You are on page 1of 2

ORATIO IMPERATA:

PANALANGIN PARA IPAG-ADYA SA MGA KALAMIDAD


Amang Makapangyarihan,
itinataas namin sa Iyo ang aming mga pusong nagpapasalamat
sa kagandahan ng Iyong nilikha kung saan kami ay bahagi
sa pagkalinga Mong nagtataguyod sa aming mga pangangailangan
at sa karunungan Mong gumagabay sa takbo ng daigdig.
Kinikilala namin ang aming mga pagkakasala sa Iyo at sa sangnilikha.
Hindi kami naging mabuting katiwala ng kalikasan.
Pinagkamali namin ang iyong utos na pangasiwaan ang daigdig.
Ang kapaligiran ay nagdurusa sa aming kamalian
at ngayon ay aming inaani ang aming pagmamalabis at kawalang pakialam.
Ang "global warming" ay laganap na.
Ang mga bagyo, pagbaha,
pagputok ng bulkan, paglindol,
at iba pang kalamidad
ay patuloy na tumitindi sa pananalanta.
Lumalapit kami sa Iyo, Mapagmahal na Ama
at humihingi ng kapatawaran sa aming mga kasalanan.
Hinihiling namin na kami,
kasama ng aming mga mahal sa buhay at pinagpagurang ari- arian
ay ipag-adya sa banta ng mga kalamidad,
likas man o kagagawan ng tao.
Iniluluhog naming gawin kaming mapanagutang katiwala ng Iyong nilikha
at maging bukas-palad na kapwa sa mga nangangailangan.
Sa Pangalan ni Hesus. Amen.

Nuestra Señora de Caysasay,


ipanalangin mo kami!
PANALANGIN LABAN SA INAASAHANG MALAKAS AT DELIKADONG
PAGPUTOK NG BULKANG TAAL
Atin pong ipanalangin sa Diyos sa tulong na din ng panalangin ng Mahal na Birhen ng
Caysasay, na siyang Ina at Reyna ng Arsidiyosesis ng Lipa at Patrona ng buong
lalawigan ng Batangas, ang proteksyon at ating kaligtasan laban sa inaasahang
malakas at delikadong pagputok ng Bulkang Taal.

Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.


O mahabagin naming Ina at Reyna,
Mahal na Birhen ng Caysasay,
ang aming bayan ay dumaranas ng panibagong pagsubok
gawa ng kasalukuyang estado ng Bulkang Taal
na maaaring pumutok nang malakas at delikado.
Aming Ina ng Caysasay tulad noong pumutok ang Bulkang Taal,
matagal na panahon na ang nakalilipas,
ika'y nagpamalas ng mga milagro at nagpakita ng pagkalinga
sa mga nangangailangan sa iyong saklolo.
Dinala mo malapit sa iyong Dambana
ang mga naninirahan dati sa lumang sentro ng Taal.
Iniligtas mo ang iyong bayan laban sa sakunang iyon.
Kaya naman, dito sa bayan at bansa na ikaw ang aming pinipintakasi,
kami ay dumudulog sa Iyo.
Sa kabila ng aming mga kahinaan at pagkukulang,
kami'y humihiling na nawa ay
maging payapa na ang Bulkang Taal at huwag nang pumutok.
Subalit kung kinakailangan at para sa ikabubuti ang pagputok ng bulkan,
kami ay Iyong ipanalangin at protektahan
laban sa masasamang maaaring mangyari.
Kami rin ay iyong gabayan upang maging alerto sa mga nangyayari sa paligid,
maging maingat sa aming kapaligiran,
at makaiwas sa mga bagay na makadudulot ng pinasala sa kalikasan.
Mamuhay nawa kami nang may totoong pagkalinga at pagmamahal sa kalikasan
na siyang biyaya ng Diyos sa amin.
Sa tulong ng iyong panalangin
kami ay umaasa sa pagpapalang ito ng Panginoon. Amen.
Ama namin… Aba Ginoong Maria… Luwalhati…
Nuestra Señora de Caysasay, protektahan at ipanalangin mo kami!
Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.

You might also like