You are on page 1of 14

Kabanata 20 – Ang Pulong sa Tribunal

Ang tribunal ang tanging bulwagan na nagsisilbing lugar para sa pagpupulong at pag-uusap ng mga
makapangyarihan at mayayaman sa bayan. Panauhin noong araw na iyon sina Ibarra at ang guro.
Nahahati ang mga nasa pulong sa dalawang kinatawan o lapian: ang conserbador na siyang pangkat ng
mga matatanda na pinamumunuan ng Kabesa at ang liberal na binubuo naman ng mga kabataan sa
pamumuno ni Don Filipo. Ang mga paksa ng pagpupulong na iyon ay tungkol sa gaganaping kapistahan
labing-isang araw mula sa araw na iyon, mga programa at aktibidad na gagawin para sa pista, at ang
pagtatayo ng paaralan para sa bayan. Sinamantala ng mga mayayaman sa bayan ang pulong na iyon
upang makapagtalumpati kahit na walang katuturan ang ibang mga pinagsasabi. Katulad na lamang ni
Kapitan Basilyo na nakalaban ni Don Rafael. Sinalungat naman ito ni Don Filipo na nagmungkahi na
bawat gawain ay dapat may talaan ng mga gastos. Dapat din magpagawa ng isang malaking tanghalan sa
plasa at magtanghal ng palatuntunan tulad ng komedya sa loob ng isang linggo. Binanggit din ni Don
Filipo ang pagkakaroon din ng paputok upang maging lalong kasiya siya ang pista. Hindi naman lahat ay
sumang-ayon sa kanyang mungkahi. Nagbigay naman ng panukala ang Kabesa na nagsabing marapat na
tipirin ang pagdiriwang, dapay ay wala na ring paputok at ang mga gaganap sa programa ay dapat mga
taal na taga San Diego. Ang sentro din ng pagtatanghal ay dapat mga sariling ugaling Pilipino. Walang
bisa ang mga panukalang inihandog ng magkabilang pangkat sapagkat nakapagdesisyon na ang kura
tungkol sa pista. Ang mga gagawin ay anim na prusisyon, tatlong sermon, tatlong misa mayor at isang
komedya.

Kabanata 21 – Mga Pagdurusa ni Sisa

Sa narinig mula sa kusinero ay kumaripas ng takbo si Sisa pauwi sa kanilang bahay. Hindi mawala sa
kanyang isipan ang mga pangitain na dadamputin ng mga gwardiya sibil ang kanyang mga anak at ang
bintang na pagnanakaw ng salapi ng dalawang bata. Namataan niya ang mga gwardya sibil na papalayo
sa kanilang bahay, bagay na nakagaan sa kanyang takot sapagkat hindi nito kasama ang kanyang mga
anak. Nang magpang-abot sila ng gwadiya sibil sa daan, pilit siyang pinaamin na ilabas ang dalawang
onsang ninakaw ng kanyang mga anak. Bingi ang mga gwardiya sibil sa kanyang pagmamakaawa at
pangangatwiran kung kaya't kinaladkad siya ng mga ito papuntang kwartel. Hiyang- hiya si Sisa habang
kinakaladkad ng mga gwardiya sibil sa harap ng taong-bayan, lalo na ng sa oras na iyon ay natapat na
tapos na ang misa at ang mga tao ay kasalukuyang lumalabas ng simbahan. Lahat ay napapatigil sa
nagaganap na eksena sa lansangan at walang magawa si Sisa kundi panghinaan ng loob at mag-iiyak.
Pagdating sa kwartel ay inihagis siya ng mga ito at nagsumiksik na lamang siya sa isang sulok. Bingi ang
lahat sa kanyang pakiusap at pagmamakaawa. Tanghali na ng pakawalan siya ng Alperes. Umuwi si Sisa
sa kanilang bahay at muling hinanap ang kanyang mga anak. Ngunit ala ni anino o tinig ng mga bata
kahit sa bakuran. Pumanhik muli siya ng bahay at namataan niya ang punit na damit ni Basilio na may
bahid ng dugo. Hindi niya matanggap ang nasilayan at nilamon ng pighati ang kanyang katinuan.
Nagpalaboy-laboy siya sa lansangan habang sinasambit ang pangalan ng kanyang mga anak.

Kabanata 22 – Liwanag at Dilim


Ito ang araw ng pagdating ni Maria Clara at ni Tiya Isabel sa San Diego upang mamalagi doon para sa
pista ng bayan. Kumalat ang balita ng kanyang pagdating sapagkat kinagigiliwan siya lahat ng mga tao
doon. Kumalat din ang madalas na pagkikita nila ni Ibarra, bagay na ikinagalit ni Padre Salvi. Napapansin
naman ni Maria Clara ang pagbabago ng kilos at mga titig nito tuwing siya ay kaharap. Plano ng
magkatipan na magkaroon ng piknik sa ilog kasama ang kanilang mga kaibigan. Iminungkahi ni Maria
Clara na huwag ng isama si Padre Salvi sapagkat siya ay nababahala kapag ito ay nasa paligid niya. Hindi
naman ito napagbigyan ni Ibarra dahil sa hindi ito magandang tingnan. Habang nag-uusap ang dalawa ay
dumating naman si Padre Salvi kung kaya't nagpaalam na si Maria upang mamahinga. Inimbitahan ni
Ibarra si Padre sa piknik at kaagad naman itong sinang-ayunan ng kura. Pagkalipas ng ilang oras ay
umuwi na rin si Ibarra. Sa kanyang paglalakad ay nakasalubong niya ang isang lalaking humihingi ng
tulong. Pinaunlakan naman siya ni Ibarra.

Kabanata 23 – Ang Piknik

Madaling araw pa lamang ay masigla ng nagsisigayakan ang mga kababaihan at kabinataan para sa
kasiyahan sa araw na iyon. Magkakasamang naglalakad ang mga kababaihan, hiwalay sa kalalakihan.
Kasama rin sa piknik na iyon ang mga kawaksi at matatandang babae. Sasakay sila sa dalawang bangka
habang mangingisda sa ilog. Magkakasama ang matatalik na magkaibigan na sina Maria Clara, Iday,
Victorina, Neneng at Sinang sa isang bangka. Hindi mapigilan ang kanilang mga tawanan at kwentuhan,
bagay na nag-uudyok kay Tiya Isabel upang sila ay sawayin. Makalipas ang ilang sandali ay nagkaroon ng
butas ang bangkang sinasakyan ng mga kalalakihan kung kaya't sila ay napalipat sa bangka ng mga
dalaga. Nagkaroon naman ng katahimikan sa panig ng mga dalaga sapagkat sila ay inatake ng hiya. Si
Elias naman ay patuloy lamang sa pagsagwan sa bangka. Upang hindi mainip at maaliw ang lahat,
umawit si Maria ng Kundiman at ang lahat ay parang idinuyan sa awitin. Malapit ng maluto ang agahan,
kung kaya't gumayak na ang mga kalalakihan upang mangisda. Sa kasamaang palad, ni isang isda ay wala
silang nahuli sapagkat may buwayang naroroon. Nabahala ang mga kababaihan sa paglitaw ng buwaya
at lalo na ng nilundag ito ni Elias. Naglaban ang dalawa sa ilog, ngunit higit na malakas ang buwaya.
Kagyat namang lumundag si Ibarra sa tubig upang tulungan si Elias. Napatigagal naman si Maria sa
ginawang iyon ni Ibarra, at tila ba tumigil na rin ang kanyang paghinga. Natalo naman ng dalawa ang
buwaya at nagpatuloy sila sa pangigisda hanggang sa sila ay makahuli ng sariwang isda. Masayang nag-
pananghalian ang mga magkakaibigan sa ilalim ng mga puno malapit sa batisan.
Kabanata 24 – Sa Kagubatan

Maagang nakapagmisa si Padre Salvi at kaagad na nag-almusal, ngunit hindi na nito tinapos ang pagkain
at nagpunta na ito sa lugar ng piknik sakay ng karwahe. Malayo pa ay pinahinto na niya ang karwahe
upang sa gayon ay malayang makapanood ng lihim sa mga kadalagahan. Hindi naman siya nabigo sa
ninais na mangyari, nakita nga niya ang mga dalaga at masayang pinagmamasdan ang mga binti at
sakong ng mga ito habang nagkakatuwaan. Pinigil na lamang ng pari ang kanyang sarili na sundan pa ang
mga ito kung kaya't hinanap na lamang niya ang mga kalalakihan. Pagkapananghalian ay nag-usap-usap
ang mga nagpiknik. Nabanggit ni Padre Salvi na may tumampalasan kay Padre Damaso kaya't nagkasakit
ito. Nagkataon na dumating si Sisa at nais ni Ibarra na siya ay pakainin ngunit dala ng pagkawala ng
katinuan nito ay tumalilis itong papalayo sa pangkat. Nabanggit din ang pagkawala ng mga anak ni Sisa,
kung saan nagkaroon ng matinding pagtatalo sina Don Filipo at Padre Salvi. Ikinatwiran ng una na higit
pang pinahalagahan ang dalawang onsa kaysa sa pagkawala ng mga bata. Pumagitna na sa Ibarra sa
dalawa upang hindi na umabot sa sakitan ang dalawa. Lumayo si Ibarra at nakiumpok sa mga binata at
dalagang naglalaro ng Gulong ng Kapalaran. Itinanong ni Ibarra sa Gulong kung may mga katuparan ang
kanyang binabalak. Natapat naman ang dais sa sagot na pangarap lamang. Hindi ito sinang-ayunan ni
Ibarra sapagkat mayroon na siyang katibayan at pahintulot sa pagpapatayo ng bahay-paaralan. Hinati ni
Ibarra ang kasulatan at ibinigay kay Maria Clara at Sinang. Dumating naman si Padre Salvi at walang
hudyat na pinunit nito ang aklat. Aniya, malaking kasalanan ang maniwala sa nilalaman nito. Ikinainis
naman ito ni Albino at isinagot sa kura na mas malaking kasalanan ang kanyang pakikialam sa pag-aari
ng iba. Lumayas naman kaagad ang kura at padabog na bumalik ng kumbento. Makalipas ang ilang
sandali ay dumating naman ang mga gwardya sibil at sarhento. Hinahanap nila si Elias kay Ibarra
sapagkat ito ang nanakit kay Padre Damaso. Kinuwestyon din nila si Ibarra sa pagkupkop niya kay Elias,
bagay na sinalungat ni Ibarra at sinabing walang karapatang kwestyunin ninuman ang kanyang desisyon
kung sino ang nais niyang imbitahin sa kanyang tahanan. Hinalughog ng gwardya sibil ang kagubatan
ngunit ala silang nakitang Elias.
Kabanata 25 – Sa Tahanan ng Pilosopo

Sinadya ni Ibarra si Pilosopo Tasyo sa kanyang tahanan upang humingi ng payo tungkol sa paaralan na
nais niya ipasimulan. Nadatnan niya itong abalang-abala sa pagsusulat ng hieroglyphics sa wikang
Tagalog. Napansin naman siya ng matanda at siya ay inanyayahan nito. Binanggit ni Pilosopo na ang
kanyang mga sinusulat ay walang makakaunawa sa ngayon sapagkat ang mga susunod na henerasyon
ang tanging makauunawa ng kanyang saloobin. Ayon sa kanya, ang mga susunod na salinlahi ay mga
walang piring sa mata at gising sa nangyayari sa lipunan. Nabanggit ni Ibarra na kahit siya ay dito
ipinanganak at lumaki, ramdam niya na palagay ng mga tao na siya ay dayuhan lamang. Kung kaya't
kailangan niya ang payo ng matanda sapagkat ito ay higit na kilala ng mga tao. Sumalungat naman si
Pilosopo at iminungkahi na dapat niyang isangguni ang kanyang mga binabalak sa mga kinikilalang tao sa
lipunan, katulad ng Kura. Magbigay man ng masasamang payo ang mga makapangyarihan sa bayan,
maipapakita naman ni Ibarra na ang kanyang mga binabalak at ginagawa ay ayon sa pinagkasunduan ng
mga makapangyarihang tao sa bayan. Mainam pa na pakunwari na lamang siyang sumunod kaysa
maging kalaban pa niya ang mga iyon. Hindi naman ito lubos na sinang-ayunan ni Ibarra sapagkat
naniniwala siyang ang matuwid na layunin ay hindi na kailangang balutan ng baluktot na gawain. Buo
ang paniniwala ni Ibarra na sasang-ayunan siya ng pamahalaan at ng mga tao sa bayan sapagkat ang
kanyang ninanais ay ang kapakanan ng nakararami. Hindi siya makumbinsi ni Pilosopo Tasyo na ang
kapangyarihan ng simbahan ay higit pa sa kakayahan ng pamahalaan. Lalo na ang pagsasabi niya dito na
kung nais niyang matupad ang kanyang mga balakin ay marapat na yumuko muna siya sa mga may
kapangyarihan kung ayaw niyang walang mangyari sa kanyang mga balakin. Hindi matanggap ni Ibarra
ang mga sinabi sa kanya ni Pilosopo Tasyo, sapagkat ang kanyang mga pananaw ay ideolohiyang liberal,
na kanyang nakamulatan sa pag-aaral sa Europa. Ang mga ganitong prinsipyo ay hindi pa katanggap-
tanggap sa simbahan na siyang nagmamay-ari ng lahat, pati ang buhay ng mga tao sa kanilang
nasasakupan. Inihalimbawa ni Pilosopo Tasyo ang kalagayan ni Ibarra sa mga halaman: sa rosas na
yumuyuko rin sa hangin kapag hitik na ito sa mga bulaklak at kung hindi ito ay mababali lamang; at sa
puno ng makopa na kailangan pa niyang tukuran upang kumapit ang mga ugat nito sa lupa dahil kung
hindi niya ito gagawin ay ibubuwal lamang ito ng hangin. Ganito rin si Ibarra sa kanyang pananaw. Isa
siyang punong itatanim sa mabatong lupain na nagmula pa sa bayan ng Europa- kailangan niya ng
makakapitan at masasandalan. Aniya, hindi kaduwagan ang pagyuko sa kapangyarihan, ang pagyuko at
pag-iwas sa dumarating na punlo, mas mainam iyon kaysa salubungin ang mga bala ng baril at tuluyan
ng hindi makabangon. Naglaro sa isipan ni Ibarra na paano kung hindi lubos ang pagtulong ng simbahan
sa kanyang mga balakin dahil na rin sa ang karunungan ay kaagaw ng simbahan sa pagpapayaman at
kung may maiiwan ba siyang legacy sa kanyang mga binabalak para sa bayan. Binigyan naman siya ng
inspirasyon ni Pilosopo Tasyo sa pagsasabi nito na hindi man siya magtagumpay ay may uusbong na
pananim na siyang magpapatuloy ng kanyang mga nasimulan. Nagpaalam na si Ibarra pagkapahayag nito
kay Pilosopo Tasyo sa kanyang pakay sa kura.
Kabanata 26 – Ang Bisperas ng Pista

Bisperas ng Pista ng San Diego tuwing ika-10 ng Nobyembre. At sa bisperas pa lamang ng Pista ay
nakahanda na ang lahat. Nagagayakan ang mga bahay ng kanilang mga pinakagarbong palamuti, kurtina
at iba't-ibang dekorasyon at pati na mga minana at antigong kagamitan. Ang hapag-kainan naman ng
mga mayayaman ay punong-puno ng mga iba't-ibang masasarap na putahe, kakanin, panghimagas at
mga inangkat at mamahaling mga alak mula pa sa Europa. Inilalaan ang mga pagkaing ito para sa lahat,
kahit na taga-ibang bayan upang maging masaya ang kapistahan. Ang bawat sulok ng bahay ay malinis at
makintab, sadyang pinaghandaan at iginayak para makita ng lahat. Maya't maya rin ang pagpapaputok
ng kwitis, batingaw ng kampana at tugtugan ng mga banda ng musiko. Ang plasa naman ng San Diego at
mga matataong lugar ay pinalamutian ng arkong kawayan, pati na rin ang harapan ng simbahan na
nilagyan ng tolda para sa prusisyon. May tanghalan din na nakalaan para sa pagtatanghal ng komedya at
iba pang palatuntunan. May partisipasyon sa kasayahan ang mga mayayaman sa Sa Diego, tulad ni
Kapitan Tiago at Kapitan Joaquin, ang intsik na si Carlos, at iba pa. Si Padre Damaso naman ang
nakalaang magmisa sa umaga. Ang mga magsasaka at mahihirap ay iginayak ang kanilang mga pinaka-
mainam na ani upang ihandog sa mga may-ari ng kanilang bukirin. Kasalukuyan namang tinatapos ang
bahay-paaralan na pinapagawa ni Ibarra malapit sa kanyang tahanan sa pamamatnubay ni Nol Juan.
Sagot niyang lahat ang gastos dito, at magalang na tinanggihan ang alok na tulong ng mga mayayaman
at ng pari. Ang bahay-paaralan na kanilang itinatayo ay katumbas ng mga paaralan sa Europa, hiwalay
ang mga babae sa lalaki, may lugar para sa pagtatanim ng puno at gulay, may bodega at mayroon ding
silid pang-disiplina sa mga batang mag-aaral. Marami ang humanga sa kanyang ginawa ngunit marami
din naman ang palihim niyang naging kaaway.

Kabanata 27 – Sa Pagtatakipsilim

Sadyang hinigitan ni Kapitan Tyago ang paghahanda sa kapistahan sapagkat ikinasisiya niya ang
mabangong pagtanggap ng mga tao kay Ibarra na kanyang mamanugangin, lalo na at kahit sa Maynila ay
tanyag na tanyag ang binata. Sa ganitong pagkakataon ay kasama siyang mapupuri sa mga pahayagan.
Samu't saring pagkain at inumin na inangkat pa mula sa ibang bansa ang nasa kanyang tahanan.
Pinasalubungan din niya si Maria ng mga kagamitang may mamahaling bato. Nagkita sina Ibarra at
Kapitan Tyago ng bandang hapon. Nagpa-alam naman si Maria na mamasyal kasama ang mga kaibigan
nitong dalaga, at kinumbida ng mga ito si Ibarra, na pinaunlakan naman ng huli. Inanyayahan ni Kapitan
si Ibarra na duon na maghapunan sapagkat darating si Padre Damaso, na magalang namang tinanggihan
ni Ibarra. Lumakad na ang magkatipan kasama ang mga kadalagahan. Napadaan sila sa kanilang kaibigan
na si Simang at ito ay sumama rin sa kanila na mamasyal. Nang marating nila ang liwasang bayan,
sinalubong sila ng isang ketongin na pinandidirihan ng lahat. Nahabag naman si Maria at binigay niya
dito ang iniregalo ng kanyang ama sa kabila ng pagtataka ng kanyang mga kasama. Lumapit naman ang
walang katinuan na si Sisa at kinausap ang ketongin. Itinuro nito ang kampanaryo at sinabing anduon
ang kanyang mga anak, at pagkasabi nito ay umalis ng pakanta-kanta. Lumisan na rin ang ketong na dala
ang bigay sa kanya ni Maria. Napag-isip isip ni Maria na marami pala ang mga mahihirap at kapus-palad
at iyon ay naging lingid sa kanyang kaalaman
Kabanata 28 – Sulatan

Ang pagsusulatan ay isang kaugaliang Pilipino at ang paraan ng ligawan noong kapanahunan ni Rizal.
Buod. Katulad ng inaasahan, nalathala sa pahayagan sa Maynila ang mga naganap sa kapistahan ng San
Diego. Iniulat ang marangyang kapistahan at mga tanyag na tao sa San Diego, pati na rin ang mga
musiko, at mga palatuntunang naganap. Kasama rin sa balita ang mga pari sa bayan, ang komedyang
naganap at mga mahuhusay nitong artista, na tanging mga Kastila lamang ang nasiyahan sapagkat ang
komedyang iyon ay idinaos sa wikang Kastila. Ang mga Pilipino naman ay nasiyahan sa komedyang
Tagalog. Hindi naman dumalo si Ibarra sa mga palabas na iyon. Kinabukasan ay nagkaroon ng prusisyon
para sa mga santo at santa. Nagkaroon din ng misa na pinamunuan ni Padre Manuel Martin. Nagkaroon
din ng sayawan na pinangunahan ni Kapitan Tyago at Maria. Ikinayamot naman ito ng huli. Sinulatan ni
Maria si Ibarra sapagkat ilang araw na niya itong hindi nakikita. Hiniling ng dalaga na siya ay dalawin at
nagpaimbita ito na imbitahan siya ni Ibarra sa pagpapasinaya ng binata ng bahay-paaralan.

Kabanata 29 – Ang Kapistahan

Umaga pa lamang ay handa na ang mga banda ng musiko upang magbigay saya at salubungin ang
kapistahan. Sinabayan pa ito ng tunog ng kampana at mga siklab at pasabog ng paputok. Nagising ang
mga tao sa bayan at nagsigayak na para makiisa. Ang taumbayan ay naghanda ng kanilang pinakamainan
na kasuotan at mga alahas. Naghanda rin ng masasarap na pagkain ang bawat tahanan at hinahatak ang
mga tao upang tikman ang mga ito. Taliwas ito sa ikinilos ni Pilosopo Tasyo, sapagkat ayon sa kaniya,
paglulustay lamang ng pera at pakitang tao lamang ang pagsasaya sa araw na ito. Marami ang dapat na
higit pagkagustasan ng may kabuluhan at marami ang hinaing ng bayan na hindi natutugunan. Sang-
ayon si Don Filipo sa ganitong pananaw ngunit ala siyang lakas ng loob upang salungatin ang pari. Sa
simbahan ay naghihintay na ang mga tao at mga tanyag na tao sa bayan. Si Padre Damaso naman ay
itinaon ang sarili na magkasakit upang higit na makakuha ng importansya mula sa lahat. Inalaagaan siya
ng taga-pangasiwa ng simbahan habng siya ay may sakit. Sinumulan ang mahabang prusisyon ng iba't-
ibang santo bandang alas otso ng umaga. Kahit sa prusisyon ay ipinapakita ang pagkaka-iba ng antas o
diskriminasyon sa lipunan kahit na ang mga nagpuprusisyon ay mga ginggon. Natapos ang prusisyon sa
tapat ng bahay ni Kapitan Tyago, na inaabangan naman nila Maria Clara, Ibarra at ilan pang mga Kastila.
Kabanata 30 – Sa Simbahan

Dito inilalarawan ni Jose Rizal ang kanyang pagtutol sa mapanlait at mahahayap na ugali ng mga prayle
noong panahong iyon. Bagamat siya ay tumatangkilik sa relihiyon, hindi naman niya maatim ang mga
kagaspangan ng pag-uugali ng mga prayle. Inilalarawan din ang matapat na pagtangkilik ng mga Pilipino
sa relihiyong nakagisnan, kahit pa ang kapalit nito ay ang kanilang kabuhayan. Buod: Dinumog ng lahat
ang simbahan kung kaya't nagsiksikan ang mga tao sa kabila ng init at iyakan ng mga bata. Bayad din ang
misang iyon para sa kabanalan ng lahat sa halagang P250. Ang paniniwala noon ay mas mabuti ng
magbayad ng mahal sa misa kaysa sa komedya sapagkat ang misa ay makapagdadala ng kaluluwa sa
langit, samantalang impyerno naman sa komedya. Hindi naman sinimulan ang misa hanggat hindi
dumarating ang alkalde mayor. Sinadya naman ng alkalde na magpahuli, upang higit na mapansin ng
lahat. Nagsuot din ito ng limang medalya na sagisag ng kanyang tungkulin. Nang siya ay dumating,
naghanda na ang lahat upang makinig sa pagmimisa ni Padre Damaso. Sinamantala naman ng Padre ang
walang pakundangang paglibak sa pari na nagmisa kahapon, si Padre Manuel Martin. Ipinangalandakan
ng mayabang na padre na higit siyang magaling magmisa kaysa Kay Padre Martin. Hindi ito nagsimulang
mag-sermon hanggat hindi ito tapos makapag-mayabang.

Kabanata 31 – Ang Sermon

Sinimulan ni Padre Damaso ang kanyang sermon mula sa isang sipi sa Bibliya at nagsermon sa wikang
Tagalog at Kastila. Ang kabuuan ng sermon ni Padre Damaso ay pagpupuri sa mga banal na santo ng
simbahan, ang dapat tularan na sina Haring David, ang mapagwaging si Gideon, at si Roldan na isang
tapat na mananampalataya; at higit sa lahat ay ang panlilibak sa mga Pilipino na binibigkas sa wikang
Kastila kung kayat walang kamalay-malay ang nakararami sa kahulugan ng kanyang mga sinasabi.
Pinatutsadahan din ng Padre ang lahat ng tao na kanyang hindi gusto upang ipahiya ang mga ito sa
karamihan. Sapagkat karamihan ng mga tao doon ay walang naiintindihan sa pinagsasasabi ng Padre,
hindi nila napigilang antukin at mapahikab, lalo na si Kapitan Tyago. Si Maria at Ibarra naman ay palihim
na nagsusulyapan at nangungusap ang kanilang mga mata. Sinimulan na din sa wakas ni Padre Damaso
ang misa sa wikang Tagalog. Dito ay walang pakundangan na tinuligsa niya si Ibarra, bagamat hindi niya
pinangalanan ang kanyang inaalipusta ay mahahalata naman ng lahat na walang ibang pinatutunguhan
ang kanyang mga salita kundi si Ibarra lamang. Hindi naman na natuwa si Padre Salvi sa nagaganap kung
kaya't nagpakuliling na ito upang maging hudyat kay Padre Damaso na tapusin na nito ang kanyang
sermon. Ngunit nanatiling bingi ang mayabang na pari at nagpatuloy pa ng kalahating oras sa walang
kwentang sermon at pag-alipusta kay Ibarra. Samantala, palihim naman na nakalapit si Elias kay Ibarra
habang tuloy ang misa. Binalaan ni Elias si Ibarra na mag-ingat at huwag lalapit sa bato na ibabaon sa
hukay sapagkat maaari niya itong ikamatay. Wala namang nakapansin sa pagdating at pag-alis ni Elias.
Kabanata 32 – Ang Panghugos

Nagkaroon ng demonstrasyon ang taong dilaw kay Nol Juan patungkol sa paggamit ng panghugos bago
ganapin ang pagpapasinaya sa paaralan. Ang istrukturang ito ay may walong metro ang taas at ang apat
na haligi ay nakabaon sa ilalim ng lupa. Ang apat na haligi naman ay nasasabitan ng malalaking lubid na
sa tingin ay napakatibay ng pagkakayari. Ipinagmalaki ng taong dilaw na ang ganitong paraan ay
natutuhan pa niya sa nuno ni Ibarra na si Don Saturnino. Ipinakita ng taong dilaw kung paano itinataas at
ibinababa ang batong malaki na siyang ibabaon sa hukay na napapagitnaan ng apat na haligi. Hinangaan
naman ito ni Nol Juan at pinuri rin ito ng mga tao sa paligid. Dumating ang araw ng pagpapasinaya ng
bahay-paaralan. Pinaghandaan niya ang araw na iyon, naghanda din ang mga guro at mag-aaral ng mga
pagkain para sa mga panauhin. Mayroon ding mga banda ng musiko. Sinimulan ni Padre Salvi ang
pagbabasbas sa bahay-paaralan. Inilulan ang mga mahahalagang kasulatan at relikya at iba pang
mahahalagang bagay sa isang kahang bakal, na ipinasok naman sa bumbong na yari sa tingga. Ang lubid
ang nagko-kontrol sa bato, na may hukay sa gitna kung saan ilalagay ang tingga. Hawak naman ng taong
dilaw ang lubid. Sinimulan ng Pari ang seremonya at nagsibabaan ang lahat ng importanteng tao upang
sumaksi. Isa si Elias sa mga taong naroroon upang sumaksi sa okasyon. Hindi niya winala ang tingin sa
taong dilaw. Hustong pagbaba ni Ibarra upang maki-isa sa pagsaksi ay humulagpos ang lubid mula sa
kalo at kasaba'y nito ay ang pagkagiba ng balangkas. Ilang saglit ang lumipas at nasaksihan ng lahat na si
Ibarra ay nakatayo sa pagitan ng nasirang kalo at ng malaking bato. Ang taong dilaw ang siyang namatay
at hindi si Ibarra. Nais ng alkalde na ipahuli si Nol Juan ngunit sinabi ni Ibarra na siya na ang bahala sa
lahat.

Kabanata 33 – Malayang Kaisipan

Ang pagkakatuklas ni Elias tungkol sa balak na pagpatay ng taong dilaw kay Ibarra. Nagkakilala rin sina
Elias at Ibarra sa kabanatang ito. Matutunghayan ang katalinuhan ni Elias sa kabila ng kawalan nito ng
pormal na edukasyon. Palihim na dumating si Elias sa tahanan ni Ibarra at sila ay nag-usap tungkol sa
mga kaaway ni Ibarra. Pinayuhan ni Elias si Ibarra na nagkalat ang kanyang mga kaaway kahit na ang
hangad niya ay kabutihan. Sinabi rin nito ang pagkatuklas niya sa balak ng taong dilaw na patayin si
Ibarra sa araw ng pagpapasinaya sa paaralan, bagamat mahiwatig ang binitiwang salita ng taong dilaw sa
taong kausap nito, "hindi kakanin ng isda ang isang ito (Ibarra) tulad ng kanyang ama". Palihim na
sinubaybayan ni Elias ang taong dilaw at napag-alaman nito na prinisinta nito ang sarili kay Nor Juan
kahit maliit ang sahod kapalit ng kanyang mga kaalaman. Nanghinayang naman si Ibarra sa pagkawala ng
taong dilaw sapagkat marami pa siyang matutuklasan kung ito ay nabubuhay lamang. Bagay na
sinalungat naman ito ni Elias sapagkat tiyak niyang makakaligtas sa hukuman ang taong dilaw dahil sa
kabulagan ng hustisya sa bayan. Nagkaroon naman ng interes si Ibarra sa pagkato ni Elias sapagkat
marami itong nalalaman at ang kanyang mga kaisipan ay kakaiba sa karaniwang mamamayan. Napako
ang kanilang usapan tungkol sa paniniwala sa Diyos at hindi tinanggi ni Elias na siya ay nawalan na ng
tiwala. Kalaunan ay nagpaalam na rin si Elias at nangako ng katapatan kay Ibarra.
Kabanata 34 – Ang Pananghalian

Sa araw na iyon ay darating ang Heneral at tutuloy sa bahay ni Kapitan Tyago. Magkakaharap na
nananghali ang mga mayayaman sa San Diego. Nasa magkabilang dulo ng hapag si Ibarra at ang alkalde
mayor. Katabi ni Ibarra si Maria sa gawing kanan at ang eskribano naman sa kaliwa. Nandoon din sa
hapag sina Kapitan Tyago, iba pang mga kapitan ng bayan ng San Diego, mga prayle, mga kawani ng
pamahalaan at mga kaibigan nina Maria at Ibarra. Nagtaka naman ang karamihan sapagkat hindi pa
dumarating si Padre Damaso. Habang kumakain ay nag-uusap-usap ang mga nasa hapag. Napadako ang
usapan sa hindi pagdating ni Padre Damaso, ang kamang-mangan ng mga magsasaka sa mga kubyertos,
ang mga kursong nais nilang ipakuha sa kanilang mga anak, at kung ano-ano pa. Pamaya-maya ay
dumating na si Padre Damaso at lahat ay bumati sa kanya liban kay Ibarra. Sinimulan ng ihanda ang
serbesa at sinimulan na rin ni Padre Damaso ang patutsada kay Ibarra. Tinangkang sumingit naman ang
alkalde upang maiba ang usapan ngunit lalong nagumalpas ang dila ng pari. Hindi naman kumikibo si
Ibarra at nagtimpi na lamang. Ngunit talagang nananadya si Padre Damaso kayat inungkat ang nangyari
sa kanyang ama, bagay na hindi mapapayagan ni Ibarra kung kaya't dinaluhong nito ang pari at tangkang
sasaksakin. Pinigilan naman ni Maria ang katipan kung kaya't bumalik ang hinahon ni Ibarra at umalis na
lamang ito.

Kabanata 35- Mga Usap-usapan

Ang pangyayaring naganap sa pananghalian ay naging mainit na usapan sa buong bayan ng San Diego.
Karamihan ay halos panig kay Padre Damaso sapagkat ayon sa kanila, hindi mangyayari ang nangyari
kung nagtimpi lamang si Ibarra. Si Kapitan Martin lamang ang tunay na nakaunawa sa ikinilos ng binata,
sapagkat walang sinuman ang hindi makakapag-pigil kung ang ama ang lalalapastanganin. Ang mga
matatandang babae sa bayan ay nahihintakutan na hindi panigan ang pari sapagkat baka sila ay
mapunta sa impyerno. Tanging si Kapitana Maria ang nalugod sa ginawang pagtatanggol ni Ibarra sa
kanyang ama. Ang mga magsasaka naman ay nawawalan ng pag-asa na hindi matuloy ang paaralan, na
ang kahulugan niyon ay hindi pagkatuto ng kanilang mga anak. Inihayag ni Don Filipo sa pag-aakalang
hangad ni Ibarra na tumanaw ng utang na loob ang taong bayan sa ginawang kabutihan at ng ama nito.
Ganunpaman, ala pa ring katwiran si Ibarra sapagkat laging ang tama ay ang mga prayle. Isa pa, ang mga
mayayaman at prayle ay may pagkakaisa, hindi katulad ng taumbayan na watak-watak kung kayat
mananalo ang mga pari. Kumalat ang usap-usapan na tinawag nang Pilibustero ng mga prayle si Ibarra,
hindi naman ito madalumat ng mga mahihirap.
Kabanata 36-Ang Unang Suliranin

Isinasaad sa kabanatang ito ng Noli me Tangere ang desisyon ng mga prayle na paghiwalayin sina Ibarra
at Maria Clara pagkaraang ma-exkomunikado ang binata. Walang abisong dumating ang Kapitan Heneral
sa bayan nila Kapitan Kapitan Tiyago kayat naging abala ang lahat sa paghahanda upang maibigay ang
nararapat na pag-istima sa panauhin. May nalalabi pang oras upang makapag-gayak at ito ay
sinamantala ng lahat maliban kay Maria Clara. Si Maria Clara ay patuloy ang pagtangis dahil sa
pagbabawal ng ama nito na makipagkita kay Ibarra hanggat hindi ito ekskomunikado. Naging walang
silbi ang pang-aalo ni Tiya Isabel at Andeng sa dalumhati ng dalaga. Sinabi ng tiyahin na maari silang
sumulat sa Papa aty magbigay ng malaking limos upang mapawalang bisa ang ipinataw sa binata. Si
Andeng ay nagprisintang makagagawa ng paraan upang magkausap ang magkatipan. Bumalik si Kapitan
Tyago mula sa kumbento at isiniwalat nito Kay Maria Clara ang desisyon ni Padre Damaso na sirain ang
nakatakdang pakikipag-isang dibdib nito kay Ibarra. Si Padre Sibyla ay nag-utos naman na bawal nang
tanggapin sa kanilang tahanan ang binata, at ang utang ng kapitan na limampung libong piso ay hindi rin
dapat bayaran, o ang kapalit nito ay kamatayan ng kaluluwa sa impyerno. Ang mga bagay na ito ay hindi
makayanang marinig ni Maria kung kaya't lalo itong naghinagpis. Inalo naman ito ng ama at sinabing
may inilalaan ang kanyang pangalawang ama na si Padre Damaso- na isang binatang kamag-anak nito at
manggagaling pa mula sa Europa. Lalong nasindak ang dalaga at pati si Tiya Isabel ay nagalit sa kapitan
at pinagsabihan ito na hindi parang damit na isinusuot ang magpalit ng katipan. Iminungkahi ni Tiya
Isabel na sulatan ng Kapitan ang Arsobispo ngunit sinalungat naman ito ng huli. Sinabi niyang hindi sila
nito pakikinggan kundi ang desisyon lamang ng mga pari. Tinapos na nito ang usapan at hinarap ang
paghahanda sa bahay. Pagkalipas ng ilang oras ay dumating na nga ang Kapitan-Heneral at napuno na
rin ang bahay ni Kapitan Tyago ng mga panauhin. Si Maria naman ay pumasok sa loob ng silid at taimtim
na nananalangin ng pasukin ni Tiya Isabel. Sinusundo siya nito upang harapin ang Kapitan Heneral
sapagkat ipinapatawag ito. Sumunod naman ang dalaga.
Kabanata 37 – Ang Kapitan Heneral

Ipinapakita sa kabanatang ito ng Noli Me Tangere ang makataong pamumuno ng Kapitan Heneral, na
siyang may pinakamataas na pwesto sa lipunan ngunit hindi naghahari-hariang katulad ng mga prayle.
Minarapat niyang magkaroon ng pantay na katarungan para sa lahat. Buod. Naunang kinausap ng
Kapitan Heneral ang binatang nakagalitan ni Padre Damaso ng ito ay lumabas sa kalagitnaan ng sermon.
Inakala ng binata na siya ay sasamain ngunit pagkatapos niyang makausap ang Kapitan Heneral ay
nakangiti itong lumabas ng silid. Sumunod niyang hinarap ang mga reverencia sa bayang iyon: sina Pari
Sibyla, Pari Martin, Pari Salvi at iba pang mga prayle. Nagpakita naman ng buong paggalang ang mga pari
sa pagyuko nila sa Kapitan. Binanggit din nila ang pagkakasakit ni Padre Damaso kaya't wala siya sa araw
na iyon. Sumunod namang humarap sa Heneral sina Kapitan Tyago at Maria Clara. Pinuri ng Heneral ang
katapangan nito sa paggitna sa away ni Ibarra at Damaso, at ang pagbabalik ng hinahon ni Ibarra dahil
na rin sa kanya. Binanggit nito na dapat siyang gantimpalaan sa kanyang ginawa, na tinanggihan naman
ng dalaga. Kalaunan ay dumating na rin si Ibarra upang makausap ng Heneral. Ipinaalala naman ni Padre
Salvi na ang binata ay excomulgado ngunit hindi ito pinansin ng pari at sa halip ay ipinaabot ang pagbati
kay Padre Damaso. Pagkatapos ay umalis ang mga pari na hindi naibigan ang ipinakita ng Heneral.
Malugod na binati ng Heneral si Ibarra at pinuri sa ginawang pagtatanggol nito sa ala-ala ng kanyang
ama. Sinabi rin ng Heneral na kakausapin niya ang Arsobispo tungkol sa pagiging excomulgado ng binata.
Napansin ng Heneral na medyo nabalisa si Maria, kaya sinabi niyang nais itong makaharap bago umaalis
patungong Espanya. Sinabi naman niya sa alkalde na samahan siya nito sa paglilibot. Malalaman sa pag-
uusap ng binata at Kapitan Heneral na kilala ng binata pati ang pamilya ng Kapitan Heneral sa Espanya.
Ipinamalas din ng Heneral ang paghanga sa katalinuhan ni Ibarra bagamat iminungkahi ng huli na mas
makabubuting sa Europa siya manirahan sapagkat ang kanyang kaisipan ay nararapat lamang sa
kaunlaran ng ibang bansa. Magalang namang tumanggi si Ibarra at sinabing higit na matamis ang
mamuhay sa sariling bayan. Ilang sandali pa ay binanggit ng Heneral kay Ibarra na kausapin si Maria at
inihabilin na papuntahin sa kanya si Kapitan Tyago. Umalis naman si Ibarra upang puntahan ang katipan.
Samantala, itinagubilin naman ng Heneral sa alkalde mayor na protektahan si Ibarra upang
maisakatuparan nito ang mga layunin ng binata. Tumango naman ang Alkalde bilang pagsunod.
Dumating naman si Kapitan Tyago at pinuri ito sa pagkakaroon ng mabuting anak at mamanugangin.
Nagprisinta rin ang Heneral na maging ninong sa kasal. Samantala, si Ibarra naman ay nagpunta sa silid
ni Maria ngunit sinabi sa kanya ni Sinang na isulat na lamang nito ang kanyang sasabihin dahil sa mga
oras na iyon ay gumagayak sila papunta sa dulaan.
Kabanata 38 – Ang Prusisyon

Ang mga kaganapan ay nakasentro sa idaraos na prusisyon at mga nakatakdang gawain ng Heneral ng
araw na iyon. Buod Ang mga paputok at sunod-sunod na pagtunog ng mga kampana ay hudyat ng
pagsisimula ng prusisyon. Lahat ng nakiisa ay may dala-dalang mga kandila at parol. Ang prusisyon na
iyon ay ukol sa mga santong sina San Juan Bautista, San Francisco, Santa Maria Magdalena, San Diego De
Alcala at ang pinakahuli ay ang Mahal na Birhen. Ang karo ni San Diego ay hinihila ng anim na Hermano
Tercero. Magkakasamang naglalakad ang Kapitan Heneral, mga kagawad, Kapitan Tiyago, alkalde,
alperes at Ibarra. Ang huli ay napilitang sumama dahil na rin sa pag-imbita ng Heneral. Sa harap ng
bahay ni Kapitan Tyago ay may isang kubol na pagdarausan ng pagbigkas ng tulang papuri o loa sa
pintakasi ng bayan. Pinangungunahan ng tatlong sakristan ang pila ng prusisyon, na sinusundan naman
ng mga guro, mag-aaral at mga batang may dala-dalang parol na papel. Ang mga agwasil at tinitini
naman ay may dalang mga pamalo upang gamitin sa sinumang maniksik o humiwalay sa hanay.
Mayroon din silang kasama na namimigay ng libreng kandila para gamiting pang-ilaw sa prusisyon. Sa
tapat ng bahay ni Kapitan Tiago inihinto ang mga karo at andas ng mga santo. Isang batang lalaking may
pakpak, nakabotang pangabayo, nakabanda at may bigkis ang lumabas upang simulan ang pagpupuri sa
wikang Latin, Kastila at Tagalog. Sumunod naman ay ang pag-awit ni maria at lahat ay nabighani sa
ganda ng kanyang tinig. Ramdam naman ni Ibarra ang pighating nararamdaman ng kanyang katipan sa
boses nito. Napukaw ang atensyon ng binata ng ito ay kausapin ng Heneral tungkol sa hapunan kung
saan kailangan nilang pag-usapan ang pagkawala ng dalawang sakristan na sina Crispin at Basilio.
Kabanata 39 – Si Donya Consolacion

Ang kabanatang ito ng Noli me Tangere ay inilaan sa paglalarawan kay Donya Consolacion. Sinisimbulo
ng kanyang personalidad ang mentalidad ng mga Pilipinong walang pagmamahal sa sariling kultura kung
kayat binibihisan ang kanilang mga sarili ng ugaling dayuhan. Buod Si Donya Consolacion ay asawa ng
alperes at nagpipilit maging mukhang taga-Europa sa pamamagitan ng paglalagay ng kolorete sa mukha
at pagsasalita sa wikang Kastila. Mataas din ang pagtingin nito sa sarili at naniniwalang higit ang kanyang
kagandahan kaninuman, kahit pa kay Maria Clara. Sa katunayan, si Donya Consolacion ay dating
labandera na nakapag-asawa ng isang kawal na naging alperes ngayon. Salat din siya sa edukasyon na
mababakas sa kanyang pag-uugali. Ng araw na iyon, iniutos ni Donya Consolacion na isara ang kanilang
bahay sa kabila na alam nitong tatapat ang prusisyon. Buong araw na siyang nagngingitngit dahil sa galit
sa kanyang asawa sa hindi nito pagpayag na sila ay magsimba. Hindi lingid sa kanyang kaalaman na
ikinahihiya siya ng kanyang asawa, bukod pa ang lantarang pag-alipusta at pagmura nito sa kanya.
Nagdidili-dili ang Donya ng marinig nito ang pag-awit ni Sisa mula sa kulungan, na dalawang araw ng
nakakulong. Inutusan niya itong umakyat sa wikang Kastila, bagay na hindi naman maintindihan ni Sisa,
kung kayat hindi ito sumunod. Nagalit ang Donya at dito niya ibinuhos ang galit na nararamdaman sa
asawa sa kawawang si Sisa. Hinampas niya ito ng latigo at inutusang kumanta ang baliw. Napasigaw man
sa sakit ang babae ay hindi pa rin ito sumunod sa kapritso ng donya. Walang nagawa ang donya kundi
utusan ang gwardiya sibil na pakantahin ito, na sinunod naman ni Sisa at umawit ng Kundiman ng Gabi.
Naantig naman ang damdamin ng donya kung kayat nawala sa isip nito na magsalita sa Tagalog, na
ikinagulat naman ng gwardya sibil. Napansin naman ito ng Donya kung kaya't pinaalis niya ito. Hinarap
naman niya si Sisa at pinasayaw. Nang hindi ito sumunod ay hinampas niya ito muli ng latigo at
inutusang kumanta. Napabuwal naman si Sisa at nahubaran ito ng damit kasabay ng pagdugo ng sugat.
Ang pangyayaring ito ay nadatnan ng alperes at nagalit ito sa nasaksihan. Inutusan niya ang isang kawal
na bihisan at pakainin si Sisa, alagaan, at gamutin din ang mga sugat nito. Ang pag-aalaga ng alperes ay
dahil na rin sa nakatakdang ihatid si Sisa kay Ibarra kinabukasan.
Kabanata 40- Ang Karapatan at Lakas

Bandang ika-sampu ng gabi sinimulang sindihan ang mga kuwitis na hudyat ng pagsisimula ng dula.
Pinangasiwaan ni Don Filipo ang gabi ng pista. Ng mga oras na iyon ay magkausap ang tinyente at si
Pilosopo Tasyo tungkol sa pag-ayaw ng Don sa kanyang tungkulin. Masama ang loob ng tinyente na hindi
tinanggap ng Kapitan ang kanyang pagbibitiw. Nagsidatingan na ang mga malalaking tao sa bayan kung
kaya't nagsimula na ang palabas na pinangunahan nina Chananay at Marianito ng ‘Crispino dela
Comare’. Lahat ay nakatuon ang pansin sa dula samantalang si Padre Salvi ay lantaran ang pagkakatitig
kay Maria Clara. Sinisimulan na ang ikalawang bahagi ng dula nang dumating si Ibarra. Nakatawag pansin
ito sa mga pari at hiniling kay Don Filipo na paalisin si Ibarra. Tinutulan naman ito ni Don Filipo sapagkat
malaki ang abuloy ni Ibarra at higit siyang takot na suwayin ang utos ng Kapitan Heneral kaysa sa utos
nila. Sa inis ay umalis ang mga pari sa kalagitnaan ng dula. Ilang saglit pa ay nagpaalam na rin si Ibarra sa
mga kadalagahan lalo na kay Maria Clara upang paroonann ang nalimutang tipanan. Nangako siya na
babalik bago matapos ang dula. Sa kalagitnaan ng dula ay may lumapit na dalawang gwardya sibil kay
Don Filipo at iniuutos na itigil ang dula dahil nabubulahaw sa pagtulog sina Donya Consolacion at
alperes. Hindi ito mapagbigyan ni Don Filipo kung kaya't nagkaroon ng gulo. Nang pagtangkaang patigilin
ang mga musikero, hinuli ng mga kuwadrilyero sa tribunal ang dalawang gwardiya sibil. Nagkataon na
nakabalik na rin si Ibarra sa mga sandaling iyon at hinanap kaagad si Maria. Kumapit naman kaagad ang
sindak na dalaga sa mga bisig ni Ibarra habang si Tiya Isabel ay naglitanya ng panalangin. Sa galit ng mga
kalalakihan doon ay pinagbabato nila ang mga gwardya sibil na huminahon lamang sa pakiusap ni Elias,
na inabisuhan naman ni Ibarra sapagkat wala silang magagawa ni Don Filipo sa bagay na iyon. Ang
pangyayari ay hindi nakaligtas sa pagmamanman ni Padre Salvi at ibinalita rin ito ng kanyang tauhan. Sa
kanyang pangitain ay nawalan ng malay tao si Maria at si Ibarra ang kumarga sa dalaga. Sa ganoong
pangitain ay nagmistula itong baliw at nagtatakbo papunta sa bahay ni Kapitan Tyago upang makasiguro
na hindi totoo ang kanyang takot. Nakahinga lamang siya ng maluwag nang makita niya ang anino nina
Maria Clara at Tiya Isabel mula sa labas ng bahay ng Kapitan. Umuwi na ito ng masigurong hindi kasama
ng dalaga si Ibarra.

You might also like