You are on page 1of 10

Dangal

Norman Wilwayco

Mayroon akong alam na paraan kung paano wasakin ang dangal ng isang tao, ang
kanyang respeto sa sarili. Siguro’y sasabihin ng iba na madali lang. Gumawa ka lang ng
isang mabantot na tsismis, kakalat na iyan. Ang isang nagmamalinis ay mapapalis sa
isang iglap. Puwede ring pakitaan ng maraming pera. Lahat naman ng tao’y nasisilaw sa
pera. Kapag bumigay sa pera ang isang taong may “reputasyon”, tiyak, sira ang lahat ng
ipinundar niyang kagandahan sa pangalan niya.
 
Pero may alam akong isang bagong paraan. Wala pang nakagagawa nito bukod sa
kaibigan kong si Chris. Itong si Chris, matalik kong kaibigan. Kaklase ko siya noong first
year pa lang kami sa PST. Kinukuha naming kurso noon, Accounting. Nagkahiwalay
lang kami ng landas noong nasa fourth year na kami at medyo na-addict siya sa casino.
Hindi na ako nagsasasama sa kanya. Ano ba naman ang gagastusin ko sa casino? Itong
hitsura kong ito, baka kahit buhay ko ang itaya ko, pagtatawanan lang ako ng mga
bangkero.
 
Kailangang isalaysay ko muna ang pagsasama namin ni Chris para mas malinaw na
masundan n’yo ang daloy ng kuwento.
 
Noong umpisa pa lang, talagang kami na ni Chris ang magkasundo. Dangan kasi’y sa
klase namin, kami ang tila mga mukhang kawawa. Pareho kaming walang wala, sabihin
pa. Komo first year kami, sa block section kami napasama. Ang mga kaklase ko sa lahat
ng subjects ko, iyon at iyon din. At komo nga ang suot ko’y talagang wala sa uso at si
Chris nama’y nasa uso nga pero halatang peke at sa bangketa lang nabili, hindi dahil sa
ayaw naming makigaya sa mga “in” kundi talagang wala kaming ipambibili, unang
tinginan pa lang ay alam ko nang siya ang dapat kong maging kaibigan at gayon din
naman ang tingin niya sa akin.
 
Sa klase, kaming dalawa ang numero unong reklamador pagdating sa bentahan ng tiket.
Dangan kasi, ang mga propesor namin sa PST, hindi na naubusan ng tiket na ibebenta.
Ang  bumili ng tiket ay mayroong bonus sa exams. Lintik ang palag namin sa mga
propesor. Bumabanat pa kami ni Chris ng kung anu-anong teorya tungkol sa dapat ay
libre ang edukasyon dahil ito ang sinasabi sa konstitusyon ng Pilipinas, na kesyo ang
ginagawang pagbibigay ng bonus sa exam sa mga bumili ng tiket ay hindi tama dahil
paano naman iyong mga nagsisikap talaga para makahataw sa exam pero ayaw bumili
ng tiket dahil wala silang panahong manood kung anuman ang mapapanood sa tiket na
iyon, maging konsyerto man o variety show. Marami pa kaming hinuhugot na teorya na
lalong nagpapatingkad sa kaisipan ng buong klase na kaming dalawa ay walang pera. Na
kaya ayaw naming bumili ng tiket ay dahil wala kaming ipambibili. Na kung mayroong
lang kaming pera ay talagang bibili kami ng tiket dahil sino ba naman ang ayaw
magkaroon ng bonus point sa mga exams?
 
Talagang said ang mga bulsa namin noon. Ako, nagtatrabaho sa Uniwide bilang
dakilang bag boy habang si Chris naman ay crew sa Jollibee na bukod sa napakakunat
nang magpasahod ay kayod-kabayo pa ang trabaho.
 
Kailangan naming magtrabaho para makatulong sa mga magulang na hirap nang
igapang ang aming mga pag-aaral. Ang tatay ko’y janitor sa MCU habang ang nanay ko
nama’y tindera ng mga duster at iba pang damit na pambabae sa palengke. Ang mga
magulang naman ni Chris ay hirap din. Ang tatay niya ay tagatawag ng pasahero sa
pilahan ng dyip sa Marikina at ang nanay naman niya ay nasa bahay lang at inaalagaan
ang apat niyang kapatid.
 
Sa klase, komo block section, magkakakilala lahat ng magkakaklase. Kalimitan, sabay-
sabay kumakain pagdating ng tanghali. Kami lang yata ni Chris ang bumubukod dahil
doon kami kumakain sa mga karinderyang ang kalimitang kostumer ay hindi mga
estudyante kundi mga tsuper. Doon ay mas mura ng bahagya ang mga pagkain. At dahil
kalimitan, ang pera nami’y kuwentado na hanggang pamasahe pauwi, hindi na kami
maaari pang umiskor ng luho tulad ng softdrinks o kahit tigta-tatlumpisong palamig.
Nangyari nga minsan na ultimong sigarilyo, pinaghatian namin ni Chris.
 
Okey lang sana ang maging mahirap sa gitna ng mga kaklase naming kundi man
maykaya ay lagi namang may regular na baon mula sa mga magulang, kung sana’y kami
ang nangunguna sa klase. Maganda sana kahit mahirap ka lang kung ikaw naman ang
pinakamatalino sa klase. Ikaw ang inaasahan sa mga exams, ikaw ang tagabigay ng
sagot, ikaw ang taga-salba sa buong kalse.
 
Ngunit anumang pilit ay halos pasang-awa kami ni Chris sa mga quizzes. Wala kaming
pinag-iba sa mga mapoporma ngunit bobo naming mga kaklase. Madalas nga naming
mapag-usapan ni Chris ang tungkol sa bagay na iyon habang tumotoma kami (kung
bagong sahod) ng gin sa isang maliit na tindahan sa may likod ng pamantasan. Sa isip
namin, kung kami lang ang nasa kalagayan nila, walang ibang bagay na makakaagaw sa
aming panahong mag-aral ng leksyon. Siguro kung kami ang mayaman, lintik ang husay
ko sa klase. Kaya lang, wala talaga, eh. Kung hindi ko pupudpurin ang mga daliri ko sa
pagsisilid sa plastik ng mga pinamili ng mga tao sa Uniwide, hindi ako kikita ng pera,
hindi rin makakapag-aral.
 
Umikot ang panahon at kami ni Chris, sa painot-inot na pagtatrabaho, palipat-lipat ng
raket, ay umabot naman hanggang fourth year. Wala na kami sa block section. Kung
minsan kasi, nahihinto ng paisa-isang semestre, depende sa angal ng bulsa. Kapag
walang pera, hinto. Kapag nakaipon-ipon ng konti, aral uli. Ganoon lang naman ang
buhay. Kung wala, wala. Kung meron, meron.
 
Hindi na gaanong nakakahiya. Ang mga kaklase namin dati, ‘yung iba’y nakatapos na.
Kami ni Chris ay napabilang sa makapal na estudyanteng “walang mukha”. Sa kampus,
maraming ganoon. Sila iyong mga estudyante na maitatakda sa katamtaman ang
academic performance. Average na estudyante (ibig sabihin, kung minsan bumabagsak,
pero salamat sa Diyos at madalas ay pasado) ang naging kategorya namin. Hindi kami
sa sikat sa kampus. Hindi kami malakas sa mga propesor. Sa mga project, kami iyong
ayaw maging kagrupo ng mga kaklase dahil wala kaming panahong tumulong sa pag-
gawa ng thesis, feasibility o research paper kaya. Ang trabaho namin ay umuubos ng
panahon. Lalo na si Chris dahil palipat-lipat siya ng trabaho dahil sa punyetang
kontraktwalisasyon. Sa akin, kahit papaano’y regular na akong bagboy. Kaya tuloy lagi
kaming busy at walang panahong tumulong sa paggawa ng mga school projects. Bukod
pa sa katotohanang hindi kami handang magbigay ng perang pampatak sa mga
kailangang bilhin ng grupo.
 
Gaya ng sinabi ko, average student lang kami. Mga “walang mukha”. Kung sa mabilisang
paliwanagan, para madaling maintindihan, ang ibig sabihin ng average student ay iyong
estudyanteng walang pera, hindi kagalingan sa klase at kailangan pang mag-cramming
tuwing may paparating na exam, na kadalasan nama’y hindi rin naipapasa, mga
estudyanteng nagtitiyagang suyurin ang mga tindahan ng mga segunda- manong libro
sa Recto para makatipid, mga estudyanteng pati pampa-xerox ng libro ay kailangan
pang paghandaan ng ilang araw lalo na’t medyo makapal ang naturang librong ipapa-
xerox, mga estudyanteng hindi kumakain sa kantina ng pamantasan dahil mahal ang
mga pagkain dito kung ikukumpara sa mga karinderya sa labas, mga estudyanteng hindi
mo mapapakain sa isang class na kainan sa labas ng pamantasan kahit ilang libong
beses maglunsad ng promo ang mga ito, na kung minsan sa kawalan ng kostumer ay
kinukumpitensya ang presyo ng mga pagkain sa mga mumurahing karinderya sa pag-
aasam na makahakot ng kostumer, at nasabi ko na nga, kahit ibaba nila ang presyo ng
kanilang mga pagkain, hindi pa rin nila mahahatak papalapit ang mga average student
dahil sa tingin nila (ng mga average student) ay pang-mayaman ang naturang restoran
at lubhang nakakahiya kung sila, sa kanilang pagiging average ay biglang magkalat ng
kahihiyan. Ang mga average student ay mga anak ng mga manggagawa, magsasaka,
tindera, labandera, butangera, security guard,  kundoktor, inspektor, kolektor, janitor.
Ang average students ay hindi nagpapa-cool, hindi nagpapa-groovy, mga hindi
pinapansin sa dean’s office, sa students’ affairs office, sa registrar, sa cashier, sa library,
sa student council, sa faculty, mga working students, mga putang students, mga
bisayang students, mga baduy na students, mga estudyanteng walang kotse, walang
pantaksi, walang pangyosi, walang pampanood ng sine, walang pumapansin, walang
gaanong kaibigan, walang organisasyon, walang fraternity, walang depinidong
tambayan, walang alam sa mundo ng musika, walang alam sa mga usapin sa pulitika,
walang alam sa sining, walang alam sa literatura, walang alam na luho, walang alam na
istilo. In short, walang wala. Kabilang kami ni Chris sa mga average students, mga
walang mukha.
 
 
Pero ang suwerte nga ay hindi inaasahan. Bigla na lang dumarating. Si Chris, sa kung
ano’ng pangyayari ay biglang nagkaroon ng $63 million. Dolyares! Sasabihin siguro ng
iba, panibagong bolahan na naman ito. Pero ito’y totoo at hindi ako nambobola.
Mahirap talagang ipaliwanag pero totoong nangyari. Ang tiyahin ni Chris na
naninirahan sa U.S. ay mayroon palang mga stocks sa iba’t ibang kumpanya. Maabilidad
kasi ang tiyahin niyang iyon, hindi katulad ng kanyang ama na namutok na lang ang
tumbong sa dami ng talabang kumakapit ay ayaw pa ring maghanap ng trabaho at
nananatiling tagatawag pa rin ng pasahero sa pilahan ng jeep sa Marikina.
 
Naikuwento sa akin ni Chris noong minsang umiinom kami ng gin sa karinderya sa
likod ng kampus.
“Pare, alam mo bang may tiyahin ako sa States?,” bungad niya.
“Bakit hindi mo hingan ng pera?,” tanong ko.
“May samaan kasi ng loob si erpat ang ang tiyahin kong iyon. Hindi sila nagsusulatan.
At kami man, pinapagalitan ni erpat kapag nababanggit namin ang pangalan ng tiyahin
namin.”
 
Hindi ako kumikibo. Tinungga ko ang tagay ko. Nagpatuloy sa pagsasalita si Chris.
 
“Pero susulatan ko siya. Hahalungkatin ko iyong tokador namin. May mga luma siyang
sulat doon, eh. Titingnan ko roon ang address niya. Hihingan ko siya ng pera. Siguro
kapag ga-graduate na ako. Para makaiskor naman ako ng bagong sapatos.”
“Pare,” pakli ko, “sa unang sulat mo, huwag ka munang manghingi.”
“Natural! Aba, eh ang huling kita ko sa tiyahin kong iyon, wala pa akong bulbol. Alangan
namang bigla ko na lang siyang sulatan at sabihing: ‘Hello, tiyang! May bulbol na ako.
Pahingi ng pera para sa graduation. Period.’ Hindi ganoon, pare. Siyempre,
kakaibiganin ko muna. Kukumustahin. Aalamin kung ano na ang lagay niya. Kung may
asawa na ba siya’t mga anak. Blah-blah-blah.”
 
Sumulat nga si Chris. Binola-bola niya ang tiyahin niya. Na kesyo nami-miss na niya ang
mahal niyang tiyang, na kailan daw ba uuwi ang kanyang tiyang para maipagluto niya
ng fried chicken na mayroong sikretong timpla ng Jollibee, na kesyo siya raw ay
nagsisikap makapagtapos para naman makapunta rin siya ng States at makita ang
kanyang mahal na tiyang, blah-blah-blah. Ang sulat na iyon ang lumikha ng suwerte sa
buhay ni Chris. Hindi alam ng pamilya nila na  ang tiyahin niya pala ay naging kabit ng
isang may-ari ng casino sa Las Vegas. May hitsura kasi ang tiyahin niyang iyon at
mababakas mo naman sa mukha ni Chris na ang pamilya nila ay may hitsura at kahit si
Chris ay puwede namang ilaban ng tabihan sa mga guwapo (ngunit kadalasa’y bobo) sa
kampus.
 
Noong panahong iyon pala ay may taning na ang buhay ng tiyahin ni Chris. May AIDS
ito. Alam ko dahil ikinuwento sa akin ni Chris na sinagot daw ang sulat niya. Na ang
tiyahin niya pala ay tinulungan ng kabit nito na mamili ng mga stocks para sa oras na
pagsawaan sa kama ay kaya nang makapagsarili. At nagsarili nga ang bruha. Dahil
pumutok sa stock market ang investment niya, naging mapera, naging maluho.
Nagpakantot sa kung kani-kaninong lalaki. Ginamit ang pera niya para hamigin sa kama
ang mga kelots na puti. Hindi naglaon, nagbunga ang kanyang kalandian. Nagkaroon ng
AIDS. Sabi ni Chris, napaiyak daw siya habang binabasa ang sulat ng kanyang tiyang.
 
Ang ikinagulat niya, wala itong binanggit sa sulat na ipapamana sa kanya ang pera nito.
Nang mamatay ang kanyang tiyang, may dumating na abugado sa kanilang bahay. Pinoy
ang abugado at kung iniisip mong kano, ibig sabihin, daig mo pa ang ipis sa sobrang
katangahan. May mga representative dito sa Pinas ang mga malalaking law firm sa
States.
 
Umaga dumating ang kanyang tagapagligtas. Sinabi sa kanya ang kanyang kapalaran.
Nang marinig ni Chris ang sinabi ng abugado, akala niya ay patay na siya at napunta na
siya sa langit. Kinailangan pa siyang bigwasan ng kanyang ama ng isang malakas-lakas
na sapak sa ulo para matauhan. Nagkandabuhol-buhol ang dila niya sa sunod-sunod na
pagtatanong.
 
Kahit gigil na gigil na si Chris na gumasta, inabot pa ng mahigit na isang buwan bago
naayos ang transaksyon. Gumastos rin siya ng ilang milyong dolyares sa tax. Pero ayos
lang dahil kahit nga isang milyong dolyar lang matira sa kanya, puwede na siyang
maglakad ng hubo’t hubad sa lansangan at walang huhuli sa kanya.
 
Ang unang ginawa ni Chris, dahil siya ang pinamanahan ng kanyang tiyahin at hindi ang
ama niyang batugan, binigyan niya ng pera ang kanyang mga magulang. Sampung
milyong piso sa kanyang tatay at sampung milyong piso sa kanyang nanay. Para ‘ika
walang away. Pagkatapos noon, umalis siya sa kanilang bahay at umupa ng
condominium. Bumili siya ng kotseng Volvo. Namili siya ng mga bagong damit, bagong
sapatos, mga gamit na dati’y pinaglalawayan niya. Pati ako’y bibigyan sana ng pera ni
Chris. Isang milyong piso. Hindi ako pumayag. Kahit naman siguro sino,
magdadalawang isip na tanggapin iyon. Bakit ay hindi naman kami magkamag-anak ni
Chris. Ano na lang ang iisipin ng ibang tao kung malalaman nila na ako’y binigyan ni
Chris ng isang milyon? Kung ang ibibigay ni Chris sa akin ay sampung libo o kahit bente
mil, bigla kong tatanggapin. Kahit bunganga ko pa ang siya kong ipangkuha ng perang
iaabot niya sa akin. Pero isang milyon? No way! Kahit pagsisihan ko pa at ng mga
magiging apo ko ang gagawin kong pagtanggi, tatanggihan ko pa rin. Nauunawaan ako
ni Chris. Kaya noong hindi niya ako mapilit (nahihiya naman siyang magbalato ng
sampung libo lang dahil baka kung ano ang isipin ko, biro mo, nang i-convert sa piso
ang pera niya ay mahigit dalawang bilyon tapos magbabalato siya ng sampung libo?
kung bakit kasi naimbento pa ang dangal, hindi naman nakakain iyon.) idinaan niya sa
mga regalo. Kapag bumibili siya ng damit, isinasama niya ako at pati ako’y binibilhan
rin niya. Kapag bumibili siya ng pantalon at sapatos, laging dalawang pares, para sa akin
ang isa.
 
Nag-resign na si Chris sa trabaho. Noong panahong iyon ay sa Jollibee ulit siya
nagtatrabaho pero sa ibang branch naman. Kaya siya nag-resign ay hindi na niya
kailangang magtrabaho. Nagkataon naman noon na ako’y nawalan din ng trabaho dahil
nagsarado na ang Uniwide. Magkasama kami sa lahat ng gimik. Putsa, inom dito, inom
doon. Babae rito, babae roon. Kung saan-saan kami nakarating sakay ng kanyang Volvo
na sa tama ng araw ay daig pa ang kintab ng ulo ng tatay niyang kalbo na mula nang
balatuhan niya ng sampung milyon ay wala nang inatupag kundi uminom nang
uminom.
 
Unti-unting kumalat sa kampus ang balita. Nag-umpisa ito sa bagong Volvo. Sa
eskuwelahan namin ay wala kahit isang mayroong Volvo. Kung mayroon man, hindi
pag-aari ng estudyante kundi pag-aari ng kanyang magulang. Matapos ang Volvo,
gumimik si Chris ng mga blow-out. Tangna, blow-out lahat ng kaklase. Sikat na sikat si
Chris. At dahil ako ang side-kick niya, pati ako’y sumikat na rin. All of a sudden, hindi
na lang kami average student. Kabilang na kami sa elite, sa mga mayaman at guwapo
ngunit bobong estudyante ng PST. Dumami ang mga kaibigan namin.
 
Panay ang padala ni Chris ng mga regalo sa mga propesor. Biglang-bigla ay naging
paborito siya ng mga dati’y matataray na propesor. Dangan kasi’y mahirap kalabanin
ang isang milyonaryo. Kahit sino, magdadalawang isip na kumontra sa isang taong
sobrang yaman.
 
Ilang panahon kaming ganoon at saka ko nalaman kung paano sirain ang dangal ng
isang tao.
 
Sa kampus ay may isang babaeng sobrang ganda. Siya si Marissa dela Cruz. Singkit ang
mga mata, maputi ang balat na manghihinayang kang hawakan dahil sa sobrang puti at
baka mahawahan ng kayumanggi mong balat. Nakalugay sa balikat niya ang kanyang
itim na buhok na sa tama ng araw ay nagsasabog ng mala-kapeng kulay. Medyo
matangkad siya kung ikukumpara sa ordinaryong taas ng mga babaeng Pinay. Hanep sa
korte ang balakang at katamtaman ang laki ng mga suso. Siya yung tipo ng babaeng
sigurado akong pinagpapantasyahan ng mga malilibog na lalaki sa kampus.
 
Kung sa pang-ekonomiyang usapin, si Marissa ay maihahanay sa grupo ng mga average
students. Ang kinakainan niya’y hindi sa kantina ng pamantasan kundi sa labas kung
saan nagsisiksikan ang mga average students. Ang kanyang suot ay simple lang na
bagamat medyo huli sa uso ay bumabagay naman sa kanya. Ang kanyang ama ay kawani
ng isang sangay ng pamahalaan na malaon nang naghihintay na mabigyan ng break na
makaiskor ng isang juicy position ngunit sa kamalasan, tumagal ng mahigit
dalawampung taon sa pagseserbisyo ay hindi man lang na-promote.
 
Marami siyang manliligaw sa kampus. Iba’t ibang tipo ng lalake, may payat, may
mataba, may mahirap, may mayaman, may kupal, may mukhang kupal at may manyak
at may mukhang manyak. Pero lahat ng ito’y hindi umubra kay Marissa. Nungka,
nangunguna siyang Dean’s lister. Napakahusay sa klase at madalas mabansagang genius
sa taxation at wizard sa financial accounting at auditing. Sa puntong ito’y hindi siya
average student. Napakarami niyang ipinanalong tropeo para sa pamantasan sa mga
sinalihan niyang accounting quiz bowls.
 
Bukod sa husay niya sa pagmamaniobra ng mga numero, ng mga debit at credit, ng mga
cost accounting at mga auditing, si Marissa ay kilala sa sobrang kabaitan. Kung kaklase
mo siya, at nagkataong malapit nang mag-finals at kahit isang topic ay wala ka pa ring
naiintindihan sa mga itinuro ng propesor mong hindi mo maintindihan kung autistic o
reppressed homosexual, puwede kang lumapit kay Marissa. Handa siyang magbigay ng
crash course para naman may maisulat ka sa test booklet mo sa finals. Sa mga
organisasyon sa kampus ay kabi-kabila ang imbitasyon niya ngunit wala siyang
sinasalihan maliban na lang sa ilang academic organizations.
 
Hindi ko na siguro kailangan pang banggitin na itong si Marissa ay paborito ng mga
propesor.
Si Marissa ay dating niligawan ni Chris.
 
Siguro’y wala nang ibang magawa si Chris sa pera niya. Nagulat nga ako nang sabihin
niyang iiskorin niya si Marissa.
 
Isang gabi, sa isang malamig na beerhouse, sinabi sa akin ni Chris ang plano niya.
“Pare, kakantutin ko si Marissa.”
Natawa ako. Kahit sino’y hindi makakaiskor kay Marissa. Hindi uubra sa babaeng iyon
kahit gaano pa kadami ang pera ni Chris. Itinuloy ni Chris ang pagsasalita.
“Babayaran ko siya ng one hundred thousand.”
Natigilan ako. Medyo nanlamig ako. Ang totoo kasi, crush ko rin si Marissa. Sino ba
naman kasi ang hindi magkakagusto sa isang babaeng bukod sa saksakan ng ganda ay
sakasakan pa ng talino at bait. Hindi ko maisip na bibilhin siya ni Chris.
“Kahit isang milyon pa, pare, hindi mo mabibili si Marissa,” sabi ko kay Chris.
“Manood ka na lang sa gagawin ko. Putang inang babae ‘yan. Binasted niya ako dati.
Ngayon ay tingnan lang natin kung sino ang mananalo.”
Nagulat ako sa ginawa ni Chris. Kahit sino’y hindi makakaisip noon. Sa palagay ko, ang
makakaisip lang ng ganoon ay ang taong mula sa matagal na pagkakalublob sa kumunoy
ng kahirapan ay biglang nagkaroon ng milyong-milyong pera.
 
Ikinalat ni Chris sa buong kampus na bibilhin niya si Marissa ng one hundred thousand.
Madali naman niyang maikakalat ang ganito dahil sobrang dami ng kaibigan niya sa
kampus. Ang totoo nga niyan, laging bukambibig ang pangalan ni Chris sa buong
eskuwelahan.
 
At sa kampus, napakabilis kumalat ng balita. Likas na yatang katangian ng mga
estudyante sa PST (lalo na ang mga lalake) na magpalago ng tsismis. Ang balita ay
nakarating sa kung kani-kaninong estudyante, na nagkuwento naman sa mga kaibigan
nila, hanggang eventually, nakarating kay Marissa.
 
Siguro’y parang binuhusan ng kumukulong mantika na hinaluan ng dinikdik na sili ang
ilong ni Marissa sa tindi ng galit. Biro mo nga naman, kung ikaw ba naman ay
makabalita na bibilhin ang puri mo ng ganitong halaga, baka maloko ka sa
kunsumisyon. Lalo na si Marissa na kilalang konserbatibo at ni hindi nambabati ng
hindi niya kakilala.
 
Isang hapon, kumakain kami ng halo-halo ni Chris sa kantina kasama ang ilang
kaibigan. Noong panahong iyon ay sa kantina na kami ng pamantasan kumakain dahil
hindi na namin masyadong problema ang pera dahil sagot naman ni Chris ang lahat ng
gastos.
 
Biglang dumating si Marissa. Pagpasok niya pa lang sa kantina ay nagtinginan na ang
mga tao. Alam na kasi ng buong pamantasan ang kalokohan ni Chris. Noon din ay
natahimik ang buong kantina. Ang mga kuwentuhan sa iba’t ibang lamesa ay napawing
parang batang umiiyak na biglang pinasakan ng tsupon sa bunganga. Ang lahat ng
mata’y natutok sa mesa namin.
 
Tuloy-tuloy si Marissa sa mesa namin. Ni hindi nag-angat ng mukha si Chris. Tuloy ang
kain niya ng halo-halo. Ilang saglit munang ganoon, nakatayo si Marissa sa tabi ng mesa
at tinititigan ng masama si Chris habang si Chris naman ay tila sarap na sarap sa
pagkain ng halo-halo. Pagkuwa’y biglang nagsalita si Marissa. Hindi gaanong malakas
ang boses niya ngunit sa kadahilanang walang kaingay-ingay sa loob ng kantina, na
pakiramdam ko nga ay pati paglaglag ng abo ng sigarilyo sa sahig ay malinaw na
maririnig, dumagundong sa buong kantina ang kanyang mga salita.
 
“Hindi mo kayang bilhin ang lahat ng tao,” sabi ni Marissa sa nanginginig niyang boses.
“Akala mo lang iyon,” sagot naman ni Chris.
“Baka ang akala mo ay komo’t mayaman ka, lahat ng tao ay saludo sa iyo.”
“Totoong saludo sa akin,” sagot ni Chris. “Lahat ng taga-PST, kaya kong bilhin. Pati
ikaw!”
“Tang ina mo, Chris!” sigaw ni Marissa. “Akala ko pa naman, mabait ka!”
Pagkatapos nito ay tumalikod na si Marissa at humakbang patungo sa pinto papalabas
ng kantina.
Alam ni Chris na nakikinig ang buong kantina, pati na ang mga serbidora sa counter na
madalas niyang bigyan ng makapal na tip. Nagpahabol ng sigaw si Chris.
“Marissa, kung gusto mo gagawin kong two hundred thousand!”
Hindi lumingon si Marissa. Tuloy tuloy ang paglakad nito palabas ng pinto. Nang
makaalis si Marissa, ilang saglit na tahimik pa rin sa buong kantina. Wari ba’y
ninanamnam pa ng mga tao ang narinig nilang mga salita. Pagkatapos ng kung ilang
saglit na katahimikan ay biglang may pumalakpak. Ang palakpak ay nasundan, at
nasundan pa hanggang umugong ang buong kantina sa nakakabinging palakpakan. Si
Chris naman ay tumayo sa ibabaw ng mesa at nag-bow sa mga taong pumapalakpak.
 
Gayon nga ang nangyari. Kumalat ang balitang ang dating one hundred thousand ay
naging two hundred thousand na. Lalong nasabik mga estudyante sa maaaring
mangyari.
 
Araw-araw mula noon ay nag-uutos si Chris ng isang estudyante papunta sa klase ni
Marissa para sabihin ang current offer. Araw-araw ay nagbabago ang presyo. Pataas
nang pataas. Hanggang umabot ng five hundred thousand. Lahat ay napapalatak. Biro
mo, kalahating milyon para sa magdamagang kantutan! Pero ayaw pa rin ni Marissa.
Ang toto nga noo’y marami nang nag-a-apply  kay Chris. Na kung maaari raw ay sila na
lang at mas masisiyahan daw si Chris dahil magaling sila sa kama. Na ipapatikim daw
kay Chris ang pinakamasarap na magdamag na noon lang niya mararanasan. Mayroon
pa ngang ibang babae na direktang lumalapit kay Chris o kaya’y sa akin (dahil kilala na
akong dakilang alalay ni Chirs) at sinasabing kahit daw mas mababa sa five hundred
thousand ay papayag sila. Huwag na raw pagtiyagaan ni Chris si Marissa dahil hindi raw
talaga ito papayag.
 
Nagreklamo si Marissa sa school administration laban kay Chris. Ipinatawag si Chris sa
Students’ Affairs Office para pagalitan. Pero bago pa man siya ipatawag, alam na ng
admin ang tungkol sa bidding. Siguro’y naghihintay lang sila na may magreklamo.
 
Walang nagawa ang admin. Paano’y biglang nag-donate ng isang milyng piso si Chris
para sa noo’y gustong ipa-renovate na library. Noon din, sa opisina ng Students’ Affairs,
hindi pa nga nakakapagsalita ang direktor, pumirma si Chris ng tseke sa halagang one
million at iniabot sa direktor. Sinabi niya na iyon ay para sa library. Pagkatapos ay
sinabayan na ng talikod ni Chris at lumabas na ng opisina ng Students’ Affairs.
 
Tuloy ang bidding. Ang buong pamantasana ay sumusubaybay. Araw-araw, ang
tanungan sa mga klase ay : “Magkano na ba?”. Umabot na sa eight hundred and fifty
thousand. Hindi pa rin bumibigay si Marissa. Ang nakakabilib pa, tuloy pa rin si
Marissa sa pagpasok. Kung ako siguro ang nasa kalagayan niya, hindi na muna ako
papasok. Baka mag-drop muna ako ng isang semestre.
 
Sa 1.1 M ay nagkasarahan ng deal. Iyon na siguro ang pinakamahal na kantutan na
narinig ko.
 
May isang estudyante, babae, na minsa’y lumapit sa akin at sinabing payag na raw si
Marissa. Sinabi ko iyon kay Chris. Ang presyo noon ay nasa 1.1 M na nga. Inayos namin
ang pagkikita. Sa kantina, alas tres ng hapon. Hindi dumating si Marissa. Sa halip, ang
dumating ay ang babaeng tagapagsalita ni Marissa. Sinabi na nahihiya raw pumunta ng
kantina si Marissa dahil baka raw kung ano ang isipin ng mga tao. Kung maaari raw ay
si Chris na ang lumapit. Naroon daw si Marissa sa labas ng pamantasan, sa isang
kubling kainan sa may likuran ng PST.
Hindi pumayag si Chris.
“Sabihin mo kay Marissa, kung ayaw niya rito sa kantina, huwag na lang. Kalimutan na
niya ang isang milyon niya,” sabi ni Chris sa babae.
Umalis ang babae.
Noo’y punumpuno ang buong kantina. Alam kasi ng lahat ng tao na nagkasarahan na ng
deal at ang mga estudyante ay sabik na sabik na sa magaganap na pagtatagpo sa
kantina.
Naghintay kami ng ilang saglit, pagkuwa’y namataan namin ang babaeng tagapagsalita
ni Marissa. Pumasok ito sa kantina at tuloy-tuloy sa mesa namin. Kasunod niya si
Marissa, nakatungo sa kanyang paglalakad.
Nang makalapit na si Marissa sa mesa namin ay nagsalita si Chris. Noo’y daan-daang
pares ng tainga ang nakikinig sa amin.
“Kumusta ka na, Marissa?,” bungad ni Chris. Sinenyasan niya ang dalawa naming
kaibigan. Tumayo ang mga ito at pinaupo sina Marissa sa nabakanteng upuan.
“Handa ka na ba sa gagawin natin?,” tanong ni Chris.
Tumango nang marahan si Marissa. Dinukot ni Chris sa kanyang bag ang libro ng mga
tseke. Sinulatan ng one million and one hundred thousand pesos (P 1,100,000.00).
Tumutulo ang pawis ko ng oras na iyon. Biro mo, 1.1 Million, TAX FREE! Para lang sa
pinakamasarap na luto ng Diyos!
 
Iniabot ni Chris ang tseke kay Marissa na tinanggap naman ng huli. Pagkatapos nito’y
biglang tumayo si Chris. Lahat ng tao ay nagulat sa sinabi niya. Pati ako na noo’y nag-i-
imagine ng mga maaaring mabili ko kung ako ang makakatanggap ng 1.1 milyones. Bigla
kong naalala ang dati’y plano ni Chris na balatuhan ako ng isang milyon. May
panghihinayang na gumuhit sa isip ko. Pagkuwa’y ang isip ko ay biglang nagulantang na
parang yelong biglang ibinabad sa kumukulong tubig.
“Putang ina mo, Marissa!,” sigaw ni Chris. Natulala ang lahat at maging si Marissa ay
hindi makapaniwala.
“Tang ina mo! Puta ka! Nakakadiri ka!”
Pagkasigaw ni Chris ay bigla niyang inilapit ang ulo niya kay Marissa at ito’y dinuraan sa
mukha. Pagkuwa’y tumayo siya at lumabas ng kantina. Makalipas ang ilang saglit, si
Marissa ay humahagulgol na nagtatakbo palabas ng kantina. Ang tseke nito ay naiwan
sa ibabaw ng mesa. Ilang sandali ay sumunod ang kanyang kaibigan. Hinabol ko ang
kaibigan ni Marissa at iniabot ang tseke na bantulot nitong tinanggap.
 
Hindi na muling nakita si Marissa sa loob ng pamantasan. Ang huling balita ko’y nasa
probinsya  raw nila at nakapagpundar ng isang maliit na grocery store.
At si Chris? Mula noong nangyari iyong eksena sa kantina ay hindi na siya nagpapasok.
Wala na siyang interes pang mag-aral. Nakahanap siya ng bagong libangan—casino. Ako
naman noon ay talagang subsob na sa pag-aaral dahil magtatapos na ako sa susunod na
semestre.
 
Madalang na kaming magkita ni Chris. Pero minsan, dumadalaw siya sa bahay. Minsan
ay dinadaanan niya ako at niyaya sa mga beerhouse. Pero naaasar na ako sa kanya dahil
kapag lasing na siya, bigla siyang umiiyak at wala na siyang bukambibig kundi si
Marissa.

You might also like