You are on page 1of 2

Alamat ng Mirasol

Sa tropiko, isang karaniwang tanawin ang magandang bulaklak na kulay kahel. Ito ang bulaklak
ng mirasol (sunflower) na may itina-tagong magandang alamat na hinggil sa isang malungkot na
kasaysayan ng pag-ibig.

Ayon sa nasabing alamat, isang liblib na bayan, maraming dantaon na ang nakaraan may mga
nilalang na kapuwa tapat sa pagmamahal. Ang babae ay si Noronia, anak ng isang sultan, at ang
kanyang kasintahan ay si Gamaluddin, isang karaniwang mamamayan. Dahil sa agwat ng
kanilang katayuan sa buhay, pinagbawalan ng sultan na magkita ang dalawa. Tiniyak ng sultan
na ang kanyang utos ay susundin o di kaya'y gagawaran ng kamatayan ang dalawa.

Isang araw, nakatakas si Noronia sa masusing pagbabantay ng kanyang ama. Nakipagkita siyang
muli kay Gamaluddin sa tipanan sa ilalim ng isang talon. Pagkakita sa kanyang mahal, umiyak at
sumubsob si Noronia sa dibdib ni Gamaluddin at nagsabi, "Tandaan mo, mahal ko, mamatamisin
ko pang mamatay kaysa mawala sa piling mo."

Labis na nasiyahan ang binata at sumagot, "Ako man, irog ko, iibigin ko pa ring mamatay kaysa
mawala ka sa akin!"

Habang sila'y nagyayakap, tinanaw ni Noronia ang ituktok ng bundok at sinabi kay Gamaluddin,
"Kung ako'y wala na, hanapin mo ako sa ituktok ng bundok na yaon at masdan mo ang araw
mula sa pagsikat hanggang sa paglubog nito. Darating ako sa iyo sa pamamagitan ng kanyang
maapoy na halik. Ipinangako ni Gamaluddin kay Noronia na susundin niya ang nais nito.

Nabatid ng sultan ang pagtatagpo ng magkasintahan at gayon na lamang ang kanyang galit.
Sukat iyon upang ipag-utos niyang ipatapon si Gamaluddin sa isang malayong pulo sa kabila ng
karagatan.

Labis na nagdamdam si Noronia at siya'y naratay sa banig ng karamdaman. Siya'y nanghina,


naging malungkutin at sa tuwina'y sakbibi ng kawalang-pag-asa.

Sa pamamagitan ng isang tapat na alipin, nakatakas si Noronia sa palasyo. Sinapit niya ang
dalampasigan at mula rito ay tinanaw ang pulo sa kabilang ibayo ng dagat. Matapos siyang
makapagtipon ng lakas at samantalang iniisip kung itutuloy o hindi ang kanyang binabalak,
tumalon siya sa dagat at lumangoy patungo sa pulong kjnaroroonan ng kanyang minamahal na
ipinatapon upang doon mamatay.

Sa kabila ng taglay na karamdaman at malaking pagkapagod, narating ni Noronia ang baybayin


ng nasabing pulo. Dito nakita niya si Gamaluddin na ang mga kamay at paa ay nangakatali sa
isang malaking puno. Nang may isang dipa na lamang ang layo ni Noronia kay Gamaluddin
napahandusay siya sa paanan ng kasintahan at ito'y kanyang niyakap. Sa tnlong ng kanyang
nalalabing lakas, kinalagan niya si Gamaluddin. Subalit nang sandaling makalagan na niya ang
binatang nakagapos sa loob ng maraming araw, namatay ang kulang-palad na si Noronia.

Sa isang kisap-mata'y isang unos ang dumating sa pulo. Walang malamang gawin si
Gamaluddin. Nais niyang iligtas ang bangkay ni Noronia at ilibing ito subali't hindi siya
pinahintulutan ng nag-aalim-puyong tubig na sumasalikop sa kanila. Sa tulong ng isang pirasong
kahoy, nailigtas ni Gamaluddin ang sarili. Nakaraan ang ilang araw. Nang tumigil na ang bagyo,
nabatid na lamang niyang siya'y naanod sa dalampasigan ng pulo.

Isang matandang mangingisda ang sumaklolo at nag-alaga sa kanya hanggang sa siya'y lumakas
at makalakad na muli. Ngunit sa kabila ng kanyang kalagayan, walang naging laman ang isip ni
Gamaluddin kundi ang yumaong katipan.

Isang araw, nagtungo si Gamaluddin sa ituktok ng bundok na tinukoy ni Noronia na maaaring


katagpuan sa kanya mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw. Gayon na lamang ang
pagtangis ng binata nang muling magbalik sa kanyang gunita ang masasayang sandaling
kanilang pinagsaluhan sa ilalim ng talon. At siya'y napaluhod na waring tanda ng paggalang.

Matapos ang mahabang sandali, isang tinig ang narinig ni Gamaluddin mula sa langit na
nagsasabing, "Huwag mo akong tangisan, mahal ko, tatanawin kitang lagi mula sa aking
kinalalagyan. Tandaan mong hindi magmamaliw ang aking pag-ibig- iyon ay mananatiling
buhay magpakailanman." Sumandaling nagitla si Gamaluddin at tumingala sa dakong
pinanggalingan ng tinig. Isang nakasisilaw na liwanag ang dumampi sa kanyang mukha na wari
bagang hinahagkan siya.

"Hihintayin kita, mahal ko, mula pagsikat hanggang sa paglubog ng araw," aniya matapos ang
ilang sandali. Pagkatapos noon ay isang kidlat na may kasamang kulog ang gumuhit sa langit at
sa isang kisap-mata, si Gamaluddin ay unti-unting natunaw at sa pook na kanyang kinatayuan,
isang munting buko ang lumitaw.

Dito nagsimula ang bulaklak ng mirasol. Ang munting bukong yaon ay bumukadkad na isang
magandang bulaklak, at kung iyong pagmamasdan, mapapansin mong ang mirasol ay
bumabaling saan man dako naroon ang araw. Ito nga kaya si Gamaluddin na naghahanap kay
Noronia?

Pinoy Edition © 2021 - All rights reserved.

Source: https://www.pinoyedition.com/mga-alamat/alamat-ng-mirasol/

You might also like