Sa pagdiriwang ng pista ng San Juan, napagdesisyunan ng pamilyang
Moreta na pumunta sa lugar ng kanilang lolo upang bisitahin ito. Bago sila umalis, pumunta si Dona Lupeng sa kusina. Nagtaka siya sapagkat wala ang tagapagluto nilang si Amada. Hinanap niya ito at nadatnan na sumisigaw at walang saplot ang kalahating bahagi ng katawan. Nagulat siya nang makitang iba ang kalagayan at ikinikilos nito. Nang tanungin niya si Entoy kung pumunta ba si Amada sa Tadtarin, oo ang naging sagot nito. Ayon kay Entoy, makapangyarihan ang kaniyang asawa sapagkat ito ang Tadtarin, ang kaluluwa nito ay nasa kaniya. Tumanggi si Entoy na pigilan o kaya ay hawakan lamang si Amada dahil kung gawin niya ito, maaaring ang mga pananim ay hindi tumubo, mamatay ang mga hayop, o kaya ay mawalan ng isda sa mga ilog.
Nang sila ay patungo na sa lugar ng kanilang lolo, napadaan sila at
nasaksihan ang prusisyon para sa pagdiriwang ng pista. Basang-basa ang damit ng mga taong nakikiisa at ang mga dumadaan ay kanila ring binabasa. Sila ay masiglang sumisigaw ng “San Juan! San Juan!” Ang grupo ng mga kabinataan ang may hawak ng imahe ni San Juan. Lubos na nainis si Dona Lupeng sa kaniyang nasaksihan. Sa tingin niya, ang mga gawi o kilos nila ay hindi akma o nararapat. Samantala, napansin ni Don Paeng na ang kanilang pinsan na si Guido ay naroon.
Nang makahapon, muling nagkakita at nagkausap sina Dona Lupeng
at Guido. Si Guido ay nag-aral sa Europa kaya ang kaniyang mga pananaw ay lubos na kakaiba kumpara sa ibang kalalakihan. Ipinahayag niya ang paghanga sa kagandahan ng Tadtarin sa katauhan ni Amada. Hindi sumang- ayon si Dona Lupeng dito. Tinukoy niya ito bilang kanilang tagapagluto. Dagdag pa niya, ito ay mataba at may edad na, ngunit hindi pa rin nagbago ang pananaw ni Guido ukol dito. Dahil nga rito ay napunta ang kanilang usapan sa Tadtarin. Ayon kay Guido, noong unang panahon ay ang mga kababaihan ang itinitingala, samatala ang mga kalalakihan naman ang itinuturing na mga alipin. Nang akmang aalis na si Dona Lupeng ay biglang mataimtim na hinalikan ni Guido ang kaniyang sapatos. Bilang tugon, dali- daling umalis si Dona Lupeng.
Nang sila ay makauwi, napansin ni Don Paeng na may kakaiba sa
ikinikilos ni Dona Lupeng. Isinalaysay nito ang nangyari. Nagpahayag ng pagkainis si Don Paeng sa mga kabinataan tulad ni Guido sa kasalukuyang panahon na iyon. Ayon sa kaniya, ang mga kababaihan ay dapat na minamahal at nirerespeto. Ngunit mistulang nabigo si Dona Lupeng sa naging sagot ng kaniyang asawa. Napagtanto niya na siguro ay mas gusto ng mga kababaihan na hinahangaan kaysa nirerespeto.
Nang gabi ring iyon, ipinahayag ni Dona Lupeng ang pagnanais na
masaksihan ang Tadtarin sa huling pagkakataon sapagkat iyon ang ikatlo at huling gabi ng pagdiriwang nito. Nagulat si Don Paeng sa narinig mula sa asawa. Noong una ay lubos itong hindi sumasang-ayon ngunit nang ipagdiinan ni Dona Lupeng na siya ay pupunta, kasama niya man ang asawa o hindi. Si Don Paeng ay walang ibang magawa kung hindi samahan ang kaniyang asawa.