You are on page 1of 4

AMERIKANISASYON NG ISANG PILIPINO

Ponciano B.P. Pineda

Ang de-amerikanisasyon ng isang Pilipino ay isa sa pinakamalaking tungkuling dapat


nating gampanan sa ating kasalukuyan. Ang Amerikanisasyon ay isang sakit na
tumalamak na sa katawan ng ating lipunan. Bunga nito ang maraming kapansanan ng
bayan.

Isang simulaing cardinal, katotohanan palibhasa, na ang isang Pilipino’y mahalagang


sangkap ng buong pamayanang Pilipino. At ang pinagsama-samang indibidwal, ang
katipunan ng lahat ng mga mamamayan ng bansang ito, ang bumubuo ng
Sangkapilipinuhan. Habang mahina, habang ‘di ganap ang pagka-Pilipino ng kabuuang
ito ay ‘di tayo makapagtatayo ng isang lipunang tunay na Pilipino, ni ng pamahalaan at
pangasiwaang tunay na Pilipino. Ang ugat ng dahilan ay nasa uri ng edukasyon ng
isang Pilipino.

Tignan natin ang isang pangyayari bilang halimbawa. Ipalagay nating heto ang isang
batang Pilipino. Ang kanyang pamilya’y kabilang sa mga may kaunting pribilehiyo sa
buhay. Bagay na isinisiwalat ng kanilang katayuang ekonomiko. Ang batang paksa ng
kwento’y nakarinig sa unang pagkakataon at nanggaya sa unang pagkakataon, sa
pabulol na pamamaraan, ng mga salita ng kanyang ina’t ama. “That’s the light,”
sasabihin ng ina, sabay turo sa bumbilyang nagliliyab sa kisame ng bahay. “Now,”
sasabihin ng bata, “where’s the light.” Ituturo ng bata. “There!” sasabihin ng ina. Paulit-
ulit. “That’s your Mommy”, sasabihin ng ama. “Say, Mommy.” Gagayahin ng bata. “He’s
your Daddy,” sasabihin ng ina. “Say, Daddy.” Gagayahin ng bata. Ganyan ang simula.

Ang batang ito, pagsapit ng isang panahon, ay ipapasok sa kindergarten. Doon ay


maririnig din niya ang wikang naririnig sa kanyang Daddy at Mommy. Bibigyan siya ng
manipis na aklat na may malalaking drowing at nandidilat na mga letra. Ituturo sa kanya
ng titser. “Apple”. “Epol,” wika ng bata. “Snow” sasabihin ng guro. “Isno,” wika ng bata.
“Eagle,” ang wika ng titser. “Igel,” gagad ng bata. Ang paaralang ito, nais kong idugtong
ay eksklusibo. Para lamang sa may kayang magbayad ng malaki. Ari ng dayuhan at
pinamumunuan ng mga relihiyoso.

Papasok ang bata sa regular na grado, sa paaralang ito rin: ari ng mga dayuhan;
pinamumunuan ng mga relihiyoso. Mababasa na niya ang mga liubrong bumabanggit
ng mga daan sa New York at sa Washington, D.C. Mamamasid niya ang Central Park
at Times Square. Ang batang ito na nagsisimula pa lamang ay may guniguni nang
lumipad sa lupalop na malayo sa kanyang tinubuan.
Ang batang paksa natin ay lumalaki, mangyari pa at nagkakaisip. Tuwing kakausapin
siya ng kanyang Daddy at Mommy ay sa wikang Amerikano. Ngunit may mga ibang tao
sa kanilang tahanan: ang mga taong iyon ay alila o utusan kung tawagin ng kanyang
Mommy at Daddy. Nakikita niyang ang mga ito’y tagapaglinis ng bahay, tagapagluto sa
kusina, tagapamili sa palengke, tagapagpaligo niya, at malimit na inaalimura ng
kanyang mga magulang. Ang mga taong ito, kung kausapin ng kanyang Daddy at
Mommy ay sa Tagalog. Hindi siya kinakausap sa wikang iyon ng kanyang Daddy at
Mommy. Kaya, sa kanyang batang puso at utak ay tila mandin napagbubukod niya ang
kagamitan ng dalawang wika: Ingles ang ginagamit ng kanyang mga magulang sa
pakikipag-usap sa kanya; Tagalog sa pakikipag-usap sa mga alila o utusan. Ito’y
kanyang mapagkakalakhan at kahit na tumanda’y iisipin niya, ipamamansag niya sa
katunayan, na ang wikang Tagalog ay ginagamit lamang sa mga alila.

Ang batang ito’y patuloy sa paglaki. Palaging librong Ingles ang kanyang binabasa,
palaging Ingles-Amerikano, pagkat mga Amerikano ang awtor. Dahil dito’y ayaw na rin
niyang bumasa ng ano mangsinulat ng kanyang mga kababayan sa wikang kanyang
kinagisnan. Ang librong nasusulat sa Tagalog ay nagiging kasuklam-suklam sa kanya.
Sa tahanan ay exposed siya sa telebisyon – sa mga programang ginaganap sa wikang
kanyang pinagkamalayan. Gayon din ang kanyang pinanood sa mga sine. Kahit Class
B, o Class C sa kanya’y pinakamagaling pagkat mga artistang Amerikano ang
nagsisiganap. Samantala, ang pelikulang Tagalog ay bulok sa kanya, walang pasubali.

Siya’y isang ganap nang mamamayan, marahil ay mayroon nang pananagutan sa


buhay. Ngunit mayroon siyang sariling daigdig na kinikislapan ng pumikit-dumilat na
samut-saring kulay ng ilaw-dagitab sa piling ng mga nagsasalita ng Ingles. Malayo sa
kanya ang ibang daigdig, ang lalong malaking dagidig. Ito’y ang lipunan ng mga
nakabakya, ng nagsisipagsalita ng katutubong wika. At sa ganyan ay sumilang ang
malaking pagitan ng mga Pilipinong pribilihiyado sa buhay at ang masa ng ating bayan.

Totoong humaba ang simpleng kwentong aking isinalaysay. Ngunit gaya ng inyong
napansin, ito’y naglalarawan ng yugtu-yugtong pagkahubog ng isang batang Pilipino sa
pagiging Amerikano sa isip, sa salita at sa gawa. Ang trahedyang ito’y nakaturo sa ating
sistema ng edukasyon. Nang pumasok ang mga Amerikano sa Look ng Maynila’y dala
na nila ang sistema ng paturuang Amerikano.

Ayon sa kasaysayang sinulat ng mga dayuhan at ng mga Pilipinong gumagamit ng


salaming dayuhan – pumarito ang mga dayuhan upang hanguin tayo sa barbarismo.
Bibigyan daw nila tayo ng edukasyon. Binigyan nga, edukasyong popular pagkat sa
simulain ay bukas sa lahat ng mga mamamayan. Ang wikang panturo ay Kano. Ang
mga asignatura’y hulwad sa Kano. Malayo na ang panahong iyon ng pagdaong ni
Dewey sa ating pasingan, ngunit narito pa rin ang mga bakas. Isa tayong kolonya
hanggang ngayon. Ang sistema natin ay tunay na kolonyal.
Marahil ay ‘di totoong mga Amerikano lamang ang dapat nating sisihin. Tayo man
naman ay may kasalanan. Sa kabila ng katotohanang binigyan tayo ng kalayaang
pampulitika, tayo nama’y pinanatiling nakagapos sa kaalipinang ekonomiko at
edukasyonal. Sa panahon ay humihingi tayo ng pag-aaral sa ating mga suliranin sa
pagtuturo. Ang hinihiling nating gumawa nito’y ang ating dating panginoon, ang mga
Amerikano. Sila rin ang nagmumunyi sa atin ng mga kalutasan. At kung ‘di magbunga
nang maigi, tayo ang nagdurusa. Kasalanan natin, ngunit ‘di nating gustong
magkaganito. Biktima tayo ng kasaysayan. Ganito ang ating palad. Gayunman, ang
tanong ko’y ‘di na ba tayo bubulas,’di na ba tayo magiging ganap na lalaki at ganap na
bansa – sui juris sa lenggwahe ng batas.

Ang wika at edukasyon ay magkaugnay. Ngayon ay marami pang tulong sa edukasyon


na kaloob ng Estados Unidos. Hindi natin matiyak ang mga tali ng tulong na ito. Sa
kawalan ng mapanghahawakang kongkretong ebidensya’y makapagbibigay lamang
tayo ng mga hinuha. Maaaring sabihing ang kaloob sa atin ay udyok ng damdaming
altruistiko ng ating dating panginoon. Ito kaya’y kapani-paniwala? Hindi ba’t sa
maraming pagkakataon ay lumilitaw ang katotohanang sa kapakanang Amerikano
lamang ang paglilingkod na ginawa rito ng mga Amerikanong kinatawan ng
Pamahalaang Amerikano at pati ng kanilang mga ahenting na-“brain wash” pagkatapos
magtamasa ng kwalta ng iskolarsyip at grant? Isang kababawan, kung ‘di man
katunggakan ang mag-akalang tunay na nagbubuhos dito ng salapi at panahon ang
Estados Unidos dahil lamang sa kapakanang Pilipino. Sa katunaya’y naglilingkod sila
sa kapakanan ng Estados Unidos at sa kalwalhatian ng Union. Ito ang hinahangaan ko
sa mga Amerikano, kahit sila saan magtungo, kalian mang panahon, ay nananatili
silang Amerikano. Kapos tayo sa bagay na ito. Tayo pa nga ang tumatayong
tagapagtanggol nila, na para bagang kailangan pa nating ipagtanggol sila.

Ang isang Pilipino, lalo na ang kabilang sa pamilyang ginawa kong halimbawa sa
simula ng komentaryong ito, ay medaling maging Amerikano. Kaawa-awa ang bayang
ito! Ang lahat ng ating pagsisikap na maging tunay na Republikang Pilipino ay mabibigo
habang dayuhan ang sistema ng ating paturuang pambansa. Tunay na kailangan ang
pagbabago, ang rebolusyon sa laranang ito.

Ngayon ay may isang Komisyong nilikha ang Pangulo upag pag-aralan ang sitwasyon
ng edukasyon sa ating bayan. Sana’y maging tunay na Pilipino ang ibubunga ng
Komisyon. Huwag sanang kaligtaan nito ang kahalagahan ng wikang panturo.
Nababatid kong nasa kamay na ng komisyon ang maraming pag-aaral ng Kawanihan
ng Paaralang Bayan tungkol sa bagay na ito. Nababatid na rin nito marahil ang tagubilin
ng Lupon sa kurikulum, pati na ang paninindigan ng Lupon sa Implementasyon. Hindi
ako isang manghuhula, ngunit masasabi ko nang walang alinlangan; na habang
nabibidbid ang ating paturuang pambansa sa sistemang Amerikano, at habang
tinatagikawan tayo ng wikang Amerikano, mananatili tayong second rater lamang sa
edukasyon, mangagagaya at bayang walang bait sa sarili.
Ang Wikang Filipino’y handa upang gamitin sa deamerikanisasyon ng isang
amerikanisadong mamamayang Pilipino.

You might also like