Professional Documents
Culture Documents
Palabas Bukas
Palabas Bukas
Problema din ang palabas bukas para sa mga taga-teatro. Hindi pa man
nasisimulan ng mandudula ang kanyang obra, problema na ang palabas
bukas. Nang mapasakamay ng direktor ang eskrip, problema pa rin itong
humihingi ng kalutasan. Sa pagsisimula ng mga rehersal naging problema na
ito ng mga aktor na katuwang ng direktor sa pagbibigay-buhay sa dula sa
ibabaw ng entablado. Bago pa man naitakda ang mga petsa ng
pagpapalabas, marami na ang nasangkot sa paglutas ng problema. Sa
pagtataas ng telon at sa pagliliwanag ng entablado saka pa lamang
magsisimulang matanto ng mapanuring manonood kung pagsasayang ng
oras o hindi ang kanyang pananatili sa loob ng teatro.
Ang Problema
Masisisi kaya ang mga taga-teatro kung magdaldalan o magbatuhan kaya ng
nilamukos na papel ang mga nasa loob ng teatro sa halip na panoorin ang
palabas? May magsasabi agad na walang ibang may kasalanan kundi ang
mga taga-teatro na rin. Ang palabas ay hindi raw nakaakit ng matamang
pagsubaybay. Walang nakitang mahalagang nagaganap sa ibabaw ng
entablado ang mga manonood. Ni hindi rin sila nakakita ng anumang
nakaaaliw, kaya’t inaliw na lamang nila ang kanilang sarili.
Mayroon ding magsasabing wala ritong dapat sisihin kundi ang mga
manonood na rin. Dala ng kakulangan sa aral, hindi nila tantong naunawaan
ang nangyayari sa entablado. Hindi sila tinuruang manood, kayat ganoon
ang kanilang inasal. Napilit silang magpunta sa teatro para panoorin ang
dulang sinasabing hindi lamang maganda kundi makahulugan pa gayong
hindi naman sila inakay na magkamuwang sa paganito’t paganyan ng teatro.
Ang hirap nga lamang ay marami ang mga katwiran sa mundo at marami rin
ang masusumpungang katuwiran kahit saan. May mga katwirang nagsasaad
na ito at wala nang iba ang katuwiran. May mga katwiran ding nagsasaad na
iba ang katuwiran. Kahit na ano na yata ay maaaring ipangatwirang
katuwiran. Bago tayo tuluyang mangaligaw sa dawagan ng mga katwiran at
katuwiran, bakit hindi muna natin intindihin kung ano talaga ang ating pinag-
uusapan? Ang tanong na dapat nating harapin ay iisa: Ano nga ba ang
teatro?
Totoo kung gayon ang sabi ng iba kung naaalala pa ninyo ang lumang awit:
May palabas bukas sa teatro. May palabas araw-araw sa may bukana ng
Pitong Gatang at Umbuyan.
Dalawa ang ibig sabihin ni Plato: Isa, hindi kapanagutan ng isang tao ang
kanyang ginagawa. Kapanagutan ito ng di-nakikita at di-matiyak na lumikha
sa buong palabas. Dalawa, mayroon pang ibang lipunan na umiral sa labas
ng ating kasalukuyang tinatanggap na totoong lipunan. Nakapaloob sa sinabi
ni Plato ang problema ng kaugnayan ng tao sa papel na kailangan niyang
gampanan. Iyan ang problemang laging binubuhay ng panteatrong
talinghaga. Subalit ang lalong malinaw na aspekto ng talinghagang
panteatro (ang pagtutumbas ng “pangganap sa ibabaw ng entablado” at ng
gawa’t asal ng tao) ang pinakamadalas gamitin ng mga manunulat na
Griyego at Romano.
Nasa loob ng bakuran ng galak at aliw ang mga bagong teatro ng ika-18
dantaon, nasa bahagi ng buhay na wala nang kahit anong kaugnayan sa
relihiyon. Nakapako na ngayon ang pansin ng lahat sa saligang konsepto ng
buhay bilang isang kathang pandulaan, sa mga pandramang aspekto ng
ordinaryong pampubliko at pansariling buhay. Ang pagkawili ng madla sa
teatro ay pinasigla ng mga paghahambing ng pagganap sa ibabaw ng
entablado at ng pagkilos sa pangkaraniwang buhay ng pangkaraniwang tao
sa lipunan. Sa palabas hindi magkalayo ang asal at estilo ng pagkilos ng mga
nagsisiganap at ng mga manonood na buhat sa Korte at sa mga lungsod
sampu ng kanilang mga alila at mga alalay.
Noong mga panahong yaon ang konsepto ng mundo bilang isang teatro na
pinagpapalabasan ng drama ay nahila na mula sa rurok ng kalangitan at
ibinaba sa antas ng pang araw-araw na buhay sa ordinaryong lipunan.
Itinuring na salamin ng katunayan ang entablado sa halip na salamin ng
kabanalan, at ang mga palabas sa ibabaw ng entablado ay itinuturing na
maiikling kasaysayan sa buhay ng tao sa isang tiyak na panahon at sa isang
tiyak na pook. Hango ang kaisipang ito sa lumilinaw na noong pagkamalay
ng mga tao na may kaparaanan silang magagamit sa pagbuo ng sarili nilang
katauhan, sa pagsasaayos ng mga sitwasyon sa buhay at pati na rin sa
pagdidisenyo ng ginagalawan nilang kapaligiran. Hindi na bago noon pa man
ang ganitong pananaw. Naging lalong malinaw lamang ito mula noong mga
huling dekada ng ika-17 dantaon hanggang sa kasalukuyan. Ngayon, ang
pangmundong pananaw ng nakararami ay wala nang kaugnayan sa
relihiyong dating pinagkukunan ng mga kaisipang pambuo sa kaliit-liitan
nilang konsepto.
Ang pagkilos kung gayon ay panteatro hindi dahil may uri itong teatro kundi
dahil may nakita ang isang tagamasid na kaayusan at pagkasunod-sunod ng
mga kilos na may pagkakahawig sa nakikita niya sa teatro. Sa tingin ng
manonood sa teatro iyan ay gawa ng mandudula, ng direktor at ng mga
tagaganap. Ngunit kung kasangkot nang kahit bahagya ang manonoood
malamang na hindi magiging ganoon kalinaw ang pagkamalay niya sa mga
prosesong nagibibigay kabuoan sa pagkilos na kanyang pinanonood.
Sinasapantaha niya hindi lamang ang mga motibo at mga intensyon kundi
pati na ang mga pinagmumulan sampu ng antas ng mga puwersang
nagpapakilos sa tao at kung ano ang nangyayaring di-inaasahang
mangyayari. Nasa kanyang kamalayan ang isang prosesong humuhubog sa
mga pangyayari upang magkaroon ang mga ito ng kabuoan at kahihinatnan
gayong hindi naman laging matitiyak kung anu-anong mga puwersa ang
nakapangyayari.
Drama ay Pagkilos
Ang pagkilala ng mapagpahiwatig na aspekto ng karaniwang pagkilos bilang
mga bagay na makatuturan at nakaaakit pag-aralan ay hindi bahagi ng pag-
unawa ng drama bilang isang uri ng sining. Ang pagkilalang ito ay lumilitaw
sa kasaysayan ng tao sa sandaling malaman ng batang paslit na ang mga
nangyayari sa kanyang paligid ay hindi niya mapamamahalaan. Ang mga
pangyayaring may epekto sa kanya o may kabuluhan para sa kanya ay gawa
ng ibang tao, kilala man niya ito o hindi.
Batid natin siyempre kung papaano binibigyang kahulugan ng ibang tao ang
ating pagkilos sa kanilang pagsasapantaha na ganito’t ganyan ang intensyon
ng bawat gawin nating pagkilos. Sa gayon ang demonstrasyon sa Plaza
Miranda, ang kaguluhan sa Welcome Rotunda, ang libing sa Loyola, ang
pagkakaingay ng magkakaibigan sa isang beer garden o kahit na ang
mainitang pagsasagutan ng mag-asawa na ating namataan sa isang bukas
na pinto ay nagiging para sa sinumang nais manood.
Para sa mga kasangkot sa aksyong nagaganap, ang pagkilos ay
kasangkapang magagamit sa pagsasakatuparan ng isang mahalagang
layunin, ngunit magkakaroon lamang ng kaganapan ang katuparang iyan
kapag naunawaan ng iba ang buong kahulugan at tunguhin ng pagkilos. Sa
sandaling mangyari iyan, matutupad ang nais matupad.
Ilusyon at Realidad
Lahat ng uri ng katha ay panggagaya, at ang dramatikong paglalarawan ang
pinakakompletong panggagaya, sapagkat nasasalalay ito sa pagpapalagay
na ang pinatauhang daigdig na pandrama ay nagsasarili at kumakatawan sa
isang pansamantalang realidad na katumbas ang kahalagahan sa
kahalagahan ng realidad ng panlipunang daigdig sa labas ng teatro.
Sapagkat ginaganap ngayon sa ating harapan ang drama iginigiit nito na
bahagi ng kasalukuyan at hindi ng isang panahong nakaraan na ang
nagaganap na drama sa ibabaw ng entablado.
Kadalasan, bahagi na ng isang tiyak nang kaayusan ang tema ng isang dula
(maliban na lamang kung ito’y improbisasyon) at ang aksyon ay binibigyang
buhay lamang ng mga tagaganap. Ang ibig sabihin nito ay nagkaroon na ng
pagpipilian at naitakda na ang uri ng pagkilos na maaaring isagawa. Dito
unang lumilitaw ang ilusyon. Natiyak na ang antas ng realidad at may lubos
nang katuparan ang pagpapalagayan ng mga kaugnay sa palabas, ang mga
tagaganap at ang mga manonood.
Hindi marami ang nagnanais maniwalang umaarte sila tuwina. Mukha itong
pagkilala sa paratang ng kawalan ng sinseridad at pagtatatwa sa sariling
“kaakuhan.” Sa pagtataguyod ng tangi nilang pag-aaral, handa ang mga
sosyolohista na panindigang hindi maaaring malaman ang sarili at lahat ng
mapagmamasdan ay maaaring ilarawan sa isang makahulugang paraang sa
pamamagitan ng tinatawag nilang teorya tungkol sa pagganap ng papel,
isang pagpapabuti sa pang-ngalang hango sa lengguwahe ng teatro.
Ginagamit din ang salitang “dramatismo” na tumutukoy sa isang paraang ng
panghihimaymay na kumakasangkapan ng mga saligang uri ng akto, eksena,
tagaganap, pagkatagaganap, persona, layunin. Binibigyan-diin ng
“dramatismo” ang mga batayang porma ng pag-iisip na kinasasalalayan ng
panlipunang pagkilos. At ayon sa pagkakilala ng tao sa daigdig sa kanilang
karanasan, lumilitaw ito sa pagkakilala ng tao sa daigdig sa kanilang
karanasan, lumilitaw ito tuwing may magpapataw ng mga motibo sa gawa
ng iba.
Ang aksyon sa dula ay hindi lamang likhang-sining kundi isa rin kathang
buhay na nag-aatas ng isang pamantayan. Pamana ng ritwal ang katangian
ng dulang mag-atas ng mga pamantayan. Batay ang tagumpay ng isang
dula sa paghihikayat ng mandudula na magtatakda ang mga manonood ng
isang paninindigan, tanggapin ang ilang tiyak na pamantayan sa pagkilos at
sa mga kumikilos, at hatulan lahat na masama o mabuti, matagumpay o
bigo, umaayon o sumasalungat. Ang manonood ay naggagawad ng hatol
mula sa isang kinatatayuang hindi maaaring maging kanya sa tunay na
buhay. Mula sa ganyang panteatrong kinatatayuan nakikita niya at napag-
aalaman ang lahat ng dapat makita at malaman.
Abala kung gayon ang mga manonood sa isang ulirang pagyari at pamuling
pagyari ng moral na buhay. Dahil dito ang kalumaan o kawalang saysay ng
isang dula ay higit na nakapagpapawalang sigla kaysa nobela. Ang mga
manonood ay hindi lamang hinihilingang magsikap na panatilihin ang daloy
ng drama, hinihilingan din silang iugnay ang palabas sa sariling karanasan sa
buhay sa labas ng teatro, kahit na sa iisang kalagayan lamang ito kaugnay,
sa alta sociedad ng Bacolod, halimbawa, bago nagkadigma o sa magulo at
maruming dako sa may bukana ng Umbuyan at Pitong Gatang.
Mangyari pa, ang tanging kailangan nating taglayin pagpunta natin sa teatro
bukas ay ang gramatikang ito. Kung sakaling problema pa rin bukas ang
palabas, may hawak na tayong mabisang kasangkapan upang buwagin ang
mga balakid sa ating pag-unawa sa palabas bukas.