You are on page 1of 14

EL FILIBUSTERISMO KABANATA 26: MGA PASKIL

Bawat bagay na ating isinasagawa ay may katumbas na suliranin o pagsubok na higit na


magpapatibay sa iyong hangarin o pagkatao. Magkaganoon pa man, may mga pagkakataon din na
kahit hindi natin ninanais ay nasasangkot tayo sa suliranin ng iba na nagiging dahilan upang
malagay tayo sa hindi mainam na sitwasyon. Kaugnay nito, nais kong liimin mong mabuti ang mga
tanong na, ano ang iyong gagawin kung ikaw ay naisangkot sa isang suliranin na wala kang
kaugnayan? at paano mo maipagtatanggol ang iyong sarili kung nakapiring at bingi ang mga
umuusig sa iyo? Sa lahat ng ito, halina’t tuklasin ang naging kalagayan ni Basilio at ng iba pang
mag-aaral matapos masangkot sa isang kaguluhan. 
I. Mahahalagang Pangyayari
Halina’t tuklasin ang mahahalagang pangyayaring nakapaloob sa Kabanata 26 ng El
Filibusterismo. Maaari mo ring basahin ang kwento sa kabanatang ito sa mismong aklat na El
Filibusterismo upang makita ang pasalaysay na paglalahad ni Rizal.
 Ang araw ng pag-uusig ang babago sa mapayapa at tahimik na buhay ni Basilio.
 Maagang gumising si Basilio para pasyalan sa ospital ng San Juan de Dios ang
kanyang mga pasyente.
 Bukod dito ay pupuntahan din ni Basilio ang kaibigang si Macaraig upang kunin ang
hiniram na pera para makuha na niya ang kanyang grado.
 Habang patungo sa pamantasan si Basilio ay napansin niya ang grupo ng mga mag-
aaral na pinapalabas sa loob ng paaralan.
 Maingay nilang pinag-uusapan ang mga mag-aaral na sangkot sa paglulunsad ng
himagsikan na nagdulot ng takot kay Basilio.
 Kumalma lamang ang kanyang kalooban nang malamang walang kinalaman sina
Simoun at Kabesang Tales sa usapin ng himagsikan.
 Sa paghahanap ni Basilio kay Macaraig ay nakasalubong niya ang mga guwardya
sibil na pumigil sa kanyang pagpasok sa tahanan ng kaibigan.
 Pinaghintay sa labas ng bahay ni Macaraig si Basilio hanggang sa dumating ang
kabo na kasama si Macaraig.
 Laking gulat na lamang ni Basilio dahil pati siya ay isinakay sa karwahe at hinatid
papunta sa tanggapan ng Gobyerno Sibil para maimbestigahan

II. Karagdagang Kaisipan sa Pamamagitan ng Tanong-Sagot


Sa bahaging ito ay nais kong bigyang-pansin ang ilang kaisipan na makatutulong sa iyo upang
mapagwari ang ilang simbolismo o pahiwatig ni Rizal sa kabanata.

 Bakit hindi makautang si Basilio kay Kapitan Tiago?


 Nahihiya si Basilio sapagkat baka sabihin ni Kapitan Tiago na iyon ay
paghingi niya ng pauna sa lagi nang ipinapangakong pamana ng kapitan.

 Ano ang isa sa pinakaiiwasan ni Basilio subalit sa huli ay nasangkot pa rin?


 Pinakaiiwasan ni Basilio ang pagkakasangkot sa politika dahil sa kanyang
mga karanasan noong bata pa siya.

 Sino ang nakakita ng mga paskil?


 Walang nakakita sa mga nagbalita sapagkat maaga raw itong ipinabakbak ni
Padre Sibyla at ipinadala sa pamahalaang sibil upang gawing patibay sa pagsusuplong laban sa
mga estudyante.

 Ano ang ibig sabihin ng katedratiko na si Kapitan Tiago ay nangangamoy-


bangkay na?
 Napapadalas na raw ang dalaw nina Padre Irene at Simoun na tulad ng mga
uwak at buwitre, lalo na’t nababalitang sila ang higit na makikinabang sa pagkamatay ni Kapitan
Tiago.

 Sino ang may kagagawan ng mga paskil?


 Wala nang iba pang magnanasang magbagsak sa mga estudyante kundi
ang mga kura lalo na si Padre Sibyla kung saan ay sila rin ang may palakad ng resolusyon laban
sa Akademya ng Wikang Kastila na ‘di nilagdaan ni Placido.Hindi magagawa ni Simoun ang paskil
dahil nahihiga siya sa karamdaman at nagkatiwa-tiwalag ang kanyang mga kasamahan.

 Bakit nasabi ni Macaraig na si Basilio ay isang marangal na kaibiigan?


 Akala kasi ni Macaraig na nakikisama sa kanila si Basilio nang malamang
pinaghuhuhuli na ang mga estudyanteng kasapi ng kapisanan lalo na’t hindi nila ito nakakasama
sa mga lakad noong wala pang gulo.

III. Suliraning Panlipunan


Kung pakasusuriin ang kaisipan, pananalita at sitwasyong inilahad sa mga pangyayari ng akda,
matutuklasan natin ang mga sumusunod na suliranin:
 Pangigipit sa kapwa
 Paghuli ng walang maayos na proseso
 Pamimintang sa kapwa / Pagdawit sa isang taong walang kasalanan
 
IV. Mahahalagang Pahayag ng mga Tauhan
Bawat tauhan ay may mahahalagang kaisipan na nagtataglay ng mga lihim na pahiwatig ng may-
akda. Kaugnay nito, naririto ang ilan sa mga pahayag na iyon at nais kong iyong isipin ang lihim sa
mga kataga ng mga tauhan.
 “Kung gayon, ipinapayo ko sa iyong tumiwalag agad. Punitin at itapon ang lahat ng
papeles na magpapahamak sa iyo.” – Propesor sa Klinika
 “Totoong hindi kapani-paniwala na dahil sa maliit na pangyayari na walang kabagay-
bagay ay magkakawatak-watak tayo na parang maya sa harap ng isang panakot-ibon.” – Isagani
 “Kungnasaan ang panganib, doon tayo pumaroon sapagkat doon naroon ang
karangalan.” –  Isagani

Sa kabanatang ito ay ating nakita ang naging masalimuot na kalagayan ng mga mag-aaral.  Ito ay
sa kadahilanang sila ang naituturong salarin sa isang kaguluhan na wala silang kaugnayan. Dito
natin makikita, lalo na noong Panahon ng Kastila, ang pailalim na pagkilos ng mga mapaghangad
para lamang mapabagsak ang mga nasa katarungan o kanilang kalaban. Tunay nga na ang
kapalaran ay mapagbiro sapagkat tulad nina Basilio at ng iba pang mag-aaral, abot-kamay na nila
ang kanilang mga pangarap at tagumpay subalit nasira ito ng mga maling akala at kawalan ng
tamang hustisya.

EL FILIBUSTERISMO KABANATA 27: ANG PRAYLE AT ANG


ESTUDYANTE
Ang pagiging bukas ng isipan sa pananaw ng iba ay mahalaga para makapag-usap ang
magkabilang panig. Ito rin ang nagiging daan upang lalong magkaintindihan ang bawat isa at
magkaroon ng iisang tahakin sa buhay. Magkaganoon pa man, may mga pagkakataon na dulot ng
pagkakaiba ng estado, kasarian at edad ay higit na nagiging mahirap sa dalawang panig ang
magkasundo lalo na kung ang iniisip ng isa ay higit siyang nakaaangat sa iba. Kaugnay
nito, matatawag ba nating kawalan ng paggalang sa mga nakatatanda o sa makapangyarihan
ang pagsagot sa kanila kung hinihingi naman ito ng pagkakataon? Samantala, paano nga ba
nating mapangangatwiranan ang isang usapin kung sarado ang isipan ng ating
kausap? Halina’t tuklasin ang kasagutan sa mga naturang katanungan sa tulong ng pag-uusap nina
Isagani at Padre Fernandez.
 
I. Mahahalagang Pangyayari
Halina’t tuklasin ang mahahalagang pangyayaring nakapaloob sa Kabanata 27 ng El
Filibusterismo. Maaari mo ring basahin ang kwento sa kabanatang ito sa mismong aklat na El
Filibusterismo upang makita ang pasalaysay na paglalahad ni Rizal.
 Nasa tanggapan ng katedratikong si Padre Fernandez ang mag-aaral na si Isagani.
 Inusig ng pari si Isagani sa pagtatalumpati nito sa harap ng mga mag-aaral at kung
kasama ba ito sa hapunan.
 Tinatapat siya ng binata na hinangaan naman ng pari dahil karaniwan daw sa mga
ganoon ay tumatanggi.
 Sumagot si Isagani na kung ano raw ang mga mag-aaral ay dahil iyon sa mga pari.
 Nagpalitan ng papuri ang dalawa sa kabila ng palitan ng argumento.
 Gayunman, naisa-isa ni Isagani ang mga sakit ng mga pari sa pagiging guro.
 Sinabi naman ng pari na malabis na ang sinasabi ni Isagani subalit nagpatuloy si
Isagani at sinabing ang kalayaan at karunungan ay kasama sa pagkatao ng nilalang.
 Nagwika din si Isagani tungkol sa gawain ng mga pari na pandaraya at panlalamang
sa mga Pilipino upang maging maginhawa lamang.
 Hindi nakapagsalita ang pari at ngayon lamang niya naranasang magipit sa
pakikipagtalo sa isang estudyanteng Filipino.
 
II. Karagdagang Kaisipan sa Pamamagitan ng Tanong-Sagot
Sa bahaging ito ay nais kong bigyang-pansin ang ilang kaisipan na makatutulong sa iyo upang
mapagwari ang ilang simbolismo o pahiwatig ni Rizal sa kabanata.

 Ano ang ibig sabihin ni Isagani na walang ginagawa ang mga prayle kundi
magrasyon ng kaisipang luma?
 Huling-huli sa takbo ng panahon ang itinuturo ng mga prayle bukod pa sa
katiting lamang ang itinuturo ng mga ito.
 Batid ito ng kabataan dahil may mga nanggaling sa Europa ang
nakapagsabing huling-huli ang Pilipinas sa panahon, matapos maghambing-hambing.

 Ano ang puna ni Rizal sa pagkakaroon ng ordeng Dominiko ng tanging


karapatan sa pagtuturo sa mga Pilipino?
 Parang isinubasta raw ng pamahalaan ang pagpapaturo sa mga Pilipino at
hindi man ginagawa ng Dominiko ang tungkulin ay ‘di ito pinapansin ng pamahalaan dahil kapwa
sila nakikinabang.

 Ano, ayon kay Isagani, ang nais ng mga estudyante sa mga prayle?
 Ang magpakatino sa pakikitungo sa mga estudyante, at ang pagbibigay ng
lahat ng pagkakataon sa Pilipino upang matuto at dumunong.

 Ano ang ibig sabihin ni Isagani sa pahayag na “Ang kalayaan ay katambal ng


tao at ang karunungan ay kaakibat ng talino”?
 Walang tao ang masisiyahan sa pagkabilanggo o pagkaalipin kaya maraming
tao ang salungat sa paghahari-harian ng iba.Kapag may talino ay may pagkauhaw sa karunungan
at kapag uhaw sa pagdunong ay may katalinuhan na naging dahilan kung bakit sa kabila ng
paghadlang ng mga prayle noon, marami pa ring Pilipino ang nagsipag-aral.

 Saan isinisi ng prayle ang masasamang hilig ng mga Pilipino?


 Sa kalahian sapagkat katutubo raw sa atin ang katamaran, kawalan ng
kakayahang matuto at iba pang kapintasan.

 Ano ang ibig ni Padre Fernandez na pag-aralan ng mga Pilipino?


 Pagsasaka sapagkat higit na madaling supilin ang mangmang na bayan ng
mga magsasaka kaysa mga nakapag-aral lalo ng batsilyer at abogasya.

 Bakit nasabi ni Padre Fernandez na baka hindi maniwala ang mga prayle na
may Pilipinong kasingtalino ni Isagani?
 Ito ay sa kadahilanang halos lahat ng mga prayle at mga Kastila noong
kapanahunan ay may paniniwalang ang mga Pilipino ay mangmang kaya hindi na kailangang pag-
aksayahan ng malaking pagsisikap na maturuan.
 
III. Suliraning Panlipunan
Kung pakasusuriin ang kaisipan, pananalita at sitwasyong inilahad sa mga pangyayari ng akda,
matutuklasan natin ang mga sumusunod na suliranin:
 Pangangatwiran sa tamang paraan
 Pakikipaglaban ng karapatan at katarungan
 Pagiging totoo o matapang sa kabila ng sitwasyong nararanasan
 Pagiging bukas ng isipan sa kabila ng pagkakaiba ng kaisipan at paniniwala
 
IV. Mahahalagang Pahayag ng mga Tauhan
Bawat tauhan ay may mahahalagang kaisipan na nagtataglay ng mga lihim na pahiwatig ng may-
akda. Kaugnay nito, naririto ang ilan sa mga pahayag na iyon at nais kong iyong isipin ang lihim sa
mga kataga ng mga tauhan.
 “… Ngunit sa mga panahong ito na maraming tumutuligsa sa amin, wala pa akong
nakitang naglalakas-loob na panindigan ang mga paratang sa kanya, kapag may kapaharap na
prayle o kahit na sa harap ng madla.” – Padre Fernandez
 “… May mga naninira sa amin nang talikuran, ngunit sa harapan ay humahalik sa
aming kamay. At sa pamamagitan ng ngiting bulisik ay nagmamakaawa sa aming sulyap!” – Padre
Fernandez
 “Ang kasalanan ay nasa nagturo sa kanila ng pagkukunwari, nasa mga sumiil sa
malayang kaisipan at malayang pagpapahayag. … Baliw ang taong handang magtiis ng mga pag-
uusig, masabi lamang nang malakas ang kanyang iniisip.” – Isagani
 “Ibinibigay ang karunungan sa mga taong karapat-dapat, hindi sa mga walang
moralidad.” – Padre Fernandez
 “Kapag nagkanlong ang mga prayle sa likod ng pamahalaan, ang pamahalaan na
ang maaaring hingan ng tulong ng mga mag-aaral.” – Isagani
 “Kaawa-awang binata! Kinaiinggitan ko ang mga Hewsitang nagturo sa iyo.”
 – Padre Fernandez
 “Nahaharap sa kapahamakan ang binatang iyan at maaaring magpahamak din sa
atin. Dapat malaman ng lahat na ang kanyang pagkukuro ay hindi natutuhan sa atin.” – Heswita
 
Sa kabanatang ito ay nakita natin ang pagpapalitan ng kuro-kuro nina Isagani at Padre Fernandez
kung saan ay pareho nilang nirespeto ang diwa ng bawat isa. Maidaragdag rin na sa kanilang pag-
uusap ay muling napahanga ni Isagani ang kanyang kapalitan ng kuro-kuro lalo na sa mga usaping
kinasangkutan ng prayle, pamahalaan, at mamamayan. Ito ang nagpapatunay na hindi batayan ang
edad o katayuan sa buhay upang magpahayag ng katwiran o katotohanan. Lagi lang tandaan na
kung mangangatwiran, siguraduhing magagawa ito sa maayos na paraan.

EL FILIBUSTERISMO KABANATA 28: ANG MGA KATATAKUTAN


Likas sa katauhan ng isang nilalang ang makaramdam ng pagkatakot. Ito ay sa kadahilanang higit
na nagiging alerto ang tao o hayop laban sa mga panganib na maaari niyang maranasan.
Magkaganoon pa man, may mga pagkakataon na ang takot din ang nagiging dahilan upang lalong
bumagsak o manghina ang isa tao lalo na kung kasangkot dito ang pamilya, kaibigan at sariling
buhay. Kaugnay nito, mahalagang magpagnilayan kung ano ang dapat nating gawin upang
maalis ang takot at pangamba sa puso ng isang tao? Ganoon din naman, bakit sa kabila ng
pagkatakot ay may mga taong patuloy na sumusuong sa pangarap at adhikain sa
buhay? Kaya naman, halina’t ating tuklasin kung paano nakaapekto sa mga tao ang takot na
kanilang nararamdaman.
 
I. Mahahalagang Pangyayari
Halina’t tuklasin ang mahahalagang pangyayaring nakapaloob sa Kabanata 28 ng El
Filibusterismo. Maaari mo ring basahin ang kwento sa kabanatang ito sa mismong aklat na El
Filibusterismo upang makita ang pasalaysay na paglalahad ni Rizal.
 Nagwika ang mamamahayag na si Ben Zayb na wasto ang kaniyang sinasabi na
masama sa Pilipinas ang pagkatuto ng mga kabataan.
 Nagdulot ng takot sa lahat ang mga paskil, kabilang ang mga pari, Heneral, at mga
Intsik kaya hindi na rin dumalo sa pagtitinda ni Quiroga ang mga pari.
 Nais namang konsultahin ng takot ding si Quiroga si Simoun tungkol sa mga
sandatang nakatago sa ilalim ng bahay ngunit nagpaabot lang ng mensahe si Simoun na ‘wag
galawin ang mga ito.
 Nagpunta si Quiroga kay Don Custodio ngunit ayaw din nito ng bisita dahil sa takot
kaya kay Ben Zayb siya nagtungo.
 Nakita ni Quiroga ang dalawang rebolber sa ibabaw ng mga dokumento ng
manunulat kaya umalis na ito agad.
 Nagpunta naman si Padre Irene sa bahay ni Kapitan Tiago upang ibalita ang
kahindik-hindik na pangyayari na ikinabalisa ng kapitan.
 Nawalan ng buhay si Kapitan Tiago dulot ng labis na takot sa kwento ni Padre Irene.
 Nang mamatay si Kapitan Tiago ay kumaripas naman ng takbo si Padre Irene.
 May napabalita namang may nagpaagaw ng salapi sa isang binyagan na
pinagkaguluhan ng mga tao roon.
 Inakalang mga pilibustero ang gumawa ng paagaw ng salapi kaya hinabol ito ng mga
sibil.
 May nahuli ring dalawang lalaking nagbabaon ng mga armas na hinabol din ng mga
sibil habang isang beterano naman ang napatay.
 
II. Karagdagang Kaisipan sa Pamamagitan ng Tanong-Sagot
Sa bahaging ito ay nais kong bigyang-pansin ang ilang kaisipan na makatutulong sa iyo upang
mapagwari ang ilang simbolismo o pahiwatig ni Rizal sa kabanata.

 Bakit binabaon sa lupa ng dalawang lalaki ang armas?


 Ang nagbabaon ng dalawang escopeta sa silong ng bahay na walang tao ay
gumagawa ng gayon upang ‘di na makita sa kanila ang mga baril.

 Ano ang palatandaan na takot ang mga prayle sa mga pangyayari?


 Ang pagkatakot ng mga prayle ay pinatunayan nang ni isa’y walang sumipot
sa tindahan ni Quiroga gayong may mga bagong dating na paninda ang Intsik.

 Bakit ayaw makipagkita ni Simoun kahit kay Quiroga?


 Si Simoun ay may sakit at ayaw niyang mausisa ukol doon.
 Masam rin ang kanyang loob sa mga pangyayari kaya kailangan niyang
mapag-isa para makapag-isip-isip.

 Bakit napadali ang pagkamatay ni Kapitan Tiago?


 Naririto ang mga magkakasunod-sunod na pangyayaring nagpasidhi sa
laganap na lason ng opyo sa katawan ng kapitan:
a. Namatay si Maria Clara
b. Ibinilanggo si Basilio
c. Naghalughog ang mga makapangyarihan sa kanyang tahanan upang
makuha ang mga kasulatan ni Basilio
d. Tinakot siya ni Padre Irene

 Toto nga kayang may paskil na natagpuan sa pamantasan?


 Totoo ang mga paskil subalit hindi lamang matiyak kung sino ang may gawa
ngunit nakaturo ang mga palatandaan sa mga prayle tulad ng pagkakaalam ng halos lahat ng
prayle sa paskil gayong walang estudyanteng nakakita rito.

 Bakit hahangarin ng mga prayle na magkaroon ng kaguluhan dulot ng paskil?


 Maaaring ginawa nila ito sa pagnanasa ng mga prayle na gibain ang kilusan
ng mga estudyanteng naglalayon ng Akademya ng Wikang Kastila.

 Bakit nagkatinginan sina Placido at ang manggagawa ng pulbura nang


mabanggit ng platerya ang pangalan ni Simoun?I
 to ay sa kadahilanang alam nila ang layuning paghihimagsik ni Simoun,
samantalang ang mga kasamahan ng alahero sa bahay ay ‘di ito nababatid.

 Bakit hindi nailathala ang nangyari sa dalagitang bangkay na natagpuan sa


Luneta?
 Hinalay ng mga tanod na Kastila sa pinto ng Intramuros na malapit doon ang
dalagita kaya hindi ito nailathala sa pahayagan gayong nakita ni Ben Zayb ang bangkay.
 
III. Suliraning Panlipunan
Kung pakasusuriin ang kaisipan, pananalita at sitwasyong inilahad sa mga pangyayari ng akda,
matutuklasan natin ang mga sumusunod na suliranin:
 Pananakot sa kapwa
 Pagtalikod sa tungkulin para sa pansariling interes
 Pagkitil ng buhay ng isang tao na walang kalaban-laban
 
IV. Mahahalagang Pahayag ng mga Tauhan
Bawat tauhan ay may mahahalagang kaisipan na nagtataglay ng mga lihim na pahiwatig ng may-
akda. Kaugnay nito, naririto ang ilan sa mga pahayag na iyon at nais kong iyong isipin ang lihim sa
mga kataga ng mga tauhan.
 “Ang layon ay siyang nagbibigay matuwid sa mga paraan. Ang layon natin ay
ipagsanggalang ang banal na relihiyon at ang karangalan ng Inang-Bayan.”“Ginang, nabaril na po
siya (Tadeo).” – Isang mag-aaral
 “Nabaril! Ang kabanal-banalan kong Ina! Ngunit hindi pa siya nakababayad ng
kanyang utang!” – May-ari ng tindahan ng matamis
 “Luko-luko ang Isagani na iyan! Hindi naman siya huhulihin. Ngunit nagpunta siya
roon at iniharap ang sarili. …” – Isang mag-aaral
 “Hindi siya (Paulita) mawawalan ng kasintahan, ginang. Maaaring umiyak siya
sandali. Pagkatapos mag-asawa rin siya sa isang Kastila.” – Isang mag-aaral
 “Hindi ako naniniwala na may mga paskil. Sa aking palagay, kagagawan lahat iyan ni
Padre Salvi.” – Isang platero
 
Sa kabanatang ito ay nakita natin ang takot na takot na mamamayan dahil hindi malinaw sa kanila
kung ano ang ipinaglalaban ng mga estudyante. Ito ang dahilan kung bakit mabilis silang
napasusunod sa mga maling impormasyon at pananakot na lumalaganap sa lipunan. Lagi ring
tandaan na hindi masamang matakot sa isang sitwasyon na hindi ka tiyak subalit hindi tama na
magpatalo na lamang tayo sa takot. Tunay na hindi sa lahat ng oras ay matapang ka dahil darating
ang panahon na manghihina ka kaya gamitin mo ang iyong kalakasan sa tama at huwag tumulad
kay Ben Zayb na tumaligod sa katotohanan.

EL FILIBUSTERISMO KABANATA 29: MGA HULING SALITA


TUNGKOL KAY KAPITAN TIAGO
Ang buhay ng isang tao ay hindi panghabambuhay. Ito ang dahilan kung bakit madalas nating
marinig na dapat nating gugulin ang buhay sa masaya at maayos na pamamaraan. Isa sa
pamamaraang ito ay ang magpakabuti at tumulong sa ating kapwa lalo na kung may kakayahan
kang gawin ito. Magkaganoon pa man, paano nga ba natin masusuklian ang kabutihan ng isang tao
sa kabila ng kanyang pamamayapa o kamatayan? Halina’t ating tuklasin ang ginawa ng mga tauhan
sa kabanata.
 
I. Mahahalagang Pangyayari
Halina’t tuklasin ang mahahalagang pangyayaring nakapaloob sa Kabanata 29 ng El
Filibusterismo. Maaari mo ring basahin ang kwento sa kabanatang ito sa mismong aklat na El
Filibusterismo upang makita ang pasalaysay na paglalahad ni Rizal.
 Abala ang marami sa gaganaping marangyang libing ni Kapitan Tiago.
 Napunta ang naiwangkayamanan ni Kapitan Tiago sa Sta. Clara, sa Papa, at sa mga
pari at ang 20 pisong natira ay ibinahagi bilang pangmatrikula ng mga mag-aaral.
 Hindi malaman noong una kung ano ang damit na isusuot ni Tiago sa kaniyang libing
kaya may nagmungkahi na isang damit-Pransiskano, at mayroong nagsabing isang prak na
paborito ng kapitan.
 Sa huli, napagpasyahan ni Padre Irene na isang lumang damit na lang ang isusuot.
 May mga usapan ding nagpapakita ang kaluluwa ni Tiago bitbit ang kaniyang
panabong na manok habang puno ang bibig ng nganga.
 Sinabi tuloy ng iba na hahamunin ni Tiago ng sabong si San Pedro sa langit.
 Marangya ang libing na maraming padasal at paawit.
 Marami ding kamanyan at agua bendita na inialay sa kabaong.
 Ang katunggali naman ni Tiago na si Donya Patrocinio ay inggit na inggit sa libing
ni Tiago at nais na ring mamatay upang mailibing rin nang marangya.
 
II. Karagdagang Kaisipan sa Pamamagitan ng Tanong-Sagot
Sa bahaging ito ay nais kong bigyang-pansin ang ilang kaisipan na makatutulong sa iyo upang
mapagwari ang ilang simbolismo o pahiwatig ni Rizal sa kabanata.

 Totoo ba ang lahat ng nilalaman sa huling testament ni Kapitan Tiago?


 Lahat ng tadhana ng testamento ni Kapitan Tiago ay gawa-gawa lamang ni
Padre Irene sapagkat sa ganitong paraan nagkakamal ng malaking lupa at kayamanan ang mga
orden at ang simbahan.

 Ano ang kahulugan ng tanong ni Quiroga kay Don Primitivo hinggil sa


kontrata, kay Kristo at sa kamatayan?
 Ito’y nagpapakita ng kataliman ng Intsik sa negosyo kung saan simbolo ito na
kaya lumipat sa Kristiyanismo ang mga Intsik noon ay hindi dahil sa pananampalataya kundi dahil sa
lalong ikabubuti ng kanilang negosyo.

III. Suliraning Panlipunan


Kung pakasusuriin ang kaisipan, pananalita at sitwasyong inilahad sa mga pangyayari ng akda,
matutuklasan natin ang mga sumusunod na suliranin:
 Pagkainggit sa kapwa
 Paglapastangan sa isang taong namatay
 Pagbabago ng testamento para sa sariling kapakanan
 
IV. Mahahalagang Pahayag ng mga Tauhan
Bawat tauhan ay may mahahalagang kaisipan na nagtataglay ng mga lihim na pahiwatig ng may-
akda. Kaugnay nito, naririto ang ilan sa mga pahayag na iyon at nais kong iyong isipin ang lihim sa
mga kataga ng mga tauhan.
 Ang pagtatalo ay lumilikha ng kalungkutan, walang sinomang ang maaaring
malungkot sa langit.” – Don Primitivo
 “Sigulo, puwele akieng kontalata, itong akien sabong sa Kiisto, ha? ‘Pag ako
paktaylo, akieng kontalalista, ha?” – Quiroga

Sa kabanatang ito ay nakita natin kung paano gamitin ng ilang sakim ang kamatayan ni Kapitan
Tiago. Dito lantarang binago ni Padre Irene ang lahat ng nilalaman ng testamento ni Kapitan Tiago
upang silang Kastila ang makinabang sa kayamanan nito. Nakalulungkot lamang isipin na kahit ang
kamatayan ng isang taong maraming naitulong sa simbahan at ibang tao ay kanilang
lalapastanganin. Kaugnay nito, tunay man na may kasabihan tayong, kung ano ang iyong itinanim
ay siya mong aanihin subalit ito ay maaaring maisakatuparan lamang sa langit lalo na kung daigdig
ay puno ng pagkamakasarili at panlalamang.

EL FILIBUSTERISMO KABANATA 30: SI JULI


Tulad ng itinuturo ng Bibliya, sa labis na pagmamahal ng Panginoon ay Kanyang isinakripisyo ang
Kanyang bugtong na Anak. Dito natin tunay na makikita ang walang hanggang pag-ibig ng
Panginoon para sa atin. Ito rin ang dahilan kung bakit tayong mga tao na nilikha na kawangis ng
Diyos ay handa ring magsakripisyo para sa ating mga minamahal. Kaugnay nito, nais kitang
tanungin, ano-ano ang kaya mong isakripisyo para sa iyong minamahal? at bakit mo ito
ginagawa kahit alam mong wala kang makukuhang kapalit? Ngayon, halina’t tuklasin ang
kayang isakripisyo ni Juli at ang kanyang dahilan para sa mga minamahal sa buhay.
 
I. Mahahalagang Pangyayari
Halina’t tuklasin ang mahahalagang pangyayaring nakapaloob sa Kabanata 30 ng El
Filibusterismo. Maaari mo ring basahin ang kwento sa kabanatang ito sa mismong aklat na El
Filibusterismo upang makita ang pasalaysay na paglalahad ni Rizal.
 Malaking usapan sa San Diego ang pagpanaw ni Kapitan Tiago at pagkakahuli kay
Basilio kaya labis na nalulungkot si Juli dahil sa nangyari sa kasintahan.
 Sa pagnanais na mapalaya si Basilio, naisip ni Juli na lumapit kay Padre Camorra
ngunit nag-aalangan ito dahil sa maaaring gawin sa kaniya ng kura.
 Gayunman, ilang gabi nang binabagabag si Juli sa kaniyang panaginip at nabalitaan
pa nitong nakalaya na ang mga kasama ni Basilio dahil sa tulong ng mga kaanak.
 Naisip ni Juli na wala nang tutulong kay Basilio dahil wala na rin si Kapitan Tiago
kaya ayaw man ay nagtungo pa rin ang dalaga kay Padre Camorra bilang nag-iisa niyang pag-
asa para sa nobyo.
 Nagtungo si Juli sa kombento at tulad ng naiisip ni Juli, hinalay siya ng pari.
 Hindi kinaya ni Juli ang ginawa sa kanya kaya tumalon ito sa bintana ng kombento.
 Hindi kinaya ng lolo ni Juli na si Tata Selo ang nangyari sa apo at dahil walang
makuhang hustisya ang matanda para sa apo ay sumama ito sa mga tulisan.
 
II. Karagdagang Kaisipan sa Pamamagitan ng Tanong-Sagot
Sa bahaging ito ay nais kong bigyang-pansin ang ilang kaisipan na makatutulong sa iyo upang
mapagwari ang ilang simbolismo o pahiwatig ni Rizal sa kabanata.

 Bakit nasabi ni Hermana Penchang na “Mabuti nang napaalis ko siya (Juli),


ayokong makasamaan ng loob ang mga prayle.”?
 Noo’y madaling madawit sa isang suliraning pampulitika at pangsimbaha, at
dahil dinakip si Basilio na kasintahan ni Juli, maaaring madawit si Hermana Penchang na siyang
pinaglilingkuran ng dalaga.

 Bakit sa kabila ng nalalaman ni Juli na gagawin ni Padre Camorra ay tumungo


pa rin ito sa kumbento?
 Naririto ang dahilan ng pagtungo ni Juli:
a. Dulot ng malaking pag-ibig ni Juli at utang na loob kay Basilio, nais
niyang lumaya ang binata.
b. Tiniyak ni Hermana Bali na walang masamang mangyayari sa kanya.

 Ano ang mga patunay ni Rizal upang ipakita ang pagkakahalay ni Juli?I
 nilarawan ni Rizal ang pagkagusto ni Padre Camorra sa mga babae
 Ang paggunita ni Juli sa kahilingan ni Padre Camorra na ipagkaloob ng
dalaga ang puri at katawan kapalit ng paglaya ni Tata Selo.
 Ang malaking pag-aagam-agam ni Huli sa maaaring mangyari.
 Ang pagpapakamatay ni Juli na sinundan o kasabay halos ng paglabas ni
Hermana Bali na parang baliw na patakbong nagsisisigaw sa lansangan.

Tandaan:
a. Kung nagpakamatay si Juli bago siya hinalay ay hindi magkakagayon
si Hermana Bali.
b. Ang paglapastangan sa puri ni Julia y ginawa mismo sa harapan ni
Hermana Bali.
 
III. Suliraning Panlipunan
Kung pakasusuriin ang kaisipan, pananalita at sitwasyong inilahad sa mga pangyayari ng akda,
matutuklasan natin ang mga sumusunod na suliranin:
 Pagsasamantala sa kapwa / Paglapastangan sa mga babae
 Pagsasakripisyo bilang tanda ng tunay na pagmamahal
 Kahalayan ng mga kaparian noong kapanahunan
 Pagkapit sa patalim alang-alang sa adhikain
 
IV. Mahahalagang Pahayag ng mga Tauhan
Bawat tauhan ay may mahahalagang kaisipan na nagtataglay ng mga lihim na pahiwatig ng may-
akda. Kaugnay nito, naririto ang ilan sa mga pahayag na iyon at nais kong iyong isipin ang lihim sa
mga kataga ng mga tauhan.
 “Kapag pumapasok sa simbahan at nakita na marumi-rumi ang bendita ay hindi na
siya sasawak upang magkurus! Kung ano-ano ang sinasabing maliliit na hayop at mga sakit. …” –
Hermana Penchang
 “Ngunit mabibigyan ko kayo ng mabuting payo. Pumunta kayo sa hukom
tagapamayapa, ngunit kailangang kasama ninyo si Juli.” – Kawani
 “Sapat na ang isang salita niya upang ipatapon ang isang sanggol na bagong
panganak at mailigtas sa kamatayan ang isang taong may silo sa kanyang leeg.” – Hermana Bali
 “… Aba! Nailimbag ang munting aklat (Tandang Basio Macunat) na iyan nang may
pahintulot ng arsobispo.” – Hermana Bali
 “O Diyos ko! Sa harap Mo po’y walang mayaman, walang mahirap, walang puti o
itim. Bigyan Mo po kami ng katarungan.” – Isang babae
 “Kung ang kanilang Diyos na ipinangangaral ay hindi gawa-gawa lamang, isang
panlilinlang. Sila ang unang-unang hindi naniniwala sa Kanya!” – Isang lalaki
 
Sa kabanatang ito ay nakita natin ang masalimuot na buhay ni Juli. Dito naipakita ni Rizal ang
pagsasakripisyo ng isang tunay na nagmamahal alang-alang sa iniibig. Magkaganoon pa man, dito
rin natin nakita kung paano pagsamantalahan ng isang makapagyarihan ang kahinaan ng ibang tao
tulad ni Padre Camorra kay Juli. Laging tandaan na huwag mong pagsasamantalahan ang kahinaan
ng iyong kapwa dahl hindi ito magdudulot ng maganda sa kapwa. Ganoon din naman, laging
alalahanin na ang pagtulong sa kapwa ay hindi nangangailangan ng anomang kapalit kaya dapat ay
bukal sa puso itong ipagkakaloob sa nangangailangan.
 
PAGLALAHAT:
Ipinakita sa bawat kabanata ang mga pangyayari na puno ng kalungkutan. Tahimik ang buhay n
Basilio at ang ilan sa mga naging kasangkot sa Kabanata 26. Nadamay ang mga walang kamalay-
malay na mag-aaral dahil sa paskil. Takot ang nabuo sa mga tao na isa sa naging dahilan sa
pagpanaw ni Kapitan Tiago sapagkat nababahala ito na masangkot sa isyu laban sa pamahalaan.
Ganoon pa man, dulot ng kabutihan ni Kapitan Tiago ay nabigyan siya ng marangyang libing subalit
nahahaluan ito ng mga pansariling interes. Ganoon din naman, isa sa kawawang tauhan sa nobela
ay si Juli dahil siya ay hinalay ng pari na kanyang lalapitan sana upang makalaya ang kanyang
kasintahan. Dulot ng kahihiyan na nararamdaman ng dalaga ay tumalon ito sa bintana ng kumbento.
Ang lahat ng ito ang nagpapatunay na bawat tao ay may suliraning nararanasan na ang iba ay dulot
ng mga taong mapagmalabis sa kapangyarihan kaya siguraduhing ikaw ay mamumuhay ng payapa
at may pagmamahal sa kapwa.

FILIPINO WORD POWER 


Kabanata 26: Mga Paskil
 PAG-UUSIG (Investigation) – Pagsisiyasat / Pag-iimbestiga
Hal. Sinimulan kahapon ng mga pulis ang pag-uusig sa mga kabataang nakuhanan ‘di umano ng
ipinagbabawal na gamot.
 KABO (Corporal) –Opisyal ng sandatahang lakas na mas mataas kaysa private
Hal. Bilang pasasalamat sa hindi matatawarang serbisyo-publiko, ginawaran ng pagkilala
ang kabo na may malaking ambag sa isinagawang relief operation.
 KATEDRATIKO (Professor) – Pinakamataas na posisyon ng propesor sa kolehiyo
Hal. Ikinagulat ng mga mag-aaral ang pag-obserba ng katedratiko sa kanilang klase.
 INIHIHIMATON (Point) – Itinuturo
Hal. Inihihimaton ng ilang grupong kumokontra sa pamahalaan ang malalang kalagayan ng
pandemya sa bansa.
 TUMIWALAG (Renounce) – Tumalikod / Kumalas
Hal. Maraming miyembro ng kooperatiba ang tumiwalag sa samahan dahil sa nabalitaang
korapsyon at kawalang-katarungan ng namumuno rito.
 
Kabanata 27: Ang Prayle at Ang Estudyante
 BUKTOT (Wicked) – Masama
Hal. Gaanoman kadakila ang layunin ng isang tao ay hindi pa rin ito magiging katanggap-tanggap
kung buktot ang pamamaraang ginamit para maabot ito.
 BULISIK (Vile / Meanness) – Imbi / Masama / Mahalay
Hal. Sadyang nakatatakot ang ngiting bulisik ng lalaki sa kanto.
 KAPISTA (Capista) – Estudyanteng nagtatrabaho sa paaralan para sa makapag-aaral
Hal. Dulot ng kahirapan ng buhay, maraming estudyante ang nagiging kapista para lamang
makapagtapos ng pag-aaral.
 NASUKOL (Cornered) – Napaligiran / Nahuli
Hal. Nasukol ng mga pulisya ang mga nagtutupada o nagsasabong sa kabila ng ordinan sa laban
sa pagkukumpulan ng mga tao.
 SALAT (SCARCE) – KULANG
Hal. Sa ngayon, salat ang mga bakuna sa Pilipinas laban sa COVID-19 pero ayon sa Kagawarang
Pangkalusugan (DOH) ay kanila na itong binibigyang-solusyon.
 
Kabanata 28: Ang Mga Katatakutan
 ARABAL (Outskirts) – Panirahang pook sa labas ng lungsod
Hal. Nahuli ng mga pulis sa arabal ang matagal nang pinaghahanap na tulisan.
 KASTILYERO (Fireworks maker) – Gumagawa ng paputok / Pirotekniko
Hal. Tunay na nakamamangha at nakagagaan ng kalooban ang mga paputok na may iba’t ibang
kulay sa himpapawid na gawa ng mga kastilyero.
 SABLE (Sword) – Tabak / Espada
Hal. Noong kapanahunan ay madalas na magging libangan ng mga ilustrado ang
pakikipagsable sa kanilang mga kaibigan.
 SUGO (Messenger / Envoy) – Mensahero / Kinatawan
Hal. Nagpadala ng sugo ang pangulo sa United Nations upang makibahagi sa usaping pandaigdig
at upang maipahayag ang hinaing ng bansa.
 KASAPAKAT (Accomplice) – Kakampi / Kapanalig / Kasabwat
Hal. Kinasapakat ni May si Ben para sa gagawing prank sa kanilang matalik na kaibigan na
matagal na nilang hindi nakasama.
 
Kabanata 29: Mga Huling Salita tungkol kay Kapitan Tiago
 ALBASEYA (Albacea) –Tagapagpatupad ng testamento ng isang namayapa
Hal. Ipinatawag ni May ang itinalagang albaseya ng namatay niyang asawa upang malaman ang
nilalaman ng huling testamento nito.
 HUMAL (Nasal speech sound) – Ngongo na parang nakaipit ang ilong
Hal. Pinagtatawanan ng ilang bata ang lalaking humal kung magsalita.
 NAHITA (Incur) – Napala
Hal. Walang nahita si Leo sa pakikipagtalo niya sa tindera ng mga branded na damit.
 MAKIKIPAGMONTE (Play with cards) – Makikipagbaraha
Hal. Isa sa mga naging tradisyonal na gawain tuwing may burol sa Pilipinas ay
ang pakikipagmonte ng mga nakikilamay upang makapaglibang.
 HITSO (Betel) – Nganga / Buyo
Hal. Isa sa mga benipisyo ng hitso ay ang pagpapatibay nito sa ngipin ng tao.
 
Kabanata 30: Si Juli
 SILO (Loop / String) – Tali
Hal. Hindi agad naalis ni Ana ang pumulupot na silo sa katawan ng kanyang aso.
 PANANAPATAN (Serenade) – Panghaharana
Hal. Pananapatan ang pamamaraan noon ng mga kalalakihan upang maipahayag ang kanilang
damdamin sa iniibig na babae.
 PADRINO (Patron / Sponsor) – Ninong / Tagapamagitan
Hal. Noong ay madalas na lumapit sa mga prayle ang mga mamamayan bilang padrino sa
pagpapalaya ng nakakulong na kamag-anak at sa pagnenegosyo.
 NANGUNYAPIT (Cling) – Naglambitin / Kumapit upang hindi mabuwal
Hal. Nangunyapit si Maria sa poste upang mapigilan ang pagkakadulas sa nilakaran niyang
basang sahig.
 NGUMUYNGOY (Whimper) – Umungot / Umiyak
Hal. Ngumuyngoy nang napakalakas si Jessa nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ng
kanyang alaga matapos masagasaan ng rumaragasang sasakyan.

You might also like