You are on page 1of 2

Galera, Maria Teresa B.

PH104 N

Ang Kapayakan ng Kaligayahan

Mula noong aking pagkabata, pinalibutan na ako ng mundo ng mga abogado at ng


hustisya. Pareho kasing namamasukan sa law firm ang aking mga magulang. Mula sa
kanila, hanggang sa kanilang mga kaibigan at katrabaho, inaasahan na ng lahat na
magiging abogado ako sa aking paglaki. Magaling daw akong magsalita at magsulat.
Matalino rin naman daw ako. Malakas daw ang dating ko at mukhang hindi padadaig.

Sa paglipas ng mga taon, inangkin ko ang pangarap ng iba. Tiningnan ko na lamang


ang isang masaganang buhay na pinapangako ng pag-aabogasya. Mahirap kami noong
lumalaki pa lamang ako. Naranasan kong kumain ng tuyo araw-araw at maglako ng banana
cue kasama ang kuya ko noong bata pa kami. Noong naghiwalay ang mga magulang ko,
naranasan ko ang linggo-linggong panlilimos sa aking ama para sa mga bagay na dapat ay
kusa niya nang ibinibigay sa amin. Mula noon, sinabi ko sa sarili kong hindi ako aasa kahit
kanino, at hindi ko aasahan ang pagkilos at pagbibigay ng iba mula sa responsibilidad. Para
magampanan ito, kailangan ko ng isang trabahong malaki ang bayad at kayang tustusan
ang pangangailangan ko at ng aking mga anak sa hinaharap.

Dahil sa ganitong paniniwala, pinili ko ang mga kursong pinaniwalaan kong


magbibigay sa akin ng buhay na walang materyal na paghahangad. Inisip kong ang
kaligayahan ay mahahanap sa mga bagay na mabibilisa kawalan ng pagkagutom, sa
pagkamkam ng kamal-kamal na pera, sa pagpunta sa iba't ibang lugar upang magpasarap.
Pinangarap ko ang ganung buhay, at pinili kong maging praktikal. Para magkaroon ng
ganitong buhay, kinailangan kong magsikap maging abogado.

Subalit, noong 2011, bago ako pumasok sa Ateneo, nagkasakit ang kuya ko at na-
ospital nang ilang buwan dahil sa isang kaso ng medical malpractice. Naisip ko noon na
kailangan din namin ng doktor sa pamilya, at malaki naman ang kita, kung kaya't lumipat
ako mula sa AB Economics patungo sa BS Psychology para makapamili sa hinaharap.

Hindi ko alam kung dahil sa Ateneo, o sa pagiging scholar ng Ateneo, o sa pagdanas


ng matinding depression noong unang taon ko dito sa unibersidad, ngunit naramdaman
kong may mali sa ginagawa ko. Sa unang pagkakataon, napagtanto kong may halaga
palang matatagpuan sa labas ng materyal na dimensyon ng buhayna maaari palang
magkaroon ng pagkabahala para sa kalagayan ng iba, na may mundo sa labas ng sarili at
ng sariling pangangailangan. May kaligayahan pala na simple, hindi kailangangang
paghirapan, at hinding-hindi mabibili.

Noon, napaisip ako kung para saan ba talaga ang buhay. Bakit ko nga ba talagang
kailangang kumita nang malaki? Para sa kaligayahan. Para mawala ang paghahangad.
Napagtanto kong hindi lang abogasya ang paraan upang makamit ito. Ito ang dahilan kung
bakit lumipat ako ng kurso mula sa BS Psychology patungo sa AB Psychology, at kumuha
rin ng AB Development Studies.

Ano nga ba ang layunin ng pagkuha ko ng mga kursong ito?


Siguro isang daang beses na akong natanong kung bakit ko nga ba kinuha ang
kombinasyon ng Psychology at ng Development Studies. Bakit hindi na lang isa? At ano nga
ba ang ginagawa ng DS?

Nung unang klase namin sa DS101, sinabi ni Sir Leland na ang mga DS majors daw
ay people who are crazy enough to think like they can change the world at mayroon daw
kaming Messianic complex. Siguro nga, nahihibang na ako at ang mundo ay wala nang
pag-asa, pero pinipilit ko pa ring sumubok. Marahil, gaya ni Hesus na kinikilalang Messiah
(maski wala akong kinikilalang diyos), handa rin akong itapon ang buhay ako para sa iba
hindi man ang aking buong buhay, ngunit ang buhay ng karangyaan at kawalan ng materyal
na paghahangad. Higit sa lahat, handa akong itaya ang aking buhay para sa mga bagay na
mariin kong pinaniniwalaan.

Hindi ko sasabihin na isinasawalang-bahala ko na ang aking sarili. Sa totoo lang, sa


tingin ko, nananatili akong isang makasariling tao, sapagkat ang dahilan kung bakit ko pinili
at patuloy na pinipili ang landas na ito ay hindi dahil sa intrinsikong halaga nito, kundi dahil
sa kaligayahang nahuhugot ko mula rito.

Ngunit naisip ko na hindi sapat ang pusokailangang maintindihan ko ang mga


taong nakapaligid sa akin: bakit nila ginagawa ang mga bagay na ginagawa nila, ano ang
maaaring tumakbo sa isipan nila, at ano ang mga nag-uudyok sa kanila. Ang ganitong klase
ng pag-uunawa, sa tingin ko, ay maibibigay sa akin ng Psychology. Ito ay mahalaga dahil
matindi ang aking paniniwala sa inclusive development, na posible lamang sa tulong ng
dyalogo sa mga taong aming tinutulungan. Dito, nagiging mahalaga ang kombinasyon ng
aking dalawang kurso.

Dahil sa pagtahak ng daan na ito, naranasan kong makapunta sa mga bundok at


makitira sa tribo, tumungo sa isang lugar na pawang nasa dulo ng walang hanggan at
malayo sa sibilisasyon, manatili sa isang isla sa kalagitnaan ng bagyo, at mamuhay nang
payak kasama ang iba. Ngunit dahil sa landas rin na ito, naranasan kong makapunta sa mga
internasyonal na pagpupulong at makita ang naglalakihang gusali at institusyong binuo para
sa kapakanan umano ng pag-unlad. May magkabilang panig ang industriya ng
development: ang panig ng kapayakan, realidad, at tunay na kahirapan, at ang panig ng
kayamanan, kapangyarihan, at mga salitang walang kaganapan.

Gaya ng pagkadurog at kahirapang naranasan ko sa pagtanggi ng aking ama na


tuparin ang kanyang mga responsibilidad, milyon-milyong buhay ay nadudurog sa pagtanggi
ng mga makapangyarihan na tuparin ang kanilang mga responsibilidad. May dalawang
paraan ng paglapit sa isyung ito: una, ang paghahabol at paglaban para sa mga karapatan,
at, ikalawa, ang pagtigil na umasang tutuparin ng mga institusyon ang kanilang
responsibilidad dahil lamang responsibilidad ang mga ito. Mahalaga ang pareho. Ngunit ang
pinakamahalaga, sa aking palagay ay ang isang uri ng pag-unlad na inilarawan ni Sir Benjie
Tolosa: to build development where you are.

Sa tingin ko mahalaga ring aminin sa sarili na ikaw ay maliit, at, sa ngayon, limitado
ang iyong kakayahan. Minsan, ang pag-unlad ay simple at nagsisimula sa maliliit na bagay,
sa kung nasaan ka sa kasalukuyan. Gaya nito, ang kaligayahan ay maaari ding simple at
maliit at nagsisimula sa nasaan ka sa kasalukuyan. Wala ito sa kawalan ng gutom, sa
pagkamit ng kamal-kamal na pera, at sa pagpunta sa iba't ibang lugar para magpasarap.

You might also like