You are on page 1of 10

15 Mary Franz Benilde P.

Manlutac DFIA, FSPL: Cultural Map

12 – St. Aldetrudis 2020 Mayo 4

Digital Road Trip: Kilalanin ang Kabundukan ng Kordilyera

Taun-taon, binibisita naming ang aking tatay sa lungsod ng Baguio. Mula pagkamusmos
pa lamang, kilalang-kilala ko na ang Baguio para sa mga berdeng tanawin, mga matatamis na
strawberry at sa napakalamig na klima nito. Iba ang saya na nararanasan ko sa tuwing nasa Baguio
ako! Bagama’t bata pa lamang ako ay kilala ko na ang Baguio, hindi ko naman matatanggi na hindi
ko pa tunay na kilala kung sino at ano ang lungsod na ito—at kung ano’ng mas malaking
komunidad pa ang kinabibilangan nito—ang Cordillera Administrative Region (CAR) o ang
Kordilyera. Hindi rin naman natin maipagkakaila na bukod sa lahat ng lugar sa Kordilyera, ay ang
Baguio ang pinakakilala—ngunit dapat ba nating hayaan na gano’n na lamang?

Balak ko sanang pisikal na kilalanin pa ang komunidad ng Kordilyera ngayong Mayo,


ngunit dahil sa sitwasyon ngayon, hindi ko magawa. Sa ngayon, sa pamamagitan ng isang mapang
kultural at pananaliksik gamit ang internet, ako muna’y magdi-digital road trip muna papuntang
Kordilyera. Nais niyo bang sumama? Kung oo, halina’t patuloy magbasa!

Kinabibilangan ng Kordilyera ang mga probinsya ng Abra, Apayao, Kalinga, Mountain


Province, Ifugao at Benguet. Ito ay ang nag-iisang landlocked region sa Pilipinas. Nababakuran
naman ito ng Ilocos Region sa kanluran at timog-kanluran, at ng Cagayan Valley naman sa hilaga,
silangan at timog-silangang bahagi nito. Opisyal na tinatag ang rehiyon na ito sa ika-15 ng Hulyo
1987 at tahanan ito sa mga ilang mga katutubo nating kapatid na kilala bilang Igorot. Bawat
probinsya ng Kordilyera ay may hinahandog na kahusayan at katiyakan sa kada disiplina ng sining
mula arkitektura, teatro, media arts, sining biswal, panitikan, musika, at sayaw. Mayroon ding mga
produkto, lugar at pagdiriwang na natatangi lamang sa mga probinsya ng Kordilyera. Tara’t alamin
natin sila!
Bago pa man ang modernisasyon, kitang-kita na ang likas na husay ng mga taga-Kordilyera
sa arkitektura. Makikita ito sa ilang mga istilo ng bahay na kanilang nilikha noon tulad na lamang
ng Octagonal House ng Kalinga. Ang uri ng bahay na ito ay kadalasang makikita noon sa ilog ng
Chico. Natatangi ang disenyo nito sa iba pang mga tradisyunal na kabahayan ng Kordilyera dahil
sa walong panig nito, ngunit nagsisilbi lamang ito bilang pisikal na disenyo at wala nang iba pang
praktikal na gamit. Sumunod naman ang Bale House ng Ifugao na ni isang pako ay wala kang
mahahanap sa pagkakabuo nito. Ang salitang “bale” ay nangangahulugang “no nail”, kaya naman
madaling gibain ito at ilipat sa ibang lugar kung ninanais ng may-ari. Isa pang disenyo ng bahay
noon sa Kordilyera ay ang Allao Native Dwelling ng Benguet. Bagama’t bahay rin ang Allao,
naiiba naman ito dahil panandaliang gamit lamang ito. Ang uri ng bahay na ito ay para sa mga
nagbabantay ng palay sa bukod o minsan nama’y dito nananatili ang mga matatandang biyuda.

Tumungo naman tayo sa larangan ng teatro. Kung sa Maynila ay hangang-hanga naman


tayo sa mga pagtatanghal ng mga theatre companies tulad ng PETA, Tanghalang Pilipino at
Dulaang UP—mayroon din ang Kordilyera ng sarili nitong mga mahuhusay na artista! Isa na rito
ang Anak di Kabibiligan Community Theater (Children of the Mountains) na binuo ng Cordillera
Green Network noong 2008. Bahagi rito ang kabataan mula sa iba’t ibang probinsya ng Kordilyera
na karamihan ay mula Kalinga, Ifugao at Benguet. Tampok ang kanilang grupo para sa
pagtatanghal ng mga dulang may kinalaman sa pagpapahalaga ng kultura at kagubatan ng
Kordilyera. Isang halimbawa nito ang Fugtong: A Kalinga Folk Tale na isang orihinal nilang dula.
Tungkol ito sa isang pamilyang tinakwil ng isang komunidad dahil sa kanilang pag-ampon sa isang
“fugtong” o itim na aso. Noon, ipinagbabawal ang pag-aalaga sa itim na aso sa Kalinga. Kalahating
oras lamang ang tagal ng dulang ito at ang pagkekwento nito’y dinaan sa salitang Kakana-ey na
may halong Iloko, Tagalog at Ingles.

Isang dula pa na mula sa Kordilyera ay ang Mga Ginto sa Kabundukan ng Kordilyera: Ang
Paglalakbay Patungo sa Asam na Awtonomiya. Itinanghal ito ng mga mag-aaral mula Christian
Legacy Academy noong 2017 ara sa Cordillera Philippine Information Agency. Kinekwento nito
ang karanasan ni Armando, isang bata mula Kordilyera, sa pagtuklas ng kaniyang tinubuang lupa.
Itinanghal ang dulang ito sa hangaring maging autonomous region ang CAR sa para sa tatlong
rason: (1) enhanced Cordillera identity, (2) responsive policies for the region, at (3) progress for
all.

Hindi rin naman natin maitatanggi ang husay ng mga taga-kordilyera sa likod ng kamera
at sa media arts. Ating kilalanin si Eduardo Masferre—isang litratista mula sa Mountain Province.
Kilala bilang “Father of Philippine Photography”, isa si Masferre sa mga tanyag na nagdokumento
ng buhay ng mga taga-Kordilyera sa pamamagitan ng mahusay na pagkuha ng mga litrato.
Bagama’t monochromatic lamang ang kaniyang mga kuha, kitang-kita pa rin ang makulay at
mayaman na kultura ng Kordilyera sa kaniyang mga litrato.

Sa aking pananaliksik, mayroon din akong nakilalang dalawa pang direktor mula sa
Kordilyera. Isa na rito si Eric Oteyza de Guia, o mas kilala bilang si Kidlat Tahimik. Kilala ang
kaniyang mga likhang pelikula bilang kritiko sa opresyon at pananamantala ng estado na
nararanasan ng mga tao sa Kordilyera. Itinuturing “Third World Cinema” ang uri ng mga
pelikulang nililikha niya. Bagama’t mabibigat ang mga paksa ng kaniyang mga likha, hindi naman
nagkukulang si Kidlat Tahimik sa pagpapakita ng pag-asa sa kaniyang mga pelikula. Dahil dito,
nagawaran siya bilang National Artist for Film noong taong 2018.

Isa pang direktor ay si Dexter Macaraeg mula sa Abra. Sa kasalukuyan, mayroon na siyang
tatlong pelikulang nilikha at lahat nito’y nagtatalakay sa mga artisan ng Abra at sa mga isyung
kinahaharap ng kanilang komunidad. Isa na rito ang kaniyang pelikulang Am-Amma (2018) na
tungkol kay Norma Agaid-Mina, isang textile weaver na gumagawa ng mga Tingguian indigenous
textiles mula sa Abra.

Mayaman din ang kabundukan ng Kordilyera sa sining biswal na kanilang nililikha mula
sa iba’t ibang materyales. Sa Abra, ang mga mula sa katutubong grupong Itneg or Tingguian ay
lumilikha ng pinilian textile. May ginagagamit silang “floating weft technique” sa paghahabi ng
mga kurbadong imahe na nagbibigay ng ilusyon na ito ay nakalutang mula sa tela. Ilan sa kanilang
mga disenyo ay ang sinang-kabayo (horse), Sinan-tao (human figure) at ang kinarkarayan (river).
Isang manlilikha ng Kordilyera na ating dapat kilalanin din ay si Santiago “Santi” Bose.
Isa siyang multimedia artist at walang tiyak na istilo ang kaniyang mga gawa bukod sa gumagamit
siya ng iba’t ibang indigenous, inexpensive at reusable na mga materyales para rito. Isa siya sa
mga naunang nagtaguyod ng mga ganitong material sa lokal na industriya ng sining. Sa kaniyang
paglilikha, pinakikita ng kaniyang mga sining ang iba’t ibang mga komento sa lipunan, pulitika at
kultura ng kaniyang komunidad. Isa na rito ang “Carnivores on Session Road” (1998) na pinakikita
ang naging epekto ng pagpapatayo ng mga dayuhang may-aring establisyimento sa Session Road
sa Baguio.

Mayroon ding mga museo ang Kordilyera na tahanan ng mga magagandang sining nila
tulad ng Museum of Cordillera Cultural Heritage sa Banaue, Mountain Province. Matatagpuan
dito ang iba’t ibang iskultura ng mga Ifugao tulad na lamang ng bul-ul, isang nililok na
representasyon ng nagbabantay ng mga palay noon; hagabi bench, isang mahabang kahoy na
upuang nagpapakita ng kayamanan ng isang tao mula sa Ifugao; at ang minaho, isang maliit na
iskultura ng aso.

Sagana rin ang Kordilyera sa mahuhusay na mga manunulat ng panitikan. Ating kilalanin
si Luisa Igloria. Isa siyang makata at guro mula sa Baguio City na nagawaran na ng iba’t ibang
prestihiyosong parangal dahil sa kaniyang mga sulat. Karamihan ng kaniyang mga likha ay may
tema ng pamilya na may kinalaman sa post-colonialism at kapangyarihan. Tampok siya para sa
kaniyang libro na Cordillera Tales (1990) na isang koleksyon ng mga kwento tungkol sa iba’t
ibang katutubong grupo sa Kordilyera at sa mga mito mula sa Mountain Province.

Sumunod naman ay si Padmapani L. Perez, isang anthropologist-poet mula rin sa Baguio


City. Nagsusulat siya ng mga journal patungkol sa kahalagahan ng mga katutubong grupo at pati
na rin ng mga tula para sa mga bata. Isa siya sa mga patuloy na nagtataguyod ng paglilimbag ng
lokal na mga tula at kwento para sa mga bata—kaya nama’y sinulat niya ang Shela Goes to a Da-
ngah (2017) na sinalin sa iba’t ibang mga wika mula sa Kordilyera.

Sumusunod naman sa yapak nitong mga kilalang manunulat ay ang Ubbog Cordillera
Young Writers na isang pangkat ng mga kabataang manunulat mula sa iba’t ibang bahagi ng
Kordilyera ngunt sa Baguio City naman sila nagtatagpo para sa kanilang mga pagpupulong.
Tinawag nila ang kanilang sarili bilang ubbog dahil nangangahulugan itong “fresh water spring”
sa wikang Iluko—tulad ng isang batis, nagpapaagos sila ng makabago at natatanging mga ideya
na tutulong sa pagyabong ng panitikan ng Kordilyera. Lumalahok sila sa iba’t ibang mga writing
workshops at nagtanghal na rin sila ng kanilang mga sariling likhang tula sa iba’t ibang mga
reading events.

Binabahagi rin ng mga taga-Kordilyera ang kanilang kultura sa pamamagitan ng likhang


musika. Isang halimbawa na rito ang paggamit nila ng katutubong instrumento tulad na lamang ng
gangsa at tongatong. Ang gangsa ay isang gong na kadalasa’y iisa lamang ang ginagamit sa
pagtugtog ngunit depende rin ito sa tradisyon ng mga katutubong grupo mula sa Kalinga, Ifugao
at Bontoc. De-kamay ang paggamit dito. Ang tongatong naman ng Kalinga naman ay isang
instrumenting percussion na gawa sa kawayan. Isang gamit nito ang pakikipagkomunika sa mga
ispiritu kapag magbabasbas ng mga tahananan.

Makikita at maririnig naman ang pagtugtog ng dalawang instrumentong ito sa kantang


Echoes ng The Cordillera Fusion Collective. Sa ilalim ng producer na Desert Media Peace, binuo
ang kantang ito ng mga grupong Cordillera Music Tutorial and Research Center, St. Louis
University Cultural Performance Group, Sagada High School Students and Faculty, Benny
Sokkong at Alex Tumapang. Ang Echoes ay isang “fusion” ng mga tradisyunal na awiting Igorot
na oggayam at salidummay at ng mga orihinal na lirikong nagpapakita ng kultura ng Kordilyera.

Kilala ang mga taga-Kordilyera bilang mga headhunters noon—nagsisilbing tropeyo ang
mga pinugot nilang mga ulo ng kanilang mga kaaway. Bilang isang pagpapahalaga sa tradisyong
ito noon, mayroon silang mga sayaw para rito. Mula sa mga Bontoc ng Mountain Province, ang
sayaw ng mangayaw ay isang pre-headhunting na ritwal kung saan sinasalubong ang mga bagong
mandirigma ng konseho.
Sa Kalinga naman, bilang pagdiriwang ng kanilang matagumpay na headhunting,
sinasayaw nila ang takiling. Dito nakasuot sila ng makukulay na lawi o rooster feathers sa ulo
habang tinatambol ang gangsa.

Sinasayaw rin noon ng mga taga-Kordilyera ang kanilang pagpapakita ng pag-irog sa isang
tao, tulad na lamang ng sayaw ng taddo ng mga Itneg ng Apayao. Sinasayaw ito ng dalawang
nagmamahalang lalaki at babae—tinataas at niwawagayway nila ang kanilang mga kamay na tila
mga ibon na naghahabulan sa isa’t isa. Sumasayaw rin ang lalaki na tulad ng mga galaw ng isang
tandang na nag-aayos ng balahibo, magilas ang lakad at lumilipad mula sa sahig.

Mayroon din namang mga natatanging landmarks ang iba’t ibang probinsya ng Kordilyera
tulad na lamang ng Philippine Eagle Sanctuary o Haribon Sanctuary sa kagubatan ng Calanasan,
Apayao. Noong Abril 2015, natuklasan ang kauna-unahang active na Haribon nest sa Luzon dito.
Mula noon hanggang 2018 naman, lumago ang bilang nito sa 15 na Haribon na ang natagpuan sa
mga kagubatan ng Calanasan. Sa ngayon, itinataguyod na ng lokal na pamahalaan nito maging
isang UNESCO Biodiversity and Protected Area.

Sa Kianga, Ifugao naman matatagpuan ang Yamashita Shrine. Itinayo ito bilang isang
pagpapaalala ng pagsuko ng Commanding General ng Japanese Imperial Forces na si Tomoyuki
Yamashita noong World War II. Nagsisilbi rin itong parangal sa mga sundalong Pilipino na
nagsilbi noong digmaan.

Para sa mga mamamayan ng Sagada naman, mayroon silang ritwal sa paglilibing ng


kanilang mga yumaong kamag-anak. Kung sa karaniwan ay binabaon lamang natin sa lupa ang
kabaong o nilalagay sa isang urn ang abo ng mga sumakabilang-buhay na, sa kanila nama’y
nilalagay sa kabaong at sinasabit sa pader ng mga kweba o sa gilid ng mga talampas (cliffs) ng
kabundukan ng Sagada. Isinasagawa nila ito dahil sa paniniwalang kapag mas mataas ang
pagpwesto sa kanilang mga patay, mas mataas din ang maaabot nila sa kabilang buhay. Ang ibang
rason naman ay para rin hindi makain ng mga aso ang mga bangkay at para hindi rin manakaw ng
kanilang mga kaaway ang ulo ng kanilang bangkay bilang tropeyo. Mahigit 2 000 taon na ang
tanda ng gawaing ito, ngunit hindi na rin kadalasang ginagawa sa ngayon. Ang huling hanging
coffin na nilagay rito ay mula Hunyo 2008 pa.

O, malapit nang matapos ang ating road trip! Baka gusto niyo ng souvenir? Halina, tignan
natin kung ano ang pwede nating mauwi. Kung ang Baguio ay tampok para sa mga matatamis na
strawberry nito, ating kilalanin din naman ang iba pang mga natatanging produkto ng iba’t ibang
mga komunidad sa Kordilyera! Sa Apayao, mayroon silang indigenous na prutas na tinatawag na
lubeg. Kadalasa’y tumutubo ang puno nito sa malililim na lugar at namumunga ang mga lubeg
bilang kumpol. Mala-citrus ang lasa nito at may pagka-asim kaya nama’y nagawa ito sa iba’t ibang
produkto tulad ng alak, juice, concentrates, jams, jellies, syrups at suka.

Sa Kalinga naman, pwede ka ring mag-uwi ng souvenir sa balat mo—mayroong tradisyun


ng pagta-tattoo ang mga kababaihan ng Kalinga na tinatawag na pambabatok. Nagsisilbi ito bilang
rite of passage para sa mga kababaihang ikakasal at bilang tanda ng katapangan at kalakasan ng
mga kalalakihan. Tanging kahoy at uling lamang ang gamit para makalikha ng disenyo sa balat.
Ang pinakamatandang kilala na mambabatok ay si Apo Whang-Od ng Buscalan. Gumagamit siya
ng mga geometric figures sa kaniyang mga disenyo na nagmula naman sa tribo ng mga Butbut.

Kilala rin ang mga katutubong Itneg mula sa Namarabar Village ng Abra para sa paggawa
ng dye ng iba’t ibang kulay mula sa mga likas na yaman—tulad na lamang ng kahoy ng kamagong
(mahogany) para sa kulay pula, langka at luya para sa kulay dilaw, ang kahoy ng narra para sa
kulay kayumanggi at ang halamang malatayun para sa kulay indigo. Sa lahat ng mga kulay,
kilalang-kilala sila para sa paglikha ng kulay indigo na dye. Dagdag pa rito, kumpara sa ibang mga
katutubong grupo, ang mga Itneg ang may pinakamaraming bilang ng kulay ng natural dye sa
bansa. Kaya naman mula 2015, sinusubukan na ng mga miyembro ng Namarabar Indigo Natural
Dye Producers Cooperative na buhayin at ipagpatuloy ang praktis na ito sa pamamagitan ng
pagsasagawa ng mga workshops sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa kabundukan ng Kordilyera, hindi rin mawawala ang mga makukulay at masisiyahing
pagdiriwang nila. Sa Bauko, Mountain Province, mayroon silang piyestang tinatawag na Begnas
di Bauko. Ang bauko ay isang salitang Igorot na nangangahulugang “thanksgiving” o “offering
ritual”. Taun-taon kada ikalawang linggo ng Marso, dinaranas ito sa Bauko upang magpasalamat
kay Kabunyan (God) at sa mga ispiritu ng kanilang mga ninuno. Noong isinasagawa pa ang
headhunting sa Kordilyera, sinasayaw rin nila ang sayaw ng mangayaw rito. Ngunit ngayon, bukod
sa pasasalamat kay Kabunyan, pinakikita ng mga mamamayan ng Bauko ang kanilang mga
produkto at talento. Mayroon din silang Bayo (Rice Pounding) challenge na isinasagawa rito.

Sa Abra naman, mayroon silang Kawayan Festival. Bilang isang likas na yaman sa
kanilang probinsya, malaki ang ginagampanang papel nito sa pagpapatibay ng kanilang
komunidad. Dahil sa kawayan, nakalilikha sila ng iba’t ibang kagamitan at produkto tulad na
lamang ng mga basket, salakot at instrumento na nakatutulong sa pag-unlad ng buhay nila.
Sinisimbolo rin ng kawayan ang kanilang katatagan bilang isang komunidad. Bilang
pagpapahalaga sa likas na yaman na ito, isinasagawa ang Kawayan Festival kada ikalawang linggo
ng Marso ng taon.

Kamakailan lamang, ipinagdiwang din ng mga taga-Kordilyera ang Cordillera Day noong
ika-24 ng Abril. Isa itong mahalagang araw ng pag-alala sa pagpaslang kina Ama Macliing Dulag
at Pedro Dungoc—mariin nilang nilabanan ang pagpapatayo ng Chico River Basic Hydroelectric
Dam Project ng dating diktador Ferdinand Marcos sa kabundukan ng Kordilyera sapagkat dulot
nito ang karahasan sa mga katutubong grupo at kawalan ng lupa ng mga taga-Kordilyera. Bagama’t
yaon ang nangyari, hindi naman natakot ang mga tao ng Bontoc at Kalinga, kundi pinaigting lang
nito lalo ang kanilang hangaring ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupa at kayamanan. Mula
1981 hanggang 1984, una itong tinawag bilang Macliing Memorial, ngunit dahil patuloy na
lumalago ang kilusang masa mula sa iba’t ibang probinsya ng Kordilyera—simula itong tinawag
na Cordillera Day noong 1985 bilang pagtanda ng paglago ng pagkakaisa at katatagan ng iba’t
ibang katutubong grupo ng Kordilyera.

At dito nagtatapos ang ating digital road trip! Iilan pa lamang ang ating mga natuklasan
tungkol sa mga probinsya ng Kordilyera, pero masasabi nating kay yaman nga talaga ng kultura
ng Kordilyera, no? Sa bawat larangan at disiplina ng sining, may maihahandog itong likha na
kinakatawan ang husay at talento ng Kordilyera na nararapat lang nating kilalanin sa pamamagitan
man ng digital o pisikal na road trip.

Dagdag pa rito’y napagtanto kong napakayaman ng kultura ng Kordilyera, ngunit


nakalulungkot isiping may banta sa buhay nila tulad na lamang ng pangyayaring nagging ugat ng
Cordillera Day. Dagdag pa na kahit may internet, nahirapan pa rin akong maghanap ng
impormasyon tungkol sa kanila. Mayroong banta ng kawalan ng lupa, pati banta na rin ng
kakulangan ng impormasyon tungkol sa kanila. Ano na lamang ang mangyayari sa kanila sa
kasalukuyan kung walang nakatalang impormasyon tungkol sa kanila, ‘di ba? Hindi maipagkakaila
na malaki ang ambag ng Kordilyera sa kultura at kasaysayan ng kabuuang bansa, kaya naman
sana’y sikapin nating kilalanin pa sila.

Isang hakbang lamang ang digital road trip na ito sa ngayon, ngunit nawa’y maging isang
makabuluhang hakbang ito para patuloy nating palaguin at unawain pa lalo ang komunidad at
kultura ng Kordilyera.

Hanggang sa susunod na paglalakbay, mabuhay ang Kordilyera! 

 

You might also like