Professional Documents
Culture Documents
Sa Ugoy ng Duyan
Kaya mo bang masukat ang pag mamahal ng isang ina? Hindi man natin
maipagkakaila ngunit ang alaga ng isang ina ay siyang lagi nating hinahanap. Ano ba ang
unang salita na kadalasan mong sambitin noong bata ka pa kapag natatakot o
nangangamba? Ako, aaminin kong “mama” ang unang salita na lumalabas sa aking bibig.
Ikaw?
Ang aking napanood na dokumentaryo na pinamagatang “Kay Inay” ay pumukaw
sa aking damdamin na pasalamatan ang aking ina. Ang dokumentaryong ito ay tungkol sa
pagsubok na hinarap ng isang OFW at ng kaniyang ina. Ang tagpuan ng istorya ay
naganap sa kanilang bahay sa probinsya matapos niyang umuwi. Sa mga naunang parte
inihayag ng bida ang paninibago sa hitsura ng kaniyang bansa maging sa kanilang
probinsya. Nakakatuwa na makakita ng pagbabago, pero kung ako lang hindi ko rin
maiiwasan ang malungkot sa mga pagbabagong hindi ko nasaksihan. Ngunit may iilan
paring nanatili sa paglipas ng panahon, at yan ang pamilya. Katulad na lang din ng tauhan
sa kwento ang pamilyang naiwan niya sa probinsya ay masayang sumalubong sakanya. Sa
kasamaang palad ang kaniyang ina ay tila walang kibo, na siya ring ikinalungkot ko bilang
manunuod. May karamdaman ang kaniyang ina, Alzheimer's daw ang tawag. Kung ako
ang nasa sitwasyon maiintindihan ko rin ang kaniyang pagkalungkot dahil ang makitang
may sakit ang nanay at hindi manlang ito naagapan dahil wala ako sa piling nito upang
maka-alalay ay nakakapanghinayang. Sabi nga nila, wala nang mas sasakit pa sa
pakiramdam na hindi ka makilala ng taong nagluwal saiyo sa mundong ito. Kaya naman
ginawa niya ang lahat upang maalala siya ng nanay. Ipinagluto niya ito, pinaliguan,
binihisan at hinandaan ng pagkain; gaya ng pag-aaruga at kalinga ng isang ina sa anak.
Ang susunod na bahagi at siguro ay ang pinakasukdulan ng palabas ay noong
gabing naggitara siya. Inawitan niya ang kaniyang ina ng isang awit na madalas kantahin
ng kaniyang ina upang siya ay makatulog ng mahimbing sa gabi. Nang marining ng
kaniyang ina ang awit, naging dahilan ito upang manumbalik ang mga alaalang binura ng
kaniyang sakit, ang mga alaalang nakatanim sa kaibuturan ng puso ay muling naalala.
Niyakap siya ng kaniyang ina at muli naramdaman niya ang ginhawa at masayang
pakiramdam kapag nasa bisig ng nanay. Ang wakas ay nagpatunay lamang na kahit ang
isip ay makalimot, ang puso ang siyang makakaalala at ang magbabalik ng mga
alalaalang kahit imposibleng balikan ay hindi maipagkakailang hindi kailanman malilimutan.