You are on page 1of 25

7

Araling Panlipunan
ASYA
Unang Markahan - Modyul 1:
KONSEPTO AT PAGHAHATING REHIYON
NG ASYA

i
Araling Panlipunan– Ikapitong Baitang
Alternative Delivery Mode
Unang Markahan – Modyul 1: Konsepto at Paghahating Rehiyon ng Asya
Unang Edisyon, 2020

Isinasaad sa Batas Republika 8293, Seksiyon 176 na: Hindi maaaring magkaroon ng
karapatang-sipi sa anomang akda ang Pamahalaan ng Pilipinas. Gayonpaman, kailangan
muna ang pahintulot ng ahensiya o tanggapan ng pamahalaan na naghanda ng akda kung ito
ay pagkakakitaan. Kabilang sa mga maaaring gawin ng nasabing ahensiya o tanggapan ay
ang pagtakda ng kaukulang bayad.

Ang mga akda (kuwento, seleksiyon, tula, awit, larawan, ngalan ng produkto o brand name,
tatak o trademark, palabas sa telebisiyon, pelikula, atbp.) na ginamit sa aklat na ito ay
nagtataglay ng karapatang-ari ng mga iyon. Pinagsumikapang matunton ang mga ito upang
makuha ang pahintulot sa paggamit ng materyales. Hindi inaangkin ng mga tagapaglathala at
mga may-akda ang karapatang-aring iyon. Ang anomang gamit maliban sa aklat na ito ay
kinakailangan ng pahintulot mula sa mga orihinal na may-akda ng mga ito.

Walang anomang parte ng materyales na ito ang maaaring kopyahin o ilimbag sa anomang
paraan nang walang pahintulot sa Kagawaran.

Inilathala ng Kagawaran ng Edukasyon


Kalihim: Leonor Magtolis Briones
Pangalawang Kalihim: Diosdado M. San Antonio

Bumuo sa Pagsusulat ng Modyul

Manunulat: JAY SON C. BATANG


Editor: MARY GRACE C. DELA CRUZ
Tagasuri: JUN S. NICOLAS, MARY ANN S. ANG, VERNIDA G. PITOS,
MICHELLE A. VILLAJUAN, BRIAN SPENCER B. REYES
Tagaguhit RYAN CHRISTOPHER M. VILLALON
Tagalapat: BRIAN SPENCER B. REYES
Tagapamahala: JENILYN ROSE B. CORPUZ, CESO VI, SDS
FREDIE V. AVENDAÑO, ASDS
JUAN C. OBIERNA, Chief, CID
HEIDEE F. FERRER, EPS-LRMS
EDERLINA BALENA, PhD, EPS-ARALING PANLIPUNAN

InilimbagsaPilipinas ng Schools Division Office- Quezon City

Department of Education
Office Address: Nueva Ecija, St., Bago Bantay, Quezon City

Telefax: 3456-0343
E-mail Address: sdoqcactioncenter@gmail.com

ii
7
Araling Panlipunan
ASYA

Unang Markahan-Modyul 1
Aralin 1
Konsepto at Paghahating
Rehiyon ng Asya

iii
Paunang Salita

Ang modyul na ito sa Araling Panlipunan 7- Asya ay suplementaryong


materyal na nakabatay sa MELCs o Most Essential Learning Competencies na
magagamit ng mga mag-aaral sa ika-7 Baitang upang matutunan ang mga paksa sa
Unang Markahan. Nilalaman nito ang Yunit 1- Heograpiya ng Asya na nakatuon sa
kasanayan sa pagkatuto bilang 1, Ang konsepto ng Asya tungo sa paghahating
rehiyon. Sa paggamit ng modyul na ito ay inaasahang matututuhan at malilinang
ang mga itinadhana ng Kagawaran ng Edukasyon tungo sa pagkamit ng mga
kasanayang pan-21 siglo at mga pamantayang itinakda ng K-12 Kurikulum.

Para sa mag-aaral. Malaki ang iyong tungkulin sa iyong sariling pagkatuto.


Sa pamamagitan ng paggamit mo ng modyul na ito, inaasahang malilinang mo ang
mga mahahalagang kaalaman at kasanayang dapat mong matutuhan sa pag-aaral
ng Araling Panlipunan 7. Sikapin mong pag-aralan, suriin at isagawa ang bawat
bahagi ng modyul ng buong katapatan sa ilalim ng gabay ng iyong guro at magulang.
Sa mga pagkakataong mahihirapan ka sa pagsasagawa o pag-unawa sa nilalaman
ng modyul, huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa iyong magulang o makipag-
ugnayan sa iyong guro upang ikaw ay magabayan at maliwanagan. Inaasahang sa
pamamagitan ng modyul na ito ay magpapatuloy ang iyong paglinang ng mga
kaalaman at kasanayan kahit ikaw ay nasa iyong tahanan lamang.

Para sa magulang/tagapatnubay ng mag-aaral. Malaki ang bahaging


ginagampanan ng magulang sa pagkatuto ng mag-aaral. Ang inyong paggabay sa
bawat aralin at mga gawaing nasa modyul na ito ay lubos na napakahalaga. Bilang
magulang o tagapatnubay ng mag-aaral, kayo rin po ay magsisilbing guro ng inyong
anak katuwang ng guro sa Araling Panlipunan. Sa panahong ito ng pandemya, na
kung saaan ang buong mundo ay humaharap sa napakalaking hamong ito sa
larangan ng edukasyon, ang pagtutulungan at bukas na komunikasyon ay
inaasahan upang makamit ang mga kasanayang dapat matutuhan ng mag-aaral sa
modyul na ito. Kung may mga paksa at gawaing hindi maunawaan kung paano ito
isasagawa, huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa guro ng inyong anak sa
asignaturang Araling Panlipunan.

Para sa Guro. Dinisenyo ang modyul na ito batay sa mga pamantayang


itinakda sa K-12 Kurikulum. Layunin ng modyul na ito na epektibo mong
magampanan ang iyong tungkulin sa pagpapaunlad ng kaalaman at kasanayan ng
mga mag-aaral kahit pa sila ay wala sa pisikal na silid-aralan. Inaasahan ang iyong
ibayong pagpatnubay sa mga mag-aaral habang ginagamit nila ang modyul. Sinikap
ng may-akda na maiangkop ang bawat gawain sa kakayahan at pangangailangan ng
mga mag-aaral sa kasalukuyang panahon. Sa pamamagitan ng mga layunin,
gawain, at pamantayang inilahad sa modyul, inaasahang epektibo mong matataya
ang bawat pag-unlad ng pagkatuto ng mga mag-aaral.

i
Mga dapat tandaan sa paggamit ng modyul

1. Gamitin ang modyul ng may pag-iingat. Iwasang lagyan ng anumang


marka o sulat ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit ng hiwalay na
papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.

2. Huwag kalimutang sagutin ang Subukin bago lumipat sa iba pang gawaing
napapaloob sa modyul.

3. Basahing mabuti ang mga panuto bago gawin ang bawat pagsasanay.

4. Panatilihin ang katapatan at integridad sa pagsasagawa ng mga gawain at


sa pagwawasto ng mga kasagutan.

5. Tapusin ang kasalukuyang gawain bago pumunta sa iba pang


pagsasanay.

6. Muling ibalik ang modyul na ito sa iyong guro o tagapagdaloy kung tapos
ng sagutan ang lahat ng pagsasanay.

Muling ipinapaalala na kung sakaling ikaw ay mahihirapang sagutin ang mga


gawain sa modyul na ito, huwag mag-aalinlangang humingi ng patnubay sa
iyong guro o tagapagdaloy, sa iyong mga magulang, sa mga nakatatanda mong
kapatid o sinuman sa iyong mga kasama sa bahay na mas nakatatanda sa
iyo. Nais kong lagi mong isaisip na hindi kailangang maging hadlang anumang
sitwasyon ang ating kinakaharap sa ngayon upang ikaw ay patuloy na
magtanim at umani ng kaalaman para sa iyong ikapagtatagumpay.

ii
Alamin

A. PAMANTAYANG PANGNILALAMAN (Content Standard)

● Naipamamalas ng mag-aaral ang pag-unawa sa ugnayan ng kapaligiran


at tao sa paghubog ng sinaunang kabihasnang Asyano.

B. PAMANTAYAN SA PAGGANAP (Performance Standard)

● Ang mag-aaral ay malalim na nakapag-uugnay-ugnay sa bahaging


ginampanan ng kapaligiran at tao sa paghubog ng sinaunang
kabihasnang Asyano.

C. KASANAYAN SA PAGKATUTO

● Naipaliliwanag ang konsepto ng Asya tungo sa paghahating-


heograpiko: Silangang Asya, Timog-Silangang Asya, Timog Asya,
Kanlurang Asya, at Hilagang Asya. (AP7HAS-Ia1.1)

D. MGA TIYAK NA LAYUNIN

● Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga konsepto at pagsasagawa ng


mga inihandang gawain sa modyul na ito, ikaw bilang isang mag-aaral
sa ika-pitong baitang ay inaasahang;

1. Natutukoy ang pinagmulan ng terminong Asya;


2. Naihahambing ang dalawang pananaw sa pag-aaral ng heograpiya,
kabihasnan, at kasaysayan ng Asya;
3. Naiisa-isa ang mga rehiyon at mga bansang bumubuo sa Asya;
4. Nasusuri ang mga salik sa paghahating rehiyon ng Asya;
5. Nakabubuo ng talaan tungkol sa kabuuang sukat at hangganan ng
Asya;
6. Nakabubuo ng mga mapang nagpapakita ng mga rehiyon at mga
bansang bumubuo sa Asya.

E. PAKSANG ARALIN

1. Pinagmulan ng terminong Asya


2. Dalawang pananaw sa pag-aaral ng Asya
3. Mga rehiyon ng Asya batay sa dalawang pananaw
4. Mga salik sa paghahating rehiyon ng Asya
5. Kabuuang sukat at hangganan ng Asya
6. Mga bansang bumubuo sa limang rehiyon ng Asya

1
Magandang
Magandang Buhay Kamag-aral!
Buhay Kamag-
aral!

Ako si ...at ako


GEO naman
si PIA!

Makakasama mo kami sa paglinang ng iyong pag-unawa


tungkol sa Heograpiya ng Asya

Subukin

Layon ng bahaging ito ng modyul na mataya ang iyong paunang


kaalaman tungkol sa paksang tatalakayin. Huwag mangamba
kung hindi mo masasagot ng tama ang mga katanungan
sapagkat ang mga pag-unawang inilahad ay lilinangin mo pa
lamang sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga gawaing
nakapaloob sa modyul na ito.

Paunang Pagtataya: Basahin ang bawat pahayag. Isulat ang titik ng tamang sagot.

1. Salik sa paghahating rehiyon ng Asya na tumutukoy sa hugis at pisikal na katangian ng


kalupaan ng isang lugar katulad ng mga anyong lupa at anyong tubig.
a. topograpiya b. klima c.lokasyon d. kultura
2. Pananaw sa pag-aaral ng heograpiya, kabihasnan, at kasaysayan ng Asya na nakabatay sa
pananaw ng mga Kanluranin.
a. Heliosentriko b. Geosentriko c.Asyasentriko d. Eurosentriko

2
3. Tradisyonal na panrehiyong katawagan ng mga Europeo sa mga bansa sa Timog, Silangan, at
Timog-Silangang Asya dahil sa layo ng mga ito sa Europa.
a. Near East b. Middle East c. Far East d. Central Asia
4. Alin sa mga sumusunod na bansa ang kabilang sa Mainland Southeast Asia?
a. Thailand b. Pilipinas c. Indonesia d.East Timor
5. Dalawang bansa sa Timog Asya na bahagi ng kabundukan ng Himalayas ang kanilang teritoryo
kung kaya’t tinatawag ang mga ito bilang mga bansang Himalayan.
a. India at Pakistan c. Sri Lanka at Maldives
b. Nepal at Bhutan d. India at Bangladesh
6. Alin sa mga sumusunod na pangkat ng mga bansa ang nasa Kanlurang Asya?
a. Georgia, Pakistan, Uzbekistan, Syria, Iran, Iraq, Vietnam, Kyrgysztan
b. UAE, Bahrain, Cambodia, Oman, Brunei Darussalam, Malaysia, Maldives
c. Qatar, Jordan, Israel, Cyprus, Lebanon, Kuwait, Georgia, Armenia, Saudi Arabia
d. Azerbaijan, Afghanistan, Yemen, Turkey, East Timor, Mongolia, Russia, Indonesia
7. Aling pares ng mga bansa ang matatagpuan sa Silangang Asya?
a. Maldives at Taiwan c. Japan at Vietnam
b. North Korea at Qatar d. South Korea at China
8. Anong karagatan ang nagsisilbing hangganan ng Asya sa silangan?
a. Pacific Ocean c. Arctic Ocean
b. Indian Ocean d. Atlantic Ocean
9. Kabundukang nagsisilbing hangganan ng Asya at Europa.
a. Kabundukan ng Himalayas c. Tien Shan Mountains
b. Kabundukan ng Ural d. Karakoram Range
10. Rehiyon ng Asya na tinatawag na “Land of Mysticism” dahil sa katangian ng mga relihiyon at
paniniwalang nabuo at nagmula rito.
a. Timog Asya b. Hilagang Asya c. Silangang Asya d. Kanlurang Asya
11. Rehiyon ng Asya na tinaguriang “Little China” at “Farther India” dahil sa malaking
impluwensiya ng kabihasnang Tsino at Indian sa kultura at kabihasnan nito.
a. Hilagang Asya b.Silangang Asya c. Timog Asya d. Timog-Silangang Asya
12. Alin sa mga sumusunod na pahayag ang nagsasaad ng pangunahing kaisipan ng Eurosentrikong
pananaw sa pag-aaral ng heograpiya, kabihasnan, at kasaysayan ng Asya?
a. nalinang ang kabihasnang Asyano dahil sa kahusayan ng mga Asyano
b. tagatanggap lamang ng maunlad at mayamang kultura ng Europa ang Asya
c. superyor ang kabihasnang nalinang ng mga Asyano kumpara sa mga Europeo
d. maunlad na ang kabihasnan ng mga Asyano bago pa dumating ang mga Europeo
13. Bakit tinawag ang Hilagang Asya bilang Arctic Asia?
a. malamig ang klima dito sa buong taon dahil sa lapit nito sa Arctic Ocean
b. tuyo at mainit ang klima rito kung kaya’t nagtataglay ito ng mga disyerto
c. walang anumang halaman ang nabubuhay sa rehiyon dahil sa kawalan ng ulan
d. malaki ang impluwensiya ng monsoon sa pamumuhay ng mga mamamayan dito
14. Paano nakaapekto ang katangiang pisikal sa pamumuhay ng mga Asyano sa Kanlurang Asya?
a. pagtotroso sa mga kagubatang tropikal ang ikinabubuhay ng mga mamamayan
b. nagpapastol ang maraming mamamayan sa malalawak na damuhan ng rehiyon
c. naninirahan ang mga mamamayan sa mga oasis kung saan may suplay ng tubig
d. nangingibang bansa ang karamihan ng mga mamamayan dahil sa mainit na klima
15. Bakit mahalaga para sa ating mga Asyano na gamitin ang Asyasentrikong pananaw sa pag-aaral
ng heograpiya, kabihasnan, at kasaysayan ng Asya?
a. upang mabura sa kasaysayang Asyano ang pananakop ng mga Europeo sa Asya
b. upang mapatunayang superyor ang kabihasnang Asyano kumpara sa mga Europeo
c. upang mapagtanto ng mga Europeo na mayayaman at matatalino ang mga Asyano
d. upang mapahalagahan ang papel ng mga Asyano sa pag-unlad ng ating kabihasnan

3
Aralin Konsepto at Paghahating Rehiyon
1 Asya
Ang Asya ay ang pinakamalaking kontinente sa buong mundo. Tinatayang sinasaklaw
nito ang 30 porsiyento ng kabuuang sukat ng mundo. Matatagpuan din dito ang halos lahat ng
uri ng anyong lupa at anyong tubig mula sa pinakamalalawak, pinakamatataas, at
pinakamalalalim na bahagi ng katubigan. Dahil dito, tinagurian ang Asya bilang “The Land of
Extremes”.

Balikan

Bago mo simulan ang pagbabasa at pagsusuri ng mga kaalamang may


kaugnayan sa paksang-aralin, muli nating sariwain ang mga kaalamang
nakapaloob sa paksang heograpiya. Gumamit ng sagutang papel sa pagsagot.

Subukan mong hulaan ang


uri ng anyong lupa at anyong
tubig na tinutukoy ng apat na
larawan sa bawat aytem. Ang
bilang ng mga kahon na nasa
itaas ng mga larawan ay
siyang bilang ng letra ng
tamang sagot.

Balikan naman natin ang


iyong kasanayan sa
pagtukoy ng direksiyon.
Tulungan
. Gumamitang
ng batang
hiwalaybabae
na papel sa pagsagot.
na hanapin ang mga lugar
batay sa lokasyon ng mga
ito.

Ilarawan ang
lokasyon ng mga
sumusunod na lugar
batay sa
kinaroroonan ng
batang babae sa
larawan.
1.
1. paaralan
2. parke
3. tindahan
4. restaurant
. Gumamit ng hiwalay na
5. ospital
papel sa pagsagot.

4
Magbyahe tayo!
Tuklasin 1.Pag-aralan ang mapa ng
Asya at magtala ng limang
bansa sa Asya na nais
mong marating.
2. Ilarawan ang lokasyon ng
mga bansang iyong napili
batay sa direksiyon ng
kinaroroonan ng mga ito sa
mapa ng Asya.
3. Pagkatapos ay sagutin ang
mga pamprosesong tanong.

Mga pamprosesong tanong:

Bakit nais mong marating ang mga bansang ito?


Anu-anong anyong lupa at anyong tubig ang inaasahan
mong makita sa mga bansang ito?
Pansinin ang lokasyon ng mga bansang iyong napili sa
mapa. Saang rehiyon kaya ng Asya nabibilang ang bawat
bansang iyong napili?

5
Suriin

Sa bahaging ito ng modyul, babasahin at susuriin mo ang mga


mahahalagang pag-unawa tungkol sa konsepto ng Asya tungo sa
paghahating heograpiko nito. Inaasahang mapauunlad mo ang iyong
pag-unawa sa aralin sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga konsepto
at pagsasagawa ng mga gawain sa pagkatuto.

Pinagmulan ng terminong Asya

Samu’t sari ang mga tala na naghahain sa pinagmulan at pinag-ugatan ng salitang Asya.
Mababakas sa mga sinaunang literaturang Griyego ang paggamit ng salitang Asia. Binanggit
ng dakilang Griyegong manunulat na si Homer sa kaniyang epikong tula na Iliad at Odyssey
ang Asia Minor (Turkey sa kasalukuyan) na nangangahulugang isang maliit na lupain sa
silangan na nakasasagabal sa paglalayag ng mga Aegean patungo sa silangan. Batay pa rin sa
pananaw ng mga Griyego, pinaniniwalaan din na ang salitang Asia ay nagmula sa terminong
Phoenician na asu na ang ibig sabihin ay “silangan” habang nangangahulugan naman itong
“sumisibol” para sa mga Akkadian. Kung pagbabatayan ang mga kaisipang nabanggit, ang
terminong Asia ay nangangahulugang “silangan” o “lupain kung saan sumisibol ang araw”.

Dalawang pananaw sa pag-aaral ng Asya

May dalawang pananaw sa pag-aaral ng Asya na naghahain ng magkaibang kaisipan


sa heograpiya, kabihasnan, at kasaysayan ng Asya.
Una, ang Eurosentrikong pananaw na nakaugat sa konsepto ng mga Europeo o mga
Kanluranin. Naghahain ang pananaw na ito ng kaisipang superior o higit na mataas at maunlad
ang kultura at kabihasnan ng mga Europeo kumpara sa kultura at kabihasnang Asyano na
itinuturing na inferior o mas mababa. Itinuturing nitong tagatanggap lamang ang mga Asyano
ng mayayaman at mauunlad na kultura ng mga kanluranin. Diumano ay nangangahulugan ito
na ang mga kabihasnang nabuo ng mga Asyano ay bunga lamang ng impluwensiya ng mga
Kanluranin.
Ikalawa, ang Asyasentrikong pananaw na mauugat sa nasyonalismong Asyano.
Isinusulong ng pananaw na ito ang kaisipang may maunlad at mayaman nang kabihasnan ang
mga Asyano bago pa man dumating at sakupin ang Asya ng mga kanluranin. Ilan sa mga
pangunahing patunay ng kaisipang ito ay ang mga sinaunang kabihasnang sumibol na Asya
tulad ng mga umusbong sa mga lambak-ilog ng Tigris at Euphrates sa Kanlurang Asya, Huang
Ho sa Silangang Asya, at Indus sa Timog Asya. Lumaganap ang impluwensiya ng mga
kabihasnang ito hindi lamang sa Asya kundi sa buong mundo sa iba’t ibang larangan.
Sa ating pag-aaral sa heograpiya, kabihasnan, at kasaysayan ng Asya, gagamitin natin
ang Asyasentriko o maka-Asyanong pananaw upang higit nating mapahalagahan ang
kontribusyon ng mga Asyano sa pag-unlad at pagyaman ng kultura at kabihasnang Asyano. Sa
pamamagitan nito, higit pa nating mapahahalagahan ang ating tungkulin sa pagpapanatili at
pagpapatuloy sa mayaman at maunlad na kabihasnang Asyano.

6
Ang mga rehiyon ng Asya batay sa dalawang pananaw
May itinuturing na pangunahing rehiyon ang Asya batay sa pananaw ng mga Europeo.
Ang naging batayan sa rehiyonal na pagkakahating ito ng Asya ay kung gaano kalayo o kalapit
ang mga lupain o bansa sa Asya mula sa Europa. Tradisyunal na tinatawag nilang Near East o
Malapit na Silangan ang mga lupaing Asyano na malapit sa Europa partikular na ang ilang mga
lupain sa Hilagang Asya. Tinatawag namang Far East o Malayong Silangan ang mga lupain at
bansa sa Silangan, Timog, at Timog-Silangang Asya dahil sa layo ng mga ito sa Europa. Ang
kalakhang bahagi naman ng Kanlurang Asya ay tradisyonal nilang tinatawag na Middle East o
Gitnang Silangan dahil sa lokasyon nitong pumapagitna sa Asya, Europa, at Africa.
Samantala, sa maka-Asyanong pananaw, higit na malinaw ang naging paghahati sa mga
rehiyon ng Asya sapagkat nakabatay ang mga ito sa lokasyon ng bawat bansa sa mapa. Ang
mga ito ay ang Silangang Asya, Timog Asya, Kanlurang Asya, Hilagang Asya, at Timog-
Silangang Asya. Ang mga salik sa paghahating ito ay tatalakayin sa susunod na paksa.

Gawain
Iguhit ang butterfly map at punan ng tamang impormasyon. Pagkatapos ay sagutin ang mga
pamprosesong tanong.
● Isulat sa bahaging A ang pinagmulan ng salitang Asya at ang kahulugan nito;
● Isulat sa bahaging B ang Eurosentrikong pananaw at ang pangunahing konsepto nito;
● Isulat sa bahaging C ang Asyasentrikong pananaw at ang pangunahing konsepto nito;
● Isulat sa bahaging D ang mga rehiyon ng Asya batay sa Eurosentrikong pananaw; at
● Isulat sa bahaging E ang mga rehiyon ng Asya batay sa Asyasentrikong pananaw.

Mga pamprosesong tanong:


● Paano nagkakaiba ang kaisipang inihahain ng Eurosentriko at Asyasentrikong pananaw
sa pag-aaral ng heograpiya, kabihasnan, at kasaysayan ng Asya?
● Bilang isang Asyano, alin sa dalawang pananaw ang nararapat mong gamitin sa pag-
aaral ng heograpiya, kabihasnan, at kasaysayan ng Asya?

7
Mga salik sa paghahating rehiyon ng Asya
Ang pagkakahati ng Asya sa limang rehiyon ay nakabatay sa mga sumusunod na salik.
1. Lokasyon- tumutukoy ito sa kinaroroonan ng isang lugar. Karaniwang pinagsasama-
sama sa iisang rehiyon lamang ang mga bansang magkakalapit na maaaring nasa
kanluran, silangan, timog, at hilagang bahagi ng malawak na lupalop ng Asya.
2. Klima- tumutukoy ito sa kalagayan ng panahon sa isang partikular na lugar sa loob ng
mahabang panahon. Karaniwang nasa iisang rehiyon lamang ang mga bansang may
magkakatulad at magkakaugnay na klima.
3. Topograpiya- tumutukoy ito sa hugis at pisikal na katangian ng kalupaan ng isang
lugar katulad ng mga anyong lupa at anyong tubig na matatagpuan dito. Pinagsasama-
sama sa iisang rehiyon ang mga bansang magkakabahagi, magkakatulad, at
magkakarugtong ang mga anyong lupa at anyong tubig.
4. Kultura- tumutukoy ito sa sistema ng pamumuhay tulad ng wika, relihiyon,
paniniwala, tradisyon, kaugalian, pamahalaan, edukasyon, at kabuhayan. Karaniwang
mapapansin na ang mga bansang Asyano na may magkakaugnay at magkakatulad na
kultura ay nasa iisang rehiyon lamang.
5. Kasaysayan at lahi -karaniwang pinagsasama-sama sa iisang rehiyon ang mga
bansang Asyano na may magkakaugnay at magkakabahaging kasaysayan. Isa ring salik
sa paghahating rehiyon ang lahi kung saan mapapansin na ang mga bansang Asyano na
may magkakatulad at magkakaparehong pinagmulang lahi at etnisidad ay karaniwang
nasa iisang rehiyon lamang.
Kabuuang sukat at hangganan ng Asya
Ang kabuuang lawak ng Asya ay tinatayang 44,579,000 kilometro kwadrado.
Matatagpuan ang Asya sa silangang bahagi ng Eurasian supercontinent habang nasa kanluran
naman nito ang Europa. Karaniwang itinatakda ng mga heograpo ang hangganan ng Asya sa
kanluran sa pamamagitan ng di-tiyak na linyang bumabagtas sa Ural Mountains, Caspian Sea
at Black Sea.
Nagsisilbing hangganan ng Asya sa hilaga ang Arctic Ocean, Pacific Ocean sa silangan,
Indian Ocean sa timog, Red Sea sa timog-kanluran, at Europa sa kanluran. Nakahiwalay ang
Asya sa North America sa hilagang-silangan sa pamamagitan ng Bering Strait at sa Australia
sa timog-silangan sa pamamagitan ng mga dagat at kipot (strait) na nagdurugtong sa Indian at
Pacific Ocean. Pinagdurugtong naman ng Isthmus of Suez ang Asya sa Africa kung saan
kinikilalang hangganan ng dalawang kontinente ang Suez Canal. Samantala, ang dalawang
makikitid na kipot ng Bosporus at Dardanelles ang naghihiwalay sa Anatolia at Balkan
Peninsula.

Gawain
Punan at itala sa malinis na sagutang papel ang mga impormasyon tungkol sa kabuuang sukat
at hangganan ng Asya. Pagkatapos ay sagutin ang mga pamprosesong tanong sa ibaba.
Kabuuang Mga Hangganan
sukat Hilaga Timog Silangan Kanluran
ASYA

8
Mga pamprosesong tanong:
● Sa iyong palagay, may impluwensiya ba ang lawak at hangganan ng Asya sa
pamumuhay ng mga Asyano? Ipaliwanag ang iyong sagot.
● Paano nakaimpluwensiya ang mga anyong tubig na nakapaligid sa Asya sa pamumuhay
ng mga Asyano?
Mga bansang bumubuo sa limang rehiyon ng Asya
Sa isang maka-Asyanong pananaw, ang Asya ay binubuo ng limang rehiyon batay sa
mga nabanggit na salik ng paghahati. Ang mga ito ay ang Silangang Asya, Timog Asya, Timog-
Silangang Asya, Kanlurang Asya, at Hilagang Asya.

Silangang Asya

Ang mga bansang bumubuo sa Asya ay


ang China, Japan, Mongolia, North Korea, South
Korea, at Taiwan. Pinakamalaking bansa sa
Silangang Asya ang China. Nasa mainland
(bahaging kontinental) ang China at Mongolia;
ang North Korea at South Korea ay nasa tangway
(peninsula); habang ang Taiwan at Japan ay
binubuo ng mga isla.
Karaniwang temperate o katamtaman ang
kategorya ng pangkalahatang klimang nararanasan
sa Silangang Asya. Nangangahulugan ito na hindi
gaanong mainit at hindi rin gaanong malamig ang
kabuuang temperatura. Nakararanas sa rehiyong
ito ng apat na panahon o season, ito ay ang tag-init (summer), taglamig (winter), taglagas
(fall/autum), at tagsibol (spring).
Timog Asya
Tinatawag ang Timog Asya na “Land of
Mysticism” dahil sa katangian ng mga pilosopiya,
paniniwala, at relihiyong umusbong dito. Binubuo
ng Bangladesh, Bhutan, India, Maldives, Nepal,
Pakistan, Afghanistan at Sri Lanka ang Timog
Asya. Pinakamalaking bansa sa Indian
subcontinent ang India. Tinatawag namang mga
bansang Himalayan ang Nepal at Bhutan sapagkat
nakalatag ang teritoryo ng mga ito sa kabundukan
ng Himalayas; at mga bansang Insular naman ang
Maldives at Sri Lanka sapagkat nakahiwalay ang
mga ito sa kontinente at binubuo ng mga isla.
Malamig ang klima sa kabundukang bahagi ng rehiyon na may kasamang niyebe sa
buong taon habang sa mabababang bahagi naman nito ay karaniwang mainit lalong-lalo na sa
bahaging humid subtropical zone. Semi-arid o mataas ang temperatura at kaunti lamang ang
nararanasang pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Indo-Gangetic Plain at ilang bahagi ng Deccan
Plateau. Dahil dito, may mga bahaging disyerto sa mga lugar na ito. Samantala, tropical (basa
at tuyo) naman ang kanluran at silangang baybayin ng Timog Asya.

9
Kanlurang Asya
Ang Kanlurang Asya ay binubuo naman ng
bansang Saudi Arabia, United Arab Emirates (UAE),
Qatar, Jordan, Iran, Iraq, Syria, Israel, Cyprus,
Lebanon, Kuwait, Georgia, Armenia, Azerbaijan,
Bahrain, Yemen, Oman, at bahaging Asya ng
Turkey.
Inuuri ang pangkalahatang klima ng
kanlurang Asya bilang arid climate sapagkat
malaking bahagi ng rehiyon ay nakararanas ng
mataas na temperatura kung kaya’t tinatawag ang
rehiyong ito na Arid Asia. Dahil sa mainit na
kalagayan, malaking bahagi ng rehiyon ay
nababalutan ng disyerto katulad ng Rub’al Khali
desert. Karaniwang naninirahan ang mga
mamamayan sa mga oasis o bahagi ng disyerto na may suplay ng tubig at mataba ang lupa.

Timog-Silangang Asya

Tinatawag ang Timog-Silangang Asya na “Little China” at “Farther India” dahil sa


lawak ng impluwensiya ng kulturang Tsino at Indian sa kabihasnang nabuo sa rehiyon.
Nahahati sa dalawang subrehiyon ang mga bansa sa Timog-Silangang Asya batay sa
katangiang heograpikal ng mga ito- ang Mainland Southeast Asia at Insular Southeast Asia.
Ang Mainland Southeast Asia ay mga bansa sa rehiyon na nasa bahaging kontinental. Ang
mga ito ay ang bansang Myanmar, Thailand, at mga bansang tradisyonal na tinatawag na
French Indochina na binubuo ng Cambodia, Laos, at Vietnam dahil minsan silang
napasailalim sa kontrol ng mga French habang makikita naman sa kanilang kultura ang
malaking impluwensiya ng mga Indian at Tsino.
Samantala, tinatawag namang Insular Southeast
Asia ang bahagi ng Timog-Silangang Asya na
binubuo ng kapuluan. Kinabibilangan naman ito ng
bansang Philippines, Indonesia, Malaysia,
Singapore, Brunei Darussalam, at East Timor.
Karaniwang tropikal (basa at tuyo) ang
kategorya ng klima ng mga bansa sa Timog-
Silangang Asya. Ang basa at tuyong klimang ito ay
naiimpluwensiyahan ng hanging amihan (northeast
monsoon) na may tuyo at malamig na hangin at
hanging habagat (southwest monsoon) na may
hanging mainit ngunit may dalang mabibigat na
pag-ulan. Dahil dito, tinatawag din ang rehiyong ito ng Asya na Monsoon Asia.

Hilagang Asya

Ang Hilagang Asya ay binubuo naman ng bansang Kazakhstan, Kyrgyzstan, Tajikistan,


Turkmenistan, Uzbekistan, at ang rehiyong Siberia na bahaging Asya ng Russia. Historikal na
tinatawag ang Hilagang Asya bilang Soviet Asia sapagkat ang mga bansang bumubuo rito ay
naging bahagi ng dating Union Soviet Socialist Republics (USSR).

10
Karaniwang tinatawag ang Hilagang Asya
bilang Arctic Asia dahil malapit ito sa Arctic Ocean
kung kaya’t malamig ang pangkalahatang klima rito.
Matatagpuan sa Hilagang Asya ang mga biome
(panirahan ng mga halaman at hayop na nakabatay sa
klima) na tanging sa rehiyong Arctic lamang makikita.
Pangunahing katangiang pisikal ng lugar ang taiga
biome o lugar na nababalutan ng kagubatang koniper
(boreal forest) at nasa hilagang bahagi naman nito ang
tundra biome kung saan nahahadlangan ng matinding
lamig ang paglago at paglaki ng mga halaman dahil sa
permanenteng nagyeyelong lupa (permafrost). Samantala, may dalawang pangunahing uri ng
damuhang makikita sa Hilagang Asya- ang steppe biome na malalawak na damuhang may
mabababaw na ugat at ang prairie biome na may matataas na damuhang may malalalim na
ugat.

Gawain
Gumuhit ng sariling mapa ng Asya at kulayan ito batay sa rehiyon: dilaw (yellow) para sa mga
bansa sa Silangang Asya; lila (violet) sa Timog Asya; pula (red) sa Kanlurang Asya; berde
(green) sa Timog-Silangang Asya; at asul (blue) sa Hilagang Asya. Gawing modelo sa
pagguhit ang mapa ng Asya sa ibaba. Sagutin ang pamprosesong tanong sa ibaba.

Mga pamprosesong tanong:


● Paano nakaapekto ang lokasyon sa pangkalahatang klima ng bawat rehiyon ng Asya?
● Paano nakaimpluwensiya ang klima ng bawat rehiyon sa pamumuhay ng mga Asyano?

11
Pagyamanin

Iguhit ang bubble map tungkol sa paghahating rehiyon ng Asya.


Isulat sa bahaging A hanggang E ang mga salik sa paghahating
rehiyon ng Asya.
Isulat naman sa bahaging G hanggang J ang limang rehiyon ng
Asya at magsulat ng maikling pagsasalarawan sa pangunahing
katangiang pisikal ng bawat rehiyon sa espasyong inilaan.

Mga pamprosesong tanong:

● Paano nahati-hati ang Asya sa limang rehiyon?


● Ang Pilipinas ay bahagi ng Timog-Silangang Asya. Sa iyong palagay, ano ang naging
batayan sa pagsasama-sama ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya?

12
Tukuyin ang mga bansang bumubuo sa Asya batay sa nakalagay na
bilang. Maaari kang gumamit ng political map kung kinakailangan.

13
Puntong Bata!

Pansinin ang lokasyon ng Pilipinas sa mapa ng Asya. Pagkatapos


ay sagutin ang mga tanong sa ibaba.

Paano nakaaapekto ang lokasyon ng Pilipinas sa pamumuhay


nating mga Pilipino? Ipaliwanag ang iyong sagot.
Ang Pilipinas ay isang bansang arkipelago o binubuo ng
maraming pulo, paano nakaimpluwensiya ang katangiang
heograpikal na ito sa pamumuhay nating mga Pilipino?
Bakit mahalaga na maging tiyak ang pagtatakda sa hangganan
at lawak ng teritoryo ng isang bansa?

Isaisip

Narito ang mga mahahalagang pag-unawang nararapat mong


tandaan tungkol sa aralin.

1. May dalawang pananaw sa pag-aaral ng heograpiya, kabihasnan, at kasaysayan ng


Asya- ang Eurosentriko at Asyasentrikong pananaw.
2. Ang mga salik sa paghahating rehiyon ng Asya ay ang lokasyon, klima, topograpiya,
kultura, kasaysayan at lahi.
3. Nagsisilbing hangganan ng Asya sa hilaga ang Arctic Ocean, Pacific Ocean sa silangan,
Indian Ocean sa timog, Red Sea sa timog-kanluran, at Europe sa kanluran.
4. Ang Asya ay binubuo ng limang rehiyon: Silangang Asya, Timog Asya, Kanlurang
Asya, Timog-Silangang Asya, at Hilagang Asya.
5. Ang mga bansang bumubuo sa Silangang Asya ay ang China, Japan, Mongolia, North
Korea, South Korea, at Taiwan.
6. Binubuo ng Bangladesh, Bhutan, India, Maldives, Nepal, Pakistan, Afghanistan, at Sri
Lanka ang Timog Asya.
7. Ang Kanlurang Asya ay binubuo ng bansang Saudi Arabia, United Arab Emirates
(UAE), Qatar, Jordan, Iran, Iraq, Syria, Israel, Cyprus, Lebanon, Kuwait, Georgia,
Armenia, Azerbaijan, Bahrain, Yemen, Oman, at bahaging Asya ng Turkey.
8. Ang Timog-Silangang Asya ay binubuo ng bansang Myanmar, Thailand, Cambodia,
Laos, Vietnam, Philippines, Indonesia, Malaysia, Singapore, Brunei Darussalam, at
East Timor.
9. Ang Hilagang Asya ay binubuo ng bansang Kazakhstan, Kyrgyzstan, Tajikistan,
Turkmenistan, Uzbekistan, at ang rehiyong Siberia na bahaging Asya ng Russia.

14
Isagawa

Layon ng bahaging ito ng modyul na mailapat ang mga kaalamang


iyong nalinang tungkol sa aralin. Iugnay ito sa iyong personal na
buhay partikular na sa iyong karanasan, kakayahan, kaisipan, at
pananaw. Pumili lamang ng isa sa dalawang gawaing inihanda kung
saan ka mas magaling at madaling makahahanap ng mga
kagamitang iyong magagamit.

A. Pagguhit/Paggupit ng Sagisag

• Sa isang buong bond paper, gumuhit/magdikit ng larawan ng isang bagay na sa iyong


palagay ay sumasagisag sa iyong pagkakakilanlan bilang Pilipino at ng Pilipinas bilang
isang bansa. Ipaliwanag ang nabuong output sa pamamagitan ng pagsagot sa mga
pamprosesong tanong. Ibatay ang pagbuo ng output sa pamantayang nasa ibaba para sa
pagbibigay ng iyong iskor.
B. Paggawa ng Islogan/Tagline
• Sa isang buong bond paper, bumuo ng isang islogan o tagline na maaaring gamitin ng
Department of Tourism upang makahikayat ng mga turista na bumisita sa Pilipinas.
Ipaliwanag ang nabuong output sa pamamagitan ng pagsagot sa mga pamprosesong
tanong. Ibatay ang pagbuo ng output sa pamantayang nasa ibaba para sa pagbibigay ng
iyong iskor.
Mga Pamprosesong Tanong:
1. Ano ang kaisipang nais mong ipahiwatig sa iyong nabuong output?
2. Paano nauugnay ang nabuong ouput sa iyong pagkakakilanlan bilang Pilipino at ng
Pilipinas bilang isang bansa?
Pamantayan sa pagbibigay ng iskor:
1. pagkamalikhain, orihinalidad, at estilo ng pagsusulat 20
2. kalidad at kaangkupan ng impormasyong inilahad 20
3. kalinisan at kabuuang dating ng output 10
Kabuuan 50

15
Tayahin

Bilang pagtataya sa antas ng iyong pag-unawa sa buong aralin, sagutin at


isagawa ang mga sumusunod na gawain. Tandaan mo, mahalaga ang iyong
katapatan at integridad sa pagsagot.
Maramihang Pagpili: Basahin ang bawat pahayag. Isulat ang titik ng tamang sagot.
1. Salik sa paghahating rehiyon ng Asya na tumutukoy sa hugis at pisikal na katangian ng
kalupaan ng isang lugar o bansa katulad ng mga anyong lupa at anyong tubig.
a. topograpiya b. klima c. lokasyon d. kultura
2. Pananaw sa pag-aaral ng heograpiya, kabihasnan, at kasaysayan ng Asya na nakabatay
sa pananaw ng mga Asyano.
a. Heliosentriko b. Geosentriko c.Asyasentriko d. Eurosentriko
3. Tradisyunal na panrehiyong katawagan ng mga Europeo sa mga bansa sa Kanlurang
Asya dahil pumapagitna ang mga ito sa kontinente ng Asya, Europa, at Africa.
a. Near East b. Middle East c. Far East d. Central Asia
4. Alin sa mga sumusunod na bansa ang kabilang sa Insular Southeast Asia?
a. Thailand b. Pilipinas c. Vietnam d. Cambodia
5. Dalawang bansa sa Timog Asya na tinatawag na mga bansang insular dahil
nakahiwalay ang mga ito sa kontinente at binubuo ng mga isla.
a. India at Pakistan c. Sri Lanka at Maldives
b. Nepal at Bhutan d. India at Bangladesh
6. Aling pares ng mga bansa ang matatagpuan sa Silangang Asya?
a. China at India c. Israel at Bangladesh
b. Japan at North Korea d. Vietnam at Laos
7. Anong karagatan ang nagsisilbing hangganan ng Asya sa bahaging timog nito?
a. Pacific Ocean c. Arctic Ocean
b. Indian Ocean d. Atlantic Ocean
8. Alin sa mga sumusunod na pangkat ng mga bansa ang nasa Kanlurang Asya?
a. UAE, Bahrain, Cambodia, Oman, South Korea, Malaysia, Maldives
b. Georgia, Pakistan, Uzbekistan, Syria, Iran, Iraq, Vietnam, Kyrgysztan
c. Indonesia, Afghanistan, Yemen, Turkey, East Timor. Mongolia, Russia
d. Jordan, Israel, Cyprus, Lebanon, Kuwait, Georgia, Armenia, Saudi Arabia
9. Pinaghihiwalay ng kabundukang ito ang Asya at Europa.
a.Karakoram Range c. Kabundukan ng Ural
b.Tien Shan Mountains d. Kabundukan ng Himalayas
10. Panrehiyong katawagan sa Timog Asya dahil sa katangian ng mga relihiyon at
paniniwalang nabuo at nagmula rito.
a. Monsoon Asia b. Soviet Asia c. Land of Extremes d. Land of Mysticism
11. Bakit tinaguriang “Little China” at “Farther India” ang Timog-Silangang Asya?
a. malaki ang impluwensiya ng China at India sa kultura ng mga bansa rito
b. kahugis ng Timog-Silangang Asya ang China at India ngunit mas maliit ito
c. kawangis ng mga mamamayan dito ang mga mamamayan ng China at India
d. minsang naging sakop ng China at India ang mga bansa sa Timog-Silangang
Asya

16
12. Alin sa mga sumusunod na pahayag ang nagsasaad ng pangunahing kaisipan ng
Asyasentrikong pananaw sa pag-aaral ng kabihasnan at kasaysayan ng Asya?
a. nalinang ang kabihasnang Asyano dahil sa kahusayan ng mga Europeo
b. tagatanggap lamang ng maunlad at mayamang kultura ng Europa ang Asya
c. superyor ang kabihasnang nalinang ng mga Europeo kumpara sa mga Asyano
d. maunlad na ang kabihasnan ng mga Asyano bago pa dumating ang mga Europeo
13. Bakit tinawag ang Hilagang Asya bilang Soviet Asia?
a. malamig ang klima dito sa buong taon dahil sa lapit nito sa Arctic Ocean
b. tuyo at mainit ang klima rito kung kaya’t nagtataglay ito ng mga disyerto
c. naging bahagi ng dating Union Soviet Socialist Republics ang mga bansa rito
d. malaki ang impluwensiya ng monsoon sa pamumuhay ng mga mamamayan dito
14. Paano umangkop ang mamamayan ng Kanlurang Asya sa tuyong klima ng rehiyon?
a. karaniwang naninirahan sila sa mga oasis kung saan may suplay ng tubig
b. nagtatayo sila ng mga kabahayan sa mga kagubatang tropikal ng rehiyon
c. nagpapastol sila sa malalawak na damuhan upang magkaroon ng suplay ng karne
d. nangingibang bansa ang karamihan ng mga mamamayan dahil sa mainit na klima
15. Paano nakatutulong sa pagsulong ng pagkakakilanlang Asyano ang Asyasentrikong
pananaw sa pag-aaral ng heograpiya, kabihasnan, at kasaysayan ng Asya?
a. napatutunayan nitong superyor ang mga Asyano kumpara sa mga Europeo
b. napahahalagahan nito ang naging papel ng mga Asyano sa pag-unlad ng Asya
c. nabubura nito sa kasaysayang Asyano ang pananakop ng mga Europeo sa Asya
d. nakabubuo ito ng kaisipang mas mayaman at maunlad ang Asya kaysa sa Europa

17
Karagdagang Gawain

● Panoorin sa youtube ang isang video na may pamagat na Asia: Political Divisions,
Location and Physical Features na inilabas ng Iken Edu/ Mexus Education sa link na
https://www.youtube.com/watch?v=cekU_MvrkEs. Pagkatapos ay sagutin ang mga
sumusunod na tanong sa iyong kwaderno.
1. Bakit tinawag ang Asya bilang “Land of Extremes”?
2. Anu-ano ang limang pisikal na dibisyon ng Asya?
3. Bakit itinuturing ang dibisyong pisikal ng Asya na Great River Valleys bilang
pinakamahalagang rehiyon sa mga Asyano?

18
19
2019. https://www.worldatlas.com.
and Flags - Worldatlas.Com - WorldAtlas.Com.” 2019. Worldatlas.Com.
3. “World Map / World Atlas / Atlas of the World Including Geography Facts
https://www.youtube.com/watch?v=cekU_MvrkEs.
YouTube Video. YouTube.
2. Iken Edu. 2012. “Asia: Political Divisions, Location and Physical Features.”
https://www.nationalgeographic.org/article/asia-human/.
Geographic Society. January 4, 2012.
1. Society, National Geographic. 2012. “Asia: Human Geography.” National
Elektronikong sanggunian
2. Asia: Physical Geography. National Geographic Society
1. Batang, J. (2015) ASYA., JO-ES Publishing House, Inc., pp. 1-20
Aklat at artikulong sanggunian
Sanggunnian
Pagyamanin Pagyamanin
II. Map Labelling I. Bubble Map
1. Turkey 11. Syria 21. Afghanistan 31. Myanmar 41. Laos a. lokasyon
2. Lebanon 12. Iraq 22. Iran 32. China 42. Thailand b. klima
3. Israel 13. Hongkong 23. Bahrain 33. Mongolia 43. Malaysia c. topograpiya
4. Jordan 14. Macau 24. Pakistan 34. North Korea 44. Singapore d. kultura
5. Saudi Arabia 15.Turkmenistan 25. India 35. South Korea 45. Indonesia e. kasaysayan at lahi
6. Kuwait 1 6. Uzbekistan 26. Maldives 36. Japan 46. Brunei Darussalam f. Silangang Asya
7. UAE 17. Kazakhstan 27. Sri Lanka 37. Taiwan 47. East Timor g. Timog Asya
8. Qatar 18. Russia (Siberia)28. Nepal 38. Philippines h. Hilagang Asya
9. Yemen 19. Kyrgyzstan 29. Bhutan 39. Vietnam i. Kanlurang Asya
10. Oman 20. Tajikistan 30. Bangladesh 40. Cambodia j. Timog-Silangang
Asya
Tayahin Subukin
1. A 6. B 11. A 1. A 6. C 11. D
2. C 7. B 12. D 2. D 7. D 12. B
3. B 8. D 13. C 3. C 8. A 13. A
4. B 9. C 14. A 4. A 9. B 14. C
5. C 10. D 15. B 5. B 10. A 15. D
Susi sa Pagwawasto
For inquiries or feedback, please write or call:

Department of Education – Schools Division Office of Quezon City

Nueva Ecija St., Bago, Bantay, Quezon City

Telephone: 8352 – 6806/ 8352 - 6809

Email Address: sqoqcactioncenter@gmail.com

You might also like