You are on page 1of 6

AKDANG PAMPANITIKAN NG MINDANAO

Unang Sesyon

Pangkalahatang-Ideya:
Ang kuwentong-bayang ito na mula sa Maguindanao ay nagtatampok kay
Usman, isang aliping malakas, matikas, kayumanggi, at higit sa lahat ay
matapat. Napadako siya minsan sa palengkeng malapit sa palasyo ni Sultan
Zacaria, isang malupit at pangit na pinunong nag-uutos na hulihin at patayin ang
sinumang lalaking nakhihigit sa kanya ang itsura. Dahil dito ay agad na hinuli ng
mga tauhan ng sultan ang makisig na alipin habang palakad-lakad sa paligid ng
palasyo. Nang makita ng dalagang anak ng sultan si Usman ay nakadama siya
ng pag-ibig sa binata. Nakiusap siya sa amang pakawalan si Usman subalit hindi
ito pumayag at sa halip, ipinakulong din ng sultan ang sarili niyang anak.
Hinatulan ng kamatayan ang magkasintahan. Sa araw ng pagbitay ay lumindol
nang malakas at namatay ang sultan nang mabagsakan ng malaking bato.
Paano kaya nagbago ang kaharian nang magbago ang mga namumuno rito?
Iyan ang iyong alamin sa pamamagitan ng pagbasa sa kabuoan ng kuwentomg-
bayan.

Mga Layunin
1. Nakikilala ang mga tauhan sa kuwentong-bayan
2. Naibibigay ang tamang kasagutan ukol sa mga tanong hango sa kuwentong-
bayan
3. Nahihinuha ang kaugalian at kalagayang panlipunan ng lugar na pinagmulan ng
kuwentong bayan batay sa mga pangyayari at usapan ng mga tauhan

Patnubay na tanong:
 Bakit mahalagang igalang at bigayang-halaga ang bawat tao, anuman ang
katayuan o kalagayan niya sa lipunan?

SIMULAN NA NATIN
Ang unang aralin natin ay tungkol sa kwentong-bayan. Ano-ano nga ba
ang kwentong-bayan?

ANG KWENTONG-BAYAN
- Ay mga salaysay hinggil sa mga likhang-isip ng mga tauhan na kumakatawan sa mga
uri ng mamamayan.
- Karaniwan na ang kwentong-bayan ay kaugnay ang isang tiyak na pook o rehiyon ng
isang bansa o lupain.

Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng kwentong-bayan:


- Si Mariang Makiling
- Si Malakas at Maganda
- Si Juan Tamad
- Ang Duwende
Ngayon ay pakinggan nyo ang isang kwentong-bayan na inihanda ko sa inyo.
Mula ito sa Mindanao. Ito ay may pamagat na “SI USMAN, ANG ALIPIN”.
Ihanda ang inyong sarili at basahing mabuti.

Si Usman, Ang Alipin


Muling pagsasalaysay ni Arthur P. Casanova batay sa pagkukuwento ni Datu Abdul
Sampulna, isang Magindanaoan mula sa Lungsod ng Cotabato (1983)
Nang mga nagdaang panahon, may isang lalaking nagngangalang Usman.
Pinaniniwalaang nananahan siya sa malayong sultanato at isa siyang alipin. Matapang,
malakas, at kayumanggi si Usman. Higit sa lahat, siya’y matapat.
Isang umaga, nagpasiya si Usman na bumisita sa palengkeng malapit sa palasyo
ng namumunong sultang nagngangalang Zacaria. Masama ang ugali ni Sultan Zacaria.
Siya’y malupit at pangit ang hitsura. Dahil hindi niya matanggap ang kanyang anyo,
nagsasagawa siya ng kautusang ang lahat ng mga lalaking nakahihigit sa kanyang
anyong pisikal ay dapat kitlin at maglaho.
Sa palengke, nakita si Usman ng mga tauhan ni Sultan Zacaria. Mabilis na nag-
ulat ang mga tauhan sa sultan tungkol sa pagkakita nila kay Usman na sa tingin nila’y
mas makisig kaysa sa sultan. Kagyat na nag-utos ang sultan na ibilanggo si Usman at
pagkatapos ay patayin ito. Agad na sinunod ng mga tauhan ang kautusan ng sultan.
Nang makita ni Potre Maasita, ang dalagang anak ng sultan si Usman ay
nakadama siya agad ng pag-ibig sa unang pagkikita nila ng ng binata. Nagmamadali
siyang pumunta sa kanyang amang sultan at nagmakaawang patawarin at pakawalan si
Usman.
“Para mo nang awa, Ama, pakawalan mo si Usman. Wala po siyang kasalanan,”
ang pagmamakaawa ng dalaga sa ama.
Ngunit sadyang malupit ang sultan. Hindi siya nakinig sa pagsusumamo ng
kanyang anak. “Walang sinumang makapipigil sa akin,” ang wika niya sa sarili.
“Hu,hu,hu, maawa ka sana kay Usman, Ama,” ang panangis ni Potre Maasita
ngunit hindi siya pinansin ng sultan. Nagmatigas ito sa kanyang kagustuhan.
Sinubukan ni Potre Maasitang mag-isip ng paraan upang mapigilan ang
kamatayan ng lalaking labis niyang iniibig. Lihim siyang nagpadala ng mga mensahe
sa mga guwardiya ngunit ang lahat ng mga ito’y ipinarating nila sa sultan. Bunga niyon,
nagpupuyos sa galit ang sultan. Dahil nga sa siya’y tunay na malupit, kanyang iniutos
na pati si Potre Maasita ay ikulong din.
Sa bilangguan, nagkaroon ng pagkakataong maging mas malapit sa isa’t isa sina
Usman at Potre Maasita. Higit na tumindi ang pagmamahalan nila sa isa’t isa.
Sa panahong iyon lumabas ang pinal na kautusan. Kamatayan ang inihahatol ng
sultan para sa kanila. Habang nasa daan ang sultan patungo sa silid na pagbibitayan
sa dalawa, biglang lumindol nang malakas. Yumanig sa palasyo at nagiba ang pook.
Napulbos ang buong palasyo.
Isang malaking bato ang bumagsak sa ulo ng sultan na naging sanhi ng kanyang
biglang pagkamatay. Isa itong malupit na kamatayan para sa malupit na tao.
Samantala, sinubukan nina Usman at Potre Maasita na makalaya mula sa
bilangguan. Nang makalabas sila’y hindi nagdalawang-isip si Usman. Mabilis pa sa
kidlat niyang tinulungan ang mga sugatan at ang mga nasawi. Sa kabilang dako,
tumulong din si Potre Maasita sa mga naulila at mga nangailangan ng tulong at
pagkalinga.
Nang bumalik sa normal ang sitwasyon ay ipinagbunyi sila ng taumbayan.
“Mabuhay si Usman! Mabuhay si Potre Maasita!” ang pagbubunyi at labis na
pagpapasalamat ng mga ito kina Usman at Potre Maasita. Labis ang kanilang
kasiyahan nang matanto nilang mabait na tao si Usman at si Potre Maasita nama’y may
mabuting kalooban.
Nang sumunod na araw, isang kasalan ang naganap. Si Usman, na isang alipin,
ay naging sultan at si Potre Maasita naman ang itinalagang sultana.
Mula noon, biniyayaan ang sultanato ng pagmamahalan kasabay ng kaunlaran
sa buong kaharian. Natagpuan ng taumbayan ang kagandahan at kaunlarang
kabaliktaran ng nagdaang panahon kung saan namayani ang kapangitan at kalupitan.

Naintindihan ba ninyo ang nilalaman ng ating aralin? Kung gayon dumako tayo ngayon
sa pagsagot sa mga sumusunod na aktibiti.

Mga aktibiti

Aktibiti 1: SURIIN
Panuto: Punan ang mga kahon sa graphic organizer ng mga katangian na pwede mong
ibigay sa mga pangunahing tauhan sa akda. Unahin natin si Usman at pagkatapos ay
si Zacaria. Meron kang 2 minuto para gawin ito.

USMAN
SULTAN
ZACARIA

Matapos mong sagutin ang mga katangian ng mga pangunahing tauhan sa


kwentongbayan. Ang susunod na aktibiti ay makapagpapatunay na higit mong
naintindihan ang nilalaman ng ating aralin.

Aktibiti 2: PAGLINANG
Panuto: Pag-ugnayin ang mga titik sa loob ng kahon upang mabuo ang
kasingkahulugan ng mga salitang madiin ang pagkakasulat ayon sa pagkakagamit nito
sa pangungusap. Meron kayong 5 minuto para tapusin ito.

1. Hindi nakinig ang sultan sa pagsusumamo ng kanyang anak na dalaga.


a k i m a n l a l a m o
p a g k a m a g i n o o
l i k h a m o k a a w a

2. Ang panangis ng dalaga ay hindi man lang pinansin ng ama.


n i p a g a m i n
l a m b i i y a k

3. Ang malupit na sultan ay nasawi nang lumindol sa kaharian.


a k m a g o l
n a s i t a y

4. Nagpupuyos ang sultan dahil sa ginawa ng kanyang anak.


n a g m a m a k a a w a
g a l i t g a l i t
n a s i l n a y a h a n
5. Napagtanto ng lahat na mabuti pa lang tao ang kanilang bagong sultan.
n a l a m a n
n a i t a n o
n a s a l o m

Ngayon ay mas palalawigin pa ang pag-unawa ninyo sa pamamagitan ng pagsagot sa


aktibiti 3 ng ating aralin.
Aktibiti 3: PAGYAMANIN
Panuto: Kailangang makabuo ka ng sarili mong paghihinuha sa mga kaugalian at
kalagayang panlipunan ng lugar na pinagmulan ng kuwentong-bayan batay sa mga
pangyayari at usapan ng mga tauhan. Ang paghihinuha ay nangangahulugang
pagbibigay ng sariling haka-haka o opinyon tungkol sa isang tao o sa isang sitwasyong
naganap.
Para sa unang tanong sa kategoryang madali no simple.

1. Ang binatang si Usman ay pumunta sa isang palengke malapit sa palasyo ng


sultan. Ano ang mahihinuhang mabubuo ninyo tungkol sa lugar?
________________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________

Para sa pangalawang tanong sa kategoryang katamtaman o moderate:

2. Dahil hindi matanggap ng sultan ang kanyang itsura, nagpatupad siya ng


kautusang ang lahat ng mga lalaking nakahihigit sa kanya ang pisikal na anyo ay
dapat kitlin at maglaho. Sinunod lahat at hindi man lang ito tinutulan ng kanyang
mga tauhan. Ano ang mahihinuha ninyo sa kanyang mga tauhan?
________________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________

Para sa ikatlong tanong sa kategoryang mapanghamon o challenging:

3. Sinubukan ni Potre Maasitang mag-isip ng paraan upang mapigilan ang


kamatayan ng lalaking labis niyang iniibig. Mahihinuha na si Potre Maasita ay….
________________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________

Para sa ikaapat na tanong sa kategoryang pagpayaman o enrichment:


4. Nang magkaroon ng malakas na lindol sa kanilang lugar ay hindi nagdalawang
isip sina Usman at Potre Maasita na tumulong sa mga kababayang nasalanta.
Nang bumalik sa normal ang sitwasyon ay ipinagbunyi sila ng taumbayan. Ano
ang mabubuo ninyong paghihinuha sa taong bayan? At ipaliwanang ang inyong
kasagutan.
________________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________

Ang modyul na ito ay kailangang maipasa sa akin sa takdang oras upang ito’y aking
maiwasto. Naintindihan niyo ba? Kung gayon, magaling. Binabati ko kayo at
naisakatuparan ninyo ang lahat ng mga gawain o aktibiting nakalaan para sa inyo.
Ipagpatuloy ang magandang nasimulan.

Maaari mong bisitahin at basahin ang aklat at mga website na ginamit ko para sa
araling ito.

TALASANGGUNIAN
AKLAT:
Baisa, Arlene G; Lontoc, Nestor S. & Jose, Carmela E. (2017). Pinagyamang
Pluma: Ikalawang edisyon. Lungsod ng Quezon: Phoenix Publishing House, Inc.

You might also like