You are on page 1of 3

Takdang Gawain: Gawan ng sintesis ang lathalaing “Ang resiliency na

kailangan natin” ni Pastor Joey Umali. Gamitin ang dayagram sa


ibaba sa paggawa ng sintesis. Ito ay pangkatang gawain na binubuo
ng 6 na kasapi sa bawat pangkat na ibabahagi sa zoom meeting
(online class bukas).
PANUTO: Basahin ang Lathalain at bumuo ng sintesis nito sa pamamagitan ng
dayagram na makikita sa ibaba.

Ang resiliency na kailangan natin


USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - November 7, 2020 - 12:00am

Isa sa mahirap hulihin ng camera ay ang isang Pinoy na biktima ng kalamidad sa


sandali ng kanyang paghihinagpis. Karaniwan, sa sandaling makita ng isang Pinoy na
siya’y kinukunan, ang gagawin ay hihinto sa pag-iyak, kakaway, ngingiti, at kapag
kinumusta mo’y sasabihing, “mabuti naman.” At hindi mo ba napapansin, kapag tayo’y
dumaranas ng mga krisis, doon lumalaganap ang mga kuwento kung saan ginagawa
nating katatawanan ang ating sarili? Sinasabing ito’y katibayan ng resiliency nating mga
Pilipino.

Ang resiliency ang kakayahang makabangon kaagad sa gitna ng krisis at


makapagpatuloy sa buhay na para bang walang anumang nangyari. Dahil sa
katangiang ito, ikinukumpara tayo sa kawayan na kapag binabayo ng malakas na
hangin ay sumasabay lamang sa indayog ng hangin kung kaya’t hindi ito nababali.

Ayon sa World Risk Report ng UN noong 2017, pangatlo ang Pilipinas sa buong mundo
sa dami ng kalamidad na nararanasan taun-taon, tulad ng bagyo, lindol, pagputok ng
bulkan, baha at pagguho ng lupa. Tayo ay nasa tinatawag na “Ring of Fire” o “Typhoon
Belt.” Isama pa rito, ang kaguluhang pulitikal at ang patuloy na pakikipaglaban ng
gobyerno sa NPA at armadong grupo sa Mindanao. Nadagdag pa ang COVID-19 kung
saan tayo na ang nangunguna sa Southeast Asia sa dami ng kaso. Pero sa kabila ng
lahat ng ito, dahil sa “resiliency,” nakatayo pa rin tayo.

May dalawang mahalagang pinanggagalingan ang ating resiliency: Ang ating malalim
na pananampalataya sa Diyos at ang matibay na ugnayang pampamilya. Ang tawag ng
ating mga ninuno doon sa una ay “Bathala Na,” matapos nating gawin ang lahat ng
paghahanda, ipinagkakatiwala natin sa Diyos ang lahat. Dahil dito, madali nating
natatanggap ang kabiguan. Ito ang orihinal na ibig sabihin ng “Bahala Na.” Sa isang
banda, ang ating pamilya ang pinakamalakas nating support community.
Kaya lang, ang ating kalakasan ang siya rin nating kahinaan. Niro-romanticize natin ang
ating resiliency. Ito ang pinalulutang upang mapagtakpan ang kakulangan ng
kinauukulan sa panahon ng kalamidad. Nagiging excuse ito sa mediocrity o hilaw na
trabaho.  Pinauubra natin ang “puwede na.” Tinatanggap nating kalooban ng Diyos ang
mga bagay na bunga ng kapabayaan at pagsasamantala ng iba. Nakakabangon nga
tayo, pero tila hindi tayo natututo sa ating mga pagkukulang at pagkakamali, kung kaya
parang paulit-ulit lang ang mga nangyayari. Ang ating extended family, na binubuo hindi
lamang ng mag-asawa at mga anak, kundi maaaring may kasama pang lolo at lola,
kapatid, tiyuhin, pamangkin at inaanak sa binyag, ay nagpapabigat sa dalahin sa
panahon ng krisis.

Sa Mateo 10:16, sinabi ni Hesus, “Maging matalino kayong gaya ng ahas at maamong
gaya ng kalapati.” Ang ahas dito’y simbolo hindi ng katusuhan, kundi ng katalinuhan,
katapangan, at pagiging alerto kung kaya hindi basta-basta malalansi ng kaaway. Ang
kalapati ay simbolo ng kabaitan.  Kailangang kasama sa ating resiliency ang mga
katangiang sinisimbolo ng ahas at ng kalapati.

Kapag nagawa natin ito, ang ating kalakasan ay tunay na magiging kalakasan. Hindi
lamang tayo makakabangon mula sa krisis. Pagkatapos nating makabangon,
makakasulong tayo para hindi na maulit ang mga kamalian at pagkukulang ng
nakaraan. ‘Yan ang resiliency na maipagmamalaki nating lahat bilang mga Pilipino.
‘Yan ang resiliency na kailangan natin.   

Halimbawa ng dayagram ng isang sintesis

You might also like