You are on page 1of 5

AMERIKANISASYON NG ISANG PILIPINO

Ponciano B.P. Pineda

Ang de-Amerikanisasyon ng isang Pilipino ay isa sa pinakamalaking


tungkuling dapat nating gampanan sa kasalukuyan. Ang Amerikanisasyon ay
isang sakit na talamak na sa katawan ng ating lipunan. Bunga nito ang
maraming kapansanan ng bayan.
Isang simulaing kardinal, katotohanan, palibhasa, na ang isang Pilipino’y
mahalagang sangkap ng buong pamayanang Pilipino. At ang
pinagsama-samang indibidwal, ang katipunan ng lahat ng mamamayan ng
bansang ito, ang bumubuo ng sangkapilipinuhan. Habang mahina, habang di
ganap ang pagka-Pilipino ng kabuoang ito ay di tayo makapagtatayo ng
isang lipunang tunay na Pilipino. Ang ugat na dahilan ay nasa uri ng edukasyon
ng isang Pilipino.
Tingnan ang isang pangyayarim bilang halimbawa. Ipalagay nating heto
ang isang batang Pilipino. Ang kanyang pamilya’y kabilang sa mga may
kaunting pribilehiyo sa buhay. Bagay na isinisiwalat ng kanilang katayuang
ekonomiko. Ang batang paksa sa kwento’y nakarating sa unang pagkakataon,
at nanggaya sa unang pagkakataon, sa pabulol na pamamaraan ng mga
salita ng kanyang ina’t ama. “That’s the light,” sasabihin ng ina, sabay turo sa
bumbilyang nagliliyab sa kisame ng bahay. “Now,” sasabihin sa bata, “where’s
the light?” ituturo ng bata. “There!” sasabihin ng ina, paulit-ulit. “That’s your
Mommy,” sasabihin ng ama, “say, Mommy.” Gagayahin ng bata. “He’s your
Daddy,” sasabihin ng ina. “Isno,” wika ng bata. “Eagle,” ang wika ng titser.
“Igel.” gagad ng bata. Ang paaralang ito, nais kong idugtong, ay eksklusibo.
Para lamang sa may kayang magbayad ng malaki. Ari ng dayuhan at
pinamumunuan ng mga relihiyoso.
Papasok ang bata sa regular na grado, sa paaralang ito rin: ari ng mga
dayuhan at pinamumunuan ng mga relihiyoso. Mababasa na niya ang mga
librong bumabanggit ng mga daan sa New York at sa Washington, D.C.
Mamamasid na niya ang Central Park at Central Square. Ang batang ito na
nagsisimla pa lamang ay may guniguni nang lumipad sa lupalop na malayo sa
kanyang tinubuan.
Ang batang paksa natin ay lumalaki, mangyari pa, at nagkaisip. Tuwing
kakausapin siya ng kanyang Daddy at Mommy ay sa wikang Amerikano. Ngunit
may ibang tao sa kanilang tahanan: ang mga taong iyon ay alila o utusan kung
tawagin ng kanyang Daddy at Mommy. Nakita niyang ang mga ito’y
tagapaglinis ng bahay, tagapagluto sa kusina, tagapamili sa palengke,
tagapaligo niya, at malimit na inaalimura ng kanyang mga magulang. Ang
mga taong ito, kung kausapin ng kanyang Daddy at Mommy, ay sa Tagalog.
Hindi siya kinakausap sa wikang iyon ng kanyang Daddy at Mommy. Kaya, sa
kanyang batang puso at utak ay tila mandin napagbubukod niya ang
kagamitan ng dalawang wika: Ingles ang ginagamit ng kanyang mga
magulang sa pakikipag-usap sa kanya; Tagalog, sa pakikipag-usap sa mga alila
o utusan. Ito’y kanyang mapagkakalakhan at kahit na tumanda’y iispin niya,
ipamamansag niya sa katunayan, na ang wikang Tagalog ay ginagamit
lamang sa mga alila.
Ang batang ito’y patuloy sa paglaki. Palaging librong Ingles ang kanyang
binabasa, palaging Ingles-Amerikano, pagkat mga Amerikano ang awtor. Dahil
dito’y ayaw na rin niyang bumasa ng anumang sinulat ng kanyang mga
kababayan sa wikang kanyang kinagisnan. Ang librong nasusulat sa Tagalog ay
nagiging kasuklam-suklam sa kanya. Sa tahanan ay exposed siya sa telebisyon -
sa mga programang ginaganap sa wikang kanyang pinagkamalayan. Gayon
din ang kanyang pinanood sa mga sine. Kahit Class B o Class C sa kanya’y
pinakamagaling pagkat ang mga artistang Amerikano ang nagsiganap.
Samantala, ang pelikulang Tagalog ay bulok sa kanya, walang pasubali.
Siya’y isang ganap nang mamamayan, marahil ay mayroon nang
pananagutan sa buhay. Ngunit mayroon siyang sariling daigdig, daigdig na
kinikislapan ng pumikit-dumilkat na samot-saring kulay ng ilaw dagitab sa piling
ng mga nagsasalita ng Ingles. Malayo sa kanya ang ibang daigdig, ang lalong
malaking daigdig. Ito’y ang lipunan ng mga nakabakya, ng nagsisipagsalita ng
katutubong wika. At sa ganyan ay sumilang ang malaking pagitan ng mga
Pilipinong pribilehiyo sa buhay at sa masa ng ating bayan.
Totoong humaba ang simpleng kwentong aking isinasalaysay. Ngunit
gaya ng inyong napansin, ito’y naglalarawan ng yugto-yugotng pagkahubog
ng isang batang Pilipino sa pagiging Amerikano sa isip, sa salita, at sa gawa.
Anng trahedyang ito’y nakaturo sa ating sistema ng edukasyon. Nang pumasok
ang mga Amerikano sa Look ng Maynila’y dala na nila ang sistema ng
panuruang Amerikano. Ayon sa kasaysayang sinulat ng mga dayuhan at ng
mga Pilipinong gumagamit ng salaming dayuhan - pumarito ang mga
Amerikano upang hanguin tayo sa barbarismo. Bibigyan daw nila tayo ng
edukasyon. Binigyan nga, edukasyong popular pagkat sa simulain ay bukas sa
lahat ng mga mamamayan. Ang wikang panturo ay Kano. Ang mga
asignatura ay huwad sa Kano. malayo na ang panahong iyon ng pagdaong ni
Dewey sa ating pasigan, ngunit narito pa rin ang mga bakas. Isa tayong
kolonya hanggang ngayon. Ang sistema natin ay tunay na kolonyal.
Marahil ay di totoong Amerikano lamang ang dapat nating sisihin. Tayo
man ay may kasalanan. Sa kabila ng katotohanang binigyantayo ng
kalayaang pampolitika, tayo nama’y pinanatiling nakagapos sa kaalipinang
ekonomiko at edukasyonal. Sa pana-panahon ay humihingi tayo ng pag-aaral
sa ating mga suliranin sa pagtuturo. Ang hinihiling nating gumawa nito’y ang
ating dating panginoon, ang mga Amerikano. Sila rin ay nagmungkahi ng mga
kalutasan. At kung di magbunga nang maigi, tayo ang nagdurusa. Kasalanan
natin, ngunit di natin gustong magkaganito. Biktima tayo ng kasaysayan. Ganito
ang ating palad. Gayunman, ang tanong ko’y di na ba tayo bubulas, di na ba
tayo lalaki at di na ba tayo magiging ganap na bansa - sui juris na lengguwahe
ng batas?
Sa sinundang brodkas ay sinabi namin sa inyo kung ano ang paraang
ginagawa sa pagpapalaganap dito ng wikang Amerikano. Ang wika at
edukasyon ay magkaugnay. Ngayon ay marami pang tulong sa edukasyon na
kaloob ng Estados Unidos. Hindi natin matiyak ang mga tali ng tulong na ito. Sa
kawalan ng mga mapanghahawakang kongkretong ebidensiya’y
makapagbibigay lamang tayo ng mga hinuha. Maaaring sabihing ang kaloob
sa atin ay udyok ng damdaming altruistiko ng ating dating panginoon. Ito
kaya’y kapani-paniwala? Hindi ba’t sa maraming pagkakataon ay lumitaw ang
katotohanang sa kapakanang Amerikano lamang ang paglilingkod na
ginagawa rito ng mga Amerikanong kinatawan ng pamahalaang Amerikano,
at pati ng kanilang mga ahenteng na-brainwash pagkatapos magtamasa ng
kwalta ng iskolarsyip at grant?
Isang kababawan, kung di man katunggakan, ang mag-akalang tunay
na nagbubuhos dito na salapi at panahon ang Estados Unidos dahil lamang sa
kapakanang Pilipino. Sa katunaya’y naglilingkod sila sa kapakanan ng Estados
Unidoss at kaluwalhatian ng Unyon. Ito ang hinahangaan ko sa mga
Amerikano, kahit saan sila magtungo, kailan mang panahon, ay nananatili
silang Amerikano. Kapos tayo sa bagay na ito. Tayo pa nga ang tumatayong
tagapagtanggol nila, na para bagang kailangan pa nating ipagtanggol sila.
Ang isang Pilipino, lao na ang kabilang sa pamilyang ginawa kong halimbwa sa
simula ng komentaryong ito, ay madaling maging Amerikano. Kaawa-awa ang
bayang ito!
Ang lahat ng ating pagsisikap na maging tunay na Republikang Pilipino
ay mabibigo habang dayuhan ang sistema ang ating panuruang pambansa.
Tunay na kailangan ang pagbabago, ang rebolusyon sa larangang ito. Ngayon
ay may isang Komisyong nilikha ang Pangulo upang pag-aralan ang sitwasyon
ng edukasyon sa ating bayan. Sana’y maging tunay na Pilipino ang ibubunga
ng Komisyon. Huwag sanang kaligtaan nito ang kahalagahan ng wikang
panturo. Nababatid kong nasa kamay na ng komisyon ang maraming
pag-aaral ng Kawanihan ng Pag-aaralang-Bayan ng Lupon sa Kurikulum, pati
na ang paninindigan ng Lupon sa Implementasyon. Hindi ako isang
manghuhula, ngunit masasabi ko nang walang alinlangan: na habang
nabibidbid ang ating paturuang pambansa ng sistemang Amerikano, at
habang tinatagikawan tayo ng mga Amerikano, mananatili tayong second
rater lamang sa edukasyon, manggagaya, at batayang walang bait sa sarili.
Ang wikang Filipino’y handa upang gamitin sa de-Amerikanisasyon ng isang
mamamayang Pilipino.
Mga Tanong:

1. Ano ang tinutukoy ng may-akda na sakit na talamak na sa ating lipunan?


2. Bakit nasabi ng may-akda na hindi tayo makapagtatayo ng isang tunay
na Republikang Pilipino? Sumasang-ayon ka ba sa kanya?
3. Anong halimbawa o ilustrasyon ang ginamit ng may-akda upang ipakita
na talagang laganap na ang Amerikanisasyon at pagkakaroon ng
kaisipang kolonyal ng mga Pilipino?
4. Batay sa teksto, sinasabi na tayo ay kolonya pa rin hanggang ngayon
pagkat ang sistemang naghahari sa ating bayan ay tunay na kolonyal.
Sumasang-ayon ka ba rito? Bakit?
5. Ano-anong mga salik ang nagbunsod upang yakapin ng mga Pilipino
ang sistemang Amerikanisasyon? Ipaliwanag ang mga ito.
6. Bihira nang gamitin ang salitang Amerikanisasyon sa ating lipunan. Sa
iyong palagay, masasabi mo bang ito ay patuloy pa ring laganap sa
bayan natin sa kasalukuyan? Patunayan.
7. Bakit sinasabing ang wikang Filipino ang susi upang maisagawa ang
de-Amerikanisasyon sa bansa?

You might also like