You are on page 1of 2

1 Samuel 1:1-28

[1]Sa Ramataim-zofim, isang bayan sa kaburulan ng Efraim ay may nakatirang lalaki na nagngangalang
Elkana. Siya'y anak ni Jeroham at apo ni Elihu na mula sa sambahayan ni Tohu at mula sa angkan ni Zuf
na Efrateo.

[2]Dalawa ang asawa ni Elkana, sina Ana at Penina. May mga anak si Penina ngunit si Ana ay wala.

[3]Taun-taon, pumupunta si Elkana sa Shilo upang sumamba at mag-alay ng mga handog kay Yahweh na
Makapangyarihan sa lahat. Naglilingkod doon bilang mga pari ni Yahweh ang mga anak ni Eli na sina
Hofni at Finehas.

[4]Tuwing maghahandog si Elkana, binibigyan niya ng tig-iisang bahagi si Penina at ang mga anak nito.

[5]Ngunit mga natatanging bahagi ang ibinibigay niya kay Ana sapagkat mahal na mahal niya ito
bagama't hindi ipinahintulot ni Yahweh na ito'y magkaanak.

[6]Si Ana ay palaging kinukutya ni Penina dahil hindi niloob ni Yahweh na magkaroon siya ng anak.

[7]Ito'y ginagawa ni Penina taun-taon, tuwing pupunta sila sa bahay ni Yahweh. Labis naman itong
dinaramdam ni Ana kaya't napapaiyak siya at hindi makakain.

[8]Kaya't nilalapitan siya ni Elkana at tinatanong, “Ana, bakit umiiyak ka na naman at ayaw mong
kumain? Bakit ka nalulungkot? Hindi pa ba ako higit kaysa sa sampung anak na lalaki para sa iyo?”

[9]Minsan, matapos silang kumain sa Shilo, malungkot na pumunta si Ana at nanalangin sa bahay ni
Yahweh. Nagkataong nakaupo sa may pintuan ng bahay ni Yahweh ang paring si Eli.

[10]Buong pait na lumuluha si Ana at taimtim na nanalangin kay Yahweh.

[11]Ganito ang kanyang panalangin: “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, kung papakinggan
ninyo ang inyong abang lingkod at inyo pong kahahabagan, kung hindi ninyo ako pababayaan, sa halip ay
pagkakalooban ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo at habang buhay na siya'y nakalaan sa
inyo; hindi ko ipapaputol ang kanyang buhok.”

[12]Habang nananalangin si Ana, ang bibig niya'y pinagmamasdan ni Eli.

[13]Gumagalaw ang kanyang mga labi ngunit hindi naririnig ang kanyang tinig sapagkat siya'y
nananalangin lamang sa sarili. Dahil dito, inakala ni Eli na siya'y lasing.

[14]Kaya, lumapit ito at sinabi sa kanya, “Tama na 'yang paglalasing mo! Tigilan mo na ang pag-inom ng
alak at magpakatino ka na!”

[15]“Hindi po ako lasing,” sagot ni Ana. “Ni hindi po ako tumitikim ng alak. Ang damdamin ko po'y
naghihirap at idinudulog ko kay Yahweh ang aking kalagayan.
[16]Huwag po sana ninyong isipin na ang inyong lingkod ay masamang babae. Ipinapahayag ko lamang
ang matinding paghihirap ng aking damdamin.”

[17]Dahil dito, sinabi ni Eli, “Ipanatag mo ang iyong sarili at umuwi ka na. Ang Diyos ng Israel ang
tutugon sa iyong kahilingan.”

[18]Sumagot si Ana, “Magkatotoo po sana ang inyong sinabi tungkol sa akin.” Pagkasabi niyon, bumalik
sa kanilang tinutuluyan at kumaing wala na ang bigat ng kanyang kalooban.

[19]Kinabukasan, maagang-maaga silang sumamba kay Yahweh, at pagkatapos ay umuwi na sa Rama.


Sinipingan ni Elkana si Ana, at dininig ni Yahweh ang dalangin nito.

[20]Nagbuntis siya at dumating ang araw na siya'y nagsilang ng isang sanggol na lalaki. Samuel ang
ipinangalan niya rito sapagkat ang sabi niya, “Hiningi ko siya kay Yahweh.”

[21]Pagkalipas ng isang taon, si Elkana at ang kanyang sambahayan ay muling nagpunta sa Shilo upang
ialay kay Yahweh ang taunang handog at upang tupdin ang kanyang panata.

[22]Sinabi ni Ana kay Elkana, “Hindi na muna ako sasama sa inyo ngayon. Hihintayin ko na ang panahong
maaari na siyang mahiwalay sa akin. Paglaki niya, dadalhin ko siya sa bahay ni Yahweh at doon na siya
titira sa buong buhay niya.”

[23]Sinabi ni Elkana, “Gawin mo kung ano ang inaakala mong mabuti. Hintayin mo na siyang lumaki at
tulungan ka nawa ni Yahweh upang matupad ang pangako mo sa kanya.” Kaya naiwan si Ana at
inalagaan ang kanyang anak.

[24]Nang lumaki na si Samuel, dinala siya ng kanyang ina sa bahay ni Yahweh sa Shilo. Nagdala pa siya ng
isang torong tatlong taon, limang salop ng harina at alak na nakalagay sa sisidlang balat.

[25]Matapos ihandog ang baka, dinala nila kay Eli ang bata.

[26]Sinabi ni Ana, “Kung natatandaan ninyo, ako po ang babaing nakita ninyong nakatayo rito noon at
nanalangin kay Yahweh.

[27]Hiniling ko sa kanya na ako'y pagkalooban ng anak at binigyan nga niya ako.

[28]Kaya naman po inihahandog ko siya kay Yahweh upang maglingkod sa kanya habang
buhay.”Pagkatapos nito, sinamba nila si Yahweh.

You might also like