You are on page 1of 4

Si Pele ang Diyos ng Apoy at Bulkan

(Isang Mitolohiya mula sa Hawaii)

Tahimik na namumuhay sa maganda at masaganang lupain ng Tahiti ang mag-asawang


si Haumea, ang diyosa ng makalumang kalupaan at si Kane Milohai, ang diyos ng kalangitan
kasama ang kanilang anim na anak na babae at pitong anak na lalaki. Subalit habang lumalaki
ang kanilang mga anak ay unti-unting nawawala ang kapayapaan at katahimikan sa kanilang
tahanan dahil sa matinding alitang namamagitan sa mga anak nilang sina Pele, ang diyosa ng
apoy at si Namaka, ang diyosa ng tubig. Nagugat ang matinding awayan ng magkapatid sa
paniniwala ni Namaka na inagaw ng kapatid na si Pele ang kaniyang kabiyak.
Noong una’y pilit inaayos ng magulang ang alitang ito. Katunayan, ninais nilang maging
isa ring diyosa ng tubig si Pele tulad ng kapatid na si Namaka. Inaakala nilang makatutulong ito
upang magkasundo ang magkapatid subalit hindi ito natupad sapagkat nang madiskubre ni
Pele ang apoy sa kailaliman ng lupa, labis siyang naakit at wala nang sinumang
magkapaglalayo sa kaniya at sa apoy.
“Napakaganda ng apoy, Ina. Bakit ba ninyo ako pilit inilalayo rito?” ang madalas niyang
sabihin sa ina kapag nahuhuli siyang nakikipaglaro sa apoy.
“Mapanganib iyan sa iyo at sa iyong mga kapatid,” ang paalala naman ng kanilang ina
subalit hindi nito nabago ang pagkaakit ni Pele sa apoy.
Hindi nga nagkamali si diyosang Haumea sa pagpapaalala sa anak. Isang araw, sa
muling pakikipaglaro ni Pele sa apoy ay aksidenteng nasunog ang kanilang tirahan, ang buong
isla ng Tahiti. Galit na galit si Namaka nang malaman ang ginawa ni Pele at nagbantang
paahunin ang tubig sa buong isla upang lumubog ito sa baha. Sa takot ng mag-asawang
Haumea at Kane Milohai para sa kaligtasan nilang lahat ay agad-agad nilang isinakay ang
kanilang buong pamilya sa isang bangka. Si Pele ang naatasang gumaod at magdala sa kanila
sa isang isla upang makatakas sa poot ni Namaka.
“Ahhhhhh, hindi kayo makakalayo! Susundan kita, Pele, kahit saan ka magpunta!” ang
galit nag alit na pagbabanta ni Namaka. Subalit naging napakabilis ng paggaod ni Pele kaya’t
hindi na sila inabutan ng nagngingitngit na kapatid. Bukod sa layuning mailayo ang pamilya sag
alit ni Namaka ay mayroon pa siyang isang mahalagang misyon. Sa kaniya ipinagkatiwala ng
magulang ang kaniyang bunsong kapatid na noo’y nasa loob pa ng isang itlog at hindi pa
napipisa. Habang mabilis siyang gumagaod ay buong ingat niyang inilagay sa kaniyang
kandungan ang itlog upang maiwasang mabasag at upang ito ri’y mainitan.
Pagkatapos ng mahaba at nakapapagod na paglalakbay ay sumapit na rin ang mag-
anak sa isang isla. “Dito muna tayo titigil, ama, ina,” ang sabi ni Pele. “Mainam tirhan ang lugar
na ito dahil kakaunti pa lang ang nakatira. Magiging ligtas tayo rito,” dugtong pa niya.
At sa islang iyon nga pansamantalang nanirahan ang mag-anak. Sa islang ito napisa
mula sa itlog at lumaking isang napakagandang dalagita na may likas na hilig sa pag-awit at
pagsayaw ang bunsong kapatid na pinag-ingatan nang labis ni Pele. Pinangalanan siyang
Hi’iaka. Dahil sa kaniya nagmula ang hula na isang sagradong sayaw, si Hi’iaka ay itinuring na
diyosa ng hula at ng mga mananayaw.
Ang mga tao sa isla ay labis na humanga sa kagandahan nina Pele at Hi’iaka gayundin
sa husay ni Hi’iaka sa pagsasayaw ng hula. Subalit hindi lahat ay natuwa sapagkat may apat na
diyosa ng niyebeng naninirahan din sa isla ang naiinis sa magkapatid dahil sila na lang ang
nabibigyang-atensiyon at paghanga ng mga tao. “Hindi sila dapat narito. Ginugulo nila ang isip
ng mga tao sapagkat sa kanila na lang nauukol ang kanilang paghanga. Kailangang mapaalis
natin sila,” ang sabi ng pinakapangulo ng apat na diyosa. Kaya naman, sa tuwing
makapagpapatayo ng tahanan si Pele para sa kaniyang pamilya ay binubugahan nila ng niyebe
ang tahanan. Napilitan tuloy ang pamilyang magpalipat-lipat ng tirahan sa mga kalapit na isla.
Subalit sa pagpapalipat-lipat nila’y hindi rin naman sila nakaligtas sa matataas na along
ipinadadala ni Namaka na nag-aabang lang pala sa dagat.
Sa huli’y nakahanap din si Pele ng isang ligtas na lugar para sa kaniyang pamilya. Ito’y
sa isang napakataas na bundok na tinatawag na Mauna Loa. Ito ang pinakamataas na bundok
sa buong mundo kung susukatin ang taas nito mula sa bahaging nakalubog sa karagatan.
Subalit kahit nasa mataas na lugar na sina Pele ay hindi basta sumuko si Namaka. Pilit niyang
pinaabot sa tuktok ng bundok ang mga along kaniyang pinakakawalan. Hindi naman nagpatalo
si Pele. Sa wakas, nagamit niya ang apoy upang makaganti kay Namaka. Sa kagustuhan na rin
niyang mailigtas ang kaniyang pamilya ay pinagliyab niya ang apoy sa pusod ng bundok. Ang
init ng apoy mula sa kailaliman ng bundok ay naging dahilan ng pagputok nito. Ang lumabas na
laba sa tuktok ng bundok ay gumulong pababa at tumabon sa malaking bahagi ng dagat na
nasa ibaba nito. Nang matuyo ang makapal na lava ay naging kalupaan ang paligid ng
sumabog na bundok at tinawag na ngayong isla ng Hawaii o “The Big Island.”
Bagama’t nanalo siya sa matinding labanan nila ni Namaka, labis na nanghina ang
katawang lupa ni Pele at siya’y namatay. Subalit ang kaniyang espiritu ay nanatili at nagagawa
nitong baguhin ang kaniyang anyo sa anumang itsurang nais niya. Minsay’y nakikita siya bilang
isang magandang babaeng may mahaba at nakalugay na buhok, minsa’y isang matandang
sumusubok sa kabutihan ng mga mamamayan, minsa’y isang maliit na asong puti, at iba pa.
Minsan sa kaniyang pamamasyal sa paligid ng bulkan, siya’y nagbalatkayo bilang isang
magandang dalaga. Doon niya Nakita ang isang makisig na lalaking nagngangalang Ohi’a.
Agad inakit ni Pele ang lalaki subalit buong galang siya nitong tinanggihan sapagkat siya’y may
asawa nang mahal na mahal niya. Nakita nga ni pele si Lehua, dumating ito upang dalhan ng
tanghalian ang asawang si Ohi’a. Kitang-kita ni Pele kung paanong niyakap at hinagkan nang
buong pagmamahal ni Ohi’a ang kaniyang asawa. Dala ng matinding galit at paninibugho ay
kumawala kay Pele ang matinding apoy na tumama kay Ohi’a kaya’t ito’y naging isang sunog
na puno.
Nang makita ni Lehua ang nangyari sa asawa ay buong pait na niyakap niya ang puno
habang lumuluha at nagmamakaawa kay Pele. “Maawa ka diyosang Pele,” ang pakiusap niya.
“Buhayin mo po ang asawa ko o gawin mo na rin akong isang halaman upang magkasama na
kami habambuhay. Hindi ko kakayaning mapawalay sa kaniya, mahal na mahal ko po siya,” ang
pagmamakaawa nito habang patuloy ang walang katapusang pagluha.
Sa walang tigil na pagluha at pakikiusap ng babae ay lumambot ang puso ni Pele at
pinagsisihan ang kaniyang nagawa. Ginawa niyang isang halamang may pino at magagandang
bulaklak si Lehua na ikinapit niya sa puno ng ohi’a. Naging espesyal sa kaniya ang puno ng
ohi’a lehua kaya’t ang mga ito ang unang-unang sumisibol sa nabubuong lupa mula sa laba ng
pumuputok na bulkan. Mula noon hanggang ngayon, lagi nang magkadikit ang puno ng ohi’a at
ang mga bulaklak ng lehua. Katunayan, may paniniwala sa Hawaii na habang magkadikit ang
ohi’a at lehua ay maganda ang panahon subalit kapag biglang umulan nang malakas ay
naniniwala silang may pumitas sa bulaklak ng lehua. Pinaniniwalaang ang ulan ay dala ng mga
luha ni Lehua na ayaw mawalay sa kaniyang pinakamamahal na si Ohi’a.
Subalit hindi pa rito nagtatapos ang kuwento sa pagiging sobrang selosa ni Pele at hindi
inaasahang ang magiging kasunod pa niyang biktima ay ang pinakapaborito niyang kapatid na
si Hi’iaka. Isang araw, habang tahimik at masayang naglalaro sa hardin at nag-aalaga sa mga
tanim na Ohi’a lehua sina Hi’iaka at ang matalik niyang kaibigang si Hopoe ay tinawag siya ni
Pele.

“Hi’iaka, sunduin mo ang bago kong kasintahang si Lohi’au. Isa siyang makisig na lalaki.
Binabalaan kita, dalhin mo siya rito at huwag mong aakitin,” ang habilin ni Pele sa kapatid.
“Masusunod po, Ate Pele,” ang sagot naman ni Hi’iaka. “Dadalhin ko rito si Lohi’au para
sa iyo pero alagaan mo sana ang aking hardin habang wala ako.”
Pumayag si Pele at si Hi’iaka ay nagsimula na sa isang mahaba at mapanganib na
paglalakbay. Napakarami palang halimaw at mga panganib sa kaniyang daraanan. Naging
matagal ang kaniyang paglalakbay dahil nakipaglaban pa siya sa mga halimaw na ito bago
marating ang pupuntahan. Sa tagal ng paglalakbay ay nadatnan niya si Lohi’au na noo’y halos
patay na dahil sa pagkakasakit at sa pagaakalang nalimutan n ani Pele ang pangakong
babalikan siya.
“Kailangan mong gumaling, Lohi’au,” ang sabi ni Hi’iaka sa binata. “Hinihintay ka ni Ate
Pele,” ang dugtong pa niya habang ginagawa ang lahat ng makakaya at ginagamit ang kung
anumang mumunting kapangyarihang mayroon siya upang mabuhay ang binata.
Habang hinihintay na gumaling nang lubusan si Lohi’au ay unti-unting nagkakalapit ang
kalooban ng dalawa subalit malaki ang paggalan ni Hi’iaka sa kaniyang ate at hindi siya gagawa
ng bagay na makasasakit ditto kahit pa nakadarama na siya ng pag-ibig sa binata.
Subalit hindi na mapakali si Pele sa tagal nang hindi pagbabalik ni Hi’iaka. Umabot nan
ang apatnapung araw ay hindi pa bumabalik ang bunsong kapatid. Kung ano-ano na ang
kaniyang naiisip. Inakala niyang inakit na ni Hi’iaka ang kaniyang kasintahan. Sa tindi ng selos
at galit ay muling sumabog ang lava mula sa bulkan at nasunog nito ang harding ipinagbilin ng
kapatid na alagaan niya. Sa kasamaang palad ay natabunan din ng lava at nasunog ang
kaibigang matalik ni Hi’iaka na si Hopoe.
Sa kaniyang pagbabalik, malauo pa’y nakita n ani Hi’iaka ang ginawa ni Pele sa
kaniyang hardin at nakita rin niyang patay na si Hopoe na nagmistulang taong bato dahil
natabunan ng lava. Labis niya itong ipinagdamdam at ikinagalit. At upang makaganti, nang
malaman niyang natatanaw na sila ni Pele ay hinagkan at niyapos niya si Lohi’au na siyang
muling nagpasabog sa galit ng kaniyang selosa at mainitin ang ulong kapatid. Namatay si
Lohi’au na isang mortal dahil sa dumaloy na lava mula sa sumabog na bulkan subalit si Hi’iaka
na isang diyosa ay hindi nasaktan. Nang mamatay si Lohi’au ay napagtanto ni Hi’iaka na mahal
na mahal pala niya ang binata.
“Kuya, tulungan mo akong makuha ang kaluluwa ni Lohi’au sa kailaliman ng lupa,” ang
pakiusap niya sa panganay na lalaki, ang diyos na si Kane-milo.
“Sige, tutulungan kita. Napakarami nang nadadamay sa init ng ulo at wala sa lugar na
pagseselos ni Pele,” ang sagot naman ng kaniyang kuya.
Namangka si Kane-milo patungo sa kailaliman ng lupa subalit hindi pa siya nakalalayo
ay nakita na niya ang lumulutang na kaluluwa ni Lohi’au sa tabi ng kaniyang bangka. Muling
ibinalik ni Kane-milo ang kaluluwa ni Lohi’au sa tabi ng kaniyang bangka. Muling ibinalik ni
Kane-milo ang kaluluwa ni Lohi’au sa kaniyang katawang-lupa kaya’t labis na naging masaya
ang magsing-irog na si Lohi’au at si Hi’iaka nang sila’y muling makita. Nagpasiya silang lumayo
sa isla ng Hawaii at lumipat na lang sa isla ng Kaua’i at doon na manirahan upang makaiwas sa
galit si Pele.
At si Pele, pinagsisihan niya ang ginawa sa pinakamamahal niyang kapatid at kay
Lohi’au. Hinayaan na niya silang mamuhay nang tahimik at payapa. Hindi alam ni Hi’iaka na
ang masaganang pagsibol ng anumang itanim sa kanilang mga lupain ay kagagawan ni Pele
bilang pagpapakita ng pagsisisi at patuloy na pagmamahal sa kaniyang bunsong kapatid.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ring nakaririnig ng mga kuwentong kaugnay ng diyosang si
Pele. May mga nagsasabing nakapagsasakay sila ng matandang babaeng nakaputi na may
dalang aso sa Kilauea National Park subalit paglingon nila ay wala na silang pasahero. Sa ilang
nakunang larawan ng pagsabog ng bulkan ay nakikita raw ang mukha ni diyosang Pele. Ang
lahat ng naninirahan sa isla anuman ang relihiyon ay nagbibigay-galang sa diyosa. At bakit
hindi kung nalalaman nilang may mahigit 200 gusali o estruktura na ang nasira ng pagsabog ng
bulkan mula noong 1983 at higit pa rito, ang malalakas na pagputok ng bulkan ay
nakapagdagdag na ng mahigit 30 hektaryang lupain sa timog silangang bahagi ng isla ng
Hawaii.

Sagutin ang sumusunod na katanungan at isulat sa isang buong papel.

1. Sa paanong paraan nawala ang kapayapaan at katahimikan sa pamilya nina Pele at


Namaka?
2. Ano ang nagawa ni Pele na labis na ikinagalit ni Namaka at nagging dahilan na rin upang
lisanin ng buong pamilya nila ang kanilang tahanan?
3. Maliban sa paggaod na Bangka, anong mahalagang bagay pa ang ipinagkatiwala ng
magulang kay Pele?
4. Saan napadpad ang pamilya ni Pele? Ano-ano ang pinagdaanan nila bago narrating ang
tirahan sa Mauna Loa?
5. Paano nabuo ang kalupaan sa palibot ng Mauna Loa na kalauna’y nagging Isla ng Hawaii
o tinatawag ding “the Big islands”?
6. Saan nagmula ang halamang ohi alehua? Ano ang kinalaman ni Pele sa pangyayarin ito?
7. Sa papaanong paraan pa nakaapekto sa iba ang labis na pagiging selosa at mainitin ang
ulo ni Pele?
8. Kung ikaw ang magulang nina Pele at Namaka, ano ang gagawin mo upang hindi
humantong sa ganito ang kalagayan ng inyong pamilya?

You might also like