You are on page 1of 12

19. “O taksil na pita sa yama’t mataas!

O hangad sa puring hanging lumilipas!

Ikaw ang dahilan ng kasam-ang lahat,

At niring nasapit na kahabg-habag.

20. “Sa korona dahil ng Haring Linseo.

At sa kayamanan ng dukeng ama ko,

Ang ipinangahas ng Konde Adolfo,

Sabugan ng sama ang Albanyang reyno.

21. “Ang lahat nang ito, maawaing Langit,

Iyong tinutunguha’y ano’t natitiis?

Mula ka ng buong katuwira’t bait,

Pinayagan mong ilubog ng lupit.

22. “Makapangyarihang kamay mo’y ikilos

Papamilantakin ang kalis ng poot,

Sa Reynong Albanya’y kusang ibulusok,

Ang iyong higanti sa masamang loob.

23. “Bakit, kalangita’y bingi ka sa akin

Ang tapat kong luhog ay hindi mo dinggin?

Diyata’t sa isang alipusta’t iring

Sampung tainga mo’y ipinangunguling?


24. “Datapuwa’t sino ang tatarok kaya?

Sa mahal mong Lihim, Diyos na dakila?

Walang mangyayari sa balat ng lupa,

Di may kagalingang Iyong ninanasa.

25. “Ay saan ngayon ako mangangapit?

Saan ipupukol ang tinatangis-tangis,

Kung ayaw na ngayong dinigin ng langit,

Ang sigaw ng aking malumbay na boses!

26. “Kung siya mong ibig na ako’y magdusa,

Langit na mataas, aking mababata,

Isagi mo lamang sa puso ni Laura,

Ako’y minsan-minsang mapag-alaala.

27. “At ditto sa laot ng dusa’t hinagpis,

Malawak na lubhang aking tinatawid,

Gunita ni Laura sa naabang ibig,

Siya ko na lamang ligaya sa dibdib.

28. “Munting gunamgunam ng sinta ko’t mutya,

Nang dahil sa aki’y dakila kong tuwa,

Higit sa malaking hirap at dalita

Parusa ng taong lilo’t walang awa.


29. “Sa pagkagapos ko’y kung gunigunihin

Malamig nang bangkay akong nahihimbing

At tinatangisan ng sula ko’t giliw,

Ang pagkabuhay ko’y walang hangga mandin.

30. “Kung apuhapin ko sa sariling isip,

Ang suyuan naming ng pili kong ibig,

Ang pagluha niya kung ako’y may hapis,

Nagiging ligaya yaring madlang sakit.

31. “Ngunit sa aba ko! Sawing kapalaran!

Ano pang halaga ng gayong suyuan,

Kung ang sing-ibig ko’y sa katahimikan

Ay humihilig na sa ibang kandungan?

32. “Sa sinapupunan ng Konde Adolfo

Aking natatanaw si Laurang sinta ko;

Kamataya’y nahan ang dating bangis mo

Nang di ko damdamin ang hirap na ito?”

33. Dito hinimatay sa paghihinagpis,

Sumuko ang puso sa dahas ng sakit,

Ulo’y nalungayngay, luha’y bumalisbis,

Kinagagapusang kahoy ay nadilig.


34. Magmula sa yapak hanggang sa ulunan,

Nalimbag ang bangis ng kapighatian,

At ang panibugho’y gumamit ng asal

Ng lalong marahas, lilong kamatayan.

35. Ang kahima’t sinong hindi maramdamin,

Kung ito’y Makita magmamahabagin;

Matipid na luha ay paaagusin,

Ang nagparusa ma’y pilit hahapisin.

36. Sukat na ang tingnan ang lugaming anyo

Nitong sa dalita’y hindi makakibo;

Aakaying biglang umiiyak ang puso

Kung wala nang luhang sa mata’y itulo.

37. Gaano ang awang bubugso sa dibdib

Na may karamdamang maanyong tumindig,

Kung ang panambita’t daing ay marinig

Nang mahimasmasan ang tipon ng sakit!

38. Halos buong gubat ay nasasabugan

Ng dinaing-daing na lubhang malumbay,

Na inuulit pa at isinisigaw

Sagot sa malayo niyong alingawngaw.


39. “Ay Laurang poo’y bakit isinuyo

Sa iba ang sintang sa aki’y pangako,

At pinagliluhan ang tapat na puso,

Pinaggugulan mo ng luhanh tumulo?

40. “Di sinumpaan mo sa harap ng Langit

Na di maglililo sa aking pag-ibig?

Ipinabigay ko naman yaring dibdib,

Wala sa gunita itong masasapit!

41. “Katiwala ako’t ang iyong kariktan,

Kapilas ng langit anaki’y matibay,

Tapat ang puso mo’t di nagunamgunam

Na ang paglililo’y nasa kagandahan

42. “Di ko akalaing iyong sasayangin

Maraming luha mong ginugol sa akin,

Taguring madalas na ako ang giliw,

Mukha ko ang lunas sa madlang hilahil.

43. “Di kung ako poo’y utusang manggubat

Ng hari mong ama sa alin man syudad,

Kung ginagawa mo ang aking sagisag,

Dalawa mongh mata’y nanalong ng perlas?


44. “Ang aking plumahe kung itinatahi

ng parang korales ng iyong daliri,

bunting-hininga mo’y nakikiugali

sa kilos ng gintong ipinananahi.

45. “Makailan, Laurang sa aki’y iabot,

Basa pa ng luhang banding isusuot,

Ibinibigay mo ay naghihinutok,

Takot masugatan sa pakikihamok!

46. “Baluti’t koleto’y di mo papayagang

Madampi’t malapat sa aking katawan

Kundi tingnan muna’t baka may kalawang

Ay nanganganib kang damit ko’y marumhan.

47. “Sinisiyasat mo ang tibay at kintab,

Na kung sayaran man ng taga’y dumulas,

At kung malayo na’y iyong minamalas,

Sa gitna ng hukbo’y makilala agad.

48. “Pahihiyasan mo ang aking turbante

Ng perlas, topasyo’t maningning na rubi,

Bukod ang magalaw na batong diamante,

Puno ng ngalan mong isang letrang L.


49. “Hanggang ako’y wala’t nakikipaghamok.

Nag-aapuhap ka ng pang-aliw-loob,

Manalo man ako’y kung bagong nanasok,

Nakikita mo na’y may dala pang takot.

50. “Buong panganib mo’y baka nagkasugat,

Di maniniwala kung di masiyasat,

At kung magkagurlis ng munti sa balat

Hinuhugasan mo ng luhang nanatak.

51. “Kung ako’y mayroong kahapisang munti,

Tatanungin mo na kung ano ang sanhi

Hanggang di malinang ay idinarampi

Sa mga mukha ko ang rubi mong labi.

52. “Hindi ka tutugot kung di matalastas,

Kakapitan mo nang mabigla ang lunas,

Dadalhin sa hardi’t doon ihahanap

Ng ikaaaliw sa mga bulaklak.

53. “Iyong pipitasin ang lalong marikit,

Dini sa liig ko’y kusang isasabit,

Tuhog na bulaklak sadyang salit-salit

Pag-uupandin mong buhay ko’y mapaknit.


54. “At kung ang hapis ko’y hindi masawata,

Sa pilik-mata mo’y dadaloy ang luha,

Napasaan ngayon ang gayong aruga,

Sa dala kong sakit ay di iapula?

55. “Halina, Laura’t aking kailangan

Ngayon ang lingap mo nang naunang araw;

Ngayong hinihingi ang iyong pagdamay,

Ang abang sinta mo’y nasa kamatayan.

56. “At ngayong malaki ang aking dalita

Ay di humahanap ng maraming luha,

Sukat ang kapatak na makaapula,

Kung sa may pagsintang puso mo’y magmula.

57. “Katawan ko ngayo’y siyasatin, ibig,

Tingni ang sugat kong di gawa ng kalis,

Hugasan ang dugong nanalong sa gitgit

Ng kamay ko, paa’t natataling liig.

58. “Halina, irog ko’t ang damit ko’y tingnan,

Ang hindi mo ibig dapyuhang kalawang,

Kalagin ang lubid at iyong bihisan,

Matinding dusa ko’y nang gumaan-gaan.


59. “Ang mga mata mo’y kung iyong ititig

Dini sa anyo kong sakdalan ng sakit,

Upanding mapigil ang takbong mabilis

Niring abang buhay sa ikapapatid.

60. “Wala na Laura ikaw na nga lamang

Ang makalulunas niring kahirapan;

Damhin ng kamay mo ang aking katawan

At bangkay man ako’y muling mabubuhay!

61. “Ngunit sa aba ko! Ay sa laking hirap!

Wala si Laura’y aking tinatawag!

Napalayu-layo’t din a lumiliyag.

Ipinagkanulo ang sinta kong tapat.

62. “Sa ibang kandunga’y ipinagbiyaya

Ang pusong akin na, at ako’y dinaya.

Buong pag-ibig ko’y ipinanganyaya,

Nilimot ang sinta’t sinayang ang luha

63. “Alin pa ang hirap na di nasa akin?

May kamatayan pang di ko daramdamin?

Ulila sa ama’t sa inang nag-angkin,

Walang kaibiga’t nilimot ng giliw.


64. “Dusa sa puri kong kusang siniphayo

palasong may lasong natirik sa puso

habag sa ama ko’y tunod na tumimo

ako’y sinunog niring panibugho.

65. “Ito’y siyang una sa lahat ng hirap,

Pagdaya ni Laura ang kumakamandag

Dini sa buhay ko’y siyang nagsasadlak

Sa libingan laan ng masamang palad.

66. “O Konde Adolfo’y inilapat mo man

Sa akin ang hirap ng sansinukuban

Ang kabangisan mo’y pasasalamatan

Ang puso ni Laura’y kung hindi inagaw!”

67. “Dito naghimutok nang kasindaksindak

Na umaalingawngaw sa loob ng gubat

Tinatangay ang diwa’t karamdamang hawak

Ng buntun hininga’t luhang lumagaslas.

68. Sa puno ng kahoyay napayukayok

Ang liig ay supil ng lubid na gapos,

Bangkay na mistula’t ang kulay na burok

Ang kanyang mukha’t nagingputing lubos


Sa pagitan ng mga paghihirap at pagtitiis ng nakataling si Florante ay nakakintal sa kanyang alala ang
napakagandang kasinatahang si Laura. Ipinagkaloob niya ang karangalan upang ipagtanggol ang
kahariang Albanya na pinapamunuan ni Haring Linseo na butihing ama ni Laura. Ipinagkaloob din niya
ang karangalan at kayamanan ng kanyang duking ama. Subalit sa kabila ng lahat ay nanaig ang kasamaan
ni Konde Adolfo. Paulit-ulit na nanalangin si Florante sa Diyos upang siya’y kahabagan at bigyan ng
katarungan ang sinapit. Makailang ulit na siyang panawan ng ulirat at kulang na lang ay panawan na rin
siya ng bait dahil sa labis na paghihirap. Ngunit sa tuwing magmumulat siya ng mga mata, si Laura ang
nakikita niya sa kanyang balintataw. Naalala niya ang pangako ng kanilang mga puso bago pa siya
tumulak patungong digmaan. Pinabaunan siya ni Laura ng maraming luha at pinahiyasan ang kanyang
turbante na pinalamutian ng perlas, topasyo, manigning na rubi, at pinalibutan ng batong diyamante ang
sagisag na letrant L. Halos madurog ang puso ni Florante sa labis na pagdaramdam kay Laura subalit
patuloy siyang nanawagan at nanaghoy na taning si Laura lamang ang makapagbibigay lunas sa kanyang
kaluluwa’t pusong sugatan. Matinding panibugho ang kanyang naramdaman sapagkat tuluyang naagaw
ng taksil na si Adolfo ang pag-ibig ni Laura. Hanggang tuluyang igupo ng paghihirap ang kanyang katawan
at nagmistula siyang bangkay na napayukayok.

Talasalitaan

1. Pita-

2. Taksil-

3. Tatarok

4. Mababata

5. Hilahil

6. Paglilo

7. Mapaknit

8. Dalita

9. Panibugho

10. Alingawngaw-


Ano ang tanging lakas na pinaghuhugutan ni Florante upang manatili ang natitirang ulirat?

Naniniwala k aba na ang yaman at kapangyarihan ay ugat ng kasamaan? Ipaliwanag.

Patungkol saan ang hinagpis ni Florante at kanino niya ito sinasabi?

Ano ang tinutukoy ni Florante na dahilan ng kasamaang lahat?

Patunayan kung sa anong saknong naramdaman ni Florante ang pag-iisa at kataksilan kaya walang
anuman kahit mamatay aiya sa oras na iyon?

You might also like