Kwento ng Katutubong Kulay: Pag-aararo Sa Bukid (para sa pamilya)
Alas kuwatro treynta ng umaga ay nagigising na ang mag-
asawang Lena at Teodoro. Humihikab pa si Lena bago tumungo sa kusina at sumunod naman si Teodoro para magtimpla ng kape. Ipinagtimpla rin niya ang pinakamamahal niyang asawa. Si Lena naman ay nagsisimula ng magsaing. Kinuha niya ang kaldero at nilagyan ng tubig para pakuluin sa nagliliyab na apoy. Pagkatapos, iniabot ng kanyang asawa ang isang tasa ng kape. Masaya silang nagkukwentuhan at binabalikan ang kanilang buhay noong sila pa ay magkasintahan. Sa edad na kwarenta, kinikilig pa rin si Lena ng naaalala niya noong panahon na niligawan siya ni Teodoro. Lagi siya nitong binibisita sa kanilang kubo na may dalang mga prutas at gulay. Pagkalipas ng kalahating oras ay naluto na rin ang agahan kaya naghain na si Lena para makakain ang kanyang asawa at dalawang anak na kakagising pa lamang. Ang panganay ay si Teona na sampung taong gulang at ang bunso ay si Leo na pitong taong gulang. Pagkatapos niligpit ng magkapatid ang kanilang higaan, agad silang tumungo sa kusina para tulungan ang kanilang ina sa paghahanda ng agahan. Sa hapag-kainan, ang nagbibigay saya ay ang dalawang bata na panay ang kwento tungkol sa kanilang mga kalaro sa mga nagdaang araw. Pagkatapos nilang kumain, tinulungan naman ang kanilang ina sa pagliligpit. Habang si Teodoro naman ay naghahanda sa pagpunta niya sa bukid para mag-araro. Kinuha niya ang kanyang sombrero na nakasabit sa dingding na malapit lamang sa pintuan. Nakasuot siya ng lumang tsaketa, lumang damit, pantalon at bota. Nasa tagiliran naman ang kanyang itak. Inabot ni Lena ang isang supot na may kanin at ang mabangong bagoong. Medyo malayo kasi ang kanilang bahay sa sakahan kaya tuwing hapon o di kaya’y aabutin pa ng gabi bago makauwi si Teodoro. Mahigpit naman niyang ibinilin sa kanyang dalawang anak na magpakabait at huwag bibigyan ng sakit ng ulo ang ina. Kahit malayo na si Teodoro, nakikita pa rin niya ang kaway ng dalawang bata at asawa, rinig pa rin niya ang sigaw ng mga ito. “Tay, ingat po kayo! Pasalubong rin po mamaya!” Hindi naman bago sa kanya iyon dahil araw-araw sinasabi ng kanyang mga anak ang katagang iyon pero ganoon pa man, hindi siya nagsasawa at hinding-hindi magsasawa. Nang mawala na sa paningin ang kanilang haligi ng tahanan, pumasok ulit sila sa loob ng bahay. Nagbihis si Lena ng bistida na lagpas sa kanyang tuhod at itinali ang buhok kaya maaliwalas ang kanyang mukha. Habang sina Teona at Leo ay nag-aagawan pa sa isang walis kaya’t inawat ito ng kanilang ina. Sinabihan nito si Leo na maghugas na lang ng pinagkainan at ang kanyang nakatatandang kapatid na lang ang magwawalis ng bakuran. Si Lena naman ay pinapakain ang alaga na dalawang baka, tatlong kambing, dalawang aso, at mga manok. Pagkatapos, sabay silang tatlo na pumunta sa ilog. Dala-dala ni Lena ang malaking palanggana na pono ng maruruming labahan. Si Teona ang nagdadala ng tabo na may lamang sabon at bras para sa paglalaba at si Leo naman ay may dalang dalawang balde na walang laman para sa pag-uwi nila mamaya ay matutulungan nila ang kanilang ina sa pagdadala. Sa napakalamig na umaga, may naglalaba na rin sa ilog. Masiglang bumati si Lena sa kanyang pinsan na naglalaba kasama rin ang dalawang anak. Habang sila’y naglalaba, nagkukwentuhan rin at ang kanilang mga anak ay masayang nagtatampisaw sa tubig. Sa bukid, nagsisimula ng mag-araro si Teodoro kasama ang kanyang mga pinsan. Ang araw ay nagpapakita na rin. Napakaganda ng panahon dahil sa mahalimuyak ng hangin, may mga ibon na lumilipad na parang nagsasaya, at ang tawanan ng mga taong nag-aararo. Si Teodoro ang nangunguna sa kwentuhan na sinasabayan naman ng kanyang mga pinsan. Pagsapit ng alas diyes ng umaga ay pansamantalang ng nagpapahinga ang mga nag-aararo at ang kanilang mga kalabaw ay pinalublob sa ilog. Masaya silang kumakain ng kamoteng kahoy na dala ni Nonong, isa sa kanyang mga pinsan. Alas dos treinta na ng hapon ay nagsimula ulit silang mag-araro at masigla na ang kanilang kalabaw dahil nakalublob ito ng matagal na oras. Pagsapit ng hapon, naghahanda na si Lena ng hapunan habang sina Teona at Leo ay binabantayan ang alagang baka at kambing na kumakain. Nang dumilim na ang paligid, umuwi ang dalawa at nadatnan nila ang kanilang ama na kakauwi lang. Nagmano at yumakap sila ng mahigpit. Nagbihis saglit si Teodoro ng pambahay tsaka pumunta sa kusina para maghapunan. Sinabi niya sa kanyang mga anak ang simoy ng hangin sa bukid kahit tirik na tirik ang araw at ang mga ibong umaawit kaya sina Teona at Leo ay gusto ring pumunta sa bukid kahit malayo at dahilig ang kanilang dadaanan. Kahit nakakapagod ang araw ni Teodoro, nakakangiti pa rin siya dahil sa kanyang asawa at dalawang anak. Araw- araw, nagsisikap siya para buhayin ang kanyang pamilya. Mag-aararo siya kahit tirik pa ang araw at bawat bungkal niya ng lupa, hindi lang ito ang binubuhay niya kundi pati na rin ang pangarap at kinabukasan ng kanyang pamilya. ANG KWENTO NI MABUTI Hindi ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa walang pintang paaralang una kong kinakitaan sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero. Naroon pa siya’t nagtuturo ng mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay ng isang uri ng karunungan sa kanya ko lamang natutuhan. Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa kanyang anyo… at sa kanyang buhay… Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanyang ng pansin. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga panunugutan sa paaralan, walang masasabing anumang pangkaraniwan sa kanya. Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula ng halos lahat ng kanyang pagsasalita. Iyon ang pumalit sa mga salitang hindi niya maalaala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin. Sa isang paraang malirip, iyon ay naging salamin ng uri ng paniniwala sa buhay. “Mabuti,” ang sasabihin niya, “… ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t umabot tayo sa bahaging ito… Mabuti… Mabuti!” Hindi ako kailanman magtatapat sa kanyang ng anuman kung di lamang nahuli niya akong minsang lumuluha; nang hapong iyo’y iniluha ng bata kong puso ang pambata ring suliranin. Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silid-aklatan, pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan. “Mabuti’t may tao pala rito,” wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa narinig. “Tila may suliranin .. mabuti sana kung makakatulong ako.” Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong isipan ay ibinilang kong kahihiyan ay kababaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Ngunit, hindi ako makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong bigla sa katapat na luklukan. “Hindi ko alam na may tao rito”….. naparito ako upang umiyak din.” Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang kanyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa’y nakita ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi. Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na klamang ang tinig sa pagtatapat sa suliraning sa palagay ko noo’y siya nang pinakamabigat.Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring iyo’y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos na bagay. Ngunit, siya’y nakinig nang buong pagkaunawa, at alam ko na ang pagmamalasakit niya’y tunay na matapat. Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang naghihiwalay sa amin ay natatanaw na nang bigla akong makaalala. “Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo ng pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyo na … iniiyakan ko?” Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon; “ang sulok na iyon na … iniiyakan natin… nating dalawa.” Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig: “sana’y masabi ko sa iyo, ngunit… ang suliranin.. kailanman. Ang ibig kong sabihin ay … maging higit na mabuti sana sa iyo ang … buhay.” Si Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa pagsasalita niya mula sa hapag, pagtatanong, sumagot, sa pagngiti niyang mabagal at mahiyain niyang mga ngiti sa amin, sa paglalim ng kunot sa noo niya sa kanyang pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon,.. “Iniiyakan natin,” ang sinabi niya nang hapong iyon. At habang tumataginting sa silid naming ang kanyang tinig sa pagtuturo’y hinuhulaan ko ang dahilan o mga dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon, sa aming sulok na iyong… aming dalawa… At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang sinasabi. Ngunit, sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming silid- aralan. Pinuno siya ng maririkit na guni-guni ang aming isipan at ng mga tunog ang aming pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin naming sa panitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan at ako’y humanga. Wala iyon doon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos na lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan. Ang pananalig niya sa kalooban ng maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, isa sa mga pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na karaniwan na lamang sa amin ay walang kabuluhan. Hindi siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng pag-aaral naming sa kanya. Ngunit bumanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak. .. nang paulit-ulit. Hindi rin siya bumabanggit sa amin kailanman tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit, dalawa sa mga kamag-aral naming ang nakababatid na siya’y hindi balo. Walang pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang maririkit ay nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan niyon. Ang paglaki nang mga pangarap niyon, ang nabubuong layunin niyon sa buhay. Minsan, tila hindi namamalayang nakapagpapahayag ang aming guro ng isang pangamba ang pagkatakot niyang baka siya hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban sa iilan sa aming pangkat, paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang anak ay iisa lamang ang mga bagay na “pinagtitiisang” pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat pagbanggit na iyon ay nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon pa ma’y nabubuo na sa aking isipan ang isang hinala. Sa kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog. Ang anak niya’y anim na taong gulang na. Sa susunod na taon siya’y magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggagamot ang kanyang anak- at isang mabuting manggagamot. Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang isang bata sa aking likuran ang bumulong: “Gaya ng kanyang ama!” Narinig ng aming guro ang ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya’y nagsalita. “Oo, gaya ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi. Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase ang tungkol sa ama ng batang may kaarawan. Matitiyak ko noong may isang bagay ngang malisya sa buhay niya. Malisya nang ganoon na lamang. At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot ang puso ko sa pagnanasang lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng gingawa niya nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin kung may mapagtatapatan siyang isang taong man lamang. Ngunit, ito ang sumupil sa pagnanasa kong yaon; ang mga kamag-aral kong nakikinig ng walang anumang malasakit sa kanyang sinasabing, “Oo, gaya ng kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha. Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko makakalimutan kailanman. Tinignan niya ako ng buong tapang na pinipigil ang panginginig ng mga labi at sinabi ang ganito : “Mabuti…mabuti gaya ng sasabihin nitong Fe-lyon lamang nakararanas ng mga lihim na kalungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim na kaligayahan. Mabuti, at ngayon, magsimula sa ating aralin…” Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon na hindi akin ang pangungusap na iyon, ni sa aking mga pagsasalita, ni sa aking mga pagsusulat. Ngunit samantalang nakatitig siya sa akin ng umagang iyon, habang sinasabi niya ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakaranas ng mga lihim na kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na kaligayahan. At minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay ng kanyang mukha, muli niyang ipinamalas ang mga nagtatagong kagandahan sa aralin naming sa Panitikan. Ang karikatn ng katapangan; ang kariktan ng pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay. At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging isang manggagamot din balang araw, ay namatay at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang lahat. “SI MAYMAY AT ANG KANYANG ASO AT PUSA” Nag-iisang anak ni Mang Tibo at Aling Iña si Maymay kung kaya’t parang kapatid na ang turing na sa kanyang mga alaga. May aso siyang si Bruno at pusa na ipinangalanan niyang si Kiting. Araw-araw, naglalaro sina Maymay, Bruno, at Kiting. Kahit ang mag-asawa ay nagagalak sa saya sa mukha ng kanilang nag-iisang anak tuwing nakikipaglaro ito sa mga alaga niya. Subalit, hindi alam ni Maymay na may inggitan na nangyayari sa pagitan nina Bruno at Kiting. Isang araw, habang nasa talyer si Mang Tibo nagtratrabaho at si Maymay naman ay sumama kay Aling Iña sa tindahan, nag-away ang dalawa. Hindi sinasadyang nalalag si Kiting kay Bruno na siya namang natutulog sa sala ng munting bahay ng pamilya Santos. Nagising ang aso at nagalit dahil mahimbing na sana ang tulog niya. Hinabol ni Bruno si Kiting at nang madatnan niya ito ay pinag-kakagat niya. Hindi naman nilakasan ng aso ang pagkaka- kagat sa pusa pero may nagdulot ito ng mga maliliit na pasa. Pag-uwi ni Maymay, nagalit siya kay Bruno. Hindi niya ito pinakain habang awang-awa siya kay Kiting. Nais ng bata na matuto raw ang aso kaya ginawa niya ito kahit masakit rin sa kanya. Nanghina si Bruno at masakit ang loob niya sa parusa ni Maymay. Umalis ulit si Aling Iña at ang anak niya. Saktong pag- sarado ng pintuan, itinulak ni Kuting ang kanyang kainan patungo kay Bruno. Hinang-hina, bumangon ang aso at kinain ang natitirang pagkain sa kainan ng pusa. Si Kuting naman, umupo lang sa gilid at pinanood lang ang aso na kumain. Nasiyahan si Bruno sa ginawa ng pusa at nagkabati rin sila. Subalit, masama pa rin ang loob ng aso kay Maymay. Noong dumating sila ng nanay niya ay hindi ito lumapit, tanging si Kiting lang. Nilapitan ng bata ang alagang aso at hinimas-himas ang ulo nito. “Bruno. Galit ka pa rin ba sa akin? Laro na tayo ni Kiting. Ikaw kasi, huwag mo na ulit kakagatin si Kiting, e, ang liit-liit pa naman niya,” sabi ni Maymay sa aso. Ipinangako ni Maymay na hinding-hindi na niya papagutoman muli si Bruno. Nagsisi rin siya sa ginawa niya sa aso at ipinangako niya sa sarili na hinding-hindi na niya paparusahan ang mga alaga kahit ano pa man ang mangyari. Parang naintindihan naman ni Bruno ang sinabi ni Maymay at agad-agad itong tumayo at lumapit sa pintuan – hudyat na gusto na niyang makipaglaro. Simula noon ay hindi na nag-aaway sina Bruno at Kiting. Hindi na rin nagagalit ang aso sa tuwing hindi sinasadyang malaglag sa kanya ang pusa at magigising siya mula sa mahimbing niyang tulog. Araw-araw, dinadalhan ni Maymay ng espesyal na pagkain sina Bruno at Kiting. Nawala na ang takot ng pusa sa malaking aso.