You are on page 1of 10

Pagsusuring Pormalistiko sa Isang Awiting Kinilala at Pumukaw

sa Puso ng Madla – Magdalena na Isinulat at Inawit


ni Freddie Aguilar noong 1983
Nina:
Cortez, Charlene Rianne L.
Joson, Joy Ann B.
Laureano, Marc Philippe M.
Castrro, Darwin M.
Victoria, Sheila Marie M.
Salvador, Eugene C.

I.Panimula

Ang musika ay may malaking bahagi sa buhay ng bawat Pilipino. Sumasalamin ito sa
buhay, kinagisnan, kultura, pakikibaka, inspirasyon, pangyayari sa kapaligiran maging sa
nararamdaman natin bilang mga tao (Canabangon,2009). Ayon kay Mangusad (2009), ito ay
repleksyon ng ating kultura at ng ating pagkatao. Ayon naman kay Straubhaar, ang isang awitin
ay higit na magiging kaaya-aya at makabuluhan kung ito ay tumatalakay sa mga problemang
kinahaharap ng bansa.

Ang Pilipinas ay higit na kilala sa larangan ng musika dahil sa mga mang-aaawit at


manunulat na tunay nga namang pinagkalooban ng kakaibang talento sa ganitong larangan. Ang
kanilang pagiging malikhain at totoo sa lahat ng kanilang isinusulat na kanta ay ilan lamang sa
mga dahilan kung bakit sila patuloy na tinitingala. Si Freddie Aguilar ay isa sa mga tanyag na
mang-aawit at manunulat sa Pilipinas na kilala sa kanyang mga makatotohanan at nakakatindig-
balahibong mga awitin. Sa katunayan, ang kanyang angking galing sa larangan ng musika ay
hindi lamang nakilala sa buong bansa sa halip ay nakilala rin sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ang kantang “Magdalena” ay isa lamang sa kanyang mga awitin na tumatalakay sa


isyung panlipunan. Ang naturang awitin ay isinulat noong 1983 kasabay ng paglobo ng bilang ng
mga kababaihang kumakapit sa patalim para lamang matustusan ang kanilang pang araw-araw na
pangangailangan. Ito ay agad na sumikat sa Pilipinas noong 1980s na hanggang sa kasalukuyan
ay tinatangkilik pa rin ng maraming Pilipino. Ang angking ganda ng awiting ito ay nakapag-iwan
na ng marka sa mga puso ng mga tagapakinig nito.
II. Pagsusuri

A.Pyesa
Magdalena
ni Freddie Aguilar

Tingin sa iyo'y isang putik, larawan mo'y nilalait

Magdalena ikaw ay 'di maintindihan

Ika'y isang kapuspalad, bigo ka pa sa pag-ibig

Hindi ka nag-aral, 'pagkat walang pera

Kaya ika'y namasukan, doon sa Mabini napadpad

Mula noon, binansagang kalapating mababa ang lipad

Hindi mo man ito nais, ika'y walang magagawa

'Pagkat kailangan mong mabuhay sa mundo

Tiniis mo ang lahat, kay hirap ng kalagayan

Ang pangarap mo, maahon sa hirap

Kaya ika'y namasukan, doon sa Mabini napadpad

Mula noon, binansagang kalapating mababa ang lipad


Magdalena, ikaw ay sawimpalad

Kailan ka nila maiintindihan

Magdalena, ikaw ay sawimpalad

Kailan ka nila maiintindihan

Magdalena, Magdalena

Ibig mo nang magbago at mamuhay na nang tahimik

Ngunit ang mundo'y sadyang napakalupit

Hanggang kailan maghihintay, hanggang kailan magtitiis

Ang dalangin mo, kailan maririnig

Magdalena, ikaw ay sawimpalad

Kailan ka nila maiintindihan

Magdalena, ikaw ay sawimpalad

Kailan ka nila maiintindihan

Magdalena, Magdalena

B. Suri sa Elemento

1. Ritmo
Ang ritmo ay ang pulso at indayog ng tunog upang mabigyang buhay ang kanta.
Ito ang paulit-ulit na tunog na naririnig. Masasabing ito ay mahalaga sa kadahilanang
makukuha ang tono ng isang awitin. Sa pagsusuri ng awitin na Magdalena ni Freddie
Aguilar, mapapansin na dalawang beses inulit ang tono ng naunang saknong at sinundan
ng panibagong tono upang maipakita ang bagong diwa ng awitin. Nailahad nang maayos
ng mang-aawit ang kasidhian ng damdamin ng mga naunang talata dahil sa pagkakaroon
ng mababang indayog nito. Katulad ng mga naunang awitin ni Freddie Aguilar, ito ay
nananatiling magaang emosyon na mabigat ang pasanin. Nabigyang tugon din ito sa mga
naturang kanta noong 1980s.

2. Timbre
Isa sa mga elemento ng musika ang timbre. Ito ay tumutukoy sa kalidad ng isang
tono, nota o kaya naman ay tunog sa isang kanta. Ayon naman sa Acoustical Society of
America (ASA), ito ay ang kakayahan ng ating pandinig na makatukoy ng kaibahan ng
dalawang tunog na magkapareho ang lakas at taas. Ang timbre ng mang-aawit na
pinamagatang “Magdalena” ay tenor, mataas na tono sa tinig ng mga kalalakihan.
Masasabing garalgal ang boses ng mang-aawit lalo sa mga saknong na matataas na ang
tono. Pansinin ang linyang ito:

“Kaya ika’y namasukan, doon sa Mabini napadpad


Mula noon, binansagang kalapating mababa ang lipad

Magdalena, ikaw ay sawimpalad


Kailan ka nila maiintindihanla
Magdalena, ikaw ay sawimpalad
Kailan ka nila maiintindihan
Magdalena, Magdalena .”

Bagamat mapapansin sa mga unang linya na malumanay at kaunting garalgal


lamang ang narinig, mayroon pa ring parte na tuluyan ang naturang tono nito.

3. Daynamiks
Ang daynamiks ay isa sa mga sangkap ng musika. Ito ay pumapatungkol sa
paglakas at paghina ng awitin o isang tugtugin. Kung ating susuriin ang kanta ni Freddie
Aguilar na pinamagatang “Magdalena”, mapapansing naging balanse ang pagkabigkas ng
malalakas at mahihinang parte. Naiugnay rin ang kahulugan ng awitin sa angkop na antas
ng daynamiks kagaya na lamang ng mahinang pagbigkas ng mapanglaw na mga taludtod
sa nasabing kanta. Kagaya na lamang ng linya sa ibaba:

“Tingin sa iyo’y isang putik, larawan mo’y nilalait,


Magdalena ikaw ay ‘di maintindihan
Ika’y isang kapuspalad, bigo ka pa sa pag-ibig
Hindi ka nag-aral, ‘pagkat walang pera”

4. Liriko
Bukod sa pagkakaroon ng mayamang damdamin, ang liriko ay isang
instrumentong nagpapakita ng damdamin ng mang-aawit o ng manunulat. Kadalasang
binubuo ito ng mga taludtod. Kung ating susuriin ang kantang "Magdalena", tila pasok
ang mga liriko nito sa gustong ipahiwatig ng mang-aawit o manunulat kung saan
binibigyang tampok nito ang damdamin at maging ang pagbubulay-bulay ng mang-aawit.
Mapapansin din na swak sa tyempo ang mga salitang ginamit sa bawat taludtod.
Naipamalas din ang angking katapatan ng manunulat patungkol sa isyung lipunan na
kinakaharap ng bansa, ang prostitusyon. Pagdating sa mga salita, ginamit ng mang-aawit
ang malalalim na salita at mga tayutay na kung iisipin man ay aabutin ka ng ilang minuto
upang ito ay maintindihan. Bagamat malalim makikita pa rin ang buong mensahe ng
nasabing kanta. Isang indikasyon ito upang masabi na pulido at makikita ang diwa ng
liriko.

5. Melodiya
Ang melodiya sa musika ay ang kumbinasyon o pagsasama-sama ng ritmo at
katindihan ng musika. Binubuo rin ito ng isa o higit pang mga pariralang pangmusika. Ito
ay isang elemento ng musika kung saan binubuo ito ng maraming nota at mas malawak
na saklaw. Sa kantang "Magdalena" ni Freddie Aguilar , mapapansing naging kawili-wili
ang palitan ng mga tono kaya naman naipahayag nang maayos ang mensahe ng kanta.
Kung sa una ay gumamit ang mang-aawit ng mababang tono, indikasyong malumanay at
kahali-halina ang ipinapahiwatig ng saknong. Lumutang din ang garalgal ng boses ng
mang-aawit na tila ba isa itong paraan upang maayos niyang mapalitan ang tono para sa
mga susunod na nota na kanyang bibigkasin. Sa huli ay masasabi ng manunuri na
nagtugma at hindi naging mitikuloso ang palitan ng mga tono dahil na rin sa paulit-ulit na
pagbigkas nito.

C. Nilalaman

Pagdating sa laman o mensahe ng kanta, masasabing malalim ngunit buo ang detalyeng
inihahatid nito sa mga tagapakinig. Kung susuriin ay masasabi na ito ay makatotohanan at tiyak
na kapupulutan ng aral. Ang naturang awitin ay tumatalakay sa isang babaeng inalipusta ng
lipunan. Kahirapan ay mistulang pinag-ugatan ng kanyang mabigat na pinapasan. Ang babae sa
sa awitin ay hindi nakapag-aral dala ng kahirapan kung kaya’t siya ay nauwi sa pagiging
bayaran. Walang pinag-aralan, bigo sa pag-ibig, at mababa ang lipad. Ganito inilarawan ang
babae sa naturang awitin. Sa kabila ng kanyang kagustuhang magbago, siya ay nananatiling
hirap dahil tanging pangungutya at panghuhusga lamang ang kanyang nakukuha mula sa mga
taong nakapaligid sa kanya.

Sinisimbolo ng awiting “Magdalena” ang mga kababaihang napasok sa uri ng trabahong


hindi man nila gusto ay nagawa ilang suungin sa kagustuhan nilang magkaroon ng laman ang
kanilang mga tiyan. Nais ipahiwatig ng kanta ang saloobin ng mga babaeng hindi man akma sa
lipunan ang ginagawa ay nangangailangan pa rin ng respeto at pagtanggap mula sa kanilang
lipunang ginagalawan. Ang mensahe ng kanta ay labis na akma sa kasalukuyang panahon sa
kadahilanang hanggang sa kasalukuyan ay marami pa ring kababaihan ang hindi makakuha ng
maayos na trabaho kung kaya’t nauuwi sa pagbebenta ng katawan. Mahusay ang pagkakasulat
ng kanta sapagkat sumasalamin ito sa realidad ng buhay. Bagamat maikli ang piyesa ay naimulat
naman nito ang mga tagapakinig sa mga kaganapang panlipunan na dapat solusyunan. Pinalutang
din ng manunulat ng kanta ang mga bagay na maaaring mangyari dala ng labis na kahirapan.
Bagay na nakadagdag sa pagiging makabuluhan at kaakit-akit nito.

D. Teoryang Pampanitikan

1. Teoryang Realismo
Ang teoryang ito ay akma sa awitin ni Freddie Aguilar na pinamagatang
“Magdalena” sapagkat hango ito sa mga kaganapang panlipunan na kanyang nasaksihan.
Ito ay hango sa totoong buhay sapagkat marami naman talagang kababaihan ang hindi
nakakapag-aral kung kaya’t napipilitang pasukin ang isang trabaho na ni minsan ay hindi
nila pinangarap.

2. Teoryang Pormalistiko
Layunin nito na maiparating sa mga mambabasa at tagapakinig ang ipinapaabot
ng isang manunulat. Sa kantang “Magdalena”, nais iparating ng manunulat na isa sa mga
dahilan ng pagpasok sa prostitusyon ng mga kababaihan ay ang kahirapan at ang
katotohanan na sila ay hindi nakapag-aral.

3. Teoryang Sosyolohikal
Layunin nito na maipakita ang suliranin at kalagayang panlipunan na
kinabibilangan ng may-akda. Sa awiting “Magdalena”, naipakita na isa ang kahirapan sa
mga sakit ng lipunan na tila hindi mabigyang lunas.

4. Teoryang Feminismo – Markismo


Sa kantang “Magdalena”, kinilala ng ilan sa mga kababaihan ang prostitusyon
bilang tuwirang tugon sa kanilang suliraning dinaranas.

E. Bisang Pampanitikan

1. Bisa sa Isip
Ang kanta ay nagbubukas ng isipan at nagbibigay ng kaalaman sa mga tao lalo’t
higit sa mga kabataan. Ito ay pumapatungkol sa realidad ng buhay. Ipinaliliwanag nito na
kaya pumapasok sa mga ganoong trabahao ang ilan sa mga kababaihan ay dahil sa hirap
ng buhay. Napipilitan lamang sila na suungin ang ganoong takbo ng buhay dahil wala na
silang iba pang pagpipilian. Ngunit dahil sa mapanghusgang mundo na ating
ginagalawan, mababa ang tingin sa kanila at hindi inuunawa ang kanilang kalagayan.
Nais ipakita ng awit na ang mga kagaya nila ay tao rin lamang na nagnanais na makaraos
sa hirap ng buhay at patuloy na humihiling ng pagtanggap ng lipunan.
2. Bisa sa Damdamin
Ang kanta ay nakapagdulot ng kalungkutan at kaunting pagkagalit sa manunuri.
Para sa manunuri, nakakalungkot isipin na dahil sa hirap ng buhay, napipilitan ang ibang
tao na kumapit sa patalim. Hindi ito naiintindihan ng iba kaya’t gayon lamang ang
kanilang panghuhusga sa kanila. Sa ganitong mga pagkakataon, mas kinakailangan ng
mga mamamayan ang pagkilos ng gobyerno sa pamamagitan ng paglulunsad ng iba’t
ibang proyektong pangkabuhayan nang sa gayon ay hindi na mapilitang gumawa ng mali
ang iba para lamang kumita. Ang kabuuan ng kanta ay nakapagdudulot ng malungkot na
damdamin subalit ito rin naman ay nakapagbibigay ng pag-asa. Pag-asang darating ang
araw na sila ay makakapagbagong-buhay at tuluyan nang matatanggap sa lipunang ating
ginagalawan.

3. Bisa sa Kaasalan
Ang gawing nailahad ay kapuna-puna. Batay sa manunuri, ang kanta ay nabuo
batay sa mga balita at isyu sa ating lipunan. Ang isyu ng kahirapan at ang dahilan kung
bakit nakakagawa ng mali ang iba nating kababayan. Makikita sa kanta ang pagiging
mapanghusga ng mga tao kahit hindi nila alam ang istorya sa likod ng bawat pangyayari.
Nais iparating ng awitin na dapat magkaroon ng puwang ang pag-unawa sa puso ng
bawat isa. Ang panghuhusga ng kapwa sa kabila ng hindi paglalaan ng panahon para sila
ay unawain ay isa sa mga bagay na hindi dapat taglayin. Dahil sa bawat maskara na ating
nakikita nakatago ang sakit at pighati na kanilang dinadala. Ang pagkakamali ay laging
may puwang sa buhay ng bawat isa kung kaya’t marapat lamang na matuto ang lahat na
umunawa ng iba at magsilbing gabay para sila ay makapagbagong buhay.

4. Bisa sa Lipunan
Magsisilbing eye opener ang awiting ito sa mga mamamayan lalo’t higit sa mga
kabataan sa tunay na nangyayari sa ating lipunan. Makakatulong din ito dahil
mapapaalalahanan ang mga kabataan na sikaping makapagtapos ng pag-aaral nang sa
gayon ay makakuha sila ng marangal at maayos na trabaho pagdating ng araw.
Dahil sa naturang awitin, ipinaunawa rin sa kasalukuyang lipunan na ang mga
kababaihang pumapasok sa ganitong uri ng trabaho ay nangangailangan din mga kamay
na handang tumulong at tumanggap sa kabila ng kanilang mapait na kalagayan.
Makakatulong din ito upang gumawa ng paraan ang gobyerno nang sa gayon ay matapos
na ang mga illegal na gawain na patuloy na namamayagpag sa bansa katulad na lamang
ng prostitusyon.

III. Konklusyon

Ang awiting pinamagatang “Magdalena” ni Freddie Aguilar ay may kaakibat na


mensahe, isang mensahe na nagpapaalala sa isang sakit ng lipunan na hanggang sa kasalukuyan
ay hindi pa rin nabibigyang lunas. Ito ay tungkol sa isang babae na hindi nakapagtapos dahil sa
kasalatan kung kaya’t nauwi sa pagtatrabaho sa illegal na paraan. Tanging pagtanggap ng
lipunan ang kanyang sigaw subalit sa halip na siya ay pakinggan, patuloy pa syang
tinatapakpakan ng mapaglarong lipunan. Ang awiting ito ay nagsisilbing tanglaw sa mga
natutulog na isipan ng mga mamamayan na ang tanging alam lamang ay tapakan at magbaba ng
kanilang mga kapwa. Pinapaalalahan ang lahat ng kantang ito na sa bawat maskara na ating
nakikita nakatago ang mga pighati at sakit na dinadala ng ating mga kapwa kung kaya’t
nangangailangan sila ng mga kamay na handang tumulong at tumanggap.

Ang mga awiting tulad nito ay nagpapatibay lamang sa kalaguan ng musika sa Pilipinas.
Ang paggamit ng musika upang ipahayag ang emosyon, ideya, karanasan, at mga bagay na
nangyayari sa kapaligiran ay matutukoy bilang masining na paraan upang ipahiwatig sa lahat ang
nangyayari sa ating kapaligiran. Isang anyong sining ang musika upang mailahad ang mga bagay
na tila ba lingid sa kaalaman ng iba.

IV. Rekomendasyon

Bawat musika, bawat himig, bawat tono, bawat isa ay may kwento. Kasabay ng patuloy
na pag-unlad ng musika ay ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa nilalaman o istorya na
nakapaloob dito. Bilang rekomendasyon, mahalagang naiuugnay sa isyung panlipunan ang mga
awitin upang maging mulat ang mga tao sa nangyayari sa paligid. Ang kantang "Magdalena" ay
isang magandang halimbawa ng kanta na tumatalakay sa pagpasok sa isang uri ng trabaho na
hindi nila ninais subalit kailangang gawin dulot ng kahirapan. Dahil sa kantang ito, nagiging
bukas nag isipan ng mga tao upang masolusyonan ang problemang ito. Mariin na
iminumungkahi na magkaroon pa ng mga likhang awit na tumatalakay sa mga isyung
kinahaharap ng lipunang ating ginagalawan nang sa gayon ay maging bukas ang isipan ng bawat
isa sa atin. Sa pagsasaayos ng diwa ng musika, marapat ding isaalang-alang ang pagtalakay at
tamang pagbuo ng ideya upang magkaroon pa ng higit na kawilihan sa mga awitin.

V. Sanggunian

Santos, T. (2009, April 4). Wika sa Saliw ng Musika. Retrieved November 24, 2019, from The
Varsitarian: https://varsitarian.net/news/20090404/wika_sa_saliw_ng_musika/

You might also like