You are on page 1of 9

Dulaang SOGIE-fied:

DADA: The Chika Minutes ng the UP Repertory Company (2018-2019)


Isang Performance Study ni Gio Potes (Transkrito)
Para sa Philippine Queer Studies Conference
Oktubre 28, 2020 (1 - 2:30PM)

“Libong ulit na kayong pinatay


Kay tagal nyo na ring nahimlay sa hukay
Ngunit sa pakikidigma ng bayan
Muling nagbabangon ang mga babaylan”

Ang mga kataga mula sa awit ng bandang Talahib ang huling himig ng buong cast ng “DADA:
The Chika Minutes” (2018) bago mag-cue ng black out at magsimula ang huling aktibidad:
mawawala ang distansya ng manunuod at artista at sisimulan ang “chika” o usapan. Sisingit ang
direktor sa gitna ng chikahan upang ianunsiyo ang mga gumanap at ang mga sanggunian ng mga
naratibo - isang paalala na ang pagtatanghal ay hindi kathang-isip kundi halaw sa mga totoong
mga kuwento ng mga indibidwal na LGBTQIA++ (o lesbian, gay, bisexual, transgender, queer,
intersex, asexual, etc). “Nagbabangon ang mga babaylan”, silang mga ninunong
makapangyarihan at makasaysayan sa kanilang non-binarism na isinantabi sa kolonyal nating
kasaysayan, upang isiwalat ang kasalukuyang mga danas at makabagong pagkilala sa usapin ng
SOGIE.

Ang SOGIE (o sexual orientation, gender identity and expression) ay pumapatungkol sa mas
kumprehensibong pag-unawa sa kasarian at seksuwalidad. Tinutuligsa nito ang nakagisnang
ideolohiyang pangkasarian ng gender binary sa pamamagitan ng pagpapakilala sa mga seksuwal
at pangkasariang identidad at pagpapahayag. Bago pa lamang na naipapakilala sa bansa ang
SOGIE, ngunit agarang naging paksa ng maiinit na debate gaya ng nangyari sa SOGIE Equality
Bill noong 2017 hanggang 2019. Gayundin ay may kakulangan pa rin sa kalakhang midya
pagdating sa wastong representasyon ng dibersidad at kamalayan sa SOGIE. Ayon sa “LGBT in
Asia: Philippines Country Report” (USAID, UNDP - 2014):

The participants of the national dialogue noted that media


content highlights the general lack of understanding of SOGI,
so that stereotyped portrayals of LGBT people dominate.
There are numerous gay men with programmes in television
networks or radio stations, though they are often limited to
covering entertainment shows in tabloid format. There is also
an apparent lack of representation of lesbians and
transgender people.

Sa gayong kunteksto, binuo ng UP Repertory Company ang “DADA: THE CHIKA MINUTES
noong 2018 at 2019. Ang UP Repertory Company o UP Rep ay isang panteatrong pangkat ng
mga mag-aaral sa UP Diliman na may batayang “Repleksyon ng Pangangailangan ng
Nakararami” o RPN, at itinuturing nilang isa sa mga marhinalisadong sektor ng lipunan ang
LGBTQIA++. Ang DADA marahil ang unang major production ng UP Rep na lapat sa
kunteksto ng SOGIE sa Pilipinas. Ang inyong lingkod na manunulat ay tumayong
pangkalahatang direktor sa unang pagtatanghal nito, at tumayo naman akong direktor pang-
artistiko para sa muling pagsasaentablado ng DADA noong 2019.

Ang papel na ito ay magsisilbing mga tala sa pagtatanghal ng DADA. Tatalakayin dito ang
pagtatangka ng UP Rep na ilapat ang SOGIE sa pananaliksik at pagsusulat ng mga naratibo, pati
na rin sa pag-gamit ng anyong documentary theater upang ipakilala ang danas ng mga lokal na
queer na identidad, at mga lokal na pagpapakahulugan sa SOGIE. Ilalahad din ang isang
masusing paglalagom sa dalawang pagtatanghal ng DADA, sa punto ng pagpapalaganap ng
isang dulaan pagkatapos nitong maging malay sa makabago at dinamikong pag-aaral ng SOGIE -
tungo sa isang dulaang “SOGIE-fied”.

Pagbubuo
Ang orihinal na DADA ay bahagi ng theatrical season ng UP Rep noong 2018. Sa umpisa’y
pinamagatan itong “Usapang Beki” ngunit binuksan ng UP Rep ang posibilidad nitong saklawin
hindi lamang ang mga identidad na kinikilalang “beki” kundi ang mga makikilala pang mga
identidad sa talakayang SOGIE. Maging ang pamagat ay iniangkop sa mas malawak na saklaw
ng pag-uusap: “Dada” na maaaring mangahulugang “pagsasalita”, at “Chika Minutes” bilang
mapaglarong alusyon sa bahagi ng 24 Oras ng GMA 7 na tungkol sa mga balitang showbiz.

Bagama’t nakaplano na ito sa simula pa lang ng taon, isang buwang paghahanda ang ginugol ng
UP Rep para sa pagbubuo ng DADA. Ang kalakhan ng pananaliksik at pagbubuo ay naganap
lamang sa buwan ng Oktubre hanggang Nobyembre 2018, at sa huling linggo ng Nobyembre
naman ang naging pagtatanghal. Sa pagkakataong ito, nagtungo ang mga miyembro ng UP Rep
sa iba-ibang lunan na nilalagian ng mga LGBTQIA++ sa kasalukuyan: espasyong cyber at #alter,
mga tagong cyber sex den, at sa Home for the Golden Gays. Nagkondukta din ng mga personal
na pakikipanayam sa mga baklang drug pusher, sa mga kabataang LGBTQIA++ sa mga
malalapit na komunidad, at sa mga kapwa mag-aaral sa UP Diliman. Ang iba naman ay
nagpokus sa mga akademikong datos mula sa mga aklat, mga papel sa sikolohiya, at mga
dokumentong historical. ‘Di rin maikakailang may impluwensiya sa pagkalap ang mga personal
na karanasan ng UP Rep dahil kalakhan sa mga miyembro nito ay bahagi ng LGBTQIA++. Nang
matapos ang mga pagsasaliksik at mga pangkatang aktibidad noong Oktubre 2018, nagtungo na
ang UP Rep sa paglikha ng sampu hanggang labinlimang mga naratibong itatanghal sa isang
serye ng mga vignettes (o maiikling mga dula).

Sa paglalapat ng mga pag-aaral sa teoryang Queer, naging masusing sanggunian ang


pagsasakunteksto sa Pilipinas ng SOGIE sa munting aklat ni Bernadette Neri na “Pagsasanay sa
Mapagpalayang Kamalayang Pangkasarian at Seksuwalidad” (2017). Sa kanyang
pagpapakahulugan ng SOGIE sa lokal na wika, napausbong ang mas lapat sa kuntekstong pag-
unawa sa oryentasyong seksuwal, pangkasariang pagkakakilanlan at pagpapahayag. Naging
paalala ni Neri sa pagtatapos ng talakayan ng SOGIE ang kahalagahang makilala ang iba’t ibang
pagpapahayag at pagkakakilanlan ng tao ngunit binigyang-diin din niya na banyagang kunsepto
ang SOGIE:

Napakahalagang alalahaning hindi sapat at ganap ang SOGIE


bilang artikulasyon ng seksuwalidad lalo na sa konteksto ng
Pilipinas. Hango sa banyaga at kanluraning kamulatan ang
SOGIE kaya’t bagaman may makikitang mga pagkakatulad sa
lokal na kalagayan ay may mga usaping labas sa mga
kategorisasyong inilalatag nito tulad ng konsepto ng
mentefuwaley sa mga katutubong Teduray. Samakatwid,
hinihiling ng pagkakataon na liban pa sa SOGIE ay maging
masigasig din tayo sa higit pang pananaliksik sa usaping
pangkasarian at seksuwalidad na nakaugat at mula sa
konteksto ng kasaysayan ng ating bansa (Neri, 2017)
Ito rin marahil ang naging gabay ng UP Rep sa paglabas sa akademya upang magkalap ng mga
aktwal na naratibo, ngunit imbis na libutin ang mga kategorisasyon ay mas nagpokus ang mga
miyembro sa mga kuwento ng karanasan ng mga LGBTQIA++.

Pagsasaporma
Ang documentary theatre ay may estetikang nagpapatampok sa totoong mga naratibo,
dokumento at testimonya ng mga indibidwal o pangkat. Ang pag-aaral ng documentary theater
sa DADA ay nagpokus sa simulain ng estetikang documentary ng Epic Theater ni Erwin Piscator
kung saan nakatuon ang pagtatanghal sa papapatampok sa “absolute truth” gamit ang mga balita
sa diyaryo, projected newsreels at mga akdang pangkasaysayan (Piscator, 1929). Naging
inspirasyon din ang makabagong dokumentaryong estilo ng mga monologo at panayam bilang
pagtatanghal sa “The Laramie Project” ni Moises Kaufman at ng Tectonic Theater, bilang isang
dula tungkol sa buhay ni Matthew Shepard, isang gay teenager na biktima ng hate crime sa
Amerika.

Sa mga nabanggit na halimbawa ng dokumentaryong pagtatanghal, inaral ng UP Rep ang


potensyal ng mga naitalang datos at oral na testimonya bilang lunsaran sa pagtatanghal ng
documentary theatre. Sa naturang pruseso ng pagsasaporma sa mga naratibong nakalap,
maraming pagkakataon na ang piyesang naisaliksik o ang transkrito ng panayam ay diretso nang
isinalang upang i-devise at itanghal. Gayundi’y sinikap ng UP Rep na buklatin ang datos sa
pamamagitan ng pag-usad mula sa mga nakaraang dokumentaryong pagtatanghal tungo sa
estetika ng “Theatre of the Real” ni Carol Martin, na naglalayon ng sumusunod:

‘1. To reopen trials in order to critique justice’;


‘2. To create additional historical accounts’;
‘3. To reconstruct an event’;
‘4. To intermingle autobiography with history’;
‘5. To critique the operations of both documentary and fiction’;
‘6. To elaborate the oral culture of theatre’
(Martin, 2006)

Magkakaakibat ang direktor, dramaturgo at mga aktor upang sama-samang likhain ang
pagtatanghal, at i-devise ang mga naratibo tungo sa kaangkupan nitong pormang panteatro.
Nanatili pa ring gabay ang paglapat ng teoryang Queer sa usapin ng porma, at upang isagawa ito,
sumandig ang UP Rep sa pag-aaral ng “decentering”, partikular sa paglalapat ni Jayant Prasad sa
“Deconstruction” ni Jacques Derrida sa usapin ng kasarian:

Decentering is the process of identifying a concept’s binary


oppositions and then questioning the domination of these
binary oppositions for concepts in the middle, periphery, and
tangents to come to light.

For example, in the binary opposition Man/Woman, modern


queer studies have decentered this binary of sexes such that
the various, meticulously nuanced LGBTQIA+ identities could
be accounted for. When employed as an analytical tool,
decentering achieves three things for the concept being
examined:

a) Distance from an ideological center (or what is


commonly accepted as correct)
b) Erasure, or at least blur, of absolutes (surfacing of
nuances, exceptions)
c) A new, more informed understanding of the
issue/concept

(Prasad, 2007)

Hindi ito kaiba sa layuning magtanghal ng marami’t iba-ibang naratibo kungkaya’t sinalamin din
ng mga porma ang pag-iwas sa iisang estilo ng pagtatanghal.*

Sa pagsasalin ng “theatre of the real” sa isang pormang alinsunod sa isang “decentered” na moda
ng pagtatanghal, tumingkad ang mga aktwal na naratibo bilang pagpapalaganap ng dibersidad ng
SOGIE. Walang iisang naratibong tinututukan kundi paisa-isang natutunghayan ang mga kwento
na may layuning bakahin ang tradisyunal na porma ng pagtatanghal, at sa kabuuan nito’y basagin
ang panlipunang estrukturang cis/hetero-normatibo. Mahihinuhang ito din ang naging impresyon
ng mga manunuod, partikular sa naging rebyu ni Arturo Hilado ng Philippine Daily Inquirer
(2018):

Quiet for some time, UP Repertory Company sprang back


with “Dada: The Chikka Minutes,” an ambitious production
that avowedly tackled a multidimensional portrait of the
LGBTQ sector.

[...] Directors Malvin Daniel Ramos and Jasper Villasis


employed an impressive range of styles (from a TedTalk to a
wordless pas de deux), moods (from saucy to fist-raising
political) and settings (from online sex to the obligatory, but
genuinely hilarious, gay pageant), all carried off by the cast
with flair and sometimes-too-manic energy.

Most of all, there was enormous humanity, as well as


memorable turns by Cy Zinampan, in a bravura TedTalk
performance, and Stephen Artillero, harrowing as a battered
transwoman overseas Filipino worker in Saudi Arabia.

Not all the pieces worked equally well, but collectively, it was
a moving tapestry of a sector’s broad social context.

Pagtatanghal
Sa personal kong danas, ang “kasabugan” ng mga naratibo ay nagpakita ng isang mas malawak
na pananaw sa kasarian at seksuwalidad sa kunteksto ng Pilipinas sa panahon ni Duterte.
Nagpapaalala ito na sa labas ng usapin ng SOGIE ay mas malawak pa ang mga identidad na
hindi solido, hindi naikakahon, at dumadaloy. Malinaw na binubuwag ng DADA ang mga
istiryotipo at mga maling nosyon sa LGBTQIA++. Sa gayong pagbubuwag, naging mahalaga sa
DADA ang pagtatanghal ng mga naratibong matagal na itinago o marahil hindi pinapansin ng
kalakhang midya. Halimbawa’y ang “pagbangon ng mga babaylan” sa panahong neokolonyal
upang ungkatin ang pwersa ng mga katauhang “hindi normal”, ang pagtatanghal ng mga
karanasan ng trans women sa mga pampublikong sasakyan, ang rural na genderqueer sa
pagmumuni nito sa sawing pag-ibig niya sa mga lalaki, ang pagbabaliktanaw sa naging buhay ng
isang lesbiyanang aktibista, at ang eulohiya para sa isang baklang gerilya na pinatay ng militar sa
engkwentro.

Mahalagang tala sa muling pagtatanghal ng DADA noong 2019 ay ang paglayo ng pangkat sa
oryentasyong SOGIE. Imbis na gawing batayan o gabay, ginamit na lamang ang SOGIE bilang
“entry point” sa mga naratibo ng non-binarism. Bagamat akademiko at mahalagang usapin, ang
SOGIE ay binubuwag din bilang ultimong pagkilala sa dibersidad ng kasarian at seksuwalidad
upang buksan ang iba pang posibilidad ng lokal na pagkilala at pagpapahayag. Masusing punto
rito ang naging tugon sa SOGIE ng mga indibidwal na nakapanayam. Ang isang nakapanayam
na kinikilala at ipinapahayag ang sarili na lesbiyan at lalaki ay matuwid sa kanyang
pagpapahiwatig na hindi siya isang trans man dahil “wala akong gustong baguhin sa katawan
ko”. Mayroon ding isang batang sais anyos na tinutukso, kinikilala at ipinapahayag ang sarili
bilang bakla pero siya’y nagtakda para sa sarili na “next month, lalaki na ako dahil sabi ng mga
Jehovah’s Witness na nagpunta sa bahay namin, wala daw nilikha ang Diyos na bakla”.
Gayunman ay binalikan din ang katauhan ng mga mentefuwaley libun at mentefuwaley lagey,
mula sa pag-aaral ni Stuart Schlegel na nagpatunay ng isang taal na pangkasariang
pagkakakilanlan na nauna pa sa kasalukuyang pagpapakahulugan sa trans man at trans woman.
Naipakita sa mga panayam ang mahaba pang landas na tatahakin upang maipatampok ang
mapagpalayang pananaw sa kasarian at seksuwalidad, ngunit ang gayong mga pahayag ay
mahalagang itala bilang simulain sa pag-aaral ng nagsasariling pagpapakahulugan ng SOGIE sa
bawat lupalop ng bansa.

Hindi napausbong ng DADA ang kabuuan ng mga identidad na binabanggit sa SOGIE.


Mananatiling rekomendasyon sa kalakhang midya at tanghalan na mas ipalaganap pa ang mga
naratibo ng mga tomboy, mga biseksuwal, mga trans man, mga queer na indibidwal, pati mga
panseksuwal, mga aseksuwal, at mga queer na pagpapahayag. Sa pagkakaroon ng gayong mga
pagkilala sa mga identidad at pagpapahayag na ito maaaring simulan ang diskurso, at
makabuluhang pag-uugnay sa danas ng kapuwa. Sa gayong munti ngunit mitsa ng marami pang
posibilidad, isang mahalagang pagtatangka ng UP Rep ang DADA upang magamit ang SOGIE
bilang lunsaran ng pag-intindi sa sariling dibersidad ng lipunang Pilipino.

Dulaang SOGIE-fied
Masasabing ang epekto ng unang DADA sa UP Rep ay lumaganap sa buong taong 2019 nang
lahat ng pagtatanghal nito ay sumailalim din sa malay na pananaw sa SOGIE: una’y ang
“Usapang Puke” noong Pebrero 2019, isang iterasyon ng “Vagina Monologues” ni Eve Ensler
kung saan ang mga nagtatanghal ay magkakasamang mga aktor na LGBTQIA++ at straight
allies at lahat ay gumagampan ng sari-sariling pagpapakahulugan sa “babae” at “puke”; ikalawa
nama’y ang “Tanghal Talakay sa Dormitorio” noong Abril hanggang Mayo 2019, sa pangunguna
ng UP Diliman Gender Office kung saan napatampok ang mga isyu ng mga mag-aaral ng UP
Diliman sa usaping kasarian at seskuwalidad; ikatlo’y ang “Tanghal Talakay sa Civil Service
Commission (o CSC)” noong Agosto 2019 na mas nasyunal namang paglapat ng naunang
“Tanghal Talakay”; at ang huli’y ang “Dada: The Chika Minutes” noong Nobyembre 2019 na
maituturing na kulminasyon ng mga nakaraang danas at pagsasanay ng mga miyembro sa
pagtatanghal hinggil sa kasarian at seksuwalidad.
Ang “Dulaang SOGIE-fied” na ipinamalas ng UP Repertory Company ay paglikhang malay sa
SOGIE, pero sumisikap na kilalanin ang sariling pagbubuwag sa mga kahon ng kasarian at
seksuwalidad, maging ng lahat ng salik sa pamumuhay ng isang tao. Maihahalintulad ko ito sa
pagsusuri ni Joel David sa pelikulang “Manila by Night” ni Ishmael Bernal. Gaya ng DADA,
ang klasikong pelikula ni Bernal noong 1980 ay binubuo din ng maraming mga naratibo ng iba-
ibang indibidwal. Bagamat hindi lahat ng karakter nito ay kinikilala bilang bakla o lesbiyan,
naibubuklod sila sa espasyo ng Maynila at napaghahabi ng panlipunang kalagayan ang kani-
kanilang mga danas. Ayon kay David sa libro niyang “Manila By Night: A Queer Film Classic”
(2017):

[Manila by Night’s] status as a pioneering queer text is


assured, not just because of Bernal’s openly gay personality,
but because of the movie’s depiction of the Third-World
lumpenproletariat as more sexually fluid than their bourgeois
counterparts. The movie’s moral interlocutor is its strong
willed, promiscuous gay-male character Manay, but its moral
center is arguably its unmitigatedly Othered character Kano,
a genderqueer-lesbian peddler utterly devoted to her
childhood friend and one true love

Natukoy ni David na maging ang queerness ay may likas na interseksyon at ito’y sumasaklaw sa
lahat ng salik ng buhay ng tao. Matatandaang noong una’y ang “queer” ay terminong tumutukoy
sa mga “di normal” o “kakaiba” hindi lamang sa kunteksto ng kasarian kundi sa estado ng
pamumuhay. Sa kalauna’y binawi ang queer bilang pagkilala sa nagpapatuloy na pagtuligsa sa
cis/hetero-normatibong lipunan na umiiral din sa malawakang istrukturang panlipunan ng bansa.
Ang natatanging tunguhin ng pagsasabuhay sa mga babaylan sa kasaysayan at ang pagkilala sa
mga kasalukuyang dibersidad ng kasarian at seksuwalidad ay nakatutok sa tuluyang pagkawasak
ng mga opresibong istruktura ng lipunan.

Sanggunian:

UNDP, USAID. 2014. Being LGBT in Asia: The Philippines Country Report. Bangkok

Neri, Bernadette. 2017. Pagsasanay sa Mapagpalayang Kamalayang Pangkasarian at


Seksuwalidad: Unang Modyul. Quezon City: University of the Philippines
Center for Women’s and Gender Studies

Martin, C. (2013). Theatre of the real. Basingstoke: Palgrave Macmillan.

Piscator, E. (1929). The Political Theatre. A History 1914–1929. [Translated by Hugh Rorrison.
New York: Avon, (1978)]

Prasad, J. (2007). “Category: Deconstruction: Analysed.” sa Derrida:


The Father of Deconstruction. Inakses Oktubre 19, 2019 mula sa
https://newderrida.wordpress.com/category/deconstruction-analysed/

Hilado, A. (December 7, 2019). “Gratifying variety of campus theater offerings” sa


Philippine Daily Inquirer. Inakses Oktubre 19, 2019 mula sa
https://lifestyle.inquirer.net/352614/gratifying-variety-of-campus-theater-offerings/

David, J. (2017). Manila by night: A queer film classic. Arsenal Pulp Press: Vancouver

You might also like