You are on page 1of 3

 SA REHAS NG DI NAKIKITANG KALABAN

       Ginising ako ng maingay na tunog na likha ng pagharurot isang motorsiklo.  Nais ko mang
ipagpatuloy ang pagtulog ngunit hindi na ako binalikan ng antok.  Napansin kong hindi pa
pumuputok ang araw ngunit nagsisimula na ang buhay ng iba.  Nagmuni at nagpapasalamat sa isa
na namang araw na binigay sa akin ng Diyos.  Sa isang na namang pagkakataong ipagpatuloy ang
buhay at paghahanapbuhay.  Wala na akong nagawa kundi ang hintayin ang pagsilay ng liwanag
ng araw.  Tingnan ang pag-aagaw ng liwanag at dilim.  Pakinggan ang nagsisimulang ingay ng
gising na kapaligiran. 

       Gusto ko mang bumangon ngunit tila nakadikit ang katawan ko sa higaan dahil sa mabigat
na pakiramdam.  Masakit na kasukasuan, mainit na hininga, masakit na ulo na sinamahan pa ng
makating lalamunan.  Naging dahilan tuloy ito para magdesisyong huwag munang pumasok sa
trabaho at ipagpatuloy ang naudlot na pamamahinga.   

       Ngunit parang walang bisa ang gamot na ininom ko dahil pagsapit muli ng gabi bumalik
ang bigat ng katawan na aking naramdaman at natuloy ito sa trangkaso.  Ang patumpik-tumpik na
ubo ay naging sunod-sunod at tumatagal hanggang dalawang minuto.  Parang may barenang
bumubutas sa aking bungo dahil sa sakit ng ulo.   Ipinahinga ko ito ngunit kinabukasa’y nagulat
ako ng di ko maamo’y ang dapat sana ay mabangong tinolang manok at di ko malasahan ang lasa
ng sabaw nito.  Kaba at pag-aalala ang biglang nagpatahimik sa akin pansumandali.   Nabuo sa
akin ang larawan ng isang di nakikitang kalaban – ang kinatatakutang Covid-19 virus. 

       Magmula ng nabalot ng pangamba ang mundo dahil sa Covid-19, kasama na lagi sa
panalangin ko na nawa’y iadya ako lalong lalo na ang pamilya ko sa kinatatakutang virus.  Ayon sa
napapanood ko at nababasa, hindi biro ang tamaan ng Covid-19, kaya naman ibayo ang pag-iingat
na ginagawa ko para lamang makaiwas sa sakit.  Wala kasi itong pinipili.  Ika nga, naging pantay
ang lahat.  Walang mayaman at walang mahirap.

       Sa datos mula Marso 2020 hanggang Hulyo 2021, mayroon ng mahigit na 1.5 milyong katao
ang tinamaan ng sakit at mahigit dalawangpu’t pitong katao na ang binawian ng buhay sa
Pilipinas.  Patuloy pa itong dumadami dahil sa bagong umuusbong na mga variant ng virus.  
Numero ang nababasa ko ngunit katumbas ito ng imahe ng takot at pangamba sa kung paano ba
ako maghahanda sa nakaadyang mahirap na laban ng aking kalusugan, pag-iisip at katawan. 

       Ilang araw pa, matapos umasang mapapawi ng gamot ang iniinda kong sakit, nadagdagan
pa ito ng ibang sintomas tulad ng pagtatae, pagkapagod at paghahabol ng paghinga.  Pagiging
positibo at pag-usad ng pagdarasal ang lagi kong tugon sa aking mga nararamdaman.  Sa isip ko,
kaya ko pa. 

       Pero habang nadadagdagan ang araw, tila iginugupo ng mga sintomas ng Covid ang aking
katawan.  Habang nakahawak ako sa rehas ng bintana ng aking silid at nakatitig sa labas ng aming
bahay, unti unti akong nananabik na muling makalabas, makapaghanapbuhay, at gawin ang araw-
araw kong ginagawa.  Hindi madali ang sumailalim sa quarantine.  Sinubok nito kung gaano
kalakas ang aking kaisipang tiisin ang pagkabagot, ang pag-iisa at ang pag-aalala.  Sinubok nito
kung hanggang saan ang itatagal ng aking katawan at kalusugan.  At lalong sinubok nito ang tatag
at lalim ng aking pananalig sa Diyos.  

       Pagkatapos ng isang linggo, ang pag-asang akala kong kayang pawiin ng mga gamot at
pagiging positibo ay tinunaw ng panghihina at kapos na paghinga.   “Ate, dalhin niyo na ako sa
ospital.  Hindi ko na po kaya.  Hirap na po ako,” usad ko habang nanginginig na hawak ang
telepono kausap ang aking kapatid na alam kong pinipigilang umiyak dahil sa garalgal niyang
tinig. 
       Ang ospital na simbolo ng kagalingan ay naging larawan sa akin ng matinding pangamba at
nagbigay sa aking ng mga katanungan…  Gagaling kaya ako? Maaalagaan kaya ako kung ganoong
mag-iisa na naman ako sa isang silid na wala naman akong ibang makikita at maririnig? O Di kaya
ay…Makikita pa kaya ako ng aking mga mahal buhay? 

       Iyon ang araw na una kong naranasang lagyan ng oksiheno at tiisin ang kirot ng bawat
pagtusok ng hiringgillya sa aking balat.  Ng bawat pagpasok ng mahapding likido sa ugat ng aking
kamay.  At bawat paghabol ng hininga kaasunod ang ubo dulot ng pulmonya.  

Sampung araw ang itinagal ko sa ospital.  Sampung araw na pakikipaglaban sa sakit at


mikrobyong muntik ng kumitil sa aking buhay. Ngunit ang sampung araw na iyon ay mga
araw din kung saan naramdaman kong ako pala ay mahalaga at inaalala di lamang ng aking mga
mahal sa buhay at kaibigan kundi ng ibang aking nakasalamuha at nakasama, kilala man o hindi. 
Ito ang nagbigay sa akin ng maraming aral at pagtanto sa maraming bagay.   Maliban sa ibayong
pag-iingat sa kalusugan, napagtanto ko ang lalo pang papagningasin ating pananalig sa Dakilang
Lumikha, taos-pusong pagpapasalamat sa mga taong nagbigay sa iyo ng lakas ng loob, suklian ng
tulong ang mga taong nangangailangan din ng tulong na ibinigay sa iyo ng iba. 

Sa biyaya ng Diyos, nalagpasan ko ang panganib na dulot ng Covid-19.  Habang lubusang


nagpapagaling, habang nakahawak ako sa rehas ng aming balkonahe.  Sumasagap ng hangin at
dinadama ang init ng sikat ng araw sa umaga, alam kong ang ibinigay na pangalawang buhay sa
akin ay magsisilbing paalala ng pag-iingat at pagiging positibo sa buhay. 

Alam kong hindi pa tapos ang laban ng mundo.  Tila matatagalan pa ang pakikipaglaban
nito.  Pero may awa ang Diyos na darating ang panahon lahat tayo ay magiging malaya sa rehas ng
di nakikitang kalaban. 

- (NOLI B. TAROY)

Bilang isang guro, anong kaisipan ang iyong nahinuha mula sa akda ang maaari mong
gamitin bilang instrumento upang makamit ang mabisang replektibong pagkatuto ng
iyong mag-aaral?

Sagot.  Bilang isang guro mahalagang malaman natin kung paano natin maipaparating sa ating
mga mag-aaral kung paan maging positibo sa pagharap sa mga suliranin, Ipadama natin na sa
kabila ng suliranin ay naging malakas ang pangunahing tauhan sa paglaban niya sa covid
19. Ilagay natin ang sarili natin sa katauhan ng iba upang madama, maunawaan at malaman
natin ang damdamin sa binasa.

Sumulat ng limang katanungang nagpapakita ng papataas na antas ng pag-iisip tungo sa


mas malalim na pag-unawa at pagkatuto ng mga mag-aaral base sa binasang akda.  

1. Paano nagkaroon ng pagbabago sa buhay ng pangunahing tauhan? Para sa iyo, maituturing bang
positibo ang pangyayaring ito sa kanyang buhay?
2. Kung ikaw ang pangunahing tauhan sa akda, paano mo haharapin ang mga suliraning kanyang
nararanasan sa kalusugan?
3. Paano mo ilalarawan ang tauhan? Sa iyong palagay bakit ganito ang naging pag-uugali niya?
4. Bakit mahalagang malaman ang sintomas ng Covid 19?
5. Paano nalabanan ng ating pangunahing tauhan ang sakit na Covid 19?
 

 
      

        

You might also like