You are on page 1of 9

SI PELE, ANG DIYOSA NG APOY AT BULKAN

Tahimik na namumuhay sa maganda at masaganang


lupain ng Tahiti ang mag-asawang si Haumea, ang diyosa ng
makalumang kalupaan at si Kane Milohai, ang diyos ng kalangitan
kasama ang kanilang anim na anak na babae at pitong anak na
lalaki. Subalit habang lumalaki ang kanilang mga anak ay unti-
unting nawawala ang kapayapaan at katahimikan sa kanilang
tahanan dahil sa matinding alitang namamagitan sa mga anak
nilang sina Pele, ang diyosa ng apoy at si Namaka, ang diyosa ng
tubig. Nag-ugat ang matinding awayan ng magkapatid sa
paniniwala ni Namaka na inagaw ng kapatid na si Pele ang
kanyang kabiyak.

Noong una'y pilit inaayos ng kanilang magulang ang alitang


ito. Katunayan, ninais nilang maging isa ring diyosa ng tubig si Pele
tulad ng kapatid na si Namaka. Inaakala nilang makatutulong ito
upang magkasundo ang magkapatid subalit hindi ito natupad
sapagkat nang matuklasan ni Pele ang apoy sa kailaliman ng lupa,
labis siyang naakit at wala nang sinumang magkapaglalayo sa
kanya at sa apoy.

"Napakaganda ng apoy, Ina. Bakit ba ninyo ako pilit inilalayo


rito?” ang madalas niyang sabihin sa ina kapag nahuhuli siyang
nakikipaglaro sa apoy.
"Mapanganib iyan sa iyo at sa iyong mga kapatid," ang paalala
naman ng kanilang ina subalit hindi nito nabago ang pagkaakit ni
Pele sa apoy.

Hindi nga nagkamali si diyosang Haumea sa pagpapaalala sa


anak. Isang araw, sa muling pakikipaglaro ni Pele sa apoy ay
aksidenteng nasunog ang kanilang tirahan, ang buong isla ng
Tahiti. Galit na galit si Namaka nang malaman ang ginawa ni Pele
at nagbantang paaahunin ang tubig sa buong isla upang lumubog
ito sa baha. Sa takot ng mag-asawang Haumea at Kane Milohai
para sa kaligtasan nilang lahat ay agad-agad nilang isinakay ang
kanilang buong pamilya sa isang bangka. Si Pele ang naatasang
mag gaod at magdala sa kanila sa isang isla upang makatakas sa
poot ni Namaka. "Ahhhhh, hindi kayo makakalayo! Susundan kita,
Pele, kahit saan ka magpunta!" ang galit na galit na pagbabanta ni
Namaka.

Subalit naging napakabilis ng paggaod ni Pele kaya't hindi na


sila inabutan ng nagngingitngit na kapatid. Bukod sa layuning
mailayo ang pamilya sa galit ni Namaka ay mayroon pa siyang
isang mahalagang misyon. Sa kanya ipinagkatiwala ng magulang
ang kanyang bunsong kapatid na noo'y nasa loob pa ng isang itlog
at hindi pa napipisa. Habang mabilis siyang gumagaod ay buong
ingat niyang inilagay sa kanyang kandungan ang itlog upang
maiwasang mabasag at upang ito ri'y mainitan.

Pagkatapos ng mahaba at nakapapagod na paglalakbay ay


sumapit na rin ang mag-anak sa isang isla. "Dito muna tayo titigil,
ama, ina," ang sabi ni Pele. "Mainam tirhan ang lugar na ito dahil
kakaunti pa lang ang nakatira. Magiging ligtas tayo rito," dugtong
pa niya.

At sa islang iyon nga pansamantalang nanirahan ang mag-


anak. Sa islang ito napisa mula sa itlog at lumaking isang
napakagandang dalagita na may likas na hilig sa pag-awit at
pagsayaw ang bunsong kapatid na pinag-ingatan nang labis ni Pele.
Pinangalanan siyang Hi'iaka. Dahil sa kanya nagmula ang hula na
isang sagradong sayaw, si Hi’iaka ay itinuring na diyosa ng hula at
ng mga mananayaw.

Ang mga tao sa isla ay labis na humanga sa kagandahan nina


Pele at Hi'iaka gayundin sa husay ni Hi’iaka sa pagsasayaw ng
hula. Subalit hindi lahat ay natuwa sapagkat may apat na diyosa
ng niyebeng naninirahan din sa isla ang naiinis sa magkapatid.
Mula nang dumating sila ay silå na lang ang nabibigyang-atensiyon
at paghanga ng mga tao. "Hindi silå dapat narito. Ginugulo nila ang
isip ng mga tao sapagkat sa kanila na lang nauukol ang kanilang
paghanga. Kailangang mapaalis natin sila ang sabi ng
pinakapangulo ng apat na diyosa. Kayå naman, sa tuwing
makapagpapatayo ng tahanan si Pele para sa kanyang pamilya ay
binubugahan nila ng niyebe ang tahanan ng mga ito. Napilitan
tuloy ang pamilyang magpalipat-lipat ng tirahan sa mga kalapit na
isla. Subalit sa pagpapalipat-lipat nila'y hindi rin naman silå
naligtas matataas na along ipinadadala ni Namaka na nag-aabang
lang palå sa dagat.
Sa huli'y nakahanap din si Pele ng isang ligtas na lugar para
sa kanyang pamilya. Ito'y sa isang napakataas na bundok na
tinatawag na Mauna Loa. Sinasabing ito ang pinakamataas na
bundok sa buong mundo kung susukatin ang taas nito mula sa
bahaging nakalubog sa karagatan. Subalit kahit nasa mataas na
lugar na sina Pele ay hindi basta sumuko si Namaka. Pilit niyang
pinaabot sa tuktok ng bundok ang mga along kanyang
pinakakawalan. Hindi naman nagpatalo si Pele. Sa wakas, nagamit
niya ang apoy upang makaganti kay Namaka. Sa kagustuhan na
rin niyang mailigtas ang kanyang pamilya ay pinagliyab niya ang
apoy sa pusod ng bundok. Ang init ng apoy mula sa kailaliman ng
bundok ay naging dahilan ng pagputok nito. Ang lumabas na lava
sa tuktok ng bundok ay rumagasa pababa at tumabon sa malaking
bahagi ng dagat na nása ibaba nito. Nang matuyo ang makapal na
lava ay naging kalupaan ang paligid ng sumabog na bundok at
tinawag na ngayong isla ng Hawaii o "The Big Island."

Bagama't nanalo siya sa matinding labanan nila ni Namaka, labis


na nanghina ang katawang lupa ni Pele at siya'y namatay. Subalit
ang kanyang espiritu ay nanatili at nagagawa nitong baguhin ang
kanyang anyo sa anumang itsurang nais niya. Minsa'y nakikita siya
bilang isang magandang babaeng may mahaba at nakalugay na
buhok, minsa'y isang matandang sumusubok sa kabutihan ng mga
mamamayan, minsa'y isang maliit na asong puti, at iba pa.

Minsan sa kanyang pamamasyal sa paligid ng bulkan, siya'y


nagbalatkayo bilang isang napakagandang dalaga. Doon niya
nakita ang isang makisig na laláking nagngangalang Ohi'a. Agad
inakit ni Pele ang laláki subalit buong galang siya nitong
tinanggihan sapagkat siya'y may asawa nang mahal na mahal niya.
Nakita nga ni Pele si Lehua, dumating upang dalhan ng tanghalian
ang asawang si Ohi'a. Kítang-kíta rin ni Pele kung paanong niyakap
at hinagkan nang buong pagmamahal ni Ohi'a ang kanyang asawa.
Dalá ng matinding galit at paninibugho ay kumawala kay Pele ang
matinding apoy na tumama kay Ohi'a kaya't ito'y naging sunóg na
puno.

Nang makita ni Lehua ang nangyari sa asawa ay buong pait na


niyakap niya ang puno habang lumuluha at nagmamakaawa kay
Pele. " Maawa ka diyosang Pele," ang pakiusap niya. " Buhayin mo
po ang asawa ko o gawin mo na rin akong isang halaman upang
magkasama na kami habambuhay. Hindi ko kakayaning
mapawalay sa kanya, mahal na mahal ko po siya, “ang
pagmamakaawa nito habang patuloy ang walang katapusang
pagluha.

Sa harap ng walang tigil na pagluha at pakikiusap ng babae ay


lumambot ang puso ni Pele at pinagsisihan ang kanyang nagawa.
Ginawa niyang isang halamang may pino at magagandang pulang
bulaklak si Lehua na ikinapit niya sa punö ng Ohi’a. Naging
espesyal sa kanya ang puno ng ohi`a lehua kaya't ang mga ito ang
unang-unang sumisibol sa nabubuong lupa mula sa lava ng
pumuputok na bulkan. Mula noon hanggang ngayon, lagi nang
magkadikit ang puno ng ohi'a at ang mga bulaklak ng lehua.
Katunayan, may paniniwala sa Hawaii na habang magkadikit ang
ohi'a at lehua ay maganda ang panahon subalit kapag biglang
umulan nang malakas ay naniniwala silang may pumitas sa
bulaklak ng lehua. Pinaniniwalaang ang ulan ay dala ng mga luha
ni Lehua na ayaw mawalay sa kanyang pinakamamahal na si Ohi'a.

Subalit hindi pa rito nagtatapos ang kuwento sa pagiging sobrang


selosa ni Pele. Hindi inaasahang ang magiging susunod pa niyang
biktima ay ang pinakapaborito niyang kapatid na si Hi'iaka. Isang
araw, habang tahimik at masayang naglalaro sa hardin at nag-
aalaga sa mga tanim na Ohi'a lehua Sina Hi`iaka at ang matalik
niyang kaibigang si Hopoe ay tinawag siya ni Pele.

"Hi`iaka, sunduin mo ang bago kong kasintahang si Lohi 'au.


Isa siyang makisig na lalaki. Binabalaan kita, dalhin mo siya rito at
huwag aakitin," ang habilin ni Pele sa kapatid.

"Masusunod po, Ate Pele," ang sagot naman ni Hi'iaka. "Dadalhin


ko rito si Lohi'au para sa iyo pero alagaan mo sana ang aking
hardin habang wala ako."

Pumayag si Pele at si Hi`iaka ay nagsimula na sa isang


mahaba at mapanganib na paglalakbay. Napakarami palang
halimaw at mga panganib sa kanyang daraanan. Naging matagal
ang kanyang paglalakbay dahil nakipaglaban pa siya sa mga
halimaw na ito bago marating ang pupuntahan. Sa tagal ng
paglalakbay ay nadatnan niya si Lohi"au na noo'y halos patay na
dahil sa pagkakasakit at sa pag-aakalang nalimutan na ni Pele ang
pangakong babalikan siya.
Kailangan mong gumaling, Lohi'au," ang sabi ni Hi`iaka sa binata.
Hinihintay ka ni Ate Pele," ang dugtong pa niya habang ginagawa
ang lahat ng makakaya at ginagamit ang kung anumang
mumunting kapangyarihang mayroon siya upang mabuhay lang
ang binata.

Habang hinihintay na gumaling nang lubusan si Lohi`au ay


nagkakalapit ang kalooban ng dalawa subalit malaki ang paggalang
Hi'iaka sa kanyang ate at hindi siya gagawa ng bagay na
makasasakit dito kahit pa nakadarama na siya ng pag-ibig sa
binata.

Subalit hindi na mapakali si Pele sa tagal nang hindi pagbabalik ni


Hi'iaka. Umabot na nang apatnapung araw ay hindi pa bumabalik
ang bunsong kapatid. Kung ano-ano na ang kanyang naiisip.
Inakala niyang inakit na ni Hi`iaka ang kanyang kasintahan. Sa
tindi ng selos at galit ay muling sumabog ang lava mula sa bulkan
at nasunog nito ang harding ipinagbilin ng kapatid na alagaan niya.
Sa kasamaang palad ay natabunan din ng lava at nasunog ang
kaibigang matalik ni Hi`iaka na si Hopoe.

Sa kanyang pagbabalik, malayo pa'y nakita na ni Hi`iaka ang


ginawa ni Pele sa kanyang hardin at nakita rin niyang patay na si
Hopoe na nagmistulang taong bato dahil natabunan ng lava. Labis
niya itong ipinagdamdam at ikinagalit. At upang makaganti, nang
alam niyang natatanaw na sila ni Pele ay hinagkan at niyapos niya
si Lohi`au na siyang muling nagpasabog sa galit ng kanyang selosa
at mainitin ang ulong kapatid. Namatay si Lohi'au na isang mortal
dahil sa dumaloy na lava mula sa sumabog na bulkan subalit si
Hi`iaka na isang diyosa ay hindi nasaktan. Nang mamatay si
Lohi`au ay napagtanto ni Hi 'iaka na mahal na mahal pala niya ang
binata.

"Kuya, tulungan mo akong makuha ang kaluluwa ni Lohi'au sa


kailaliman ng lupa," ang pakiusap niya sa panganay na kapatid na
lalaki, ang diyos na si Kane-Milo.

"Sige, tutulungan kita. Napakarami nang nadadamay sa init ng ulo


at wala sa lugar na pagseselos ni Pele," ang sagot naman ng
kanyang kuya.

Namangka si Kane-milo patungo sa kailaliman ng lupa subalit


hindi pa siya nakalalayo ay nakita na niya ang lumulutang na
kaluluwa ni Lohi 'au sa tabi ng kanyang bangka. Muling ibinalik ni
Kane-milo ang kaluluwa ni Lohi'au sa kanyang katawang-lupa
kaya't labis na naging masaya ang magsing-irog na si Lohi'au at si
Hi'iaka nang sila'y muling magkita. Nagpasiya silang lumayo sa isla
ng Hawaii at lumipat na lang sa isla ng Kauai at doon na
manirahan upang makaiwas sa galit ni Pele.

At si Pele, pinagsisihan niya ang ginawa sa pinakamamahal


niyang kapatid at kay Lohi 'au. Hinayaan na niya silang mamuhay
nang tahimik at payapa. Hindi alam ni Hi `iaka na ang masaganang
pagsibol ng anumang itanim sa kanilang mga lupain ay kagagawan
ni Pele bilang pagpapakita ng pagsisisi at patuloy na pagmamahal
sa kanyang bunsong kapatid.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ring nakaririnig ng mga
kuwentong kaugnay ng diyosang si Pele. May mga nagsasabing
nakapagsasakay sila ng matandang babaeng nakaputi na may
dalang aso sa Kilauea National Park subalit paglingon nila ay wala
na silang pasahero. Sa ilang nakunang larawan ng pagsabog ng
bulkan ay nakikita raw ang mukha ni diyosang Pele. Ang lahat ng
naninirahan sa isla anuman ang relihiyon ay nagbibigay-galang sa
diyosa. At bakit hindi kung nalalaman nilang may mahigit 200
gusali o istruktura na ang nasira ng pagsabog ng bulkan mula
noong 1983 at higit pa rito, ang malalakas na pagputok ng bulkan
ay nakapagdagdag na ng mahigit 30 hektaryang lupain sa timog-
silangang bahagi ng isla ng Hawaii.

Sanggunian: Pinagyamang Pluma 10

You might also like