DALUMAT-SALITA: MGA SALITA NG TAON/SAWIKAAN MGA LAYUNIN •Maipaliwanag ang kahalagahan ng wikang Filipino sa pagdadalumat o pagteteorya.
•Mapalalim ang pagpapahalaga sa sariling
teorya ng mga Pilipino sa iba’t ibang larangan.
•Makapag-ambag sa pagtataguyod ng wikang
Filipino bilang daluyan ng makabuluhan at mataas na antas ng diskurso na akma at nakaugat sa lapunang Pilipino, bilang wika ng pananaliksik na nakaayon sa pangangailangan ng komunidad at bansa. BABASAHIN Sa simpleng pagpapahayag, ang pagdadalumat ay tumutukoy sa pagteteorya at pagbubuo ng mga konsepto o kaisipan na mailalapat sa pagsusuri ng mga bagay-bagay sa lipunan. Taliwas sa akala ng mga nagdududa pa sa bisa at kakayahan ng wikang Filipino, kayang-kaya na ng wikang pambansa na maging behikulo ng pagteteorya. Binigyang- diin ni Dr. Rhoderick Nuncio ang bisa ng mga salita sa sariling wika sa pagteteorya: “Tinatawag na dalumat-salita ang paggamit ng wika sa mataas na antas ng pagteteorya batay sa masusi, masino, kritikal, at analitikal na paggamit ng mga salitang kumakatawan ng mga ideya at kaalamang nagiging konsepto sa malalimang pag-uuri’t paggamit nito. Tinitingnan sa paraang ito ang ugnayan ng salitang ugat at ang baryasyon ng mga pagbabanghay na salita na nagluluwal ng sanga-sangang kahulugan.” Tinutukoy ni Nuncio “...ang ilang paraan ng pagdadalumat-salita ng ilang kritiko, teorista, at palaisip sa iba’t ibang disiplina: 1. Pag-imbento/pagkatha ng mga bbagong salita/konsepto: Pilipinolohiya ni Covar, Pantayong Pananaw ni Zeus Salazar, Pamathalaan ni Consolacion Alaras, Sarilaysay ni Rosario Torres-Yu. S 2. Pagsasalin at pagdagdag ng kahulugan: kritika, anda, at gahum ni Isagani R. Cruz, loob at labas; 3. Pag-aangkop/rekontekstuwalisasyon: Sikolohiyang Pilipino ni Virgilio Enriquez, kasaysayan bilang “salaysay na may saysay” PAGSIPAT SA MGA AWITIN BILANG PANIMULANG PAGDADALUMAT Ang awiting “Loob” ni Jess Santiago (2008), isang musikero at kompositor ng mga awiting may kamalayang panlipunan, ay isang magandang halimbawa ng matalinong pagdalumat sa salitang “Loob” na maituturing na mahalaga sa kulturang Pilipino. Nagsimula ang awitin sa mga pangugusap na “Wika nati’y simpleng simple/Pero ubod ng lalim/Para sa hindi Pinoy/Napakahirap sisirin.” Pagkatapos nito ay iniisa isa na ng awit ang napakaramng salita, parirala, at konsepto. MGA KAUGNAY NG SALITANG “LOOB” GAYA NG SUMUSUNOD: •Looban – sulok ng pook •Nanloloob – magnanakaw •Dalawang-loob – alinlangan •Sama ng loob – hinanakit •Pagbabalik-loob – pagsisisi •Kapalagayang-loob – kabarkada •Katapatang-loob – kaibigan •Kulo’y nasa loob – nagtitimpi •Niloloob – isip at damdamin •Masasamang-loob – mandurugas •Lakas ng loob – katapangan •Mahina ang loob – natatakot Bukod sa awiting “Loob” (2008) ay maaari ding magamit sa pagdadalumat ang sumusunod na mga awitin: •“Tuldok” ng ASIN – pilosopikal na pagdalumat sa puno’t dulo ng buhay at pag-iral o existence, gamit ang konsepto ng tuldok. •“Batingaw ng ASIN – pagdalumat sa konsepto ng karapatang pantao sa kontekstong Pilipino. •“Laging Ikaw” ni Jess Santiago – pagdalumat sa mga salita/konseptong Pilipino na magkakaugnay, magkakapares, at magkakasalungat. •“Pananagutan” ni Eduardo Pardo Hontiveros, S.J. – pagdalumat sa konsepto ng panlipunang pananagutan o responsibilidad ng tao sa kanyang kapwa at bansa. •“Tayo’y Mga Pinoy” ni Heber Bartolome / Banyuhay – pagdalumat sa kolonyal na mentalidad ng mga Pilipino. •“Holdap” ni Gary Granada – pagdalumat sa konsepto ng krimen malalaki at dambaluhang krimen. •“Mamamayan ang Mamamayani” ni Gary Granada – pagdalumat sa konsepto ng pagtutulungan, bayanihan ng mga mamamayan para sa pag-unlad ng pamayanan, bilang manipestasyon ng People Power at kapangyarihan ng mga mamamayan. •“Mabuting Pilipino” ni Noel Cabangon – pagdalumat sa mas malalim na kahulugan ng nasyonalismo, lagpas sa nasyonalismong barong Tagalog o nasyonalismong pang-Buwan ng Wika Lamang. •“Kayod Kabayo, Kayod Barya” ni Noel Cabangon – pagdalumat sa pang araw-araw ng buhay ng isang ordinaryong Pilipino. •“Pitong Gatang” ni Fred Panopio – pagdalumat sa kultura ng umpukan at tsismis sa Pilipinas. •“Karaniwang Tao” ni Joey Ayala – pagdalumat sa ugnayan ng mga suliraning ekonomika ng mga ordinaryong tao, at pagkawasak ng kalikasan. •“Pinggan” ni Pol Galang – pagdalumat sa konsepto ng pagkakaibigan o relasyon ng mga bansa at soberanya. •“Kapayapaan hatid ng Katarungan” ng Sinaglahi – pagdalumat sa iba’t ibang konsepto ng katarungan at kapayapaan. AMBAG NG SAWIKAAN SA PAGDADALUMAT Sa mas malawak na larangan, makubuluhang ambag sa pagdadalumat-salita ang proyektong kumperensyang Sawikaan: Mga Salita ng taon ng Filipinas Institute of Translacion. Detalyadong tinatalakay sa aritukulong Tanong – Sagot Ukol sa Sawikaan: Pagpili sa Salita ng tao na inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) (2016) ang pinagmulan at direksyon ng Sawikaan. Nagsimula ito noong 2004 at sinundan noong 2005, 2006, 2007, 2010, 2012, 2014, at 2016. Itinanghal na Salita ng Taon ang “canvass” noong 2004, “huweteng” noong 2005, “lobat” noong 2006, miskol” noong 2007, “jejemon” noong 2010, “wangwang” noong 2012, at “selfie” noong 2014, at nitong huling Sawikaan 2016, “fotobam” na ipinagtanggol ni Michael Charleston “Xiao” Chua, isang historyador at propesor mula sa Departamento ng Kasaysayan ng De La Salle University-Manila. Ang ikalawa at ikatlong puwesto ay tinanggap ng mga salitang “hugot” ni Junilo Espiritu at “milenyal” ni Jayson Petras. Kabilang sa iba ang Salita ng Taon ang “bully,” “foundling,” “lumad,” “meme,” “netizen,” “tukod,” at “viral,”” Idinidagdag pa ng nasabing artikulo na “...ang lahat ng itinampok sa kumperensiya ng Sawikaan ay mga Salita ng Taon dahil naging laman ito ng diskurso ng lipunang Filipino sa nakalipas na dalawang taon dahil sa mga kontrobersiya at mahahalagang usapin sa politika, teknolohiya, trapiko, kultura, sosyolohiya, kulturang popular, at iba pa...nais ng Sawikaan na mamulat ang madla sa mahahalagang isyu sa lipunan na kinakailangan ng pagkilos na binubuksan ng mga salitang natatampok sa Sawikaan.” Sa nasabi ring artikulo, tinukoy ang mga katangian ng mga salitang karaniwang napipili sa Sawikaan: “1) bagong imbento; 2) bagong hiram mula sa katutubo o banyagang wika; 3) luma ngunit may bagong kahuluguhan, at; 4) patay sa salitang muling binuhay,,” Sa ganitong diwa, nakapag-aambag ang Sawikaan ng pagpapalwak ng bokabularyo ng wikang Filipino, at pagpapalawak din ng kakayahan ng wikang pambansa na maging mabisa sa diskursong panlipunan sa iba’t ibang larangan. Sa pangkalahatan, narito ang pamantayan ng FOT sa pagpili ng Salita ng Taon. 1. Kabuluhan ng salita sa buhay nating mga Filipino at/o pagsalamin nito ng katotohanan o bagong pangyayari sa aitng lipunan;
2. Lawak at lalim ng saliksik sa salita, gayundin ang
retorika o ganda ng paliwanag, at paraan ng pagkumbinsi sa mga tagapakinig; at
3. Paraan ng presentasyon. Mababasa sa mga kahon
sa ibaba ang sipi mula sa paliwanag sa artikulo ng KWF hinggil sa mga mamayaning salita sa Sawikaan mula 2004.