You are on page 1of 3

KONSEPTONG PAPEL

I.Paksa

Ang pananaliksik na ito ay tungkol sa ‘Kalagayan ng Wika sa Social Media’.

II.Rasyonal/ Layunin

Layunin ng pananaliksik na ito na mabigyang kaalaman ang mga estudyante sa ngayon tungkol sa
social media tinatangkilik ng lipunan. Bukod pa dito, layunin rin nito na ipabatid sa mga estudyante ang
mga epekto ng social media, positibo man o negatibo, lalo na sa ating wika. Mahalaga ang paksa
na ito sapagkat dito natin matutuklasan ang kalagayan ng wika sa social media. Ano nga ba ang
ginagampanang papel ng wika sa pagbibigay ng impormasyon at pakikipagkomunikasyon sa
platapormang social media. Layunin din ng pagsusuring ito na alamin kung saan nagsimula ang
malawakang paggamit nito at paano ito ngayon nakakaapekto sa buhay ng tao. Mahalaga nga ba ito?

III. Panimula

Ayon kay Whitehead, isang edukador at Pilosopong Ingles: “Ang wika ay kabuuan ng kaisipan ng
lipunang lumikha nito.” Ibig ipahiwatig nito na ang wika ay salamin ng lahi. Ang wika ay mga simbolong
salita ng mga kaisipan at saloobin.Ito ay isang behikulo o paraan ng paghahatid ng ideya o palagay sa
tulong ng mga salita na maaaring pasalita o pasulat. Ang wika ang siyang tulay sa makabuluhang
komunikasyon, mas komprehensibong pakikipagtalastasan at mas pakikipag- ugnayan.  Sa pamamagitan
ng paggamit ng wika malaya nating naipapahayag ang ating saloobin at kaisipan tungkol sa mga bagay-
bagay. Ang wika ay isa rin sa pinakamahalagang instrumento upang magkabuklod-buklod ng mga
mamamayan ng isang bansa.  Bilang pagpapalawig, ang pagkakaroon din ng sariling wika ay
nakakatulong sa pag-ahon ng ekonomiya ng isang bansa.

Ngunit, sa patuloy napag-inog ng mundo, maraming nagyayaring pagbabago. Makikita ang maraming
pagbabago ng iba’t ibang bagay mula sa pagkain, pananamit, mga pinagkakaabalahan at maging sa
pananalita. Bawat bukas ng bibig ng mga tao lalo na ang mga kabataan ay may bago tayong
lenggwaheng natututunan. Kay hirap man na paniwalaan pero kay bilis talaga ng ng impluwensya ng
‘social media’ sa mga Pilipino. Kaya nga, nito lamang 2017 ay nakapagtala ng 64 milyong mga taong may
internet at maaaring nakakakonekta sa social media. Sa bilang na ito , tunay na may implikasyon ito sa
ating ginagamit na wika.
IV.Pagtalakay (Kalagayan Ng Wika sa Social Media)

Sa henerasyon na ito, makikita natin ang mga epekto ng teknolohiya sa ating wika. Sa kadahilanang may
malikhaing pag-iisip at pananaliksik ang nakakatuklas ng mga bagong kaalaman tungkol sa teknolohiya
katulad na lamang ng mga ‘social media’. Ang Social Media ay tumutukoy sa sistema ng pakikipag-
ugnayan sa mga tao na kung saan sila ay lumilikha, nagbabahagi at nakikipagpalitan ng impormasyon at
mga ideya sa isang virtual na komunidad at mga network. Ito rin ay itinuturing na isang pangkat ng mga
Internet-based na mga aplikasyon na bumubuo ng ideyolohikal at teknolohikal na pundasyon ng Web
2.0 na nagbibigay-daan sa paglikha at pakikipagpalitan ng nilalaman na binuo ng gumagamit. Bukod dito,
ang social media ay may interactive platform na kung saan ang isang indibidwal at mga komunidad ay
maaaring magbahagi, lumikha, tumalakay at baguhin ang nilalamang binuo ng gumagamit. Ito ang
nagbibigay daan sa isang matibay at malaganap na pagbabago sa komunikasyon sa pagitan ng mga
organisasyon, mga komunidad at mga indibidwal. Hindi na rin lingid sa ating kaalaman na ang paggamit
ng social media ay may mahalagang tulong sa buhay ng mga tao.

Ano ang kasalukuyang kalagayan ng wika sa social media? Sa kasalukuyan, nangunguna ang henerasyon
ng mga millennials at Gen Z sa pagkakaroon ng pagbabago sa wika. Nandiyan ang memes, mga gay lingo
at mga millennial terms na karamihan sa mga matatanda ay hindi talaga maintindihan. Halimbawa diyan
ay churbalu, btw, idk, chenelin, charot, flex at marami pang iba. Isang halimbawa kung saan ginagamit
ang mga salitang iyan ay sa“facebook”. Ang “facebook” ay isang uri ng aplikasyon na kung saan maaring
magbahgi ng mga ideya o karanasan ang isang indididwal ng gumagamit nito. Hindi rin natin maikakaila
marami sa kabataan ngayon ang gumagamit ng “facebook” sa pakikipagtalastasan. Ito ang animo’y tulay
sa malayang pakikipagkomunikasyon. Bukod pa sa facebook, kabilang din sa mga social media platforms
ang Instagram, youtube, twitter, lyka at marami pang iba. Naipapahayag ng mga tao ang kanilang
opinyon, suhestiyon at mga kuro-kuro ukol sa iba’t ibang isyu. Sa social media sumibol ang katawagang
DDS at Dilawan, mga patutsada ng kampo ni PRRD at Liberal Party. Kaliwa’t kanan ang pagdidiskusyon sa
tulong pa rin ng social media. Sa kabuuan ang paggamit ng social media ay isang mainam na paraan
upang mapalawak ang pansariling kakayahan upang makapagpahayag gamit ang sariling wika.

Sa panahon ngayon, mahalagang ding malaman ng mga kabataan ang tamang paggamit ng social media
upang lalong mapalawak ang kaalaman at kakayahang magpamalas sa paggamit wikang Filipino. Ngunit
marami sa ngayon ang nakikitang negatibong epekto nito. Nagiging sanhi kasi ito ng gulo lalo na’t may
mga mamamayan na ang gustong gamitin na wika ay ang sariling wikang nakasanayan nila upang mas
mapahalagahan at mapagtibay padin ito at hindi basta mabaon na lamang kaya dahil don ay mapapansin
na sa bawat sa social media o may mga ilan sa social media na may maaring pamilian na kung ano ang
gustong gamiting wika. Nagkakaroon din ng malimitang pagtatalo dahil sa iba’t ibang pananaw na siyang
ginagamitan din ng wika. Bilang tugon dito, bawat isa sa atin ay kinakailangang mag-ingat at pag-isipan
ang bawat sasabihin sa social media. Nawa’y sa bawat pagpindot natin sa ating mga gadyets ay isipin din
natin ang integridad ng ating wika

V.Kahalagahan ng Pagsusuri
Ang kahalagahan ng pagsusuri ng kalagayan ng wika sa social ay upang maipabatid at magkaroon ng
reyalisasyon ang tao. Mahalaga na magkaroon tayo ng isang makubuluhang pagsusuri na magpapatunay
na malaki ng ang naging pagbabago sa kalagayan ng ating wika dahil sa pag-usbong ng social media.
Nagkaroon ng positibo sa pamamagitan ng nakalilibang na pag-angkop sa sistemang ito ngunit
nakalulungkot na nakakalimutan ng tao ang tamang paggamit dito. Ang responsable at may respetong
pakikipagtalakayan sa social media. Isang malaking responsibilidad ng bawat tao na pagyamanin ang
kanyang kaalaman sa paggamit ng wika. Dahil kung habang nagiging bihasa ka sa tamang paggamit ng
wika mas nababawasan ang di pagkakaintindihan ng bawat tao. Kaya dapat ay ating pagyamanin ang
ating kaalaman sa tamang paggamit ng wikang Filipino o anumang lenggwahe ang ating madlas na
ginagamit sa pakikipagusap o pakikipagkomunikasyon sa ating kapwa. Sa lahat ng ito, magiging tulay ng
pagkakaintindihan ang pananaliksik na ito.

VI. Sanggunian

Ang mga sanggunian ay ang mga sumusunod:

 Fictionbooks29 (2016)
 Statista (2017)
 10 thoughts on ‘kalagayan ng wika sa social media’ (2016)
 WordPress

You might also like