahat ng pagpupunyaging matuto sa pamamagitan ng pagbabasa,
lahat ng pag-iimpok na ginawa upang maging isang ulirang anak-pawis ay ukol kay Anita. At
saka namatay! Nararamdaman din ng ina ni Marcos kung gaano kakirot para sa kanyang anak
ang gayong dagok ng kasawian. Dapat ngang maging malungkutin ang kanyang anak. Ito ang
kanyang ibig libangi. Ito ang nais niyang aliwin. Kung maari sana’y mabunutan ng tinik na
subyang sa dibdib ang kanyang anak.

“Lumakad ka na, Marcos, sa kubo nina Bastian. Tila may belasyon sila, o, baka kailanganin ang
mabuting mang-aawit at manunugtog ng gitara.” “Si Inang naman,” ang naibulalas na lamang ni
Marcos. Iyan lamang ang kanyang nasabi nang malakas. Sa kanyang sarili’y naidugtong niya
na hindi masusukat ng kanyang ina kung gaano kapait para sa kanya ang pagkamatay ni Anita,
palibhasa’y lingid sa kaalaman ng matanda ang tunay na nangyayari sa pagkamatay nito.

“Kung nalalaman lamang ni Inang ang lahat,” ang nasabi niya uli sa kanyang sarili samantalang
minamasdan niya ang kanyang ulilang bituin sa may tapat ng libingan ng kanilang bayan na
ipinalalagay niyang kaluluwa ni Anita, “ disi’y hindi ako itataboy sa kasiyahan.

Pinag-usapan pa lamang ng mag-ina nang umagang yaon ang malaki nilang kapalaran
sapagkat mabuti ang lagay ng tanim nilang palay, nang isang utusan sa bahay-pamahalaan ang
dumating na taglay ang utus ng hukumang sila’y pinaalis sa kanilang lupang kinatatayuan , at
sinamsamsam ni Don Teong na ama ni Anita ang lahat ng lupa nilang sinasaka.

“Inang, matalim ba ang itak ko?” ang unang naitanong ni Marcos sa ina matapos matunghayan
ang utos ng hukuman.

“Anak ko!” ang palahaw na panngis ng matandang babae sabay kapit sa leeg ng anak. “Bakit ka
mag-iisip ng gayon, sa tayo na lamang dalawa ang nabubuhay sa daigdig?”

Ang tinig ng matanda ay nakapagpapalubag sa kalooban ng binata. Gayon man, sa harap ng


bagong pithaya ng may-ari ng lupang kanilang binubuwisan, ay isa- isang nagbabalik sa alaala
niya ang malungkot na kasaysayan ng kanilang lupang sinasaka.

Ang sabi’y talagang sa kanunununuan ng kaniyang ama ang naturang lupa. Walang sino mang
sumisingil ng buwis at walang sino mang nakikialam sa ano mang bunga ng kanilang mga
tanim, maging mais o tubo, o kaya’y maging ano man sa mga gulay na tanim nila sa bakuran.

Subalit nang bata pa ang kanyang ama ay may nagpasukat ng lupa at sinasabing kanila.
Palibhasa’y wala silang maibayad sa manananggol, ang pamahalaan ay nagkulang ng
malasakit sa kanilang karalitaan upang tangkilin ang kanilang karalitaan upang tangkilin ang
kanilang katwiran at karapatan. Sa wakas ay napilit silang mamuwisan nang di nila makuhang
umalis doon.

Noong bata pa si Marcos, ang bayad nila’y isang salapi lamang isang taon sa bawat ektarya ng
lupang kanilang sinasaka. Subalit habang nagtatagal ay unti-unti na silang nababaon sa
pagkakautang sa may lupa dahil sa mga kasunduang ipinapasok sa pana-panahon, gaya ng
takipan at talindawa.

Kaya namatay ang ama ni Marcos ay dahil din sa malaking sama ng loob ng kay Don Teong.
Ang kapatid niya’y namatay dahil sa paglilingkod sa bahay nito at higit sa lahat, nalalaman
niyang kaya namatay si Anita ay sapagkat natutop ng amang nakipagtagpong minsan sa kanya
sa loob ng halamanan, isang gabing maliwanag ang buwan.

Saka ngayo’y paalisin naman sila sa kanilang bahay at lupang binubuwisan?

Si Anita ay lihim na naging kasintahan ni Marcos, maging isang taon noon. Sapul nang
dumating si Anita sa kanilang bayan buhat sa pag-aaral sa isang kolehiyo ng mga madre sa
Maynila, si Marcos ay nagsimpan na ng mallaking pag-ibig sa kanya. Alam ni Marcos ang
kanyang lkalagayan na halos ay lumaki sa ibabaw ng kalabaw at sa pagtikin sa kanilang lamo
sa ilog.

Si Marcos ay natapos lamang ng katesismo sa iskwelahan sa silong ng kumbento sa kanilang


bayan at natutong sumulat sa pisara ng malaking numero. Ngunit gayon man, nagsikap siyang
idilat ang kanyang mga mata sa liwanag ng kabihasnan at pagkaunlad. Katutubo kay Marcos
ang hilig sas pagkatuto sapagkat sa pabanib niya sa mga samahang pambayn ay natuklasan
niyang walang mabuting paaralan kundi ang pahayagan. Walang aklat, walang pahayagan at
lingguhan sa sarilng wika na hindi binabasa ni Marcos. Kahit manghiram lamang kung wala na
siyang ibili. Nagbabasa rin siya ng nobela at ibang akdang katutuhan niya sa wikang Tagalog, o
kaya’y salin sa wikang ito.

Lalo na ng magsimpan siya ng pag-ibig kay Anita, wala siyang inaalagata sa kanyang buhay
kundi ang balang araw ay maging karapat-dapat sa mga kamay ng anak ni Don Teong na may-
ari ng lupa nilang sinasaka. Isa pa’y bukod sa naniniwala siya sa kasabihang “ang lahat ng tao,
kahit hindi magkakulay ay sadyang magkapantay,” ay tinatanggap din niya ang palasak na
kawikaang “ ang katapat ng langit ay pusalian”. Dahil diyan kahit bahagya ay hindi siya nag-
atubili nang pagsisimpan ng pag-ibig kay Anita.

At naibig naman siya ng anak ni Don Teong. Bakit hindi siya maiibig? Minsa si Anita ay
namangka sa kanilang ilog, gumiwang ang bangka at nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa
lamo at lihim niyang sinusundan ang bakas sa tubig ni Anita. Nang makita niya ang malaking
sakuna ay lumundag siya sa ilog at sa pamamagitan ng langoy na hampastikin ay inabot niya si
Anita na kumakamot sa ilalim ng ilog. Matapos niyang kalawatin ang kaliwa niyang bisig sa may
baba ang dalaga ay bigla niyang isinikdaw ang dalawang niyang paa sa ilalim kayat
pumaibabaw sila, at sa tulong ng pagkampay ng kanyang kamay at pagtikad ng dalawa niyang
paa ay nakasapit sila sa pampang.

“Marcos, matagal na rin kitang iniibig,” ang tapat ni Anita sa binata., makaraan ng may ilang
buwan buhat nang siya’y mailigtas.

Tatlumpung araw ang taning sa mag-ina upang lisanin ang lupang lisanin ang lupang gayong
ang sabi ay ari ng kanilang mga ninuno ay binubuwisan na nila at sinamsam pa ngayon. At
saka silang mag-ina ay itataboy. Sino ang hindi magdadalang-poot sa gayung kabuktutan?

Dahil sa kanyang ina, natutong magtiim si Marcos ng kanyang bagang. Kinagat niya ang
kanyang labi upang huwag mabulalas ang kanyang galit. Kinuyom niya ang mga kamay
hanggang matimo sa palad niya ang kanyang mag kuko.

Isang takipsilim nang marinig niya sa kampanaryo ng kanilang simbahan ang malungkot na
agunyas. Una muna ang malaking kampana saka sumunod ang maliit. Bang! Teng! Bang!
Teng! Babae ang nalagutan ng hininga. Mliit naman ang kanilang bayan upang malihaim pa
kung sino ang binawian ng buhay. Wala siyang nalalamang may sakit kundi si Anita. Dahil sa
pagkakatutop sa kanila isang gabi, ang dalaga ay sinaktang mabuti na ayon sa sabi ng
nagbalita kay Marcos ay mata lamang ang walang latay.

Buhat noon ay nagkasakit si Anita. Araw-araw ay tumatanggap si Marcos ng balita nang


tangkain niyang dumalaw na minsan ay hinarang siya ni Don Teong na may hawak na rebolber.
Susuong din sana si Marcos, subalit nagdalawang-loob siya. Maaring maging dahilan iyon ng
bigla pang pagkamatay ng kanyang inibig, bukod sa magiging subyang sa kanyang ina kung
siya ay mawala.

Ang huling dagok na ito sa kanya ni Don Teong ay isinama lamang niya sa talaan ng
pagmamalupit sa kanya ng mayamang may-ari ng lupa nilang binibuwisan. Pangangagaw ng
lupa sa kanila. Pagpapautang ng patung-patong. Pagkamatay ng kanyang ama. Pagkamatay
ng kanyang kapatid. At saka noon pagtatangka sa kanyang buhay. Pinakahuli nga ang
pagkamatay nang tuluyan ni Anita, na ayon sa balita niya’y nalagutan ng hininga na siya ang
tinatawag. Saka nitong huli, ay pagpapaalis sa kanilang lupang kinagisnan at pinagyaman sa
tulong ng kanilang pawis na mag-anak.

Ngunit si Marcos, isang manggagawang hubog sa palihan ng bagong panahon, ay lumaki ang
puso sa pagtitiis. Naging maluwag nga ang kanyang dibdib sa pagtanggap ng pang-aapi ng
may-lupa. Hanggang noong bago mamatay si Anita, akala niya’y maari pa siyang makalunok ng
bagong pag-upasala ng itinuturing niyang panginoon. Datapuwat nang tanggapin niya ang utos
ng hukuman na pinaalis siya roon, talagang nagdilim ang kanyang isip. Noon pa’y naisip na
niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang hindi na niya matatamo ang katarungan sa
hukuman ng mga tao.

“Huminahon ka, anak ko,” ang sabi ng kanyang ina. “Hindi natutulog ang Bathala sa mga maliit.
Magtiis tayo.”

Hindi na niya itinuloy ang paghahanap sa kanyang itak na matalas. Pagkakain niya ng agahan,
nilibang niya ang kanyang ina saka lumabas sa bukid. Gaya rin ng dati’y sinakyan niya ang
kanyang kalabaw na lalong mahal niya sa lahat ng limang alaga niya. Llumabas siya sa bukid at
hinampasan niya ng tanaw ang karagatan ng namumulang ginto. Pagdaramdam at
panghihinayang ang ngumangatngat sa kanyang puso. Gaaanong pawis ang nawala sa kanya
upang masaka ang naturang bukid? Gaanong pagod ang kanyang pinuhunan upang ang palay
nila’y magbungng mabuti? Saka ngayo’y pakikinabangan at matutungo sa ibang kamay?

Napapalatak si Marcos sa ibabaw ng kanyang kalabaw. Ibig man nyang magdimlan ng isip kung
nagugunita ang utos ng hukuman, subalit ang alaala ng kanyang ina’y walang iniwan sa
bahagharing sumusugpo sa nagbabalang unos. Dadalawa na lamang sila sa daigdig upang
huwag niyang pabayaan ang kaniyang ina; ipinangako niyang hahandugan ng kaligayahan ang
nalalabing buhay, bago nalagutan ang kanyang ama.
Dahil nga sa kanyang ina, kaya naisip niya ang kabutihan kung sila’y nagsasarili. “Tutungo tayo
sa hilag at kukuha ng homestead. Kakasundo tayo ng mga bagong magsasaka; paris ni Don
Teong, di kailangan magkaroon din ako ng gayak na paris niya.”

Kabalintunaan man ang sinabi ng anak ay hindi na nag-usisa ang ina. Wala siyang nalalaman
kundi takipsilim, kung nakaligpit na ang mga tao sa nayon, ang buong kagayakan ay isinusuot
ng kanyang anak saka lumalabas sa bukid. May dalawang linggong gayon nang gayon ang
ginagawa ni Marcos, hanggang isang araw ay tawagan siya ng pansin ang matanda.

“Marcos,” sabi ng matanda. Dalawang linggo na lamang ang natitira sa ating taning ay hindi mo
ginagawa ang pakikipagtuos kay Don Teong. Kung may magiging sukli man lamang tayo sa
ating ani ngayon?”

“Huwag ka pong mabahala, Inang,” sabi ng mabait na anak, “nalaglag po ang dahon sa
kanyang kapanahunan.”

Talinghaga na naman ang sinabi ni Marcos. Gayon man ay may nagunita siyang isang bagay
na ibig niyang malaman sa anak.

“Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa bakuran mo?” tinutukoy ang kalabaw na mahal na mahal
ni Marcos. Maaring magpakahinahon si Marcos, subalit ang huling kapasyahan ni Don Teong
ay numakaw ng lahat ng kanyang pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas, subalit hinihingi
ng pagkakataon.

Nagunuta niya ang sinabi Rizal na “walang mang-aalipin kung walang napaalipin”. Napahilig
siya sa harap ng gayong masaklap na katotohanan. Patung-patong na ang ginagawang
pamamaslang sa kanya ni Don Teong na takalang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni Marcos
ang marami pang ibang kasama, katulad din niya, na sa kamay ng mayamang si Don Teong ay
walang iniwan sa mga leeg ng manok na unti-unting sinasakal hanggang makitil ang hininga sa
hangad na mahamig na lahat ang kkayamanang gayong minana sa kanilang mga ninuno ay iba
ngayon ang may-ari at nagpapabuwis pa.

“Kailangang maputol ang kalupitang ito!” ang tila pagsumpa sa harap ng katalagahan na ginawa
ni Marcos.

“Bakit ka bumili ng pulinas, gora, suwiter at latigo,anak ko?” ang tanong ng matanda kay
Marcos, isang araw na dumating siyang pagod na pagod sa naturang dala-dalahan.

“Inihahanda ko po iyan sa pagiging panginoon paris ni Don Teong,” ang nakatawang sagot ng
anak. “Kung tayo po’y makaalis na rito di tayo’y magiging malaya,” ang tila wala sa loob na
tugon ng anak.

Ang tototo, ang naturang kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa hangganan ng lupang sarili ni
Don Teong. Kung takipsilim ay isinusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, gora, switer at sak
adala ang latigong katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating niya sa pook na kinapupugulan
ay saka aasbaran ng palo ang kalabaw hanggang sa ito’y umungol na ang alingawngaw ay abot
hanggang sa kalagitnaan ng bayan. Kung di niya nakitang halos apoy ang lumalabas sa
dalawang mata ng hayop ay hindi pa niya ito titigila. Sa gayon ay matulin ay matulin siyang
nagtatago upang umuwi na siya sa bayan. Kung dumarating siya’y daratnan niya nag kaniyang
inang matuwid ang pagkakaluhod sa harap ng maitim na Santo Kristo sa kanilang silid na
naiilawan ng isang malaking kandila.

“Salamat, anak ko, at dumating ka,” ang sasabihin na lamang ng matanda. “Akala ko’y
napahamak ka na.”

Si Don Teong ay ugaling maglibot tuwing hapon sa paligid-ligid ng kaniyang lupa, ang
ipinanganib ng ina ni Marcos ay baka magkasalubong si Marcos at ang kanilang panginoon, ay
hindi makapagpigil ang sinuman. Nalalaman din ng matandang babae na laging dalang rebolber
sa beywang ang mayamng asendero buhat ng magkaroon ng alitan dahil sa lupa, kaya lagi
niyang inaalala ang pagalis-alis ni Marcos.

Subalit isang hapon samantalang payapang inihahanda ng mag-ina ang kanilang pag-alis,
walang iniwan sa putok ng bulkan ang balitang kumalat sa bayan na si Don Teong ay namatay
sa pagkasuwang sa kalabaw. Sinabi ng mga nakakita na pagkakita kay Don Teong ay tila may
sinisimpang galit sapagkat bigla na lamang sinibad ang mayamng matanda at nasapol ang
kalamnan ng sikmura ng matulis na sungay ng hayop. Pagkasikwat sa katawan ng asendero ay
tumilapon pa sa itaas at paglagpak ay sinalo naman sa kabilang sungay.

Ang katawan ni Don Teong ay halos lasug-lasog nang iuwi sa bayan at wasak ang switer sa
katawan at saka pulinas. Kumilos agad angkapangyarihan upang gumawa ng kailangang
pagsisiyasat subalit ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halag sa hindi kumikilos na ayos ng
kalabaw na animo’y wala sa loob ang ginawa niyang napakalaking pagkakasala.
Nang malamang kay Marcos ang kalabaw, bawat isa’y nagkatinginan. Hindi nila malaman kung
papaanong ang poot ni Marcos kay Don Teong ay nagtungo sa alaga niyang hayop.

Si Marcos ay nakatingin din sa orasan ng gabing yaon. Tatlong minuto na lamang ang kulang
sa ika-8 ng gabi. Hindi siya gumagalaw. Hindi siya nababahala.

Tumugtog ang animas. Hindi gaya ng dating ayaw niyang marinig. Sa halip na idalangin ang
kaluluwa ng mga namatay, ang naisip niya’y ang matapang na kalabaw.

“Mapalad na hayop na walang panginoon,” ang kanyang naibulong.


Sandosenang Sapatos

June 12, 2014

ni Luis P. Gatmaitan, M.D.

Sapatero si Tatay. Kilalang-kilala ang mga likha niyang sapatos dito sa aming bayan.
Marami ang pumupunta sa amin para magpasadya. Ayon sa mga sabi-sabi, tatalunin
pa raw ng mga sapatos ni Tatay ang mga sapatos na gawang-Marikina. Matibay,
pulido, at malikhain ang mga disenyo ng kanyang mga sapatos.

“Paano mo ba naiisip ang ganyang istilo? Kay ganda!”

“Siguro, dinadalaw ka ng musa ng mga sapatos at suwelas.”

“Parang may madyik ang iyong kamay!”

Sa lahat ng papuri, matipid na ngingiti lamang si Tatay. Tahimik na tao si Tatay.


Bihirang magsalita.

Lumaki akong kapiling ang mga sapatos na gawa ni Tatay. Madalas ay kinaiinggitan
ako ng mga kalaro at kaklase ko. Buti raw at sapatero ang Tatay ko. Lagi tuloy bago
ang sapatos ko kapag pasukan, kapag pasko, kapag bertdey ko, o kung nakatanggap
ako ng honors sa klase. Ginagawan pa niya ako ng ekstrang sapatos kapag may mga
tira-tirang balat at tela.

“Buti ka pa Karina, laging bago ang sapatos mo. Ako, lagi na lang pamana ng ate ko.
Sa ‘kin napupunta lahat ng pinagkaliitan n’ya,” himutok ng isang kaklase.

Nasa Grade II na ako nang muling magbuntis si Nanay. Kay tagal naming hinintay na
magkaroon ako ng kapatid. Sabi ng Lola ko, sinagot na raw ang matagal nilang dasal
na masundan ako.

“Naku, magkakaroon na pala ako ng kahati sa mga sapatos! Pero di bale, dalawa na
kaming igagawa ni Tatay ng sapatos ngayon.”

Habang nasa tiyan pa si baby, narinig kong nag-uusap sina Tatay at Nanay.

“Nagpa-check up ako kanina. Sabi ng doktora, babae raw ang magiging anak natin!”

“Talaga! Kung babae nga, pag-aralin natin ng ballet . Gusto kong magkaanak ngballet
dancer ! Ngayon pa lang ay pag-aaralan ko nang gumawa ng mga sapatos na
pang- ballet .”

Pero hindi lahat ng pangarap ni Tatay ay natupad. Nagulat kaming lahat nang makita
ang bago kong kapatid. Wala itong paa. Ipinanganak na putol ang dalawang paa!
Nakarinig kami ng kung ano-anong tsismis dahil sa kapansanan ng kapatid ko. Siguro
raw ay binalak na ipalaglag ni Nanay ang kapatid ko kaya kulang-kulang ang parte ng
katawan. Nilusaw raw ng mga mapinsalang gamot ang kanyang mga paa. Isinumpa raw
ng mga diwata ng sapatos si Tatay dahil mahal na itong sumingil sa mga pasadyang
sapatos. O baka raw ipinaglihi si Susie sa manika.

“Nanay, bakit po ba walang paa si Susie?”

“Nagkaroon kasi ako ng impeksyon anak. Nahawa ako ng German measleshabang


ipinagbubuntis ko pa lang ang kapatid mo. At.iyon ang naging epekto,” malungkot na
kuwento ni Nanay.

Hindi na magiging ballet dancer ang kapatid ko. Malulungkot si Tatay. Araw-araw,
ganu’n ang naiisip ko kapag nakikita ko ang mga paa ni Susie. Kaya pinilit ko si Nanay
na muling pag-aralin ako sa isang ballet school (dati kasi, ayaw kong mag-ballet). Pero.

“Misis, bakit hindi n’yo po subukang i-enrol si Karina sa piano, o sa painting, o sa


banduria class? Hindi yata talagang para sa kanya ang pagsasayaw,” sabi ng titser ko
sa Nanay ko.

Nalungkot ako. Hindi para sa aking sarili, kundi para kina Tatay at Susie, at sa mga
pangarap na masyadong mailap.

Saksi ako kung paanong minahal siya nina Tatay at Nanay. Walang puwedeng manloko
kay Bunso. Minsan, habang kami ay nagpipiknik sa parke, may isang mama na
nakakita kay Susie.

“Tingnan n’yo o, puwedeng pang-karnabal ‘yung bata!” turo nito kay Susie.

Biglang namula si Tatay sa narinig. Tumikom ang mga kamao. Noon ko lang nakitang
nagsalubong ang mga kilay ni Tatay. Muntik na niyang suntukin ito. “Ano’ng problema
mo, ha?”

Mabuti’t napigilan siya ni Nanay.

Isang gabi, habang nakahiga kami sa kama , narinig kong kinakausap ni Tatay si Susie.

“Anak, hindi baleng kulang ang mga paa mo. Mas mahalaga sa amin ng Nanay mo na
lumaki kang mabuting tao.at buo ang tiwala sa sarili.” Masuyo niya itong hinalikan.

Hindi tumigil si Tatay sa paglikha ng sapatos para sa akin. Pero napansin ko, kapag
sinusukatan niya ang paa ko, napapabuntung-hininga siya. Pagkatapos ay titingin sa
kuna.
“Sayang, Bunso, di mo mararanasang isuot ang magagarang sapatos na gawa ni
Tatay.” bulong ko sa kanya.

Lumaki kami ni Susie na malapit ang loob sa isa’t isa. Hindi naging hadlang ang
kawalan niya ng paa para makapaglaro kami. Marami namang laro na di
nangangailangan ng paa. Lagi nga niya akong tinatalo sa
sungka, jackstone ,scrabble, at pitik-bulag. Ako ang tagapagtanggol niya kapag may
nanghaharot sa kanya. Ako ang tagatulak ng wheelchair niya. Ako ang ate na alalay!

Noon ko natuklasan na marami kaming pagkakatulad. Parehong magaling ang aming


kamay kaysa aming mga paa. Ako, sa pagpipinta. Siya, sa pagsusulat ng mga kuwento.
At oo nga pala, si Tatay, kamay rin ang magaling sa kanya!

Minsan, ginising ako ni Susie. Sabi niya, nanaginip siya ng isang pambihirang sapatos.
Napakaganda raw nito sa kanyang mga paa.

“May paa siya sa panaginip?” gulat na tanong ko sa sarili.

“Maniwala ka, Ate, kay ganda ng sapatos sa panaginip ko. Kulay dilaw na tsarol na may
dekorasyong sunflower sa harap!”

Magbebertdey siya noon . At napansin ko, tuwing nalalapit na ang kanyang kaarawan,
nananaginip siya ng mga sapatos.

“Ate, nanaginip na naman ako ng sapatos. Kulay pula ito na velvet at may
malakingbuckle sa tagiliran.”

Binanggit din niya sa akin ang sapatos na kulay asul na bukas ang dulo at litaw ang
mga daliri niya. Ang sapatos na puti na may kaunting takong at may ribbon na pula. Ang
sapatos na yari sa maong na may burdang buwan at mga bituin. Ang sandalyas na
parang lambat. Ang kulay lilang sapatos na may nakadikit na bilog na kristal sa harap.

Manghang-mangha ako sa kung paanong natatandaan niya maski ang pinakamaliliit na


detalye ng mga sapatos – ang disenyong bulaklak, ribbon, butones, sequins ,beads ,
o buckle . Inaangkin niya ang mga sapatos na ‘yon.

“Ate, paglaki ko, susulat ako ng mga kuwento tungkol sa mga sapatos na
napapanaginipan ko. Ikaw ang magdodrowing, ha?”
Paglipas pa ng ilang taon, namahinga na si Tatay sa paglikha ng mga sapatos.
Gumagawa na lamang siya ng sapatos para sa mga suking di matanggihan. Noong
nagdaos siya ng kaarawan, niregaluhan ko siya ng isa kong painting na may
nakapintang isang pares ng maugat na kamay na lumilikha ng sapatos. Binigyan naman
siya ni Susie ng isang music box na may sumasayaw na ballet dancer .

“Pinasaya n’yo ang Tatay n’yo,” sabi ni Nanay.

Pagkatapos noon , naging masasakitin na siya. Labindalawang taon si Susie nang


pumanaw si Tatay.

Isang araw, hindi sinasadya’y napagawi ako sa bodega. Naghahalungkat ako ng mga
lumang sapatos na puwedeng ipamigay sa mga bata sa bahay-ampunan Sa
paghahalughog, nabuksan ko ang isang kahong mukhang matagal nang hindi
nagagalaw. Naglalaman ito ng maliliit na kahon. Mga kahon ng sapatos na maingat na
nakasalansan!

” Para kanino ang mga sapatos? May umorder ba na hindi nai-deliver?” tanong ko sa
sarili.

Pero nang masdan ko ang mga pares ng sapatos na ‘yon, nagulat ako. Taglay ng mga
sapatos ang pinakamahuhusay na disenyo ni Tatay. Iba-iba ang sukat nito. May
sapatos na pang-baby. May sapatos na pambinyag. May pang- first communion . May
pangpasyal. May pamasok sa eskuwelahan. May pangsimba. May sapatos na pang-
dalagita.

Lalo akong nagulat nang mabasa ang kanyang dedication sa nakasabit na papel:

Para sa pinakamamahal kong si Susie,

Alay sa kanyang unang kaarawan

Inisa-isa ko ang mga kahon. Lahat ng sapatos na nandoon ay para kay Susie. Diyata’t
iginagawa ni Tatay si Susie ng mga sapatos?

Para kay Susie, lugod ng aking buhay

Sa pagsapit niya ng ikapitong kaarawan

Taon-taon, hindi pumalya si Tatay sa paglikha ng sapatos sa tuwing magdaraos ng


kaarawan si Susie! Sandosenang sapatos lahat-lahat.

Handog sa mahal kong bunso


Sa kanyang ika-12 kaarawan

Napaiyak ako nang makita ang mga sapatos. Hindi ko akalaing ganu’n pala kalalim
magmahal si Tatay. Binitbit ko ang sandosenang sapatos at ipinakita ko kina Nanay at
Susie.

“H-Hindi ko alam na may ginawa siyang sapatos para sa ‘yo, Susie.” Namuo ang luha
sa mga mata ni Nanay. “Inilihim niya sa akin ang mga sapatos.”

“A-Ate, ito ang mga sapatos na napanaginipan ko.” Hindi makapaniwalang sabi ni Susie
habang isa-isang hinahaplos ang mga sapatos.

“Ha?”

Noon ko lang naalala ang mga sapatos na ikinukuwento ni Susie.

Dilaw na tsarol na may dekorasyong sunflower sa harap. Kulay pulang velvet na may
malaking buckle sa tagiliran. Asul na sapatos na bukas ang dulo at litaw ang mga daliri.
Kulay puti na may kaunting takong at may ribbon na pula. Sapatos na yari sa maong na
may burdang buwan at mga bituin. Sandalyas na parang lambat. Kulay lilang sapatos
na may nakadikit na bilog na kristal sa harap.

Naisip ko, tinawid kaya ng pag-ibig ni Tatay ang mga panaginip ni Susie para
maipasuot sa kanya ang mga sapatos?

Hindi ko tiyak.

Ang tiyak ko lang, hindi perpekto ang buhay na ito. Gaya ng hindi perpekto ang
pagkakalikha sa kapatid ko. Pero may mga perpektong sandali. Gaya ng mga sandaling
nilikha ni Tatay ang pinakamagagarang sapatos para kay Susie.
Utos ng Hari
ni Jun Cruz Reyes

“See you in my cubicle after lunch.” Pahabol sa akin ni Mrs. Moral Character kanginang matapos
ang klase. Si Mrs. Moral Character ang teacher namin sa Social Science. Siya rin ang adviser namin.

Para naman akong g.go na isip nang isip kung ano na naman ang sasabihin nito sa akin. Nawalan
tuloy ako ng ganang mananghalian. Halos tiyak ko nang sermunang umaatikabo na naman ito.
Kamakalawa lamang ay halos ilabas niya ang kanyang calculator para makita kung gaano ako “katanga”
at kung gaano katama ang kanyang pagsuma sa aking mga 5. Isinunod niya ang mga absences ko at
tapos ay ang aking mga lates. Hindi naman maikatwirang “Paano ‘ko di masi-5, kung kailan ako absent
ay saka ka magbibigay ng quiz. Kung kelan tinatamad mag-recite, saka namimilit. Saka pag sinabi ko
naman ang gusto kong sabihin, kakapain yung pulangball pen.”

Pero tipong maganda naman ang kanyang mood sa klase kanina. Katunaya’y yung kanyang
paboritong paksa ang pinag-uusapan namin...Yung kanyang dazzling Malaysian at ang kanyang
paboritong pabango. Nagtsismis din siya (tulad ng dati). Kesyo si Mr. Espejo raw kaya tumandang binata
dahil dalawang beses niyang binasted noong dalaga pa siya. Si miss kuwan daw, kaya wala sa
eskuwelahan, hindi dahil nag-study leave, nagpa-abort sa America. Magbi-bell na nang maalala niya ang
leksyon namin, ang normalization process sa gobyerno.

Sabi niya kangina. “Para tayp maging fully democratic, kailangang mataas ang literacy rate.”
(Sinabi na yon ni Rizal) “May sapat nacommunication system ang pamahalaan at may mataas na
moralidad ang mga mamamayan. At higit sa lahat, kailangang maging westernized ang ating
pamantayan. By doing so, hindi tayo magiging uncivilized sa western standards.”

Nang tanungin niya ako, sabi ko’y mas basic ang dapat na pamamaraan sa pagtingin sa problema.
Halimbawa’y bakit hindi umpisahan sa economic condition ng bansa. Kung kuntento ang mga tao, normal
ang takbo ng pamahalaan. Pero kung maraming dissatisfied, natural na abnormal ang sistema. Hindi
basta effective communication process, hindi rin basta mataas na literacy rate. Mga manipistasyon lang
ito ng talagang problema. Nabigla siya. Doon na inabutan ng bell.

Ay konsumisyon sa buhay, gusto kong lagnatin. Kay layo ng kahapon sa kasalukuyan. Pag nasa
bahay, ako ang bida. Pag ang kababayan ko ang magkukuwento, ako ang sikat. Pero dito sa
eskuwelahan, walang isko-scholar ng bayan.

Talagang gusto kong maghinto, pero ayaw ni Tatay. Kung sabagay, sino bang ama ang
matututwang magkaanak ng drop-out. Talagang sawa na akong mag-aral. Kay ganda sanang isiping
hindi ako nakatali sa sintas ng sapatos ng teacher ko na kasama ko sa bawat hakbang. Ipaling kung
saang sulok ko gustong puntahan, ilakad-kaladkarin kahit gustong mamahinga. At isa pa, kahit ako ang
masaktan.

Ay buhay estudyante. Magkauno lang, kahit lulunin ang sariling dila. Kumontra sa kanila, singkong
maliwanag. Tumango-tango ka naman para makauno, ibig sabihin noo’y sarili mo na ang kailangang
lokohin. Pakisama lang talaga. Konting kumpromiso, konting tango at yes man lang, dos na yon o tres.
Kungbakit naman kasi nauso pa sa mundo ang diploma. Kung wala kang diploma, sino naman ang
maniniwalang may kaubrahan nga ako. Sana’y di nauso ang grade, di sana’y di ako mahihiyang pumasok
kahit Metro Manila aide. Kung graduate naman ako, hingan ng experience sa pag-aaplayan ko, dedo rin.
At kung tapos nga, nakakahiya namang pati trabahong pangmahirap ay pagtiyagaan ko.

Grade lang naman, problema ba ‘yon? Kung 5, tapos ang usapan, bakit kailangang pahabain pa?
Bagsak kung bagsak. Kickout. Pero hindi naman talaga ako dapat bumagsak. O.K. matigas ang ulo
ko, rugged at medyo bastos pa raw, pero bakit kailangang isali pati conduct at ayos ng katawan sa
usapan? Hindi namn ito military school, hindi rin naman seminaryo, bakit panay “yung conduct mo” at
“appearance” ang panakot nila.

Ano ba ang sama nang bumagsak? Kung si Recto, bar flunker pero isa sa
kinikilalang constitutionalist ngayon. Si Einstein, bumagsak sa Physics at grammar school pero big time
scientist. Kahit teacher niya hindi alam ang theory niya sa relativity. Kung sa bagay, hindi ako si Recto o
si Einstein. Si Jojo lang ako kung ang walang sinabi kong teachers ang tatanungin. Sa mga kapitbahay
namin, pambihira raw ako. Biro mong sa probinsya namin ay ako lang ang nakarating sa Maynila para
mag-aral nang libre. Kung nalalaman lang nila.

Aral nang aral. Aral sa umaga, aral sa tanghali at aral pa ulit sa gabi. Hindi ko naman maintindihan
kung para ano ang pinag-aaralan. Hindi na naubusan ng ipari-research. Walang alam kung itanong kung
hindi “What is our lesson for today?” Parang mga Diyos na sila lamang ang may monopolyo ng tama.
Kaya hindi puwedeng tanungin at lalung hindi puwedeng pagsabihan ng mali.

Ay ang teacher sa mundo, bakit ba ginawa pa ng kung sinong hayupak. Tulad ni Mrs. Moral
Character, bago mag-umpisa ng leksiyon, magsesermon muna ng virtue of honesty, kesyo masamang
mandaya, kasalanang mortal ang magturo sa kaeskuwelang nakalimutn ang sagot dahil sa pagkataranta,
krimen ang magkodigo at kung anu-ano pa. Lahat na yata ng masama at bawal sa mundo ay alam. Pero
ang kanyang lihim ay buko na namin. Noon daw nakaraang referendum, ang teacher namingmorally
upright ay biglang nabulag at nabobo. Nang mag-watcher daw ito sa presinto, tatlong letra lang ang
kabisadong basahin. Katuwiran daw nito’y “Anong sama roon, kahit matalo, panalo pa rin. Bakit, me
magagawa ka ba?” Kaya naman ngayon, hindi na siya si Mrs. Moral Character sa amin, Mrs. Eraser na
lang.

Tapos nagtataka pa kung kangino kami nagmana sa mundo.

E, sino naman kaya sa kanila ang pwedeng gawing idolo? Yungteacher ko sa English, walang
pakialam sa mundo. Basta magamit lang biya yung nalalaman niya sa voice and diction, maligaya na
siya sa buhay. Basta kami ang papel lang namin, tagapakinig sa kanyang mga sides. Para patuloy
kaming pang-theraphy niya lang. At ang kanyang paboritong paksa, yung kaniyang nuno na purong
Kastila raw na nagpatayo ng simbahan sa kanilang bayan. Antique siyempre yung simbahan (tulad niya
at ng kanyang lolo). Ibig lang niyang palabasin na may dugong bughaw siya. Sarap sanang bukuhin na
ang Kastilang napunta rito noong araw ay mga butangero at kriminal sa Espanya. Kesa nga naman
maging problema sila sa gobyerno nila, di Pilipinas na lang ang bahalang magtiis ng kunsumisyon. Yung
gaanong sistema ang namana niya sa kanyang lolo, ang mangunsumi ng mapagtiis. Pag nabuko mong
hindi nag-aral, lagot ka. Pagsasabihan ka nito ng “What? Iyon lang ang hindi mo pa alam hanggang
ngayon? O.K. that’s your assignment for tomorrow.” Saka niya sasabayan ng bura ang maling nakasulat
sa blackboard.

Kunsumihin ka ba naman araw-araw, pag naging g.go ka nagtataka pa. Hindi ka na mga pwedeng
magwala, hindi ka pa rin pwedeng maglibang. Kung sa pagtitiis ng kunsumi ay sigarilyo at beer ang
mapiling pagbuntunan ng sama ng loob, ayun at “Sinasabi ko na nga bang masama sa pag-aaral ang
bisyo,” ang agad ikakatuwiran ng mga ito.

Kung bisyo naman ang pag-uusapan, masama raw sa katawan ng tao ang alkohol at nikotina. Para
na rin sinabing pag teacher ka na ay pwede. Dahil estudyante ka pa lang, tiis. Itanong mo kay Mr.
Discipline at alam niya ang sagot. Huwag mo nang itanong kung nagdaan din siya sa pagkabata, kung
noong araw ay g.go rin siya, dahil ang isasagot nito’y “Kaya nga ayaw niyang matutuhan n’yo ang bisyo
dahil pinagdaanan niya na yan.”

Sa amin sa barkada, dalawa kaming mag-gu-goodbye my school goodbye. Kickout ako sa


kagag...n daw. Si Minyong nama’y sa kabobohan daw.

Kung paano nila natiyak na dapat nga kaming palayasin sa pinakamamahal naming paaralan,
ganito raw ang naging takbo ng usapan nina Mrs. Moral Character (Eraser). Mrs. Gles-ing, Mr.
Mathemathician, Miss Spermatozoa at Mr. Discipline.
“Hindi naman korum, say qourom, kuwow, quorom. That’s correct, that Jojo Boy has no sense of
deqourum. I feel though he is brilliant, only my reservation is that...”

“Only he is stubborn. Papasok yan sa klase ko nang nakainom, para pang nag-iinis at lalapitan ka.
Ipapaamoy sa iyo ang hininga.”

“How true, how true, I swear to God that’s true.”

“Hindi lang yan, minsan gusto pa mandin akong kulitin sa klase na akala mo’y mahuhuli niya akong
hindi prepared sa lesson ko. Tambakan ko nga ng research work, di atras siya.”

“And he is always absent. Sometimes, i don’t want to give him an excuse slip anymore.”

“So what is the verdict of the group?”

“I could not pass him.”

“Ako rin.”

“I second the motion.”

“God will punish his naughtiness.”

“I will report the matter to his parents immediately.”

Ang masama ay ang akusayon nila kay Minyong. Nababaliw raw. Tuwang-tuwa silang
pagtsismisan ito. Iyon ay kung hindi sila tinatamaan ng mga pinagsasabi ni Minyong. Pah medyo
kinabubuwisitan nilang co-teacher ang tinatamaan, “hi-hi-hi-hi” lang ang sagot nila. Pag-bulls eye, si
Minyong.

“My God, baliw talaga, hindi alam ang sinasabi,” ang katuwiran nila.

Si Minyong kasi ay cultural minority. Hindi naman nagprisinta sa kanila yung tao na rito sa Maynila
mag-aral. Kinuha-kuha nila sa bundok, tapos pilit pinaniwalang makasasabay ito
sa standard ng exclusive school, pinaniwalang dito matutuhan ang paghango sa kahirapan ng kanilang
tribo, saka ngayon, basta na lang pinagsalita, para raw mahasa nang gayo’y mawala ang inferiority
complex nito. Ayun, nang matutong magsalita ang tao, na-shock silang marinig ang katotohanan.

Sabi ng pangkat ng mga Hari.

“I find him kinda weird lately.”

“So what shall we do with him?”

“Definitely, I could not pass him.”

“Oo nga naman. Gagawa tayo ng masamang precedent. Mauuso ang bobo sa
eskuwelahan. Remember, Philippine School of Science and Technology ito. Tapos magpapasa tayo ng
estudyanteng bobo? Hindi pwede.”

‘Pero cultural minority yan.”

“And so what?”

“Kailangng babaan batin ang standard sa kanya.”

“Excuse me, mayroon lamang isang standard ang excellence at wala nang exception pa.”
“What now?”

“Ano pa, di ibagsak.”

“Saka sila nagkurus ng “Ibagsak.”

Kung sabagay, nang mabalita ang kaso ni Minyong sa eskuwelahan, humigit kumulang ay
nakapagpasiya na sil sa mgiging dulo ng istorya. Ganito raw iyon.

“Have you considered his case lately?”

“Anong gagawin natin sa kanya? Meron ba tayong policy sa ganyang kaso?”

“Mabuti siguro’y pauwiin natin sa kanilang tribo.”

“Dapat nga, naka manakit pa ‘yan at maraming madamay.”

“Oh, how i abhor violence.”

“Baka ‘ka mo manunuog pa ‘yan. Uso pa naman sa Maynila ang sunog ngayon.”

“E kung ipa-confine natin sa mental?”

“At sino ang magsu-shoulder ng bill?”

Tapos ang kaso ni Minyong bago pa man pasimulan ang deliberasyon.

Hindi naman sila parating ganoon kabilis magbaba ng hatol. Paminsan-minsan


nama’y humane sila, ikan nga. Tulad halimbawa ng kaso ni Oasis at Armando, mga kaiskuwela rin
namin.

“Ipasa na natin si Oasis.”

“Pero mababa ‘yan sa Physics.”

“Sus naman, ito, e, talaga namang mahirap ‘yang klase mo.”

“Thoughtful ‘yang batang ‘yan. Kahit saan ka makita ay panay ang good morning.”

“Talaga. At prisintado agad ‘yan pag nakasalubong ka na maraming dala.”

“How about Armando? Another cultural minority?”

“Excuse me. He is not a thoroughbred minority. It is only the mother. The father is an Ilocano who
migrated to Mountain Province.”

“Ang sweet-sweet ng batang ‘yan. Manang-mana sa Tatay niya.”

“Pogi pa talaga.”

“You bet. Doctor pala ang ama n’yan.”

“Ipapasa ko yan. Kaya lang naman ‘yan mababa, kasi matagal umabsent. Nagkasakit kasi.”

“Ano, pasado na ‘tong dalawa?”

“Approve.”
Mahirap talaga sa mundo ang hindi pogi at walang amang duktor.

“Come on in. Sit down.” Sabi ni Mrs. Moral Character matapos aking kumatok at papasukin sa
kanyang cubicle. Inabutan ko siyang nagsasalansan ng mga libro.

“Called your for two reasons. Regarding our lesson and your attitude in class.” Idiniin niya yung
your attitude. Heto na naman kami sa loob-loob ko. Kung bakit kasi hindi na lang ako nagkasakit. Sana’y
natuloy na ang lagnat ko para wala nang sermunang naghihintay.

“Jojo, ang tao’y hindi pulos tiyan tulad ng gusto mong palabasin.” Sabi niya habang nakataas ang
isang kilay.

Huwag kang kikibo, paalala ko sa aking sarili. Konting tiis. Mahirap makipagtalo sa teacher. Ngiti ka
lang basta. Titigil din pag nagsawa. Pero tipong wala siyang balak mag-short cut ng sermon.

“Walang essence ang pinagsasabi mo kanina. Iyon ay isang halimbawa ng priori statement. Do you
get me?” Tumango naman ako.

“Good. Now, alam mo sigurong wala kang pinanghahawakang data,which I happened to


have. Panay speculation lang ang pinagsasabi mo at walang katuturan ito sa scientific world. Our lesson
is more complicated than you thought. What you mean probably is the role of economic determinism in
contemporary Philosophy, which is all together wrong. Bakit hindi mo gamitin ang power or elite
approach? Behavioralism and trendngayon sa west. Bakit hindi ka makigaya?”

Huwag mong pansinin, ngiti lang. Paalala ko uli sa sarili ko. Hayaan mo lang siyangn magsalita
nang magsalita. Pasasaan ba’t mauubusan din iyan ng sasabihin. Pasok sa kanang tenga. Labas sa
kaliwa. Siya ang teacher kaya ang pakiramdam niya’y siya lang ang pwedeng tama.

“Do you get me?”

Tango pa rin ako. At ngayon, ang part II ng kanyang sermon.

“To be honest about it, I don’t like your attitude in class. Smart aleck!” Yuko na lang ako. Saka ako
bumulong ng “I’m sorry, mam.”

Kahit hindi ko siya tingnan, alam kong tatangu-tango siya sa tuwa. Lihim na namang
pumapalakpak ang kanyang tenga sa tuwa. Napaamo niya ang suwail ng eskuwelahan. Sana’y kasing
honest din niya ako, di sana’y nasabi ko ring “The feeling is mutual. I also don’t like you, mam.” Sa halip,
ang nasabi ko na lang ay “Can i go now, mam?”

“I’m not yet through.” Ibig pa palang sabihin, may part III pa ‘tong usapang ito.

“They saw you in the chapel last night.”

Diyos me, pati pala personal life ko’y pinakikialaman na rin nila ngayon, sa loob-loob ko.
Naramdaman ko ang init ng kanyang titig sa aking mukha.

“How young are you Jojo? Speak up.”

“15, mam.”

“15 and already you are...” Saka niya dinugtungan ng “I’ll let your mother know about this,” bago
ako tuluyang lumabas ng kanyang cubicle.

Gusto ko na talagang magwala. Gusto ko siyang balikan. Gusto kong isambulat sa mukha niya ang
lahat ng hinanakit ko sa mundo. Sana’y kasing tapang ako ng gusto kong mangyari. Ano bang masama
sa ginawa ko sa chapel? Magkahawak lang kami ng kamay ni Tess. Masama ba ‘yon? Siguro ang
masama’y kung bakit biglang napasyal si Mrs. Gles-ing sachapel nang ganoong oras ng gabi. Kawawang
Tess. Halos natitiyak ko nang gagawin na naman itong halimbawa ng mga Mrs. Moral Character ng kung
ano hindi dapat maging ang isang babaeng estudyante. Si Mrs. Gles-ing, tiyak na halos pumasok ang
dila sa ilong sa pagbabando ng kanyangscoop.

Ano pa ang magagawa ko, di suntok na lang sa hangin at magbubulong na balang araw, kung
mababaliw ako tulad ni Minyong, siguro’y hindi nila ikatutuwa, pero natitiyak kong ipagtataka nila kung
bakit.

Nasa lobby ang mga kabarkada kong alaskador.

“Jojo, balita nami’y bida ka na naman.”

“Hayaan mo ang mga hayupak na ya’t magsasawa rin yan.”

“E, kasi naman, pa chapel-chapel pa kayo. Alam mo nang teritoryo ng mga santo yon.”

“Kung nagmu-motel kayo, di wala sana silang alam.”

“Tigil,” sabi ko.

“Ano ba talaga ang ginawa nyo’t nagpuputok ang butsi ni Mrs. Gles-ing sa klase namin kanina?”

“Isa pa to, anong magagawa ko sa chapel kahit ka may madyik, walang himalang mangyayari
roon,” sabi ko.

“Ligawan mo kaya si Mrs. Gles-ing?”

“Tar....o, isa ka pa.” Buwisit na buhay ito, alaskado na naman ako.

“Malay mo, baka lalong malahing Mrs. Robinson yon.” Saka sila nagtawanan. Nakitawa rin ako
kahit naiinis na ako sa buhay.

“Tara na lang sa Cubao,” yaya ko sa kanila.

Yung isang round ng beer ay nasundan ng isa pa nga at isa pa ulit. Saka pinabuntunan ng one for
the road. Kung gaano kabilis ang boto ngbeer ay ganoon din kabilis ang oras.

“Ano ba talaga ang ginawa mo sa chapel?”

“Ano pa. Di holding hands. Masama ba ‘yon? Para nagsumpaan lang kami sa harap ng altar na
hindi maghihiwalay kahit ako ma-kick out. Kabastusan na ba iyon? Bakit kasi ang dudumi ng isip nila.
Akala mo’y hindi nakipag-holding hands noong mga bata.”

“Sila kaya, paano naging tao?”

“Nagtinginan lang, nabuntis na.”

Saka sila nagtawanan. Buti pa sila, kahit paano’y masaya. Ako yata, kahit sa paglilibang ay
mga teachers ko pa rin ang nakikita. Sobra na ito. Bakit ba ayaw nilang makakita ng katotohanang iba
kaysa kinagisnan nila? Bakit ba kasi gusto nilang maging kamukha nilang lahat ang tao sa mundo? Dahil
ba sa kanilang palagay ay sila ang nakadiskubre ng mina ng talino at tama, kaya wala nang natira sa
amin para diskubrihin? Pero hindi ba yung tinatawag nilang expertise, yung dalawampung taon sa
serbisyo, ang ibig lang sabihin, isang taong karanasang pinatagal ng dalawampung taon?

Ngayon ko lang naiisip, kung buhay siguro si Beethoven at kukuha ng eksamen sa eskuwelahan,
kahit bilang estudyante o teacher ay titak na hindi siya tatanggapin. Philippine School for Science and
Technology ito, ang eskuwelahan ng mga magiging scientists balang araw, tapos pakikitunguhan at
ituturing na tao ang isang kung sinong bukod sa tamad magbihis ay madalang pang maligo?
Si Einstein kaya? Hindi rin pwede, mabisyong tao yan. Bawal ang lasenggo sa klase. E, si Maxim
Gorky kaya, ang greatest Russian writerpara kay Chekhov at Tolstoy, pwede kayang magturo
ng comparative literature rito? Sa palagay ko’y hindi rin. Bukod sa wala siyang unit sa English ay wala rin
siyang diploma sa education.

Si Kristo kaya kung mabhuay ulit at magpunta sa Science? Maestro raw siya kahit walang M.A. at
Ph.D. papapasukin kaya sa gate pa lang? Hindi pwede, kung makasalubong siya roon ni Mrs. Moral
Character o ni Mrs. English, baka ma-shock pa ang mga ito. Palagay ko, ganito ang sasabihin nila.
“Imagine, kay lakas ng loob, ang bastos naman ngappearance. Long hair, hindi nag-aahit, tapos
nakasandalyas pa. Maano kung anak siya ng Diyos, wala naman siyang sense of dequorum.” Saka kung
magsermon dito si Christ, baka mabuko lang siya ng “Who is your authority, where is your data,
behavioralism na ang trend ngayon sa west. Bakit hindi ka makigaya?” Siguro kaya sa sabsaban na lang
ang napilingbirth place niya, dahil kung sa Science siya ipapanganak, mababago ang kasaysayan ng
Kristiyanismo sa mundo.

Ay, sense of propriety at dequorum, talagang nakatataranta. Clean cut (pagsuklayin mo si


Einstein). White polo shirt at black pants(pagdisentihin mo si Kristo). Naiisip ko tuloy kung propriety rin
yung tawag sa mga teacher kung makadamit civilian sila kapag Miyerkules. Yun bang parang a-
attend sila ng party. Yun bang ang tipo ng tela ay mapapansin agad at mapagsasabihang “Ang ang
ganda, saan mo nabili? Siguro ang mahal ano?” Na sasagutin naman ng kausap na “Mura lang yan,
gawang Rustan.” At para talaga mapansin, kailangang humahalimuyak din sila sa bango. Yung parang
walking pharmacist. Saka kukulayan ng brilyante ang tenga, leeg, dibdib, braso at mga daliri. Sa kanilang
ganda at ningning, para kang nanakita ng X’mas tree sa isang mahal na araw. Yun ang propersa kanila.

Kung sa bagay, hindi na maiino yon. Noong gabing mahuli kami ni Tess ni Mrs. English, noon ko
lang napansin ang ayos ni Kristo. Ininsulto raw ito ng mga Hudyo kaya ipinako nang hubo sa krus. Pero
naiinsulto sa hubo ang mga Mrs. Moral Character, Mrs. English, Mrs. Spermatozoa, Mr. Mathemathecian,
at Mr. Discipline at kanilang mga katribo. Kaya siguro nila tinakpan ang kahubdan ni Kristo sa pelus na
nangingintab sa dami ng borloloy. Si Virgin Mary ay asawa ng hamak na karpintero, pero sa bikas niya
ngayon ay nistulang peacock at X’mas tree na rin siya. Pati nga ang kanyang luha ay ginawang perlas.

Ang hindi nila naging kamukha ay agad nilang napapansin. Ang taong naniniwala sa sarili ang
gusto nilang lapastanganin. Sino nga ba naman si Jojo sa kanila na “isang kung sino lang.” Noon kayang
mga estudyante pa sila, nakapasa kaya sila sa Science? Scholar din kaya sila? Pero bakit naging teacher
lang sila sa loob ng mahabang panahon? Iyon lang kaya ang alam nila sa buhay, ang magturo? Para
silang hindi naging bata. Para bang nang ipanganak sila’y alam na nila ang lahat ng bagay. Baka akala
nila’y biru-biro ang maging estudyante. Yun kayang conduct nila sa klase noong araw ay panay uno?
Kung talagang hindi sila nagkakamali, dapat itong i-report agad sa Santa Papa sa Roma. Nasa Pilipinas
lang pala ang mga living saints.

Alin na lang kaya ang pwedeng pakialaman? Saan kaya pwedeng maging bida sa mundo? Buti
pa referendum, kasali kami. Alin kaya ang mahalaga, ang kapalaran ng Pilipinas o ang moral character?
Yung kapalaranng Pilipinas pwedeng isugal, pero kung sino ang mas seksi, si Alma Moreno o si
Elizabeth Oropesa ay hindi naman pwedeng pagpasiyahan, for adults lang kasi yon.

Ops, nakadi-jingle mag-isip. Yung barkada, iba na ang usapan.

“Lagyan kaya natin ng thumb tacks yung upuan ni Mrs. English.”

“Di aaray ‘yun!”

“Hi-hi-hi.”

Buti pa sila at nakukuhang ngumisngis. ako kaya, kanino pwedeng magreklamo? Sulatan ko kaya
si Valencia? Baka naman sagutin ako nito ng “Uminom ka ng kape.” Si Marcos kaya? Santambak ang
problema nito sa buhay, biro mong problemahin nito pati kapalaran ng Pilipinas, tapos ipasasagot pa ito
sa kanya sa kasaysayan, paano ako nito mapapansin? Mag-report kaya ako kay Carter, issue rin ito
ng human rights, ang kapalaran ng mga sinasadistang estudyante, pero mahirap namang um-Ingles.
Saka interesado lang ito sa giyera na naluluma sila.

Sa Diyos na lang kaya ako susulat? Pero nasa lahat ng lugar at sulok daw ito, kaya tiyak na alam
na Niya ang problema ko. Bakit nga pala sa sermon on the Mount of Sinai wala yung “Blessed are the
poor students for they shall inherit...” siguro’y dahil wala na siyang langit o lupang pwede pang ipamana
sa iba.

Ayaw kong maging Minyong. Kailangang magsalita na ako, baka ako mabaliw. Ayaw kong
maging robot, ayaw kong maging bato. Hindi balengdrop-out, basta tao lang ako. Maliit ang comfort
room kung doon ko isusulat ang aking mga sumbong. Marami na roong mauna. “What you’re holding now
is the future of the fatherland.” “IF you can reach this high, you shall be great.” “Ibagsak ang pasismo.”
“LABAN.” “Alpha Phi Omega.” “Wanted pen pal.”

Magrereklamo rin ako sa pader kung kailangan, hanggang may makabasa at makarinig ng aking
sumbong. Pero sa ngayon, idi-jingle ko na lang muna ang sama ng loob.
Bangkang Papel ni Genoveva Edroza-Matute

Nagkatuwaan ang mga bata sa pagtatampisaw sa baha. Ito ang pinakahihintay nilang araw mula nang
magkasunud-sunod ang pag-ulan. Alam nilang kapag iyo’y nagpatuloy sa loob ng tatlong araw ang
lansangang patungo sa laruan ay lulubog. At ngayon, ay ikalimang araw nang walang tigil ang pag-
ulan.
Ilang maliliit na bata ang magpapalutang ng mga bangkal papel, nariyang tinatangay ng tubig, naroong
sinasalpok at inilulubog, nariyang winawasak.
Sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki.
Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang sa
tubig kailanman...
Isang batang lalaking nagising sa isang gabi, sa mag dagundong na nakagugulat.
Sa loob ng ilang saglit, ang akala niya’y Bagong Taon noon. Gayon ding malalakas na ugong ang
natatandaan niyang sumasalubong sa Bagong Taon. Ngunit pagkalipas ng ilan pang saglit, nagunita
niyang noon ay wala nang ingay na pumapatak mula sa kanilang bubungan.
Sa karimla’t pinalaki niya ang dalawang mata, wala siyang makitang ano man maliban sa isang makitid
na silahis. Hindi niya malaman kung alin ang dagundong ng biglang pumuno sa bahay ang biglang
pagliliwanag. Gulilat siyang nagbalikwas at hinanap nang paningin ang kanyang ina.
Nagsunud-sunod ang tila malalaking batong gumugulong sa kanilang bubungan. Ang paggulong ng
mga iyo’y sinasaliwan ng pagliliwanag at pagdidilim ng bahay, ng pagliliwanag na muli. Samantala’y
patuloy ang pagbuhos ng ulan sa kanilang bubungan, sa kanilang paligid, sa lahat ng dako.
Muling nahiga ang nagbalikwas at ang tinig niya ay pinatalagos sa karimlan.
“Inay, umuulan, ano?”
“Oo, anak, kangina,” anang tinig mula sa dulo ng hihigan.
“Inay,” ang ulit niya sa karimlan, “dumating na ba ang Tatay?”
Sumagot ang tinig ngunit hindi niya maunawaan. Kaya’t itinaas niya nang bahagay ang likod at humilig
sa kaliwang bisig. Sa kanyang tabi;y naroon ang kapatid na si Miling. Sa tabi nito’y nabanaagan niya
ang katawan ng ina, at sa kabila naman nito’y nakita niya ang banig na walang tao.
Ibinaba niya ang likod at iniunat ang kaliwang bisig. Naramdaman niya ang sigis ng lamig ng kanyang
buto. Mula sa nababalot na katawan ni milng ay hinila niya ang kumot at ito’y itinakip sa sariling
katawan. Bahagyang gumalaw ang kapatid, pagkatapos ay nagpatuloy sa hindi pagkilos. Naaawa siya
kay Miling kaya’t ang kalahati ng kumot ay ibinalot sa katawan niyon at siya’y namaluktot sa nalabing
kalahati.
Naramdaman niya ang panunuot ng lamig sa kanyang likod. Inilabas niya ang kanag kamay sa kumot
at kinapa ang banig hanggang sa maabot niya ang sahig.
Anong lamig sa sahig, ang naisip niya, at ang kanang kamay ay dali-daling ipinasok muli sa kumot.
“Inay,” ang tawag niyang muli, “bakit wala pa si Tatay? Anong oras na ba?”
“Ewan ko,” ang sagot ng kanyang ina. “Matulog ka na, anak, at bukas ay magpapalutang ka ng mga
bangkang ginawa mo.”
Natuwa ang bata sa kanyang narinig.
Magkakarerahan kami ng bangka ni Miling, ang aki’y malalaki’t matitibay...hindi masisira ng tubig.
Dali-dali siyang nagbangon at pakapa-kapang sumiksik sa pagitan ng kapatid at ng kanyang kausap.
Idinaan niya ang kanyang kamay sa pagitan ng baywang at bisig ng ina. Naramdaman niya ang
bahagyang pag-aangay ng kaliwang bisig niyon. Ang kanang kamay noo’y ipinatong sa kanyang ulo
at pabulong na nagsalita:
“Siya, matulog ka na.”
Ngunit ang bata’y hindi natulog. Mula sa malayo’y naririnig niya ang hagibis ng malakas na hangin. At
ang ulang tangay-tangay noon.
“Marahil ay hindi na uuwi ang Tatay ngayong gabi,” ang kanyang nasabi. Naalala niyang may mga
gabing hindi umuuwi ang kanyang ama.
“Saan natutulog ang Tatay kung hindi siya umuuwi rito?” ang tanong niya sa kanyang ina. Ngunit ito’y
hindi sumagot.
Sinipat niya ang mukha upang alamin kung nakapikit na ang kanyang ina. Ngunit sa karimlan ay hindi
niya makita.
Bago siya tuluyang nakalimot, ang kahuli-hulihang larawan sa kanyang balintataw ay ito. Tatlong
malalaking bangkang yari sa papel na inaanod ng baha sa kanilang tapat...
At samantalang pumapailanlang sa kaitaasan ang kahuli-hulihang pangrap ng batang yaon, ang
panahon ay patuloy sa pagmamasungit. Ang munting bahay na pawid ay patuloy sa pagliliwanag at
pagdidilim, sa pananahimik at pag-uumugong, sa pagbabata ng walang awing hampas ng hangin at
ulan...
Ang kinabukasan ng pagtatampisaw at pagpapaanod ng mga bangkang papel ay dumating... Ngunit
kakaibang kinabukasan.
Pagdilat ng inaantok pang batang lalaki ay nakita niyang nag-iisa siya sa hihigan. Naroon ang kumot
at unan ni Miling at ng kanyang ina.
Pupungas siyang bumangon.
Isang kamay ang dumantay sa kanyang balikat at nang magtaas ng paningin ay nakitang yao’y si
Aling Berta, ang kanilang kapitbahay.
Hindi niya maunawaan ang tingin noong tila naaawa.
Biglang-biglang naparam ang nalalabi pang antok. Gising na gising ang kanyang ulirat.
Naroon ang asawa ni Aling Berta, gayon din sina Mang Pedring, si Alng Ading, si Feli, at si Turing, si
Pepe. Nakita niyang ang kanilang bahay ay halos mapuno ng tao.
Nahihintakutang mga batang humanap kay Miling at sa ina. Sa isang sulok, doon nakita ng batang
lalaki ang kanyang ina na nakalikmo sa sahig. Sa kanyang kandungan ay nakasubsob si Miling. At
ang buhok nito ay walang tigil na hinahaplus-haplos ng kanyang ina.
Ang mukha ng kanyang ina ay nakita ng batang higit na pumuti kaysa rati. Ngunit ang mga mata noo’y
hindi pumupikit, nakatingin sa wala.
Patakbo siyang lumapit sa ina at sunud-sunod ang kanyang pagtatanong. “Bakit, Inay, ano ang
nangyari? Ano ang nangyari, Inay? Bakit maraming tao rito?”
Ngunit tila hindi siya narinig ng kausap. Ang mga mata noo’y patuloy sa hindi pagsikap. Ang kamay
noo’y patuloy sa paghaplos sa buhok ni Miling.
Nagugulumihang lumapit ang bata kina Mang Pedring at Aling Feli. Ang pag-uusap nila’y biglang
natigil nang siya’y makita.
Wala siyang narinig kundi... “Labinlimang lahat ang nangapatay...”
Hindi niya maunawaan ang ang lahat. Ang pagdami ng tao sa kanilang bahay. Ang anasan. Ang ayos
ng kanyang ina. Ang pag-iyak ni Aling Feli nang siya ay makita.
Sa pagitan ng mga hikbi, siya’y patuloy sa pagtatanong...
“Bakit po? Ano po iyon?”
Walang sumasagot sa kanya. Lahat ng lapitan niya’y nanatiling pinid ang labi. Ipinatong ang kamay
sa kanyang balikat o kaya’y hinahaplos ang kanyang buhok at wala na.
Hindi niya matandaan kung gaano katagal bago may nagdatingan pang mga tao.
“Handa na ba kaya?” anang isang malakas ang tinig. “Ngayon din ay magsialis na kayo. Kayo’y
ihahatid ni Kapitan Sidro sa pook na ligtas. Walang maiiwan, isa man. Bago lumubog ang araw sila’y
papasok dito... Kaya’t walang maaaring maiwan.”
Matagal bago naunawaan ng bata kung ano ang nagyari.
Sila’y palabas na sa bayan, silang mag-iiba, ang lahat ng kanilang kapitbahay, ang maraming-
maraming tao, at ang kani-kanilang balutan.
Sa paulit-ulit na salitaan, sa sali-salimbayang pag-uusap ay nabatid niya ang ilang bagay.
Sa labinlimang nangapatay kagabi ay kabilang ang kanyang ama...sa labas ng bayan...sa sagupaan
ng mga kawal at taong-bayan.
Nag-aalinlangan, ang batang lalaki’y lumapit sa kanyang ina na mabibigat ang mga paa sa
paghakbang.
“Inay, bakit pinatay ng mga kawal ang Tatay? Bakit? Bakit?”
Ang mga bata noong nakatingin sa matigas na lupa ay isang saglit na lumapit sa kanyang mukha.
Pagkatapos, sa isang tinig na marahang-marahan ay nagsalita.
“Iyon din ang nais kong malaman, anakm iyon din ang nais kong malaman.”
Samantala...
Sa bawat hakbang na palayo sa bahay na pawid at sa munting bukid na kanyang tahanan ay
nararagdagan ang agwat ng ulila sa kanyang kabataan.
Ang gabing yaon ng mga dagundong at sigwa, ng mga pangarap na kinabukasan at ng mga bangkang
papel – ang gabing yaon ang kahuli-hulihan sa kabataang sasansaglit lamang tumagal. Ang araw na
humalili’y tigib ng pangamba at ng mga katanungang inihahanap ng tugon.
Kaya nga ba’t sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang
batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya
napalutang kailanman...
Geyluv by Honorio Bartolome de Dios

‘Yun lang at hindi na siya nagsalita pang muli. Pigil-pigil ng umid niyang dila ang reaksyon ko sa kanyang
sinabi.
I love you, Mike. Nagpaulit-ulit ang mga kataga sa aking diwa. Walang pagkukunwari, ngunit dama ang
pait sa bawat salita. Natunaw na ang yelo sa baso ng serbesa, lumamig na ang sisig, namaalam na ang
singer, pero wala pa ring umiimik sa aming dalawa.
Mag-aalas-tres na, uwi na tayo.
Miss, bill namin.
Hanggang sa marating namin ang apartment n’ya. Wala pa ring imikan. Kaya ako na ang nauna.
Tuloy ba ang lakad natin bukas sa Baguio, Benjie?
Oo, alas-kwatro ng hapon, sa Dagupan Terminal. Good night. Ingat ka.
Are you okay, Benjie?
Wala ni imik.
Are you sure you don’t want me to stay tonight?
Don’t worry, Mike. Okey lang ako.
Okey. Good night. I’ll call you up later.
Usaman nanamin iyon kapag naghihiwalay sa daan. Kung sino man ang huling umuwi, kailangang
tumawag pagdating para matiyak na safe itong nakarating sa bahay.
.
That was two years ago. Pero mga ateeee, bumigay na naman ako sa hiyaw ng aking puso. Di na ako
nakapagsalita pagkatapos kong banggitin sa kanyang “I love you, Mike.” At ang balak ko talaga, habang
panahon ko na siyang di kausapin, after that trying-hard-to-be-romantic evening. Diyos ko, ano ba
naman ang aasahan ko kay Mike ano?
Noong una kaming magkita sa media party, di ko naman siya pinansin. Oo, guwapo si Mike at macho ang
puwit, pero di ko talaga siya type. Kalabit nga ng kalabit sa akin itong si Joana. Kung napansin ko raw ang
guwapong nakatayo doon sa isang sulok. Magpakilala raw kami. Magpatulong daw kami sa media
projection ng aming mga services. I-invite raw namin sa office. Panay ang projection ng luka-luka.
Pagtaasan ko nga ng kilay ang hitad! Sabi ko sa kanya, wala akong panahon at kung gusto niyang
maglandi nung gabing iyon, siya na lang. Talaga naman pong makaraan ang tatlong masalimuot na love-
hate relationship na tinalo pa yata ang love story nina Janice de Belen at Nora Aunor, sinarhan ko na ang
puso ko sa mga lalaki. Sa mga babae? Matagal nang nakasara. May kandado pa!
Aba, at mas guwapo pala sa malapitan ang Mike na ito. At ang boses! Natulig talaga nang husto ang
nagbibingi-bingihan kong puso. And after that meeting, one week agad kaming magkasama sa Zambales.
Of course, siya ang nagprisinta. di ako. At noon na nagsimula ang problema ko.
Imbyerna na ako noon kay Joana, noong magpunta kami sa Zambales para sa interview nitong si Mike.
Aba, pumapel nang pumapel ang bruha. Daig pa ang “Probe Team” sa pagtatanong ng kung anu-ano rito
kay Mike. At ang Mike naman, napaka-accomodating, sagot nang sagot. Pagdating naman sa Pampanga,
bigla nga akong nag-ayang tumigil para mag-soft drink. Kailangan ko na kasing manigarilyo nang mga
oras na iyon. Tense na ako.
Gasgas na sa akin ang puna ng mga amiga kong baklita na ilusyon ko lang ang paghahanap ng
meaningful relationship. Sabi ko naman, tumanda man akong isang ilusyunadang bakla, maghihintay pa
rin ako sa pagdating ng isang meaningful relationship sa aking buhay. Naniniwala yata akong pinagpala
din ng Diyos ang mga bakla!
.
Mataray itong si Benjie, mataray na bakla, ‘ika nga. Pero mabait. Habang lumalalim ang aming pagiging
magkakilala, lalo ko namang naiintindihan kung bakit siya mataray.
Well, if you don’t respect me as a person dahil bakla ako, mag-isa ka. I don’t care. ‘Yun ang usual
defense niya ‘pag may nanlalait sa kanyang macho.
I’ve been betrayed before, and I won’t let anybody else do the same thing to me, again. Ever!
Ang taray, ano po? Pero hanggang ganyan lang naman ang taray nitong si Benjie. Para bang babala niya
sa sarili. Lalo na pag nai-involve siya sa isang lalaki. Natatakot na kasi siyang magamit, ang gamiting ng
ibang tao ang kanyang kabaklaan para sa sarili nilang kapakanan. May negative reactions agad siya ‘pag
nagiging malapit at sweet sa kanya ang mga lalaki.
At halata ang galit niya sa mga taong nate-take advantage sa mga taong vulnerable. Tulad noong
nakikinig siya sa interview ko sa namamahala ng evacuation center sa isang eskuwelahan sa Zambales.
Naikuwento kasi nito ang tungkol sa asawa ng isang government official na ayaw sumunod sa
regulasyong ng center sa pamamahagi ng relief good upang maiwasan ang gulo sa pagitan ng mga
“kulot” at “unat na pawang mga biktima ng pagsabog ng Pinatubo. Simple lang naman ang regulasyon:
kailangang maayos ang pila ng mga kinatawan ng bawat pamilya upang kumuha ng relief goods. Ang
gusto naman daw mangyari ng babaeng iyon, tatayo siya sa stage ng eskuwelahan at mula doon ay
ipamamahagi niya ang mga relief goods, kung kanino man niya maiabot. Alam na raw ng mga
namamahala ng center ang gustong mangyari ng babae: ang makunan siya ng litrato at video habang
kunwa’y pinagkakaguluhan ng mga biktima—unat man o kulot. Nasunod ang gusto nung babae, ngunit
ang mga unat lamang ang nagkagulo sa kanyang dalang relief goods. Ayon sa namamahala ng center,
nasanay na raw kasi ang mga kulot sa organisadong pagkuha ng mga relief goods. Pero nagreklamo rin
sila nung bandang huli kung bakit hindi sila nakatanggap ng tulong. Iiling-iling na kinuha ni Benjie ang
pangalan ng babaeng iyon.
Irereport mo?
Hindi.
Susulatan mo?
Hindi.
Ano’ng gagawin mo?
Ipakukulam ko. Ang putang inang iyon. Anong akala niya sa sarili niya, Diyos? Isula mo iyon, ha. Para
malaman ng lahat na hindi lahat ng nagbibigay ng tulong ay nais talagang tumulong.
Takot din siyang makipagrelasyon. At ‘di rin siya nanlalalaki, ‘yun bang namimik-ap kung saan-saan.
Bukod sa takot itong si Benjie na magkaroon ng sakit at mabugbog, di rin niya gustong arrangement ang
money for love. Gusto niya, ture love at meaningful relationship.
‘Yun din naman ang hanap ko. Now, don’t get me wrong. I’m straight, okay?
Si Carmi ang pinakahuling naging syota ko. Sabi nila maganda. Sabagay, maganda naman talaga itong si
carmi. Sexy pa. Ewan ko nga lang dito kay Carmi kung bakit laging nagseselos sa akin. Hanggang ngayon,
di pa rin niya maintindihan ang nature ng trabaho ko, e dalawang taon na kaming magsyota. Kung mag-
demand sa akin, para bang gugunawin ng Diyos ang mundo kinabukasan. E, para sa’kin, di rin ito ang ibig
sabihin ng meaningful relationship. Ayoko nang binabantayan ang lahat ng kilos ko. Ayoko ng laging ini-
interrogate. Ayaw ko ng pinamimili ako between my career at babae. Para sa akin, pareho itong bahagi
ng future ko.
Last year, inisplitan ako ni Carmi. Di na raw niya ma-take. Gusto raw muna niyang mag-isip-isip tungkol
sa aming relasyon. Gusto raw niyang magkaanak sa akon, pero di niya tiyak kung gusto niya akong
pakasalan. Naguluhan din ako. Parang gusto kong ayaw ko. Mahal ko si Carmi, and I’m sure of that. Pero
kung tungkol sa pagpapakasal, out of the question ang usaping ‘yun. Una, di kayang buhayin ng sweldo
ko an gpagbuo ng isang pamilya. Pangalawa, di ko alam kung an gpagpapakasal nga ay solusyon para
matigil na ang pagdedemand sa akin ni Carmi. At pangatlo, di rin sigurado itong si Carmi sa gusto niyang
gawin. Pumayag ako.
Almost one year din akong walang syota. Isinubsob ko ang sarili sa trabaho. Pero, from time to time,
nagkikita kami ni Carmi para magkumustahan. Well, every time na nagkikita kami ni Carmi para
magkumustahan, bigla ko siyang mamimi-miss, kung kailan kaharap ko na. Siguro’y dala ng lungkot o ng
libog. Kung anumang dahilan ng magka-miss ko sa kanya ay di ko tiyak. Pinipigilan ko na lang ang sariling
ipadama sa kanya ang nararamdaman ko, dahil sa tingin ko’y mas naging masaya siya mula nang isplitan
niya ako. Nakakahiya naman yatang ako pa ang unang umamin na gusto ko ulit siyang balikan, e siya
itong nakipag-break sa akin.
Naipakilala ko si Camrmi kay Benjie sa mga dates na iyon. At naikuwento ko na rin noon kay Benjie ang
tungkol sa nakaraan namin ni Carmi.
Carmi, this is Benjie. Benjie, this is Carmi.
Hi.
Hello.
.
Daaay. Maganda ang Carmi. Mas maganda at mas sexy kaysa kay Carmi Martin. Pinaghalong Nanette
Medved at Dawn Zulueta ang beauty ng bruha. Ano? At bakit naman ako mai-insecure, ‘no? May sariling
ganda yata itong ditse mo. At isa pa, wa ko feel makipag-compete sa babae. Alam ko namang may
naibibigay ang babae sa lalaki na di ko kaya. Pero manay. Mayroon din akong kayang ibigay sa lalaki na
di kayang ibigan ng babae. Kaya patas lang.. kung may labanan mang magaganap. Pero maganda talaga
ang bruha. Bagay na bagay sila ni Mike. Nagtataka nga ako kung bakit pa niya pinalampas itong si Mike,
e ang kulang nal ang sa kanila ay isang fans club at buo na ang kanilang love team. Nanghihinayang
talaga ako sa kanilang dalawa. They’re such a beautiful couple. Na-imagin ko agad ang kanilang
mgagiging mga anak. The heirs to the thrones of Hilda Koronel and Amalia Funetes o kaya’y ni
Christopher de Leon at Richard Gomez. Noong una, medyo naaalangan ako kay Carmi. Para kasing nu’ng
makita ko silang dalawa, ang pakiramdam ko, kalabisan na ako sa lunch date na pinagsaluhan namin. Di
naman feeling of insecurity dahil ang gusto ko lang, makausap sila ng tanghaling iyon at baka sakaling
maayos na ang kanilang relationship. Tingin ko naman dito kay Carmi, ganoon din. Parang may laging
nakaharang na kutsilyo sa kanyang bibig ‘pag nagtatanong siya sa akin o kay Mike. Di kaya siya na-
insecure sa beauty ko? Tingin n’yo?
.
Naging magkaibigan na nga kami ni Benjie. Kahit tapos na ang ginagawa kong article tungkol sa kanilang
project, madalas pa rin kaming magkita. Nag-iinuman kami, nanonood ng sine, o kaya’y simpleng kain
lang sa labas o pagbili ng tape sa record bar. Marami naman akong naging kaibigang lalaki, pero iba na
ang naging pagkakaibigan namin ni Benjie. Noong una’y naalangan nga ako. Aba, e baka ‘ka ko
mapaghinalaan din akong bakla kung isang bakla ang lagi kong kasama. Sabagay, di naman kaagad
mahahalatang bakla nga itong si Benjie.
Loveable naman si Benjie. Kahit may katarayan, mabait naman. Okey, okey, aaminin ko. Sa kanya ko
uanang naranasang magkaroon ng lakas ng loob na ihinga ang lahat ng nararamdaman ko. ‘Yun bang
pouring out of emotions na walang kakaba-kabang sabihan kang bakla o mahina. At pagkaraan ay ang
gaan-gaan ng pakiramdam mo. Sa barkada kasi, parang di nabibigyan ng pansin ‘yang mga emotions-
emotions. Nakakasawa na rin ang competition. Pataasan ng ihi, patibayan ng sikmura sa mga problema
sa buhay, patigasan ng titi. Kapag nag-iinuman kami (at dito lang kami madalas magkasama-sama ng
barkada), babae at trabaho ang pulutan namin. Sino ang minakamahusay na mambola ng babae, sino sa
mga waitress sa katapat na beerhouse ng opisina ang nadala na sa motel, sino ang pinakahuling sumuka
nu’ng nakaraang inuman? Well, paminsan-minsan, napag-uusapan ang tungkol sa mga problemang
emosyonal, pero lagi at lagi lang nagpapaka-objective ang barkada. Kanya-kanyang pagsusuri ng
problema at paghaharap ng immediate solutions bago pa man pagpakalunod sa emotions. Kaya hindi
ako sanay na nagsasabi kung ano ang nararamdaman ko. Ang tumbok agad, ano ang problema at ano
ang solusyon. Pero ‘yun nga, iba pala kapag nasusuri mo rin pati ang mga reactions mo sa isang
problema, basta nase-share mo lang kung bakit ka masaya, kung bakit ka malungkot. Kay Benjie ko nga
lang nasasabi nang buong-buo ang mga bagay na gusto kong gawin, ang mga frustrations ko, ang mga
libog ko. Mahusay makinig itong si Benjie. Naipapakita niya sa akin ang mga bagay na di binibigyan ng
pansin. Tulad ng pakikipagrelasyon ko kay Carmi. May karapatan naman daw mag-demand si Carmi sa
akin dahil siya ang kalahating bahagi ng relasyon. Bada daw kasi di ko pa nalalampasan ang nangyari sa
akin nang iwan na lamang ako basta-basta nu’ng una kong syota kaya di ko mabigay ang lahat ng
pagmamahal ko kay Carmi. Di lamang daw ako ang lagin iintindihin. Unawain ko rin daw si Carmi.
.
Di ba totoo naman? Na baka mahal pa rin niya talaga si Carmi? Kahit ba mag-iisang taon na silang break,
nagkikita pa rin naman sila paminsan-minsan. Ni hindi pa nga siya nakikipag-relasyon sa ibang babae
after Carmi. Ito ngang si Joana, panay na ang dikit sa kanya ‘pag dinadaanan ako ni Mike sa office, di pa
rin niya pansin. Sabagay, di naman talaga niya matitipuhan si Joana. Not after Carmi.
So, noong una, sabi ko, wala namang masama kung magiging magkaibigan kami. Nasa akin na ang
problema kapag nahumaling na naman ako sa lalaki. Madalas kaming lumabas, lalo na after office hours
at during weekends. Manonood ng sine, kakain, iimbitahan ko siya sa apartment for beer o kapag may
niluto akong espesyal na ulam o kaya’y nag-prepare ako ng salad. Kapag umuwi ako sa Los Baños para
umuwi sa amin, sumasama siya minsan. Na-meet na nga niya ang mother ko. Nagpapalitan rin kami ng
tapes at siya ang nagtuturo sa akin ng mga bagong labas na computer programs.
So, okey lang. Pero unti-unti, di na lang tapes at salad o computer programs ang pinagsasaluhan namin.
Aba, may kadramahan din sa buhay itong si Mike. Ang dami pa raw niyang gustong gawin sa buhay na
parang di niya kayang tuparin. Gusto raw niyang makapagsulat ng libro, gusto daw niyang mag-aral muli,
gusto raw niyang mag-abroad. Kung bakit daw kasi di pa niya matapus-tapos ang kanyang M.A. thesis
para makakuha siya ng scholarshi? Kung kuntento na raw ba ako sa buhay ko? Ang lahat ng iyon ay
kayang-kaya kong sagutin para kahit papaano ay ma-challenge siya na gawin niya kung ano ‘yung gusto
niya at kaya niyang gawin. Maliban na lang sa isang tanong na unti-unti ko nang kinatatakutang sagutin
nang totoo: kung mahal pa raw kaya niya ni Carmi?
.
Madalas akong malasing na siya ang kasama, pero ni minsan, di niya ako “ginalaw” (to use the term).
May mga pagkakataong tinutukso ko siya, pero di siya bumibigay. Tinanong ko nga siya minsan:
Don’t you find me attractive, Benjie?
At bakit?
Wala.
Wala rin naman akong lakas ng loob na sabihin sa kanya kung bakit. Baka siya masaktan, maka ‘di niya
maintindihan, baka lumayo siya sa akin. Ayaw kong lumayo sa akin si Benjie.
Di rin naman perpekto itong si Benjie. Pero di ko rin alam kung ituturing kong kahinaan ang naganap sa
amin minsan.. Kung kasalanan man iyon, dapat ay sisihin din ako.
Nagkasunod-sunod ang disappointments ko. Di ko matapus-tapos ‘yung article na ginagawa ko tungkol
sa open-pit mining sa Baguio dahil nagkasakit ako ng tatnlong araw at naiwan ako ng grupong pumunta
sa site para mag-research. Na-virus ‘yung diskette ko ng sangkaterbang raw data ang naka-store.
Nasigawan ako nu’ung office secretary na pinagbintangan kong nagdala ng virus sa aming mga
computers. Na-biktima ng akyat-bahay ‘yung kapatid kong taga-Ermita. At tinawagan ako ni Carmi,
nagpaalam dahil pupunta na raw siya ng States.
Ang dami kong nainom noon sa apartment ni Benjie. Nang nakahiga na kami, yumakap ako sa kanya,
mahigpit. Bulong ako ng bulong sa kanyang tulungan niya ako. Kung ano ang gagawin ko. Pakiramdam
ko kasi, wala na akong silbi. Ni ang sarili kong mga relasyon ay di ko maayos. Alam kong nabigla si Benjie
sa pagyakap ko sa kanya. Kahit nga ako’y nabigla sa bigla kong pagyakap sa kanya. Pero parang sa
pagyakap ko kay Benjie ay nakadama ako ng konting pahinga, ng konting kagaanan ng loob. Matagal
bago niya ako sinuklian ng yakap. Na nang ginawa niya’y lalong nagpagaan sa pakiramdam ko. At ang
natatandaan ko, hinalikan niya ako sa labi bago ako tuluyang makatulog.
Ako ang hindi makatingin sa kanya nang diretso kinabukasan.
Sorry.
For what?
Kagabi, tinukso kita uli.
Nagpatukso naman ako, e.
Pero wala namang malisya sa akin iyon.
‘Wag na nating pag-usapan.
Nakatulog ka ba?
Hindi.
Bakit?
Binantayan kita.
Bakit?
Iyak ka ng iyak.
Oo nga. Para akong bakla.
Di porke bakla, iyakin.
Sorry.
Mag-almusal ka na. Di ka ba papasok?
Hindi muna. Labas na lang tayo.
Marami akong gagawin sa office. Di ako pwede.
Pwedeng dito na lang muna ako sa bahay mo?
Sure. Mamayang gabi na lang tayo lumabas.
Sige. Ikaw ang bahala.
Inaamin ko ulit. Kakaibang closeness ang nadama ko kay Benjie mula nung gabing iyon. Noong una’y
idini-deny ko pa sa sarili ko. Pero sa loob-loob ko, bakit ko idi-deny? Anong masama kung maging close
ako sa isang bakla? Kaibigan ko si Benjie, and it doesn’t matter kung anong klaseng tao siya. Sigurado
naman ako sa sexuality ko. ‘Yun ngang mga kasama ko sa trabaho, okey lang sa kanila nang malaman
nilang bakla pala si Benjie. Di sila makapaniwalang bakla si Benjie at may kaibigan akong bakla. E, super-
macho ang mga iyon. Ingat lang daw ako. Na ano? Baka raw mahawa ako. Never, sabi ko pa. Hanggang
kaibigan lang.
.
Sinasabi ko na nga ba, walang patutunguhang maganda ang pagka-kaibigan namin nitong si Mike.
Ayoko, ayoko, ayokong ma-in love. Di ko pa kayang masaktan muli. Ayokong sisihin niya ako sa bandang
huli. Baka mawala ang respeto niya sa akin. Baka masira ang magandang pagkakaibigan namin. Pero,
Mike, di ako perpektong tao. May damdamin ako, may libog ako, marunong din akong umibig at
masaktan. Ang drama, ateeee. Pero ang mga ito ang gusto kong sabihin sa kanya nang gabing iyon.
Gusto ko siyang tilian at sabihing: tigilan mo ako, kung gusto mo pang magkita tayo kinabukasan! Naloka
talaga ako nang bigla na lang isyang yumakap sa akin. E, ano naman ang gagawin ko, ano? Lungkot na
lungkot na nga ‘yung tao, alangan namang ipagtabuyan ko pa. At para ano? Para lang manatili akong
malinis sa kanyang paningin? Para lang mapatunayan sa kanyang ako ang baklang ipagduldulan man sa
lalaking nasa kalagayang katulad niya, sa gitna ng madili na kuwartong kaming dalawa lang ang laman,
ay di lang yakap at halik ang gusto kong isukli sa kanya nang gabing iyon. At di rin kahalayan. Gusto ko
siyang mahalin. Gusto kong ipadama ang nararamdaman ko para sa kanya. Isang gabi lang iyon. Marami
pang gabi ang naghihintay sa amin. At di ako bato para di matukso. Higit sa lahat, bakla ako.
Take it easy, Benjie.
How can I take it easy, Mike, biglang-bigla ang pagkamatay ni Nanay. Ni hindi ko alam ngayon kung
magsu-survive ako ng wala siya.
Kaya mo, matatag ka naman.
Not without Nanay. Napaka-dependent ko sa kanya. Alam mo ‘yan.
Nandito naman ako, Benjie.
Napatingin ako kay Mike. Oh, my hero! Sana nga’y totoo ang sinasabi mo. Sana nga’y nandito ka pa rin
five or ten years after. Kahit di ko na iniinda ang pagkawala ng nanay. Sana nga’y nandiyan ka pa rin
even after one year. Ewan ko lang, Mike. Di ko alam kung alam mo nga ang sinasabi mo.
Pampadagdag talaga sa mga dalahin kong ito si Mike. Sa halip na isipin ko na lang kung paano mabuhay
nang wala ang nanay ko, iisipin ko pa ngayon kung paano mabuhay ng wala siya. Okay, okay, I admit it.
Mahal ko nga si Mike. Pero sa sarili ko lang inaamin ito. Hanggang doon lang. Di ko kayang sabihin sa
kanya nang harap-harapan. He’s not gay. Imposibleng mahalin din niya ako ng tulad ng pagmamahal ko
sa kanya. Kaibigan ang turing niya sa akin. At alam ko na kung ano ang isasagot niya sa akin kapag
ipinagtapat ko sa kanyang higit pa sa kaibigan ang pagmamahal ko sa kanya ngayon: that we are better
off as friends. Masakit iyon, daaay. Masakit ang ma-reject. Lalo na’t nag-umpisa kayo bilang
magkaibigan. Nasawi ka na sa pag-ibig, guilty ka pa dahil you have just betrayed a dear friend and
destroyed a beautiful friendship.
Naalala ko ang nanay. Di niya inabutan ang lalaking mamahalin ko at makakasama sa buhay. Sana raw ay
matagpuan ko na “siya” agad, bago man lang siya mamatay. Noong una niyang makilala si Mike,
tinanong niya ako kung si Mike na raw ba? Ang sagot ko’y hindi ko alam.
.
Nandito lang naman ako. Tumingin sa akin si Benjie. Napatingin rin ako sa kanya. Siguro’y kapwa kami
nabigla sa sinabi ko. Nandito naman ako. Ano bang ibig sabihin nito? Well, nandito ako as your friend. I’ll
take care of you. Di kita pababayaan. Ganyan ako sa kaibigan, Benjie. Pero sa sarili ko lang nasabi ang
mga ito. Buong magdamag nag-iiyak si Benjie sa kuwarto nang gabing iyon bago ilibing ang nanay niya.
Hinayaan ko siyang yumakap sa akin. Hinayaan ko siyang pagsusuntukin ang dibdib ko. Yakap, suntok,
iyak. Hanggang sa makatulog sa dibdib ko. Noon ako naiyak.
Tahimik pa rin si Benjie hanggang sa matapos ang seminar na dinaluhan niya sa Baguio. Habang sakay ng
bus pauwi, noon lamang siya nagsalita.
Sorry sa mga sinabi ko kagabi sa bar, Mike.
Sabi ko na’t ‘yun pa rin ang iniisip mo.
Bakit, di mo ba naiisip ang ibig sabihin nu’ng mga sinabi ko sa’yo?
Iniisip ko rin. So what’s wrong with that?
What’s wrong? Mike, umaasa ako sa imposible.
Di masamang umasa.
Kung may aasahan. At alam ko namang wala.
But don’t you think that we are better off as friends?
(Sabi ko na. Sabi ko na!) But I’ve gone beyond my limits.
Alam mo naman ang ibig kong sabihin.
So what do you expect from me?
.
Ano ba talaga ang gustong palabasin nitong si Mike? Ni hindi nagalit. Di rin naman nagko-confirm na
mahal din niya ako. Ay naku daaay, imbyerna na ako, ha! Ayoko ng mga guessing game na ganito. Pero
mukhang masaya siya sa mga nangyayari sa buhay niya lately. Open pa rin siya sa akin at mukhang wala
namang itinatago. Wala naman siyang resentment nang sabihin niya sa aking umalis na sa Pilipinas si
Carmi.
Pero ako na naman ang naipit sa sitwasyon. Kung pagdedesisyunin ko siya, baka di ko makaya. Pero
dalawa lang naman ang maaari niyang isagot: oo, mahal din niya ako bilang lover. Ang problema na lang
ay kung matatanggap kong hanggang sa pagiging magkaibigan na lang talaga ang relasyon namin.
Ayain ko kaya siyang maki-share sa aking apartment? ‘Pag pumayag siya, di magkakaroon ako—at
kami—ng pagkakataong palalimin ang aming relasyon. ‘Pag tumanggi siya, bahala na. Sanay na naman
akong nag-iisa.
Tiningnan ko sandali si Mike at pagkaraan ay muli kong ibinaling sa may bintana ang aking tingin. Mabilis
ang takbo ng bus sa North Diversion Road. Mayamaya lang ay nasa Maynila na kami. Sana, bago kami
makarating ng Maynila, masabi ko na sa kanya ang balak ko. Ano kaya ang isasagot ni Mike? But, does it
matter?

Hindi na siya uli nagsalita. Pero, habang nagbibiyahe kami ay marami na uli akong naikuwento sa kanya.
Nai-enroll ko na uli ‘yung MA thesis ko at papasok na uli ako this semester. Tinanong ko siya kung pwede
niya akong tulungan sa research dahil ‘yung thesis ko rin ang balak kong pag-umpisahan ng isinusulat
kong libro. Ikinuwento ko ring umalis na si Carmi at kasama ako sa mga naghatid. Tumawag nga rin daw
sa kanya at ibinigay ang address sa States para daw sulatan niya. tinanong ko kung susulatan niya. Kung
may time raw siya.
Inaya niya akong umuwi ng Los Baños para dalawin ang puntod ng nanay niya. Sabi ko’y sure this coming
weekend.
‘Yung tungkol doon sa sinabi niya sa akin noong isang gabi, pinag-iisipan ko naman talaga nang malalim.
Di ako na-offend pero di rin naman ako sure kung gusto ko nga ulit marinig sa kanyang mahal niya ako.
Natatakot akong magbigay ng anumang reaksyon sa kanya. baka mai-misinterpret niya ako. Ayokong
mag-away kami dahil sa nararamdaman niya sa akit at nararamdaman ko sa kanya. One thing is sure,
though. Ayokong mawala si Benjie sa akin. Napakahalaga niya sa akin para mawala.
Ang balak ko’y ganito: tatanungin ko siya kung puwede akong maki-share sa kanyang apartment. ‘Pag
pumayag siya, di mas mapag-aaralan ko talaga ang gusto ko—at namin—na mangyari sa aming relasyon.
Kung gusto ko siyang makasama nang matagalan. Kung mahal ko rin siya. Kapag hindi, we’ll still be
friends.
Mabilis ang takbo ng bus sa North Diversion Road. Nakatingin sa labas ng bintana si Benjie. Alam kong
nahihirapan siya. Kinuha ko ang palad niya at pinisil ko ito. Kung bakla rin ako? Hindi ako sigurado. But,
does it matter?
Ang Kalupi (Maikling Kwento) ni Benjamin P. Pascual

(May mabigat na pagkakasala sa batas si Aling Marta dahil sa mali niyang paghatol sa katauhan ng
bata. Madalas mangyari na dahil sa ayos ng isang tao ay dagli siyang napagbibintangan ng di
mabuti. May karanasan ka ba na nakapagbintang o dili kaya’y napagbintangan ng di mabuti?
Basahin ang kwento at ikaw na ang humatol sa mga tauhan nito.)

Mataas na ang araw nang lumabas si Aling Marta sa bakuran ng kanilang maliit na barungbarong.
Aliwalas ang kanyang mukha: sa kanyang lubog na mga mata na bahagyang pinapagdilim ng
kanyang malalagong kilay ay nakikintal ang kagandahan ng kaaya-ayang umaga. At sa kanyang
manipis at maputlang labi, bahagyang pasok sa pagkakalat, ay naglalaro ang isang ngiti ng
kasiyahan. Araw ng pagtatapos ng kanyang anak na dalaga; sa gabing iyon ay tatanggapin nito ang
diploma bilang katunayang natapos niya ang apat na taong inilagi sa mataas na paaralan. Ang
sandaling pinakahihintay niya sa mahaba-haba rin namang panahon ng pagpapaaral ay dumating
na. Ang pagkakaroon ng isang anak na nagtapos ng high school ay hindi na isang maliit na bagay
sa isang mahirap na gaya niya, naiisip niya. Sa mapangarapin niyang diwa ay para niyang nakikita
ang kanyang anak na dalaga sa isang kasuotang putting-puti, kipkip ang ilang libro at nakangiti,
patungo sa lalo pang mataas na hangarin sa buhay, ang makatapos sa kolehiyo, magpaunlad ng
kabuhayan at sumagana. Maaaring balang araw ay magkaroon din siya ng mamanuganging may
sinabi rin naman. Nasa daan na siya ay para pa niyang naririnig ang matinis na halakhak ng
kanyang anak na dalaga habang paikut-ikot nitong sinusukat sa harap ng salamin ang nagbubur-
dahang puting damit na isusuot sa kinagabihan. Napangiti siyang muli.

Mamimili si Aling Marta. Bitbit ng isang kamay ng isang pangnang sisidlan ng kanyang pamimiling
uulamin. Habang daan, samantalang patungo sa pamilihang bayan sa Tundo, ay mataman niyang
iniisip ang mga bagay na kanyang pamimilhin. Hindi pangkaraniwang araw ito at kailangang
magkaroon silang mag-anak ng hindi pangkaraniwang pananghalian. Bibili siya ng isang matabang
manok, isang kilong baboy, gulay na panahog at dalawang piling na saging. Bibili na rin siya ng
garbansos. Gustong-gusto ng kanyang magtatapos na anak ang minatamis na garbansos.

Mag-ikakasiyam na nang dumating siya sa pamilihan. Sa labas pa lamang ay naririnig na niya ang di
magkamayaw na ingay na nagbubuhat sa loob, ang ingay ng mga magbabangus na pagkanta
pangisinisigaw ang halaga ng kanilang paninda, ang salit-salitang tawaran ng mga mamimili.

Linggo ng umaga at ang palengke ay siksikan. Sa harapan niya painiling magdaan. Ang lugar ng
magmamanok ay nasa dulo ng pamilihan at sa panggitnang lagusan siya daraan upang magdaan
tuloy sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng mantika. Nang dumating siya sa gitnang
pasilyo at umakmang hahakbang na papasok, ay siyang paglabas na humahangos ng isang batang
lalaki, at ang kanilang pagbabangga ay muntik na niyang ikabuwal. Ang siko ng bata ay tumama sa
kanyang dibdib. “Ano ka ba?” ang bulyaw ni Aling Marta. “Kaysikip na ng daraanan ay patakbo ka pa
kung lumabas!”

Ang bata ay nakapantalon ng maruming maong na sa kahabaan ay pinag-ilang-lilis ang laylayan.


Nakasuot ito ng libaging kamiseta, punit mula sa balikat hanggang pusod, na ikinalitaw ng kanyang
butuhan at maruming dibdib. Natiyak ni Aling Marta na ang bata ay anak-mahirap.

“Pasensya na kayo, Ale” ang sabi ng bata. Hawak nito ang isang maliit na bangos. Tigbebente, sa
loob-loob ni Aling Marta. Ang bata ay takot na nakatingin sa kanya, “Hindi ko ho kayo sinasadya.
Nagmamadali ho ako e.”

“Pasensya!” – sabi ni Aling Marta. “Kung lahat ng kawalang-ingat mo’y pagpapasensiyahan nang
pagpapasensiyahan ay makakapatay ka ng tao.”

Agad siyang tumalikod at tuloy-tuloy na pumasok. Paano’t pano man, naisip niya, ay ako ang huling
nakapangusap. Higit kong daramdamin kung ako na itong nagawan ng hindi mabuti ay sa kanyang
pa manggagaling ang huling salita. Mataman niyang inisip kung me iba pang nakikita sa nangyari.
Marahas ang kanyang pagkakapagsalita sa bata at maaaring may kakilala siyang nagdaraan na
nakarinig ng kanyang mga sinabi. Dumating siya sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng
ilang kartong mantika.

“Tumaba yata kayo, Aling Gondang,” ang bati niya sa may kagulangan nang tindera na siya niyang
nakaugaliang bilhan. Nakangiti siya at ang babae ay ngumiti rin.

“Tila nga ho,” ani Aling Gondang. “Tila ho nahihiyang ako sa pagtitinda.”

Natawa si Aling Marta at pagkaraan ay dumukot sa bulsa ng kanyang bestido upang magbayad.
Saglit na nangulimlim ang kanyang mukha at ang ngiti sa maninipis niyang labi ay nawala. Wala ang
kanyang kalupi! Napansin ng kaharap ang kanyang anyo.

“Bakit ho?” anito.

“E…e, nawawala ho ang aking pitaka,” wala sa loob na sagot ni Aling Marta.

“Ku, e magkano ho naman ang laman?” ang tanong ng babae.

Ang tanda niyang laman ng kanyang kalupi ay pitumpong piso na siyang bigay na sahod ng
kanyang asawa nang sinundang gabi. Sabado. Ngunit aywan ba niya kung bakit ang di pa ma’y
nakikiramay ang tonong nagtatanong ay nakapagpalaki ng kanyang loob upang sabihing, “E,
sandaan at sampung piso ho.”

Nanatili siya sa pagkakatayo nang ilang saglit, wari’y tinakasan ng lakas, nag-iisip ng mga
nakaraang pangyayari. Mayamaya ay parang kidlat na gumuhit sa kanyang alaala ang gusgusing
batang kanyang nakabangga. Tumama ang siko nito sa kanyang dibdib, sa kanyang katawan! Dali-
dali siyang tumalikod at patakbong lumabas. Hindi pa marahil iyon nakakalayo; may ilang sandali pa
lamang ang nakaraan, ang tabas ng mukha, ang mukha, ang gupit, ang tindig. Sa labas, sa harap
ng palengke na kinaroroonan ng ilang tindahang maliliit at ng mangailan-ngilang namimili at ang
batang panakaw na nagtitinda ng gulay, ay nagpalingan-linga siya. Patakbo uli siyang lumakad, sa
harap ng mga bilao ng gulay na halos mayapakan na niya sa pagmamadali, at sa gawing dulo ng
prusisyon na di kalayuan sa natatanaw niyang karatig na outpost ng mga pulis, ay nakita niya ang
kanyang hinahanap. Nakatayo ito sa harap ng isang bilao ng kangkong at sa malas niya ay
tumatawad. Hindi siya maaari magkamali: ang wakwak na kamiseta nito at ang mahabang panahon
na ari’y salawal ding ginagamit ng kanyang ama, ay sapat nang palatandaan upang ito ay madaling
makilala. At ang hawak nitong bangos na tigbebente.

Maliksi siyang lumapit at binatak ang bata sa liig. “Nakita rin kita!” ang sabi niyang humihingal. “Ikaw
ang dumukot sa pitaka ko, ano? Huwag kang magkakaila!”
Tiyakan ang kanyang pagsasalita; ibig niyang sa pagkalito ng bata sa pag-aapuhap ng isasagot ay
masukol niyang buong-buo. Ngunit ang bata ay mahinang sumagot:

“Ano hong pitaka?” ang sabi. “Wala ho akong kinukuha sa inyong pitaka.”

“Ano wala!” pasinghal na sabi ni Aling Marta. “Ikaw nga ang dumudukot ng pitaka ko at wala ng iba.
Kunwa pa’y binangga mo ‘ko, ano ha? Magaling, magaling ang sistema ninyong iyan! Kikita nga
kayo rito sa palengke!”

Marami nang nakapaligid sa kanila, mga batang nagtitinda, lalaki at babaeng namimili. Hinigpitan ni
Aling Marta ang pagkakahawak sa leeg ng bata at ito’y pilit na iniharap sa karamihan.

“Aba, kangina ba namang pumasok ako sa palengke e banggain ako,” ang sabi niya. “Nang
magbabayad ako ng pinamimili ko’t kapain ang bulsa ko e wala nang laman!”

“Ang mabuti ho’y ipapulis ninyo,” sabing nakalabi ng isang babaeng nakikinig. “Talagang dito ho sa
palengke’y maraming naglilipanang batang gaya niyan.”

“Tena,” ang sabi ni Aling Marta sa bata. “Sumama ka sa akin.”

“Bakit ho, saan ninyo ako dadalin?”

“Saan sa akala mo?” sabi ni Aling Marta at pinisil ang liig ng bata. “Ibibigay kita sa pulis.
Ipabibilanggo kita kapag di mo inilabas ang dinukot mo sa akin.”

Pilit na nagwawala ang bata; ipinamulsa niya ang hawak na bangos upang dalawahing-kamay ang
pag-alis ng mabutong daliri ni Aling Marta na tila kawad sa pagkakasakal ng kanyang liig. May luha
nang nakapaminta sa kanyang mga mata at ang uhog at laway ay sabay na umaagos sa kanyang
liig. Buhat sa likuran ng mga manonood ay lumapit ang isang pulis na tanod sa mga pagkakataong
tulad niyon, at nang ito ay malapit na ay sinimulan ni Aling Marta ang pagsusumbong. “Nasiguro ko
hong siya dahil nang ako’y kanyang banggain, e, naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking
bulsa,” patapos niyang pagsusumbong. “Hindi ko lang ho naino kaagad pagkat ako’y nagmamadali.”

Tiningnang matagal ng pulis ang bata, ang maruming saplot nito at ang nagmamapa sa duming
katawan, pagkatapos ay patiyad na naupo sa harap ng nito at sinimulang mangapkap. Sa bulsa ng
bata, na sa pagdating ng pulis ay tuluyan nang umiyak, ay lumabas ang isang maruming panyolito,
basa ng uhog at tadtad ng sulsi, diyes sentimos na papel at tigbebenteng bangos.

“Natitiyak ho ba ninyong siya ang dumukot ng inyong pitaka?” ang tanong ng pulis kay Aling Marta.

“Siya ho at wala ng iba,” ang sagot ni Aling Marta.

“Saan mo dinala ang dinukot mo sa aleng ito?” mabalisik na tanong ng pulis sa bata. “Magsabi ka ng
totoo, kung di ay dadalhin kita.”

“Wala ho akong dinukot na maski ano sa kanya,” sisiguk-sigok na sagot ng bata. “Maski kapkapan
ninyo ‘ko nang kapkapan e wala kayong makukuha sa akin. Hindi ho ako mandurukot.”
“Maski kapkapan!” sabad ni Aling Marta. “Ano pa ang kakapkapin naming sa iyo kung ang pitaka ko
e naipasa mo na sa kapwa mo mandurukot! O, ano, hindi ba ganon kayong mga tekas kung
lumakad…dala-dalawa, tatlu-talto! Ku, ang mabuti ho yata, mamang pulis, e ituloy na natin iyan sa
kuwartel. Baka roon matulong matakot iyan at magsabi ng totoo.”

Tumindig ang pulis, “Hindi ho natin karakarakang madadala ito ng walang evidencia. Kinakailangang
kahit paano’y magkakaroon tayo ng maihaharap na katibayang siya nga ang dumukot ng inyong
kuwarta. Papaano ho kung hindi siya?”

“E, ano pang ebidensya ang hinahanap mo?” ang sabi ni Aling Marta na nakalimutan ang
pamumupo. “Sinabi nang binangga akong sadya, at naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking
bulsa. Ano pa?” Sa bata nakatingin ang pulis na wari’y nag-iisip ng dapat niyang Gawain, maya’y
maling naupo at dumukot ng isang lapis at isang maliit na kuwaderno sa kanyang bulsa.

“Ano ang pangalan mo?” ang tanong niya sa bata.

“Andres Reyes po.”

“Saan ka nakatira?” ang muling tanong ng pulis. Lumingon ang bata sa kanyang paligid, inisa-isa
ang mga mukhang nakatunghay sa kanya. “Wala ho kaming bahay,” ang sagot. “Ang tatay ko ho e
may sakit at kami ho, kung minsan, ay sa bahay ng Tiyang Ines ko nakatira, sa Blumentritt, kung
minsan naman ho e sa mga tiyo ko sa Kiyapo at kung minsan e sa bahay ng kapatid ng nanay ko
rito sa Tundo. Inutusan nga lang ho niya ‘kong bumili ng ulam para Mamayang tanghali.”

“Samakatuwid ay dito kayong mag-ama nakatira ngayon sa Tundo?” ang tanong ng pulis.

“Oho,” ang sagot ng bata. “Pero hindi ko nga lang ho alam ang kalye at numero ng bahay dahil sa
noong makalawa lang kami lumipat at saka hindi ho ako marunong bumasa e.”

Ang walang kawawaang tanong at sagot na naririnig ni Aling Marta ay makabagot sa kanyang
pandinig; sa palagay ba niya ay para silang walang mararating. Lumalaon ay dumarami ang tao sa
kanyang paligid at ang pulis na umuusig ay tila siyang-siya sa kanyang pagtatanong at pagsusulat
sa kuwaderno. Nakaramdam siya ng pagkainis.

“Ang mabuti ho yata e dalhin na natin iyan kung dadalhin,” ang sabi niya. “Pinagkakaguluhan
lamang tayo ng mga tao rito at wala namang nangyayari. Kung hindi naman ninyo kaya ay sabihin
ninyo at tatawag ako ng ibang pulis.”

“Hirap sa inyo ay sabad kayo ng sabad, e” sabi ng pulis. “Buweno, kung gusto n’yong dalhin ngayon
din ang batang ito, pati kayo ay sumama sa akin sa kuwartel. Doon sabihin ang gusto ninyong
sabihin at doon ninyo gawin ang gusto ninyong gawin.”

Inakbayan niya ang bata at inilakad na patungo sa outpost, kasunod ang hindi umiyak na si Aling
Marta at ang isang hugos na tao na ang ilan ay pangiti-ngiti habang silang tatlo ay pinagmamasdan.
Sa harap ng outpost ay huminto ang pulis.

“Maghintay kayo rito sa sandali at tatawag ako sa kuwartel para pahalili,” ang sabi sa kanya at
pumasok. Naiwan siya sa harap ng bata, at ngayon ay tila maamong kordero sa pagkakatungo,
sisiguk-sigok, nilalaro ng payat na mga daliri ang ulo ng tangang bangos. Luminga-linga siya.
Tanghali na; ilan-ilan na lamang ang nakikita niyang pumasok sa palengke. Iniisip niya kung ilang
oras pa ang kinakailangan niyang ipaghintay bago siya makauwi; dalawa, tatlo, o maaaring sa
hapon na. naalala niya ang kanyang anak na dalagang magtatapos, ang kanyang asawa na kaipala
ay naiinip na sa paghihintay; at para niyang narinig ang sasabihin nito kung siya’y darating na
walang dalang ano man, walang dala at walang pera. Nagsiklab ang poot sa kanya na kanina pa
nagpupuyos sa kanyang dibdib; may kung anong sumalak sa kanyang ulo; mandi’y gagahanip ang
tingin niya sa batang kaharap. Hinawakan niya ito sa isang bisig, at sa pagdidilim ng kanyang
paningin ay pabalingat niyang pinilit sa likod nito.

“Tinamaan ka ng lintek na bata ka!” ang sabi niyang pinanginginigan ng laman. “Kung walang
binabaing pulis na makapagpapaamin sa iyo, ako ang gagawa ng ikaaamin mo! Saan mo dinala ang
dinukot mo sa ‘kin? Saan? Saan?”

Napahiyaw ang bata sa sakit; ang bisig nito ay halos napaabot ni Aling Marta sa kanyang balikat sa
likod. Ang mga nanonood ay parang nangangapatdan ng dila upang makapagsalita ng pagtutol. Ang
kaliwang kamay ni Aling Marta ay pakabig na nakapaikot sa baba ng bata; sinapo ito ng bata ng
kanyang kamay at nang mailapit sa kanyang bibig ay buong panggigil na kinagat.

Hindi niya gustong tumakbo; halos mabali ang kanyang siko at ang nais lamang niya ay makaalpas
sa matitigas na bisig ni Aling Marta; ngunit ngayon, nang siya ay bitiwan ng nasaktang si Aling Marta
at makalayong papaurong, ay naalaala niya ang kalayuan, kay Aling Marta at sa dumakip na pulis,
at siya ay humahanap ng malulusutan at nang makakita ay walang lingun-lingon na tumakbo,
patungo sa ibayo nang maluwag na daan. Bahagya na niyang narinig ang mahahayap na salitang
nagbubuhat sa humahabol na si Aling Marta, at ang sigaw ng pulis at ang sumunod na tilian ng mga
babae; bahagya ng umabot sa kanyang pandinig ang malakas na busina ng ilang humahagibis na
sasakyan. Sa isang sandali ay nagdilim sa kanya ang buong paligid at sa pagmumulat na muli ng
kanyang paningin, sa pagbabalik ng kanyang ulirat, ay wala siyang nakita kundi ang madaliin ang
anino ng kanyang mukhang nakatunghay sa kanyang lupaypay at duguang katawan.

Hindi umimik si Aling Marta habang minamasdan ang bata. Maputla ang kulay ng kanyang mukha at
aywan ba niya at pati siya ay tila pinanawan ng lakas. Malamig na pawis ang gumigiit sa kanyang
noo at ang tuhod niya ay parang nangangatog. Hindi siya makapag-angat ng paningin; sa palagay
ba niya ay sa kanya nakatuon ang paningin ng lahat at siyang binuntunan ng sisi. Bakit ba ako
nanganganino sa kanila? Pinipilit niyang usalin sa sarili. Ginawa ko lamang ang dapat gawin nino
man at nalalaman ng lahat na ang nangyayaring ito’y pagbabayad lamang ng bata sa kanyang
nagawang kasalanan.

Ang pulis ay nakabalik na sa outpost at sa isang ospital na tumatawag. Ang bata ay napagtulungan
ng ilan na buhatan sa bangketa upang doon pagyamanin at ipaghintay ng ambulansiya kung aabot
pa. Ang kalahati ng kanyang katawan, ang dakong ibaba, ay natatakpan ng diyaryo at ang gulanit
niyang kasuotang ay tuluyan nang nawalat sa kanyang katawan. Makailang sandali pa, pagdating
ng pulis ay pamuling nagmulat ito ng paningin at ang mga mata ay ipinako sa maputlang mukha ni
Aling Marta.

“Maski kapkapan ninyo ako, e, wala kayong makukuha sa akin,” ang sabing paputol-putol na
nilalabasan ng dugo sa ilong. “Hindi ko kinuha ang inyong pitaka.”

May kung anong malamig na naramdaman si Aling Marta na gumapang sa kanyang katawan; ang
nata ay pilit na nagsasabi ng kanyang pahimakas. Ilang sandali pa ay lumungayngay ang ulo nito at
nang pulsuhan ng isang naroroon ay marahan itong napailing. Patay na, naisaloob ni Aling Marta sa
kanyang sarili.

“Patay na ang dumukot ng kuwarta ninyo,” matabang na sabi ng pulis sa kanya. Nakatayo ito sa
kanyang tabi at hawak naman ang kuwaderno at lapis. “Siguro’y matutuwa na kayo niyan.”

“Sa palagay kaya ninyo e may sasagutin ako sa nangyari?” ang tanong ni Aling Marta.

“Wala naman, sa palagay ko,” ang sagot ng pulis. “Kung me mananagot niyan ay walang iba kundi
ang pobreng tsuper. Wala rin kayong sasagutin sa pagpapalibing. Tsuper na rin ang mananagot
niyan,” may himig pangungutya ang tinig ng pulis.

“Makakaalis na po ako?” tanong ni Aling Marta.

“Maaari na,” sabi ng pulis. “Lamang ay kinakailangang iwan ninyo sa akin ang inyong pangalan at
direksyon ng inyong bahay upang kung mangangailangan ng kaunting pag-aayos ay mahingan
naming kayo ng ulat.”

Ibinigay ni Aling Marta ang tinitirhan at pagkatapos ay tuwid ang tinging lumalayo sa karamihan.
Para pa siyang nanghihina at magulong-magulo ang kanyang isip. Sali-salimuot na alalahanin ang
nagsasalimbayan sa kanyang diwa. Lumakad siya ng walang tiyak na patutunguhan. Naalala niya
ang kanyang anak na ga-graduate, ang ulam na dapat niyang iuuwi na, at ang nananalim,
nangungutyang mga mata ng kanyang asawa sa, sandaling malaman nito ang pagkawala ng pera.
Magtatanong iyon, magagalit, hanggang sa siya ay mapilitang sumagot. Magpapalitan sila ng
mahahayap na pangungusap, sisihan, tungayawan, at ang mga anak niyang ga-graduate ay
magpapalahaw ng panangis hanggang sila ay puntahan at payapain ng mga kapitbahay.

Katakut-takot na gulo at kahihiyan, sa loob-loob ni Aling Marta, at hindi sinasadya ay muling nadako
ang pinag-uugatang diwa sa bangkay na bata na natatakpan ng diyaryo, na siyang pinagmulan ng
lahat.

Kung hindi sa Tinamaan ng lintek na iyon ay hindi ako masusuot sa suliraning ito, usal niya sa sarili.
Kasi imbis, walang pinag-aralan, maruming palaboy ng kapalarang umaasa sa taba ng iba. Mabuti
nga sa kanya!

Kinakailangan niyang kumilos, umisip ng paraan. Kinakailangang kahit papaano’y makapag-uwi siya
ng ulam sa pananghalian. Pagkakain ng kanyang asawa ay malamig na ang kokote nito at saka niya
sasabihin ang pagkawala ng pera. Maaaring magalit ito at ipamukha sa kanya, tulad ng madalas na
sabihin nito, na ang lahat ay dahil sa malabis niyang paghahangan na makagpadal ng labis na
salaping ipamimili, upang maka-pamburot t maipamata sa kapwa na hindi na sila naghihirap. Ngunit
ang lahat ay titiisin niya, hindi siya kikibo. Ililihim din niya ang nangyaring sakuna sa bata; ayaw ng
kanyang asawa ng iskandalo; at kung sakali’t darating ang pulis na kukuha ng ulat ay lilihimin niya
ito. At tungkol sa ulam mangungutang siya ng pera sa tindahan ni Aling Gondang at iyon ang
kanyang ipamimili – nasabi niya rito na ang nawala niyang pera ay isang daan at sampung piso at
halagang iyon ay napakalaki na upang ang lima o sampung ay ipagkait nito sa kanya bilang
panakip. Hindi iyon makapahihindi. May ngiti ng kasiyahang naglalaro sa manipis na labi ni Aling
Marta nang ipihit niya ang kanyang mga paa patungong pamilihan.

Tanghali na nang siya ay umuwi. Sa daan pa lamang bago siya pumasok sa tarangkahan, ay
natanaw na niya nag kanyang na dalaga na nakapamintana sa kanilang barung-barong. Nakangiti
ito at siya ay minamasdan, ngunit nang malapit na siya at nakita ang dala ay napangunot-noo,
lumingon sa loob ng kabuhayan at may tinawag. Sumungaw ang payat na mukha ng kanyang
asawa.

“Saan ka kumuhang ipinamili mo niyan, Nanay?” ang sabi ng kanyang anak na ga-graduate,

“E…e,” hindi magkandatutong sagot ni Aling Marta. “Saan pa kundi sa aking pitaka.”

Nagkatinginan ang mag-ama.

“Ngunit, Marta,” ang sabi ng kanyang asawa. “Ang pitaka mo e Naiwan mo! Kaninang bago ka
umalis ay kinuha ko iyon sa bulsa ng iyong bestidong nakasabit at kumuha ako ng pambili ng
tabako, pero nakalimutan kong isauli. Saan ka ba kumuha ng ipinamili mo niyan?”

biglang-bigla, anaki’y kidlat na gumuhit sa karimlan, nagbalik sa gunita ni Aling Marta ang larawan
ng isang batang payat, duguan ang katawan at natatakpan ng diyaryo, at para niyang narinig ang
mahina at gumagaralgal na tinig nito; Maski kapkapan ninyo ako, e, wala kayong makukuha sa ‘kin.
Saglit siyang natigilan sa pagpanhik sa hagdanan; para siyang pinanganga-pusan ng hininga at sa
palagay na niya ay umiikot ang buong paligid; at bago siya tuluyang mawalan ng ulirat ay wala
siyang narinig kundi ang papanaog na yabag ng kanyang asawa’t anak, at ang papaliit na
lumalabong salitang: Bakit kaya? Bakit kaya?
Suyuan sa Tubigan
ni Macario Pineda

Sumisilip pa lamang ang araw ng kami'y lumusong sa landas na patungo sa tubigan ni Ka Teryo.
kasabay namin si Ka Albina na kasama niyang si Nati at ang kanyang pamangking si Pilang. Ang tatlo'y
may sunong na mga matong ng kasangkapan at pagkain.

"Ang Ka Teryo mo'y hindi makakalusong. Masidhi na naman ang rayuma," wika ni Ka Albina sa akin.
"Kung di nga lang lubugin ang tubigan naming yaon ay naurong sana ang pasuyo namin ngayon. Mahirap
ang wala ang Ka Teryo mo."

"Maano naman ho iyon," tugon ko. "Nariyan naman si Ka Ipyong at si fermin."

"Ilan ang natawag ninyo, Ka Albina?" tanong ni Ore." Aanim pa kaming nagkakasabay-sabay ngayon."

"Wika ni Ipyong ay baka raw umabot sa dalawampu kayong lahat."

Nilingon ni Pakito ang dalawangdalaga. "Kaya pala mukhang mabigat ang mga matong na iyan. kay
raming pagkain marahil," wika niya.

Nagtawa si Nati. Tila nga naman nagpapahiwatig ng malaking gutom ang panannalita ni Pakito. Si Pilang
ay walang imik at tila matamang pinagmamasdan ang landas na tinalunton. Magaganda ang mga paa ni
Pilang. Ilang sandaling pinagmasdan ko ang kanyang banayad na paghakbang.

Sinutsutan ni Pastor ang kanyang pinauunang kalakina hanggang maagapay siya kay Nati, "Aling Nati,"
wika niyang nakatawa, "ako na ho sana ang pasunungin ninyo ng matong na iyan."

nagtawanan kami. Sinulyapan ni Nati si Pastor. "Salamat ho," tugon niya. "Diyan ho lamang sa araro at
kalabaw ninyo ay napuputot na kayo, magsusunong pa kayo ng matong. Nais ba ninyong matambak?"

"Bakit hindi mo aluking sunugin ang matong ni Pilang?" wika ni Pakito. "Si Nati ba lamang ang
pinahahalagahan n'yo?"

Lalo kaming nagkatawanan. Si Pastor ay halos pagulantang na tumawa kay Pakito. At lumingon si Ka
Albina sa amin alangang matawa, alangang magalit ang anyo ng kanyang mukha.

Pinamulahan ng mukha si Pilang ngunit kahit isang ngiti ay wala siyang isinalo sa aming katuwaan.
Patuloy ang banayad niyang paghakbang. At tila lalong mapuputi ang kanyang binti sa ibabaw ng
putikang landas. Si Ore ay napansin kong dahan-dahang nagpatihuli. Nang lingunin ko siya ay napansin
kong tila may malalim na iniisip ang binata ni Ka Inso.

Nang Kami'y dumating sa tubigang aararuhin ay malapit nang makatapos ng pagtitilad si Ka Ipyong at si
Fermin. Sa hindi kalayuan ay natanaw naming dumating sina Ka Punso, Ka Imong, Toning , Ilo, at
Asyong. Sa malayo ay may ilan nang dumarating na hindi namin mapagpasiya.

Tinitigan ni Filo ang kalabaw ni Fermin. "Tila pusang nanunubok kung humila ang kalabaw ni Fermin,"
wika niya sa amin.

"Mangyari'y nagpapagawa naman ng bahay si Fermin," pagtatangol sni Pakito. "Hayan nga naman,
mayroon na silang bahay."
"Parang bakal naman ang kalabaw na iyan," wikani Ore, "At saka matakaw pa. Kupi kasi ang sungay
kaya matigas."

"Siyanga," ayon ni Yoyong. "Talaga namang ibang-iba ang mga hita ng kalabaw na iyan."

Pinagmasdan ko si Bonita ko. "Paano kaya ang matsora ko? Huwag di mahirapan ay ayaw nang kumain.
Ayaw magtakaw.'

Nalingunan ko si Pastor na nakaupo sa tabi ni Pilang at tumutulong sa dalaga sa pag-ayos ng mga


kasangkapang gagamitin. "Huwag na, Pastor," wika ng dalaga. "Piniritong kamote at kape lamang ang
ihahain. Kaya na namin ni Nati iyan."

"Bakit mo naman tinatanggihan ang aking pagtulong?" tanong ni Pastor. Nang yumuko si Pilang upang
hanguin ang iba pang mga kasangkapan ay nakita kong sumulyap ang binata sa dalaga.

Nilingon ko si Ore. Ang binata ay nakaupo at tila ang kanyang guyurang pinagdurugtong lamang ang
kanyang nakikita. Mapulang-mapula ang mukha ni Ore.

Nang dumating sina Ka Punso ay ang kalabaw ni Asyong na bagong bii ang aming pinagkulumutan.

Walang malamang tugunin si Asyong sa aming mga pagtatanong, "Dalawa't kalahati ng aba iyan,
Asyong?" "mabuti ba sa tubigan?" "Tila maliksi! Mainam ang mga braso." "Tuyong-tuyo ang mukha."
"May ilalabas ang kalabaw na iyan." "Hindi naman lubhang malaki ano?" "Ano kaya? maiharap kaya natin
iyan sa kalakian niKa Pedro?" "Saan mo nabili, Asyong?" "Sino ang kasama mong pumili?"

"Si Punso yata ang kasama niya,' wika ni Ka Imong. Nilingon namin si Ka Punso na hindi nakikisalamuha
sa aming pagkakagulo sa kalabaw ni Asyong. "Hoy tsip," wika namin, "kaya ka pala nagmamalaki ay ikaw
ang may tuklas nito, a."

Nagtawa si Ka Punso. "Paano pa. Sa lagay ba'y asin ko na'y lako ko pa?" At nagtawanan
kaming lahat.

"Halina kayo." tawag ni Ka Albina sa amin. 'Nakahanda na ang kape. Magpainit muna kayo ng tiyan."

Gumawi ako sa dalawang dalagang nag-aabot ng mga tasa ng kape at mga pinggan ng piniritong
kamote. 'Maaari na ba akong maging serbidor diyan?" wika ko kay Nati.

Bigla akong inabutan ni Nati ng isang tasa ng kape. "Kumain ka na lang, lalaki ka. Tinawag ka rito upang
mag-araro, hindi upang magserbidor."

Lumapit si Pastor kay Pilang. Kitang-kita ko nang abutin niya ang tasa ng kape ay kusa niyang sinapupo
ang mapuputing daliri ng dalaga. Kaunti nang maligwak ang kapeng mainit. "Salamat," wika pa ng
saragateng si Pastor. Kumislap ang mga mata ni Pilang ngunit hindi siya nagsalita gaputok man

Lumapit si Ore sa aking kinatitingkayaran. Mayroon pang isang tasang kape na tinimplahan ni Pilang ng
asukal: akal ko'y kay Ore ibibigay yaon. Ngunit si Ore kay Nati Lumapit. Si Nati ang nagbigay ng kape at
kamote kay Ore.

Habang nagkakainan kami ay pasulyap-sulyap akokina Nati, Pilang, Ore, at Pastor. Makailang nagpalitan
ng makakahulugang titig sina Nati at ore. Si Pastor at laging kay Pilang nakasulyap. Ang dalaga naman ni
Ato ay laging nakatungo sa kanyang ginagawa. Ngunit ngminsang mahuli niyang sa kanya nakatitig si
Pastor ay pinamulahan siyang gayon na lamang ng mga pisngi. At dagli niyang inayos ang kanyang saya
upang matakpang mabuti ang kanyang binti.
Pagkatapos ng kainan ay nagsipagsingkaw na kami. At siyang pagdating ni Pekto. Nagpapatakbo ng
kalabaw na nakasingkaw na sa araro ang binata ni Ka Gabino. At Humihiyaw, 'Kaunti na akong mahuli sa
pista... kaunti na akong mahuli..." Kay saya ni Pekto at kay liksi niya sa pag-aangat ng kanyang araro
kung nilalampasan niya ang mga pilapil. Si Pekto ang may sabi sa akin na kung mayroon daw suyuan sa
tubigan ay tila,ay pista ang mga magsasaka. Makisig dangan kasi ang kalakina ni Pekto.

Naunang napalakad si Ka Punso. At kami'y nagsunod-sunod. Ikalabin-lima ako sa hanay. Ang


sinusundan ko'y si Ka Imong. 'Huwag muna kayong bubugaw. bayaan muna nating mag-init-init ang ating
mga kalabaw," wika ni Ka Imong.

Nilingon ko sina Ore at pastor. Nahuhuli sila nang isang unat-suga sa amin. Ang dalawa'y tila
nagkakahiyaang hindi ko mawari.

Nang tanawin ko ang dalawang dalaga ay nakita kong nanonood sila ng tila paradang ayos ng aming
mga kalabaw.

Nakalimang likaw muna kami bago bumugaw si Toning. Nang matilamsikan ng putik si FIlo ay bumugaw
na rin ito. At ng maramdamam ni Asyong at ni Ka Punso ang kilusan sa kanilang likuran ay lumingon ang
dalawa. Nakatawa si ka Punso. Ang kanyang kalabaw ay tila nakikimatyag. Sanay na sanay sa mga
katuwaan ng suyuan ang kalabaw na iyon.

Si Uwing, na pagdating nagtilad na sa ikatlong pitak, ay humiyaw sa amin. "Arya na kayo... arya na..."
hiyaw niya. Tila ko nakita kahit mula sa malayo ang dalawang ngiping usos ni Uwing. Para kong
nakikitang ang dalawang ngiping yaon ay tatawing-tawing sa kanyang pagsasalita. Nagunita ko tuloy ang
mga ngiping pantay-pantay ni Pilang, mapuputi at nagkikislapang anaki'y nakar. Nilingon ko si Ore at
Pastor. Tila nagkakahiyaan pa rin ang dalawa.

Binanat ni Ka Punso ang kanyang pamitik. Umigpaw ang kanyang kalakian. Sinutsutan si Asyong ang
kanyang bagong bili. Nagkapitikan kami ng aming mga kalabaw. Nagbugawan kami. Nag-umalon ang
mga kalamnan ng mga hita ng aming mga katulong. Sumagitsit ang subsob kung bungkalin ang malagkit
na putik. halos kumalabog ang lupa kung ibaliktad ng lipya. At nagtayo ang mga ulo ng aming mga
kalabaw. tila nahahalata ng aming mga katulong na hindi nila dapat isubo sa kahihiyan ang kanilang mga
panginoon.

At sa gayon ay madaling natapos ang malaking pitak na nilusungan namin. gayunman mataas-taas na rin
ang araw ng kami'y lumipat sa pitak na tinilad ni Uwing.

"Halina muna kayo." hiyaw ni Ka Albina. 'Magminindal muna kayo bago simulan iyan."

"Nariyan na kami," hiyaw ni Ka Punso, sabay pitik sa kanyang kalakian. Sunod-sunod kaming pumitik,
nagbugawan kami, naghiyawan kami. Nagpanakbuhan ang mga kalabaw. Sumagitsit ang tubig,
tumilapon ang putik, kumikislap ang mga sudsod at lipya sa liwanag ng araw. Kay saya ng aming
hiyawan at tawanan. At namamaibabaw ang tinig ni Pekto. "Pista... pista ng magsasaka."

Kaning mainit, bukayong niyog, at adobong manok ang aming minindal. Nagmamadali tuloy ako sa pag
kakalag kay Bonita. ngunit nang makakain na kami ay saka lamang namin napansin sina Pastor, Ore at
Tinong pala ay kasalukuyang nasusubukan sa tarakan sa ikatlong pitak. Nauuna si Pastor, sumusunod
si Ore, nasa hulihan si Tinong.

"Salbahe talaga yang si Tinong," wika ni Ka Punso. "Tiyak na siya ang nagbuyo sa dalawa.
Nagkakainisan ba ang dalawang iyan?"

Malimit ang hiyaw ni Tinong sa kanyang kalabaw ngunit sina Pastor at Ore ay walang imikan. Banat na
banat ang kanilang mga pamitik, pigil na pigil ang mga ugit ng kanilang mga araro, nag-uumalon ang mga
kalamnan sa mga hita ng kanilang mga kalabaw.
At sumusubo lamang kami ng pagkain ay nasa malayo ang aming isip at mga mata. Sinulyapan ko ang
dalawang dalaga. Nakatawang nanonood si Nati. Si Pilang ay nakatungong may kung anong inaayos.
Bahagya na siyang mapasulyap sa tatlong nagtatarakan.

"Noong si Juana ay aking nililigawan ay nakatagpo kami niyong taga-Dalig sa pasuyo ni Tandang Lucio
sa Nabao," wika ni Ka Punso. "Alam kong nais niyang gumiri kay Juana. Maganda ang kalabaw ng taga-
Dalig na yaon. Ang gilas ng tindig - kung masisindakin ka'y sasabihin mong mahirap girian nang gayun-
gayon lamang." Kumislap ang mga mata ni Ka Punso.

Mangyari pang di si Pekto ang hahabol sa pangyayari. "Ano ang nangyari Ka Punso?" tanong ng binata
ni Ka Gabino, "Nagkahiritan ba kayong mabuti?"

"Nahuhuli ako. At sampung likaw na yata ay hindi ko pa mahalataan ang kalabaw niya. Ang kalabaw ko
naman ay napapansin kong ibig nang tumigil. Bumubula ang ang bunganga. Palagay ko'y abot na ang
hingal."

Tinanaw ko ang tatlong nagsusubukan. Naiiwan na si Toning. Nagkakabuntutan pa rin ang mga kalabaw
nina Ore at Pastor.

"Noong nakadadalawangpung likaw na kami marahil ay pinilantik ng taga_Dalig ang kanyang kalabaw.
Akala niya marahil ay maiiwan na ako. Sa pilantik niyang iyon ay akalain ninyong biglang mahiga ang
kanyang kalabaw. Kay lalim ng lubak na ginawa." kay lakay ng halakhak ni Pekto.

"At ang kalabaw mo Ka Punso?" tanong ko, "hindi ba nahirapan?"

Nagtawa nang malakas si Ka Punso. "Anong hindi nahirapan? Ang sabihin mo'y ayaw man lamang
tumayo kinabukasang ipagsuyod ni Ama. Kaunti na akong hambalusin ng urang ni Ama." Lalong
napalakas ang tawanan. Tinamaan tuloy ako sa ilong ng isang butil ng kaning nanggaling sa bibig ni Ka
Punso.

Patuluyan ng tumigil si Toning. Pinanonood na lamang niya ang nag tatarakan. May labinlimang likaw na
ang kanilang nadaraanan ay hindi pa nagkakahiwalay ang dalawa. Napabuntong-hininga ako nang
pilantikin ni Ore ang kanyang kalabaw. Mula sa kinauupuan namin ay tila ko nakita ang mukha ni Ore -
kunot ang noo, tiim ang mga ngipin, tikom ang mga labi, pigil na pigil ang ugit ng araro, at halos
magsugat ang kaliwang palad sa pagbanat ng pamitik. Napapaangat ako sa bawat hakbang ng kalabaw
ni Ore. Batid kong ang buong lakas ng kaisipan ni Ore ay nakatuon sa likuran ng kanyang kalabaw.

At wari'y malikmatang gumuhit sa balintataw ng aking mga mata ang mga liham ng dulang nangyari na sa
paligid-ligid ng mga tubigang yaon: si Ka Punso't Ka Juana, si Ka Imong at si Ka Marta, si Fermin at
si Gundang, si Asyong at si Auring, si... mga pasalising tagpo sa malaki't lalong makabuluhang dula ng
buhay.

Muling pumilantik si Ore. Umigpaw ang kanyang kalabaw. Nakatawang lumingon si Pastor. Hindi pa siya
pumipilantik ay nakakadalawa na si Ore.

Nilingon ko si Nati. Ang dalaga ni Ka Albina ay napapatunganga sa panonood ng pagsusubukan. Si


Pilang ay nakatungong naglilinis ng mga pinggan. Mapulang-mapula ang mga pisngi ng dalaga.

Pumilantik si Pastor. Umigpaw ang kanyang kalabaw. Unti-unting naiiwan si Ore. Ngunit ang kalabaw nito
ay lalong nag-uumunat. Tila may isip ang kalakian ni Ore sa pagsunod sa kalabaw ni Pastor. Isang
pamitik na ang agwat ni Pastor kay Ore. At damak-damak na palayo si Pastor. Naghiyawan kami.

Pumilantik si Ore at sinabayan ng isang sutsot. Lalong nag-umahon ang mga kalamnan sa mga hita ng
kanyang kalabaw. Umigpaw ang kalakian. Muling pumilantik si ore. Lalong bumilis ang hakbang ng
kanyang kalabaw. At sa layo nang dalawang unat-suga ay unti-unting umabot si Ore kay Pastor. Isa pang
pilantik. Nag-umunat angkalabaw ni Ore. Bumubula ang bunganga ng kalakian. Yuko ang ulo at lahat ng
lakas ay ibinigay na. Lalo kaming naghiyawan.

Lumingon si Pastor. Nakita niyang umabot na sa kanya si Ore. Itinaas ni Pastor ang kanyang pamitik.
Sinutsutan niya ang kanyang kalakian. At saka sinabayan ng isang makalatay na pilantik. Umigpaw ang
kalabaw. Lalo naman nag-umunat ang kalakian ni Ore. Mayroon pa kayang ilalabas ang bumubuntot na
kalabaw? At naghiyawan kami nang malakas nang aming makitang pagkatapos ng ilang makalagot-litid
na pagpupumilit ay biglang tumigil ang kalabaw ni Ore. Talagang makisig ang kalabaw ni Pastor.

"Magkalag muna kayo," hiyaw ni Ka Punso."Naghihintay ang pagkain... Pastor, magkalag muna kayo."

Tumigil si Pastor. Kinalagan ang kanyang kalabaw. Pagkatapos masabuyan ng tubig ay nakatawang
lumapit sa amin. Nilalamas pa ni Ore ang batok ng kanyang kalabaw na abot-abot ang paghingal.

Inabutan ni Pilang ng pinggan si Pastor. Namumula ang mga pisngi ng dalaga.

'Ore," hiyaw ko. "Halika na. Kumain ka na at ako na ang magsasaboy ng tubig sa kalabaw mo."

Dahan-dahang lumapit sa amin si Ore. Mapulang mapula ang kanyang mukha. At paulit-ulit niyang
ikinukuskos ang kanyang mga palad sa kanyang pantalong maong. Malinis na malinis na ang palad
ni Ore ay kuskos pa rin siya nang kuskos. Naiisip ko tuloy: mayroon kayang putik ang kanyang mga palad
na siya lamang ang nakakakita?

"Talagang matikas ang kalakian ni Pastor," wika niya.

Naupo si Ore, ilang hakbang ang layo kina Nati at Pilang. Tinanaw ko si Pastor - kumakain na siya sa tabi
ng dalawang dalaga.

Nang ako'y tumayo upang tunguhin ang kalabaw ni Ore, nakita kong palapit si Pilang sa binata. At doon
sa kinauupuan ng binata - ilang hakbang ang layo sa karamihan - doon siya dinulutan ni Pilang. Ano kaya
ang kanyang sinasabi kay Ore?

Nang ako'y muling tumanaw mula sa aking pagsasaboy ng tubig sa humihingal na kalabaw ay nakita
kong tila naibsan na ng hirap si Ore. At mula sa kinatatayuan ko, ang mga binti ni Pilang ay tila lalong
mapuputi.
Impeng Negro by Rogelio Sicat

"BAKA makikipag-away ka na naman, Impen."

Tinig iyon ng kanyang ina. Nangangaral na naman. Mula sa kinatatalungkuang giray na batalan, saglit
siyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay.

"Hindi ho," paungol niyang tugon.

"Hindi ho...," ginagad siya ng ina. "Bayaan mo na nga sila. Kung papansinin mo'y lagi ka ngang
mababasag-ulo."

May iba pang sinasabi ang kanyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na niya ang mga iyon.
Paulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kanyang tainga.

Isinaboy niya ang tubig na nasa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak niya ang kamay, pinagkiskis ang
mga palad at pagkaraa'y naghilamos.

"Dumaan ka kay Taba mamayang pag-uwi mo," narinig niyang bilin ng ina. "Wala nang gatas si Boy.
Eto ang pambili."

Tumindig na siya. Nanghihinamad at naghihikab na iniunat ang mahahabang kamay. Inaantok pa siya.
Gusto pa niyang magbalik sa sulok na kanyang higaan. Ngunit kailangang lumakad na siya.
Tatanghaliin na naman bago siya makasahod. At naroon na naman marahil si Ogor. Kahit siya ang
nauna ay lagi siyang inuunahan ni Ogor sa pagsahod.

Umingit ang sahig ng kanilang barungbarong nang siya'y pumasok.

"Nariyan sa kahon ang kamiseta mo."

Sa sulok ng kanyang kaliwang mata'y nasulyapan niya ang ina. Nakaupo ito, taas ang kaliwang paa,
sa dulo ng halos dumapa nang bangko. Nakasandig ang ulo sa tagpiang dingding. Nakalugay ang
buhok. Bukas ang kupasing damit na giris, nakahantad ang laylay at tuyot na dibdib. Kalong nito ang
kanyang kapatid na bunso. Pinasususo.

"Mamaya,aka umuwi ka namang...basag ang mukha."

Bahagya na niyang maulinigan ang ina. Nakatitig siya sa tatlo pa niyang kapatid. Sunud-sunod na
nakatalungko ang mga ito sa isa pang bangkong nas atagiliran ng nanggigimalmal na mesang kainan.
nagsisikain pa.

Matagal na napako ang kanyang tingin kay Kano, ang sumunod sa kanya. Maputi si Kano, kaya ganito
ang tawag dito sa kanilang pook. Kakutis ni Kano ang iba pa niyang kapatid. Marurusing ngunit
mapuputi. May pitong taon na si Kano. Siya nama'y maglalabing-anim na. Payat siya ngunit mahahaba
ang kanyang biyas.

Hinalungkat na niya ang kahong karton na itinuro ng ina. Magkakasama ang mga damit nila nina
Kano, Boyet at Diding. Sa may ilalim, nakuha niya ang kulay-lumot niyang kamiseta. Hinawakan niya
iyon sa magkabilang tirante. Itinaas. Sinipat.

"Yan na'ng isuot mo." Parang nahulaan ng kanyang ina ang kanyang iniisip.

Isinuot niya ang kamiseta. Lapat na lapat sa kanya ang kamisetang iyon noong bagong bili ngunit
ngayo'y maluwag na. Nagmumukha siyang Intsik-beho kapag suot iyon ngunit wala naman siyang
maraming kamisetang maisusuot. Mahina ang kita ng kanyang ina sa paglalabada; mahina rin ang
kanyang kita sa pag-aagwador.

Nagbalik siya sa batalan. Nang siya'y lumabas, pasan na niya ang kargahan. Tuluy-tuloy niyang
tinungo ang hagdan.

"Si Ogor, Impen," pahabol na bilin ng kanyang ina. "Huwag mo nang papansinin."

Naulinigan niya ang biling iyon at aywan kung dahil sa inaantok pa siya, muntik na siyang madapa
nang matalisod sa nakausling bato sa may paanan ng kanilang hagdan.

Tuwing umagang mananaog siya upang umigib, pinagpapaalalahanan siya ng ina. Huwag daw siyang
makikipagbabag. Huwag daw niyang papansinin si Ogor. Talaga raw gayon ito: basagulero. Lagi
niyang isinasaisip ang mga biling ito ngunit sadya yatang hindi siya makapagtitimpi kapag naririnig
niya ang masasakit na panunuksyo sa kanya sa gripo, lalung-lalo na mula kay Ogor.

Si Ogor, na kamakailan lamang ay bumabag sa kanya, ang malimit magsisimula ng panunukso:

"Ang itim mo, Impen!" itutukso nito.

"Kapatid mo ba si Kano?" isasabad ng isa sa mga nasa gripo.

"Sino ba talaga ang tatay mo?"

"Sino pa," isisingit ni Ogor, "di si Dikyam!"

Sasambulat na ang nakabibinging tawanan. Pinakamatunog ang tawa ni Ogor. Si Ogor ang
kinikilalang hari sa gripo.
Noong una, sinasagot niya ang mga panunuksong ito:

"E ano kung maitim?" isasagot niya.

Nanunuri ang mga mata at nakangising iikutan siya ni Ogor. Pagkuwa'y bigla na lamang nitong
kakayurin ng hintuturo ang balat sa kanyang batok.

"Negrung-negro ka nga, Negro," tila nandidiring sasabihin ni Ogor. Magsusunuran nang manukso ang
iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon: Tingnan mo ang buhok. Kulot na kulot! Tingnan mo
ang ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang nguso...Namamalirong!

Sa katagalan, natanggap na niya ang panunuksong ito. Iyon ang totoo, sinasabi niya sa sarili. Negro
nga siya. Ano kung Negro? Ngunit napapikit siya. Ang tatay niya'y isang sundalong Negro na nang
maging anak siya'y biglang nawala sa Pilipinas.

Ang panunuksong hindi niya matanggap, at siya ngang pinagmulan ng nakaraan nilang pagbababag
ni Ogor, ay ang sinabi nito tungkol sa kanyang ina. (Gayon nga kaya kasama ang kanyang ina?)

"Sarisari ang magiging kapatid ni Negro," sinabi ni Ogor. "Baka makatatlo pa ang kanyang nanay
ngayon!"

Noong kabuntisan ng kanyang ina sa kapatid niyang bunso ay iniwan ito ng asawa. Hindi malaman
kung saan nagsuot. At noon, higit kailanman, naging hamak sila sa pagtingin ng lahat. Matagal-tagal
ding hindi naglabada ang kanyang ina, nahihiyang lumabas sa kanilang barungbarong. Siya ang
nagpatuloy sa pag-aagwador. At siya ang napagtuunan ng sarisaring panunukso.

Natandaan niya ang mga panunuksong iyon. At mula noon, nagsimula nang umalimpuyo sa kanyang
dibdib ang dati'y binhi lamang ng isang paghihimagsik: nagsusumigaw na paghihimagsik sa pook na
iyong ayaw magbigay sa kanila ng pagkakataong makagitaw at mabuhay nang payapa.

Sariwa pa ang nangyaring pakikipagbabag niya kay Ogor, naiisip ni Impen habang tinatalunton niya
ang mabatong daan patungo sa gripo. Mula sa bintana ng mga barungbarong, nakikita niyang
nagsusulputan ang ulo ng mga bata. Itinuturo siya ng mga iyon. Sa kanya rin napapatingin ang
matatanda. Walang sinasabi ang mga ito, ngunit sa mga mata, sa galaw ng mga labi nababasa nya
ang isinisigaw ng mga paslit: Negro!

Napapatungo na laamang siya.

Natatanaw na niya ngayon ang gripo. Sa malamig ngunit maliwanag nang sikat ng araw, nakikita na
niya ang langkay ng mga agwador. Nagkakatipun-tipon ang mga ito. Nagkakatuwaan. Naghaharutan.

Sa langkay na iyon ay kilalang-kilala niya ang anyo ni Ogor. Paano niya malilimutan si Ogor? Sa mula't
mula pa, itinuring na siya nitong kaaway, di kailanman binigyan ng pagkakataong maging kaibigan.

Halos kassingulang niya si Ogor, ngunit higit na matipuno ang katawan nito. Malakas si Ogor. Tuwid
ang tindig nito at halos hindi yumuyuko kahit may pasang balde ng tubig; tila sino mang masasalubong
sa daan ay kayang-kayang sagasaan.
Nang marating niya ang gripo ay tungo ang ulog tinungo niya ang hulihan ng pila. Marahan niyang
inalis sa pagkakakawit ang mga balde. Sa sarili, nausal niyang sana'y huwag siya ang maging paksa
ng paghaharutan at pagkakatuwaan ng mga agwador.

Nakakaanim na karga na si Impen. May sisenta sentimos nang kumakalansing sa bulsa ng kutod
niyang maong. May isa pang nagpapaigib sa kanya. Diyes sentimos na naman. Kapag tag-araw ay
malaki-laki rin ang kinikita ng mga agwador. Mahina ang tulo ng tubig sa kanilang pook. At bihira ang
may poso.

Tanghali na akong makauuwi nito, nausal niya habang binibilang sa mata ang mga nakapilang balde.
Maluwag ang parisukat na sementong kinatitirikan ng gripo at ang dulo ng pila'y nasa labas pa niyon.

Di-kalayuan sa gripo ay may isang tindahan. Sa kalawanging medya-agwa niyon ay nakasilong ang
iba pang agwador. May naghubad na ng damit at isinampay na lamang sa balikat. May nagpapaypay
May kumakain ng halu-halo.

Sa pangkat na iyon ay kay Ogor agad natutok ang kanyang tingin. Pnilit niyang supilin ang hangaring
makasilong. Naroon sa tindahan si Ogor. Hubad-baro at ngumingisi. Mauupo na lamang siya sa
kanyang balde. Mabuti pa roon, kahit nakabilad sa init. Pasasaan ba't di iikli ang pila? naisip niya.
Makasasahod din ako.

Kasalukuyan siyang nagtitiis sa init nang may maulinigan siyang siga mula sa tindahan:

"Hoy, Negro, sumilong ka. Baka ka pumuti!"

Si Ogor iyon. Kahit hindi siya lumingon, para na niyang nakita si Ogor. Nakangisi at nanunukso na
naman.

"Negro," muli niyang narinig, "sumilong ka sabi, e. Baka ka masunog!"

Malakas ang narinig niyang tawanan. Hindi pa rin siya lumilingon. Tila wala siyang naririnig. Nakatingin
siya sa nakasahod na balde ngunit ang naiisip niya'y ang bilin ng ina, na huwag na niyang papansinin
si Ogor. Bakit nga ba niya papansinin si Ogor?

Tinigilan naman ni Ogor ang panunukso. Hindi pa rin siya umaalis sa kinauupuang balde. At habang
umiisod ang pila, nararamdaman niyang lalong umiinit ang sikat ng araw. Sa paligid ng balde, nakikia
niya ang kanyang anino. Tumingala siya ngunit siya'y nasilaw. Nanghahapdi at waring nasusunog ang
kanyang balat. Tila ibig nang matuklap ang balat sa kanyang batok, likod at balikat. Namumuo ang
pawis sa kanyang anit at sa ibabaw ng kanyang nguso. may butil na rin ng pawis sa kanyang ilong.

Itinaas niya ang tirante ng kamiseta. Hinipan-hipan niya ang manipis na dibdib. Di natagalan, isinawak
niya ang kamay sa nalalabing tubig sa balde. Una niyang binasa ang batok---kaylamig at kaysarap ng
tubig sa kanyang batok. Malamig. Binasa niya ang ulo. Kinuskos niya ang kanyang buhok at nabasa
pati ang kanyang anit. Binasa niya ang balikat, ang mga bisig. May nadama siyang ginhawa ngunit
pansamantala lamang iyon. Di nagtagal, muli niyang naramdaman na tila nangangalirang na naman
ang kanyang balat. Kay hapdi ng kanyang batok at balikat.

"Negro!" Napauwid siya sa pagkakaupo nang marinig iyon. Nasa likuran lamang niya ang nagsalita.
Si Ogor. "Huwag ka nanag magbibilad. Doon ka sa lamig."

Pagkakataon na ni Ogor upang sumahod. At habang itinatapat nito ang balde sa gripo, muli niyang
nakita na nginingisihan siya nito.

Napakatagal sa kanya ang pagkapuno ng mga balde ni ogor. Napabuntong-hininga siya nang
makitang kinakawitan na ni Ogor ang mga balde. Sa wakas, aalis na si Ogor, naisip niya. Aalis na si
Ogor. Huwag na sana siyang bumalik.

May galak na sumusuno sa kanyang dibdib habang pinagmamasdan ang pagkapuno ng sinundang
balde. Susunod na siya. Makaka sahod na siya. Makakasahod na rin ako, sabi niya sa sarili.
pagkaraan ng kargang iyon ay uuwi na siya. Daraan pa nga pala siya kay Taba. Bibili ng gatas.

Datapwa, pagkaalis ng hinihintay niyang mapunong balde, at isasahod na lamang ang sa kanya, ay
isang mabigat at makapangyarihang kamay ang biglang pumatong sa kanyang balikat. Si Ogor ang
kanyang natingala. Malapit lamang pala ang pinaghatidan nito ng tubig.

"Gutom na ako, Negro," sabi ni Ogor. "Ako muna."

Pautos iyon. Iginitgit ni Ogor ang bitbit na balde at kumalantog ang kanilang mga balde. Iginitgit din
niya ang sa kanya, bahagya nga lamang at takot na paggitgit. "Kadarating mo pa lamang, Ogor, nais
niyang itutol. Kangina pa ako nakapila rito, a. Ako muna sabi, e," giit ni Ogor.

Bantulot niyang binawi ang balde, nakatingin pa rin kay Ogor. Itinaob niya ang kaunting nasahod na
balde at ang tubig ay gumapang sa semento at umabog sa kanilang mga paa ni Ogor. Uuwi na ako,
bulong niya sa sarili. Uuwi na ako. Mamaya na lang ako iigib uli. Nakatingin sa araw, humakbang siya
upang kunin ang pingga ngunit sa paghakbang na iyon, bigla siyang pinatid ni Ogor.

"Ano pa ba ang ibinubulong mo?"

Hindi n a niya narinig iyon. Nabuwal siya. Tumama ang kanan niyang pisngi sa labi ng nabiawang
balde. Napasigaw siya. Malakas. Napaluhod siya sa madulas na semento. Kagyat na bumaha ang
nakaliliyong dilim sa kanyang utak. Habang nakaluhod, dalawang kamay niyang tinutop ang pisngi.
Takot, nanginginig ang kanyang mga daliri. Dahan-dahan niyang iniangat iyon. Basa...Mapula...Dugo!

Nanghilakbot siya. Sa loob ng isang saglit, hindi niya maulit na salatin ang biyak na pisngi. Mangiyak-
ngiyak siya.
"O-ogor...O-ogor..." Nakatingala siya kay Ogor, mahigpit na kinukuyom ang mga palad. Kumikinig ang
kanyang ulo at nangangalit ang kanyang ngipin. "Ogor!" sa wakas ay naisigaw niya.

Hindi minabuti ni Ogor ang kanyang pagsigaw. Sinipa siya nito. Gumulong siya. Buwal ang lahat ng
baldeng nalalabi sa pila. Nagkalugkugan. Nakarinig siya ng tawanan. At samantalang nakadapa, unti-
unting nabuo sa walang malamang sulingan niyang mga mata ang mga paang alikabukin. Paparami
iyon at pumapaligid sa kanya.

Bigla siyang bumaligtad. nakita niya ang naghuhumindig na anyo ni Ogor. Nakaakma ang mga bisig.

"O-ogor..."

Tumawa nang malakas si Ogor. Humihingal at nakangangang napapikit siya. Pumuslit ang luha sa
sulok ng kanyang mga mata. Nasa ganito siyang kalagayan nang bigla niyang maramdaman ang
isang ubos-lakas na sipa sa kanyang pigi. Napasigaw iya. Umiiyak siyang gumuglong sa basa at
madulas na semento. Namimilipit siya. Tangan ang sinipang pigi, ang buong anyo ng nakaangat
niyang mukha'y larawan ng matinding sakit.
Matagal din bago napawi ang paninigas ng kanyang pigi. Humihingal siya. Malikot ang kanyang mga
mata nang siya'y bumangon at itukod ang mga kamay sa semento.

Si ogor...Sa mula't mula pa'y itinuring na siya nitong kaaway...Bakit siya ginaganoon ni Ogor?

Kumikinig ang kanyang katawan. Sa poot. Sa naglalatang na poot. At nang makita niyang muling
aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain siyang muli ay tila nauulol na asong sinunggaban niya
iyon at niyakap at kinagat.

Bumagsak ang nawalan ng panimbang na si Ogor. nagyakap sila. Pagulung-gulong. Hindi siya
bumibitiw. Nang siya'y mapaibabaw, sinunud-ssunod niya: dagok, dagok, dagok... pahalipaw...
papaluka...papatay.

Sa pook na iyon, sa nakaririmarim na pook na iyon, aba ang pagtingin sa kanila. Marumi ng babae
ang kanyang ina. Sarisari ang anak. At siya isang maitim, hamak na Negro! Papatayin niya si Ogor.
papatayin. Papatayinnn!

Dagok, dagok, dagok...Nag-uumigting ang kanyang mga ugat. Tila asong nagpipilit makapaibabaw si
Ogor. Tila bakal na kumakapit ang mga kamay. Sa isang iglap siya naman ang napailalim. Dagok,
dagok. Nagpipihit siya. Tatagilid. Naiiri. Muling matitihaya. Hindi niya naiilagan ang dagok ni Ogor.
Nasisilaw siya sa araw. Napipikit siya. Mangungudngod siya, mahahalik sa lupa. Ngunit wala siyang
nararamdaman sakit. Wala siyang nararamdamang sakit!

Kakatatlo ng asawa si Inay. Si Kano...si Boyet...si Diding...At siya...Negro. Negro. Negro!

Sa mga dagok ni ogor, tila nasasalinan pa siya ng lakas. Bigla, ubos-lakas at nag-uumiri siyang
umigtad. napailalim si Ogor. Nahantad ang mukha ni Ogor. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo,
dagok...Kahit saan. Sa dibdib. Sa mukha. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, dagok, dagok...

Mahina na si ogor. Lupaypay na. Nalalaglag na ang nagsasanggang kamay. Humihingal na rin siya,
humahagok. Ngunit nagliliyab pa rin ang poot sa kanyang mga mata. Dagok. Papaluka. Dagok, bayo,
dagok, bayo, dagok...

Gumagalaw-galaw ang sabog na labi ni Ogor.

"Impen..."

Muli niyang itinaas ang kamay.

"I-Impen..." Halos hindi niya narinig ang halingling ni Ogor. "I-Impen...s-suko n-na...a-ako...s-suko...n-
na...a-ako!"

Naibaba niya ang nakataas na kamay. Napasuko niya si Ogor! Napatingala siya Abut-abot ang
pahingal. makaraan ang ilang sandali, dahan-dahan at nanlalambot siyang tumindig, nakatuon ang
mga mata kay Ogor. Wasak ang kanyang kamiseta at duguan ang kanyang likod. May basa ng dugo't
lupa ang kanyang nguso.
Marmaing sandaling walang nangahas magsalita. Walang makakibo sa mga agwador. Hindi
makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kanya.

Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kanya. Walang pagtutol sa mga mata ng mga ito.
Ang nababakas niya'y paghanga. Ang nakita niya'y pangingimi.

Pinangingimian siya!

May luha siya sa mata ngunit may galak siyang nadama. Luwalhati. Hinagud-hagod niya ang mga
kamao. nadama niya ang bagong tuklas na lakas niyon. Ang tibay. Ang tatag. Ang kapangyarihan.
Muli niyang tiningnan ang nakabulagtang si Ogor. Pagkaraa'y nakapikit at buka ang labing nag-angat
siya ng mukha.

Sa matinding sikat ng araw, tila sya ang mandirigmang sugatan, ngunit matatag na nakatindig sa
pinagwagihang larangan.
MAYO AT DISYEMBRE
ni Lamberto B. Cabual
“MAHUSAY ang pagkasulat mo nitong iyong essay tungkol sa pag-ibig, Bheng,” may paghangang
puna ni Leo sa matalino at maganda niyang estudyante. “Journalism o creative writing ang
naghihintay sa iyong kinabukasan."
Pumalakpak sa papuri ang buong klase. Tumunog ang bell at nagmamadaling nagsilabas ang mga
mag-aaral na nasa silid-aralan, liban kay Bheng.
“Sir, salamat sa papuri mo. Pinagbuti ko iyan para sa iyo. Ikaw, Sir, ang inspirasyon ko sa pagsulat.”
“Talaga, tila wala na akong ituturo sa iyo tungkol sa pagsusulat sa tema ng Pag-ibig.”
“Theory lamang iyan, Sir, gusto kong ituro mo sa akin ang application.”
“Miminsan ko lang naranasan iyon sa aking misis. Wala akong maraming karanasan tungkol doon.”
“Titser ka, maaaring turuan mong muli ang iyong puso.”
“Natuturuan ba ang puso?”
“Siyempre naman,” ngiti ni Bheng habang nakatitig ang malamlam na mata kay Leo. “Mas alam mo
’yan, Sir, dahil guro ka.”
“Sa parteng iyan e tila magaling ka kaysa akin.”
“Kung gusto mo, Sir, e, ituturo kong lahat sa iyo ang nalalaman ko sa paksang iyan.”
“Sige nga, bigyan mo ako ng lecture sa ganyang topic.”
“Doon tayo sa Plaza Mabini, Sir. Sasabihin ko sa iyo ang lahat.”
“Okey.”
MAGKASAMANG nagtungo sa liwasan ang matalisik na guro at ang brain and beauty na
estudyante.
Sa una’y masayang-masaya ang pag-uusap nila. Pinag-usapan nila ang iba’t ibang kahulugan ng
pag-ibig. Ang pakahulugan ni Balagtas sa temang ito sa walang kamatayang Florante at Laura, “O,
pagsintalng labis ang kapangyarihan, sampung mag-aama’y iyong nasasaklaw…” Ang
pananaludtod ni Huseng Batute, “Ang Pag-ibig ay may mata, ang Pag-ibig ay di bulag, ang
marunong na umibig, bawat sugat ay bulaklak!” at ang sinabi ni Apostol Pablo sa kanyang sulat sa
mga taga-Conrinto, “Matiyaga ang pag-ibig at may kagandahang-loob, hindi ito naninibugho,
nagmamapuri o nagmamataas…”
Anupa’t masiglang-masigla ang kanilang makabuluhang pag-uusap. Ang bawa’t isa sa kanila’y
naghanay ng magagandang opinion tungkol sa paksang matamang pinag-uusapan.
Nguni’t sa dakong huli’y may sinabi ang dalagang labis na ikinagulat ng guro.
“What?” tarantang napatingin si Leo kay Bheng, “ano’ng pinagsasabi mo? Nasisiraan ka na ba ng
ulo?” marahan subali’t may tatag na bulalas ni Leo habang minamalas ang tila hugis-pusong mukha
ng dalaga. Inaaninaw niya sa kislap ng mga mata ni Bheng ang katotohanan ng ipinagtapat nito.
Matipid at may bahagyang pait ang ngiting sumilay sa maninipis na labi ng binibining estudyante
bago nagsilita. "Kung pagkasira ng ulo ang pakahulugan mo roon, ay Oo…nasisiraan ako ng bait
nang dahil sa iyo," may katiyakang sagot ni Bheng habang minamalas ang maamong mukha ng
kausap na guro.
Tumanaw sa malayo, nakakunot ang noo at seryosong-seryoso ang mukha, ipinakita ni Leo sa
dalaga ang tibay ng kalooban sa kanyang mga pahayag.
“Sorry, Sir,” nangilid ang luha ng dalagang estudyante. “’Yon talaga ang aking nararamdaman.”
“Naiintidihan mo ba ang sinasabi mo?” mabalasik na tanong ng guro.
“Sir, alam ko ang aking ginagawa at sinasabi.”
“Isang malaking kahibangan!”
“Hindi, Sir,” nakatungo si Bheng, “basta ang alam ko’y mahal kita!”
“Tumigil ka sa kabaliwan mo!” pinandilatan ng guro ang magandang mag-aaral niya.
“Sir, h’wag mo akong kagalitan,” hilam na sa luha ang mga mata ni Bheng. Umiibig ako, at
nagkataong ikaw ang itinitibok ng puso ko.”
MALAKI ang agwat ng edad nina Leo at Bheng. Mag-aapatnapung taon na ang guro samantalang
ang mag-aaral niya ay labing-anim na taon pa lamang. Kumbaga sa santaon, ang dalaga’y buwan
pa lamang ng Mayo, buwan ng pamumukadkad ng bulaklak, at ng paglulunti ng paligid sa pagpatak
ng ulan.
Subali’t kahima’t buko pa lamang kumbaga sa bulaklak si Bheng, dahil sa di pangkaraniwang ganda
at talino ay di kataka-takang magkaroon ng hukbo ng mga tagahanga at manliligaw. Katunaya’y
nagkaroon na siya ng boy friend, subali’t sa napakaikling panahon lamang. Kinalasan niya agad ang
unang kasintahan sa isang malalim na dahilang hindi niya maarok. At nangyari ang pakikipagkalas
na yaon nang makilala ang iniidolo niyang guro.
Kung ihahambing ang guro sa bata pang binibini, siya’y nagsisimula nang tumapak sa buwan ng
Disyembre, na bagama’t malamig ang dapyo ng hangin dahil sa nalalapit na kapaskuhan at sa
pagpapahimakas ng lumang taon, siya’y dumanas na ng pag-uulayaw ng init at lamig, ng dilim at
liwanag. Hinog na siya sa karanasan at bantad na sa kaway ng mahiwagang pagsinta.
Kabilang si Bheng sa Advising Section ni Leo at sa simula pa lamang nang pasukan nila ng taong
iyon ay naging malapit na sila sa isa’t isa. Pinakamahusay palibhasa ang dalaga sa mga tinuturuan
ni Leo kaya palagay ang loob ng gurong ang paglapit-lapit nito ay bahagi lamang ng pamimitagan.
Datapwa’t ngayo’y nagulumihanan siya sa narinig sa pinakamatalino at pinakamagandang mag-
aaral. Hindi siya makapaniwala!
“Please, Bheng, huwag naman ako,” nagsusumamong tinig ni Leo. “Guro mo ako at eskuwela kita.”
“Ito ang aking nararamdaman, Sir.”
“Supilin mo na ang damdaming, iyan,” giit ng guro, “nakikiusap ako.”
“A, basta’t mahal kita,” biglang niyapos ni Bheng si Leo at sa pagkakaupo ng guro’y inihinang ng
dalaga ang kanyang mga labi sa mga labi nito.
May daluyong na nag-alimpuyo sa dibdib ng guro na hindi napigilan. Sinalubong niya ng nag-aapoy
ring halik ang mga labi ng magandang mag-aaral.
Pagkatapos ng simbuyong yaon ay pinagala ng guro ang paningin sa paligid. Salamat at walang
ibang tao, nasabi niya sa sarili.
ANG totoo, sa kabila ng mga pagbabawal ng guro sa iginigiit ni Bheng, ang pagtutol na iyon ay may
bahid ng pagsisimpi. May hiwagang namumugad sa kanyang dibdib. May bugtong sa puso niyang di
maihanap ng sagot.
Dapat niyang aminin sa sariling mahal din niya ang maganda at masigla niyang eskuwela. Noon pa
mang una niya itong makita at makilala ay ibig na niya itong suubin ng papuri, ibig niyang bumigkas
ng isang malamyos na tula para sa binibini, palibhasa’y isa siyang makata at guro ng panitikang
Ingles at Filipino.
Ibig kong ibukas yaring abang puso
Na bihag ng isang lihim na pagsuyo;
Mag-aaral ka ma’t ako’y iyong guro,
Nawa’y marinig mo ang piping pagsamo!
Hindi niya magawa ang pagtulang iyon, baka pagtawanan siya, dahil sa agwat ng kanilang edad. Si
Bheng ay Mayo, siya ay Disyembre. Nag-aalang-alang siya sa batambatang mag-aaral na itinitibok
ng puso. Ang mga taludtod at rimang iyon ay nanatili na lamang na naglalatak sa kanyang
kaibuturan.
Ang lalo pang malaking dahilan kaya ayaw niyang patulan ang dalaga ay may pananagutan na siya
sa buhay, bagama’t hindi sila nagkakaanak ng kabiyak sa loob ng dalawampung taong pagsasama.
NANG binata pa si Leo ay ipinagkasundo siya ng kanyang mga magulang na ipakasal sa babaeng
anak ng kumpare ng kanyang ama, si Helen. Halos magsing-edad sila nito. Hindi na siya tumutol sa
mga magulang dahil nang makita niya ang babaeng gusto ng mga magulang ay hinangaan na rin
niya ito. Ang isa pa’y ayaw niyang bigyan ng sama ng loob ang mga magulang. Laki siya sa
tradisyon ng pamilya na ang anak ay walang tanung-tanong na sumusunod sa ginugusto ng ama’t
ina.
Gusto rin ni Helen si Leo, kaya naganap ang kasalan. Magkaiba sila ng propesyon ni Helen. Ang
babae’y tagapagbalita sa radyo sa lokal na himpilan sa Lungsod ng Batangas, samantalang si Leo
ay isang guro sa mataas na paaralan. Gayunma’y magkasundo sila sa mga unang taon ng kanilang
pagsasama.
Ang hindi pagkakasupling ng mag-asawa’y naging sanhi ng unti-unting panlalamig ng kanilang
buhay-may-asawa. Gustung-gusto ni Leo na magkaanak datapwa’t ang babae’y hindi mandin
interesado sa gayon. Magandang babae si Helen, matangkad, at ang lalong makatatawag ng pansin
ay ang magandang hubog ng katawan nito. Sa loob ng unang pitong taong pagsasama’y ayaw pang
mag-anak, hindi niya nais na masira ang anyo ng balingkinitang katawan.
Sa pakiusap ni Leo ay pumayag na rin si Helen na mag-anak sa ikawalong taon ng kanilang
pagiging mag-asawa. Subali’t ang kasunduang yao’y biniro ng tadhana. Sinabi ng doktor ng pamilya
na si Helen ay hindi na maaaring magkaanak. May kapansanan siya sa matris at hindi maaaring
magdalantao.
Ang mga pangyayaring ito’y lubhang ikinalungkot ni Leo. Pumanaw ang pag-asa niyang magkaroon
ng mga anak. Nalungkot din si Helen. Mula noo’y mag-usap-dili ang mag-asawa, bagama’t hindi
naman sila nag-aaway.
“SIR, mahal mo rin ako, hindi ba?” nakatingin ni Bheng sa guro.
Nakatungo si Leo, animo’y aliping natutop sa pang-uumit ng mahalagang bagay na pag-aari ng
kanyang panginoon, animo’y bilanggong nadakip ng kanyang tanod sa tangkang pagtakas.
“Huwag mong linlangin ang iyong sarili, Sir,” pagpapatuloy ng dalaga, “sabihin mo ang katotohanan.”
“Magtigil ka,” pagmamatigas pa rin ni Leo. “Di mo ba alam na kung papatulan kita’y masisira ang
buhay mo?”
“Ano’ng halaga ng buhay kung wala ka?”
“Dala ka lamang ng simbuyo ng damdamin, Bheng.”
“Aminin mong mahal mo ako,” yumakap ang dalaga sa guro.
Ang yakap na yao’y ginanti ni Leo ng kapuwa yakap, at sa kanyang mga mata’y gumilid ang luha.
“Oo, mahal din kita,” tuluyan nang naglandas ang luha sa pisngi ng guro.
Napaiyak din si Bheng, “Sir, mahal na mahal kita!”
“Magtungo tayo sa upuan sa tabi ng punong-akasya,” kumalas sa pagkakayakap si Leo. “Kubli ang
lugar na iyon, at walang makapapansin sa atin.”
Kumalas din sa pagkakayakap ang dalagang mag-aaral, “Sige, tayo na.”
At sa upuang yaon, sa may punong-akasya, sa pagkukubli ng araw sa kanluran, sa pagtugtog ng
orasyon, ay ganap na sumanib ang Mayo sa Disyembre. Ang nagbabalang dagim ng ulan sa tigang
na bukirin ng Mayo ay tuluyang ibinuhos ng balumbon ng mga ulap. Pinaram ng Mayo ang lamig at
hinahong taglay ng Disyembre. At pinagsaluhan nila ang di karaniwang timyas ng bagong luwal na
pagsuyo.
Bago sila maghiwalay ay muling naghinang ang kanilang mga labi. Nasa gayon silang akto nang
biglang humantad ang asawa ni Leo, si Helen.
“Aha, ang magaling kong asawa,” malakas ang tinig ng maybahay ni Leo, “at kaya pala ginagabi sa
pag-uwi ng bahay ay may batang-batang kerida!”
“Helen!” mangha ni Leo.
“Sayang, guro ka pa naman na dapat maging huwaran ng iyong mga mag-aaral,” galit na galit ang
ginang. “At ikaw, batang babae, na eskuwela yata niya, di mo ba alam na mawawasak ang
kinabukasan mo sa lalaking iyan!”
Walang kibong napatungo si Bheng.
Matalim na tingin ang itinudla ni Helen kay Leo, “Sa bahay, Leonardo, pagkikita natin … magtutuos
tayo!”
Magsasalita pa sana si Leo, nguni’t biglang tumalilis si Helen. Sumakay ng kotse at pinaharurot iyon.
Sa pangingipuspos, napaupong nanlulumo si Leo, samantalang si Bheng ay umiyak nang umiyak sa
dibdib ng itinatanging guro.
Sa kanilang mga puso’y gustung-gustong papaghugpungin nina Leo at Bheng ang malaking puwang
ng kanilang panahon. Bakit hindi sila naging magkapanahon?—bakit kailangang si Bheng ay maging
Mayo at si Leo ay maging Disyembre? Bakit?
Hindi batid ng Mayo at Disyembre kung sa takipsilim ng kanilang lunting suyuan ay may umaga
pang naghihintay!
Tanging Pamana
Tanging Pamana Ni: Hilario Coronel

"Karunungan… tanging pamana ng magulang na sasandatahin ng anak sa pagtugpa sa dako pa roon ng buhay."

Kung may mga amang matatala sa kasaysayan dahil sa kahigpitan sa anak, si Tatang ay makakabilang marahil. Hindi
naman malupit si Tatang. Sa kanya, basta tama ka’y tama ka, bagamat hindi ka niya pupurihin nang harapan.
Ngunit kapag gumawa ka ng kaaliwaswasan ay humanda ka’t madudurog sa iyo ang lanubo ng bayabas.

Hindi nawawalan si tatang ng lanubo ng bayabas na nakasuksok sa dinding. Lagi ring nakasabit sa isang pako sa
dinding ang kanyang lumang sinturon. Bihirang mamalo si Tatang, ngunit pangilagan mo naman ang kabihirang
iyon.

Kaipala’y dahil sa ako ang bunsong anak na lalaki kung kaya malimit na ako ang kasama ni Tatang kung umaahon
siya sa bayan. Madalas ituro sa akin ni Tatang ang paaralang elementarya sa kabayanan.

-Diyan ka mag-aaral anak, pagkatapos mo ng apat na grado sa’tin, - laging sinasabi ni Tatang.

Ngunit hindi ang sinasabi noon ni Tatang ang laman ng aking isipan. Ang ibig ko’y makahiwalay sa kanya at
makasama ang maraming batang nagtakbu-takbo sa daan. Ang nasa gunita ko’y ang holen at buwal-preso na
iniwan ko sa amin.

Wala akong hilig sa pag-aaral noon. Nakaiinip sa akin ang pag-upo sa desk sa loob ng iskwelahan. Inaantok akong
lagi sa pakikinig sa pagkukuwento ng aming maestra. Subalit hindi ko masabi iyon kay Tatang. Tiyak na
makakagalitan lamang niya ako.

Minsan ay palaban ako ng babag sa iskuwelahan. Nang umuwi ako’y punit-punit ang aking damit. Nalaman pala
agad iyon ni Tatang. Hindi pa ako nakapapanhik ay nakita ko na sa pinto si tatang - naghihintay sa akin. Halos
mangatog ako sa takot.

Nang mailapag ko ang aking mga libro sa papag ay narinig kong nagsalita si Tatang. Hindi natuloy ang tangka kong
pagpanaog. Patag na patag ang boses ni Tatang.

- Dumapa ka!

Wala akong nagawa kundi umunat sa sahig. Ngunit nakataas ang aking ulo.
- T-tatang...- parang pagtutol ko.
- Baba’ng ulo
Pumikit na lamang ako matapos kong idikit ang aking mukha sa sahig.

- Di ba kabilin-bilinan ko’y huwag kang makikipagbagbagan?

- Opo! - Wala akong ibang maisasagot.

- Di ba kabilin-bilinan ko’y ang pag-aaral ang asikasuhin mo?

- Opo!

- Uli-uli’y magtatanda ka!

Hindi na ako nakasagot sapagkat lumagapak na sa aking pigi ang sinturon ni Tatang. Kung mamalo si tatang ay
minsan lamang, hindi na inuulit, sapagkat talagang hindi na kailangang ulitin. Halos mamilipit ako sa sakit. Subalit
hindi man lamang ako nakaingit.

Ayaw na ayaw ni Tatang na kami’y iiyak dahil lamang sa pagkakapalo. Ang pag - iyak daw ay tanda ng kahinaan ng
pusong - babae.

Ang ano mang pagkagalit ni Tatang ay madali niyang nalilimot. Nang hapong iyong napalo ako ay sa tabi ko siyang
nahiga sa pagtulog.

- Mag-aral kang mabuti, Anak, Ayokong ang pinagdaanan ko’y manahin mo pa. Ikaw man lang e maiba sa mga
kapatid mo. Ikaw man lang e may marating...

Ngunit hindi ko kayang unawaa\in noon ang sinasabi ni Tatang. Ang nararamdaman ko’y hapdi ng aking pigi. Ang
nasa dibdib ko’y pagtatampo o marahil ay sama ng loob kay Tatang dahil sa pagkakapalo sa akin.

- ‘Yan lang ang tanging pamanang maiiwan ko sa’yo.

Lalong hindi ko maunawaan ang pangungusap na iyon ni Tatang. Pumikit ako nang mariin, ngunit nanatili akong
gising. Nagtulug-tulugan ako, at makaraan ang ilang sandali’y bumangon si tatang at umalis sa aking tabi.

Kung anong higpit ni tatang ay siya namang luwag ni Inang, bagamat kapag sinabi ni tatang na ayaw niya ay walang
masabi ang aking ina. Lahat kaming magkakapatid ay di makasuway kay tatang. At kapag nagsasalita siya’y tahimik
kaming lahat. Sa munting pagkakamali nami’y “sinasabon” kami, at kapag kaaliwaswasan na nga ay lanubo ng
bayabas o lumang sinturon ang sasayad sa aminng pigi.
Subalit nagagawa rin ni tatang na maging masaya kami. At matapos siyang “magsermon” ang pangaral niya’y
nauuwi sa pagpapatawa. Ako ang laging nakikita ni tatang sa gayong pagkakataon.

- Suminga ka muna, - sasabihin ni tatang sa akin. - tila me bara’ng ilong mo.

Hindi ako sasagot; ni hindi ako matatawa. Kung mangiti man ako’y pilit na pilit lamang. Sa loob - loob ko, lagi na
lamang ako ang nakagagalitan. Sapagkat sa aming magkakapatid ay madalas na ako ang makatikim ng sinturon ni
tatang. At kahit nagpapatawa si Tatang, ang nagugunita ko’y ang matitinding palong tinanggap ko, at kaypala’y
tatanggapin pa.

Nang nasa hayskul na ako’y hindi nagagamit sa akin ni tatang ang lanubo ng bayabas at ang lumang sinturon.
Subalit mahigpit parin siya, nakikita parin niyang lagi ang munting pagkakamali at pagkukulang ko, hindi ko parin
masusunod ang balang maibigan ko.

Isang kamag-aral na tagabayan ang madalas kong ihatid sa pag-uwi. Yaon ang aking unang pag-ibig. Ngunit sa di ko
malamang pangyayari, nabalitaan iyon ni Tatang.

- huwag mo munang isipin ang pag-aasawa. Madaling humananp ng mapapangasawa... kapagtapos ka na’y babae
na ang hahabol sa'yo...

- Ano’ng gagawin mo kung magkaasawa ka? Labing - walong taon ka lang. Gusto mo bang matulad sa ibang kapatid
mong nagsipag-asawa agad... na nakatayo pa’ng tanim na palay e wala nang uhay?

Marami pang sinabi si Tatang, ngunit ang huling pangungusap niya’y parang idinuldol sa aking Mukha. - Batang -
bata ka pa...

- Bata pa ba’ng palagay n’yo sa ‘kin? - Napalakas ang aking tinig.

Nabigla si tatang. Ako ma’y nabigla rin sa pagkakasagot ko sa kanya. Inaasahan kong hahagilapin ni tatang ang
kanyang lumang sinturon o ang lanubo ng bayabas at ako’y bibirahan ng hagupit. Ngunit naglapat lamang ang mga
labi ni Tatang. At pagkaraa’y nanaog siya.

Kinabukasan ay wala man lamang binaggit si tatang ukol sa akin nang nag-agahan na kami. Hindi ako makatingin
kay tatang.

Tuwing hapon, bago kumagat ang dilim ay nasa amin na ako. Datapwat isang araw ay napasama ako sa ilang
kaklase sa pag-aaral ng sayaw. Malapit nang magdaos ng sayawan sa aming klase at ibig kong makadalo. Nang
umuwi ako’y maghahatinggabi na.
Dinatnan ko si tatang na lamang ang gising sa amin. Nagmano akong kinakabahan. Ngunit hindi niya itinanong kung
bakit ako ginabi sa pag-uwi. Hindi ko nakita ang dating anyo niya kung ako’y nakagagawa ng isang bagay na hindi
niya naibigan.

- Kumain ka na ba? - Iyon lamang ang itinanong ni tatang. Binantayan ako ni tatang habang kumakain. At nang
patayin niya ang gasera at mahiga siya ay nakahiga na ako.

Hindi ko na kinaringgan ng pangaral si tatang buhat noon. Kung ginagabi ako sa pag-uwi’y wala siyang sinasabi.
Kung nakagagawa ako ng munting pagkakamali na dating ikinagalit niya ay hindi siya nagsisiklab.

Nang muli kong marinig ang pangaral ni Tatang ay hindi ako nakagawa ng ano mang pagkukulang o pagkakamaling
sukat niyang ikagalit. Noo’y ibang-iba ang pagsasalita ni Tatang.

Tapos ka na sa hayskul, anak. Palagay ko’y me sapat ka ng lakas at puhunan upang ikaw na’ng magpatuloy sa’ming
nasimulan na. Sikapin mong makakita ng trabaho sa Maynila...

Tumango lamang ako. Nakatitig ako sa mukha ni tatang.

- Pero higit sa lahat, sikapin mong makapag-aral at makatapos. Wala kaming maipamamana sa’yo, - at nabasag ang
dating patag at matigas na tinig ni tatang. -
Wala kaming maaangking sariling lupa kundi ang putik na dumikit sa suwelas ng aming sinelas
... Ikaw man lang e maiba sa’yong mga kapatid...

Sa pagkatitig ko noon kay Tatang, nakita ko ang maraming taong pinagdaanan ng aking ama: marami nang salit na
puti ang kanyang buhok, malalalim ang gatla sa kanyang noo, at bahagya na siyang hukot.

Saka ko biglang nagunita ang maraming taong nakaraan - kung papaano kami napalaki ni tatang, sa tulong ni Inang.
Isang magsasaka si tatang. Kung walang trabaho sa bukid ay lumuluwas siya sa Maynila at nakararating sa mga
kanugnog-bayan sa pag-aanluwage. Nagtrabaho rin si tatang sa patubig na itinayo sa aming lalawigan. Si inang
nama’y tumatanggap ng tahiin. Naging katulong siya ni tatang sa lahat ng hirap sa pagpapalaki sa amin.

Kinasihan naman ako ng kapalaran sa Maynila. Nakakita ako ng trabaho at nakapag-aral sa gabi. Isinulat ko agad
iyon sa aking ama at ina. Alam kong labis nilang ikagagalak ang balitang iyon. Sa aming nayon ay ako ang kauna-
unahang nakapag-aral sa tanyag na unibersidad sa maynila pagkaraan ng liberasyon.

Pagkaraan ng isang buwan ay umuwi ako sa amin. Tuwang-tuwa si Inang. Tatayo-uupo naman si Tatang at tingin
nang tingin sa akin. Naroon ang aking ibang mga kapatid na pawang may asawa na.
Nang gabing iyon, bago matulog, ay kaharap ko si tatang at si Inang ang salita nang salita. Pasingit-singit lamang si
Tatang.

- Tingnan mo anak, maraming nakapupuri sa tatang mo, - ani Inang - katulad din daw natin silang ‘sang kahig ‘sang
tuka e nakapagpapaaral pa kami ng anak sa maynila...

- Hindi naman lahat, -lahok ni Tatang.

Napatingin ako kay Tatang at pagkaraa’y kay Inang.

- Oo nga nak, - amin ni Inang. - Kung me nakapupuri man sa’min ng ‘yong ama e meron din namang kumukutya.

- Ano hong kumukutya? - Napakunot-noo ako. Napakalakas daw ng loob namin. Kinaya raw namin ang hindi kaya.

Napakagat labi ako. Sa aming nayon ay talagang gayon - kung maynatutuwa man sa iyo’y hindi naman nawawalan
ng nangimgimbulo o naiinggit.

Pero huwag mo silang intindihin Anak, - patuloy ni iang. - Alam mo naman dito sa’tin. Kung pinapag-aral man ang
isang anak e para matutong bumasa at sumulat lamang. Pagkatapos e kinakatulong na sa bukid o sa pagtitinda at
paglala ng sumbrero.

Nasaktan ang aking damdamin sa ipinagtapat na iyon ni inang. At sa isipan ko’y nagtumining ang pasiyang
magsikap sa pag-aaral at ipakilalang mayroon akong mararating.

Dumalang ang pagkikita namin ni tatang at ni Inang. Nagsikap ako sa pag-aaral, ginawa kong araw ang gabi,
hanggang makatapos ako ng karunungan sa pagpapahayag at mapaugnay sa isang malaganap na lingguhan.

Nasa pasulatan ako isang araw nang tumanggap ako ng balita mula sa amin: malubha raw si Tatang!

Nabigla ako sa balitang iyon. Nagpaalam ako sa aming patnungot at ako’y karakang umuwi sa amin.

Dinatnan kong nakaratang si Tatang, ngunit hindi pa ganap na magaling ay nanaog at nagbunot ng damo sa aming
bakuran. Nabinat si Tatang. Ayon sa manggagamot na tumitingin ay ibigay na raw kay Tatang ang anumang
maibigan niya.

Nakapagsasalita pa nang malinaw si Tatang. At malinaw pa rin ang kanyang paningin. Nakilala niya agad ako nang
lumapit.
- Anuman ang ipagkaloob ng Diyos Anak, - simula ni Tatang, - e hindi na’ko nag-aalala... Me maiiwan na ‘kong
pamana sa’yo. Wala akong tanging maipagbilin sa’yo kundi...papag-aralin mo ang ‘yong kapatid na bunso...at...at
pumili ka ng mapapangasawang... kung buhay man ako’y maipagmamalaki ko...

Ibig kong magsalita, ngunit tuyung-tuyo ang aking lalamunan. Yaon ang kahuli-hulihang pangaral sa akin ni Tatang.
Ibig kong maiyak. Subalit nagunita kong ayaw ni Tatang ng umiiyak. Tumalikod na lamang ako upang ikubli ko sa
kanya ang luhang nangilid sa aking mga mata.

Nang ganap kong maunawaan ang kahulugan ng lahat ng paghihigpit ni Tatang, ng kanyang mga pangaral, ng
kanyang pagsisikap na mapag-aral ako ay noong umaga ng ikalawa ng Mayo, apat na taon na ngayon ang nakaraan.

Noong yumao si Tatang.

Napaiyak ako at nalaglag ang aking Luha. Ngunit ang pag-iyak ko’y isang pagkaunawa sa tanging pamanang sinasabi
ni Tatang. Ang Tahimik kong luha, habang ipinapasok sa nitso ang bangkay ni Tatang, ay isang pagkaunawa sa lahat
ng paghihigpit ni Tatang na natutuhan kong paghimagsikan. Sa paghihigpit na yao’y naihanda ako ni Tatang sa
pagharap sa buhay.

Yaon ang tanging pamanang naiwan ni Tatang sa akin.


Uhaw ang Tigang na Lupa ni Liwayway A. Arceo
1
Ilang gabi nang ako ang kapiling niya sa higaan. Tila musmos akong dumarama sa init ng
kanyang dibdib at nikikinig sa pintig ng kanyang puso. Ngunit, patuloy akong nagtataka sa
malalim na paghinga niya, sa kanyang malungkot na pagtitig sa lahat ng bagay, paghikbi...
2
Ilang araw ko nang hindi nadadalaw ang aklatan: ilang araw ko nang hindi nasasalamin ang
isang larawang mahal sa akin: bilugang mukha, malapad na noo, hati-sa-kaliawang buhok,
singkit na mga mata, hindi katangusang ilong, mga labing duyan ng isang ngiting puspos-
kasiyahan...Sa kanya ang aking noo at mga mata. Ang aking hawas na mukha, ilong na
kawangki ng tuka ng isang loro, at maninipis na labi, ay kay Ina...
3
Sa Ina ay hindi palakibo: siya ay babaing abilang at sukat ang pangungusap. Hindi niya ako
inuutusan. Bihira siyang magalit sa akin at kung nagkakagayon ay maikli ang kanyang
pananalita: Lumigkit ka!...At kailangang ‘di ako makita. Kailangang ‘do ko masaksihan ang
kikislap na poot sa kanyang mga mata. Kailangang ‘di ko namamalas ang pagkagat niya sa
kanyang labi. Kailangang ‘do ko na makita ang panginginig ng kanyang mga daliri. Ito rin
ang katumbas ng kanyang mariing huwang kung mayroon siyang ipinagbabawal.
Ang ngiti ni Ina ay patak ng ulan kung tag-araw: ang bata kong puso ay tigang na lupang
uhaw na uhaw...
4
Minsan man ay hindi ko narinig na may pinagkagalitan sila ni Ama bagama’t hindi ko
mapaniwalaang may magkabiyak ng pusong hindi nagkakahinampuhan. Marahil ay
sapagkat kapwa sila may hawak na kainawaan: ang pagbibigayan sa isa’t isa ay hindi
nalilimot kailanman.
5
Kung gabi ay hinahanap ko ang kaaliwang idinudulat ng isang amang nagsasalaysay tungkol
sa mga kapre at nuno at tungkol sa magagandang ada at prinsesa; ng isang nagmamasid at
nakangiting ina; ng isang pulutong ng nakikinig na magaganda at masasayang bata.
Ngunit, sa halip niyon ay minalas ko si Ama sa kanyang pagsusulat; sa kanyang
pagmamakinilya; sa kanyang pagbabasa. Minamasdan ko kung paano niya pinapangunot
ang kanyang noo; kung paano niya ibinubuga ang asong nagbubuhat sa kanyang tabako;
kung paano siya titingin sa akin na tila may hinahanap; kung paano niya ipipikit ang
kanyang mga mata; kung paano siya magpapatuloy sa pagsulat...
Si Ina ay isang magandang tanawin kung nanunulsi ng mga punit na damit; kung nag-
aayos ng mga uhales at nagkakabit ng mga butones sa mga damit ni Ama. Sa kanyang
pagbuburda ng aking mga kamison at panyolito – sa galaw ng kanyang mga daliri – ay
natutunghan ko ang isang kapana-panabik na kuwento. Ngunti, ang pananabik na ito’y
napapawi.
Kabagu-tbagot ang aking pag-iisa at ako ay naghahanap ng kasama sa bahay: isang batang
marahil ay nasa kanyang kasinungalingang gulang o isang saggol na kalugud-lugod, may
ngiti ng kawalang-malay, mabango ang hininga, may maliit na paa at kamay na
nakatutuwang pisilin, may mga pisngi at labing walang bahid-kasalanan at kasiya-siyang
hagkan, o isang kapatid ba kahulihan ng gulang, isang maaaring maging katapatan...
6
Sakali mang hindi nagkagalit si Ina at Ama, o kung nagkakagalit man ay sadyang hindi
ipinamamalay sa akin, ay hinahanap ko rin ang magiliw na palitan ng mga titig, ng mga
ngiti, ng mga biruan.
Sapat na ang isang tuyot na aalis na ako sa pagpapaalam ni Ama. Sapat na ang naningil na
ang maniningil sa ilaw o sa tubig o sa telepono upang sakupin ang panahong itatagal ng
isang hapunan. Sapat na panakaw sa sulyap ni Ama upang ipadamang may naririnig siya.
Mabibilang sa mga daliri ng aking dalawang kamay kung makailan kaming nagpasyal: Si
Ama, si Ina at ako. Malimit na ako ang kasama ni Ina; hindi ko nakitang sinarili nila ang
pag-aaliw.
7
Inuumaga man si Ama sa pag-uwi kung minsan ay hindi ko kinapapansinan ng kakaibang
kilos si Ina. Nahihiga rin siya pagdating ng mga sandali ng pamamahinga at kung
nakatutulog siya o hindi ay hindi ko matiyak.
Marahil ay ito ang tunay na madarama ng kataling-puso ng isang taong inaangkin ng
madla...
Ngunit, walang pagsisisi sa kanyang tinig.
8
Ilang taon na ngayon ang nakaraan nang minsang may ibinalik na aklat ang aming
tagapaglaba: yaon daw ay nakuha niya sa isang lukbutan ng amerikana ni Ama. Ibinigay ko
yaon kay Ina: yaon daw ay talaarawan ni Ama.
Kinabukasan ay may bakas ng luha ang mga mata ni Ina. Kapansin-pansin ang lalo niyang
hindi pagkabo buhat noon. Lalo siyang naging malungkot sa aking paningin.
Ano ang nasa isang talaarawan?
9
Lasing na lasing si Ama. Karaniwan nang umuuwing lasing si Ama ngunit, kakaiba ang
kalasingan niya nagyong gabi. Hinihilamusan siya ni Ina ng malahiningang tsaa, ngunit wala
itong naibigay na ginhawa.
Hindi rin kumikino si Ina: nasa mga mata niya ang hindi maipahayag na pagtutol.
Sapagkat may isusulat ako...sapagkat ikamamatay ko ang pighating
ito...sapagkat...sapagkat...sapagkat...
10
Idinaraing ngayon ni Ama ang kanyang dibdib at ulo: hindi raw siya makahingang mabuti.
Marahil ay may sipon ka, ani ina. Sinisinat ka nga.
Isang panyolitong basa ng malamig na tubig ang itinali ko sa ulo ni Ama. Wala siyang tutol
sa aking ginagawa. Sinusundan niya ng tingin ang bawat kilos ko.
Ang kanyang mga bisig, buhat sa siko hanggang sa palad, at ang kanyang binti, buhat sa
tuhod hanggang sa mga talampakan, ay makailan kong binuhusan ng tubig na mainit na
inakala kong matatagalan niya – tubig na pinaglagaan ng mga dahong ng alagaw. Kinulob
ko siya ng makakapal na kumot matapos na inumin niya ang ibinigay kong mainit na tubig
na pinigaan ng kalamansi.
Nakangiti si Ama: Manggagamot pala ang aking dalaga!
Sinuklian ko ng isang mahinang halakhak ang ngiti niyang yaon: hindi ako dating binibiro ni
Ama.
Sana’y ako si na sa mga sandaling yaon: sana’y lalo kong ituturing na mahalaga ang
nadarama kong kasiyahan...
11
Nabigo ako sa aking pag-asa: nakaratay nang may ilang araw si Ama. Halos hindi siya
hinihiwalayan ni Ina: si ilalim ng kanyang mga mata ay may mababakas na namang maiitim
na guhit.
Anang manggagamot ay gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya. Ngunit, ayaw
niyang ipagtapat sa akin ang karamdaman ni Ama.
12
Ipinaayos ngayon ni Ama ang kanyang hapag. Nililinis ko ang kanyang makinilya. Idinikit ko
ang kagugupit na kuwentong kalalathala pa lamang. Pinagsama-sama ko ang mga papel sa
kanyang mga kahon.
Ang pang-ilalim na kahon ng kanyang hapag ay nagbigay sa akin ng hindi gagaanong
pagtataka: may isang kahitang pelus na rosas at isang salansan ng mga liham. Maliliit at
mga bilugang titik bughaw na tinta sa pangalan ni Ama sa kanyang tanggapan ang mga
nasa sobre.
13
Ang larawan sa kahitang pelus ay hindi yaong hawas na mukha, may ilong na kawangki ng
tuka ng isang loro, maninipis na labi. Sa likod niyon ay nasusulat sa maliliit at bilugang mga
titik sa bughaw na tinta: Sapagkat ako’y hindi makalimot... Ang larawan ay walang lagda
ngunit nadama ko ang biglang pagkapoot sa kanyang at sa mga sandaling yaon ay
natutuhan ko ang maghinanakit kay Ama.
14
Bakit sa panahong ito lamang tayo pinaglapit ng pangyayari? Higit marahil ang aking
katiwasayan kung hindi ka dumating sa aking buhay, bagamat hindi ko rin marahil matitiis
na hindi maipagpalit ang aking kasiyahan sa isang pusong nagmamahal. Totoong ang
kalagayan ng tao sa buhay ang malimit maging sagwil sa kanyang kaligayahan...
15
Naiwan na natin ang gulang ng kapusukan; hindi na tayo maaaring dayain ng ating
nadarama. Ngunit, nakapagitan sa atin ngayon ang isang malawak na katotohanang
pumupigil sa kaligayahan ang hindi natin maisakatuparan ay buhayin na lamang natin sa
alaala. Panatilihin na lamang natin sa diwa ang katamisan ng isang pangarap; sana’y huwag
tayong magising sa katotohanan...
16
Nakita ko siya kagabi sa panaginip; sinusumbatan niya ako. Ngunit, hindi ko balak ang
magwasak ng isang tahanan. Hindi ko maatim na mangnakaw ng kanyang kaligayahan;
hindi ko mapababayaang lumuha siya dahil sa akin. Ang sino mang bahagi ng iyong buhay
ay mahal sa akin; ang mahal sa akin ay hindi ko maaaring paluhain...
17
Ang pag-ibig na ito’y isang dulang ako ang gumaganap ng pangunahing tauhan; sapagkat
ako ang nagsimula ay ako ang magbibigay-wakas. Ipalagay mo nang ako’y nasimulang
tugtuging nararapat tapusin. Gawin mo akong isang pangarap na naglalaho pagkagising.
Tulungan mo akong pumawi sa kalungkutang itong halos pumatay sa akin...
18
Ngunit, bakit napakahirap ang lumimot?
19
Nadama ko ang kamay ni Ina sa aking kanang balikat: noon ko lamang namalayan na may
pumasok sa aklatan. Nakita niya ang larawang nasa kahitang pelus na rosas. Natunghan
niya ang mga liham na nagkalat sa hapag ni Ama.
Si Ina ay dumating at lumisang walang binitiwang kataga. Ngunit, sa kanyang paglisan ay
muling binati ng kanyang palad ang aking balikat at nadarama ko pa ang salat ng kanyang
mag daliri; ang init ng mga iyo, ang bigat ng kanilang pagkakadantay...
20
Ang katahimikang namagitan sa amin ni Ina ay hindi pa napapawi. Iniiwasan ko ngayon ang
pagsasalubong ng aming mga titig; hindi ko matagalan ang kalungkutang nababasa ko sa
mga paninging yaon.
21
Hiningi ni Ama ang kanyang panulat at aklat-talaan. Nguni, nang mapaniwala ko siyang
masama sa kanyang ang bumangon ay kanyang sinasabi: Ngayon ay ang aking anak ang
susulat nang ukol sa atin...At sa anya’y isang dalubhasang kamay ang uukit niyon sa itim
na marmol. Ngunit, hindi ko maisatitik ang pagtutol na halos ay pumugto sa aking
paghinga.
Nasa kalamigan ng lupa ang kaluwalhatian ko!
Kailanman ay hindi ko aangkining likha ng aking mga daliri ang ilang salitang ito.
22
Huwag kang palilinlang sa simbuyo ng iyong kalooban; ang uang tibok ng puso ay hindi
pag-ibig sa tuwina...Halos kasinggulang mo ako nang pagtaliin ang mga puso namin ng
iyong Ina...Mura pang lubha ang labingwalang taon...Huwag ikaw ang magbigay sa iyong
sarili ng mga kalungkutang magpapahirap sa iyo habang-buhay...
Muli kong nadama ang tibay ng buhol na nag-uugnay ng damdamin ni Ama sa akin.
23
Kinatatakutan ko na ang malimit na pagkawala ng diwa ni Ama.
Si Ina ay patuloy sa kanyang hindi pagkibo sa akin, patuloy sa kanyang hindi pag-idlip,
patuloy sa kanyang pahluha kung walang makakita sa kanya...
24
Ang kanang kamay ni Ina ay idinantay sa noo ni Ama at ang pagtatanan ng isang nais
tumakas na damdamin sa kanyang dibdib ay tinimpi ng pagdadaop ng kanyang ngipin sa
labi.
Naupo siya sa gilid ng higaan ni Ama at ang kaliwang kamay nito ay kinulong niya sa
kanyang mga palad.
Magaling na ako, mahal ko...magaling na ako...sa muli mong pagparito ay sabihin mo sa
akin kung saan tayo maaaring tumungo...ang moog na itong kinabibilangguan ko’y aking
wawasakin...sa ano mang paraan...sa ano mang paraan...
Ang malabubog na tubig na bumabakod sa mga pangingin ni Ina ay nabasag at ilang butil
niyo ang pumatak sa bisig ni Ama. Mabibigat na talukap ang pinilt na iminulat ni Ama at sa
pagtatagpo ng mga titig nila ay gumuhit sa nanunuyo niyang labi ang isang ngiting punung-
puno ng pagbasa. Muling nalapat ang mga durungawang yaon ng isang kaluluwa at hindi
niya namasid ang mga matang binabalungan ng luha: ang mga salamin ng pagdaramdam
na hindi mabigkas.
25
Nasa mga palad pa rin ni Ina ang kaliwang kamay ni Ama:Sabihin mo, mahal ko, na
maaangkin ko na ang kaligayahan ko...
Kinagat ni Ina nang mariin ang kanyang labi at nang siya’y mangusap ay hindi ko naaming
kay Ina ang tinig na yaon:Maaangkin mo na, mahal ko!
Ang init ng mga labi ni Ina ang kasabay ng kapayapaang nanahanan sa mga labi ni Ama at
nasa mga mata man niya ang ilaw ng pagkabigo sa pagdurugtong sa isang buhay na wala
nang luhang dumadaloy sa mga iyon: natitiyak niya ang kasiyahang nadama ng kalilisang
kaluluwa...
Sa Pula, Sa Puti Ni Francisco "Soc" Rodrigo

Kulas: A…hem! E, kumusta ka ngayong umaga, Celing.


Celing: Mabuti naman, Kulas. Salamat at naalala mo akong kamustahin.
Kulas: Si Celing naman, bakit naman ganyan ang sagot mo sa akin?
Celing: Sapagkat pagkidlat ng mata mo sa umaga, wala ka ng iniisip kamustahin at himasin kundi
ang iyong tinali. Tila mahal mo ang tinali mo kaysa sa akin.
Kulas: Ano ka ba naman, Celing, wala ng mas mahal pa sa akin sa buhay na ito kundi ang asawa.
(Ilalagay ang kamay sa balikat ni Celing).
Celing: Siya nga ba? Ngunit kung nakikita kong hinihimas mo ang iyong tinali, ibig ko ng kung
minsang mainggit at magselos.
Kulas: Ngunit Celing, alam mo namang kaya ko lamang inaalagaang mabuti ang mga tinaling ito ay
para sa atin din. Sila ang magdadala sa atin ng grasya.
Celing: Grasya ba o disgrasya, gaya ng karaniwang nangyayari?
Kulas: Huwag mo sanang ungkatin ang nakaraan. Oo, ako nga'y napagtalo noong mga nakaraang
araw, sapagkat noon ay hindi pa ako bihasa sa pagpili at paghimas ng manok. Ngunit ngayon ay
marami na akong natutuhan, mga bagong sistema.
Celing: At noong nakaraang Linggo, noong matalo ang iyong talisain, hindi mo pa ba alam ang mga
bagong sistema.
Kulas: Iyon ay disgrasya lamang, Celing, makinig ka. Alam mo, kagabi ay nanaginip ako.
Napanaginipan kong ako'y hinahabol ng isang kalabaw na puti. Kalabaw na puti, Celing!
Celing: E ano kung puti?
Kulas: Ang pilak ay puti, samakatwid ang ibig sabihin ay pilak. At ako'y hinahabol…Hinahabol ako
ng pilak…ng kuwarta!
Celing: Ngunit ngayon ay wala nang kuwartang pilak.
Kulas: Mayroon pa, nakabaon lang. kaya walang duda, Celing. Bigyan mo lamang ako ng limang
piso ngayon ay walang salang magkakuwarta tayo.
Celing: Ngunit, Kulas, hindi ka pa ba nadadala sa mga panaginip mong iyan? Noong isang buwan,
nanaginip ka ng ahas na numero 8. Ang pintakasi noon ay nation sa a-8 ng Pebrero at sabi mo'y
kuwarta na ngunit natalo ka ng anim na piso.
Kulas: Oo nga, ngunit ang batayan ko ngayon ay hindi lamang panaginip. Pinag-aralan kong mabuti
ang kaliskis at ang tainga ng manok na ito. Ito'y walang pagkatalo, Celing. Ipinapangako ko sa iyo,
walang sala tayo ay mananalo.
Celing: Kulas, natatandaan mo bang ganyan-ganyan din ang sabi mo sa akin noong isang Linggo
tungkol sa manok mong talisain? At ano ang nangyari? Nagkaulam tayo ng pakang na manok.
Kulas: Sinabi ko nang iyon ay disgrasya!
(Maririnig uli ang sigawan sa sabungan. Maiinip si Kulas).
Sige na, Celing. Ito na lamang. Pag natalo pa ang manok na ito, hindi na ako magsasabong.
Celing: Totoong-totoo?
Kulas: Totoo. Sige na, madali ka at nagsusultada na. sige na, may katrato ako sa susunod na
sultada. Pag hindi ako dumating ay kahiya-hiya.
(Titingnan ni Celing ang pagkakabalisa ni Kulas at maisip na walang saysay ang pakikipagtalo pa,
iiling-iling na dudukot ng salapi sa kanyang bulsa).
Celing: O, Buweno, kung sa bagay, ay tatago lamang ako ng pera. O, heto. Huwag mo sana akong
sisihan kung mauubos ang kaunting pinagbilhan ng ating palay.
Kulas:
(Kukunin ang salapi)
Huwag kang mag-alala, Celing, ito'y kuwarta na. seguradong-segurado! O, Buweno, diyan ka muna.
(Magmamadaling lalabas si Kulas, ngunit masasalubong si Sioning sa may pintuan.)
Sioning: Kumusta ka, Kulas?
Kulas:
(Nagmamadali)
Kumusta…e…eh…Sioning didispensahin mo ako. Ako lang ay nagmamadali. Eh…este…nandiyan
si Celing! Heto si Sioning. Buwena-diyan ka na.
(Lalabas si Kulas).
Sioning: Celing, ano ba ang nangyayari sa iyong asawa? Tila pupunta sa sunog.
Celing: Ay, Sioning, masahol pa sa sunog ang pupuntahan. Pupunta na naman sa sabungan.
Sioning: Celing, talaga bang…
Celing: Sandali lang ha, Sioning.
(Sisigaw sa gawing kusina).
Teban! Teban! Teban!
Teban:
(Masunurin ngunit may kahinaan ang ulo).
Ano po iyon Aling Celing?
Celing:
(Kukuha ng limang piso sa bulsa at ibibigay kay Tebang).
O heto, Teban, limang piso…Nagpunta na naman ang amo mo sa sabungan. Madali, ipusta mo ito.
Madali ka at baka mahuli!
Teban:
(Nagmamadaling itinulak ni Celing sa labas).
Sioning: Ipusta ang limang piso! Ano ba ito, Celing, ikaw man ba'y naging sabungera na rin?
Celing: Si Sioning naman. Hindi ako sabungera! Ngunit sa tuwing magsasabong si Kulas ay
pumupusta rin ako.
Sioning: A…Hindi ka sabungera, ngunit pumupusta ka lamang sa sabong? Hoy, Celing, ano ba ang
pinagsasabi mo?
Celing: O, Buweno, Sioning, maupo ka't ipaliliwanag ko sa iyo. Ngunit huwag mo namang ipaalam
kaninuman.
Sioning: Oo, huwag kang mag-alala sa akin.
Celing: Alam mo, Sioning, ako'y pumupusta sa sabong upang huwag kaming matalo.
Sioning: Ah, pumupusta ka sa sabong upang huwag kayong matalo. Celing pinaglalaruan mo yata
ako.
Celing: Hindi. Alam mo'y marami kaming nawawalang kuwarta sa kasasabong ni Kulas. Nag-aalaala
akong darating ang araw na magdidildil na lamang kami ng asin. Pinilit kong siya'y pigilin. Ngunit
madalas kaming magkagalit. Upang huwag kaming magkagalit at huwag maubos ang aming
kuwarta, ay umisip ako ng paraan. May isang buwan na ngayon, na tuwing pupusta si Kulas sa
kaniyang manok ay pinupusta ko si Teban sa sabungan upang pumusta sa manok na kalaban.
Sioning:
(May kahinaan din ang ulo).
Sa anong dahilan?
Celing: Puwes, kung matalo ang manok ni Kulas ay nanalo ako. At kung ako nama'y matalo at
nanalo si Kulas, kaya't anuman ang mangyari ay hindi nababawasan ang aming kuwarta.Sioning. A
siya nga. Siya nga pala naman.
(Mag-uumpisang Maririnig ang sigawan buhat sa sabungan).
Celing: Hayan, nagsusultada na marahil. Naku, sumasakit ang ulo ko sa sigawang iyan.
Sioning: Ikaw kasi, eh. Sukat ka bang pumili ng bahay sa tapat ng sabungan.
Celing: Ano bang ako ang pumili ng bahay na ito. Ang gusto kong bahay ay sa tabi ng simbahan,
ngunit ang gusto ni Kulas ay sa tabi ng sabungan.
Sioning:
(Lalong lalakas ang sigawan).
Ah, siya nga pala, Celing naparito ako upang ibalita sa iyo na dumating na ang rasyon ng sabon sa
tindahan ni Aling Kikay. Baka tayo maubusan.
Celing: Hindi, siyempre ipagtitira tayo ni Aling Kikay. Sayang lamang ang pagkukumare namin.
(Dudungaw)
O heto na nga si Teban. Tumatakbo.
(Papasok si Teban na may hawak na dalawang lilimahin).
Teban:
(Tuwang-tuwa)
Nanalo tayo, Aling Celing, nanalo tayo!
(Ibibigay ang salapi kay Aling Celing. Agad-agad namang itatago ito.)
Celing: Mabuti Teban, o magpunta ka na sa kusina. Baka dumating na si Kulas ay mahalaga ang
ating ginagawa.
(Magmamadaling lalabas si Teban).
Sioning: O, Buweno, lumakad na tayo, Celing.
(Kukunin ni Celing ang tapis niyang nakasampay sa isang silya. Aalis na sila. Papasok si Kulas na
tila walang kasigla-sigla).
Celing: Ano ba, Kulas, tila hindi ka inabutan ng kalabaw na puti.
Kulas:
(Mainit ang ulo)
Huwag mo ngang banggitin iyan. Talagang ako'y malas. Celing, uyo'y disgrasya kamang. Ang aking
manok ay nananalo hanggang sa huling sandali. Talagang wala akong suwerte!
Celing: Iyan ang hirap sa sugal, Kulas, walang pinaghahawakan kundi suwerte!
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na ang sabong! Ni ayaw ko nang Makita ang
anino ng sabungang iyan.
Celing: Nawa'y magkatotoo na sana iyan, Kulas.
Kulas: Oo, Celing, ipinapangako ko sa iyo, hindi na ako magsasabong kailanman.
Celing: Buweno, magpalamig ka muna ng ulo. Pupunta lang kami kay Kumareng Kikay upang bumili
ng sabon.
(Lalabas sina Celing at Sioning. Sisindihan ang natitirang kalahati ng sigarilyo, hihithit at pagkatapos
ay ihahagis sa sahig at papadyakan. Pupunta sa isang silya at uupong may kalumbayan.)
Castor: Hoy, Kulas kumusta na?
Kulas: Ay, Castor…at lagi na lamang akong natatalo. Talagang ako'y malas! Akalain mo bang
kanina'y natalo pa ako? Tingnan mo lang,
Castor. Noong magsagupaan ang mga manok ay lumundag agad ang manok ko at pinalo nang
pailalim ang kalaban. Nagbuwelta pareho, at naggirian na parang buksingero. Biglang sabay na
lumundag at nagsugapaan (nagsagupaan?) sa hangin. Palo diyan, palo dini ang ginawa ng aking
manok. Madalas tamaan ang kalaban, ngunit namortalan. Sige ang batalya nila sa hangin, at
tumaas ang balahibo. Unang lumagapak ang kalaban., patihaya. Lundag ang aking manok. Walang
sugat at patayo, ngunit alam mo kung saan lumagpak?
Castor: O saan?
Kulas: Sa tari ng kalaban. Talagang ayaw ko na ng sabong.
Castor: Bakit naman? Wala pa namang maraming natatalo sa iyo.
Kulas: Ano bang walang marami? Halos, tutong na laang ang natitira sa aming natitipon.
Castor: Ngunit hindi tamang katwiran ang huwag ka nang magsabong.
Kulas: Ano bang hindi tama?
Castor: Sapagkat pag hindi ka na nagsabong ay Talagang patuluyan nang perdida ang kuwartang
natalo sa iyo. Samantalang kung ikaw ay magsasabong pa maaaring makabawi!
Kulas: Hindi Castor, lalo lang akong mababaon. Tama si Celing. Ang sugal ay suwerte-suwerte
lamang, at masama ang aking suwerte.
Castor: Ano bang suwerte-suwerte? Iyan ay hindi totoo. Tingnan mo ako, Kulas, ako'u hindi natatalo
sa sabong.
Kulas: Mano nga lang magtigil ka Castor. Kung hindi sana nakikita na ang lahat ng manok mo ay
laging nakabitin kung iuwi.
Castor: Ito si Kulas, nabastos ka na nga pala sa huwego. Oo, natatalo nga ang aking manok ngunit
nananalo ako sa pustahan!
Kulas: Ngunit paano iyan?
Castor: Taong ito…pumupusta ako, hindi sa aking manok, kundi sa kalaban.
Kulas: Eh, kung magkataong ang manok mo ang manalo?
Castor: Hindi maaaring manalo ang aking manok. Ginagawan ko ng paraan.
Kulas: Hoy, Castor, maano nga lang huwag mo akong biruin. Masama ang ulo ko ngayon.
Castor: Ano bang biro ang sinasabi mo? Ito'y totoo. At kung di lamang kita kaibigan, ay hindi ko
sasabihin sa iyo.
Kulas: Ngunit, Castor, paano mangyayari iyan?
Castor: Talaga bang gusto mo malaman?
Kulas: Aba, oo. Sige na.
Castor: O, Buweno, kunin mo ang isa sa iyong mga tinali at ipapaliwanag ko sa iyo.
Kulas: Kahit ba alin sa aking tinali?
Castor: Oo, kahit alin, sige, kunin mo.
(Lalabas si Kulas patungo sa kusina. Babalik na may dalang tinali.)
Kulas:
(Ibibigay ang tinali kay Castor).
O heto, Castor.
Castor: Ngayon, kumuha ng isang karayom.
Kulas: Karayom?
Castor: Oo, karayom. Iyong ipinanahi!
Kulas: Ah…
(Pupunta sa kahong kunalalagyan ng panahi ni Celing at kukuha ng isang karayom.)
O heto ang karayom.
Castor:
(Hawak ang tinali sa kaliwa at ang karayom sa kanan.)
O halika rito at magmasid ka. Ang lahat ng manok ay may litid sa paa na kapag iyong dinuro ay
hihina ang paa. Tingnan mo…
(Anyong duduruin ni Castro ang hita ng tinali.)
Hayan!
(Ibababa ang tinali.)
Tingnan mo. Matuwid pang lumakad ang tinaling iyan. Walang sinumang makahahalata sa ating
ginawa, ngunit mahina na ang paang ating dinuro, at ang manok na iyan ay hindi makapapalo.
Kulas: Samakatuwid ay hindi na nga maaaring manalo ang manok na iyan…Siguradong matatalo.
Castor: Natural, ngayon, ang dapat na lamang gawin ay magpunta sa sabungan…ilaban ang manok
na iyan…at pumunta nang palihim sa kalaban.
Kulas: Siya nga pala. Magaling na paraan!
Castor: Nakita mo na? Ang hirap sa iyo ay hindi mo ginagamit ang ulo mo.
Kulas:
(Balisa)
Ngunit, Castor, hindi ba iya'y pandaraya?
Castor: Oo, pandaraya…ngunit po Diyos! Sino bang tao ang nagkakuwarta sa sugal na hindi
gum,agamit ng daya? At bukod diyan, ay marami nang kuwartang natalo sa iyo. Ito'y gagawin mo
lamang upang makabawi. Ano ang sama niyan?
Kulas: Siya nga, Castor, kung sa bagay, malaki na ang natatalo sa akin.
Castor: At akala mo kay, sa mga pagkatalo mong iyan ay hindi ka dinaya.
Kulas: Kung sa bagay…
Castor: Nakita mo na. Hindi ka mandaraya, Kulas. Gaganti ka lamang.
Kulas: Siya nga, may katwiran ka.
Castor: O…eh…ano pa ang inaantay mo? Tayo na.
Kulas: Este…Castor…eh…hintayin lamang natin si Celing, ang aking asawa.
Castor: Bakit, ano pa ang kailangan?
Kulas: Alam mo na ang aking asawa ang may hawak ng supot sa bahay na ito.
Castor: Naku, itong si Kulas! Talunan na sa sabungan ay dehado pa sa bahay…Buweno, hintayin
mo siya, ngunit laki-lakihan mo ang iyong hihingin, ha? At nang makaitpak tayo ng malaki-laki.
Kulas: Oo…Este…Castor…
Castor: O, ano na naman?
Kulas: Eh…malapit na segurong dumating si Celing…alam mo'y ayaw kong Makita ka niya rito.
Huwag ka sanang magagalit kung maaari lang ay umalis ka na.
Castor:
(Tatawa)
Oo…aalis na ako. Mabuti nga at nang makahanap na ako ng kareto ng manok mo. Sumunod ka
agad, ha? Pagdating mo roon malalaban agad iyan.
Kulas: Buweno, diyan ka na. Laki-lakihan mo lang ang tipak ha?
(Lalabas si Castor. Ngingiti si Kulas, hihimas-himasin ang kanyang tinali, at hahangaan ang
nadurong hita ng tinali. Papasok sina Celing at Sioning.)
Celing: Ano ba yan, Kulas? At akala ko ba'y Isinusumpa mo na ang sabungan?
Kulas:
(Lulundag na palapit.)
Celing, ngayon na lamang. Walang salang tayo ay makababawi.
Celing: Naku, itong si Kulas, parang presyo ng asukal. Oras-oras ay nagbabago.
Kulas: Celing Talagang ngayon na lamang! Pag natalo pa ako ay patayin mo na ang lahat ng aking
tinali. Ipinangangako ko sa iyo.
Celing: Ngunit baka pangako na naman ng napapako.
Kulas: Hindi, Celing! Hayan si Sioning, siya ang testigo.
Sioning:
(Kikindatan si Celing)
Siya nga naman. Celing, bigyan mo na, ako ang testigo.
Celing: O buweno, ngunit tandaan mo, ito na lamang ha?
Kulas: Oo, Celing, itaga mo sa bato!
Celing: Magkano ba ang kailangan mo?
Kulas: Eh…dalawampung piso lamang.
Celing: Dalawampung piso?
Sioning: Susmaryosep!
Kulas: Oo, Celing. Dalawampung piso, upang tayo ay makabawi.
(Mag-aatubili si Celing).
Sioning: Sige na, Celing. Tutal ito naman ay kahuli-hulihan.
Celing: O buweno, heto.
(Bibigyan ng dalawampung piso si Kulas. Kukunin ang salapi sa baul)
Kulas:
(Kukunin ang salapi)
Ay, salamat sa iyo, Celing. Ito'y kuwarta na. Hindi ka magsisisi. O buweno, diyan na muna kayo,
hane?
(Magmamadaling lalabas si Kulas na dala ang kanyang tinali).
Celing:
(Susundan ng tingin si Kulas hanggang nasa malayo na)
Teban! Teban!
Sioning: Teban, madali ka!
(Papasok si Teban buhat sa kusina)
Teban: Opo, opo, Aling Celing.
Celing: O heta ang pera. Nasa sabungan na naman ang iyong amo.
Sioning: Madali ka. Teban, ipusta mo iyan sa manok ng kalaban.
Teban:
(Magugulat sa dami ng salapi).
Dalawampung piso ito a…
Celing: Oo, dalawampung piso. Sige, madali ka na.
Teban:
(Hindi maintindihan)
ito ba'y itotodo ko?
Sioning: Oo, todo.
Teban: Opo, naku! Malaking halaga ito…
(lalabas si Teban).
Celing: Ikaw naman, Sioning, bakit inayunan mo pa si Kulas?
Sioning: Hindi bale. Tutal, wala naman kayo sa pagkatalo.
Celing: Kung sa bagay. Ngunit hindi lamang ang kuwarta ang aking ipinagdaramdam.
Sioning: Eh ano pa?
Celing: Ang iba pang masasamang bunga ng bisyo…Sioning, alam mo namang ang bisyo ay
nagbubuntot. Karaniwang kasama ng bisyo a ng pandaraya, pagnanakaw…at kung anu-ano pa.
Sioning: Ngunit nangako naman si Kulas na ito na ang huli.
Celing: Oo nga, ngunit isulat mo sa tubig ang pangakong iyan.
(Lalong lalakas ang sigawan)
Sioning: Ang hirap sa iyo, Celing, e…hindi mo tigasan ang loob mo. Tingnan mo ako. Noong ang
aking asawa ay hindi makatkat sa monte, pinuntahan ko siya isang araw sa kanilang klub at sa
harap ng lahat minura ko siya mula ulo hanggang talampakan. E, di mula noo'y hindi na siya
nakalitaw sa klub.
Celing: Ngunit natatandaan mo ba Sioning na ikaw nama'y hindi nakalabas ng bahay nang may
limang araw, hindi ba dahil sa nangingitim ang buong mukha mo?
Sioning: Oo nga, ngunit iyon ay sandali lamang. Pagkaraan niyon ay esta bien, tsokolate na naman
kami.
Celing: Hindi ko yata magagawa iyon. Magaan pa sa akin ang magtiis lamang.
(Agad huhupa ang sigawan).
Sioning: Ayan, tila tapos na ang sultada. Sino kaya ang nanalo?
Celing: Malalaman natin pagdating ni Teban. Siya'y umuwi agad, upang huwag silang mag-abot ni
Kulas.
Sioning: Celing, mag-iingat ka naman sa pagtitiwala ng pera kay Teban.
Celing: Huwag mong alalahanin si Teban. Siya'y mapagkakatiwalaan.
Sioning: Siya nga, ngunit tandaan mong ang kuwarta ay Mainit kapag nasa palad na ng tao.
Celing: Huwag kang mag-alala…
(Papasok si Teban)
Teban:
(Walang sigla)
Aling Celing, natalo po tao.
Celing: A, natalo. O hindi bale. Tutal nanalo naman si Kulas. Buweno, Teban, magpunta ka na sa
kusina at baka dumating ang iyong amo.
(Lalabas si Teban)
Sioning: Talagang magaan ang paraan mong iyan, Celing.
Celing:
(Nalulungkot)
Siya nga.
Sioning: O, Celing bakit ka malungkot?
Celing: Dahil sa nanalo si Kulas.
Sioning: O, e ano ngayon. Kay nanalo si Kulas, kay manalo ka, hindi naman mababawasan ang
iyong kuwarta. At ikaw pa rin lamang ang maghahawak ng supot.
Celing: Oo nga, ngunit ang alaala ko'y…Ngayong manalo si Kulas, lalo siyang maninikit sa
sabungan.
(Papasok si Kulas na nalulumbay).
Kulas: Ay, Celing, Talagang napakasama ng aking suwerte! Hindi na ako magsasabong kailanman.
Sioning: Ha?
Celing: Ano kamo?
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na!
Celing: Ngunit, Kulas hindi ba't nanalo ka?
Kulas: Hindi, natalo na naman ako! At natodas ang dalawampung piso!
Celing:
(May hinala)
Kulas, huwag mo sana akong ululin. Alam kong nanalo ka.
Kulas: Sino ba ang may sabi sa iyong ako'y nanalo? Bakit ba ako nakinig sa buwisit na si Castor.
Celing: Kulas, hindi mo ako makukuha sa drama. Isauli mo rito ang dalawampung piso.
Kulas: Diyos na maawain, saan ako kukuha?
Celing:
(Lalo pang maghihinala)
Teka, baka kaya ikaw Kulas, ay mayroon nang kulasisi…at ipinatuka ang dalawampung piso.
Kulas: Celing, ano bang kaululan ito? Isinusumpa kong natalo ang dalawampung piso. Sino baga
ang nagkwento sa iyo na ako'y nanalo.
Celing: Si Teban. Nanggaling siya sa sabungan.
Sioning:
(Magliliwanag ang mukha)
A teka, Celing, baka si Teban ang kumupit ng kuwarta.
Celing: Siya nga pala.
Sioning: Sinabi ko na sa iyo, huwag kang masyadong magtitiwala.
(Pupunta si Celing sa pintuan ng kusina).
Celing: Teban! Teban!
(Lalabas si Teban)
Teban: Ano po iyon?
Celing: Teban, hindi ko akalain na ikaw ay magnanakaw.
Teban: Magnanakaw? Ako? Bakit po?
Celing: At bakit pala? Isauli mo rito ang pera.
Teban: Alin pong pera?
Celing: Ang dalawampung pisong dala mo sa sabungan kanina.
Teban: Aba e, natalo po, e.
Celing: Sinungaling! Ano bang natalo! Kung natalo ka, nanalo sana si Kulas. Ngunit natalo sa Kulas,
samakatuwid nanalo ka.
Teban:
(Hindi maintindihan)
Ha? Ano po? Kung ako'y natalo…ay…
Kulas: 'Tay kayo. Tila gumugulo ang salitaan. Teban, ikaw ba'y pumusta sa sabong kanina?
Teban: Opo.
Kulas: Saan ka nagnakaw ng kuwarta?
Teban: Kay Aling Celing po.
Kulas: Ha? Nagnakaw ka kay Aling Celing?
Teban: E…hindi po. Pinapusta po ako ni Aling Celing.
Kulas: A, ganoon! Hoy, Celing pinipigilan mo ako sa pagsabong, ha? Ikaw pala'y sabungerang
pailalim.
Sioning: Hindi, Kulas, pumupusta lamang si Celing sa kalaban ng manok mo.
Kulas:
(kay Celing)
A…at ako pala'y kinakalaban mo pa, ha?
Celing: Huwag kang magalit, Kulas. Ako'y pumupusta sa manok na kalaban para kahit ikaw ay
manalo o matalo ay hindi tayo
awawalan.
Kulas: Samakatuwid, kahit pala manalo ang aking manok ay bale wala rin.
Sioning: Siya nga at kahit naman matalo ay bale mayroon din.
Kulas: E, sayang lamang ang kahihimas at kabubuga ko ng usok sa manok. Ako pala'y parang ulol
na…
Celing: Teka muna. Ang liwanagin muna natin ay ang dalawampung piso. Teban, saan mo dinala
ang pera?
Kulas: Celing, ako man ay natalo sa pinupustahan sapagkat sa manok ng kalaban din ako pumusta.
Sioning: Naku, at lalong nag-block out.
Celing:
(Kay Kulas)
Pumusta ka sa kalaban ng manok mo?
Kulas: Oo, alam mo'y pinilayan ko ang aking tinali upang seguradong matalo at pumusta ako sa
manok ng kalaban. Ngunit, kabibitiw pa lamang ay tumakbo na ang diyaskeng manok ng kalaban at
nanalo ang aking manok.
Celing: A…gusto mong maniyope? Ikaw ngayon ang matitiyope
(Tatawa)
Kulas: Aba, at nagtawa pa.
Sioning: Siyanga. Bakit ka nagtatawa, Celing?
Celing:
(Tumatawa pa)
Sapagkat ako'y tuwang-tuwa, Sioning, dito ka maghapunan mamayang gabi. At anyayahon mo sina
Kumareng Kikay at ang iba pang kaibigan. Ako'y maghahanda.
Kulas: Ha! Maghahanda?
Celing: Oo, Teban, ihanda mo ang mga palayok, ha? At hiramin mo ang kaserola ni Ate Nena.
Teban: Opo, opo.
(Lalabas sa pintuan ng kusina)
Kulas: Ngunit paano tayo maghahanda? Ngayon lang ay natalunan tayo ng mahigpit apatnapung
piso.
Celing: Hindi bale. Ibig kong ipagdiwang ang iyong huling paalam sa sabungan.
Kulas: Huling paalam?
Celing: Oo, sapagkat ikaw ay nangako at nanumpa at bukod diyan hindi na tayo kailangang bumili
pa ng ulam.
Kulas: Bakit?
Celing: Mayroon pang anim na tinali sa kulungan. Aadobohin ko ang tatlo at ang tatlo ay
sasabawan.
(Tatawa sina Sioning at Celing. Hindi tatawa si Kulas ngunit pagkailang saglit ay tatawa rin siya.
Mag-uumpisa na naman ang sigawan sa sabungan ngunit makikita sa kilos ni Kulas na kailanman
ay hindi na siya magsasabong.)

You might also like