You are on page 1of 30

Republic of the Philippines

DEPARTMENT OF EDUCATION
Region I
San Fernando City
La Union

ACTIVITY SHEETS SA FILIPINO SA PILING


LARANG (AKADEMIK) IKA-11 BAITANG
KUWARTER 1, LINGGO 7-8

MELC: Nakasusulat ng talumpati batay sa napakinggang halimbawa.


CS_FA11/12PN-0g-i-91

Mga Layunin sa Pagkatuto:


1. Nalilinang ang kakayahang makinig nang may pang-unawa sa napakinggang
teksto.
2. Nakabubuo ng masining na halimbawa ng talumpati.
3. Nasusunod nang mataman ang mga hakbangin sa pagsulat ng talumpati.
4. Napagtitibay ang kaalaman sa pagsulat ng talumpati. (CS_FA11/12PN-0g-i-91).

Inihanda ni:

SIONY L. ARCANGEL
SHS Guro II
Pangalan: ___________________________________________ Petsa: _____________
Baitang/Pangkat: _____________________________________ Iskor: _____________

Pamagat ng Gawain: Wikang Pambansa ay Pagyamanin

Most Essential Learning Competency: Nakasusulat ng talumpati batay sa


napakinggang halimbawa. CS_FA11/12PN-0g-i-91

Panuto: Pakiusapan ang kamag-anak/kaibigan upang basahin ang nakalakip na


talumpati ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos tungkol sa pagbubukas ng
Linggo ng Wikang Pambansa. Makinig nang mabuti sa magbabasa, at
pagkatapos ay gumawa ng sariling bersyon ng talumpati batay sa napakinggang
halimbawa.
Gumamit ng ibang papel sa pagsulat. (50 puntos)

ANG KAUNLARAN NG WIKANG PILIPINO


Talumpati ni
Kagalang-galang na Ferdinand E. Marcos
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagbubukas ng Linggo ng Wikang Pilipino ng Surian ng Wikang Pambansa
Inihayag noong Ika-13 ng Agosto, 1968

Ukol sa pagdiriwang natin ng Linggo ng Wika ay nais kong ikuwento sa inyo ang
nangyari sa isa nating kababayang Pampanggo nang pumarito siya sa Malakanyang
kamakailan.
Dalawang linggo bago sumapit ang takdang araw ng pagparito niya, ang kababayan
nating Pampanggo ay nagpasiyang mag-aral ng wikang Ilokano. Dahil sa ako ay Ilokano,
ipinalagay niya na makatutulong ang wikang Ilocano sa kanya sa pakikipag-usap sa akin at sa
mga tanod at katulong dito sa Palasyo ng Bayan.
Ganyan daw ang paniniwala niya, ayon sa kababayan nating Pampanggo, dahil noong
araw kung ano ang kinagisnang wika ng Pangulo ay iyon ang wikang umiiral sa
Malakanyang.
Dumating ang takdang araw ng pakikipagkita sa akin ng kababayan nating Pampanggo at
siya nga ay naparito.
Ang unang tanod ng Palasyo na kanyang nasalubong ay binati niya sa wikang
Ilokano, ngunit hindi siya pinansin. Isa pang tanod and binati niya sa wikang Ilokano, ngunit
hindi rin siya pinansin. Kaya, sumaisip tuloy niya na mga bastos at walang pinag-aralan ang
mga tanod sa Malakanyang ngayon.
Ngunit nangamba rin siya na baka ang pagbigkas niya ng Ilokano ang dahilan ng
hindi pagpansin sa kanya. Kaya, marahan at maliwanag niyang inulit ang kanyang pagbati sa
sumunod na tanod. Ngunit sa halip na sagutin siya sa Ilokano, ang tanod ay humingi ng
paumanhin sa wikang Pilipino at magalang na nagtanong kung ano ang lakad ng kababayan
nating Pampanggo sa Malakanyang. Napilitan tuloy ang Pampanggo na magsalita sa Pilipino
at nagkaunawaan ang dalawa.
Umakyat sa Palasyo ang kababayan nating Pampanggo. Samantalang naghihintay,ng
kanyang takdang oras na makipagkita sa akin, ipinasiya niyang makipag-usap sa wikang
Ilokano sa aking mga katulong.
Ngunit gayon na lamang ang kanyang pagkamangha dahil sa ni isa ay walang
marunong ng Ilokano sa mga katulong na nakausap niya. Lumigid siya sa buong bulwagan at
pinakinggan niya kung ano ang wikang ginagamit sa mga usap-usapan at natuklasan niya na
kung hindi wikang Pilipino ay Ingles ang ginagamit. Walang nag-uusap sa wikang Ilokano
doon.
Nang pumasok siya sa aking tanggapan ay binati niya kaagad ako sa wikang Ilokano.
Ngunit dahil sa alam ko na isa siyang Pampanggo ay sinagot ko siya sa wikang Pilipino. At
pabiro ko pang sinabi na sa Pilipino na kami mag-usap at baka maubusan siya sa Ilokano. At
sa wikang Pilipino nga kami nag-usap.
Bukod sa Pilipino ang wikang umiiral sa Malakanyang sa ilalim ng kasalukuyang
pangasiwaan, sa halip na ang wikang kinagisnan ng Pangulo o ang kinagisnan ng Unang
Ginang tulad ng kinagawian sa Malakanyang ng nakaraang panahon, ay patuloy na
gumagawa ngayon ang pamahalaan ng mga hakbang tungo sa ganap na pagsulong at pag-iral
ng wikang pambansa sa buong kapuluan.
Ang isa sa mga hakbang na ito ay ang pagsasalin sa Pilipino ng panunumpa sa
tungkulin sa pamahalaan. Dahil dito, buhat sa Pangulo ng Pilipinas hanggang sa
pinakamababang kawani ng pamahalaan na kailangang manumpa sa tungkulin ay nanunumpa
ngayon sa Pilipino sa halip na sa wikang Ingles o Kastila. Naniniwala ako na ang Pilipino ay
siyang wikang dapat gamitin sa panunumpa sa tungkulin sa pamahalaan dahil sa ito ang
wikang taal sa ating bansa, dahil sa ito ang wikang ganap nating nauunawaan, dahil sa ang
wikang ito ay naglalagos sa ating puso at kaluluwa.
Ang isa pa sa mga hakbang na ginawa ko ay ang pagsasalin sa Pilipino ng bahagi ng
Pangulo sa seremonya sa pagtanggap ng mga sugo ng ibang bansa dito sa atin, tulad ng mga
embahador, ministro at iba pa. Ang paggamit ng Pangulo ng Pilipinas ng wikang Pilipino sa
pagtanggap ng mga kinatawan o sugo ng ibang bansa ay nagpapakilala ng ating
pagpapahalaga sa ating wikang pambansa.
Ngunit hindi lamang sa mga seremonya ginagamit ngayon ang wikang Pilipino. Sa
lahat ng sandali na sa aking palagay ay lalong angkop at lalong mabisa ang paggamit ng
wikang Pilipino, ang wikang ito ang aking ginagamit.
Ang wikang Pilipino ay ginamit din ng ating delegation sa nakaraang kapulungan ng
International Labor Organization sa Geneva. Sa pamamagitan ng wikang Pilipino ay nailahad
ng ating delegasyon sa kapulungang pandaigdig ang paninindigan ng Pilipinas ukol sa mga
isyong pinag-uusapan doon. Isa pa itong patotoo na ang wikang Pilipino ay mabisa at
marangal, na hindi tayo magsisisi sa ating hangad na pagyamanin at pairalin ang wikang ito
sa buong bansa.
Sa araw na ito ay binabati ko ang Surian ng Inang Wika sa kanyang mga nagawa na,
ginagawa at gagawin pa tungo sa pagpapayaman at pagpapalaganap ng wikang pambansa
Binabati ko rin ang lahat ng guro ng wikang pambansa na siyang walang pagod na
nagmumulat, sa araw-araw na ginawa ng Diyos, sa isipan ng ating mga kabataan tungo sa
pagyakap at paggamit sa wikang Pilipino. Ang mga gurong ito ng ating bansa ang siyang
tunay na sandigan ng pagsulong ng wikang Pilipino.
Inaasahan ko na sa pamamagitan ng pagtutulong-tulong natin ay hindi na malayo ang
pagdating ng araw na maaari na nating itigil ang kampanya sa pagpapairal ng wikang
pambansa. Ang totoo dahan-dahan nang nararamdaman ng marami sa atin, kasama na ang
mga pulitiko, mga mangangalakal at mga lider sibiko, na ang wikang Pilipino ay kailangan
nila sa mabisang pagganap ng kani-kanilang mga tungkulin. Darating ang araw, at iyan ay di
na malayo, na hindi na natin kailangan na himukin ang sinuman gumamit ng wikang Pilipino.
Sila na rin sa kanilang sarili ang magsusumikap na matuto at gumamit nito dahil sa ang
paggamit ng wikang Pilipino ay mahalaga para sa kanila.
Isa sa mga pangunahing adhikain ng pangasiwaan ko ang padaliin ang pagsapit ng
araw na iyan.
Salamat po.
Pangalan: ___________________________________________ Petsa: _____________
Baitang/Pangkat: _____________________________________ Iskor: _____________

Pamagat ng Gawain: Alin sa Dalawa?

Most Essential Learning Competency: Nakasusulat ng talumpati batay sa


napakinggang halimbawa. CS_FA11/12PN-0g-i-91

Panuto: I-click ang link na https://www.youtube.com/watch?


v=gmIqD7-E8N0 at panoorin o pakinggang mabuti ang talumpati
tungkol sa “Pag-ibig: Inspirasyon o Destraksyon? Sumulat ng sariling
bersyon tungkol dito. Gumamit ng ibang papel
sa pagsulat. (50 puntos)
Pangalan: ___________________________________________ Petsa: _____________
Baitang/Pangkat: _____________________________________ Iskor: _____________

Pamagat ng Gawain: Ano ang Iyong Masasabi?

Most Essential Learning Competency: Nakasusulat ng talumpati batay sa


napakinggang halimbawa. CS_FA11/12PN-0g-i-91

Panuto: Pakiusapan ang isang kamag-anak/kaibigan upang basahin ang


nakalakip na talumpati. Makinig nang mabuti sa magbabasa, at pagkatapos ay
gumawa ng sariling bersyon ng talumpati batay sa napakinggang halimbawa.
Gumamit ng ibang papel sa pagsulat. (50 puntos)

Relasyon o Pamilya?
Talumpati ni Marianne Sayson

Marami sa atin ang nag-aasawa ng maaga dahil sa pagkabuntis ng maaga. Hindi man
ako Isa sa kanila, ngunit marami pa ring pinipili ang relasyon. Sa ating kababaihan, ano ang
mas mahalaga, relasyon o pamilya?
Sa ating kalalakihan, ano ang mas mahalaga, katawan o panahon?
Ating pag-isipan. Kung pipiliin natin ang relasyon sa maling panahon, masama ang
idinudulot. Hindi lang masama, marami pang problema ang dumadating. Iyan ang dahilan
kung bakit marami sa atin ang nagpapakamatay, naghihirap at gumagawa na masasama. Sa
maagang mag-asawa, ituro nyo sana sa inyong mga anak ang tama at hindi ang gawing
kinalakhan nyo.
Ako man ay isang lalaki o babae, nasa panahon pa rin ang pag-ibig. Hindi sinasabing bawal
umibig, kundi sa oras at panahon ang magtuturo sa atin kung kailan tayo dapat mag-asawa at
magkaroon ng karelasyon. Ating bulay-bulayin, “Ito na ba ang oras o panahon para ipasok ko
ang ganitong relasyon? May problema ba ang susunod kapag ginawa ko ito? Bakit ako
prinoprotektahan ng magulang ko na dapat sa pagtapos ko ng pag-aaral at magtrabaho bago
pumasok sa alinmang relasyon sa di-kasekso?” Hindi rin naman masamang humanga. Ako
nga ay marami nang hinahangaan kahit isang estudyante pa lamang ako.
Ang maagang pagrerelasyon iyon man ay mabuti o masama, dapat ginagawa muna
ang mas makakabuting misyon sa ating buhay.
Kung pagpipiliin ako kung relasyon o pamilya, mas pipiliin ko ang pamilya. Bakit?
Mas alam nila ang makakabuti sa atin.
Sa atin ngayon, lumalago ang populasyon pero ang lupa ay lumiliit. Tandaan, kung
may pok may pak. Alam na ibig sabihin.
Papipiliin ko kayo, kayong lahat na pumasok o papasok pa lang sa relasyon, ano ang
mas mahalaga sa iyo, ang relasyon o pamilya? Relasyon o kaibigan? Relasyon o misyon?
Relasyon o edukasyon? Relasyon o sarili? Relasyon o gampanin? Inuulit ko, ngayon pa
lamang.. Ang maagang pakikipagrelasyon ay ibig sabihin ay handa ka nang mag-asawa.
Tayo ay may limitasyon. Limitasyon sa lahat ng bagay. Isipin din ito, ibinigay ng Diyos hindi
para abusuhin kundi gamitin sa tama. Lahat sa atin ay madalas sumasalungat sa ganitong
pamantayan.
Tanungin muli ang sarili, “Makikipagrelasyon ba ako para lamang sumaya?,” hindi
lahat ng relasyon ay laro. Ako ay nalulungkot dahil sa ganitong problema. Na sana ay isipin
muna kung ano ba ang dapat pagpasyahan. Humingi ng tulong sa mas napagtitiwalaan mo
gaya ng pamilya, kamag-anak o kaibigan na syang matapat sa iyo. Mas sasaya pa sana kung
may panahon ang relasyon.
Ito ang tatlong pamantayan: ang paghanga ay ang bagay na nakikita mo gaya ng
hitsura at kilos nya. Ang pagkahibang ay isang uri ng damdamin na inaakalang pag-ibig na.
Huwag paliligaw, mawawala na lang bigla ang ganitong damdamin at malilipat sa iba. Tunay
na Pag-ibig- isang uri ng pagmamahalan ayon sa nalalaman mo sa kanya.
Tandaan, panahon at oras ang magtuturo at maggagabay sa atin.
Pangalan: ___________________________________________ Petsa: _____________
Baitang/Pangkat: _____________________________________ Iskor: _____________

Pamagat ng Gawain: Mangarap Ka!

Most Essential Learning Competency: Nakasusulat ng talumpati batay sa


napakinggang halimbawa. CS_FA11/12PN-0g-i-91

Panuto: Pakiusapan ang isang kamag-anak/kaibigan upang basahin ang


nakalakip na talumpati tungkol sa pagtatapos. Makinig nang maigi sa
magbabasa at sumulat ng sariling bersyon ng talumpati batay sa napakinggang
halimbawa. Gumamit ng ibang papel sa pagsulat. (50 puntos)

Talumpati ng Pagtatapos

Ang bawat kabanata ng pagtatapos ng isang mag-aaral ay hudyat ng panibagong


pakikipagsapalaran at umipsa ng mas malaking hamon sa tunay na laban sa buhay.
Isa sa mga pinakaasam-asam ng isang mag-aaral ay ang araw ng kanyang pagtatapos.
Ito ang araw na hindi lang tayo ang naghihintay na sumapit, bagkus ay kasama ang mga
mahal sa buhay.
Dito nagkakaroon ng tuldok ang ating mga mahahabang litanya tungkol sa hirap ng
lahat ng ating pinagdaanan habang tayo ay mga estudyante pa lamang.
Mula sa pagiging mga ordinaryong mag-aaral ay ganap na kayong mga “graduate”
ngayon. Ang kasalungat ng salitang pagtatapos ay umpisa. Umpisa o simula ng panibagong
yugto ng mas mapaghamong uri ng buhay.
Ang ating buhay na nasanay sa apat na sulok ng silid aralan ay iba na ngayon.
Malawak na ang uri ng mundo na ating ginagalawan.
Kaakibat nito ay ang mga malalaking obligasyon at mga responsibilidad na nakatang
na sa ating mga balikat. Dito na natin tunay na maiintindihan ang tunay na kahulugan ng
salitang buhay.
Walang silbi ang lahat ng ating mga parangal at mga gawad na natanggap mula sa ating
pagtatapos kung hindi natin ito lubusang magagamit.
Ang mga diploma at mga matataas na grado ay magsisilbing mga palamuti lamang
kung hindi natin ito magagamit ng may kabuluhan.
Alalahanin natin na sa kabila ng hirap ng ating mga magulang ay pilit nila tayong
iginapang at itinaguyod para lamang makatapos tayo sa ating pag-aaral.
Ang karangalan sa pagtatapos ay regalo natin sa ating mga magulang. Ngunit ang
kapakinabangan ng ating pag-aaral ay para sa ating mga kinabukasan.
Ang pagtatapos sa ating mga kurso ay ang umpisa ng ating unti-unting pagtayo sa
ating mga sariling mga paa.
Umpisa ng pag-abot ng ating mga munti at malalaking pangarap at paghahanda sa
ating mga sarili para sa mapaghamong paglalakbay sa totoong kahulugan ng buhay.
Pangalan: ___________________________________________ Petsa: _____________
Baitang/Pangkat: _____________________________________ Iskor: _____________

Pamagat ng Gawain: Pamilya ang Una!

Most Essential Learning Competency: Nakasusulat ng talumpati batay sa


napakinggang halimbawa. CS_FA11/12PN-0g-i-91

Panuto: Pakiusapan ang isang kamag-anak/kaibigan upang basahin ang


nakalakip na talumpati. Makinig nang mabuti sa magbabasa, at pagkatapos ay
gumawa ng sariling bersyon ng talumpati batay sa napakinggang halimbawa.
Gumamit ng ibang papel sa pagsulat. (50 puntos)

Talumpati Tungkol sa Pamilya

Sa anumang oras ng pangangailangan, anumang hidwaan at hindi pagkakaunawaan


mayroon tayo, sa hulit-huli ang pamilya pa rin ang ating natatanging kanlungan sa buhay.
Tayo bilang isa sa mga bansang nabibilang sa Asya ay may kaugalian at kulturang
kinagisnan na may malapit na ugnayan sa bawat miyembro ng ating mga pamilya.
Hindi bago sa atin na nakakakita tayo ng mga uri ng pamilya sa ating lugar na kung
saan ay halos lahat hanggang sa mga lolo, lola at mga tiyahin at iba pang kasapi ng pamilya
ay kasama sa loob ng isang maliit na tahanan.
Hindi natin iniinda kahit na maliit ang tirahan at nagsisiksikan, ang mahalaga ay buo
at masaya ang pamilya. Ganyan ang buhay pamilya nating mga Pilipino.
Ang ganitong uri ng sistema minsan ay may naidudulot na kabutihan, minsan naman
ay may hindi magandang dulot. Maganda sa tanang, nakakabuo ito ng mahigpit na samahan
at pagkakabuklod-buklod ng bawat isa.
Pero ang ganitong uri ng samahan minsan ay nagdudulot ng pagiging pala-asa ng mga
iba. Hindi tayo matututo na tumayo sa ating mga sariling paa. Habang buhay tayong aasa sa
lakas at tulong ng mga mahal natin sa buhay.
Ang pagkakaroon ng pamilya lalo na sa mga bago pa lamang ay hindi gawaing biro at
laru–laro lamang. Kaakibat nito ay ang napakalaking obligasyon na nakaatang sa ating mga
balikat.
Lalo na kapag may mga anak na tayo na umaasa sa atin. Ang pagpasok sa estadong
ito ng buhay ay dapat na masusing pinag-hahandaan. Handa tayo dapat sa aspetong pang-
pinansiyal at ganun rin sa emosyonal.
Walang kasing saya ang pakiramdam ng may pamilyang sarili na maituturing at
maipagmamalaki mo sa buhay. Kayamanang tunay kung ito ay sabihin ng mga nakatatanda.
Ang pamilya na kahit ano pa mang uri ng bagyo ang pagdadaanan, ang samahan ay
pansamantalang mabubuwag ngunit kusa pa rin itong mabubuo dahil sa masidhing
pagmamahalan ng bawat isa.
Pangalan: ___________________________________________ Petsa: _____________
Baitang/Pangkat: _____________________________________ Iskor: _____________

Pamagat ng Gawain: Kaya Natin Ito!

Most Essential Learning Competency: Nakasusulat ng talumpati batay sa


napakinggang halimbawa. CS_FA11/12PN-0g-i-91

Panuto: I-click ang link na https://www.youtube.com/watch?


v=3MoDz_I6k6g at panoorin o pakinggang mabuti ang video clip tungkol sa
talumpati ng kahirapan. Sumulat ng sariling bersyon ng talumpati batay sa
napakinggan. Gumamit ng ibang papel sa pagsulat. (50 puntos)
Pangalan: ___________________________________________ Petsa: _____________
Baitang/Pangkat: _____________________________________ Iskor: _____________

Pamagat ng Gawain: Wika Mo, Gamitin Mo!

Most Essential Learning Competency: Nakasusulat ng talumpati batay sa


napakinggang halimbawa. CS_FA11/12PN-0g-i-91

Panuto: Pakiusapan ang isang kamag-anak/kaibigan upang basahin ang


nakalakip na talumpati tungkol sa wika. Makinig nang mabuti sa magbabasa, at
sumulat ng sariling bersyon ng talumpati batay sa napakinggang halimbawa.
Gumamit ng ibang papel sa pagsulat. (50 puntos)

Talumpati Tungkol sa Wika

Bago pa man dumating ang mga pinakaunang mananakop sa ating bansa, tayo ay likas
ng mayaman sa kultura ng wika. Ang ating bansa ay isang kapuluan na nahahati sa labing-
walong rehiyon, walompu’t isang probinsiya, isang daan at apatnapu’t limang siyudad at libu-
libong maliliit na sangay ng komunidad.
Ito ang kadahilanan kung bakit tayo ay may maraming uri ng wika at dayalektong
ginagamit sa ating pamumuhay.
Sa bawat kasaysayan ng isang bansa, isa ang wika sa may pinakamahalagang
ginagampanan sa buhay ng bawat indibidwal. Nabibilang ang ating bansa sa may mga
maraming etnolinggwistikong grupo. Samu’t-sari rin ang ating lenggwahe at dayalektong
ginagamit.
Idagdag pa natin ang mga global na wika na ating natutunan sa ating mga kaibigang
dayuhan, pati na rin ang mga namana natin sa mga mananakop tulad ng Espanyol. Ang wika
ay nagbibigay ng pagkakaisa ngunit kung minsan naman ay ang hindi pagkakaunawaan.
Sa dami ng wika na ating ginagamit, hatid nito ay kalituhan. Ibang lugar, iba ang
lenggwahe, at ibang uri ng lahi, iba rin ang wikang gamit. Dahil sa suliraning ito ng di
pagkakaunawaan, isinabatas at iprinoklama ng noo’y Presidente na si Manuel Luis Quezon
ang pagkakaroon ng wikang Pilipino bilang ating wikang pambansa. Mula noon ay
binansagan na siya na ama ng wikang pambansa.
Napakahalaga ng wika sa kasaysayan at kultura ng bawat lugar. Ito ang ating gabay sa
pakikipagtalastasan, sa pagpapahayag ng ating mga damdamin, ekspresyon, ideya, mga
pananaw at opinyon, wika ang ating gamit. Sa pamamagitan nito malinaw nating
naipaparating ang ating mga mensahe, sa panulat man o sa pananalita.
Sa paglinang at paghubog ng ating pagkatao at kaisipan, wika rin ang instrumentong
gamit sa anumang uri at antas ng paaralan. Magmula sa ating simpleng abakada hanggang sa
pagtatapos ng ating mga propesyon, wika ang tanging gabay at naging patnubay ng ating mga
guro.
Sa gitna ng anumang sigalot, away at maging sa digmaan, wika ang pinakamalakas na
sandata. Sa mga lugar na kung saan may bangayan at gusot, wika ang ating gamit
pangpakalma ng sitwasyon at susi sa pagkikipagnegosasyon. Lahat ay nadadaan sa
mahinahon at mabuting pakiusapan kapag tamang salita o wika ang ginagamit.
Maging sa mga pinakamataas na lider ng ating lipunan wika rin ang kanilang kalansag
at sandata sa pagpapahupa ng anumang tensiyon sa kanilang kapwa lider o maging sa mga
tagasunod. Gamit ang wika, mas malaki ang tsansa na nagkakabuklod-buklod ang mga
nagkakawatak-watak.
Dahil sa wika ay nalalaman ng bawat indibidwal ang ating pinanggalingan at kung
saan pa ang tatahakin sa ating hinaharap. Sadyang napakakapangyarihan ang wika.
Instrumento ito sa pagkakalat, paglilimbag at paglalathala ng anumang uri ng babasahin.
Lumipas man ang iba’t-ibang uri ng henerasyon, at kahit mawala pa ang ibang wika
sa ating sirkulasyon, walang detalye ang makakaligtaan at habang buhay na magiging parte
ng ating historya gamit ang wika. Sa panulat man o sa pananalita parehong mahalaga ang
wika. Kung hindi man maisulat ng lapis sa papel ay maaari namang mabigkas ng bibig.
Mula sa kamusmusan, pagkamulat ng ating kaisipan at hanggang sa ating pagtanda
habang buhay nating magiging instrumento, gabay, kalasag at sandata ang ating wika. Lilipas
man ang mga makalupang panahon at iba pang salik lahi, ang wika ay mananatili pa rin.
Sa pagdating sana ng mga modernong kaalaman at kagamitan, isabay din natin ang
pagtaas ng ating kalinangan at kaisipan sa pag-aaral sa ating sarilng wika. Tumulong tayo sa
pagpanatili nito at huwag nating hayaan ang unti-unti nitong pagkawala o pagkaluma sa
sirkulasyon ng iba pang mga wika.
Hikayatin natin ang bawat kabataan at mamamayan na bigyan ito ng pagpapahalaga at
respeto. Gamitin natin ito ng may buong puso at pagmamalaki. Dahil saang dako ka man ng
mundo mapadpad, ito ang iyong magiging tatak at sagisag bilang isang tunay na Pilipino.
Pangalan: ___________________________________________ Petsa: _____________
Baitang/Pangkat: _____________________________________ Iskor: _____________

Pamagat ng Gawain: Galing ng Filipino!

Most Essential Learning Competency: Nakasusulat ng talumpati batay sa


napakinggang halimbawa. CS_FA11/12PN-0g-i-91

Panuto: I-click ang link na https://www.youtube.com/watch?v=mrValIXlds4 at


panoorin o pakinggang mabuti ang talumpati ng dating senador na si Gng.
Miriam Defensor Santiago. Sumulat ng sariling bersyon ng talumpati batay sa
napakinggang halimbawa. Gumamit ng ibang papel sa pagsulat. (50 puntos)
Pangalan: ___________________________________________ Petsa: _____________
Baitang/Pangkat: _____________________________________ Iskor: _____________

Pamagat ng Gawain: Wika, Yaman ng Bansa.

Most Essential Learning Competency: Nakasusulat ng talumpati batay sa


napakinggang halimbawa. CS_FA11/12PN-0g-i-91

Panuto: Pakiusapan ang isang kamag-anak/kaibigan upang basahin ang


nakalakip na talumpati tungkol sa wika. Makinig nang mabuti sa magbabasa, at
sumulat ng sariling bersyon ng talumpati batay sa napakinggang halimbawa.
Gumamit ng ibang papel sa pagsulat. (50 puntos)

Talumpati Tungkol Sa Wika

Naiisip mo ba ang mundo nang walang salita? Magkakaunawaan kaya nang lubos ang
mga tao kung puro kilos ang tanging gagawin upang makipagtalastasan sa kapwa? Ito ang
kahalagahan ng wika. Mas madali ang pagpapahayag ng damdamin at kaisipan kung
mayroong wika at mga salita.
Dahil dito, itinuturing na yaman ng isang bansa ang wika nito. Nagsisilbi kasing
pagkakakilanlan ng isang bansa ang wika. Batid na ng isang tao kung saan nakatira ang isang
mamamayan dahil sa wikang sinasalita nito.
Yaman din ng isang bansa ang wika dahil nagiging tulay ito sa mabisang
pagkakaunawaan ng mga mamamayan. Kapag mayroong maayos na ugnayan ang bawat tao,
ay mas malaki ang pagkatataon na umunlad ang ekonomiya nito. Kapag gumanda ang
ekonomiya, gaganda rin ang pamumuhay ng bawat bahagi ng lipunan.
Ngunit sa paglipas ng panahon, tila nawawalan na ng halaga ang wika lalo na sa mga
mamamayan ng isang bansa. Nakalilimutan ang wikang Pambansa dahil mas sinusuportahan
na ng iba ang wikang banyaga.
Katulad ng kalagayan ng wika sa Pilipinas. Maraming Pilipino ang mas bihasa pang
gumamit ng wikang English kaysa sa Filipino. Mas binibigyang pansin ang asignaturang ito
kaysa sa pagpapahalaga sa wikang Filipino.
Nang lumaganap naman ang kulturang Koreano sa Pilipinas, marami naman ngayon
ang nais matuto ng wika nila. Dahil marami ang nahuhumaling sa mga musika at panooring
Koreano, nais nilang matuto ng wika kahit hindi pa rin sila ganoon kabihasa sa mismong
balarila ng wikang Filipino.
Hindi naman masamang yumakap ng ibang kultura at makita ang kagandahan nito.
Ngunit hindi rin naman dapat kalimutan ang sarili nating wika. Mas maganda pa ring unahing
tuklasin ang hiwaga ng ating wika dahil bahagi ito ng iyong pagkakakilanlan.
Masarap sa pakiramdam na maging bihasa sa mga bagay na sariling atin. Mas
malalaman mo kung saan ka nagmula, kabilang ang hiwaga at yaman ng wikang Filipino at
iba pang mga katutubong wika.
Pangalan: ___________________________________________ Petsa: _____________
Baitang/Pangkat: _____________________________________ Iskor: _____________

Pamagat ng Gawain: Tuwid na Katuwiran!

Most Essential Learning Competency: Nakasusulat ng talumpati batay sa


napakinggang halimbawa. CS_FA11/12PN-0g-i-91

Panuto: Pakiusapan ang isang kamag-anak/kaibigan upang basahin ang nakalakip


na talumpati ng dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III. Makinig nang
mabuti sa magbabasa, at pagkatapos ay gumawa ng sariling bersyon ng talumpati
batay sa napakinggang halimbawa. Gumamit ng ibang papel sa pagsulat. (50
puntos)

Tuwid na Landas ang Tinahak ni Rizal


Binigkas sa pagdiriwang ng Ika – 150 Anibersaryo ng Kapanganakan ni Jose Rizal
Inihayag sa Calamba, Laguna noong ika-19 ng Hunyo 2011
Pangulong Benigno Simeon Aquino III

Nagsimula ang kuwento ni Rizal hindi sa kanyang kapanganakan, kundi sa mga


pangarap ng kanyang mga magulang na bigyan ng maginhawang buhay ang kanilang
pamilya. Bago pa man italaga sa kanila ang apelyidong Rizal, tumungo ang mag-asawang
Mercado dito sa Calamba upang itaguyod ang kanilang tahanan at sakahin ang lupaing
ipinaupa sa kanila ng mga Dominikano.
Gawa na rin ng pagsusumikap, naabot ng mga Mercado-Rizal ang kanilang mga
mithiin. Isinilang po si Jose Protacio Rizal sa isang bahay na bato, na bibihira noong mga
panahong iyon. ‘Di tulad ng marami sa ilalim ng rehimeng Kastila, lumaki siyang nakakakain
ng masasarap na pagkain, nakatira sa isang tahanang hindi natatangay ng bagyo ang mga
pader at bubong, at nakapag-aaral sa mga tanyag na paaralan.
Ngunit ang kanilang marangyang pamumuhay ay hindi po nagtagal. Labing-isang
taong gulang si Rizal nang dakpin ang kanyang ina, palakarin ng limampung kilometro
patungong Sta. Cruz, at itapon sa bilangguan. Wala po siyang naging sala, napag-initan lang
ng isang alkaldeng sinasabing alipores ng mga prayle. Hindi pa dito natapos ang kalbaryo ng
kanilang pamilya. Di nagtagal, nagsimula na rin ang pagsamsam ng mga prayle sa mga lupain
at ilang ari-arian ng mga Mercado-Rizal.
At kung sa may-kayang pamilya, nagagawa ng mga nasa katungkulan ang ganitong
kalupitan, paano pa kaya ang mga Pilipinong sa kubo lamang nakatira? O ang mga pamilyang
ni hindi makapag-paaral ng kanilang mga anak? Silang mga nakuntento na sa bansag na
Indio; silang yumuyukod sa pagdaan ng prayle o guwardya sibil; silang mga kayumangging
nakayapak na kinukutya ng mga de-kalesang Kastila.
Marahil, ang ganitong mga sitwasyon ng kawalang-katarungan ang unang gumising
sa malay at damdamin ni Jose Rizal: May mali sa lipunang kanyang kinabibilangan; may
ilang nasanay na sa baluktot na utos at panlalamang ng mga nasa kapangyarihan; at may mga
Pilipinong tila manhid at bulag na sa kanilang pagiging alipin at sunud-sunuran.
Humarap din sa sangandaan si Jose Rizal: sa isang banda, maaari niyang huwag
pansinin ang mga nangyayari sa kaniyang paligid. Puwede niyang gamitin ang mga pinag-
aralan niya sa iba’t ibang pamantasan sa Maynila at sa ibang bansa para magpayaman at
maghanap ng magandang mapapangasawa. Maaari siyang magpatangay na lamang sa agos ng
baluktot na sistema, at kahit pa alam niyang mali, ay makipagplastikan na lang sa mga prayle
tuwing may handaan.
At sa sunud-sunod na pagharap niya sa sangandaan—mula sa pagkabinatang
pinagkaitan ng ilang karangalan, hanggang sa pagkabayaning tinawag na mag-alay ng buhay
para sa bayan—hindi naligaw si Rizal mula sa tuwid na daan.
Nasanay tayo na ang ipinagdiriwang ay ang araw na barilin si Rizal sa Bagumbayan.
Marahil, pinakatanyag nang sagisag ng kanyang pagkabayani ang pagharap niya sa balang
babaon sa kanyang dibdib. Maaari siyang naglupasay o lumuhod, ngunit hanggang sa huling
sandali ng kanyang buhay, buong-tapang siyang nagpamalas ng paninindigan.
Sa harap ng sinasagisag ng kanyang pagkabitay, madaling matabunan ang marami
pang ibang pagpapasyang ginawa ni Rizal na nagsilbing punla ng atin pong kalayaan.
Kung sa loob ng isang silid na puno ng insulares ay itrato kang mababang uri dahil sa kulay
ng iyong balat, ilan po kaya sa atin ang makatagal upang magtapos ng medisina? Kung sa
harap ng taglamig ay napilitan tayong pagkasyahin ang isang latang biskuwit mula almusal
hanggang hapunan, mapili pa kaya nating magtapos ng nobelang magsisilbing mitsa ng
himagsikan? Kung pagmalupitan ang iyong mahal sa buhay, magawa mo kayang tumugon sa
paraang mapakikinabangan ng buong bayan?
Pang-araw-araw na sangandaan po itong kinaharap ni Rizal, at di nalalayo rito ang
mga sangandaang kinakaharap ng marami rin sa atin. Maaring may ilang bagay na sa unang
tingin ay simple at walang agarang epekto sa malawakang sakop ng lipunan, ngunit paglaon
ay mag-iiwan ng bakas at magdudulot ng malaking ginhawa sa kapwa. Mga simple at pang-
araw-araw na desisyon gaya ng: gagamit ba ako ng overpass, o magjaywalking lang?
Magbabayad ba ako ng tamang buwis, o ilulusot ko ang puwedeng ilusot? Kung may makita
akong mali, magwawalang-kibo ba ako, o gagawa ng paraan para itama ito?
Hindi po lahat ay pinapalad na tawagin upang magbuwis ng buhay para sa bayan.
Subalit para sa nakararami, nasusukat ang pagkabayani sa araw-araw nating pagharap sa
maliliit na sangandaan: Ang pagsunod sa batas, ang paggalang sa kapwa, ang paggawa ng
tama sa sinumpaan nating mga tungkulin, at ang manindigan sa atin pong prinsipyo.
Marahil po, matapos ang isa’t kalahating siglo, mababaon lamang sa mga libro ang
mga ginagawa ng inyo pong gobyerno. Ang pagpapasabay ng ARMM elections sa
pambansang halalan; ang pagbabantay sa mga monopolya; ang pagbubuhos ng pondo sa
edukasyon, kalusugan, at conditional cash transfer program—lahat po ito, sakaling mabasa o
maikuwento natin sa ating mga apo, ay marahil tatapatan lamang nila ng hikab at kibit ng
balikat. Hindi po mauukit sa ginto ang lahat ng ating mga Executive Order, ang mga batas na
pinagpuyatan ng ating lehislatura, at maging ang pinakamalalalim na desisyon ng hudikatura.
Tinatanggap ko po ito, at ilang ulit ko na pong idiniin na hindi palakpakan o
pagpupugay ang nagtutulak sa aking bumangon araw-araw upang maglingkod sa akin pong
mga Boss. Nagtatrabaho tayo para sa bata sa lansangan na kayang maghibla ng isang
kuwintas ng sampaguita, ngunit ni hindi pa nakakatapak sa loob ng eskuwela. Nagtatrabaho
tayo dahil sa isang malayong baryo, sa isang maliit na isla ng Pilipinas, maaaring may
sanggol na magiging tulad ni Rizal: tapat ang puso, walang-kapantay ang talino, walang-
hanggan ang malasakit sa kapwa, at may wagas na pag-ibig sa bayan. Nagtatrabaho po tayo
upang wala nang Pilipino ang kailanganin pang magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng
mga susunod sa kanya.
Noong ika-19 ng Hunyo, 1861, isang sanggol ang isinilang dito sa bayan ng Calamba.
Wala pong kakaiba sa kanya: marahil kasinlaki lang ng isang nakakuyom na kamao ang
kanyang ulo, at ni hindi kayang humawak ng panulat ang kanyang maliliit na kamay na
paglaon ay lilikha ng dalawang dakilang obra.
Nabanggit ko na rin lang po, hinihikayat ko po kayong bisitahin ang mga orihinal na
manuskrito ng mga nobelang Noli me Tangere at El Filibusterismo sa National library. Bukas
po iyan ngayong kaarawan ni Rizal, at kung hindi kayo makadaan ngayon, puwede pa rin po
ninyo itong bisitahin bukas. Kaya nga po natin idineklarang holiday ang bukas: para habang
ginugunita natin si Rizal, mas makikilala rin natin ang mga gawa niya.
Malinaw po: Hindi ipinanganak na superhero si Jose Rizal. Walang prediksyon sa
kaniyang kadakilaan; walang nakapagsabing ang anak ng mag-asawang Mercado ay
magiging pambansang bayani ng lahing Pilipino. Isa’t kalahating siglo ang nakalipas,
ginugunita pa rin natin ang kanyang kapanganakan, at tinitingala ang kanyang kadakilaan.
Kinikilala natin si Jose Rizal dahil sa harap ng mga sangandaan ng ating masalimuot
na kasaysayan, may isang Pilipinong muli’t muli ay piniling gawin ang tama—ang unahin
ang kapakanan ng kaniyang kapwa, ang itaguyod ang pagkakaisa para sa kalayaan ng atin
pong bansa—kahit pa ang kapalit nito ay ang sarili niyang buhay.
Matagal na pong nakahanay si Rizal sa iba pang mga dakila ng kasaysayan. Ngunit
sinabi po niya, sa bibig ng tauhang si Elias sa kanyang Noli Me Tangere:
“Mamamatay akong di man nakita ang maningning na pagbubukang-liwayway sa
aking inang bayan! Kayong makakikita, batiin ninyo siya—at huwag kakalimutan ang mga
nalugmok sa dilim ng gabi!”
Wala po akong dudang binabati na natin ang bukangliwayway ngayon, nang hindi
nakakalimot sa mga nalugmok sa dilim, at sumusumpa: Sa bawat pagsubok, kapakanan ng
Pilipino ang isasapuso namin; sa bawat sangandaan, tuwid na landas ang aming tatahakin.
Tandaan lang po natin sana: Kung ang mga dinadakila natin tulad ni Jose Rizal ay
namili ng pangsarili, nasaan na kaya tayo ngayon? Nandito tayo dahil may mga nanindigan
para sa atin. Maging kaaya-aya naman po ang gawin natin, para talaga naman pong sulit ang
kanilang isinakripisyo sa atin.
Maraming salamat po. Mabuhay si Jose Rizal. Mabuhay ang Pilipinas na kanyang
minithi at ipinaglaban.
Pangalan: ___________________________________________ Petsa: _____________
Baitang/Pangkat: _____________________________________ Iskor: _____________

Pamagat ng Gawain: UNAWAIN NATIN!

Most Essential Learning Competency: Nakasusulat ng talumpati batay sa


napakinggang halimbawa. CS_FA11/12PN-0g-i-91
Panuto: Pakiusapan ang isang kamag-anak/kaibigan upang basahin ang nakalakip
na talumpati ni Gng. Grace Poe sa pagtakbo noong 2016. Makinig nang mabuti sa
magbabasa, at pagkatapos ay gumawa ng sariling bersyon ng talumpati batay sa
napakinggang halimbawa. Gumamit ng ibang papel sa pagsulat. (50 puntos)

Talumpati ni Grace Poe sa Pagtakbo sa 2016


Pilipino Star Ngayon
September 16, 2015 - 5:14am
Binigkas sa Bahay ng Alumni ng University of the Philippines-Diliman sa lungsod ng
Quezon

Sa aking ina, sa aking asawa at mga anak, mga kaibigan, sa lahat ng naririto ngayon
maraming salamat po sa pagdalo ninyo ngayong araw. Mga Kababayan, noong una akong
kumatok sa inyong mga puso, ang sabi ko: Gusto kong ipagpatuloy ang mga simulain ni FPJ.
Simple lang ang prinsipyo ng aking ama na siya ring naging dahilan ng kanyang pagtakbo...
sinabi niya mismo sa bulwagang ito mahigit 11-taon ang nakalipas: Importante sa isang
leader ang katalinuhan pero mas mahalaga ang may tapat na pusong manilbihan upang
tulungan ang mahihirap, labanan ang pang-aabuso, at pumanday ng isang lipunang masagana
at makatarungan.
Madalas n’yang sabihin sa akin: Gracia, Ang kahirapan ay hindi iginuhit sa palad
dahil nasa kamay ng tao ang pag-unlad. Pero sa kanyang pag-ahon, hindi sapat ang kanyang
sariling kayod, kailangang may kamay na humihila sa kanya.  Di ba’t yan naman ang sukatan
ng magandang pamahalaan at lipunan - Lahat ay aangat, walang maiiwan!
Mayaman po ang ating bansa – sa likas-yaman, dunong ng mamamayan at
kabayanihan. Dito itinatag ang unang Republika sa Asya.  Ito ang bayan ni Rizal, at
Bonifacio.
Bago nabigyan ng boses ang mga kababaihan, nag-aklas na si Gabriela Silang. May
nakabibilib tayong nakaraan na pinaghuhugutan.
Maraming unos ang dumaan sa atin. Ilang ulit tayong tinamaan ng kalamidad –
pinakamalakas na bagyo –  na parang binubura ang bayang ito  sa mapa,  pero nakatayo pa
rin tayo.
Kaya ganun na lang ang paghanga ko sa aking kapwa-Pilipino at sa bayang ito. At
paano ka nga naman hindi hahanga sa araw-araw na pagpupunyagi ng mga kababayan natin?
Silang mga ordinaryong Pilipino na gising na bago pa tumilaok ang manok: hila ang
bag papunta sa eskwela o ang kalabaw papuntang sakahan. Nakikipagsiksikan sa MRT o
hinahabol ang bus o jeep, bago pa sumikip ang EDSA o sa Fuente Osmena Blvd sa Cebu.
Silang mga ginagabi ang uwi: mga naglalamay sa BPO, mga   namamasada sa
lungsod, at nangingisda sa laot. Silang mga  magulang o anak  na minsan lang nakakapiling
ang mga anak,  silang  tinitiis ang init ng  disyerto,  ang panganib sa dagat,  ang hapdi ng
lungkot - mabigyan lang ng magandang bukas ang kanilang pamilya.
Silang mga manggagawa na kinalyo na ang kamay, kinuba na ang katawan, sa walang
tigil na pagbabanat ng buto.
Silang mga ordinaryong  kawani ng gobyerno, mga guro  na ilang bundok ang
inaakyat  marating lang ang mga estudyanteng naghihintay sa kanila,  mga nars na patuloy
na  naglilingkod kahit na pagod sa haba ng shift, mga sundalo at pulis na itinataya ang buhay
matiyak lang ang kaligtasan at seguridad natin.
Kayong lahat ang pinaghuhugutan ko ng inspirasyon. Kayo ang nagbibigay sa akin ng
lakas na i-alay ang aking sarili sa mas mataas na paninilbihan sa bansa. Naniniwala ako na sa
pag-unlad o pagyaman, sabay-sabay dapat! At kung may uunahin man, dapat ang mahihirap
at mas nangangailangan.
Isulong natin ang mga adhikain at programa na tunay na inklusibong pag-unlad o
inclusive growth, kakayahang makipagtagisan sa larangang pandaigdigan o global
competitiveness, at bukas na pamahaalaan o transparent gov't.
At ito po ang mga nais kong ipabatid ngayong gabi sa inyo. Layunin at mithiin ko, sa
tulong ng bawat isa... sama-sama... ang mga sumusunod:
1) Sa edukasyon, ayusin ang lahat ng silid-aralan, mag-"digital" na tayo at tapusin ang
lahat ng kakulangan o backlog. Sisikapin natin na palawakin ang ating scholarship program at
pagtibayin ang "study now pay later program”. Tulungan din nating makapag-internship at
trabaho ang mga college students para habang nag-aaral may kita na sila at kapag nagtapos,
ay may experience na.
2) Payayabungin natin ang sektor ng agrikultura. Tutugunan natin ang hinaing nila sa
lupa. Ang irigasyon ay kailangan pa sa kalahating milyong ektarya. Ilarga natin ang
mekanisasyon. Kailangan ng epektibong programa para lumaki naman ang kita sa
pangingisda, pagtatanim at paghahayupan.
3) Gagawin nating prayoridad ang pag-aayos ng ating mga imprastruktura - kalye,
tren, airport, seaport o internet man. 'Di ito dapat kasing bagal ng sasakyan sa EDSA.
Sisikapin kong pa-angatin ang taunang budget para sa imprastruktura nang 7% ng GDP.
Kung 'di kaya ng pribadong sektor, isusulong ko ang isang government-supported
industrialization at IT plan para makalikha ng industriya. Pag dumami ang "Made in the
Philippines," dadami din ang trabaho dito. Ito ay dapat gawin habang pinangangalagaan ang
kalikasan.
4) Walang iisang tao o grupo na may monopolya sa tuwid na daan. Malaki at malayo
na  ang nagawa ni Pangulong Aquino kaugnay sa pagpapanagot sa mga tiwali, at ako’y
personal na nagpapasalamat sa kanya dahil nanumbalik muli ang kumpyansa natin sa isang
lider na tapat. Dapat lang na ituloy at pa-igtingin ang pagsugpo sa korapsyon. Papanagutin ko
ang tiwali, kaibigan man o kaaway, subalit 'di lamang isang tao o partido ang dapat
nagsusulong nito, kundi ang bawat isang Pilipino. Para higit na palakasin ang transparency sa
gobyerno, isasabatas natin ang FOI sa lalong madaling panahon.
5) Isa na tayo sa may pinaka-mataas na buwis sa buong mundo. Sisikapin ko na
mapababa ito. Mas alam ng tao kung ano ang kailangan nila at may karapatan din silang
piliin kung saan gagastusin ang kanilang pinaghirapan.  Subalit kungibababa ang buwis,
kailangang suklian natin ng tamang pagbabayad nito. Ito naman ang igagarantya ko: Lahat ng
buwis na inyong ibabayad, maibabalik sa inyo sa pamamagitan ng agaran at dekalidad na
serbisyo.
6) Dapat pag-tuunan natin ng pansin kungsapat pa ba ang sweldo at benepisyo ng
bawat manggagawa at lingkod-bayan. Mahirap magtrabaho at manilbihan habang nagugutom
ang iyong pamilya. Dapat lang na bigyan sila ng marangal at legal na pagkaka-kitaan.
7) Malaking porsyento ng budget ng bawat pamilya ay napupunta sa pambayad sa
kuryente. Hahanap po tayo ng paraan para pababain ang presyo ng kuryente.Sa maraming
parte ng Mindanao madalas ang brownout. Sisiguraduhin po natin na magiging sapat ang
kuryente para sa lumalagong ekonomiya, lalo na sa Mindanao. Pauunlarin natin ang
renewable energy.
8) Aalagaan natin at pahahalagahan ang ating mga OFW. Bigyan ng maayos na legal
na suporta sa ibang bansa at bawasan ang mga fees at red tape para lamang maayos nila ang
kanilang mga papeles.
9) Bilang isang Nanay, nababahala ako sa tindi ng krimen at droga. Katulad nang
lahat ng nanay, hindi ako makatulog sa gabi hangga’t hindi nakakauwi ang aking mga anak.
Kaya para sa akin, ang pagdurog sa krimen at droga ay hindi lang trabaho. Ito ay personal na
krusada. Sisiguraduhin na ang mga pulis ay may disiplina at kakayahan para isang tawag lang
ay nandyan na at hindi lang isusulat ang krimen kundi huhulihin ang kriminal.
10) Patuloy nating isusulong ang usaping pangkapayapaan sa lahat ng lumalaban sa
gobyerno. Dapat nang tigilan ang pagpatay ng Pilipino sa kapwa nya Pilipino upang
maparating natin ang tunay na kaunlaran sa bawat sulok ng bansa. Sa mga kapatid nating
Moro, naging inspirasyon kayo sa maraming pelikula ng tatay ko, ang inyong kultura at
kagitingan. Sa hinaba-haba ng kasaysayan natin, panahon na para mabigyan kayo ng patas na
pagkakataon at tunay na tulong.
11) I-respeto natin ang karapatang pantao ng lahat. Hindi tayo magiging bulag
sakalagayan ng lahat ng vulnerable sectors, kasama na ang may kapansanan, mga indigenous
peoples, mga maralitang taga-lungsod, mga kababaihan, kabataan at mga bata, mga LGBT at
mga senior citizens. Sa mga senior citizens, hindi kayo malilimutan. Ang nanay ko mismo ay
dumadaing na habang nagkaka-edad dapat mas maramdaman ang pagkalinga ng gobyerno.
12) Kalusugan ng bawat isa ay mahalaga, dapat hindi mabangkarote ang pamilya o
mamili kung kakain ba o ibibili ng gamot para sa kanilang may sakit na mahal sa buhay.
Dapat may pinalaking benepisyo ang PhilHealth na masasandalan. Sisiguraduhin ko na ang
bawat komunidad ay may maayos na ospital, may sapat na doctor, nars, midwife, gamot at
kagamitan.
13) Atin ang West Philippine Sea at dapat lang na 'wag natin itong bitiwan o
pabayaan gamit ang mapayapang paraan at ayon sa batas. Alinsunod dito, palalakasin natin
ang ating Coast Guard at Sandatahang Lakas para hindi tayo kinakaya-kaya ng ibang bansa.
14) OA na ang trapik! Sa airport man o sa kalsada, inuubos nito hindi lamang ang
oras natin, kundi pati ang pasensya. Inaagaw nito ang panahon na sana ay para sa trabaho o
makapiling natin ang ating pamilya't mahal sa buhay.
15) Dapat gawin ang mga sumusunod at marami pang iba: Dagdag na kalsada at tren
hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong parte ng Pilipinas. Siguraduhin na ang batayan
ng pagpili ng contractor na magtatayo ng tren ay may tunay na kakayahan at track record para
masiguro ang pangmatagalan na maintenance at warranty; malinis na drainage systems;
kapote at bota para sa nagpapatupad ng batas-trapiko; pagtanggal sa lahat ng colorum at
illegal parking sa kalsada; at pagpapa-tupad ng staggered office hours. At kung may
binubungkal man sa kalye, dapat ay huwag iwanang nakatiwangwang. Tanggalin ang mga
contractor nanagbabagal-bagalan.
16) Ang internet ay para ring highway. Daluyan ng impormasyon.  Dapat mabilis
ito.Maraming trabaho ang mas magiging produktibo pag mabilis ang internet. Mas mabilis na
matatapos ng mga bata ang homework nila at mas madali nating makakausap ang ating mahal
sa buhay na OFW na walang skype delay. Sa internet ayaw natin ng Forever bago maka-
konekta.
17) Sa larangan ng sining at palakasan, dapat malaki din ang suporta ng ating
pamahalaan. Kilala tayong malikhain nakultura, mga visual artists, writers, performers at iba
pa. Ngunit hindi natin binibigyan ng tamang halaga at tulong ang sektor na ito. Kahit na
binibigyan nila tayo ng karangalan, ano ang ating isinusukli? Sa palakasan naman, ang ating
mga atleta ay kawawa din. Siguro naman hindi natin dapat isuko ang pangarap na magkaroon
tayo ng ginto sa Olympics.  
18) Huwag natin kalimutan na realidad ang climate change. Hindi ito issue ng
mayaman lang. Ang mga mahihirap ang unang tinatamaan nito. Sila ang unang binabaha at
nawawalan ng tirahan. Dapat ay magkaroon na tayo ng hiwalay na Emergency Management
Dept. na tututok sa national preparedness Climate change at Geo Mapping.
19) Ang turismo ay isang sector din na dapat tutukan. Kung malago ang turismo, mas
makakalikha ito ng dagdag na pagkakakitaan para sa ating mga kababayan kahit sa mga liblib
na lugar. Likas na maganda ang tanawin dito sa ating bansa, pero ang turismo ay di sisigla
kung hindi natin aayusin ang imprastruktura at dadagdagan ang ating mga paliparan.
20) Yaman ng ating bansa ang ating mga anak. Sila ang kasalukuyan at kinabukasan
natin. Pero wala silang laban kung hindi man lang sila napapakain ng tama. Marami pa rin
ang nagugutom sa ating bayan. Napapanahon na magkaroon ng Standard Lunch Program sa
lahat ng pampublikong paaralan.
Kulang po ang aking panahon ngayon upang ilahad ang kabuuan ng aking mga
mithiin at adhikain. Sa mga susunod na araw, ihahain ko po ang  isang komprehensibong
programa na naka-sentro sa simpleng prinsipyo at paniniwala: walang maiiwang Pilipino at
walang maiiwang lugar sa Pilipinas. Sabay-sabay tayong aangat at sama-sama tayong uunlad!
Noong tumakbo ang tatay ko, minaliit sya at sinabi na wala syang karanasan at hindi
sya Pilipino. Ngunit buong tapang nyang hinarap ang hamon at di nya inurungan ang
pagkakataon na tumulong na mapabuti ang buhay ng kapwa-Pilipino.
Ang kanyang katapatan, tapang at kabaitan ay naging inspirasyon at gabay sa akin.
Ang nanay ko naman, sinabi niya: “Anak, sa lahat ng ingay ng pulitika, huwag mo walain
ang iyong sarili.”
Ang aking buhay ay isang bukas na aklat. Sino ang mag-aakala na ang isang sanggol
na natagpuan ay makatutuntong sa Senado. Salamat sa pagkakataon na ibinigay ninyo sa
akin.
Huwag niyong kalilimutan. Magaling ang Pilipino. Mapagmahal, malikhain at
marunong gumawa ng paraan.
Kaya nating marating ang ating mga mithiin para sa bayan kung magsisipag,
magmamatyag at siguraduhin na may tapat na gagabay sa atin. Dapat sama-sama tayo. Hindi
kaya ng iisang tao.
Ang mangangako niyan ay nagsisinungaling na. Sa ating lahat nakasalalay ang
magiging kwento ng Pilipinas sa darating na panahon.
Sana po ay samahan ninyo ako sa pagpanday ng maganda at makabuluhang hinaharap
ng ating inang bayang Pilipinas.
Ako po si Grace Poe. Pilipino.  Anak, asawa at ina, at sa tulong ng Mahal na Diyos ay
inaalay ko sa inyong lahat ang aking sarili sa mas mataas na paninilbihan bilang inyong
Pangulo.
Pangalan: ___________________________________________ Petsa: _____________
Baitang/Pangkat: _____________________________________ Iskor: _____________

Pamagat ng Gawain: PAKIKINIG AY MAHALAGA!

Most Essential Learning Competency: Nakasusulat ng talumpati batay sa


napakinggang halimbawa. CS_FA11/12PN-0g-i-91

Panuto: I-click ang link na https://www.youtube.com/watch?v=M3li-lcFtis at


panoorin o pakinggan ang talumpati ni Gng. Loren Legarda tungkol sa
Pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan 2018. Gumawa ng sariling bersyon ng
talumpati batay sa napakinggang halimbawa. Gumamit ng ibang papel sa
pagsulat. (50 puntos)
Susi sa Pagwawasto

PAMANTAYAN SA PAGSULAT NG TALUMPATI


KAILANGAN
KATEGORYA NAPAKAHUSAY MAHUSA NG PAG-UNLAD ISKOR
(10 pts.) Y (3 pts.)
(5 pts.)
Introduksyon/ Panimula
Kabuuang Nilalaman
Pagwawakas
Organisasyon ng mga Ideya
Mekaniks/ Paggamit ng
Tamang Salita at Bantas
KABUUANG PUNTOS/
ISKOR

Mga Sanggunian:
A. Marcos, F. E. (1968). Speech of President Marcos on the opening of Linggo ng
Wikang Pambansa. Official Gazette of the Republic of the Philippines, 64(38), 9527-
M-9527-O.
B. https://www.officialgazette.gov.ph/1968/08/13/speech-of-president-marcos-on-the-
opening-of-linggo-ng-wikaang-pambansa/
C. https://www.youtube.com/watch?v=gmIqD7-E8N0
D. https://pinoycollection.com/talumpati-tungkol-sa-pamilya/#Relasyon-o-Pamilya
E. https://takdangaralin.ph/talumpati-tungkol-sa-pagtatapos/
F. https://TakdangAralin.ph
G. https://www.youtube.com/watch?v=3MoDz_I6k6g
H. https://takdangaralin.ph/talumpati-tungkol-sa-wika/
I. https://www.youtube.com/watch?v=mrValIXlds4
J. https://www.panitikan.com.ph/talumpati-tungkol-sa-wika
K. Kagawaran ng Edukasyon, Filipino sa Piling Larang – Akademik, Kagamitan ng
Mag-aaral. 2018
L. https://www.officialgazette.gov.ph/2011/06/19/president-aquinos-speech-on-the-
150th-birth-anniversary-of-jose-rizal-june-19-2011/
M. https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/bansa/2015/09/16/1500523/basahin-
talumpati-ni-grace-poe-sa-pagtakbo-sa-2016
N. https://www.youtube.com/watch?v=M3li-lcFtis

You might also like