You are on page 1of 11

Rodriguez, Jane Ann A.

BSA 1-1

Taguiwalo, J. M. Babae, Obrera, Unyonista: Ang Kababaihan sa Kilusang Paggawa sa Maynila

(1901-1941). Quezon City: The University of the Philippines Press, 2011

Ang may akda na si Judy Taguiwalo ay isa sa mga natatanging babae na inialay ang kanyang

sarili sa mga aktibidad para sa ikabubuti ng nakararami, siya ay isang ina, guro, manggagawa,

aktibista, at mamamayan. Kabilang siya sa ilang samahan na para sa bayan, at nakulong din siya

ng mahigit tatlong taon para sa bayan noong panahon ng Martial Law. Pinakita niya ang

pakikibaka para sa karapatan ng mga kababaihan sa pamamagitan ng pagtulong sa pag-oorganisa

ng militanteng grupo na “MAKIBAKA” o ang Malayang Kilusan ng Kababaihan at sa mga

akdang kanyang isinulat, kabilang na ang Babae, Obrera, Unyonista.

Ang Babae, Obrera, Unyonista ay sumasalamin at nagbibigay linaw ukol sa naging papel ng

mga kababaihan sa bansang Pilipinas. Lalo na ng mga kababaihang anakpawis sa pakikibakang

panlipunan at kilusang paggawa. Dahil nakakahahon sa ideyang pantahanan at pampamilya ang

mga kababaihan at dahil karamihan sa kanila ay hindi nakapag-aral, hindi sila nabigyan ng

pagkakataong isulat ang kanilang mga naging karanasan. Nagkaroon man ng mga kilusan,

araling ukol sa kababaihan, at mga akda ay hindi pa rin ito naging sapat upang mapalitaw ang

naging parte nila sa kasaysayan.

Sa pagtatapos ng paghahari ng Estados Unidos sa Pilipinas ay nanatili ang ekonomiya ng

bansa bilang agrikultural at limitado lamang ang sektor ng pagmamanupaktura. Dahil dito ay

kakaunti lamang ang oportunidad na mayroon ang mga manggagawa, at ang mga ordinaryong

Pilipino na siya ring gulugod ng bansa ay nanatiling dukha. Bukod pa riyan ay nanahan rin ang
pananaw na ang lalaki ay nakatataas sa babae. Maging sa aklat man o pelikulang tagalog ay

ipinapakita ang pagiging mahina, martir, at sunod-sunuran ng mga kababaihan.

Sa simula ng paghahari ng mga Amerikano ay nagbukas ang mga pagkakataon sa

pampublikong edukasyon, hindi lamang sa primarya at hayskul kundi maging sa tersyarya. Ito ay

para ihanda ang mga kababaihan sa pagiging ina o madre. Batay sa mga nakasaad sa

talahanayan, ang kababaihan, maging sa paaralan ay nakakahon pa rin sa larangang pantahanan.

Ayon kay Aling Peling at Aling Oning na kapwa nakapag-elementarya noong panahong iyon,

ang karaniwang itinuturo sa mga kalalakihan ay paghahardin at industrial work at sa mga

kababaihan naman ay paghahabi at pagbuburda. Kapwa di nakapagtapos ang dalawa, dahil sa

kahirapan at sa pananaw na ang babae ay para sa bahay lang at hindi na kailangang mag-aral pa.

Sa ilalim ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas ay isinagawa ang malayang kalakalan,

ito ay ang kalakalan sa pagitan ng isang bansang mahina at industriyalisadong bansa, ginamit

itong instrumento upang paunlarin ang ekonomiya ng Pilipinas, ngunit dahil ito ay nagdudulot ng

dependency at underdevelopment, nanatiling bansot ang ekonomiya ng bansa. Sa paglatag ng

malayang kalakalan sa Pilipinas ay nagkaroon nang malaking salik ang kasarian sa katangian ng

gawain, sahod, at kondisyon sa paggawa. Lumaki ang bilang ng mga kalalakihan sa

manupaktura, propesyunal, at klerikal na paggawa, samantalang ang mga kababaihan ay

kadalasang walang sahod, nanatili sa gawaing pantahanan, at maybahay. Dahil sa pananaw na

sekundaryang manggagawa lamang ang mga kababaihan ay dumanas sila ng mababang pasahod,

seksuwal na pang-aabuso, at ang mga walang mapasukan ay nauwi sa prostitusyon. Bukod pa

riyan ay may diskriminasyon sa mga babaeng may-asawa sa pagtanggap ng mga bagong

manggagawa
Bukod sa limitadong oportunidad sa sektor ng pagmamanupaktura, at kawalan ng

kakayahang pang-edukasyon, ay naging limitado rin ang mga batas na nagbibigay proteksiyon sa

mga kababaihan at batang manggagawa noong panahon ng mga Amerikano. Noong Mayo 1913

o araw ng unang opisyal na pagdaraos ng Paggawa sa Pilipinas, nagpasa ang kongreso ng mga

probisyon upang maituwid ang kondisyong paggawa ng mga Pilipino, at isa sa mga ito ay ang

pagbibigay proteksiyon sa mga manggagawang babae at bata. Ang mga probisyong ito ay

nakapokus sa pagtatakda ng maayos na pasilidad para sa kanila at pagkakaroon ng silid-bihisan,

sariling palikuran, at mga upuan. Isa pang probisyon ay ukol sa maternity leave, ngunit noong

ika-3 ng Nobyembre taong 1924 ideneklara ng Korte Suprema na labag sa konstitusyon ang

nasabing probisyon at sinabing “ang naturang probisyon ay panghihimasok sa kalayaan ng

kontrata.” Gayunpaman matapos maipasa ang Republic Act No. 679 noong 1952 ay naipatupad

ang probisyon ng maternity leave at ang mga benepisyo nito.

Ang unang yugto ng paghahari ng mga Amerikano ay siya ring yugto ng pagiging sangkot ng

mga kababaihan sa mga kilusan at pagwewelga ng mga manggagawa. Ang Union Obrera

Democratica ay ang unang pederasyon na naitatag noong 1902, ito ay pinangasiwaan ni Isabelo

Delos Reyes, ngunit nang siya ay magbitiw napalitan ito ng Union Obrera Democratica de

Filipinas (UODF) sa pamumuno ni Dominador Gomez na may layuning mapagkaisa ang mga

mangaagawang babae at lalaki upang maitaas ang sahod. Lumitaw din ang pagsuporta ng mga

kababaihan sa mga manggagawang lalaki, sa pamamagitan ng paglikom ng pondo para sa mga

proyekto, pagboykot sa mga trambiya para sa mga konduktor at motorman, at pagbibigay ng

ambag. Ang paglahok ng mga kababaihan sa mga pagtitipon tipon ay ang naglantad sa kanila sa

katotohanan at ang pagsuporta nila sa mga aktibidad para sa mga manggagawa ay ang nagbigay

sa kanila ng oportunidad na maging bahagi ng pampublikong arena.


Sa ikalawang yugto ng paghahari ng mg Amerikano ay muling lumitaw ang mga pagwewelga

at ang pagdami ng mga pag-aaklas ng mga manggagawa. Ang pangunahing naging isyu nila ay

ang pagbabawas ng mga manggagawa at mabababang pasahod na bunga ng economic

depression. Ang ikalawang isyu ay ang pang-aabuso ng mga superbisor, ikatlo ay ang pagtanggal

sa mga lider manggagawa at kapwa manggagawa na hindi makatarungan sapagkat walang

malinaw at matibay na dahilan, ikaapat ay ang pagsasatupad ng commonwealth act no. 44 o ang

batas na walong oras na paggawa, at iba pang kahilingan. Ang militansiyang ipinakita ng mga

manggagawa sa yugtong ito, kabilang na ang mga kababaihan ay nagpapakita nang matibay na

samahan at determinasyon sa kabila ng panggigipit ng pulis, pang-aaresto sa mga welgista,

konstabularya, pagwasak sa kanilang mga piket, krisis at economic depression.

Sa kabila ng pagwewelga ng mga manggagawa ay nanatiling matigas ang Manila Tobacco

Associations (MTA), itinaas lamang nito ang sahod mula lima (5%) hanggang (10%) sampung

porsiyento, ngunit hindi ito tinanggap ng mga manggagawa kaya't napilitan silang lumapit sa

pamahalaan upang humingi ng tulong. Nagkaroon ng mga pagpupulong na kung saan dumalo

ang mga manggagawa, sa isang pagpupulong na kung saan libo-libong ang pumunta ay

nagkaroon ng hidwaan sa pagitan ng mga manggagawa at mga pulis, nagsimulang magpaputok

ang mga pulis at nauwi ang dapat sanang pagpupulong sa isang masaker na kung saan apat na

manggagawa ang nasawi at dalawampu naman ang inaresto. Samantalang ang mga pulis ay hindi

nabigyan ng parusa at malayang nakagagalaw. Apat na araw pagkatapos ng insidente ay 437

lamang ang bumalik sa trabaho habang patuloy na nagwelga ang 11, 438 na manggagawa,

kabilang na ang mga manggagawang babae. Ayon isang ulat, "Karamihan sa mga babaeng

welgista ay hindi nagkakaroon ng sapat na makakain pero hindi sila nahuhuli sa pakikibaka"

sumisimbulo lamang ito sa katatagan at pagiging pursigido ng mga kababaihan.


Ilan lamang sa mga natatanging babae na naging parte ng mga kilusang paggawa at

pagwewelga ay sina Pilar Lazaro at Narcisa Paguibitan. Si Pilar Lazaro ay ang pangulo ng lupon

ng mga kababaihan sa samahan na Bagong Araw at kilala sa pagtataguyod niya ng mga isyung

pangmanggagawa at pangkababaiha. Si Narcisa Paguibatan naman, ayon sa kanyang pamangkin

na si Consolacion Paguibitan Manalac, ay nakulong dahil, "ipinaglaban noon sa kompanya ang

para sa mga manggagawa," naniniwala si Aling Consing na ang mga tulad ni Narcisa ay hindi

ikinukulong samakatuwid ay dapat ituring na mga bayani dahil ipinaglalaban nila kung ano ang

tama. Ang pakikibakang ito ni Lazaro at Pagubitan ay ang magpapatunay na malaki ang naging

papel ng mga kababaihan sa pag-alpas ng mga manggagawa mula sa panunupil ng mga may

awtoridad.

Ang pagtindig sa isyu ng mga kababaihang mangagawa ay pinangunahan ng mga lider-

mangagawa. Isa sa kanila ay si Lope K. Santos na isa ring makabayang manunulat, ipinanukala

niya sa kanyang artikulo ang kahalagahan ng pagkakaisa ng lalaki't babae at responsibilidad nila

sa pamilya at sa bayan. Sinabi niyang, “Ang kalakasan ng loob ng lalaki ay ang bumubuhay sa

kaniya at ang kahinaang loob ng babae ay siyang pumapatay sa kaniya.” Isa pa sa mga lider-

manggagawang nabanggit ay si Crisanto Evangelista na nagbigay ng tatlong paraan upang

suportahan ang mga manggagawang babae at bata, una ay pantay na sahod ng mga lalaki at

babae, ikalawa ay pagbibigay sa kanila ng kumportableng lugar ng gawaan, ikatlo ay pagtatakda

sa bilang at edad ng mga tatanggaping batang manggagawang upang maiwasan ang pang-aabuso

sa kanila.

Ang ikatlong lider-manggagawa ay si Jacinto G. Manahan. Siya ay nagbigay suporta sa

pamamagitan ng kanyang artikulo. Isinaad ni manahan ang malaking pagkakaiba ng mga

manggagawang kababaihan sa bansang Russia at Pilipinas pagdating sa pantay ng sahod ayon sa


kasarian, pagkakaroon ng “maternity leave benefits,” at maging ang pagkakaroon ng day nursery

para sa mga anak ng manggagawa. Ang mga tindig na ito ng mga lider-manggagawa ay siyang

magpapatunay na hindi naging bulag ang kilusang paggawa sa isyu ng mga kababaihan.

Ang aklat o pananaliksik na ito ay isang akda na tinalakay ang sitwasyon ng kababaihang

manggagawa sa Pilipinas noong 1901-1941. Sa modernong panahon ay matunog pa rin ang mga

usapin tungkol sa pagkakapantay-pantay ng mga kasarian. Noon, ang mga kababaihan ay

matatagpuan lamang sa loob ng bahay, naghahabi, nagbuburda, nagluluto, at nag-aaruga ng mga

anak. Noon, ang pananaw sa kababaihan ay mahina, mahinhin, at walang kakayahan. Noon, may

mga bagay na tanging kalalakihan lamang ang nakaggawa o tanging kalalakihan lamang ang

may karapatang gumawa. Sa kasalukuyang panahon, ang kababaihan ay mulat na sa kanilang

mga kakayanan at handang ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Ang Babae, Obrera,

Unyonista ay libro na inilathala ni Judy Taguiwalo na may layuning maipakita ang kahalagahan

ng mga kababaihan sa kasaysayan ng kilusang paggawa sa bansang Pilipinas.

Ang akdang ito ay naisulat noong 2011 kung kailan hindi pa totoong bukas ang lahat ukol sa

usaping pangkasarian. Kung titingnang mabuti, marami nang pagbabago ang nangyari sapagkat

sa kasalukuyang panahon ay lumawak na ang peminismo at women empowerment hindi lamang

sa bansang Pilipinas kundi maging sa buong mundo. Ito ay ang adbokasiya para sa karapatan ng

mga kababaihan at pagkakapantay-pantay ng mga kasarian, na kung saan kalahok ang libo-

libong kababaihan. Ang pananaliksik na isinagawa ni Taguiwalo ay makabuluhan lalo na sa

adbokasiya ng mga modernong kababaihan.

Inialay ni Taguiwalo ang akdang ito kina Crispin "Ka Bel" na kapwa niya bilanggo noong

panahon ng diktaturyang Marcos, at sa kabiyak nito na si Rosario o "Ka Osang" na siya ring
katuwang niya sa pakikibaka para sa bayan. Ang dalawang ito ay miyembro ng (KMU) o

Kilusang Mayo Uno na nanindigan sa karapatan ng mga manggagawa at may hangaring mabago

ang mundo. Sila rin ay ang tumulong sa kanya sa oras ng kanyang pangangnak. Ang aklat na

isinulat ni Taguiwalo ay may layuning mabura sa isipan ng mga mambabasa ang imahe ng

kababaihan bilang pantahan o maybahay lamang. Ipinakita niya ang mga naging partisipasyon

nila sa mga kilusang paggawa at mga pagwewelga para sa ikabubuti ng lahat ng mga

manggagawa. Naipakita rin sa akda ang naging pagkakaisa at pagtindig ng dalawang kasarian

para sa iisang hangarin noong panahon ng pananakop ng mga dayuhan.

Ang Babae, Obrera, Unyonista ay isang pananaliksik na ginawang aklat upang magkaroon ng

pagkakataon ang lahat, maging lalaki, babae, matanda, bata, o kung sino man na mabasa o

malaman ang naging papel ng kababaihan sa kasaysayan ng mga manggagawa sa bansang

Pilipinas. Ito ay may intensyong mapalawak ang kaisipan ng mga mambabasa ukol sa kakayahan

ng mga kababaihan at maialis sila sa kahon na nagsasabing sila ay mahina, martir, sunud-

sunuran, at pang-gawaing bahay lamang. Ang pag-aaral na ito na isinagawa ni Taguiwalo ay may

kahalagahan sa kasaysayan ng bansa at sa pagbibigay-pugay sa mga natatanging babaeng

manggagawa noong panahon ng pananakop ng mga dayuhan. Ang manunulat ay gumamit ng

pamamaraang historikal na kung saan siya ay nagkalap ng primarya at sekundaryang batis bilang

basehan sa pananaliksik na kanyang isinagawa. Bagama't may limitasyon ang pag-aaral

pagdating sa panahon at may kakulangan pagdating sa impomasyon, nagpatuloy pa rin si

Taguwalo at nanindigan sa kanyang layunin.

“Bakit dumayo ang Estados Unidos sa Pilipinas?” Sinimulan ng may akda ang aklat sa

pamamagitan ng isang tanong ukol sa dahilan kung bakit sinakop ng mga dayuhan ang Pilipinas.

Sa aking opinyon, ang istratehiyang ito ay epektibo upang mapukaw ang atensyon ng mga
mambabasa at magkaroon ng ugnayan sa pagitan ng manunulat at mambabasa. Sinuportahan

niya ang kanyang mga argumento sa pamamagitan ng pagkuha ng mga pahayag at kaukulang

pahina ng mga ito mula sa teksbuk ng kasaysayan, disertasyon, at iba’t ibang akda na ginamitan

niya ng block quotation upang hindi magkaroon ng kalituhan sa impormasyon. Ang ilan-ilang

pahayag na may maling ispeling, balarila, at istraktura ay nilalagyan niya ng [sic] na nagsasaad

na ang pahayag ay ang orihinal na isinulat ng may akda upang maiwasan ang plagiarism.

Ang bawat kaugnay na literaturang ingles na binaggit ni Taguiwalo sa kanyang akda ay may

katumbas na bersiyon sa Filipino na siya mismo ang nagsalin, upang hindi maging pabago-bago

ang nilalaman ng akda at upang mas maunawaan ng nakararaming mambabasa. Gumamit rin

siya ng mga talahanayan na may kaukulang diskusyon na nagpapakita ng mga istatistiks o

pagkukumpara na lalong nagpatibay sa kanyang pag-aaral. Naging masigasig at masikap din si

Taguiwalo sa pagsasagawa ng mga interbyu, kahit na limitado lamang ang bilang ng mga

manggagawang bahagi ng kilusang paggawa noong panahon ng pag-aaral. Kanyang

nakapanayam ang iba’t ibang mamamayan kabilang sina Carlos Bolosan na anak ng isang

magsasaka, Aling Peling at Aling Oning na kapwa mag-aaral sa primarya noong panahon ng

mga Amerikano, at si Consolacion Paguibitan Manalac na pamangkin ni Narcisa Paguibitan.

Ang pamamaraang ito ng pagkalap ng impormasyon ni Taguiwalo ang nagpatunay kung gaano

siya kadeterminado sa pagpapalitaw sa naging buhay ng mga kababaihang manggawa noong

panahon ng pananakop ng mga dayuhan at ang mga naging papel nila sa kasaysayan ng kilusang

paggawa.

Isa sa mga akdang nabanggit at pumukaw sa aking pansin ay ang Urbana at Feliza na isinulat

ng isang paring Filipino na si Padre Modesto de Castro. Ayon sa akda “Ang mga anak na babae

ay dapat maturuang matakot sa Diyos, pangalagaan ang kanilang puri, at maging mahinhin para
hindi mapagsamantalahan ng mga kalalakihan.” Kung tutuusin, ang kanyang naging pahayag ay

katanggap-tanggap maliban sa huli na tila sinasabi niyang kasalanan ng mga kababaihan kung

bakit sila napagsasamantalahan. Ang ganyang pananaw ng mga Pilipino ang dahilan kung bakit

patuloy na dumadami ang kaso ng panggagahasa at pang-aabuso sa mga kababaihan sa bansa.

Ilan pa sa mga pahayag na aking napuna ay ang pahayag ng mga lider-manggagawa, kabilang

na si Lope K. Santos na nagsasabing “ang kalakasan ng loob ng lalaki ay ang bumubuhay sa

kaniya at ang kahinaang loob ng babae ay siyang pumapatay sa kaniya.” Ito ay taliwas sa aking

paniniwala dahil sa aking palagay, ang kahinaang loob ng babae ay siyang nagpapalakas sa

kaniya. Ito ang nagtutulak sa kaniya upang mas lumaban at manindigan sa kanyang mga

karapatan. Tulad na lamang ng mga kababaihang biktima ng panggagahasa, ginagamit nila ang

karanasang ito upang maging boses ng mga kababaihan laban sa mga taong mapagsamantala at

mapang-abuso.

Ang isa namang lider-manggagawa na si Crisanto Evangelista ay naglatag ng tatlong paraan

upang suportahan ang kababaihan at kabataang manggagawa. Akin itong sinasang-ayunan

maliban sa ikatlo na kung saan inimungkahi niya na magtakda ng bilang at gulang ng mga batang

manggagawa na tatanggapin sa mga pabrika upang maiwasan ang pang-aabuso. Sa aking

opinyon maiiwasan lamang ang pang-aabuso kung may itatakdang kaukulang parusa o kaya

naman ay ipagbabawal na ang pagtatrabaho ng mga kabataan hanggang sa tumuntong na sila sa

tamang gulang at kaya na nilang ipagtanggol ang kanilang sarili. Ang mga kabataan ay dapat

matatagpuan sa loob ng silid-aralan at hindi inaalipin sa pagawaan.

Sa kabilang banda ay sinusuportahan ko naman ang artikulong isinulat ni Jacinto Manahan na

nagkukumpara sa mga manggagawang kababaihan sa Russia at Pilipinas. Ito ay nagpapakita


kung paano pinahahalagahan ng bansang Russia ang mga kababaihang manggagawa at ang

kanilang mga karapatan, hindi tulad sa bansang Pilipinas na kung saan ang mga kababaihan ay

tila nanlilimos para sa tamang pasahod, maayos na pasilidad, at proteksiyon. Mahusay na

naipakita ni Manahan kung paano dapat tangkilikin ang mga kababaihang manggagawa at ang

mga benepisyong dapat na ibinibigay sa kanila. Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga

kaugnay na literatura at pag-aaral na isiniyasat at ginawang basehan ng may-akda sa mga

mahahalagang punto na kanyang ipinresenta.

Sa akda na ito masasabing nabigyang-linaw ng manunulat ang naging papel at kalagayan ng

mga kababaihang manggagawa sa bansang Pilipinas sa kamay ng mga dayuhan at naging

matagumpay siya sa pagpapabatid sa mambabasa na hindi lamang pantahanan ang kababaihan.

Gayunpaman, hindi masasabing ito ay perpekto. Bagama’t ang pamagat ng aklat ay Babae,

Obrera, Unyonista: Ang Kababaihan sa Kilusang Paggawa sa Maynila, mas binigyang pokus ng

may-akda ang kababaihan bilang maybahay at manggagawa at kakaunti lamang ang

impormasyon ukol sa mga kababaihan bilang parte ng kilusan. Bukod pa riyan ay may ilang

impormasyon din na tila paulit-ulit. Ang ganitong paraan ay maaaring epektibo upang matatak sa

isipan ng mambabasa ang nais iparating ng buong akda, ngunit maaari rin itong magdulot ng

kabagutan at pagkawala ng interes ng mga mambabasa. Gayunpaman, higit pa ring marami ang

mga positibong katangian ng akda kaysa sa mga negatibong katangian nito at ang mahalaga ay

naiparating ng manunulat ang kaniyang mensahe ng detalyado at malinaw.

Sa pagtatapos ng aking pagbabasa ay napagtanto ko kung gaano kalala ang diskriminasyon sa

bansa lalo na noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol at Amerikano. Hindi katanggap-

tanggap ang naging pagtrato sa mga kababaihan at ang pang-aabuso sa kanilang kahinaan.

Inirerekomenda ko ang akdang ito hindi lamang sa mga kapwa ko mag-aaral, kundi sa iba pang
mamamayan ng bansa, lalo na sa mga taong mababa ang tingin sa mga kababaihan.

Inirerekomenda ko ang akdang ito dahil naniniwala akong makatutulong ito upang mawala na

ang kaisipan o pananaw na ang kababaihan ay walang kakayanan at pantahanan lamang.

Inirerekomenda ko ang pag-aaral na ito ni Judy Taguiwalo sa pamahalaan, upang sila ay

magkaroon ng ideya kung paano pahahalagahan ang kababaihan, lalo na ang mga kababaihang

manggagawa ng bansa.

You might also like