You are on page 1of 4

PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK

Sa ating pagbabasa, higit nating naiibigan ang isang babasahin kung madaling maunawaan ang mga
salitang ginamit ng may-akda sa babasahin. Ating tukuyin ang kahalagahan nito at ang pagsasagawa nang
mahusay na pagbabasa upang makapagsuri at manaliksik.

MAGTAMO NG KARUNUNGAN
Talasalitaan: verbo, Tore ng Babel, pagsusuri, pananaliksik, rejister ng wika

Ang Wika ng Pananatili

Walang bahid alinlangan na integral na bahagi ng tao ang wika. Gamit niya ito hindi lamang upang
mabuhay (to live) kundi maging upang makapanatili (to exist). Upang makapanatili, nanaliksik ang tao
gamit ang wika. Hindi nga ba’t Biblia ang nagsiwalat na mula sa “verbo” ay nagkabuhay at nalalang ang
lahat ng bagay? Wika ang ginamit ng Diyos na Naglalang nang likhain ang kalupaan at tubig sa pagitan ng
kalawakan kung kaya’t ang kawalan ay nagkahugis; ang liwanag at dilim na lumikha ng araw, buwan at taon;
ang hayop at halaman na kasangkapan sa pagpapatuloy ng sikulo ng buhay; at higit sa lahat, ng tao na
Kanyang hiningahan at siyang inatasang makapangyari sa lahat ng Kanyang Lalang. Bagamat walang
nakatitiyak kung paano nagsimula ang wika, hindi naman maitatatwa na sa Salita - sa Kanyang Salita –
nagmula ang lahat at nasiwalat ang talino ng kanyang mga Lalang.

Nakahihigit ang pag-ibig ng Diyos sa tao kaya’t nilikha Niyang nagtataglay ito ng maraming
katangiang higit sa mga hayop at iba pang nilalang. Isa sa mga katangiang ito ay ang makapagsalita na
nagagamit sa pakikipag-ugnayan sa kanyang kapwa. At sapagkat kaakibat ng pagkakalalang sa tao ay ang
damdamin, talino, pangarap at kalayaang magpasya, wika ang naging daluyan at simbulo ng mga kaisipang
ito. Sa wika nailarawan ang tagumpay at pagkabigo. Sa wika nasagot ang mga tanong at naipabatid ang
mga kaalaman. Sa wika nabusog ang kumakalam na tiyan. Sa wika idinikta ng mga pinuno ang kanilang
kapangyarihan at sinakop ang kanyang hangganan. Ika nga ng pilosopong Ingles na si Alfred North
Whitehead, ang wika ng lipunan ay nagpapakita ng kanyang kaisipan, ng salamin ng kanyang lahi, at ng
kanyang katauhan (235).

Kinasangkapan ng tao ang wika upang makipag-ugnayan sa kanyang kapwa. Ngunit kaiba sa hayop,
ang wika ng tao ay naituturo sa iba, may saklaw na lampas sa hangganan na kaya ng hayop; at higit sa lahat,
may taglay na kapangyarihang umangkop sa pangangailangan ng panahon upang maipagpatuloy ang
sibilisasyong pantao. Ika nga ni Salzman, ang wika ng tao ay may kapangyarihang taglay upang mapanatili
ang pakikipamamuhay sa mundo (11).

Ang wikang nauunawaan ay nagbubuklod ng lipunan, samantalang ang wikang nagdulot ng


kalituhan ay nagpabagsak sa tore ng Babel. At sapagkat ang tingting na nag-iisa ay higit pang magiging
malakas kung sama-sama, tulad ng bungkos ng walis na tingting na humawi ng dumi at nagpalitaw ng
kalinisan at kagandahan ng paligid, ang wikang unawa ng taong bumuklod dito ay may lakas na humawi ng
mga katanungan at magpalitaw ng mga kaalaman na magtuturo sa mga tao na gawing kapaki-pakinabang
ang biyayang nakapaligid. Ito ang dahilan kung bakit may mga katawagan at pangalan ang mga bagay-
bagay; mga pangalan at katawagang bubuklod upang magsilbing pagkakakilanlan. Ang kalipunang ito ng
mga katawagan ang wikang nagbubuklod sa sambayanan. Ang wikang ito rin ang daan upang may sistema,
may kaayusan, may daan sa pagpapaunlad at patuloy pang pagtuklas na maisasagawa sa pamamagitan ng
pagsusuri at pananaliksik.

Maliban sa kulay ng balat, buhok, at mata, pati na tangos ng ilong , ay wika ang pinakamabisang
simbolo ng pagkalahi. Dagdag sa identipikasyon ng pagkalahi, maging ang antas ng eduaksyon, ng kasarian,
ng edad, at ng propesyon, naididikta ng wika.

Ang mga kaaalamang tuklas ng tao ay may kaakibat na wika. Ang wika ang magsasalin ng talinong
kasangkapan upang makapanatiling buhay at nakikipamuhay sa patuloy na nagbabago at papaunlad o
papabulusok na sibilisasyon ng tao. Ibig sabihin, kung nagbabago ang paligid, nagbabago ang wika. Kung
namamatay ang taong gumagamit nito, namamatay rin ang wika; at upang patuloy na masisalin, kailangan
na patuloy itong maging repleksyon ng nakaraan, kumakatawan sa kasalukuyan, at magsisilbing pag-asa ng
hinaharap. Nananatili ang sibilisasyong pantao sapagkat nakaaalinsabay ang wikang gamit upang
makipagkomunikasyon di lamang sa kapwa tao, maging sa pisika at metapisikang nagpapaikot sa mundo.

Gawain:

1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:


a. Ano ang nais ipaunawa ng may akda sa pagsulat ng tekstong ito?

b. “Bagamat walang nakatitiyak kung paano nagsimula ang wika, hindi naman maitatatwa na sa
Salita - sa Kanyang Salita – nagmula ang lahat at nasiwalat ang talino ng kanyang mga Lalang”.
Ipaliwanag ang ibig sabihin nito ayon sa iyong paniniwala.

c. Bilang mag-aaral, paano mo maipakikita ang pagtangkilik at pagpapahalaga sa iyong


nakagisnang wika?

d. Kung ikaw ang tatanungin, marapat ba na ang wikang gagamitin tungkol sa gawaing
pagsasaliksik sa alinmang larangan ay wikang atin? Oo/Hindi. Pangatwiranan.
Ang Filipino Bilang Wika ng Pagsusuri at Pananaliksik
Ang wika, pasalita man o pasulat ay pinakamabisang hanguan ng kaalaman na maaaring
pagbatayan ng patutunguhang bukas. Ang taong may taglay na talion, damdamin at kaalaman ay
lagging nakatanaw sa hinaharap katuwang ang mga karanasan ng nakaraan at kasalukuyan.
Pruwebang di mapasusubalian ang kaloob ng mga wikang nakatala; repleksyon naman ang hiwatig
ng mga salitang nabibigkas. Sa mga ito umiinog ang pagsusuri at pananaliksik na nagsisiwalat ng
talion sa iba’t ibang larangan ng kaalaman – agham, inhinyerya at teknolohiya; humanidades,
sining at komunikasyon; pangangalakal o pagnenegosyo; edukasyon; at marami pang iba. Ang
wikang nagagamit bilang midyum ng pagtuturo at pagsusuri na humahantong sa pananaliksik ay
masasabing wikang nagging daluyan ng pagsusuri. Napakataas ng antas ng pagtingin na
ipinagkaloob sa wikang nagagamit di lamang upang ipahayag ang ekspresyon ng damdamin at
opinion kungdi higit, sa wikang gamit sa pagsusuri, pananaliksik na sa huli ay hahantong sa
pagtuklas at imbesyon. Wikang akademiko ang midyum sa mga aklat; ginamit ng mga siyentipiko,
guro, inhinyero, at iba pang propesyonal sa ispesipiko nilang larangan; gamit sa mga kapulungan,
pampublikong pagbigkas, pakikipanayam, at mga katulad.

Sa Pilipinas, ang Filipino na wikang Pambansa ay patunay sa pagtataglay ng Pilipino ng


isang wikang tagapagbuklod sa kabila ng magkakaibang wikang sinasalita sa bansa bunga ng
heograpikal, pulitika, ekonomikal at kultural na mga kadahilanan. Sa katunayan, inilahad ng isang
ulat ni Dr. Fe Aldave-Yap, dating director-heneral ng Komisyon sa Wikang Filipino na sa sarbey na
ginawa ng Ateneo De Manila noong 1989 ukol sa kasaklawan ng gamit ng Wikang Filipino ay 92%
ng populasyon ay nakauunawa ng Filipino; 88% ang nakababasa; 83% ang nakapagsasalita; at 82%
naman ang nakasusulat. Sa artikulo ring banggit ay sinabing may pagtanaw ang dating kalihim ng
Edukasyon, Andrew Gonzales na sa taong 2000 ay 98% na ang gumagamit ng Filipino sa pakikapag-
interaksyon. Maging ang resulta ng pag-aaral ng National Statistics Office ay nagsiwalat na ang
Filipino sa iba’t iba nitong barayti ay ang lingua franca na ng bansa (2006).

Patunay naman sa ganitong punto ang mga wikang gamit sa iba’t ibang larangan:
Sa larangan ng pamamahayag, brodkas man o panulat, hindi mapasusubalian na bukod sa
mga pangunahing wika (Ilocano, Kapampangan, Pangasinense, Tagalog, Bicolano, Hiligaynon,
Waray, Cebuano, Maranao o Maguindanaon) dagdag pa ang mga wika ng pook, gamit rin ang
Filipino upang mailahad ang talino at kulturang Pilipino.

Kung pagtutuunan ng pansin ang pagsasaere ng mga palabas sa mga pangunahing tsanel ng
telebisyon sa bansa, mapatutunayang nakalalamang na ang mga palabas na nasa wikang
Pambansa at iba pang local na wika. Serye man ang palabas o tapusan, mapapelikula o variety
shows, komedya man o drama, mga pampublikong impormasyon man at dokumentaryo, napag-
uusapan ito nang may lalim, linaw, talino at komprehensibo sa Filipino at iba pang mga wikang
gamit sa bansa. Sana ay malapit na ang panahong sapitin natin na sa iba’t ibang disiplina ng pag-
aaral ay higit na mataas ang pagtingin sa sariling wika. Na gaya nang sa midya, upang mapataas
ang rating ng anumang palabas, isinasaalang-alang na ang paggamit ng wikang naiintindihan ng
nakararami. Nakatutuwang -isipin na itina-Tagalize o isinasalin na sa iba pang wika sa Pilipinas ang
mga palabas na dait’y hinahayaang maiere sa wikang banyaga. Maging ang mga dila ng mga
brodkaster at host sa iba’t ibang palabas (kahit pa tabi-tabingi ang pagbigkas – Pilipino man o
banyaga), ay sa Filipino o mga wika ng pook na sinasanay.

Kung dati ang mga istasyong panradyo na nasa AM (amplitude modulation) lamang ang
gumagamit ng Filipino at mga pangunahing wika, ngayon, maging sa mga istasyong FM (frequency
modulation) ay Filipino at mga pangunahing wika na rin ang gamit.

Higit na mabili ang mga diyaryong tabloid kaysa broadsheet hindi lamang dahil sa mas
mura ito, kundi dahil masang-masa ang gamit na wika sa mga tabloid.

Sa internet, gamiting-gamitin ang mga translation engine sapagkat ang hinahanap na rin ng
mga internet user ay wikang gagap at higit na nauunawaan. Bagamat ang mga impormasyong
banyaga ay isinulat sa wikang banyaga, kung susuriin ang mga tugong opinion at haing kaalaman
sa mga blog na Pilipino ang may gawa, masasabing Filipino at mga pangunahing wika pa rin ng
bansa ang higit na gamit.

Ang mga senaryong nabaggit ay patunay na ang Filipino ay handang-handa na sa larangang


akademiko at propesyonal, samantalang ang mga pangunahing wika ay humuhugis na rin ng
landas tungo sa ganito ring kalagayan. Hindi mapasusubalian ang ganito sa pasalitang gamit ng
wika, ngunit hindi pa sa kalagayang pasulat. Ito’y dahil marami pa rin ang naniniwalang sa
banyagang wika nararapat isulat ng mga Pilipino ang sariling pananaliksik, aklat sa siyensiya at
matematika at maging sa teknolohiya. Sa tagal na rin naman ng panahon na nagbukod-bukod ang
mga Pilipino dahil sa mga unang wikang tulay ng unawaan sa kabila ng pagkakaiba-iba. Nawa ay
matulungan natin ang Filipino at mga wika sa Pilipinas na tangkilikin bilang wika sa antas na
pasulat. Maging kaisa tayo sa pagsisikap na ang mga wikang sariling atin ay palakasin, gamitin sa
pagsulat ng pananaliksik at mga aklat di lamang sa larangan ng sining at humanidades kundi
maging sa larangan ng teknolohiya, matematika at siyensiya.

Gawain:

1. Gumawa ng buod ng mga mahahalagang iyong natutunan mula sa tekstong ito.


2. Sagutin: Ikaw ba ay sumasang-ayon sa mga kaisipang inihayag ng may akda? Bakit?
Pangatwiranan.

You might also like