You are on page 1of 2

1 Samuel 3:1-18

[1]Sa pamamahala ni Eli, si Samuel ay patuloy na naglingkod kay Yahweh. Nang panahong iyon, bihira
nang magpahayag si Yahweh at bihira na rin ang mga pangitaing galing sa kanya.

[2]Malabo na noon ang mata ni Eli. Minsan, natutulog siya sa kanyang silid.

[3]Si Samuel ay natutulog naman sa santuwaryo, kung saan naroroon din ang Kaban ng Tipan. Bago
magmadaling-araw at may sindi pa ang ilawan sa santuwaryo,

[4]siya'y tinawag ni Yahweh, “Samuel, Samuel!”“Narito po ako,” sagot niya.

[5]Patakbo siyang lumapit kay Eli at sinabi, “Bakit po?”Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag. Matulog ka na
uli.” Nagbalik nga siya sa kanyang higaan.

[6]Subalit tinawag siyang muli ni Yahweh, “Samuel!” Bumangon siya, lumapit muli kay Eli at nagtanong,
“Tinatawag po ba ninyo ako?”Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag, anak. Matulog ka na.”

[7]Hindi pa kilala noon ni Samuel si Yahweh sapagkat hindi pa ito nagpahayag sa kanya.

[8]Sa ikatlong pagtawag ni Yahweh, muling lumapit si Samuel kay Eli at sinabi, “Narinig ko pong tinawag
ninyo ako.”Sa pagkakataong iyon, naunawaan ni Eli na si Yahweh ang tumatawag sa bata,

[9]kaya sinabi niya, “Mahiga kang muli at kapag narinig mo pang tinawag ka, ganito ang sabihin mo:
‘Magsalita po kayo, Yahweh. Nakikinig po ang inyong lingkod.’” At muli ngang nahiga si Samuel.

[10]Si Yahweh ay lumapit kay Samuel at muli itong tinawag, “Samuel, Samuel!”Sumagot si Samuel,
“Magsalita po kayo, nakikinig ang inyong lingkod.”

[11]Sinabi ni Yahweh, “Hindi magtatagal at may gagawin akong kakila-kilabot na bagay sa Israel. Lahat
ng makakabalita nito'y mabibigla.

[12]Pagdating ng araw na iyon, gagawin ko ang lahat ng sinabi ko laban sa sambahayan ni Eli, mula sa
umpisa hanggang sa katapusan.

[13]Sabihin mo sa kanya na habang panahon kong paparusahan ang kanyang sambahayan sapagkat
hinayaan niyang lapastanganin ako ng kanyang mga anak. Ni hindi man lamang niya pinahinto ang mga
ito.

[14]Dahil dito, isinusumpa kong hindi mapapawi ng anumang handog ang kalapastanganang ginawa ng
sambahayan ni Eli.”

[15]Natulog muli si Samuel at kinaumagaha'y binuksan ang pintuan ng bahay ni Yahweh. Ngunit
natatakot siyang sabihin kay Eli ang tungkol sa pangitain.

[16]Subalit tinawag siya ni Eli, “Samuel, anak.”“Ano po iyon?” sagot ni Samuel.


[17]Sinabi ni Eli, “Anong sinabi sa iyo ni Yahweh? Huwag ka nang maglihim sa akin. Mabigat ang
parusang ibibigay sa iyo ni Yahweh kapag hindi mo sinabi sa akin ang lahat ng sinabi niya sa iyo.”

[18]Kaya't ipinagtapat ni Samuel ang lahat kay Eli; wala siyang inilihim dito. Pagkatapos, sinabi ni Eli,
“Iyon ang kagustuhan ni Yahweh. Mangyari nawa ang ayon sa kanyang kalooban.”

Mga Kawikaan 16:17

[17]Ang landas ng matuwid ay palayo sa kasamaan;     ang maingat sa paglakad ay nag-iingat sa kanyang
buhay.

Juan 14:21

[21]“Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin
ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.”

Juan 10:3-4

[3]Pinapapasok siya ng gwardiya, at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang
kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan.

[4]Kapag nailabas na, siya'y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga ito sapagkat kilala nila
ang kanyang tinig.

Mga Taga-Roma 10:17

[17]Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral
tungkol kay Cristo.

Isaias 50:4-5

[4]Ang Panginoong Yahweh ang nagturo sa akin ng aking sasabihin,     para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga'y nananabik akong malaman     kung ano ang ituturo niya sa akin.

[5]Binigyan ako ng Panginoong Yahweh ng pang-unawa,     hindi ako naghimagsik     o tumalikod sa
kanya.

You might also like