You are on page 1of 14

St. Augustine’s Academy of Patnongon, Inc.

Real St., Poblacion, Patnongon, 5702 Antique, Philippines

Grade 10
ARALING
PANLIPUNAN
Quarter 2
Lesson 1 & 2

Patakaran at Programa ng Pamahalaan para sa


Kapaligiran; at Kahandaan ng Komunidad sa
POLITICS
Kalamidad

Mr. Darrel A. Fadrillan


Subject Teacher

NOTE: PLEASE USE PAD PAPERS WHEN ANSWERING THE ACTIVITIES.DO NOT WRITE ANYTHING ON THIS MODULE

Encouraging everyone to please attend our online meeting through Google Meet on Tuesday
November 17 at 9:30am. Here’s the link https://meet.google.com/kte-bxkr-bdo
Lesson 1&2: Patakaran at Programa ng Pamahalaan para sa Kapaligiran;
at Kahandaan ng Komunidad sa Kalamidad
I. Layunin:
1. Natutukoy ang mga batas para sa pangangailangan ng likas na kapaligiran at mga
paghahanda na nararapat gawin sa harap ng kalamidad
2. Natatalakay ang mga hakbang, programa, at priyoridad ng pamahalaan sa pagharap sa
mga suliraning pangkapaligiran
3. Nababatid kung ano-anong samahang sibiko o NGO at pansimbahan ang maaaring
makatulong sa komunidad sa harap ng mga kalamidad
4. Natutukoy kung ano-anong tulong ang maibibigay ng bawat isa

II. Target Output:


Ang mga mag-aaral ay magsaliksik sa Internet tungkol sa bagong teknolohiya na maaaring
magamit ng komunidad para mabawasan ang polusyong dulot ng mga pabrika, sasakyang de
gasolina, nagkalat na basura, baradong mga estero, at sobrang mainit na panahon. Ilista sa isang
piraso ng bondpaper, pumili ng isa, gawin, magpakuha nga larawan lagyan ng caption at ilagay sa
scrapbook o powerpoint.

III. Subukin:
Bigyang paliwanag ang sumusunod na mga susing salita.
1. patakaran 6. republic act 9. samahang
2. batas 7. kalamidad pansimbahan
3. programa 8. self-help o pagtulong sa 10. samahang sibiko
4. geohazard map sarili
5. presidential decree

IV. Talakayan:
Gawain 1: Basahin at Matuto
MGA BATAS PARA SA PANGANGALAGA NG KAPALIGIRAN
May sapat na mga batas ang Pilipinas para maproteksiyonan ang kapaligiran. Ilan dito ay sa anyong
Presidential Decree o PD na pinirmahan ni Pangulong Marcos sa panahon ng batas military at ilang
Republic Act o RA matapos ang panahon ng batas militar. Tunghayan sa ibaba kung ano-ano ang mga
naturang batas.

PD 1152: Philippine Environment Code


Ito ay isang masaklaw na alituntunin tungkol sa pangangalaga ng kapaligiran at pagkakaroon ng partikular na
ahensiyang mamamahala—ang National Environmental Protection Council. Pangunahing layunin nito na
magkaroon ng malinis at maayos na kapaligiran bilang proteksiyon sa pampublikong kalusugan at kaligtasan
ng pananim, mga hayop, o mga ari-arian tungo sa hinahangad na kaunlarang panlipunan at pangekonomiya.
Saklaw nito ang mga alituntunin sa pangangalaga ng hangin, tubig, gamit sa lupa, lokasyon ng mga paktorya
o industriya, lahat ng mineral, palaisdaan, nanganganib maglahong mga halaman at hayop, pagkontrol sa
baha, at programa para sa enerhiya. May patakaran din sa kung paano pangangalagaan ang kagubatan,
partikular kung paano ito mapananatiling produktibo.

PD 1586: Philippine Environmental Impact Statement System


Ito ang batas na nag-uutos sa mga pribadong korporasyon at ahensiya ng pamahalaan na kumuha ng
Environmental Compliance Certificate o ECC bago magsimula ng anomang negosyo o proyekto na may
epekto sa kapaligiran. Ang ECC ay ibinibigay ng DENR matapos ang Environmental Impact Assessment o
EIA.

RA 6969: Philippine Toxic Subtances and Hazardous and Nuclear Waste Act
Ito ang batas sa paggamit, paggawa, pagbebenta, at pagtatago ng mga kemikal na ipinagbabawal dahil sa
masamang epekto ng mga ito sa kalusugan ng tao. Kabilang dito ang mercury, cyanide, asbestos, zone-
depleting subtances, at polychlorinated biphenits.

RA 8749: Clean Air Act (1999)


Ito ay batas na sumisiguro na mapangangalagaan ang kalidad ng hangin. Layon nitong mabawasan ang
polusyong dulot ng smoke-belching na mga sasakyan. Dahil marumi ang ibinubuga ng mga tambutsong
depektibo o may sira, ang mga lumalabag sa batas na ito ay pinagmumulta at pinagse-seminar tungkol sa
kalinisan ng hangin.

RA 9003: Philippine Ecological Solid Waste Management Act (2000)


Ito ang batas na nagbabawal sa kawalan ng sistema sa pagtatapon ng solidong basura na masama sa
pampublikong kalusugan. Inaatasan ang bawat pamahalaang local (probinsiya, lungsod, bayan) na
magkaroon ng programa para sa maayos at malinis na pagtatapon ng basura.

RA 9275: Philippine Clean Water Act (2004)


Ito ang nag-uutos na magkaroon ng malinis at maayos na sistema ng pagtatapon ng maruming tubig.
Tinutukoy rito ang tubig na itinatapon ng mga pabrika, kainan (restaurant), tahanan, at iba pa.
Nangangailangan ito ng panuntunan mula sa pamahalaang lokal kung paano gagawin ang mga sewage
disposal facility. Katulong din dito ang Kagawaran ng Kalusugan (Deparment of Health o DOH) at ang
Kagawaran ng Pagawaing Bayan at mga Lansangan (Department of Public Works and Highways o DPWH)
sa pagtukoy kung paano at saan dapat ilalagay ang mga poso negro o sewage.

RA 9572: Environment Awareness and Education Act (2008)


Ito ang batas na nag-uutos na isama sa kurikulum ng Kagawaran ng Edukasyon (Department of Education o
DepEd), ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (Commission on Higher Education o CHED), at ng
Pangasiwaan sa Edukasyong Teknikal at Pagpapaunlad ng Kasanayan (Technical Education and Skills
Development Authority o TESDA) ang kamalayan tungkol sa pangangalaga ng kapaligiran, kung gaano
kahalaga ito sa kalusugan, kabuhayan, at lipunan ng bawat bansa. Katulong ng tatlong ahensiyang nabanggit
ang Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman (Department of Environment and Natural Resources o
DENR) at ang Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (Department of Science and Technology o DOST).
Itinakda rin ng batas na ito ang buwan ng Nobyembre bilang Environmental Awareness Month o Buwan ng
Kamalayan sa Kapaligiran.

RA 9729: Climate Change Act (2009)


Ito ang batas na direktang nag-uutos sa pamahalaan na magkaroon ng patakaran at kongkretong programa
tungkol sa epekto ng pagbabago ng klima sa lahat ng aspekto ng buhay ng mamamayan. Katulong dito ang
Kagawaran ng Edukasyon sa paglalabas ng mga babasahin, teksbuk, at iba pa—para mapalaganap ang
kaalaman ng kabataan (mula elementarya hanggang sekundarya) tungkol sa kahalagahan ng pangangalaga
sa kapaligiran. Ang batas ay nagbuo rin ng isang Komisyon sa Pagbabago ng Klima o Climate Change
Commission na tututok sa koordinasyon at monitoring ng mga plano at programa ng pamahalaan tungkol sa
epekto ng pagbabago ng klima dito sa bansa kaugnay ng mga nangyayari sa iba pang parte ng mundo.

Programa at Priyoridad ng Pamahalaan para sa Kapaligiran


Sa kasalukuyan, may apat na priyoridad na programa ang DENR para sa kapaligiran o kalikasan. Ito ay ang
mga sumusunod: (1) National Greening Program, (2) Geohazard Mapping and Assessment Program, (3)
Cadastral Survey Program, at (4) Adopt an Estero/Water Body Program. Sa mga ito, ang pinakamatagal nang
ipinatutupad ay ang Cadastral Survey Program. Mula pa noong 1913 hanggang sa panahon ng pamahalaang
Commonwealth, ipinag-uutos na ang pagsusukat ng mga lupain sa buong kapuluan— kung ito ba ay pribado
o pag-aari ng publiko o pamahalaan. Dahil sa kakulangan ng pondo at mga kinakailangang personnel o
tauhan na may kakayahan, hindi ito naipatupad nang husto. Noong 1991, naipasa ang isang batas, ang RA
7160, kilala bilang Local Government Code of 1991, para palakasin ang programang ito. Ipinaguutos sa mga
pamahalang lokal na pangasiwaan ang mga kinakailangang cadastral survey o pagsusukat ng mga lupain o
lote sa bawat lugar. Subalit walang gaanong nangyari. Sampung taon na ang lumipas noong 2012 ngunit
walang naitala sa DENR kahit isang munisipyo na nakakumpleto ng nasabing cadastral survey. Dahil dito,
mahigpit na nagpalabas ang DENR ng Administrative Order no. 2001-23 na kunin muli ang implementasyon
nito mula sa mga lokal na pamahalaan (local government unit o LGU) at ibalik sa DENR upang ipatupad ang
nasabing gawain.

Sa apat na ito, ang pinakasentro ng programa ng DENR ay ang National Greening Program (NGP). Ito ay
bilang paglutas sa pinakaugat ng problema sa kapaligiran, ang global warming. Kung berde ang kapaligiran
dahil sa kapal ng gubat, bababa ang lebel ng polusyon, bababa ang lebel ng init, matitimpla ang klima, at
maiiwasan ang tagtuyot at panahon ng malakas na bagyo. Sinasabi ng DENR na sa administrasyong Cory
Aquino at sa administrasyong Benigno S. Aquino III nagkaroon ng ganitong katuparan ang programa ng
muling pagtatanim ng punongkahoy para palitan ang mga namatay o pinutol para sa pangangailangan ng tao
at negosyo. Ayon kay Sekretaryo Ramon P.J. Paje ng DENR, mula 1961 hanggang 2010, mga 38 000
ektarya lamang taon-taon ang natataniman ng punongkahoy o reforestation (liban sa huling taon ng
panunungkulan ni Cory Aquino na nahigitan ito). Ngunit sa administrasyon ni Benigno Aquino, may 7.92
milyon o halos walong milyong ektarya na ang nataniman noong 2014. Tinataya ng DENR na sa taong 2016,
8.37 milyong ektarya ang matataniman ng punongkahoy.
Ibig sabihin, mga 1.5 bilyong punongkahoy ang itatanim sa 1.5 milyong ektarya sa 2016. Ang mga
pinagtataniman ay ang mga nakalbong lugar, mga protektadong lugar, mga lupain ng mga ninuno ng mga
tribo, mga reserbadong lupain para sa militar, mga abandonadong lupain, at mga lugar sa mga kabayanan at
kalunsuran na hindi produktibo. Maraming benepisyong makukuha rito tulad ng proteksiyon sa baha,
pagkontrol sa pagkatibag ng lupa, at pagsuplay ng tubig sa irigasyon at inumin ng tao dahil mabubuhay ang
mga talon at watershed. Malaking tulong din ang NGP sa pagbibigay ng trabaho sa mga nangangailangan.
Noong 2014, may 251 557 katao ang naempleyo para sa programang ito. Mga boluntaryo rin ang
nagsipagtanim ng 2 294 629 na puno sa Mindanao. Hindi lamang ito nagbibigay ng trabaho, nagpapatatag din
ito ng suplay ng pagkain, lalo na sa malalayong lugar. Mapangangalagaan din ang biodiversity ng kapaligiran
na mahalaga sa pagbabawas ng masamang epekto ng global warming.

Kaakibat ng NGP ay ang dalawa pang priyoridad na programa ng DENR—ang Geohazard Mapping and
Assessment Program at ang Adopt an Estero/Water Body Program. Ang una (Geohazard Mapping) ay
ipinatutupad ng Mines and Geosciences Bureau (MGB). Layunin nito na tukuyin ang mga lugar sa bansa na
nasa peligro, dahil sa madalas na pagdanas ng mga natural na kalamidad partikular ng pagbaha at pagguho
ng lupa (landslide). Ang ganitong mga peligro o hazard ay nagbubunga ng pinsala sa mga ari-arian,
estruktura, impraestruktura, at komunidad. Narito ang listahan na naitala ng MGB sa kasalukuyan.
1. Ang mga lugar na peligroso dahil sa pagguho ng lupa
a. Marinduque e. Cebu i. Southern Leyte
b. Benguet f. Batangas j. Romblon
c. Rizal g. La Union
d. Nueva Vizcaya h. Mt. Province
2. Ang mga lugar na peligroso dahil sa pagbaha
a. Pampanga e. Pangasinan i. Maguindanao
b. Bulacan f. North Cotabato j. Ilocos Norte
c. Nueva Ecija g. Tarlac
d. Metro Manila h. Oriental Mindoro
3. Ang mga lugar na peligroso dahil sa lindol
a. Surigao del Sur e. Benguet i. Pampanga
b. Tarlac f. Davao Oriental j. Nueva Ecij
c. La Union g. Pangasinan
d. Ifugao h. Nueva Vizcaya
Nakapag-imprenta na ang DENR ng may 75 000 mapa at naipamigay na sa may 1 634 na munisipyo. May
mga tauhan ang kagawaran na handang magturo kung paano gamitin ang mga geohazard map.

Ang iba pang ahensiya ng pamahalaan na katuwang sa pagtulong sa oras ng kalamidad ay ang mga
sumusunod: (1) NDRRMC (National Disaster Risk Reduction Management Council) — Ito ang
namamahala sa impormasyon tungkol sa epekto at tulong na kinakailangan sa harap ng mga kalamidad tulad
ng bagyo, baha, bagyong daluyong, lindol, at iba pa.
(2) PAG-ASA (Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration) — Ang
ahensiyang ito na napapailalim sa DOST ay ang nagbibigay ng babala kung may darating na bagyo at
naglalabas ng pang-araw-araw na lagay ng panahon. Makukuha sa Internet ang mga abiso nito tungkol sa
mga pag-iingat o paghahanda sa darating na kalamidad tulad ng bagyo, baha, tsunami, storm surge, at iba
pa.
(3) DSWD (Department of Social Work and Development) – Ito ang ahensiya ng pamahalaan na
nangangasiwa ng relief operation o agarang tulong sa mga nasalanta ng kalamidad. Kaagad itong
nakapagpapadala ng pagkain, tubig, gamot, at damit. Ito rin ang mabilis na nakikipag-ugnayan sa
pamahalaang lokal at sandatahang lakas kung kinakailangan.

TANDAAN
• Ang pamahalaan ang may pondo at tauhan para magpatupad ng mga batas tungkol sa pangangalaga ng
kalikasan.
• Tama ang priyoridad ng pamahalaan tungkol sa kanilang programang pangkalikasan o pangkapaligiran—
ang Natural Greening Program.
• Sa kabila nito, may kahinaan pa rin ang programa ng pamahalaan sa cadastral survey

ANG PAMAHALAAN
Hindi laging makaaasa ang mamamayan sa pamahalaan. May pagkakataon na mismong mga ahensiya ng
pamahalaan sa isang lugar (bayan, lungsod, o probinsiya) ay hindi agad makasasaklolo. May ilang dahilan
ang ganitong sitwasyon. Maaaring sobrang lakas ng kalamidad na lahat sa lugar ay hindi makakilos sa lubha
ng pinsala sa buhay, ari-arian, at impraestruktura. Maaari ring hindi kasundo ng lugar ang pamahalaan at may
kompetensiya sa politika. Sinasabing nangyari ito sa Leyte sa panahon ng bagyong Yolanda. Totoo man o
hindi, naging malaki ang naging papel ng mga samahang sibiko o NGO at mga samahang pansimbahan,
Katoliko man, Protestante, o iba pa. Gaano kahalaga ang mga grupong ito sa panahon ng kalamidad?

MGA SAMAHANG SIBIKO O NGO


Mahirap sabihin na maraming NGO ang may layuning pagtulong sa mga biktima ng kalamidad. Karamihan sa
mga samahang sibiko ay nakatuon sa pagsusulong ng mga karapatang pang-ekonomiya, pampolitika, o
panlipunan ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Para sa araling ito, ilalarawan ang isa sa mga NGO na
nakapokus sa disaster risk reduction o pagbawas sa panganib ng kalamidad.

Naririto bilang isang halimbawa ang Citizens’s Disaster Response Center (CDRC). Itinatag noong 1984 sa
Lungsod Quezon, Metro Manila, ito ay nangunguna at patuloy na nagsusulong ng pagtugon sa mga
komunidad na nasalanta ng kalamidad. Naniniwala ang CDRC sa pagkakaroon ng isang makatao at maunlad
na lipunan, may sustenibleng kapaligiran, at mga komunidad na kayang tulungan ang sarili sa harap ng
kalamidad. Ang CDRC ay may tatlong mahahalagang programa: (1) pagbibigay ng kasanayan para sa
pagtugon ng komunidad sa mga kalamidad; (2) agarang pagtulong sa oras ng kalamidad, at (3) rehabilitasyon
o pagpapatatag sa komunidad matapos ang pinsalang dulot ng kalamidad.

Ang CDRC ay may mga network o kaugnayang mga organisasyon sa mga rehiyon ng bansa na katulong nila
sa tatlong programang nabanggit. Dahil karamihan sa mga organisasyong ito ay nakatutok sa mahihirap na
pinakaapektado kapag may kalamidad, may bentahe ang mga ito kaysa mga ahensiya ng pamahalaan na
may burukrasyang kailangan pang daanan para maihatid ang kaalaman, kahandaan, at pangangailangan sa
madaling panahon at paraan. Ibig sabihin, sa CDRC, mabilisan at agaran ang pagpapatupad ng mga
programa dahil sa deretsong ugnayan ng CDRC at partisipasyon sa mga biktima ng kalamidad na karamihan
ay mahihirap. Mula 1984, nakatugon na sa ilang kalamidad sa bansa ang CDRC: lindol sa Luzon (1990),
pagputok ng Mt. Pinatubo (1991), bagyong Rosing (1995), pagguho ng basura sa Payatas (2000), landslide
sa Guinsaugon (2006), bagyong Reming (2006), bagyong Yolanda (2013), at iba pa. Sa loob ng panahong
ito, tinatayang may 3 milyong Pilipino na ang natulungan ng CDRC upang bumangon muli sa mapinsalang
epekto ng iba’t ibang kalamidad. Nagagawa ang mga ito dahil sa tulong pinansiyal ng mga donor mula sa
bansa at sa ibayong dagat. Marami rin itong katulong na mga kaibigan at boluntaryo para maisakatuparan
ang programang pang-edukasyon sa kahandaan sa oras ng kalamidad at kakayahang bumangon at kumilos
muli matapos ang kalamidad.

MGA SAMAHANG PANSIMBAHAN


Bilang isa sa mga pinakamatagal nang institusyon sa Pilipinas, ang Simbahang Katolika ay may mahabang
karanasan sa pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad. Ang Catholic Bishops Conference of the Philippines
o CBCP ay may programang naipatutupad sa pamamagitan ng Diocesan Social Action Centers (DSAC) sa
buong Pilipinas. Ang mga DSAC naman ay binubuo ng Parish Social Action Center at Basic Ecclesial
Community—na nakaugat sa mga komunidad lalo na ng mga mahihirap. Dahil dito, may kakayahan ang
CBCP na episyente at agarang makapagpadala ng tulong sa mga lugar na apektado ng mga kalamidad. Para
naman sa pondo at pangangailangang materyal (pagkain, gamot, damit, at tirahan) ng mga nasalanta,
katuwang na mga institusyon ng CBCP ang Caritas Philippines, Catholic Relief Services, at National
Secretariat for Social Action-Justice and Peace (NASSA-JP). May mga lokal at internasyonal na katulong ang
mga ito para mangalap ng pondo at ng mga kinakailangang tulong materyal at serbisyo medikal, sikolohikal,
espiritwal, at iba pa. Noong Setyembre 2014, inilunsad ang tatlong-taóng pagsasanay ng mga komunidad
para sa mga sumusunod na pangangailangan sa pagtugon sa kalamidad.
1. pinansiya at pamamahala
2. pag-alam sa mga pangangailangan ng komunidad
3. pangangalap ng pondo
4. paraan ng distribusyon
5. koordinasyon, monitoring sa pangangailangan ng komunidad, at ebalwasyon ng pagtugon
6. paggawa ng proyekto bilang tugon
7. pagpapatupad ng proyekto

Pagkaraan ng mapaminsalang bagyong Yolanda, nakapagpatayo ang Caritas Philippines ng 1 813 bahay,
katulong ang NASSA-JP. May tatlong kategorya ang mga tirahang ito: (a) pansamantala, (b) nakatayo at
patapos na, at (c) permanente. Bawat bahay ay may katangiang naaayon sa agarang pangangailangan ng
mga pamilyang nabenepisyuhan mula sa Leyte, Samar, Palawan, Aklan, Antique, Capiz, Iloilo, at Cebu. Ayon
sa tala ng NASSA-JP (2014), may nagawa na 241 permenanteng tirahan, 245 na natitirhan na, at 737 na
pansamantala lamang. May 61 kabahayan ding naayos. Mayroon pang naka-iskedyul na gagawing 135
permanente, 242 titirhan, 42 pansamantala, at 110 aayusin para sa taong 2014. Matitibay ang disenyo at
materyales ng mga bahay na ito kung kaya't kaya nitong labanan ang malalakas na bagyo o lindol. Ang mga
Lumad o mga katutubong diKristiyano at di-Muslim ay malayang nagdisenyo ng kanilang bahay ayon sa
kanilang kultura at tradisyon. Gumawa ng matibay na tirahan gamit ang sariling materyales. Sa katunayan,
ang kanilang ang bahay ay may matibay na pundasyon, nakatali mula ibaba pataas, nakakontra sa hangin ng
bagyo, matitibay ang poste at hugpungan, nakatayo sa ligtas na lugar, at simple ang hugis.

Ang pinakamaganda sa katangian ng proyektong pabahay ng CBCP/Caritas/NASSA-JP ay ang pagbuhay ng


katutubong kaugalian ng bayanihan. Isinusulong ng mga samahang ito ang tulong-tulong at sama-samang
pagkilos na walang hinihintay na kapalit o kabayaran maliban sa kasiyahan na ang kapuwa at komunidad ay
natutulungan sa oras ng pangangailangan. Sabi nga ni Pope Francis patungkol sa pagtutulungang ipinakita
ng mga Pilipino sa harap ng bagyong Yolanda: “Faith when centered in service, opens oneself to a true
encounter with God.” (Ang pananalig kung nakasentro sa paglilingkod ay nagbubukas ng sarili sa pagkakilala
sa Diyos).

Sa panig ng mga Simbahang Kristiyano at Ebangheliko (Evangelical), may isang grupong may programang
nakapokus sa mga nasalantang komunidad. Ito ay ang Institute for Studies in Asian Church and Culture
(ISACC). Bilang samahang pansimbahan, tumugon ito sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Tacloban,
Leyte. Sa pamamagitan ng I-SERVE (Initiatives for Serving and Empowerment of the Poor), gumamit ito ng
mga inisyatibang malikhain na may temang “Pagtugon sa Panginoon ng Panahon.” Ito ay ang “paglubog” o
immersion ng ISACC sa mga komunidad ng mahihirap at sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad. Sa
Tacloban, ginamit nito ang “psycho-spiritual intervention” para maiahon sa lungkot at kawalan ng pag-asa ang
mga pamilyang namatayan ng mga anak, magulang, kapatid, at asawa; nawalan ng tirahan at ng kabuhayan.
Sa karanasan ng ISACC, hindi sapat ang relief goods at psychological briefing lamang; kailangan din ang
psycho-spiritual intervention. Paano ito isinasagawa?

Sinamahan ng ISACC ang mga gawaing sagipkalamidad ng iba’t ibang uri ng ekspresyon ng dalamhati at
pananampalataya tulad ng pagpuprusisyon sa tabing-dagat, pagdarasal at pag-awit, at pag-aalay ng bulaklak
at kandila sa libingangpanlahat. Sinisiguro rin ng mga volunteer ang pakikinig ng kuwento nang paulit-ulit na
may kasamang luha, yakap, at buntong-hininga Wholistic o buo ang paraan ng pagbibigay-lakas sa mga
biktima ng kalamidad. Dito ay pinagsamasama ng ISACC ang materyal at espiritwal na elemento ng
paglingap sa kapuwa bilang katuparan ng pananampalataya. Pagsasakonteksto ng Salita ng Diyos, saan? Sa
mismong lugar at kultura ng mahihirap na Pilipino. Sabi nga ni Dr. Miriam Adeney ng Seattle Pacific
University, “the Holy Spirit has encouraged you (ISACC). Christ has empowered you, entering your pain and
generating the power for new beginnings. God the Creator has blessed you with Filipino culture, a treasure
chest of symbols for exuberant expression of God's image.”

Nagsimulang maging aktibo ang ISACC sa gawaing sibiko noong 1978. Pinangunahan nito ang pagsali sa rali
sa EDSA bilang KONFES (Konsiyensiya ng Febrero Siete). Mula noon, naging panawagan ng grupo: “Rise
Up and Walk, Religion and Culture in Empowering the Poor.” Marami na itong nabigyan ng kasanayan sa
pananaliksik, dokumentasyon, at pag-oorganisa tungo sa isang pananampalatayang nakaugat kay Kristo
gamit ang mayaman at makataong kulturang ibinigay ng Panginoon sa mamamayang Pilipino. Sa
kasalukuyan, ang ISACC ay abala sa pagtulong sa rehabilitasyon ng mga nawasak ng kalamidad na mga
komunidad sa Tacloban, Leyte.

TANDAAN
• Dahil sa mga protokol at polisiyang dapat sundin, hindi sa lahat ng pagkakataon ay makatutugon ang
pamahalaan sa mga nasalanta ng kalamidad.
• Malaki ang papel ng mga pribadong organisasyon tulad ng NGO at mga samahang pansimbahan
(faith-based organization) kapag hindi agad makatugon ang pamahalaan.
• May malalim na batayan ang mga grupong sibiko at pansimbahan sa gawaing tumulong sa mga
sinasalanta ng kalamidad: ang kultura at pananampalataya.
• Mainam din ang ginagawa ng mga samahang sibiko at pansimbahan na paghahanda sa mga
komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay kasanayan at pagkakataong magamit ang sariling kaalaman para
matulungan ang sarili sa oras ng kalamidad.

IV. Mga Gawain:


Magsaliksik sa inyong bayan, lungsod, o probinsiya kung anong ahensiya ng pamahalaan ang
nakatutok sa pagbibigay ng babala, paghahanda, at pagtulong sa mga komunidad na maaaring
nasalanta ng kalamidad.

Paglalahat:
1. Bakit kaya mahirap ipatupad ang programa sa cadastral survey?
2. Bukod sa CDRC, magsaliksik tungkol sa iba pang grupong sibiko na may programa para sa mga
biktima ng kalamidad. Gumawa ng ulat tungkol dito. Isulat sa ibaba.
3. Kung ikaw ay papipiliin ng samahang nais salihan upang makatulong sa mga nasalanta ng
kalamidad, anong grupo ito at bakit?
Isagawa:
Gumawa ng isang halimbawa ng psycho-spritual intervention na maaaring magamit sa
mga biktima ng kalamidad sa inyong lugar.

VI. Pagsusuri:
Isulat ang tamang kasagutan.
1. ang pangunahing ahensiya ng pamahalaan para sa pangangalaga ng kapaligiran.
2. ang ahensiyang namamahala sa babala tungkol sa mga lagay ng panahon.
3. RA ang pinakadirektang batas tungkol sa epekto ng climate change.
4. PD ang unang komprehensibong batas tungkol sa kapaligiran.
5. ang matagumpay na programa ng DENR tungkol sa kapaligiran.
6. RA ang nagbabawal sa pagpapatakbo ng behikulong sira ang tambutso.
7. ang namamahala sa Geohazard Mapping ng gobyerno.
8. RA ang batas na nagpalakas sa pagpapatupad ng cadastral survey.
9. Ang ang tumututok sa monitoring at koordinasyon ng mga programa ng pamahalaan sa
climate change.
10. ang ahensiya ng pamahalaan na may malaking nagagawa sa pagpapatupad ng
programang reforestation

VI. Mga Sanggunian:


1. Mangahas, Fe B. (2017). KAMALAYSAYAN: Serye sa Araling Panlipunan Mga Kontemporaryong

Isyu sa Pilipinas. FNB. Quezon City.


This module was prepared and reviewed by the teachers of St. Augustine’s Academy of
Patnongon, Inc. We are encouraging the parents to cooperate with us to successfully deliver learning
to their children. We encourage the parents to help us by giving feedback, comments and
recommendations to staapi50@gmail.com
MGAorKASAGUTAN
contact the following for individual concerns:
Grade 7 Advisers Grade 8 Advisers
09167735045- Miss Chenny L. Magbanua 09269323314- Mrs. Marlyn I. Alvaniz
Mga Gawain
09554672066- Mr. Danimar Mateo 09062643084- Mr. Norielle S. Oberio
Kani-kaniyang sagot ng mga mag-aaral
09066293078- Mr. Rio Z. Protacio 09067824564- Mr. Glennford N. Quinto
Pagsusuri
Grade 9 Advisers Grade1.10 DENR
Advisers
09751067140- Miss Zyna Lyn Mondido 09266829343-
2. PAGASAMr. Mark Joseph T. Reyes
09753066859- Miss Locsin Joy Saturno 09284321181- Mr. Ronie M. Antiza
3. RA 9729
09164751533- Mr. Ricardo S. Pancubila 4. PD 1152
09263146051- Mr. Danny C. Francisco
5. NATIONAL GREENING PROGRAM
6. RA 8749
Grade 11 Advisers Grade7.12 MINES
Advisers
AND GEOSCIENCES BUREAU
09955629145- Mr. Jerrald D. Estaris 09950345737- Mr.ODarrel
8. RA 7160 LOCAL A. Fadrillan CODE
GOVERNMENT
09263146051- Miss Darlene Joy Mena 9. CLIMATE CHANGE COMMISSION
09164610168/09171372250- Mr. Gaudencio J. Lacaba
10. DENR

09186839578- Mr. Matthew Bangiban 09177237938- Mr. Robert N. Acuisa, M.Ed.-Principal


St. Augustine’s Academy of Patnongon, Inc.
Real St., Poblacion, Patnongon, 5702 Antique, Philippines

Grade 10
ARALING
PANLIPUNAN
Quarter 2
Lesson 3 & 4

Ugnayan ng Pilipinas at Mundo sa Pagharap ng


POLITICS
Climate Change; Kawalan ng Trabaho, at Kahirapan

Mr. Darrel A. Fadrillan


Subject Teacher
NOTE: PLEASE USE PAD PAPERS WHEN ANSWERING THE ACTIVITIES.DO NOT WRITE ANYTHING ON THIS MODULE

Lesson 3 & 4: Ugnayan ng Pilipinas at Mundo sa Pagharap ng Climate


Change; Kawalan ng Trabaho, at Kahira
I. Layunin:
1. Natatalakay ang iba’t ibang programa, polisiya, at patakaran ng pamahalaan at ng mga
pandaigdigang samahan tungkol sa climate change.
2. Naipaliliwanag ang pakikipag-uganayan ng Piipinas sa ibang mga bansa sa pagharap sa
mga problema kaugnay ng climate change.
3. Natutukoy ang mga bansang nag-uugnayan para malutas ang mga problemang dulot ng
climate change.
4. Naipaliliwanag ang mga dahilan ng unemployment o kawalan ng trabaho.
5. Natataya ang implikasyon o maaaring idulot ng unemployment sa pamumuhay at sa
pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
6. Nakapagmumungkahi ng sulosyon sa suliraning unemployment.

II. Target Output:


Magkaroon ng interpretasyon sa pagbabago ng klima. Gumawa ng cartoon o anomang guhit o
artwork para ipakita ito. Ilagay sa 1/8 illustration board.

III. Subukin:
Bigyang paliwanag ang sumusunod na mga susing salita.
1. Kumbensiyon 7. Ratipikasiyon 13. Pampublikong serbisyo
2. Ozone layer 8. Resesyon 14. Agrikultura
3. Emisyon 9. Remittance 15. Industriya
4. Mababang carbon 10. Korapsiyon 16. Serbisyo
5. Global heat emission 11. Globalisasiyon
6. Bagong teknolohiya 12. Propesyunal na burukrasya

IV. Talakayan:
Gawain 1: Basahin at Matuto
UNANG KUMBENSIYON HINGGIL SA CLIMATE CHANGE
Hindi naging madali ang unang pulong tungkol sa climate change o pagbabago ng klima.
Naganap ito sa Earth Summit sa Rio de Janeiro, Brazil noong 1992. Nabuo rito ang United Nations
Framework
Convention on Climate Change (UNFCCC), isang tratado na nagsasabing kailangang bawasan ang emisyon
ng greenhouse gas sa lebel na mayroon noong 1990, sa average na 4.2 porsiyento mula 2008 hanggang
2012. Ang nasabing dokumento (UNFCCC) ay halos kinopya sa US-Soviet Nuclear Arms Agreement. Sabi
nga ni Gwyn Prins, propesor ng London School of Economics sa environmental politics, “Take out nuclear
warheads, put in CO2 —the basic idea was as easy as that. But it turned out that the climate change is a
much more wicked beast—scientifically and economically— than ozone chemistry or nuclear arms control.”
Sa madaling salita, hindi ito madaling ipatupad. Mas madali pa ang magkasundo na itigil ang produksiyon ng
bombang nukleyar. Lumipas pa ang tatlong taon nang muling magkaroon ng pagpupulong sa Berlin,
Alemanya para alamin kung aling mga bansa ang dapat makasali sa gagawing protokol ng pagpapatupad ng
nasabing kasunduan (UNFCC). Sa pulong na ito na naganap noong 1995, nahati sa dalawang kategorya ang
mga mag-uusap-usap para sa isang protokol. Ang unang kategorya ay ang mayayaman at mauunlad na
bansa na binigyan ng malaking responsabilidad sa nasabing protokol at ang pangalawa ay ang mga
papaunlad pa lamang na bansa (kasama ang Tsina) na may higit na kakaunting responsabilidad o
pananagutan. Hindi ito nagustuhan ng mauunlad na bansa, partikular ng Estados Unidos na nagsabing
inililigtas ang mga papaunlad na mga ekonomiya na higit na malakas gumamit ng greenhouse gas bunga ng
luma at hindi episyenteng produksiyon o teknolohiya. Nagbanta ang Estados Unidos na hindi ito pipirma sa
mabubuong protokol. Hindi naman ganito ang naging reaksiyon ng Alemanya at Denmark. Pumayag ang mga
ito na bilang industriyalisadong mga ekonomiya, sang-ayon ang mga ito na ibaba ang emisyong CO2 sa 21
porsiyento mula sa lebel na mayroon ang mga ito noong 1992. Ang Portugal na maliit at hindi pa maunlad ang
ekonomiya ay pinayagan na taasan ang global heat emission (GHE) nito sa 27 porsiyento.

ANG KYOTO PROTOCOL


Nang magpulong naman sa Kyoto, sa bansang Hapon noong 1997 para balangkasin ang protokol,
kinailangang magpaalala ni Michael Zammit Cutajar ng Malta, gamit ang pamosong kasabihan ng Zen
Buddhism: “Everyone must break through mental barriers to achieve enlightenment.” Matapos ang dalawang
araw ng masinsinang negosasyon, nabuo rin ang kilalang Kyoto Protocol. Ito ang kauna-unahan at nag-iisang
dokumento ng kasunduan na ang mayayamang bansa ay magbabawas ng emisyong CO2 at iba pang mga
gas tulad ng methane, nitrous oxide, at sulphur hexaflouride. Bagama’t pumirma ang Estados Unidos, sinabi
nito na hindi nito raratipikahin (papayagang ipatupad) nang hindi kasama ang Tsina at iba pang pollutant na
papaunlad pa lamang na mga bansa. Kaya nang maging epektibo na ang Kyoto Protocol noong Pebrero
2005, kumalas na ang Estados Unidos sa kasunduan. Katwiran nito, pareho lamang ito ng Tsina at India na
wala sa kasunduan. Hindi ito maganda para sa mundo dahil ang tatlong bansa ang may pinakamalakas na
emisyon ng CO2 sa mundo. Una ang Tsina, pangalawa ang Estados Unidos, at pangatlo ang India.
Para sa ibang bansa, partikular sa mga bansa sa Europa, nakatupad ang mga ito sa ipinangakong
pagbabawas ng emisyon ng CO2 . Kabilang dito ang Rusya, na bumaba sa 34 na porsiyento ang polusyon, at
ang Britanya na bumaba sa 12.5 porsiyento ang polusyon. Ito ay dahil sa pagsasara ng mga ito ng mga
minahan sa uling at pagbaba ng konsumo ng enerhiya bunga na rin ng recession sa ekonomiya sa Europa.
Subalit kakaiba naman ang pangyayari sa Asya, partikular sa mga bansang hindi pinagbawas ang emisyon
ng mga industriya sa dahilang papaunlad pa lamang ang ekonomiya ng mga ito. Sa katunayan, nariyan sa
rehiyon ang coal renaissance o pagpapalakas sa paggamit ng uling na mas mura kaysa langis. Nangunguna
ang Tsina sa polusyong ito. Nakasama pa ang naging desisyon ng mga industriyalisadong bansa tulad ng
Estados Unidos, United Kingdom, Hapon, at iba pa na ilipat ang mga pagawaan ng mga ito sa Tsina at sa
mahihirap na bansa sa Asya sa dalawang kadahilanan: una, murang pasuweldo para sa manggagawa at
pangalawa, iwas polusyon mula sa mga pabrika o pagawaan.

ANG PILIPINAS SA MUNDO NG CLIMATE CHANGE


Bagama’t pumirma ang Pilipinas sa Kyoto Protocol noong 2003, kilala naman ito sa kategorya na
kailangang magbawas ng emisyon nang malaki. Kailangan lamang nitong pangalagaan ang kapaligiran at
maging maingat sa pagpili ng mga industriya o pabrika na itatayo sa bansa. At kung kailangang magtayo ng
medyo delikadong industriya ay maging mahigpit sa pagbabantay sa paglabag sa batas na Clean Air Act,
Clean Water Act, at iba pang kautusan para mapanatili ang tamang lebel ng polusyon sa mga kalunsuran at
mga probinsiya na may mga pagawaan o mga sentro ng industriya. Marahil ang higit na kailangan ay ang
pag-imbento ng mga bagong teknolohiya tulad ng murang solar panel na naimbento ng ibang bansa para
pababain ang lebel ng polusyon sa ating bansa. Kailangang pondohan ng pamahalaan ang DOST nang sapat
para maging masigla at malikhain ang ating mga siyentista at imbentor.
Paano makababawas sa init at polusyon sa paligid? Anong mga bagong teknolohiya bilang kapalit ng
mga makinang gumagamit ng langis ang maaaring gamitin o angkatin para bumaba ang lebel ng polusyong
gas sa bansa? Maganda ang pangyayari na marami sa mga mall sa Metro Manila at iba pang lungsod ay
nagsisimula nang gumamit ng solar energy. Hindi lang ito mura, ligtas at mabuti pa sa kalusugan. Mainam din
ang National Greening Program ng DENR. Kailangan pa itong palawakin sa lebel ng ordinaryong komunidad,
katulong ang milyon-milyong kabataan.
Nakalalakas din ng loob ang pakikipag-ugnayan ng bansa sa mga bansang may malasakit sa
kapaligiran. Isa rito ang Pransiya. Bumisita sa Pilipinas ang Pangulo ng Pransiya na si François Hollande
noong Pebrero 26-27, 2015. Bukod sa planong magkaroon ng palitan sa turismo, industriya, at kalakalan,
pinagtibay nina Pangulong Benigno S. Aquino III at Pangulong Hollande ang isang ugnayan para sa
pangangalaga ng kapaligiran at pagtutulungan na harapin ang mga problemang may kinalaman sa
pagbabago ng klima.
Naririyan din ang Komisyon sa Pagbabago ng Klima, ang pangunahing ahensiya ng pamahalaan na
inatasang makipag-ugnayan, sumubaybay at mag-evaluate o magtáya ng mga programang pampamahalaan
at tiyaking pinahahalagahan ang pagbabago sa mga planong pambansa, lokal, at sektoral na pagpapaunlad.
Sa ganitong paraan, magiging resilyente o matibay at mahusay umangkop sa klima ang Pilipinas. Sa
administrasyong Aquino III, nakapokus ang planong pangklima sa sumusunod na mga isyu (1) seguridad sa
pagkain, (2) karapatan sa tubig, (3) katatagan ng ekolohiya at kapaligiran, (4) seguridad ng mga tao, (5) mga
industriya at serbisyong nakaaangkop sa klima, (6) sustenibleng enerhiya (sustainable energy), at (7)
kaunlarang pangkaalaman at pangkakayahan.

TANDAAN
• Walang bansa na hindi maaapektuhan ng pagbabago ng klima.
• Kailangan ang pagtutulungan ng mga mauunlad at di pa mauunlad na bansa para maharap ang problema
ng global warming.
• Hindi maaaring ipagwalang-bahala ang problema ng pag-init ng mundo. Umabot na ito sa lebel na peligroso.
• Kailangan ang lokal na solusyon at global na pakikipag-ugnayan upang maharap ang problema sa pag-init
ng mundo.

MGA ISYUNG PANG-EKONOMIYA


Nagtataasang gusali sa mga kalunsuran, senyal ba ng kaunlaran?
Sa kabila ng magandang grado ng ekonomiya ng bansa—pumapangalawa sa rehiyon ng Asya na
may Gross Domestic Product (GDP) growth rate na 6.8 porsiyento (2013-2014)—ang populasyon ng Pilipinas
na nasa ibaba ng poverty line o nanatiling mahihirap ay nasa 24.9 porsiyento (2014). Ibig sabihin, hindi pa
lubusang nakararating sa ibaba ng lipunan ang kaunlarang mayroon ang ekonomiya. Maraming sinasabing
dahilan. Pangunahing binabanggit ng mga kritiko ay ang korupsiyon o masamang politika at sistema ng
pamamahala ng bansa. Hindi raw ito kapaki-pakinabang sa nakararami na siya talagang nag-aambag ng
malaking porsiyento sa kinikita ng pamahalaan. Kahit ang tinaguriang middle class o panggitnang uri ay hindi
kontento at karamihan sa kanila ay lumalabas ng bansa para maghanapbuhay bilang Overseas Filipino
Worker na dati-rati ay para sa mga nasa ibabang antas ng lipunan—ang mga kasambahay o katulong sa
bahay (domestic helper) at mga manggagawa sa konstruksiyon.
Kung korupsiyon ang dahilan, bakit hindi ito mabawasan man lamang? Kung politika at sistema ng
pamahalaan, paano ito mababago? Sino ang mamumuno sa pagbabagong ito? Panloob lamang ba ang
problema? May mga ekspertong nagsasabi na patuloy tayong pinagsasamantalahan ng mga banyagang
kapitalista, partikular ng mga bangkong banyaga na inuutangan ng mga hindi pa lubusang mauunlad na
bansa tulad ng Pilipinas. Gaano katotoo na ang pandaigdigang sistema ng ekonomiya, ang globalisasyon,
ang nasa likod ng mali o hindi epektibong patakarang pangekonomiya na ipinapataw sa maliliit na bansa tulad
ng Pilipinas?

ANG EKONOMIYA SA ESTADISTIKA


Mula sa 4.5 porsiyento na Gross Domestic Product (GDP) ng ekonomiya sa ilalim ng administrasyong
Macapagal-Arroyo, tumaas sa 6.8 porsiyento ang GDP ng Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Mukhang hindi masama, lalo na sa pananaw ng mga banyagang bangko na pinagkakautangan ng
pamahalaan. Ang Aquino GDP, ayon sa International Monetary Fund-World Bank (IMF-WB) ay pangalawa sa
buong Asya. Ang Tsina ang nangunguna sa GDP na 9.8 porsiyento sa taóng 2012.
Ang dahilan sa gayong paglago ng ekonomiya ng bansa ay ang sumusunod: (1) walang gaanong
pagkakautang sa labas, (2) hindi pagdepende sa export o pagluluwas ng mga kalakal, (3) matatag na
pagkonsumo ng mga produktong panloob, (4) malaking remittance mula sa mga OFW, at (5) ang mabilis na
paglaki ng industriya ng business process outsourcing (BPO) o trabaho sa call center. Sinasabing ang
maingat na patakaran sa salapi ng mga bangko, masiglang stock market, at maayos na koleksiyon ng buwis
ay nakabuti sa pangkalahatang pag-unlad ng ekonomiya.
Maging ang larawan sa estadistika ng populasyon ay mukhang maayos din. Ang 101  614 184 na tao
sa kapuluan (2014) ay nasa ika-12 sa listahan ng dami ng tao sa buong mundo. Nasa 97.5 porsiyento ang
literacy rate (marunong bumasa at magsulat sa sariling wika at sa ibang wika tulad ng Ingles). At karamihan
dito ay nasa edad na 15 hanggang 24 na taong gulang. Ang life expentancy o haba ng buhay ng
pangkaraniwang Pilipino ay 69.4 na taong gulang. Ang lalaki ay sa edad na 66.49 at ang babae ay sa edad
na 72.5. Mas marami ang ipinanganganak kaysa namamatay kaya may problema sa dami ng populasyon na
may fertility rate na 3.07 (2015). Kailangan ang pagpaplano sa laki ng bawat pamilya. Sa kabila ng ganitong
larawan ng ekonomiya at kalagayan ng populasyon, may mga estadistika ang ekonomiya na dapat alamin
kung bakit taliwas sa mga talâ ang kondisyon ng mahihirap. Halimbawa, sinasabi ng estadistika na mababa
ang bilang ng may mga trabaho at kung mayroon man ay hindi permanente at maliit ang sahod. Ayon sa
Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang nasa 7.4 na porsiyento (2013) ang bilis ng pagtaas ng mga
walang trabaho. Ang populasyong nasa ibaba ng poverty line ay mga 26.5 porsiyento noong 2009. Ang buong
puwersa ng paggawa (labor force) ay nasa 41.33 milyon (2013); 32 porsiyento nito ay sa agrikultura,15
porsiyento ay sa industriya, at 53 porsiyento ay sa sektor ng serbisyo (2013). Noong mga taong 2011 at 2012,
ang agrikultura ang may maliit na produksiyon (2.5 porsiyento) kumpara sa laki ng populasyon dito. Maliit din
ang produksiyon sa industriya (6.4 porsiyento). Malaki ang produksiyon ng nasa sektor ng serbisyo, kasama
na ang mga propesyonal (7.7 porsiyento). Magkagayon man, ang sektor ng serbisyo ay nakadepende sa
agrikultura at sa iba pang mga pangangailangan sa sektor ng industriya. Dahil dito, nagkakaroon ng malaking
agwat sa kalidad ng kabuhayan ng mamamayan.
Samakatwid, marami sa probinsiya ang walang hanapbuhay kaya lumilikas papuntang kalunsuran at
dito nagsisiksikan. Kalahati ng populasyon ay nasa urban, ayon sa estadistika. Saan napupunta kung gayon
ang malaking kita ng ekonomiya na sa pangkalahatan ay sinasabing nasa 6.8 GDP growth rate (2013)? Saan
napupunta ang malaking remittance ng may 10 milyong OFW? Kung titingnan ang gamit sa GDP ng bansa,
ang 72 porsiyento nito ay napunta sa mahigit na isang daang milyong mamamayan. Subalit ang parte ng
pamahalaan na 11.5 porsiyento ay napunta sa iilang tauhan, opisyal, at politikong nasa pamahalaan na halos
wala pang sampung milyon. Mismong gobyerno kaya ang pinagmumulan ng korupsiyon? Ito ba ang ibig
sabihin ng islogang “Kung walang korupsiyon ay walang mahirap”?
Isa pang suliranin ay ang contractual worker sa karamihan ng malalaking establisimyento (gaya ng
mga mall) at iba pang mga opisina at pagawaan na walang permanenteng trabaho ang mga empleyado at
manggagawa. Bukod pa sa mababang suweldo, ang yumayaman lamang ay ang mga kapitalistang banyaga,
partikular ang mga mestisong Tsino, Espanyol, at mga kompanyang Hapones, Amerikano, Koreano, at iba
pa. Malaking salbabida naman ng ekonomiya ang mga OFW at impormal na sektor ng ekonomiya (yaong
nasa pagbebenta nang patingitingi, mumunting negosyo sa tabi-tabi, buy-andsell, at iba pa). Napakalaki ng
sektor na ito na nakapaloob sa serbisyo (service) na nagtatawid sa karamihan ng mamamayan sa pang-araw-
araw na pangangailangan.

ANG KAHIRAPAN SA BANSA SA KABILA NG MAGAGANDANG SENYAL NG EKONOMIYA


Ayon kay Propesor Walden Bello, kinatawan ng Mga Progresibong Partylist sa Kamara, may mga
dahilan ang ganitong hindi pantay na produksiyon at distribusyon ng biyaya ng ekonomiya. Una ay ang
kawalan ng epektibong batas sa distribusyon ng lupaing pang-agrikultura. Naririyan pa rin, ayon sa kaniya,
ang mga hacienda ng matatandang pamilya na marami ay nasa politika o pamahalaan (Lehislatura,
Ehekutibo, o Hudikatura). Pangalawa ay ang kawalan ng tunay na industriyalisasyon. Ang industriyang
tinutukoy ay hindi lamang mga industriyang taga-impake ng mga produkto ng mayayamang bansa at
tagagawa ng spare parts ng mga dambuhalang industriya na nais makatipid at ipinapasa ang mga gawaing
ito sa mga bansang maraming murang pasuweldong manggagawa tulad ng Pilipinas. Ang ganitong patakaran
ng gobyerno ay umaayon sa dikta ng sistemang globalisasyon—ang patakarang liberalisasyon o neoliberal
economics na pawang nagbibigay ng kaluwagan sa mga banyagang magnenegosyo at mangangalakal sa
bansa sa anyong mababang taripa, maluwag na paglalabas ng kita, at mataas na interes sa pautang nilang
pondo sa paggawa ng mga impraestruktura. Samantala, ang di-pantay na taripa ay nagreresulta sa di-pantay
na kompetisyon ng mga produktong lokal ng industriya at ng agrikultura. Dahil dito, nawawalan ng proteksiyon
ang lokal na mga negosyante at mga nasa agrikultura. At dahil sa mataas na korupsiyon sa pamahalaan,
walang gaanong pamumuhunang pumapasok mula sa ibayong dagat. Kaya ang gobyerno ang malaking
pinagkukunan ng pondo para sa mga maling proyekto o mga proyektong nauuwi sa katiwalian. Madali ring
magbayad nang malaki ang pamahalaan sa mga inutang sa IMFWB, na bangko ng globalisasyon na may
ganitong paanyaya: “Mangutang upang matustusan ang programang pambansa ng ekonomiya.”
Hindi rin nakabubuti ang pagbubukas ng maraming minahan at pagtotroso ng mga dayuhan. Malaki
ang epekto nito sa kalikasan, sa mga kagubatan, talon, watershed, mga palaisdaan, at taniman ng mga
magsasaka. Sa madaling salita, maling patakarang pang-ekonomiya na nakadepende sa globalisasyon ang
ugat ng kahirapan, kasama ang korupsiyon sa pamahalaan at kawalan ng malakas na ekonomiyang panloob.
Subalit hindi lang ang mga ito — may dahilan ding panloob. Ito ang pinakamabigat na punto ni
Walden Bello at iba pang politikal at pangekonomiyang tagamasid o kritiko. Ayon sa kanila, walang matinong
gobyerno ang Pilipinas sapagkat kontrolado ito ng mga elite (luma at bago) na siya ring dominante sa
ekonomiya ng bansa. Bagama’t may potensiyal ang bansa na umunlad para sa nakararami at hindi sa iilan
lamang (malalaking negosyante, politiko, at korporasyong banyaga) kung walang matinong sistema ng
pamamahala ay lagi’t laging di-pantay ang magiging takbo ng ekonomiya. Ayon kay Bello, nangangailangan
ang Pilipinas ng mga namumuno na kayang magpatupad ng tamang programang pang-ekonomiya at may
kakayahang baguhin ang burukrasya para maipatupad ito. Sa kasalukuyan, wala pa ang dalawang
katangiang ito para makarating sa ibaba ng lipunan ang kaunlarang unti-unti nang nagawa ng
administrasyong Aquino sa kaniyang panawagang “tuwid na daan” sa pamamahala. Subalit kung walang
matibay na loob at matapat na mga katuwang ang pangulo ay mababalewala rin ang lahat ng pagsisikap.
Nasa kamay ng mga susunod na botante ang kalutasan ng problemang pang-ekonomiya ng bansa.
Kailangang pumili ng mga mamumunong matino, mahusay, matibay ang loob, at may integridad. Higit sa
lahat, kailangan sa pamahalaan ang mga namumunong may pagmamahal sa bayan at kalikasan, at
armadong kaalaman sa ginagalawan ng ekonomiya sa loob at labas ng bansa.

TANDAAN:
• May panloob at panlabas na dahilan ang malaking agwat ng kabuhayan sa Pilipinas.
• Malaki ang papel ng propesyonal na burukrasya bilang tugon sa isyu ng korupsiyon.
• Kailangan piliin ng mga botante ang mga kandidatong kung mahalal ay magpapakita ng tunay na
pagmamahal sa bayan at kalikasan, at hindi magsusulong ng pansariling interes lamang.

V. Mga Gawain:
Punan ang talahanayan ng mga tungkulin ng mga ahensiya ng pamahalaan para sa pangangalaga ng kapaligiran
at pagtugon sa kalamidad.
DEPED/
DENR DPWH DOST NDRRMC PAGASA DSWD
CHED/TESDA
1 1 1 1 1 1 1
2 2 2 2 2 2 2
3 3 3 3 3 3 3
4 4 4 4 4 4 4

Paglalahat:
Gamit ang graphic organizer sa ibaba, itala ang mga dahilan at epekto ng pag-init ng mundo.

MGA DAHILAN MGA EPEKTO SA KAPALIGIRAN

Isagawa:
Ikaw ba ay may kapamilya o may kakilalang OFW? Magbahagi ng karanasan o kuwento ng isang
kapamilya, kamag-anak, o kakilalang OFW. Solusyon ba o hindi ang mga OFW sa kahirapan sa
bansa?

VI. Pagsusuri:
Tama o sapat na solusyon ba sa kahirapan ang mga sumusunod? Ipaliwanag ang iyong sagot sa bawat nasabing
solusyon. 1. patakarang OFW

2. industriya ng business process outsourcing (BPO)

3. pagdami ng kondominyum at shopping mall

4. paglaki ng impormal na sektor ng ekonomiya

Tukuyin ang mga problemang kaugnay ng malaking pagbabago ng klima sa sumusunod:


1. kapaligiran

2. kabuhayan at ekonomiya

3. lipunan

4. politika

VII. Mga Sanggunian:


1. Mangahas, Fe B. (2017). KAMALAYSAYAN: Serye sa Araling Panlipunan Mga Kontemporaryong
Isyu sa Pilipinas. FNB. Quezon City.

This module was prepared and reviewed by the teachers of St. Augustine’s Academy of
Patnongon, Inc. We are encouraging the parents to cooperate with us to successfully deliver learning
to their children. We encourage the parents to help us by giving feedback, comments and
recommendations to staapi50@gmail.com or contact the following for individual concerns:
Grade 7 Advisers Grade 8 Advisers
09167735045- Miss Chenny L. Magbanua 09269323314- Mrs. Marlyn I. Alvaniz
09554672066- Mr. Danimar Mateo 09062643084- Mr. Norielle S. Oberio
09066293078- Mr. Rio Z. Protacio 09067824564- Mr. Glennford N. Quinto

Grade 9 Advisers Grade 10 Advisers


09751067140- Miss Zyna Lyn Mondido 09266829343- Mr. Mark Joseph T. Reyes
09753066859- Miss Locsin Joy Saturno 09284321181- Mr. Ronie M. Antiza
09164751533- Mr. Ricardo S. Pancubila 09263146051- Mr. Danny C. Francisco
MGA KASAGUTAN

Mga Gawain
Kani-kaniyang sagot ang mga mag-aaral

Pagsusuri
Iba-iba ang sagot

You might also like