You are on page 1of 1

Pagmumuni-muni

Kulog. Kidlat. Digmaan laban sa pandemya. Ang mga matang nangungusap ay naghahangad ng
malugod na pagharap sa kapayapaan. Kumakapa sa pulso ng dilim at tila’y nakakulong sa hawla na pilit
makawala. Ang mga kamay ay nakatikom na nanginginig sa takot kung hanggang kailan pa makaaahon
sa ganitong karimlan. Mga butil ng pawis sa katawan nilang mga bayani ay patuloy na umaagos upang
maisalba ang nangangailangan. Masidhing laban ang kinakaharap ngunit sa pagkakaisa at pagtutulungan
ay kayang-kaya natin itong matutuldukan.
Natatanaw mo ba yaong pagbabalat ng buto ng ating mga “frontliner”? Ang pananatili natin sa
ating mga tahanan ay malaking tulong sa kanila. Ang pagsunod sa patakaran ay siyang makapapawi sa
pagod na iniinda. Tayong mga kabataan ang siyang magsasabuhay sa ating tradisyong “bayanihan” na
ang pagkakaisa’t pagtutulungan ang siyang makapagtitibay ng pariralang “We Heal as One”. Ang ating
pagka-Pilipino’y patatagin sapagkat dito nakaugat ang pagsasamahang makabubuwag sa dusang hatid ng
COVID-19.
Ika nga sa Ingles, “change is constant”. Bunga nitong pandemya, marami nang nagbago sa
pamamaraan ng pagsasakilos natin sa iba’t ibang larang. Halimbawa na lamang ay sa larangan ng
Edukasyon na ang paghahasa ng kaalaman, ang tagpo ay nasa tahanan at hindi na muna sa paaralan upang
makasisiguro sa kaligtasan ng lahat. Ang iba’y pumapanig sa pagkakaroon ng “academic freeze” subalit
ang iba nama’y sang-ayon sa modyular na paraan. Para sa akin, kung ano man ang mapagkasusunduan,
basta’t isaisip at panatilihin ang kaligtasan at kabuluhan. Mawawalang saysay ang bunga ng edukasyon
kung ang buhay ay malalagay sa kapahamakan.
UNAHIN ANG KALUSUGAN SAPAGKAT ITO ANG TAGLAY NATING KAYAMANAN.

You might also like